Linggo, Disyembre 29, 2013

ANG TUNAY NA PAMILYA: NAGMAMAHALAN AT NANANATILI SA GITNA NG MGA PAGSUBOK SA BUHAY

Kapistahan ng Banal na Mag-Anak nina Hesus, Maria at Jose (A)

Sirac 3, 3-7. 14-17a/ Salmo 127/ Colosas 3, 12-21/ Mateo 2, 13-15. 19-23





































Si San Jose ay nagkaroon ng isa pong panaginip muli. Nabalitaan niya sa pamamagitan ng anghel ng Panginoon sa panaginip na ipinapahanap at ipinagpapatay ni Haring Herodes ang lahat ng sanggol mula dalawang gulang pababa. Kabilang na dito ang sanggol na Hesus na isinilang pa lamang. Nanganganib na ang buhay ni Hesus. Nasa panganib ang ating kaligtasan. Nasa panganib ang Mesiyas. Kaya, iniutos si San Jose ng anghel ng Panginoon na iligtas ang Mahal na Birheng Maria at ang Sanggol na Hesus. Sila’y tatakas sa Ehipto hanggang sa mamatay si Haring Herodes.
 

Ang Pagtakas sa Ehipto ay isa sa mga Siete Dolores o Pitong Hapis ng Mahal na Birheng Maria. Kung mailalarawan natin sa ating mga isipan ang mukha ng Mahal na Ina habang tumatakas sila nina San Jose at ang Sanggol na Hesus, siguro makikita natin ang labis na katakutan para sa bata. Mararamdaman natin na natatakot si Maria nang malaman niya ang balita na nais ipapatay ang kanyang anak na si Hesus habang sanggol pa. Sinong ina ang hindi matatakot para sa kaligtasan ng kanyang anak? Kung may inang hindi natatakot dahil nanganganib na ang kanyang anak, may pusong bato siya. Wala siyang pakialam. Hindi niya talaga mahal ang kanyang anak. Pero, si Maria, ipinapakita niya sa kanyang katakutan ang pagmamahal niya kay Hesus. Nag-aalala siya para sa kaligtasan ni Hesus. Masakit sa kanya na makitang nanganganib ang buhay ng kanyang anak. Si Hesus ay napakahalaga para kay Maria. Dahil dito, alang-alang sa kaligtasan ng sanggol na Hesukristo, ang Mahal na Ina ay sumunod at tumalima sa kalooban ng Diyos. 

Ang papel naman ni San Jose ay ang itakas sa Ehipto ang mag-inang si Maria at Hesus. Ibinabala si San Jose na may problema. Sumunod sa utos ng Diyos si Jose. Kahit masyadong malayo ang Ehipto mula sa Betlehem, kahit nakakapagod ang biyahe papuntang Ehipto, kahit ilang araw ang biyahe mula Betlehem patungong Ehipto, sumunod pa rin si Jose. Ginawa niya ito alang-alang sa kaligtasan ni Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas. 

Bakit nga ba iniutos ni Haring Herodes na ipapatay ang mga sanggol na dalawang gulang pababa? Isa sa mga sanggol na iyon ang papalit sa kanya. Ayaw niyang may magtataboy sa kanya. Kaya, sinisigurado niyang walang magtataboy sa kanya sa pamamagitan ng pagpatay sa lahat ng mga sanggol sa Betlehem. Kabilang na doon si Hesukristo. Ang balak niya ay para bang patayin ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ni Hesukristo. KJ siya, noh? 

Pero, ang Diyos, hindi Niya papayagan na patayin si Hesus nang ganon na lamang. Marami pa ang kinakailangang pagdaanan ni Hesus sa mundong ito bago Siya mamatay. Ipinagtanggol ng Diyos ang Banal na Pamilya nina Hesus, Maria at Jose sa lahat ng mga problema o pagsubok nila sa buhay. Ang Banal na Pamilya nina Hesus, Maria, at Jose ay tumatalima sa plano ng Diyos. 

Makikita rin natin ang tunay na pagmamahalan nina Hesus, Maria at Jose. Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, sila’y nananatiling magkasama at nagmamahalan. Hindi sila nagkahiwalay sa panahon ng pagsubok. Kahit kailan, hindi nagkasira ang kanilang pagsasama. Nananatili silang magkasama at nagmamahalan. Sumusunod rin sila sa mga utos, plano at kalooban ng Diyos. Isinasabuhay din nila ang mga tinuro ng Diyos sa Banal na Kasulatan. 

Ang Banal na Pamilya nina Hesus, Maria at Jose ay dapat tularan. Dapat tularan ng mga pamilya sa mundo ngayon ang kanilang pananatili at pagmamahalan. Sa gayon, mararanasan ng bawat isa ngayon ang isang buong pamilya na nagmamahalan at nananatiling iisa. Ang Diyos ay ang bumubuo at nagtatanggol sa lahat ng mga pamilya sa buong mundo ngayon, katulad ng pagbuo at pagtanggol Niya sa Banal na Mag-Anak. Maraming mga isyu at problema sa mundo ngayon. Pero, kung nagmamahalan at nananatiling magkasama ang bawat pamilya, tiyak na ipagtatanggol sila ng Diyos, hindi lamang sa panahon ng pagsubok, kundi araw-araw, katulad ng pagtanggol Niya kay Hesus, Maria at Jose.

Lunes, Disyembre 23, 2013

BENEDICTUS - PURIHIN ANG DIYOS!

Ika-9 at Huling Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79



Magandang umaga po sa inyong lahat, mga kapanalig! Sino po ang nasa kanilang ika-9 na araw sa kanilang Simbang Gabi o Misa de Gallo? Congratulations! Nakumpleto po ninyo ang siyam na araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo. Kahit mahirap ang gumising ng maaga upang magsimba, tiniis po ninyo ang lahat ng iyon. Ang lahat ng ito'y tiniis ninyo alang-alang sa inyong debosyon sa Mahal na Birheng Maria at sa Ninyo Hesus na malapit nang isisilang sa sabsaban. Pero, para sa mga hindi nakakumpleto ng Simbang Gabi/Misa de Gallo, huwag po kayong mag-alala. May bukas pa. May pag-asa kayo. Hindi porke't hindi ninyo nakumpleto ang Simbang Gabi/Misa de Gallo, hindi ninyo makukuha ang inyong ninanais ngayong Pasko. Kumpleto man ang Simbang Gabi o hindi, ang lahat ng mga panalangin ay papakinggan at diringgin ng Diyos. 

May isang awit sa ating Ebanghelyo ngayon. Kung ang kanta ni Maria ay ang "Magnificat," ang tawag naman sa awit sa Mabuting Balita ngayon ay ang "Benedictus." Hulaan po ninyo kung sino ang bumuo ng kantang ito. Bibigyan ko kayo ng hint kung hindi ninyo napakinggan nang mabuti ang Ebanghelyo. Ang pangalan ng bumuo ng kantang ito ay nagsisimula sa letrang "Z." Kulang pa ba? Isa pa, siya ang tatay ng pinsan ni Hesukristo. 

Hindi niyo pa alam? Sige, ibibigay ko na ang sagot. Siya po ay walang iba kundi si Zacarias. Kahapon, nakapagsalita si Zacarias dahil sa natupad na ang mga sinabi sa kanya ng Arkanghel Gabriel nang sila'y magkatagpo sa templo. Natupad ang mga sinabi ng Arkanghel Gabriel tungkol sa kapanganakan ng tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas, ang ipinangakong Tagapagligtas ng sangkatauhan. 

Ano ang ibig sabihin ng "Benedictus?" Ang ibig sabihin nito sa wikang Ingles ay, "Blessed be the Lord God of Israel." Sa Tagalog naman, "Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel." Nagbibigay ng papuri at pasasalamat si Zacarias sa Diyos sa araw ng kapanganakan ni San Juan Bautista. Ano naman ang pinasasalamatan niya? Ang pagiging magiliw ng Diyos. Dahil sa pagiging magiliw ng Diyos, ang mga panalangin na mukhang imposibleng mangyari ay nangyari sa pamamagitan ng Diyos. 

Ang unang bahagi ng awiting ito ay pasasalamat sa Diyos para sa pagpapadala ng Mesiyas, ang matagal nang hinihintay na Manunubos ng bayang Israel. Sa pagkatao ni Hesus ay natupad ang pangako ng Diyos na Siya'y magpapadala ng Mesiyas, ang Tagapagligtas na matagal nang hinihintay ng bayang Israel. Nagpapasalamat at nagpupuri si Zacarias sa Diyos dahil sa Kanyang pangako. Bakit? Dahil malapit nang matupad ang mga pangako ng Diyos. Ang matagal nang hinihintay ng bayang Israel ay malapit nang dumating. Malapit nang maganap at matupad ang plano ng Diyos. Malapit nang dumating ang Mesiyas. Malapit nang dumating si Kristo.

Sa ikalawang bahagi ng awiting ito, kinakausap ni Zacarias ang kanyang anak. Ano ang sinasabi ni Zacarias sa bagong isinilang na anak? Ang kanyang misyon. May isang espesipiskong misyon si San Juan Bautista sa buhay. Malinaw na malinaw na para kay Zacarias ang magiging misyon ng kanyang anak. Isa siya sa mga supporting characters sa plano ng pagliligtas ng Diyos sa Kanyang bayan.  Ano naman ang papel ni San Juan Bautista? Ipaghanda ang lahat ng tao upang salubungin ang Mesiyas, si Hesukristo. 

Ngayong Pasko, huwag po kakalimutang purihin ang Diyos. Ang dahilan ng pagparito ng Panginoong Hesukristo ay simple lang - upang tayo'y maligtas. Kung wala tayong regalo o aguinaldo ngayong Pasko, sapat na ang pagliligtas na dala ni Hesus. Naparito Siya para sa atin upang iligtas tayo at magbigay ng kagalakan sa atin. Magpasalamat tayo sa Diyos para sa lahat ng mga biyayang ating natanggap. Pero, huwag rin po nating kalimutan na magpasalamat sa Diyos sa pagsugo Niya kay Hesus. Sapagkat, kung hindi dahil kay Hesus, hindi tayo maliligtas. Atin pong purihin at pasalamatan ang Diyos araw-araw!

"JUAN" ANG KANYANG PANGALAN

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66 



Magandang umaga po sa ating lahat! Gising pa bo ba kayo? Dalawang araw na lamang po, Pasko na po! Nasa ika-8 araw na po tayo ng ating Simbang Gabi o Misa de Gallo. Bukas na po ang huling araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo? Tanong ko lamang po, sino na po ang nasa ika-8 araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo? Isang araw na lamang po ang kailangan ninyong titiisin at makukumpleto na ninyo ang siyam na araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo.

Ang Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa pagsilang ni San Juan Bautista. Katulad ng sinabi ng anghel na si Gabriel, si Elisabet ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at Juan ang magiging pangalan ng bata. Dahil hindi naniwala si Zacarias sa sinabi ng anghel, siya'y naging pipi at hindi nakapagsasalita hanggang sa araw na matupad ang mga sinabi ng anghel na si Gabriel. Ngayon, dumating na ang araw ng kapanganakan ng anak ni Elisabet. 

Like father, like son. Ito po ay isang kasabihan sa wikang Ingles. Ang ibig sabihin noon, sa bawat galaw ng isang lalaki, may pagkakatulad na ito sa kanyang ama. Parang ganon ang nangyayari sa Ebanghelyo nang ipapangalan na ang anak nina Zacarias at Elisabet. Gusto ng mga kamag-anak nila na Zacarias rin ang pangalan ng bata para may junior itong si Zacarias. Kaya nila ipapangalan nilang Zacarias ang bata para may kahalili si Zacarias. Maaaring sumunod sa yapak ng kanyang ama ang batang ito. 

Pero, hindi iyon ang magiging pangalan ng bata. Sa halip na ipangalan rin siya katulad ng kanyang tatay, iba ang magiging pangalan niya. Juan ang magiging pangalan ng bata. Nagulat ang mga kamag-anak nila nang marinig ang sinabi ni Elisabet. Wala silang kamag-anak na may ganong pangalan. Bago para sa kanila ang pangalang ito. Ang inakala nila na ang pipiliing pangalan ng mga magulang nila ay ang pangalan ng ama ng bata. Kakaiba ang kanyang pangalan. Hindi inaasahan na ito ang magiging pangalan ng bata dahil walang kamag-anak sila na may ganong pangalan. 

Dahil doon, kinailangan nila ang kumpirmasyon ni Zacarias. Si Zacarias ang tatay ng bata, kaya siya ang may huling sabi. Tandaan, hindi nakapagsasalita si Zacarias nang siyam na buwan dahil sa pagduda niya sa sinabi ng Panginoon nang magpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon sa templo. Siguro, sa katahimikan, si Zacarias ay nagnilay sa mga sinabi sa kanya ng anghel. Pinagninilayan niya siguro kung ano ang mangyayari sa kanyang anak. Pinagninilayan niya siguro ang misyon ng magiging anak niya sa mundong ito. Pinagninilayan niya siguro ang pagdududa niya sa Diyos at dahil doon, mas lumalim ang kanyang pananalig sa Diyos. Ito'y mga posibilidad na inisip niya sa siyam na buwan ng katahimikan. 

Ngayon, dumating na ang araw ng kapanganakan sa kanyang bagong anak. Siya ang tinanong tungkol sa magiging pangalan ng anak niya. Siya ang magkukumpirma ng pangalan ng sanggol. Siya ang huling magdedesisyon tungkol dito. Dahil sa hindi siya makapagsalita, isinulat niya ang pangalang, "Juan." Ikinumpirma ni Zacarias na hindi ipapangalan ang bata na katulad niya, kundi ang pangalang ibinigay ng Diyos sa batang ito. Hindi siya o ang sinumang tao ang masusunod, kundi ang utos ng Diyos. Hindi siya ang may huling sabi kundi ang Diyos. 

Kahit na may mga ibang plano sa buhay natin, ang plano ng Diyos ay palaging masusunod. Hinding-hindi matatalo ang mga plano ng Diyos. Kahit gaanong kaganda ang ating mga plano sa buhay, mas maganda pa rin ang plano ng Diyos. Ang Diyos pa rin ang huling babanat at Siya ang bahala sa ating mga plano sa buhay. Dinidinig ng Diyos ang ating mga panalangin. Pero, huwag magduda sa Diyos. Kapag ang Diyos ay nangako, hindi Siya nagbibiro. Seryosong-seryoso at totoong-totoo ang Diyos kapag Siya'y nangako. Manalig tayo at sumunod sa plano ng Diyos. 

Sabado, Disyembre 21, 2013

ANG PANAGINIP NI SAN JOSE

Ika-4 na Linggo ng Adbiyento/Simbang Gabi o Misa de Gallo (Ika-7 Araw) 
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Roma 1, 1-7/Mateo 1, 18-24 



Ang Ebanghelyo natin ngayon ay binasa na po natin noong Ika-3 Araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo. Pero, dahil ngayon po ay Taon A, binabasa po natin muli ang Ebanghelyong ito tuwing Ika-4 na Linggo ng Adbiyento. Ito po ay tungkol sa pagpapakita ng isang anghel ng Panginoon sa panaginip ni San Jose. Dahil dito, tinanggap ni San Jose ang pananagutang maging kabiyak ng Mahal na Inang Maria at amahan ng Panginoong Hesus. 


May problema dito sa ating Ebanghelyo. Si Maria'y natagpuang buntis. Malaking problema iyon. Silang dalawa ay nagpaplano at nakatakdang magpakasal. Pero, nabuntis ang Mahal na Ina at hindi pa sila mag-asawa. Hindi pa sila ikinasal. Hindi karaniwang tao ang nagbuntis kay Maria. Si Maria'y nabuntis sa pamamagitan ng Espiritu Santo at isang kakaibang sanggol ang nasa kanyang sinapupunan. Ang sanggol na iyon ay si Hesus, ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Isang malaking problema ito. Malaking iskandalo na ang pagbuntis ni Maria, kahit na hindi pa siya kasal kay Jose. 

Dahil doon, nakataya na ang reputasyon ni Jose bilang tao. Isang napakahirap at napakasakit na desisyon ang kinailangan niyang gawin. Dinisisyon niyang makipaghiwalay siya kay Maria. Mapapansin natin na ayaw ni San Jose na masira ang kanyang reputasyon sa mata ng mga kababayan. Alam na natin na isang karpintero si San Jose. Kapag itinuloy ni Jose ang kasal niya kay Maria, malamang wala nang pupunta kay Jose upang magpagawa ng mga hapag-kainan, upuan, at marami pang iba. Nakataya na dito si San Jose at mahirap ang desisyong ginawa ni Jose.

Sa kabila ng desisyong ginawa ni Jose, mahal na mahal pa rin niya ang Mahal na Birhen. Ayaw niyang mapahiya si Maria. Ayaw niyang magkaroon ng masamang reputasyon si Maria. Mahal na mahal niya si Maria at patuloy niyang inalagaan si Maria. Pinoprotektahan niya si Maria. Hindi papayagan ni Jose na maging masama ang reputasyon ng babaeng minamahal niya. Hindi porke't magkahiwalay sila ni Maria ay mag-aalalala pa rin si Jose para sa kanya. Minamahal talaga ni Jose si Maria at pinatunayan niya ito sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanya. Ito'y dahil hindi niya papayagan na masira ang reputasyon nilang dalawa ni Maria. 

Isang gabi, noong natutulog si Jose, inutusan siya ng Diyos sa pamamagitan ng anghel na tanggapin si Maria bilang asawa niya. Ang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa isang panaginip. Hindi nagprotesta si Jose. Hindi tumutol si Jose. Sinunod niya ang utos ng Diyos. Pinatunayan ng ating Ebanghelyo na kahit anuman ang sabihin ng batas, mananaig pa rin sa kahuli-hulian ang kalooban ng Diyos. Hindi naging hadlang ang kautusan ng mga Hudyo para matupad ang plano at kalooban ng Diyos. 

Dapat nating tularan ang pagiging masunurin ni San Jose. Kung mapapansin po natin, noong inutusan siya ng anghel ng Panginoon, hindi siya nagsalita o umimik. Si San Jose ay sumunod agad sa sinabi ng Panginoong Diyos. Tinanggap ni San Jose ang pananagutan niya na maging asawa ng Mahal na Birheng Maria at amahan ng Panginoong Hesukristo. Kahit na mukhang hindi tama at kakaiba ang plano ng Diyos sa mata ng tao, ang plano ng Diyos ang laging mananaig at mangyayari. Sumunod po tayo sa kalooban ng Diyos, katulad ni San Jose.

Lunes, Disyembre 16, 2013

MAPALAD ANG MGA NANANALIG, MAPAGPAKUMBABA, AT NAGLILINGKOD

Ika-6 na Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45



Ang ating Ebanghelyo para sa Ika-6 na Araw ng ating Simbang Gabi o Misa de Gallo ay tungkol sa Ikalawang Misteryo ng Tuwa sa ating Santo Rosaryo, ang pagdalaw ng Mahal na Ina sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Ang dalawang magkamag-anak ay nagdadalantao sa panahong ito. Biyaya mula sa Diyos para sa dalawang babaeng ito ang mga sanggol na dinadala nila sa kanilang sinapupunan. Dinadala ni Elisabet si San Juan Bautista sa kanyang sinapupunan. Si San Juan Bautista po ang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. Ang dinadala naman ni Maria sa kanyang sinapupunan ay si Hesus, ang Mesiyas, ang ating Panginoon. 

Siguro masyadong mahaba ang paglalakbay ng Mahal na Ina mula sa sa Nazaret patungo sa Ein Karem kung saan nakatira sina Zacarias at Elisabet. Parehas silang nagdadalantao. Pero, pinili pa rin ni Maria na maglakbay nang malayo upang paglingkuran ang kanyang pinsang si Elisabet na nagdadalantao rin. Hindi naging harang ang pagiging buntis ni Maria upang paglingkuran ang kanyang kamag-anak na si Elisabet na nagdadalantao rin. 

Isang sorpresa at karangalan para kay Elisabet ang pagdalaw ni Maria sa kanya. Masaya siya sapagkat dinalaw siya ni Maria. Hindi lamang iyan ang nangyari. Napuspos si Elisabet ng Espiritu Santo at gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan dahil sa galak. Bakit? Si Maria ang hinirang ng Diyos na maging ina ni Kristo, ang ipinangakong Manunubos. 

Nagpakumbaba si Elisabet nang lapitan siya ni Maria. Kinilala pa ni Elisabet si Maria bilang Ina ng Mesiyas, ang ipinangakong Manunubos. Hindi siya nainggit sa kanyang kamag-anak dahil sa dinadala niya ang Manunubos na hinihintay ng bayang Israel. Hindi siya nagduda sa Mahal na Ina. Hindi niya itinakwil ang Mahal na Ina. Bagkus, nagpakumbaba siya at kinilala niya si Maria bilang Ina ni Kristo. Inamin rin niya na para bang hindi siya karapat-dapat at ang pagtatagpo nila ay isang karangalan para kay Elisabet. 

Paano naman naging mapalad si Maria? Paano siya naging pinagpala sa lahat ng mga kababaihan sa mundo? Ito'y dahil sa kanyang pag-OO sa kalooban ng Diyos. Bagamat hindi niya naintindihan ang mga sinabi sa kanya ng Arkanghel Gabriel noong ipahayag sa kanya ang magandang balita tungkol sa Mesiyas, buong pananalig niyang tinanggap ang pananagutang ito, kahit gaano mang kalaki at kabigat ang pananagutang ito. Tinanggap niya ang papel niya sa kaligtasan ng tao. Kung hindi dahil sa kanyang pag-OO sa Diyos, hindi tayo maliligtas ng Panginoon. 

Hindi ipinagyabang ni Maria na siya'y pinili ng Panginoong Diyos na maging ina ni Hesukristo, ang Mesiyas, ang Manunubos ng lahat. Bagkus, siya'y nagpakumbaba, nanalig, at naglingkod sa Diyos at kapwa. Kahit na siya ang dapat pinaglingkuran ni Elisabet dahil sa pananalig ni Maria sa kalooban ng Diyos, pinili pa rin ni Maria ang maglingkod sa kanyang kamag-anak na nagdadalantao rin. Hindi porket ang Mesiyas na ang dinadala ng Mahal na Ina sa kanyang sinapupunan, siya ang dapat paglingkuran at sundan. Pinili pa rin ang maglingkod sa Diyos at kapwa-tao. 

Tunay ngang mapalad sina Maria! Tularan po natin ang pananalig, pagiging mapagpakumbaba at mapaglingkod ni Maria. Katulad ni Maria, nawa'y tayong lahat ay pagpapalain ng ating Panginoon. Isinuko niya ang lahat ng mga plano niya para sa kanyang sarili at hinayaan gamitin siya ng Diyos bilang instrumento ng Diyos sa plano Niyang iligtas ang sangkatauhan. Harinawa'y tayong lahat ay maging mapagpakumbaba, mapaglingkod, at puno ng pananalig katulad ni Maria. Sa gayon, tayong lahat ay pagpapalain ng Panginoon, at pupurihin rin ng ating mga puso't kaluluwa ang ating Panginoong Diyos. 

PAANO ITO MANGYAYARI?

Disyembre 20, 2013
Ika-5 Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38 


Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa propesiya ni propeta Isaias tungkol sa kapanganakan ng Mesiyas. May isang dalagang maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Ito'y tatawaging Emmanuel na ang ibig sabihin na "Ang Diyos ay sumasaatin." Ang Mesiyas ay magiging anak ng isang birhen.

Ito'y natupad sa Ebanghelyo ngayon. Natupad ang propesiya ito ni propeta Isaias tungkol sa magiging ina ng ipinangakong Tagapagligtas. Isa itong birhen. Sino ang naging ina ng Mesiyas? Ang Mahal na Birheng Maria. Siya po ay kinalugdan ng Diyos, kaya't pinili si Maria na maging ina ng ipinangakong Mesiyas na magliligtas sa sangkatauhan. 

Alam ng Mahal na Ina ang lahat ng mga propesiya sa Lumang Tipan patungkol sa Mesiyas. Ang Mesiyas ang magliligtas sa Kanyang bayang Israel. Hindi niya akalain na siya ang magiging ina ng Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Hindi niya inaasahan iyon. Siguro may mga plano siya para sa kanyang buhay. Marami siyang gagawin sa kanyang buhay. Marami siyang mga plano. Pero, nagbago ang lahat nang magpakita sa kanya ang Arkanghel Gabriel na may magandang balita. 

Kaya nga noong binati siya ng Arkanghel Gabriel, nagulat siya. Hindi niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng pagbati na iyon. Hindi rin niya alam kung ano ang espesyal tungkol sa kanyang sarili at binabati siya ng gayon. Bakit ako'y binabati nang ganito? Anong espesyal sa akin? Parang ganon ang tanong sa isip ni Maria noong binati siya ng Anghel. Hindi niya inakalain na magiging espesyal siya sa paningin ng Diyos. 

Ipinaliwanag na ng Anghel Gabriel ang lahat ng mga bagay sa Mahal na Birhen. Si Maria'y maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Ang lalaking ito'y si Hesus, ang ating Panginoon at Tagapagligtas. Ito'y bilang katuparan sa propesiya ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa kung saan sinabi ni Isaias na isang birhen ang manganganak at ang kanyang anak ay ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. 

Ang mga sinabi ng Arkanghel Gabriel ay nagbigay ng mangha kay Maria. Hindi niya maintindihan ang mga sinasabi ng Arkanghel. Kamangha-mangha ang mga sinabi niya. Hindi niya akalain na magiging malaki ang kanyang papel sa buhay ng Mesiyas. Hindi niya akalain na manggagaling ang ipinangakong Tagapagligtas sa kanyang sinapupunan. Kaya tinanong niya ang Anghel kung paano ito mangyayari. 

May pagkakatulad ang ating Ebanghelyo ngayon sa Ebanghelyo kahapon. Si Anghel Gabriel ay nagpakita rin kay Zacarias, ang magiging ama ni San Juan Bautista. Nagpakita rin siya ngayon sa Mahal na Ina. Ipinahayag sa kanila ni Arkanghel Gabriel ang mabuting balita tungkol sa mga magiging anak nila. Pero, bakit napipi at nabingi si Zacarias nang tanungin niya ang Anghel? Si Maria ay nagtanong rin, pero bakit magkaiba ang napala nila? 

Ang tanong ni Zacarias ay para bang isang kahilingan ng tanda. Humihingi siya ng tanda mula sa Arkanghel Gabriel upang siya'y maniwala na totoo nga ang mga bagay na napapakinggan niya. Hindi maniniwala si Zacarias na silang dalawa ni Elisabet ay magkakaroon ng anak sa kabila ng kanilang katandaan. Iyon ang dahilan kung bakit nagduda si Zacarias sa pangako ng Diyos, at dahil doon, siya'y naging bingi at pipi. 

Iba naman ang kaso ni Maria. Wala siyang inaasahang malaki. Hindi pa siya nagdasal na sana'y magkaroon siya ng anak. Isa pa, dalaga pa siya. Isa pa siyang birhen. Kaya hindi niya maintindihan ang bawat salita ng anghel. Gusto niyang maintindihan nang mabuti ang papel, ang misyon niya, upang magampanan niya ito ng mabuti. Napakabigat pa naman ang pananagutan ni Maria sapagkat siya ang magiging ina ng Panginoong Hesukristo. Pero, hindi nagduda si Maria. 

Ang sagot ng Arkanghel Gabriel sa katanungan ng Mahal na Ina ay lalo pang nagbigay ng mangha sa Mahal na Ina. Siya'y magkakaanak, hindi sa pamamagitan ng sinumang tao, kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo na bababa sa kanya. Liliman siya ng kapangyarihan ng kataas-taasan. Kamangha-mangha. Walang imposible para sa Diyos. Posible ang lahat sa Diyos. 

Pagkatapos sagutin ng Anghel ang katanungan ni Maria, isinuko ni Maria ang lahat sa Diyos. Ang lahat ng mga mangyayari sa kanyang buhay, isinuko na niya sa Diyos. Mangyari nawa! Siya'y susunod sa kalooban ng Diyos. Tinanggap niya ang pananagutang ito nang buong pananalig sa Diyos. Kung nagkaroon man siya ng kaunting pagdududa, nananalig siya. Buong pananalig niyang sinunod ang kalooban ng Diyos at tinanggap ang pananagutan ng pagiging ina ni Kristo. 

Manalig tayo sa Diyos katulad ni Maria. Kahit na hindi natin maintindihan ni Maria noong una ang mga sinabi sa kanya ng Anghel, nanalig siya sa Diyos. Walang imposible sa Diyos. Huwag tayo magduda. Kahit hindi natin maintindihan ang kalooban ng Diyos, manalig pa rin tayo at sumunod sa kalooban ng Diyos. Anuman ang imposible sa tao, posible sa Diyos. Ang lahat ay kayang mangyari sa Diyos. Tiwala lang. 

Linggo, Disyembre 15, 2013

ANG PAGIGING MAGILIW NG DIYOS

Disyembre 19, 2013 
Ika-4 na Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25


"Magiliw ang Diyos." Ito ang ibig sabihin ng pangalang Juan. Ito ang pangalan ng magiging anak nina Zacarias at Elisabet. Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagpapahayag ng isang magandang balita. Dininggin ng Diyos ang matagal nang ipinapanalangin ng mag-asawang sina Zacarias at Elisabet. Pagkatapos ng mahabang panahon, silang dalawa ay magkakaroon ng anak. Sa kabila ng pagiging baog ni Elisabet, siya ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki at ang pangalan niya ay Juan. 

Si Zacarias ay hindi makapaniwala nang marinig niya ang balitang ito. Sa kabila ng pagiging matanda nila, magkakaanak pa sila. Matagal silang nagdasal ng kanyang asawang si Elisabet na sila'y bigyan ng Diyos ng anak. Pero, ang tingin niya ay mukhang malabo ang mga posibilidad na magkakaroon sila ng anak ni Elisabet, lalung-lalo na dahil sa sila'y matanda na. 

Kaya, tinanong ni Zacarias ang anghel. Sa tono ng kanyang pagtatanong, para bang may pagdududa siya sa mga sinasabi ng anghel. Hindi siya makakapaniwala sa mga narinig niya. Kinailangang magkaroon ng tanda upang makapaniwala na si Zacarias. Kung gagamitin natin ang ibang salita, para bang ganito ang sinabi niya, "Hindi ako naniniwala. Patunayan mo muna para maniwala ako." Hindi na tanong, kahilingan na para sa isang tanda.

Bilang tugon sa tanong ni Zacarias, nagbigay ng tanda ang Arkanghel na si Gabriel. Si Zacarias ay hindi makakapagsalita hanggang sa araw na isilang si San Juan Bautista. Mananatili siyang pipi nang siyam na buwan. Siyam na buwan siyang pipi. Hindi na siya makakapagsalita dahil sa siya'y nagduda. Hindi lang iyan tanda, sumpa pa iyon. Sinumpa si Zacarias dahil sa kanyang pagdududa sa pagiging magiliw ng Diyos. 

Ang Diyos ay tunay ngang magiliw. Walang imposible sa Diyos. Anuman ang imposible sa mata ng tao, iba ito sa mata ng Diyos. Posible ang lahat ng bagay sa Diyos. Kung gustuhin man ng Diyos, papayagan Niyang lumutang sa hangin ang isang puno. Pwede ring ilipat ng Diyos ang Bulkang Mayon mula sa Legazpi patungo sa saanmang lugar dito sa Pilipinas o sa ibang bansa. 

Walang imposible sa Diyos. Tiwala lang. Tiwala lang ang ating kailangan. Kung imposible man para sa atin ang isang bagay, posible ito sa mata ng Diyos. Tiwala lang tayo sa ating Diyos na magiliw at nagmamahal sa atin. Anuman ang ating ipanalangin sa Diyos, mangyayari ito kung ito'y kalooban ng Diyos. Pero, huwag tayong mawalan ng tiwala sa Diyos. Huwag tayong magduda sa pagiging magiliw at mapagpala ang Diyos. Ang lahat ng bagay ay posible at kayang mapangyayari sa Diyos. 

Masdan natin ang mga bagay sa ating kapaligiran. Sa tingin mo ba, sino ang pinagmulan ng mga bagay na ito? Ang Diyos. Ang Diyos na lumikha sa langit at lupa. Tayo po'y magkaroon ng sandali ng katahimikan. Pagnilayan mabuti ang mga pagpapala ng Diyos sa atin. Tayo po'y magnilay at magpasalamat sa Diyos sa mga bagay na nakikita natin ngayon. Ang Diyos ay magiliw. Walang imposible sa Diyos. Tiwala lang! 

Lunes, Disyembre 9, 2013

PAGTUPAD SA KALOOBAN NG DIYOS

Disyembre 18, 2013
Ikatlong Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-25


Sa Ebanghelyo ngayon, mapapakinggan natin kung paanong tinanggap ni San Jose ang Mahal na Ina at ang ating Panginoong Hesukristo. Napakasakit talaga para kay San Jose nang hiniwalayan niya si Maria. Buntis si Maria, pero hindi tao ang nagbuntis sa kanya. Buntis si Maria sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ito'y dahil sa "oo" ni Maria noong ipinahayag sa kanya ng Arkanghel Gabriel ang lahat tungkol sa kapanganakan ng Panginoong Hesus. Minahal niya talaga si Maria. Pero, kung tinuloy niya ang kasalan nila ni Maria, malamang may iskandalong magaganap. Kaya, dahil sa kanyang pag-ibig kay Maria at pagiging malinis na tao, hiniwalayan niya si Maria upang walang iskandalong magaganap. 

Makikita natin kung gaanong minahal ni Jose si Maria. Ikakasal sila, pero bumitiw si Jose upang hindi mapahiya si Maria. Napakahirap ang desisyong kinailangang gawin ni Jose. Nasaktan siya. Nanghihinayang siya na hindi tinuloy ang kasal niya kay Maria. Kahit na minamahal niya si Maria, tingin niya na mas mabuti pang hiwalayan si Maria kaysa mapahamak si Maria. 

Habang pinag-iisipan ito ni Senor San Jose, nagpakita ang isang anghel sa kanya sa pamamagitan ng isang panaginip. May dalang balita ang anghel tungkol sa sanggol sa sinapupunan ni Maria. Ang sanggol sa sinapupunan ni Maria ay walang iba kundi ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Nakakapangilabot ang balitang ito. Hindi pangkaraniwang bata ang isisilang ng Mahal na Ina. Si Maria ang magiging Ina ng Tagpagligtas, ang Mesiyas, ang Kristo. 

Alam po natin siguro na si San Jose ay galing sa lipi ni Haring David. Hinulaan ng mga propeta sa Lumang Tipan na ang Mesiyas ay magmumula sa lipi ni David. Iyan po ay ang Betlehem. Hinihintay niya at ang lahat ng mga Israelita ang pagtupad ng mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan. Pero, hindi niya inaasahan na siya mismo ang magiging amahan ng Mesiyas. Hindi niya inaasahan iyon. Isa pong napakalaking pananagutan para kay Jose. Hindi inaasahan ni San Jose na siya ang gaganap bilang amahan ng Mesiyas.

Pero, tinanggap pa rin ni San Jose si Maria at si Hesus. Inutos ito ng Diyos. Buong pagpapakumbaba niyang tinanggap ang kalooban ng Diyos. Kahit maaari niya sanang tanggihan at balewalain ang mga sinabi ng anghel, hindi iyon ginawa ni Jose. Hindi siya tumutol sa kalooban ng Diyos. Hindi siya kumontra. Kahit alam niyang napakalaki ang pananagutang ito, tinanggap pa rin niya at sinunod ang kalooban ng Diyos. Binitiwan ni San Jose ang lahat ng kanyang mga katakutan, at sumunod sa kalooban ng Diyos.

Tularan po natin ang katapangan ni San Jose. Kahit may mga kinatatakutan tayo, kung inutusan tayo ng Diyos, tayo po ay sumunod sa Kanyang utos. Sabi pa nga ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma, "Kung ang Diyos ay panig natin, sino ang laban sa atin?" (Roma 8, 31) Huwag tayong matakot. Ang Diyos ang bahala sa lahat. Kung natatakot tayo, kasama natin ang Diyos. Natural talaga ang matakot, pero ang Diyos ang Siyang magbibigay ng lakas sa atin upang maging matapang tayo, kahit kapag tayo ay natatakot. Magkaroon tayo ng lakas ng loob upang sumunod at tumupad sa kalooban ng Diyos. 

SA KABILA NG PAGIGING MAKASALANAN

Disyembre 17, 2013
Ikalawang Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo 
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17



Binibigyang diin ng Ebanghelistang si San Mateo ang pagiging Emmanuel ni Hesus. Ang ibig sabihin ng Emmanuel ay ang Diyos ay sumasaatin. Sa unang kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo, tatawaging Emmanuel ang anak nina Maria at Jose. Sa huling kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo, si Hesus ay nagpakita sa Kanyang mga alagad at nangakong mananatili Siyang kasama nila hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Mula una hanggang huling kabanata, ang binibigyang diin ni San Mateo ang pagiging Emmanuel ng Panginoong Hesus. 

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang talaan ng mga ninuno ni Hesus. Napakarami Siyang mga ninuno. Pero, sa kabila ng pagiging masunurin nila sa Diyos, sila'y mga makasalanan. Hindi naging perpekto ang kanilang buhay. Kabilang na dito si Haring David. Siya'y hinirang ng Diyos na maging hari ng Israel. Pero, isang insidente ang nangyari sa kanyang pagkahari. Ninasaan ni Haring David si Bat-seba. Ipinagpatay pa niya ang asawa ni Bat-seba na si Urias. Paano? Noong digmaan na, umatras sila at si Urias ay iniwanang mag-isa. Sa pamamagitan nito, si Haring David ay nangalunya. 

Maitatanong natin, bakit pinili ng Diyos na maging ninuno ng Mesiyas ang mga taong nagkasala? Balikan natin ang tawag kay Kristo sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo. Ano ang kanyang binigyang diin? Ang pagiging kasama natin ng Diyos. Ninanais ng Diyos na makasama ang Kanyang mga nilikha. Tayong lahat ay nilikha ng Panginoong Diyos. Tayo'y napakahalaga sa paningin ng Diyos. Kaya, nais Niyang maging kapiling natin Siya. 

Noong tayo'y nalugmok sa kasalanan sa pamamagitan ng kasalanang ginawa ni Adan at Eba sa halamanan ng Eden, tayo'y nalugmok sa pagkakasala. Pero, patuloy pa rin ang Diyos sa paggawa ng mga tipan. Ang mga tipan ng Diyos at tao ay para bang palaging nasisira dahil sa pagkakasala ng mga tao, pero patuloy Siyang gumawa ng paraan upang makipagkasundo sa Kanya ang mga nilikha. Nagpasugo Siya ng mga propeta upang ipahayag sa mga tao ang plano ng Diyos. Isusugo ng Diyos ang Mesiyas, ang Kanyang Anak na si Hesus. 

Kakaiba gumawa ng paraan ang Diyos. Hindi natin inaasahan na ang mga ninuno ng Panginoon ay mga makasalanan. Ito'y tanda na minamahal tayo ng Diyos. Hindi susuko kahit kailan ang Diyos. Hindi bibitiw ang Diyos sa Kanyang pagmamahal sa atin. Nais Niyang manatiling kasama natin sa hirap man o ginhawa. Tayo man ay dumadaan sa matinding pagsubok sa buhay, ang Diyos ay Emmanuel. Kasama natin ang Diyos sa hirap at ginhawa. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. 

Si Kristo ang liwanag. Kung tayo ay naliligaw mula sa Diyos, sumunod tayo sa landas ng liwanag. Lumapit tayo sa liwanag ni Kristo. Bumalik tayo sa Diyos na nagmamahal sa atin. Kung tayo ay hindi matapat, ang Diyos ay palaging tapat. Minamahal Niya tayo. Sa kabila ng pagiging makasalanan natin, minamahal tayo ng Diyos. Hahanapin Niya tayo mula sa kadiliman. Tayong lahat ay napakahalaga sa paningin ng Diyos. Ibabalik tayo ng Diyos sa Kanyang mga kamay upang yakapin at tanggapin muli sa Kanyang kaharian. Ganun talaga ang pag-ibig ng Diyos sa atin. 

Sabado, Disyembre 7, 2013

MAS MALAKAS ANG KILOS KAYSA SA SALITA

Disyembre 16, 2013
Unang Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36 


Simula po ngayon ng Simbang Gabi. Kaya, gumigising po ng maaga ang buong Pilipinas siguro para sa siyam na araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo. Paniniwala po ng marami, kapag ang siyam na araw ng Simbang Gabi ay kinumpleto ng isang tao, ipagkakaloob sa kanila ng Diyos ang kanilang gusto o kahilingan para sa araw ng Pasko. 

Ang mga paring SVD ay itinatag ni Santo Arnold Janssen. Ang ibig sabihin ng SVD ay Societas Verbi Divini sa wikang Latin (Society of the Divine Word). Paanong nakuha ng kongregasyong ito ang pangalan nito? "Sa pasimula pa ay naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos. Nagkatawang-tao ang Salita at nakipamuhay sa atin." (Juan 1, 1. 14) Doon niya ipinangalan ang kongregasyon ng mga kapariang iyon. May kanta pa sila para sa isandaang taon ng mga paring SVD dito sa Pilipinas. Ang pamagat ng awiting iyon ay, "Witness to the Word." Ang kantang iyon ay tungkol sa pagsaksi nila sa Panginoong Hesukristo bilang Diyos, ang Salitang nagkatawang-tao.

Sa ating Ebanghelyo, pinuri si San Juan Bautista ni Hesus. Malaki ang papel na ginampanan ni Juan Bautista. Siya ang sumaksi sa Mesiyas at inihanda niya ang napakaraming tao para sa pagdating ng Mesiyas. Dahil sa mga pagtuturo ni Juan Bautista, maraming tao ang nagsisi upang masalubong nila ang Mesiyas sa pagkatao ng Panginoong Hesukristo.

Nililinaw rin ni Hesus na kahit malaki ang papel ni San Juan Bautista, mas malaki ang papel na gagampanan Niya. Katunayan nga, napakarami Siyang ginawa na higit pa kaysa kay Juan Bautista. Mas malaki rin ang responsibilidad ni Kristo. Ang misyon Niya dito sa lupa ay walang katulad. Siya ang itinakdang Mesiyas na mag-aalay ng buhay para sa kaligtasan ng marami. Siya ang ipinangakong Tagapagligtas na hinulaan ng mga propeta sa Lumang Tipan. Sumulat ang mga propeta sa Lumang Tipan tungkol sa Kanya. 

Ang mga ginawa ni Hesus sa Kanyang buhay ay kakaiba. Gumaling ang mga maysakit, lumalayas ang mga demonyo, nakakakita ang mga bulag, nakakarinig at nakakapagsalita ang mga pipi, nabubuhay ang mga patay at marami pang iba. Nagturo pa Siya ng maraming bagay tungkol sa kaharian at pag-ibig ng Diyos. Hindi lamang iyon ang mga ginawa ni Hesus. Maraming mga dakilang bagay ang ginawa ni Hesus na nagpapatunay na Siya nga ang ipinangakong Mesiyas at iisa si Hesus at ang Diyos Amang nasa langit.

Ang mga gawa ni Hesus ang Siyang nagpapatunay sa mga sinasabi Niya. Maraming bagay ang ipinapagawa sa Kanya ng Ama at ito ay ginagawa Niya. Tumatalima Siya sa kalooban ng Ama. Hindi Siya sumusuway sa kalooban ng Ama. Sa gayon, sila ay tunay na iisa. Tatlo man sila, Ama, Anak at Espiritu Santo, ang tatlong personang ito ay may iisang Diyos. Silang tatlo ay ang iisang Diyos. Actions speak louder than words. Mas malakas ang kilos kaysa sa salitaPinatunayan ni Hesus ang mga sinabi Niya at ang mga sinasabi tungkol sa Kanya ni Juan Bautista. Siya ang ipinangakong Tagapagligtas. Siya ang Mesiyas. Siya at ang Ama ay iisa. 

Martes, Disyembre 3, 2013

ANG PAGTAWAG SA PAGBABAGONG-BUHAY

Disyembre 15, 2013
Ikatlong Linggo ng Adbiyento (A)
Isaias 35, 1-6a. 10/Salmo 145/Santiago 5, 7-10/Mateo 11, 2-11

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin na si San Juan Bautista ay nagpadala ng mga sugo upang magtanong kay Hesus. Sa panahong iyon, siya'y pinakulong ni Haring Herodes Antipas sapagkat napakasakit ang mga salitang sinabi niya tungkol sa pagsasama nina Herodes at Herodias. Napakasakit ang mga sinabi ni Juan Bautista, kaya bilang pagganti, pinakulong nila si Juan Bautista.

Ang tanong ni Juan Bautista ay para bang tanong ng isang taong nawawalan na ng pag-asa. Tinatanong niya ang Panginoong Hesukristo kung Siya nga ba talaga ang hinihintay nila. Nasa isang krisis si San Juan Bautista. Nabalitaan ni Juan ang mga ginagawa ni Kristo na hindi niya inaasahan. May mga pagdududa at pagtatanong na si Juan Bautista. Hindi niya alam kung ang Tagapagligtas ay narito na o kung kailangan pang maghintay pa. Tinatanong ni Juan kung sino nga ba si Hesus. Tinatanong niya kung sino ang Mesiyas. Gustong makatiyak at malinawan si Juan kung si Hesus nga ang Mesiyas.

Ano ang inaasahan ng mga tao sa Mesiyas? Inaasahan nila na ang Mesiyas ang magbabagsak sa mga Romano. Sinasakop ang mga Israelita ng mga Romano sa panahong yaon. Ang inaasahan ng mga Israelita sa Mesiyas na sila'y ililigtas mula sa imperyo ng Roma, at ibabagsak ang pamamahala ng Roma sa Israel. Sa gayon, sila'y malaya na mula sa pagkabihag sa kanila ng Roma. Akala nila na isang pulitikong paghahari ang itatalaga ng Mesiyas dito sa mundo. 

Sa pagdating ni Hesus, ibang Mesiyas ang nasaksihan nila. Para bang marami ang nagduda kung Siya nga ba ang Kristo. Iba kasi ang mga ginagawa ni Kristo kaysa sa mga inaasahan nila sa Mesiyas. Magkaiba ang mga tinuro nilang dalawa. Nagturo si Juan Bautista tungkol sa paghuhukom ng Mesiyas. Ang mga tinuturo naman ng Panginoon ay tungkol sa awa at pagmamahal sa kapwa. Kaya, nagtaka na dito ang kanyang pinsang si Juan Bautista. Nagtaka siya kung nagkamali ba siya sa mga tinuro niya noong siya'y nasa Ilog-Jordan. 

Bilang sagot sa katanungang ito, inilarawan ni Hesus ang lahat ng mga ginagawa Niya. Hindi naging diretsyo ang sagot ni Hesus. Kabilang na doon ang mga kababalaghang ginawa Niya. Nakakalakad na ang mga lumpo, nakakakita na ang mga bulag, nakakapagsalita na ang mga pipi, at marami pang iba. Hindi lamang iyan. Maraming ginawa ang Panginoon. Ang lahat ng mga ginawa ni Hesus ay nagpapatunay na Siya nga ang Tagapagligtas na isinugo ng Diyos. 

Sa pamamagitan ng mga salitang ito, si Hesus ay nagbibigay ng pag-asa. Narito na ang Tagapagligtas. Ililigtas Niya, hindi lamang ang mga Hudyo, kundi ang lahat ng mga tao sa buong sanlibutan. Ang lahat ng mga tao sa sanlibutan ay ililigtas ni Kristo sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili sa Krus. Siya ang magliligtas sa lahat ng tao mula sa kasalanan at kamatayan (pisikal at espiritwal). Hindi lamang iyan. Inaalis Niya ang mga maling akala patungkol sa Kanya. Nililinaw Niya ang Kanyang misyon dito sa lupa. Si Hesus ay isang maawaing Mesiyas. Hindi Siya humahatol agad. Siya'y maaawa sa mga humihingi ng awa at patatawarin Niya ang mga nagsisisi sa mga nagawang kasalanan.

Ang sagot ni Hesus ay nakakatulong sa pagtanggal sa mga maling akala. Kung inaakala natin na ang Diyos ay mahigpit, palaging simangot at madaling humatol. Hindi, kahit may pagkahigpit ang Diyos, Siya'y mapagmahal at maawain. Sabi sa Salmo 103 na ang Diyos ay banayad kung magalit at ang Kanyang pag-ibig ay lubos. Handa Siyang magpatawad, kung hihilingin natin ang pagpapatawad ng Diyos. Aalisin Niya ang Kanyang galit, upang tanggapin tayo muli sa Kanyang mga kamay. 

Sinasabi rin ni Hesus sa Mateo 9:13 na naparito Siya dito sa lupa upang hanapin ang mga makasalanang tulad natin. Hinahanap tayo ni Hesus. Kung tayo man ay nagtatago o natutulog, magpahanap, gumising tayo. Tinatawag tayo ni Hesus. Tayo ang dahilan kung bakit Siya naparito sa lupa. Naparito si Hesus upang tayo ay ibalik Niya sa Ama. Ibalik tayo sa mga kamay ng Diyos upang mayakap natin Siya. Tayo ang gagawa ng desisyon kung magpapahanap tayo o hindi. 

May dahilan kung bakit tayo ay dapat magalak. Hinahanap tayo ng Panginoon. Bagamat mga makasalanan tayo, dahil sa Kanyang pag-ibig at habag, hinahanap tayo ng Panginoon. Tanggalin natin ang mga maling akala tungkol sa Diyos at kapwa. Tinatawag tayo ng Panginoong Hesus na magbagong-buhay. Pansinin natin ang Kanyang tawag na magbalik-loob sa Diyos at pagsisihan ang mga kasalanan. Ang Diyos ay maawain. Lumapit tayo sa Kanya, humingi ng awa sa Kanya, at nakakatiyak na tayo'y Kanyang patatawarin mula sa mga nagawang kasalanan. Huwag tayong matakot. Hinahanap tayo ng Panginoong Hesukristo. Magpahanap na tayo upang sa gayon, tayo'y aakayin ni Hesus pabalik sa bisig ng Amang nasa langit. 

Lunes, Disyembre 2, 2013

PAGBABALIK-LOOB SA DIYOS: ESPIRITWAL NA PAGHAHANDA

Disyembre 8, 2013
Ikalawang Linggo ng Adbiyento (A) 
Isaias 11, 1-10/Salmo 71/Roma 15, 4-9/Mateo 3, 1-12 



Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tungkol sa pangangaral ni San Juan Bautista. Siya ang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas. Inihahanda niya ang mga tao para sa pagdating ng Mesiyas, ang kanyang pinsang si Hesus. Ang panawagan niya sa mga nakikinig sa kanya ay magsisi at magbalik-loob sa Diyos. 

Bahagi ng paghihintay ay ang paghahanda. Halimbawa, kapag uuwi dito sa Pilipinas ang isa o mga kamag-anak sa abroad, may mga paghahanda na dapat gawin, hindi po ba? Kinakailangang linisin ang bahay para hindi mukhang kakahiya. Kailangang paghandaan natin sila ng pagkain upang kung sakaling magutom sila, may makakain sila. Maraming paghahanda na kinakailangang gawin. 

Gayon din ang ginagawa ni San Juan Bautista sa ating Ebanghelyo. Inihahanda niya ang mga tao para sa pagdating ng Mesiyas - si Hesus, ang ating Panginoon. Ang tinuturo ni San Juan Bautista sa mga tao ay ang pagsisisi. Espiritwal ang ating paghahanda, kaya pansinin rin natin ito. Hindi lamang pisikal ang pinaghahandaan natin; kinakailangang ihanda natin ang ating buhay-espiritwal. 

Bakit tungkol sa pagsisisi ang itinuturo ni Juan Bautista? Ito ay dahil sa kabutihan at awa ng Diyos. Ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan ng sugo niyang si San Juan Bautista. Pinapaalala ni San Juan Bautista ang mga tao na dapat silang magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Ginigising tayo ni San Juan Bautista mula sa ating pagkatulog. Hindi literal na tulog kung saan kinakailangang magpahinga ang tinutukoy ko. Ang tinutukoy ko ay isa pang uri ng pagkatulog. Sumasaksi si Juan Bautista sa liwanag mula sa Diyos. 

Pagbigyan natin ng diin ang ating buhay-espiritwal. Maaaring natutulog na palagi ang ating kaluluwa. Hindi natin pinapansin ang ating espiritwal na buhay. Mas binibigyan natin ng pansin kasi yung pisikal na bahagi ng ating sarili. Katulad na lamang ng pagandahan, pangpormahan, at marami pang iba. Mabuti naman ang paggawa ng gayon, pero pansinin po natin ang ating espiritwal na buhay. Tayo ba'y namumuhay sa liwanag ng Diyos, o namumuhay ba tayo sa kadiliman ng kasalanan? 

Huwag mag-alala kung tayo'y namumuhay sa kasalanan. Si San Juan Bautista po ay sumasaksi kay Kristo. Si Kristo ay isang mapagmahal at maawaing Tagapagligtas. Tayo ay gumising mula sa ating pagkatulog, pagnilayan ang ating buhay, at humingi ng kapatawaran mula kay Kristong Panginoon mula sa ating mga nagawang kasalanan. Papatawarin tayo ng Panginoon kung ito'y ating hihingin. Walang hanggan, walang limitasyon, ang pag-ibig at pagpapatawad ni Kristo. 

Ang pagtawag ni San Juan Bautista na magsisi at magbalik-loob ay hindi dapat pagbalewalaan. Dapat bigyan natin ng pansin at diin ang panawagang ito. Tayong lahat ay mga makasalanan, kaya dapat magsisi tayo at magbalik loob sa Diyos. Ito'y isang uri ng paghahanda para kay Hesus. Ang ating Panginoong Hesukristo ay mas higit pa kay Juan Bautista, Papa Francisco, Kardinal Tagle, Daniel Padilla, at ang lahat ng mga tao dito sa mundo, masikat man o hindi. Kaya, dapat nating paghandaang mabuti ang Kanyang pagdating. Nararapat lamang paghandaang mabuti, pagluhuran, sambahin, at sundan ang ating Panginoong Hesus. Tunay na dakila ang ating Panginoon.

Dapat nating bigyang-diin ang panahon ng Adbiyento. Huwag nating kakalimutan ang panahong ito, lalung-lalo na ngayon. Kinakailangan natin ito para sa ating kabutihan. Ibinigay sa atin ng Simbahan ang Adbiyento bago ang Pasko upang maghanda para sa paggunita sa Pagsilang ni Hesus. Kaya, gamitin ng mabuti ang panahon ng Adbiyento at huwag nating balewalaan. Importante po ang panahon ng Adbiyento. Huwag tayong magmadali para sa Pasko. Hinay-hinay lang. Gamitin natin ng tama ang lahat ng mga araw sa panahon ng Adbiyento upang maghanda para sa kaarawan ng ating Panginoong Hesukristo. 

MARIA: PINAGPALANG ALIPIN NG DIYOS

Disyembre 9, 2013
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria (Nuestra Senora de la Inmaculada Concepcion), 
Punong Patronesa ng Bansang Pilipinas 
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38




Ang Pilipinas po ay kilala bilang isang Pueblo Amante de Maria (Bayang sumisinta kay Maria). Ito ay dahil sa debosyon ng maraming Pilipino sa Mahal na Ina. Napakalalim ang pagmamahal ng mga Pilipino sa Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng kanilang debosyon sa kanya sa ilalim ng ilang mga titulo ni Maria. Marami po ang mga deboto ng Mahal na Birhen ng Guadalupe (na ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Disyembre), Mahal na Birhen ng La Naval de Manila (tuwing Oktubre), Mahal na Birhen ng Antipolo, at marami pang iba. Pero, ang punong patronesa ng Pilipinas ay ang Mahal na Ina sa ilalim ng titulong Nuestra Senora de la Inmaculada Concepcion o ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria.

May dalawang maling akala tungkol sa Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria. Ang unang akala ay ito ang kapanganakan sa Mahal na Ina. Ang pangalawa naman ay noong ipinaglihi ni Maria si Kristo sa kanyang sinapupunan. Hindi na po iyon ang Immaculada Concepcion; ibang usapan na iyon. Ang Immaculada Concepcion ay ang paglilihi sa Mahal na Birheng Maria sa sinapupunan ni Santa Ana. 

May isa pong mahahalintulad sa Immaculada Concepcion. Ilarawan nating may dalawang tao na nahulog sa putikan. Nadapa at nahulog sa putikan ang una. Siya'y tinulungan ng isang taong upang makabangon at makatayo mula sa putikan. Nakabangon at nakaligtas siya, pero, may dungis na nananatili dahilan sa kanyang pagkahulog. Mabuti naman na ang lalaking nagligtas sa kanya ay may dalang tubig upang linisin niya ang kanyang sarili.

Ngayon, ang pangalawa naman ay mahuhulog na sa putikan. Malapit na siyang bumagsak sa putikan, bigla na lang siya iniligtas ng taong nakaligtas sa iyo. Nailigtas ang pangalawa, pero may pagkakaiba. Ang una ay naligtas pagkatapos na siya'y madapa. Ang pangalawa naman ay nailigtas bago pa siya nadapa sa putikan. Wala siyang dungis at hindi na siya kailangang maglinis. 

Ganyan din po ang nangyari kay Maria. Iniligtas siya ng Diyos sa kakaibang paraan. Bago pa man siya isinilang sa mundo, siya'y niligtas na ng Diyos mula sa kasalanang mana. Wala siyang dungis ng kasalanang mana. Ang dungis ng kasalanang mana ay tinanggal sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag, pero hindi na kinailangan pang dumaan sa prosesyong iyon ang Mahal na Ina. Hindi niya pinayagang madungisan ang Mahal na Ina. Bago pa man siya ipinanganak ni Santa Ana, iniligtas at nilinis na siya ng Panginoong Diyos upang magampanan niya ang isang malaking responsibilidad mula sa Diyos - ang maging ina ng Mesiyas, ang Panginoong Hesukristo. 

Kaya noong binati siya ng Arkanghel Gabriel, nagulumihanan siya sa ganong pagbati. Hindi niya sukat akalain na siya'y napaka-espesyal at napakahalaga sa mata ng Diyos. Dahil sa pagbati ng Arkanghel sa kanya, siya'y nagpakumbaba. At noong binati siya ng anghel, sinabi sa kanya ng anghel na makinig, sapagkat imporante ang kanyang sasabihin. Si Maria'y nakinig sa mga sinasabi ng arkanghel. Sinabi ng anghel ang lahat ng mga detalye ng mga pangyayaring magaganap, lalung-lalo na kay Maria. Sinabi ng anghel na pinili siya ng Diyos na maging ina ni Hesus, ang ipinangakong Mesiyas.

Napakabigat ng pananagutang ito. Malaking responsibilidad ito. Siguro may iba siyang plano sa buhay bago nagpakita sa kanya ang Arkanghel Gabriel. Hindi niya akalain na malaki ang magiging pananagutan niya sa buhay. Naintindihan ba ni Maria sa mga sinabi ng arkanghel? Hindi! Kahit na nakinig si Maria, hindi niya lubusang naintindihan ang mga sinabi ng Arkanghel si Gabriel. Kaya nagtanong siya sa Arkanghel Gabriel kung papaanong mangyayari na siya'y magiging ina ng Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Alam ni Maria ang lahat ng mga propesiya sa Lumang Tipan patungkol sa ipinangakong Mesiyas. Ang hindi lang niya maintindihan ang kung bakit at paano mangyayari ito sa kanya.

Pagkatapos ipaliwanag kay Maria ng Arkanghel Gabriel ang lahat, tinanggap niya ang pananagutang ito mula sa Diyos. Sinabi niyang siya'y alipin ng Panginoon, at mangyari nawa ang mga sinabi sa kanya. Tinanggap ni Maria ang pananagutang ito. Kahit ang ibig sabihin na may mga pagsubok na kailangan niyang pagdaanan sa kanyang buhay, siya'y mananalig sa Diyos at hahayaang mangyari ang kalooban ng Diyos. Ito ang kanyang "oo" sa kalooban ng Diyos. Ang kanyang "oo" ay ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Diyos. Buong pagpapakumbaba niyang tinanggap at sinundan ang kalooban ng Diyos, katulad ng isang alipin. 

Sa Mateo 23:12 at Lucas 14:11, binigyang diin ni Kristo ang pagpapakababa. Ang sinabi Niya, "Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas." Si Maria ay nagpakababa sa harapan ng Diyos, kaya siya'y pinalad ng Diyos. Itinaas siya ng Diyos sa lahat ng mga nilalang. Dahil sa pagpapakababa ni Maria, nalugod sa kanya ang Diyos at siya'y pinili na maging ina ng Anak ng Diyos, ang Mesiyas, si Hesus. 

Tunay na pinagpala ang tapat na alipin ng Diyos na si Maria. Kahit hindi niya naintindihan ang mga pangyayari sa kanyang buhay, lalung-lalo na sa buhay ng kanyang anak na si Hesus, siya'y sumunod at tumalima sa kalooban ng Ama. Hindi siya naging hadlang sa mga plano ng pagliligtas ng Diyos sa sanlibutan. Buong pagpapakumbaba niyang tinanggap ang pananagutan niya sa Diyos, at tumalima sa kalooban ng Diyos. 

VIVA LA VIRGEN!! 




Sabado, Nobyembre 30, 2013

MAKABULUHANG PAGHIHINTAY AT PAGHAHANDA

Unang Linggo ng Adbiyento (A) 
Isaias 2, 1-5/Salmo 121/Roma 13, 11-14a/Mateo 24, 37-44 




Isang bagong kalendaryo ang sinisimulan ng Santa Iglesia sa araw na ito. Sapagkat ngayon po ang Unang Linggo ng Adbiyento. Ang panahon ng Adbiyento ay binigay sa atin ng Santa Iglesia upang ipaghanda ang ating mga sarili, pisikal at espiritwal, para sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo. Apat na linggo sa panahon ng Adbiyento ang ibinigay sa atin ng Simbahan upang tayo'y maging handa para sa panahon ng Kapaskuhan. 

Tanungin po natin ang ating sarili. Ano ang paghihintay para sa atin? Malaking bagay ba ito para sa atin o maliit lamang? Ano ang mga pakiramdam kapag tayo ay naghihintay para sa isang bagay o okasyon? Ano nga ba ang tingin natin sa paghihintay? Nakakabuti ba ito para sa atin, o kaya nagsasayang lang tayo ng oras? 

Bahagi ng ating buhay ay ang paghihintay. Sa una, para bang pasiyente tayo kapag tayo ay naghihintay. Pero, kapag lumipas na ang panahon, para bang nakakainip. Nakakasawa na ang paghihintay. Kahit na dumating sa atin ang ating hinihintay o ang ating hinihingi, kapag matagal na nating hinintay, para bang nawalan na tayo ng interesado doon. Marami po sa atin ay hindi mahilig maghintay. Nakakaiinip at parang matagal ang paghihintay. Pakiramdam natin ay para bang masyadong matagal dumating o mangyari ang isang bagay. Gusto natin mangyari na ang isang pangyayari. Nagmamadali na tayo. 

Katulad na lamang noong lumaban si Manny Pacquiao kay Brandon Rios noong nakaraang linggo. Marami ang hindi makapaghintay sa pagbabalik ng Pambansang Kamao ng Pilipinas sa ring. Mag-iisang taon na siyang wala sa pagboboksing, at simula ng taong 2013, marami ang nagtataka kung babalik pa ba siya. Noong sinabi ng balita na babalik siya sa Nobyembre, marami tuloy ang sabik na sabik na para sa araw na iyon. Hinihintay na ang araw ng laban ni Pacquiao upang manatiling nakatutok at panoorin muli ang ating idolong si Manny Pacquiao. 

Marami pong tinuro ang ating Panginoong Hesukristo tungkol sa paghihintay. Kabilang na doon ang ating Ebanghelyo ngayon. Alam po ninyo, matagal na tayong naghihintay kung kailan muling babalik ang Panginoon dito sa lupa. Ipinangako Niya na Siya'y babalik muli sa katapusan ng panahon. Ilang taon na, hindi pa rin Siya bumabalik dito sa lupa. Maaaring pinagpapaliban muna ni Kristo ang muling pagparito Niya bilang Haring Hukom. Pero, sabi nga ni Kristo, walang nakakaalam kung kailan Siya babalik. 

Hindi natin malalaman o maasahan kung kailan darating si Hesus. Pinapaalala tayo ni Hesus na maging handa para sa Kanyang pagdating. Hindi natin alam kung kailan magaganap ang muling pagparito Niya. Kaya, katulad ng mga sinasabi ng boy scout at girl scout dito sa Pilipinas, dapat laging handa. Ganyan rin ang sinasabi ni Hesus ngayon. Dapat tayong maging handa para sa mga pangyayaring hindi natin inaasahan. 

Anong klaseng paghahanda? Espiritwal at pisikal na paghahanda. Hindi sapat ang pisikal na paghahanda. Upang maging sapat ang ating paghahanda, kinakailangan natin ng espiritwal na paghahanda? Paano tayo makakapaghanda ng espiritwal sa ating paghihintay sa Panginoong Hesus? Unang-una, magdasal sa Diyos. Mahirap para sa atin ang maghanap ng oras na manalangin sapagkat para bang wala nang oras. Inaaksaya natin ang oras natin. Marami tayong ginagawa. Kinakailangang kausapin natin ang Panginoon, kahit sandali lamang. Magkaroon ng oras na makipag-ugnay sa Diyos. Hindi na kinakailangang ipakita sa mga tao na tayo ay nananalangin. 

Pangalawa, magbalik-loob sa Diyos. Ibinibigay ng mga panahon ng Adbiyento at Kuwaresma na pagnilayan kung ano ang naging takbo ng ating buhay. Saan nga ba patungo ang buhay natin? Kung tayo ay naliligaw, huwag mawalan ng pag-asa. Pwedeng mag-u-turn. Pwedeng umikot. May pag-asa pang magbago ang buhay natin. Paano natin babaguhin ang ating buhay? Una, humingi ng kapatawaran sa Diyos sa Sakramento ng Kumpisal. Pangalawa, iwasan na gawin uli ang mga kasalanang nagawa natin. 

Ang Adbiyento ay hindi nag-aaksaya ng panahon. Problema na po para sa atin ay nakakalimutan na natin ang panahon ng Adbiyento, lalung-lalo na sa ating bansang Pilipinas. Anong nangyari? Setyembre pa lamang, may napapakinggan na tayong mga tugtuging pampasko?! Bakit na nating nakakalimutan ang kahalagahan ng panahon ng Adbiyento? Bakit nagmamadali tayong lahat? Bakit minamadali natin ang Pasko? Binabalewalaan na natin sa panahon ngayon ang kapanahunan ng Adbiyento. 

Isang aral na makukuha natin sa panahong ito ay huwag magmadali. Ang paghihintay ay mukhang pag-aaksaya ng panahon, pero mahalaga ito. Napakahalaga ng panahon ng Adbiyento para sa ating lahat. Binibigyan tayo ng panahon na maghanda at maghintay para sa araw ng kapanganakan ni Kristo. Gamitin nawa natin ang lahat ng oras sa Adbiyento na paghandaan ang pisikal at espiritwal na sarili ng ating buhay. 

Huwag tayong magmadali. Gamitin natin ng tama sa paghihintay at paghahanda ang panahon ng Adbiyento. Pagsapit ng Pasko, ano ang makikita ng Panginoong Hesus sa ating puso? Habang may panahon pa, magbalik-loob na tayo sa Diyos upang maipaghanda natin ang ating sarili para sa kaarawan ni Hesus. 

Sabado, Nobyembre 23, 2013

ANG HARING NAKAPAKO SA KRUS

Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon/Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K)
2 Samuel 5, 1-3/Salmo 121/Colosas 1, 12-20/Lucas 23, 35-43


Ano ang pangkaraniwang kahulugan ng salitang, “Hari?” Paano mo mailalarawan ang isang hari? Ano ang mga katangian ng isang hari? Ang hari, dapat may korona. Siya’y makapangyarihan. Ang hari ay sumusuot ng mga magagarang damit. Napakaganda ang kanilang mga damit. Sila’y matatapang; hindi susuko sa laban. Iilan lamang po ito sa mga pangkaraniwang paglalarawan sa isang hari.

Ang ating Panginoong Hesukristo ay isang hari rin. Pero, sa Ebanghelyong narinig, parang hindi naman Siya hari. Bakit? Nakapako Siya sa krus! Sinong hari ang nakapako sa krus? Unang tingin pa lang, hindi na nararapat ang Panginoon na maging hari. Walang haring mahina. Walang haring nakapako sa krus. Hindi lang iyan, nilalapastangan Siya. Hindi ba ang isang hari, ginagalang ng mga tao? Ang koronang sinusuot ni Hesus, napansin ba ninyo? Hindi gawa sa ginto, kundi gawa sa tinik! Si Hesukristo, nilalapastangan, pinagtatawanan ng mga tao. Mukha Siyang mahina, mukhang hindi talagang hari ang Panginoon.

Kung ating suriing mabuti ang Mabuting Balita, may ginagawa si Kristo sa Krus upang patunayan na Siya’y isang Hari. Ano nga ba talaga ang dahilan kung bakit nga naparito si Kristo sa lupa? Hindi ba ang misyon Niya ay iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan (espiritwal at pisikal). Isa na itong katangian ng isang hari. Ang isang hari, inililigtas Niya ang mga tao. Inuuna Niya ang mga taong sinasakupan Niya. Kahit na mukhang mahina si Kristo at hindi inililigtas ang Kanyang sarili, mayroon Siyang ililigtas – ang sangkatauhan.

Isa ring katangian ng isang hari ay ang pagiging handa sa paglilingkod sa kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga sinasakupan niya. Servant leadership ang tawag dito. Kahit na ang isang tao ay ang pinuno, siya’y laging handa na maglingkod sa kanyang mga tagasunod. Kahit mas mataas pa ang ranko ng isang lider kaysa sa iba, maglilingkod pa rin siya. Hindi lamang niya iniisip ang sarili niyang kapakanan. Iniisip rin niya ang kapakanan ng mga tagasunod niya. Iniisip niya ang mga ikabubuti sa kanila. Siya’y laging handang maglingkod.

Si Hesus ay isang mabuting huwaran ng steward leadership. Kahit na Siya ang hari ng langit at lupa, iniisip rin Niya ang mga ikabubuti sa atin. Inuunahan at pinaglilingkuran Niya ang mga tao Niya. Kahit na Siya’y Diyos, Siya’y nagpakumbaba at naging taong tulad natin. Namuhay Siya bilang alipin. Pinaglingkuran Niya tayo sa pamamagitan ng pagtuturo ng Mabuting Balita sa lahat ng tao, lalung-lalo na ang mga makasalanan.

Nagkaroon rin ng isang pagkakataong kung saan pwedeng takasan ng Panginoong Hesus ang Kanyang pagkamatay sa Krus. Pero, pinili Niyang sundan ang kalooban ng Ama. Ang Kanyang panalangin sa Halamanan ng Getsemani, “Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod.” Maaari Niyang takasan ang maglingkod. Kahit may tukso na huwag nang mamatay sa krus, pinagtagumpayan Niya ito alang-alang sa ating lahat. Pinili ng Panginoon ang mamatay alang-alang sa kaligtasan ng lahat ng tao. Isang haring mag-aalay ng buhay upang iligtas ang mga tao. Hindi plano Niya ang sinunod. Plano ng Ama ang Kanyang sinunod. Dahil sa desisyong ginawa Niya, pinaglilingkuran Niya ang Ama at ang tao. Hindi sarili ang iniisip ni Hesus, iniisip Niya tayo na mga nabihag ng kasamaan at kasalanan. Misyon Niya ay ang iligtas tayo upang tayo’y makasama Niya sa Kanyang kaharian sa langit.

Noong ipagtatanggol sana ng mga apostol si Hesus sa Halamanan mula sa mga autoridad (lalung-lalo na si San Pedro), pinigil Niya. Pinigilan Niya ang Kanyang mga alagad. Kahit nagkaroon uli Siya ng pagkakataon ng takasan ang Kanyang kamatayan, kahit na nagkaroon ng pagkakataon upang hindi Siya madakip, hinayaan Niyang mangyari iyon. Kalooban ito ng Ama, Siya’y nagiging masunurin sa kalooban ng Ama. Si Hesus ay isa ngang hari na mag-aalay ng buhay alang-alang sa mga pinaghaharian Niya.

Sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa Krus, pinaglingkuran ni Hesus nang buong pagpapakumbaba ang Ama at ang kapwa-tao. Wala Siyang hinahanap na kapalit. Nagpakababa Siya at kusang naglingkod hanggang kamatayan. Isang halimbawa ang binibigay sa atin ni Hesus – pagpapakababa. Tayong lahat ay dapat ring magpakababa at gumawa ng mabuti para sa ating kapwa, tulad ