Monday, December 31, 2012

SIMULAN NATIN ANG BAGONG TAON KASAMA SI MARIA

Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos (K) - Puti
(Mga Bilang 6:22-27/Salmo 67:2-3, 5, 6, 8/Galasya 4:4-7/Lukas 2:16-21)

Unang una po sa lahat, isa pong mapagpala at manigong taon sa ating lahat! 2013 na po, tapos na po ang taong 2012. Ngayong araw pong ito ay ang unang araw ng bagong taon. Unang araw ng taong 2013. Ito po ay isang bagong simula para sa ating lahat. Ang dami ng ating pinagdaanan noong nakaraang taong 2012. Pero, sa awa ng Diyos, naging isang mapagpalang taon ang taong 2012. Ngayon, magkaroon nawa tayo ng bagong simula sa unang araw ng taong 2013.

Bilang pagsisimula sa bagong taon, ipinagdiriwang po ng ating Santa Iglesya ang isang napakagandang solemnidad. Ang Dakilang Kapistahan ni Maria, ang Ina ng Diyos. Sa pamamagitan ng solemnidad na ito, nagbibigay-galang tayo sa ating Mahal na Ina para sa kanyang, "oo." Dahil sa Mahal na Ina, natupad ang plano ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Bilang mga Katolikong nananampalataya kay Kristo, dapat magbigay-galang at mahalin natin ang Mahal na Birheng Maria sapagkat siya ang Ina ni Kristo. Kung hindi dahil kay Maria, hindi maipanganganak si Kristo at mananatili pa ring nakalugmok sa kasalanan ang tao.

Ang kapistahan na ito ay isang paraan ng pagalang ng ating Simbahan sa Mahal na Ina. Mahal na mahal ng Simbahan ang Mahal na Birhen at lubusang ginagalang ang Mahal na Birhen. Nagpapasalamat nga sa Diyos ang ating Simbahan para sa ating Mahal na Ina. Sapagkat siya ang Ina ng Panginoon. Hindi maipanganganak ang Panginoon kung hindi dahil kay Maria. Si Maria ang bagong kaban ng tipan dahil dinala niya sa sinapupunan ang Panginoong Hesukristo, ang pinangakong Mesiyas na magliligtas sa sangkatauhan mula sa kani-kanilang mga kasalanan.

Kung atin pong mapapansin, buong buhay ni Hesus, minahal niya talaga ang kanyang minamahal na Ina. Mahal na mahal ni Hesus si Maria, at ganyan din si Maria kay Hesus. Kapag nakikita ko po ang mga larawan kung saan nagsasama ang batang Hesus o ang Hesus na tumanda na at ang Mahal na Birheng Maria, talagang nararamdaman ko ang lalim na pagmamahal ng ina't anak. Isa pong halimbawa na dapat tularan ng mga ina't anak sina Maria at Hesus. Noong sanggol o bata pa si Hesus, minahal niya ang kanyang inang si Maria. At hindi natapos ang kanyang pagmamahal sa kanyang ina. Kahit malaki na siya, talagang mahal na mahal pa rin niya ang kanyang ina. Siguro kapag nagpapahinga si Hesus mula sa kanyang pangangaral, palagay ko iisipin niya ang minamahal niyang inang si Maria. Nararamdaman ko po ang tunay pagmamahalan sa pagitan ng ina't anak sa pamamagitan nina Hesus at Maria.

Ganyan din po ang ating Simbahan. Mahal na mahal ng Panginoon ang kanyang Ina, kaya minamahal rin ng Simbahan ang Mahal na Ina kung paanong minamahal ng Panginoon ang Mahal na Birhen. Dahil mahal na mahal ng Simbahan si Kristo, minamahal at ginagalang din ng Simbahan ang mga malalapit na tao sa buhay ni Kristo. Katulad ng Ina ni Kristo, lubusang minamahal at ginagalang ng Simbahan. Iyan ay dahil mahal na mahal ni Kristo ang kanyang Ina.

Pero, ang problema ngayon, dahil sa pagmamahal ng Simbahan kay Maria, ang akala nila ay ginagawa nating Diyosa si Maria. Bakit? Ang akala po nila ay sinasamba natin ang Mahal na Ina. Mga dahilan po ng pagsasabi nila ng gayon ay dahil ang daming mga Katolikong nagdarasal kay Maria. Kaya, ang akala halos ng napakaraming mga hindi Katoliko, sinasamba na natin si Maria. Si Maria ay Diyosa raw natin. Hindi po totoo iyon. Mali na iyon kapag may mga Katolikong sumasamba kay Maria. Hindi natin sinasamba si Maria at dapat walang sumamba kay Maria. Dahil, ang dapat nating sambahin ay ang tunay na Diyos na nasa langit. Ang dapat nating gawin kay Maria ay mahalin at igalang, hindi sambahin. Mali ang pagsamba kay Maria. Ang paggalang at pagmahal kay Maria ay tama. Ngayong Taon ng Pananampalataya, ipagtanggol natin ang ating pananampalataya. Iyan ay hamon ko po para sa atin ngayong Taon ng Pananampalataya: ipagtanggol ang pananampalatayang Katoliko.

Bilang ina ni Hesus, si Maria ay nag-aalala para kay Hesus. Siyempre, sino namang ina ang hindi mag-aalala para sa kanyang anak? Talagang malapit sa puso ng isang ina ang anak niyang minamahal. Kahit si Hesus ang Anak ng Diyos, siya rin ay anak ni Maria. Nag-aalala si Maria para kay Hesus dahil mahal na mahal niya talaga ang kanyang anak. Siya ang nag-alaga at nagpalaki kay Hesus. Katulad nga ng Ebanghelyo noong Linggo (Disyembre 30), noong naghiwalay si Hesus kina Maria at Jose, tatlong araw naghanap sina Jose at Maria hanggang sa matagpuan nila ang batang Hesus sa Templo. Tinanong ni Maria si Hesus kung bakit naman ginawa iyon sa kanila ni Jose. Nag-aalala sila para sa kanila nang tatlong araw. Tinugon siya ng ganito ng batang Hesus: "Hindi po ba ninyo alam na dapat kong gawin ang mga gawain ng aking Ama?" Hindi po maintindihan ni Maria ang sinabi sa kanya ni Hesus. Pero, pinagbulay-bulay ni Maria ang mga ito sa kanyang puso. Ganyan rin yung ginawa ni Maria sa ating Ebanghelyo. Dinalaw ng mga pastol sina Jose, Maria at ang sanggol na si Hesus sa sabsaban. Hindi maintindihan kung bakit dinalaw sila ng mga pastol pero pinagbulay-bulay niya ito sa kanyang puso.

Mga kapatid, habang lumalaki si Hesus, pumanaw si Jose. Nakakalungkot po dahil si Jose ang nagturo kay Hesus kung paanong maging karpintero. Ang buhay-karpintero ay mahirap talaga. Kaya, kinailangang turuan si Hesus ni San Jose. At noong namatay si Jose, si Hesus ang nagtrabaho para sa kanilang dalawa ni Maria. Si Hesus na po ang naging karpintero. Gumawa siya ng mga hapag-kainan, mga upuan, etc. para lang mapakain niya ang kanyang sarili at si Maria. Tawag po doon sa Ingles ay hidden life of Jesus. Hindi natin alam kung ano ba ang nangyari pagkatapos maiwan si Hesus sa Templo. Wala na tayong napakinggan tungkol sa Banal na Pamilya. Gumagawa tayo ng mga pagkukunwari kung ano ba talaga ang nangyari kina Hesus, Maria at Jose - ang Banal na Pamilya, pagkatapos mawala si Hesus sa Herusalem. Ang alam po natin ay talagang malalim ang pagmamahal ng Banal na Mag-Anak sa isa't isa. Minahal nina Jose, Maria, at Hesus ang isa't isa.

Mga kapatid, mahalin natin si Maria katulad kung paanong minahal siya ng kanyang Anak na si Hesus. Tandaan, minahal ni Hesus ang kanyang ina buong buhay niya dito sa lupa. At kung mahal na mahal natin si Hesus, patunayan natin sa kanya ang pagmamahal natin sa kanya sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanyang Mahal na Ina. Tunay ngang si Maria ay isang modelo para sa lahat ng mga ina. Si Maria ay isang huwaran, hindi lamang para sa mga ina, kundi para sa ating lahat. Dahil sa kanyang simpleng buhay at sa kanyang pagtalima sa Diyos, isa po itong hamon na dapat nating gawin. Sumunod at tumalima sa Salita ng Diyos at ingatan ito, kahit hindi natin maintindihan. Iyan ay isang halimbawa na dapat tularan sa Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Panginoong Hesukristo. Nakakalugod sa Panginoong Hesu-Kristo ang mga nagmamahal sa kanyang Mahal na Ina. Sapagkat kung tunay ngang mahal natin ang Panginoong Hesukristo, dapat nating mahalin ang kanyang Mahal na Inang Maria. Muli, isa pong mapagpala at manigong bagong taon sa ating lahat!!







(Photos and videos courtesy of owners)



Saturday, December 29, 2012

NASAAN SI JESUS?

Kapistahan ng Banal na Mag-Anak 
(Sir 3, 3-7, 14-17a/Col 3, 12-21/Lu 2, 41-52)

Ang Kapistahan po natin ngayon ay ang Kapistahan ng Banal na Pamilya: si Jesus, Maria at Jose. Nakakatakot po halos ang ating Ebanghelyo. Nawala si Jesus sa ating Ebanghelyo. Kaya, ang pamagat ng homiliya ko ngayon ay, "Nasaan si Jesus?" Nasaan si Jesus? Nawawala na siya kasi sa ating Ebanghelyo. Talagang hanap-hanap si Jesus nina Maria at Jose. Hirap na hirap na sila kasi tatlong araw ang kailangan upang hanapin si Jesus. 

Alam po ninyo, ito po ang pangatlong Hapis ni Maria sa Pitong Hapis ni Maria. Di po ba pito yung hapis ni Maria? Ito po ang pitong hapis ni Maria: 

1) Ang Propesiya ni Simeon. 
2) Ang Pagtakas Patungo sa Egipto.
3) Ang Paghahanap kay Jesus sa Templo. 
4) Sinalubong ni Maria si Jesus sa daang papuntang Kalbaryo. 
5) Ipinako si Jesus sa Krus.
6) Ibinaba si Jesus mula sa Krus. 
7) Si Jesus ay inilibing.

Kung atin pong mapapansin, talagang nalungkot si Maria noong mawala si Jesus. Siyempre, sinong ina ang hindi tatangis kapag nawala ang kanyang minamahal na anak. Kahit gaanong pasaway o masama ang anak niya, malapit talaga sa ina ang anak. Gagawin ng ina ang lahat ng bagay para lamang sa kabutihan ng anak. Ganyan rin si Maria kay Jesus. Responsibilidad o pananagutan ni Maria si Jesus. 

Hindi maintindihan ni Maria kung ano ba talaga ang misyon ni Jesus dito sa lupa. Pero, nananalig pa rin siya sa Diyos. Sumusunod siya sa kalooban ng Diyos. Hindi siya haharang sa plano ng Diyos kahit ang ibig sabihin nito'y masasaktan lamang siya nang lubusan. Mary kept all these things in her heart. She remained faithful to God's will. She followed God's will. 

Noong si Jesus ay nawala, nag-aalala sina Jose at Maria. Kung inyong mapapansin, ang Anak ng Diyos, nawawala. Lagot sila sa Diyos dahil nawawala na ang kanyang anak. Hindi sila responsable sapagkat nawala ang anak nila, mas matindi pa, Anak ng Diyos ang nawala. Pagkatapos ng tatlong araw, saan natagpuan nila ang Panginoon? Sa templo. Tatlong araw silang naghahanap; sa templo pa naman siya natagpuan. Tinanong ni Maria si Jesus, "Anak bakit mo ginawa ito sa amin?" Ang sagot pa naman ng Panginoon, "Hindi mo ba alam na dapat nasa bahay ako ng aking Ama?" Sa Ingles, iba ang pagkasabi ng Panginoon, "Did you not know that I must do my Father's business?" "Ano na namang itong Father's business na kung saan maghahanap pa kami?" Iyon yata po ang iniisip ni Maria pagkatapos matagpuan nila si Jesus sa Templo ng Jerusalem. But Mary kept all of this inside her heart. 

Mga kapatid, ipanalangin nawa natin ang ating mga pamilya. Tularan nawa nila ang pagmamahalan nina Jesus, Maria at Jose - ang Banal na Pamilya. Nawa, maging huwaran, isang halimbawa, ang Sagrada Familia, sa lahat ng mga pamilya sa buong mundo, lalung-lalo na ang pamilyang Pilipino. Tandaan po natin charity starts at home. Charity starts with the family; but it never stays there. Ang pagkakawanggawa ay nagsisimula sa bahay, sa pamilya, pero hindi doon nagwawakas. Kung saan ang pagkakawanggawa ay nagsisimula, doon nagsisimula ang pagmamahalan. Hindi nagwawakas ang pagmamahalan at pagkakawanggawa sa bahay lamang. Sa halip, ito'y pinapalago sa labas ng bahay. Pinapalago ito sa buhay sa labas ng tahanan. Ganyan rin sina Jesus, Maria at Jose. Nagmamahalan sila sa loob at labas ng kanilang tahanan. Naging masunurin nga si Jesus kina Jose at Maria kahit saanman sila. Nawa, ang pagmamahalan nina Jesus, Maria at Jose ay magsilbing halimbawa sa lahat ng mga pamilya sa mundo, lalung-lalo na ang pamilyang Pilipino. 

(Photo courtesy of owners.)

Monday, December 24, 2012

NAGKATAWANG-TAO ANG SALITA

Dakilang Kapistahan ng Kapanganakan ni Jesus (Araw)
(Is 52, 7-10//Heb 1, 1-6/Jn 1, 1-18 o 1, 1-5. 9-14)

Ang ating Ebanghelyo ngayong umagang ito ay iba sa ating Ebanghelyo kanina. Kaninang hatinggabi, ang Banal na Ebanghelyo ay hango sa ikalawang kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Lucas. Ngayong umaga naman po, ang Banal na Ebanghelyo ay hango sa unang kabanata, ang simula ng Ebanghelyo ayon kay San Juan. Ito po ay tungkol sa Salitang nagkatawang-tao. Hango po sa Juan 1, 14 ang sinasabi natin tuwing dinarasal natin ang Banal na Orasyon: "Ang Salita ay nagkatawang-tao at nakipamayan sa atin."

Sa ating Ebanghelyo, pinapakilala ni San Juan na si Jesus ay ang Salita na nagkatawang-tao. Ang Panginoong Jesus ay ang Salita at ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. Si Kristo ay sinugo ng Diyos sa lupa, ngunit hindi nakilala siya ng kanyang mga kababayan. Mahirap po yung buhay ni Kristo. Si Kristo na nga yung sinugo ng Diyos, ngunit hindi man lang siya kinilala o kaya tinanggap ng kanyang mga kababayan. Talagang napakasakit na iyon para sa Panginoong Diyos. Ang Diyos ang lumikha sa lahat ng bagay, lalung-lalo na ang mundo. Ngunit, hindi nakilala o tinanggap ng sanlibutan ang Panginoon.

Nangaral si San Juan Bautista sa ilang at nagpatotoo siya sa lahat ng mga nakikinig sa kanya sa ilang tungkol sa ilaw. Hindi siya ang ilaw, ngunit ang susunod sa kanya ay yung ilaw. Bago pa man isinilang si Juan Bautista, siya'y siya na. Kung sinabi iyan ni Juan na siya nga ang ilaw at ang pinagakong susuguin ng Diyos, nagsisinungaling siya sa gayon. Hindi niya maihahanda ng daan ang Panginoon. Sinugo ng Diyos si San Juan Bautista upang ihanda ang daraanan ng Panginoon. Kinakailangang ihanda ang mga tao para sa Pagdating ng Panginoon. Tapos, ang gagawin lang niya, magsisinungaling sa mga tao na siya nga ang ilaw? Hindi maitutupad ni Juan Bautista ang kanyang misyon at sa pamamamagitan noon, nagyayabang na siya. Inamin ni Juan Bautista ang totoo: hindi siya ang ipinangakong susuguin ng Diyos. Siya'y tagapaghanda lamang.

At noong dumating ang Salita na nagkatawang-tao sa tao ni Jesus, hindi na nakilala o nalaman ng mga tao na nasa mundo na ang Mesiyas. Hindi nila nakilala ang Mesiyas. Ang akala lamang ng mga tao kay Jesus ay isang pangkaraniwang tao lamang siya. Pero, isang simpleng tao si Jesus sapagkat dahil mahal na mahal niya ang lahat ng tao, hinubad niya ang lahat ng pagiging Diyos niya at naging kapantay natin bilang tao. Namuhay siya bilang isang normal na tao, maliban na lamang sa kasalanan.

Ang pagpapakababa ni Jesus ay siyang dapat nating tularan. Noong pumasok siya sa daigdig, ipinaganak siya sa isang sabsaban at lumaki bilang isang mahirap. Napakarhirap ng buhay niya ngunit dahil mahal na mahal niya ang tao, namuhay siya bilang isang mahirap. Mahirap na nga yung Banal na Mag-Anak -- si Jesus, Maria at Jose. Maka-masa talaga si Jesus, masasabi ko lamang po.

Noong pumasok siya sa mundo, hindi ipinagyabang ni Jesus ang kanyang pagiging Diyos. Sa halip, sa tulong ng pagpapakumbaba at dahil siya ay Diyos, ipinahayag niya ang kalooban ng Diyos dahil mahal na mahal niya ang tao. Gusto niyang mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos ang lahat ng tao. May mga nagalit sa kanya, at tuloy, ipinagpatay siya sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Pero, sa ikatlong araw, siya'y muling nabuhay.

Alam po ninyo, sa panahon ngayon, kadalasan nakakalimutan natin ang tunay na bida sa araw ng Pasko. Halos ang bida tuwing Pasko ay si Santa Claus. Si Santa Claus ay cincomersyo, kaya, halos lahat ng mga tao ay naghihintay para sa Pasko. Para makakapag-Christmas shopping, etc. Dahil doon, nakakalimutan ng mga taon ang tunay na dahilan ng Pasko. Si Jesus ang tunay na bida ng Pasko. Ibalik si Jesus sa Pasko. Dahil, tunay ngang ang Panginoong Jesukristo ay ang dahilan kung bakit may Pasko.

Maligayang Pasko po muli sa ating lahat!!

NOONG PASKONG UNA

Hatinggabi sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
(Is 9, 1-6/Slm 95/Tito 2, 11-14/Lu 2, 1-14)

Unang una po sa lahat, nais ko pong batiin kayong lahat ng isang mapagpala at maligayang Pasko sa inyong lahat. Tapos na po ang panahon ng Adbiyento. Natapos na rin po natin ang siyam na araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo. Tapos na ang paghihintay. Sumapit na ang araw na pinakahihintay nating lahat. Ang Kapaskuhan. December 25. Alam ko pong excited na excited na po kayong makapag-Noche Buena kasalo ang pamilya niyo. Tutal, isa pong tradisyon sa Paskong Pinoy ang Noche Buena kasama ang pamilya. Meron rin pong mga Christmas party, etc. Lahat po iyan ay ginagawa dahil masaya ang mga tao. Kaya, isa pong maligayang pasko muli.

Ngayon, kung inyong mapapansin, ang pamagat po ng homiliya ay "Noong Paskong Una." Alam po nating lahat na isang kanta ng Bukas Palad Music Ministry itong awiting ito. Ganito po yung lyrics:

Noong Paskong Una,
si Mariang Ina 
sanggol niyang kay ganda 
'pinaghele sa kanta
awit niya kay rikit.
Anghel doon sa langit 
sa tamis naakit 
sumamang umawit 

Pasko na! Pasko na! Pasko na! 
Sumabay, sumabay sa kanta, 
ni Mariang sa NiƱong kay ganda.

Sa kantang ito, isinalaysay ang Kuwento ng Kapanganakan ng Panginoon. Ang Diyos Anak ay nagkatawang-tao sa Unang Pasko. Isinugo ng Diyos ang kanyang Bugtong na Anak, ang Pangalawang Persona sa Banal na Trinidad, upang iligtas tayong lahat mula sa kasalanan at kamatayan. Isinilang ang Anak ng Diyos sa sinapupunan ng isang Birhen, at siya'y tatawaging Emmanuel (Ang Diyos ay kasama natin). Pero, kung atin pong mapapansin, dumanas ng matinding hirap ang Banal na Pamilya. Dumanas nga sila ng matinding hirap noong pumunta sila sa Betlehem, kagaya nga ng sinasabi sa ating Ebanghelyo.

Noong pumunta sina Jose at Maria sa Betlehem, wala silang mapupuntahan. Hindi sila tinanggap sa bahay-panuluyan sapagkat punong-puno ang mga bahay-panuluyan. Wala na silang espasyo doon sa loob ng mga bahay-panuluyan. Nanganganak na nga noon si Maria. Talagang napakahirap ang dinaranas nina Maria at Jose noong gabing iyon sa Betlehem. 

Kaya, pumunta silang dalawa sa isang sabsaban. Sa sabsaban, doon nakatira ang mga hayop. Doon sila kumakain, etc. Talaga naman hindi maganda ang lugar na iyon para sa Anak ng Diyos. Pero, wala silang magawa. Iyon ay bahagi ng plano ng Diyos. Ipanganak ang Diyos Anak sa isang sabsaban sa Betlehem. Sa sabsaban na iyon, ipinanganak ng Mahal na Ina ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng lahat ng tao. Ipinanganak si Kristo sa sabsaban pagdating ng Mahal na Birhen at Senor San Jose sa sabsaban.



Noong Paskong Una, talagang mahirap yung buhay nina Mahal na Birheng Maria at ni San Jose. Nahirapan sila sa paghahanap ng lugar kung saan mapanganak si Kristo. Ang mahanap nila ay isang sabsaban kung saan kumakain ang mga hayop. Pero, ito ay isang halimbawa ng pagpapakumbaba ng Diyos. Ayon nga kay Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos: hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao, at namuhay na isang alipin. (Taga-Filipos 2, 6-11) 


Sa gabing ring iyon, umawit ng mga anghel sa kalangitan ng, "Gloria in Excelsis Deo," na ang ibig sabihi'y, "Papuri sa Diyos sa kaitaasan!" Nagpuri ang kalangitan sapagkat ipinanganak na ang pinangakong Mesiyas. Narito na ang Mesiyas. Sumilang na siya. Sumilang na siya sa isang sabsaban sa Betlehem. Dinalaw ng mga pastol ang Kristong isinilang ng Mahal na Birhen. Dinalaw si Kristo ng mga pastol na nag-aalaga sa kanilang mga tupa. At nagpuri ang mga pastol pagkatapos nilang makita ang Kristong Anak ng Diyos. Hinahanap rin si Kristo ng Tatlong Pantas mula sa silangan (Tatlong Hari), at nang mahanap siya ng Tatlong Hari, sila'y nagbigay-galang sa kanya at nag-alay ng ginto, mira, at kamanyang. 

Talagang mahirap iyong buhay nina Jose at Maria. Noong ipinagpatay ni Haring Herodes yung mga bata sa Betlehem, nagtago sina Jose, Maria, at ang sanggol na Jesus. Nasa panganib na si Jesus noon dahil gusto siyang ipagpatay ni Herodes. Bakit? Sapagkat hindi bumalik sa kanya ang Tatlong Haring Mago. Hindi niya tuloy nakita ang sanggol na Jesus. Kaya, pinagpatay niya ang lahat ng mga sanggol sa Betlehem para sakali, makita niya si Jesus. Mabuti na lang, inutusan si Jose ng mga anghel na idala sina Maria at Jesus sa ibang bayan. Nagtago sila sa Egipto. Pagkatapos mamatay si Herodes, umuwi sila sa Nazaret. 

Alam po ninyo, ang mga balita ngayon tungkol sa mga biktima na nasalanta ng bagyong Pablo, wala silang tahanan upang makapagdiwang sila ng Pasko. Wala silang lugar upang makasalo ang kanilang pamilya ngayong araw ng Pasko. Kaya, isama nawa natin ang mga biktima ng bagyong Pablo sa ating mga panalangin sa Diyos sa araw na ito. Tandaan, isang mabuting gawa ang pag-dasal para sa kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga mahihirap. 

At yung latest, naisabatas na po ang RH Bill. Nanalo ang mga pro-RH. Pero, hindi pa tapos ang labanang ito. Patuloy na gagawa ang paraan ang ating Simbahan upang ipaliwanag na mapanganib ang batas na ito. Bago naisabatas ang RH Bill, patuloy na pinagpapaliwanag ng Santa Iglesya na ang batas na ito ay mapanganib sapagkat hindi ito ang gusto ng Diyos. Pero, naisabatas na ang RH Bill. Kahit na isinabatas na ang RH Bill, patuloy na ipapaliwanag ng Simbahan na ito'y mapanganib, ito'y tutol sa nais ng Diyos, at tutol ang ating Santa Iglesya sa batas na ito.

Balikan po natin yung mga biktima ng bagyong Pablo. Kapag nakikita ko ang mga litrato nila sa internet o napapanood sa TV, radyo, o nababasa sa mga dyaryo, naaalala ko po ang mga hirap na dinanas ng Banal na Mag-Anak na si Jesus, Maria at Jose noong Paskong una. Talagang napakaraming hirap na dinanas nila. Ngunit, sa gitna ng mga hirap na dinanas nila, patuloy silang nagmahalan. Patuloy ang pagmamahal sa isa't isa. Tinulungan nila ang isa't isa. Nanatili silang magkasama hanggang sa araw lumaki si Jesus (mga 30 taong gulang). Bago pa man naging 30 taong gulang si Jesus, pumanaw si Jose. Kaya, ang Panginoong Jesus ay nagtrabaho at ang bumuhay sa kanyang pamilya. Si Jesus ay tumulong sa kanyang inang si Maria. Sana, ganyan rin po tayo, magtulungan tayo sa isa't isa, katulad ng pagtutulungan nina Jose, Maria, at ang Panginoong Jesukristo. 

Muli, maligayang Pasko sa inyong lahat!!

NOONG PASKONG UNA (By: Intsik-Baguio)

(Photos courtesy of owners) 

Saturday, December 22, 2012

BIRHENG MARIA: PINAGPALA SA LAHAT NG MGA BABAE

Ika-4 na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
at Ika-8 Araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo
(Mik 5, 1-4a/Slm 79/Heb 10, 5-10/Lu 1, 39-45)

Ang Ebanghelyo natin ngayong Ika-4 na Linggo ay hango mula sa unang kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Lucas. Ito po ay tungkol sa pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang kamag-anak o pinsan na si Elisabet. Ito rin po ang pangalawang Misteryo ng Tuwa sa ating Santo Rosaryo. Kung inyo pong mapapansin, ang pagninilayan natin ay tungkol kay Maria, ang pinagpalang babae sa lahat. Kagaya ng sinabi ni Elisabet, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasasabi sa iyo ng Diyos!"

Balikan po natin ang pagdalaw ng Anghel Gabriel kay Zacarias, ang ama ni San Juan Bautista.
Maitatanong natin kung bakit bang naging pipi si Zacarias habang wala namang nangyari sa Mahal na Ina. Ganito po ang nangyari kay Zacarias. Si Zacarias ay matagal nang nagdasal para magkaanak sila ng kanyang asawang si Santa Isabel. Noong pumasok siya sa templo, nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon. At iyon nga, si Anghel Gabriel ay nagpakita sa kanya.  Nagbalita ang Anghel Gabriel sa kanya na magkakaanak na si Elisabet sa kabila ng kanyang katandaan (baog na po si Elisabet) at ang ipapangalan nila sa anak nila ay Juan.

Pero, bakit naging pipi si Zacarias? Nagtatanong lang naman si Zacarias kung paanong mabubuntis si Elisabet, ba't naging pipi siya? Ganito po iyon, eh. Matagal nang ninanais ni Zacarias na magkaanak sila ni Santa Isabel. Eh, noong ibinalita sa kanya ng Anghel na magkaka-anak na si Elisabet, naku, biglang inisip ni Zacarias, "Naku, Diyos ko po! Imposible yata ito! Matanda na nga kami ng asawa ko, doon na kami magkakaanak!" Nawalan siya ng pananalig sa Diyos na lahat ay posible sa kanya. Kaya, isinumpa siya ng anghel Gabriel na magiging pipi siya hanggang sa araw na ipanganak ni Elisabet si Juan Bautista. Negatibo dito ang tono ng tanong ni Zacarias. Hindi siya nagtanong nang may pananalig. Hindi siya nanalig. Kaya naging pipi siya.

Ngayon, dumako po tayo sa sitwasyon ni Maria. Ganito rin ang nangyari sa kanya. Nagpakita sa kanya ang anghel Gabriel. Pero, ang pagkakaiba nina Maria at Zacarias ay hindi naging pipi si Maria. Bakit? Ganito po ang nangyari. Habang nagdarasal si Maria sa kanyang kuwarto, bigla na lang nagpakita sa kanya ang anghel Gabriel. Noong sinabi ng anghel sa kanya, "Makinig ka!" nakinig si Maria sa mga sasabihin sa kanya ng anghel.

Sinabi ng anghel kay Maria, "Ikaw ay maglilihi, manganganak ng isang lalaki, at siya ang Anak ng Diyos." Ang tanong ni Maria, "Paano mangyayari ito?" May tanong po siya sapagkat nakikinig siya sa mga sinasabi ng anghel sa kanya. At ang dahilan ay hindi niya maunawaan nang mabuti ang mga sinasabi sa kanya ng anghel. Dagdag pa niya, dalaga pa siya, wala siyang asawa. Iyon halos ang problema, walang ama yung bata. "Paano mangyayari ito, dalaga pa ako at tutal, wala akong boyfriend?"

Ito rin ay halos tinatanong ni Maria, "Paano kong magagampanan itong napakalaking pananagutan na maging Ina ng Anak ng Diyos? Ito'y isang napakalaking pananagutan. Ang Anak ng Diyos, magiging anak ko rin? Palagay ko hindi ko makakayanan itong napakalaking pananagutan na ibinibigay sa akin ng Diyos. Ako ang mag-aalaga at magiging ina ng Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Paano?" Hindi niya maintindihan ang mga sinasabi sa kanya ng anghel, ngunit gusto niyang malaman kung ano ang ibig sabihin noon.

Sumagot ang anghel sa kanya at nakinig na naman si Maria sa sagot ng anghel sa kanya,
"Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at nililiman ka ng kataastaasang Diyos.... sapagkat walang mapangyayari ang Diyos." Hinirang ng Diyos si Maria na maging Ina ng Anak ng Diyos. Halos imposibleng mangyayari na ang isang dalaga ay maglilihi at manganganak. Pero, sinabi ng anghel kay Maria, "Walang imposible sa Diyos." (Nothing is impossible with God)

Ang tugon naman ni Maria, "Ako'y alipin, ako'y alipin ng Panginoong Diyos, maganap nawa sa akin ayon sa wika mo." Pagkatapos noon, hindi siya naging pipi. Bakit? Nanalig siya na mapangyayari ng Diyos ang ipinasasabi sa kanya ng anghel. Kaya, si Maria ay isang napakagandang halimbawa o huwaran nating lahat (lalung-lalo na ng mga ina). Si Maria'y nakinig, nanalig, at buong pusong iniligay sa kanyang puso ang mga Salita ng Diyos.

Mga kapatid, malapit na po ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Dalawang araw na lamang po at makukumpleto na po ang ating paglalakbay at paghihintay sa panahon ng Adbiyento. Ilang araw na po, ipagdiriwang ng ating Simbahan ang kapanganakan ng Panginoon. Nawa, sa tulong ng Adbiyento at Simbang Gabi (o Misa de Gallo), naihanda na ang ating mga sarili para sa Kapaskuhan.

(Photos courtesy of owners)

Saturday, December 15, 2012

MAGALAK TAYO: MALAPIT NA ANG PAGDATING NI JESUS

Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon, Linggo ng Gaudete, at Unang Araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo - (K) - Biyoleta, Rosas (o liliya), o Puti
(Sof 3, 14-18/Is 12, 2-3. 4bkd. 5-6/Fil 4, 4-7/Lu 3, 10-18)

Ngayong Linggong ito ay ang tinatawag nating Linggo ng Gaudete (Gaudete Sunday). Ang Linggong ring ito ay ang Unang Araw ng ating Pagsisiyam na tinatawag nating "Simbang Gabi," o kaya, "Misa de Gallo." Ang Gaudete Sunday ay hango mula sa salitang Latin na Gaudete na ang ibig sabihi'y, "magalak." Kaya, kung inyong mapapansin, ang pari ngayong Linggong ito ay nakasuot ng espesyal na kulay na tinatawag nating Rosas. Sa Ingles, ito po ay tawag na pink o kaya rose. Sinisindi po natin ngayon ang Ikatlong Kandila sa ating Koronang Pang-Adbiyento. At ang ikatlong kandila na ito ay ang Kandila ng Kagalakan. Pero, ang tanong, ano ba ang kailangan natin ikagalak ngayong ikatlong Linggo sa Panahon ng Adbiyento pa lamang tayo?

Sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito, ipinangangaral ni San Juan Bautista ang pagsisisi sa lahat ng mga taong nakikinig sa kanya sa Ilog-Jordan. Ipinaghahanda niya ang lahat ng mga tao upang makasalubong nila ang ipinangakong Mesiyas. Ang bunga nito, ang pag-aakala ng mga tao na si Juan Bautista nga ang pinangakong darating. Inamin ni Juan, siyempre, na hindi nga siya ang pinagakong darating. Ayon nga sa unang kabanata sa Ebanghelyo ni San Juan, sinabi niyang isa lang siyang tinig na sumisigaw mula sa ilang. Ang tanong: bakit siya nagbibinyag? Ang sagot ni Juan? Nagbibinyag lang siya sa pamamagitan ng tubig. Ngunit alam niyang may susunod na sa kanya na mas makapangyarihan pa kaysa sa kanya. Siya ay magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Kilala natin kung sino ang tinutukoy ni Juan dito - ang kanyang pinsang si Jesus.

It's never too late to repent. Hindi pa huli ang lahat. Hinihintay palagi tayo ng Diyos na pagsisihan natin ang ating mga kasalanan laban sa kanya. Ang Diyos ay naghihintay sa Sakramento ng Kumpisal. Ikumpisal natin ang ating mga kasalanan. Hindi tayo itatakwil ng Diyos dahil may kasalanan tayo laban sa kanya. Mahal na mahal tayo ng Diyos. Nais niyang tulungan tayo sa ating paghahanda. Part of preparing the Way of Our Lord Jesus Christ is repenting. Bahagi ng paghihintay sa pagdating ng Panginoong Jesukristo ang pagsisisi. Hinihintay tayo ng Panginoong Jesus sa Sakramento ng Kumpisal. Naalala po ba ninyo ang kriminal na si Dimas? Halos huli na ang lahat para sa kanya. Buong buhay niya, siya'y nagkasala laban sa Diyos. Pero, noong nakasama niyang ipinako si Kristo sa krus, ipinagtanggol niya si Kristo at hiniling niya kay Kristo na isama siya sa kanyang kaluwalhatian sa langit. Ano ang sagot ni Kristo? Ang sagot ng Panginoon: "Tunay kong sinasabi sa iyo: sa araw na ito ay makakasama kita sa Paraiso." (Lu 23:43) Isang halimbawa ng pagsisisi si Dimas. Sapagkat si Dimas, kahit mukhang huli na ang lahat at wala na siyang pag-asang makapasok sa langit, humingi siya ng tawad mula kay Kristo at pinatawad siya mula sa kanyang mga kasalanan ng Panginoon.

Ngayon, dumako po tayo sa mga maiinit na usapin ngayong panahon ng Adbiyento: ang RH Bill. Ang RH Bill ay dinedebate sa kongreso magpahanggang ngayon. Nakakalungkot pong pumasok na naman po ang isyung ito ng RH Bill. Bakit? Sapagkat napakaraming mga masasamang epekto ang RH Bill. Naku, ginagawa na lang laruan ang sex ng napakaraming kabataan ngayon kung isasabatas ang RH Bill. Pinapalaganap rin ng RH Bill ang abortion. Ayon nga po kay Archbishop Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan sa latest pastoral letter ng CBCP (Catholic Bishop's Conference of the Philippines), Contraception is Corruption! Ang Kontrasepsyon ay Katiwalian! Bakit katiwalian ang contraception? Contraception corrupts the soul, sabi nga ni Archbishop Soc. Ang tinatawag nating sex before marriage, ito po ay ayon sa marami ay tama. Pero mali ang sex before marriage. Sex before marriage is not correct, it is wrong. Hindi tama yung makipagtalikan ang isang lalaki at babae nang hindi pa asawa. Ano ba 'yan?

Ay Diyos ko po! Ano pa? Kaya nga tutol ang ating simbahan sa RH Bill. Napakaraming negatibo tungkol sa batas na ito, eh. Napakaraming mga mali, kasinungalingan, at mga masasamang bagay ang nilalalaman ng RH Bill. Noong December 12 nga sa National Shrine of Our Lady of Guadalupe sa Makati, pinangunahan ng Mahal na Kardinal ng Maynila, si Luis Antonio Cardinal Tagle ang Fiesta Mass tanghaling tapat. Pero, espesyal yung isinagawang Fiesta Mass nila. Bakit? Sapagkat hindi lamang Fiesta Mass lamang ang Concelebrated Mass na pinangunahan ni Kardinal Chito Tagle, kundi ang Misang iyon ay para sa pagboboto ng RH Bill. Ipinagdadasal ng lahat ng mga Katolikong Pinoy sa lahat ng mga simbahan sa Pilipinas ngayon na ibasura nawa ang RH Bill! Hindi na kailangan ang RH Bill!!! Ibasura ang RH Bill!!!!!! Hindi kalooban ng Panginoon na mamatay ang lahat ng mga sanggol sa sinapupunan ng kanilang mga ina!!! Hindi kalooban ng Panginoon na patuloy maghirap ang mga kapatid nating mahihirap dahil sa RH Bill.

Sa mga tutol sa RH Bill, saludo po kami sa iyo! Sa mga wala pang desisyon tungkol sa RH Bill, nawa'y maliwanagan kayo at panindigan nating lahat ang katotohanan. Ang RH Bill ay hindi makakatulong sa ating bayan; sa halip, ito lamang ang mas magbibigay hirap sa ating bayan. Huwag tayong magpaloko sa RH Bill. Hindi makakatulong ang RH Bill sa mga kapatid nating mahihirap. Ayon nga kay Archbishop Soc, mapapanganib na ang ating bansa kung maisasabatas ang RH Bill. Kaya, liwanagan tayo ni Jesus ngayong panahon na ito. Siya ay para sa mga bata, mga babae, at mga mahihirap, ayon kay Archbishop Soc Villegas. YES TO LIFE, NO TO RH BILL!!!! Magalak tayong lahat!! Malapit na po ang Pasko. Malapit na ang Pagsilang ni Jesus.



Saturday, December 8, 2012

SAN JUAN BAUTISTA: TAGAPAGHANDA NG DAAN NG PANGINOON

Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
(Baruc 5, 1-9/Salmo 125/Filipos 1, 4-6. 8-11/Lucas 3, 1-9)

Ngayong Ika-2 Linggo sa Panahon ng Adbiyento ay ang Linggo ng Paghahanda. Ang Linggong ito ay ang Linggo ng Paghahanda sapagkat makikita natin na naisindi na ang pangalawang kandila sa ating koronang pang-Adbiyento. Katulad ng sinabi ko noong nakaraang Linggo, kailangan natin ipaghanda ang ating mga sarili para sa dakilang pangako ng Diyos. At iyon nga po ang matutunghayan natin sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Pinaghahanda ni San Juan Bautista ang lahat ng mga tao para sa pagdating ng Manunubos.

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan po natin ang pangangaral ni Juan Bautista. Kilala po natin si Juan Bautista bilang anak nina Zacarias at Elisabet at ang kamag-anak o pinsan ng Panginoong Jesukristo. Noong dumating kay Juan ang Salita ng Diyos, ipinangangaral niya ito sa ilang. Ito ay bilang pagtupad sa sinasabi ni propeta Isaias na mayroong tinig na sumisigaw sa ilang. Ang tinig na iyon ay galing kay Juan Bautista. Sapagkat pinagngangaral ni Juan ang pagsisisi upang ipaghanda nila ang daraanan at pagdating ng Panginoon sa kanyang bayan. Kaya nga, si Juan Bautista ay isang importanteng karakter sa panahon ng Adbiyento. Ipinaghahanda niya ang bayang Israel para sa pagdating ng Mesiyas, ang Kristo, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.

Ngayon, magtataka tayo, bakit ang daming tao pumupunta kay Juan? Pumupunta ang mga tao kay Juan upang magpabinyag para sa ikapagpapatawad ng kanilang kasalanan. Bahagi ng paghahanda para sa pagdating ng Mesiyas ay ang pagsisisi at pagtatalikod mula sa kasalanan. Hindi po ba, kapag may darating o pupunta sa ating bahay, dapat nating ipaghanda ang ating bahay upang magmukhang maganda at magustuhan ito ng bisita. Well, ganoon rin sa sitwasyon ng mga tao. Dahil sa alam nilang may ipinagakong Mesiyas na darating, kinailangan nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan upang masalubong nila ang mga Mesiyas. Nakinig sila kay Juan sapagkat si Juan ang huling propeta. Kaya, ang lahat ng mga tao ay natakot at nagbagong-buhay. Bakit? Sapagkat nakakatakot ang mga sinasabi rin ni Juan Bautista. Kaya, biglang napakaraming sumusunod kay Juan.

Pero, ito ang sitwasyon, hindi si Juan ang Mesiyas, si Elias, o ang propeta. Kumakalat ang mga tsismis na si Juan na nga ang ipinagako ng Panginoong Diyos. Kung kaya lang sabihin ni Juan, maari niyang sabihin na siya nga ang Mesiyas. Pero, hindi iyon ginawa ni Juan. Bakit? Sapagkat alam ni Juan na isang napakalaking sinungaling iyon. Magagalit sa kanya ang Diyos dahil hindi niya ginawa ang kanyang misyon. At ano ang misyon ni Juan? Ipaghanda ang lahat ng mga tao para sa pagdating ng Tagapagligtas - si Jesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos. Magiging masikat sana si Juan kung sinabi niyang siya nga ang Mesiyas. Pero, hindi niya iyon ginawa, eh. Nagpakumbaba siya at buong tapang na inamin na hindi siya ang Mesiyas. Alam niya na ang Mesiyas ay ang kanyang kamag-anak, ang Panginoong Jesus.

Ngayon, kung makikita natin, noong pumunta si Jesus kay Juan upang magpabinyag, pinakita at pinakilala ni Juan si Jesus bilang Kordero ng Diyos. Sapagkat siya ang tinutukoy niya sa kanyang pangangaral. Alam ni Juan na noong nabinyagan niya si Jesus, siya yung magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Alam din ni Juan na si Jesus ang pinagakong Mesiyas na isususugo ng Diyos sa kanyang bayang Israel. Kaya, bigla na rin sumusunod kay Jesus ang mga alagad ni Juan. Sapagkat sinabi ni Juan, "Kinakailangang siya ay maging dakila, at ako nama'y mababa." (Juan 3:31) Ito po yung sa Ingles, "He must increase, I must decrease." 

Hindi lamang po nagkaroon ng napakaraming tagahanga at tagasunod si Juan. Ang daming nagagalit rin sa kanya. Nagagalit sila dahil sa mga sinasabi niya laban sa mga may autoridad. Ang isang halimbawa ay si Herodias, ang asawa ni Felipe. Sumama si Herodias kay Herodes at nang makita ito ni Juan, pinagsabihan niya si Herodes na ibalik na niya si Herodias kay Felipe. Naku, ang nangyari at ang bunga noon, nagalit sa kanya sina Herodes at Herodias, at pinakulong. Habang nakakulong, nakikinig si Herodes kay Juan. Pero, pinagpatay niya si Juan noong araw ng kanyang kaarawan. Sumayaw si Salome, ang anak ni Herodias, at nagustuhan ni Herodes ang sayaw ni Salome. Noong may ipinaghingi si Herodes kay Salome, hiningi ni Salome ang ulo ni Juan Bautista, katulad ng sinabi ng kanyang ina. Talagang hindi kaya ni Herodes na ipagpatay si Juan dahil alam niyang isang banal na tao si Juan. Ngunit dahil ipinagko ni Herodes na ibibigay niya ang hiling ni Salome, pinagpugutan ng ulo si Juan at ibinigay sa kanya.

Buong buhay ni Juan, ipinaghanda niya ang lahat ng tao para sa Pagdating ng Poong Jesus. Sumunod siya sa kalooban at plano ng Diyos, at ginantimpalaan siya ng Diyos pagdating niya sa langit. Tunay ngang si San Juan Bautista ang Tagapaghanda ng Daan ng Panginoong Jesukristo. Sundan nawa natin ang mensahe ni Juan tungkol sa pagsisisi at pagtatalikod ng ating mga kasalanan upang masalubong natin ang Mesiyas sa Katapusan ng Panahon. Amen.


Photo source: (http://mccabq.com)

Saturday, December 1, 2012

ADBIYENTO: PANAHON NG PAGHIHINTAY, PANAHON NG PAG-ASA

Unang Linggo ng Panahon ng Pagdating ng Panginoon (Taon K)
(Jer 33, 14-16/ Slm 24, 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14/
1 Tes 3,12-4:2/Lu 21,25-28, 34-36)

Ngayong Linggong ito ay ang Unang Linggo ng Adbiyento, ang Panahon ng Paghihintay at Paghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang. Sa Linggong ring ito, pumapasok tayo ng Bagong Taon sa Kalendaryo ng ating Simbahan. Sinisimulan ngayong Linggo ng ating Simbahan ang Taon K. Ngayong Linggong rin ito ay ang Linggo ng mga Katolikong may Kapansanan. Ipagdasal po natin ang ating mga kapatid na may kapansanan, huwag lamang pag ngayong Linggong ito, kundi araw-araw natin isama sa ating mga panalagin ang ating mga kapatid na may kapansanan.

Ano ba ang Adbiyento? Una, galing sa salitang Latin Adventus ang salitang Adbiyento. Ang ibig sabihin ng salitang Adventus ay "pagdating." Ang panahon ng Adbiyento ay tungkol sa paghihintay at paghahanda para sa Pasko. Puwede nating sabihin na ang panahon ng Adbiyento ang tinatawag nating Christmas countdown ng ating Inang Simbahan. Sapagkat, sa panahon ng Adbiyento, dito natin hinahanda ang ating sarili para sa Dakilang Kapistahan ng Kapanganakan ng Panginoon. Paano nating hinahanda ang ating sarili para sa Kapaskuhan? Kinukumpisal ang ating mga kasalanan sa pari sa Sakramento ng Kumpisal, sumasama sa Advent Recollection, gumawa ng mabuti sa kapwa lalung-lalo na ang mga mahihirap, etc. Ang mga bagay na ito ay makakatulong sa atin na maging handa para sa Araw ng Pasko. Sapagkat iyon talaga ang Diwa ng Kapaskuhan, gumawa ng mabuti sa kapwa-tao. Kaya, sana, gawin natin araw-araw ang paggawa ng mabuti sa kapwa-tao.

Isa sa mga bagay na itinatampok ng ating Simbahan ang tinatawag nating Korona ng Adbiyento o  kaya ang Advent Wreath. Kung ating mapapansin, ang Korona na ito ay may apat na kandila. Tatlong kandila ay kulay biyoleta, habang ay isa ay kulay rosas. Ang tatlong biyoletang kandila ay isinisindi sa Una, Ikalawa at Ika-Apat na Linggo samatala naman ang kandilang kulay rosas ay isinisindi sa Ikatlong Linggo ng Abiyento. Ano sinasagisag ng apat na kandila na ito? Ang apat na kandila sa korona na sumisimbolo sa apat na Linggo sa panahon ng Adbiyento ay sumasagisag din kay Kristo, ang liwanag ng sanlibutan. Sinisimbolo ng bilog o korona kung saan nakapatong ang apat na kandila na ito ang Diyos na walang simula at walang katapusan. Ang mga sangay naman ay sumasagisag sa buhay na walang hanggan. Sa ilang simbahan, pagsapit ng Pasko, mayroon silang puting kandila na isinasama sa koronang pang-Adbiyento. Sumisimbolo ito sa Kapanganakan ng Panginoon.

Ngayon, ipapaliwanag ko na po sa inyo ang kahulugan ng apat na kandila sa koronang pang-Adbiyento. Tandaan po natin na ang biyoleta ay sumasagisag sa pagsisisi habang ang rosas naman ay sumasagisag sa kagalakan. Ang Unang Kandila ay ang Kandila ng Pag-Asa. Bakit? Sapagkat maaasahan natin na palaging tutuparin ng Diyos ang Kanyang pinagako. Pinagako ng Diyos na isusugo Niya ang isang dakilang Sugo na tinatawag na Mesiyas, ang Kristo, ang Tagapagligtas ng sansinukob. Sino ang Mesiyas? Si Jesus, ang ating Panginoon, ang Bugtong na Anak ng Diyos. Ang Pangalawang Kandila naman ay ang Kandila ng Paghahanda. Katulad ng sinabi ko, palagi natin maaasahan ang Diyos na tutuparin Niya ang Kanyang pangako sa sangkatauhan. Pero, kailangan natin maging handa para sa pangako ng Diyos.  Kailangang maghanda ang sangkatauhan para sa dakilang pangako ng Diyos. Ang Pangatlong Kandila naman ay ang Kandila ng Kagalakan. Kagalakan dahil malapit na ang Pasko. Malapit na ang araw kung saan tinupad ng Panginoong Diyos ang Kanyang pangako sa sangkatauhan. Umawit ng isang awit ng galak ang mga anghel sa langit noong ipinanganak si Jesus sa Betlehem. At panghuli, ang Pang-Apat na Kandila ay ang Kandila ng Pag-Ibig. Magtataka siguro tayo, bakit pag-ibig? Ang sagot ay matatagpuan sa pinakamasikat na bersikulo sa Banal na Bibliya. "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak upang hindi hatulan ang sanlibutan, kundi iligtas ito sa pamamagitan Niya." (Juan 3:16-17)

Kaya, ang Unang Linggo ng Adbiyento ay Linggo ng Pag-Asa. Linggo ng Pag-Asa dahil maaasahan natin na tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang Bayang Hinirang. Ang mga pagbasa natin sa Linggong ito ay makakapagbigay ng pag-asa sa ating lahat. Bakit? Dahil ang mga pagbasa natin ngayong Linggo ay tungkol sa pag-asa. Kahit nakakatakot pakinggan, makakapagbigay ng pag-asa ang mga pagbasa natin.

Ang Unang Pagbasa ayon kay Propeta Jeremias ay tungkol sa pangako ng Diyos na may isusugo Siya sa Bayang Israel. Ito ay tungkol sa propesiya ni Propeta Jeremias tungkol sa kapanganakan ng Mesiyas. Ayon kay Propeta Jeremias, ang Mesiyas ay magmumula sa lipi ni Haring David. Ang Mesiyas ay ipanganganak sa bayan ng Betlehem kung saan nagmula si Haring David. Dagdag pa ng Panginoong Diyos ay ang Mesiyas ay magiging isang makatarungan, makatwirang hari. Ililigtas ng Mesiyas ang sangkatauhan. Ngayon kilala natin kung sino ang tinutukoy ni Propeta Jeremias - si Jesus, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ang ating Panginoon.

Sa Ikalawang Pagbasa, ipinapayo ni Apostol San Pablo hindi lamang sa mga taga-Tesalonika kundi sa ating lahat na maging banal. Maging mapagmahal sa ating kapwa-tao. Sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa at pagiging banal, mananatili tayong walang kapintasan at makakaharap natin ang Panginoong Jesus sa Kanyang muling paririto. Palalakasin tayo ni Kristo kapag umibig tayo sa ating kapwa. Sapagkat ang pag-ibig ay nakakalugod sa Diyos. Tandaan po natin, ang Diyos ay Pag-Ibig. Sabi nga ni San Juan, "Ang taong hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay Pag-Ibig." (1 Juan 4:8)

Ngayon, sa ating Ebanghelyo ayon kay San Lucas, mapapakinggan natin ang mga nakakatakot na pangyayari kapag gugunawin na ang mundo. Magkakaroon ng tanda mula sa araw, sa buwan at sa bituin. Talagang nakakatakot na iyon. Mayayanig ang mundo, mawawala ang mga planeta, ang dagat ay uugong at magkakaroon ng daluyog, etc. Nakakatakot po talagang pakinggan ang mga salitang iyon. Halata naman, hindi po ba? Pero, hindi sinasadya ni Jesus na takutin tayo. Bakit? Sapagkat, baka naman pagbalik ni Kristo, naku, walang sasalubong kay Kristo sapagkat takot na takot na ang mga tao kay Kristo dahil sa mga sinabi Niya tungkol sa katapusan. Sa unang tingin at dinig ay nakakatakot ang mga sinasabi ng Panginoong Jesus. Pero, iba ang nais ipaliwanag ng Panginoon. Ipinapaliwanag Niya na magkakaroon ng pagbabago ang mundo, babaguhin ni Jesus ang mundo sa Kanyang muling paririto. Ang dahilan kung bakit ginamit ni Jesus ang mga salitang, "Mayayanig ang mundo, mawawala ang mga planeta, etc," ay para ipaalam sa atin na malapit nang maglaho ang luma o matandang mundo. Ang mundong puno ng kawalan ng katarungan, kasalanan, diskriminisasyon, mga pagitan at marami pang ibang kasamaan sa mundo ngayon ay mawawala. Paano? Babaguhin lahat ito ni Jesus pagbalik Niya rito muli. Nagbibigay pag-asa dito si Jesus sa pamamagitan ng mga sinabi Niya.

Kapag dumating na ang oras na iyon, ano ang nais ni Jesus? Salubungin natin Siya sapagkat darating na ang oras ng kaligtasan. Ayaw ni Kristo na may tumakbo mula sa Kanya sapagkat sayang na. Kawawa na ang taong tatakbo mula kay Kristo sapagkat hindi na siya magkakaroon ng kaligtasan. Ang gusto ng Panginoon, magalak tayo, salubungin natin Siya, sapagkat sa araw na iyon, sa araw ng Kanyang pagbabalik dito sa lupa, babaguhin na ng Panginoong Jesus ang mundo at isasama Niya tayo sa bagong sanlibutang inayos na. Paalam sa dating sandaigdigan. Paalam sa dating sandaigdigan puno ng kasamaan. Sapagkat sa pagparito muli ni Jesus, maglalaho na ang dating sanlibutan puno ng kasamaan. Magkakaroon tayo ng bagong sansinukob at bagong buhay na ipinangako sa atin ng Panginoon. Manalig lamang tayo sa Panginoong Jesus. Talagang araw ng pag-asa ang pagparito muli ng Panginoong Jesus.

Ngunit, sa Ebanghelyo, hindi lamang isa lang ang bilin ni Jesus. Yung isang bilin ni Jesus ay magkaroon tayo ng pag-asa, manalig tayo sa Kanya, huwag tayong matakot sapagkat sa araw ng paririto Niya muli, magkakaroon tayo ng bagong buhay at bagong mundo. May isa pang bilin si Jesus para sa atin. Maging handa lagi. Maging handa tayo palagi, magtanod tayo palagi, sapagkat hindi natin alam kung kailan babalik sa daigdig si Jesus. Sabi nga rin ni Jesus hindi rin Niya alam kung kailan Siya babalik. Sino ang nakakaalam? Ang Diyos Ama. Pero, ito ang bilin sa atin: maging handa tayo lagi. Paano tayo makapaghanda para sa pagbalik muli ni Jesus? Una, magdasal palagi tayo araw-araw. Ang panalangin ay makakatulong sa atin at makakapagbigay-lakas at pag-asa sa atin. Sa pamamagitan ng pagdasal sa Diyos araw-araw, lumalakas ang ating pananampalataya sa Kanya. Pangalawa, gumawa ng mabuti sa kapwa-tao. Sapagkat sinabi ng Panginoong Jesus: "Anuman ang gawin ninyo sa pinahamak sa mga kapatid kong ito, ginawa ninyo ito sa Akin." (Mateo 25:40) Pangatlo, makipag-ayos kayo sa inyong kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga kaaway ninyo. Sinabi rin ng Panginoong Jesus: "Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipagdasal ninyo ang mga umuusig sa inyo." (Mateo 5:44) Ang dami tayong mga bagay puwede natin gawin bilang paghahanda para sa muling pagparito ni Kristo. Sana, makasalubong natin si Jesus kapag pumarito na Siya muli.

Nga pala, bago kong kalimutan, tatlong taon na nating pinapakinggan na gugunawin ang mundo sa 21 Disyembre 2012. Ang bunga noon ay katakutan sa lahat ng mga tao at mga nagdarasal na sana'y hindi totoo ang sinasabi nila. May iba nga, pinagdarasal nila na hindi sumapit ang ika-21 ng Disyembre 2012. Nagsimula ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pelikulang 2012. Ang daming tao ang nanood sa pelikulang ito at halos natakot na sila. Halos, ito na yata ang pinakamainit na usapin at debate sa panahon ngayon. Hindi totoo na gugunawin ang mundo ngayong taon na ito. Sapagkat sinabi ni Jesus sa Ebanghelyo ni San Marcos: "Walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak - ang Ama lamang ang nakaalam nito." (Markos 13:32) Pero, ang bilin sa atin ni Jesus, magkaroon tayo ng pag-asa at maging handa palagi.

Sources: (https://www.americancatholic.org/messenger/dec2003/Family.asp)
(http://livinghopeomaha.wordpress.com/about-living-hope/bible-stud/the-meaning-of-the-advent-wreath/)
The Word Exposed with Luis Antonio Cardinal Tagle



Photo sources: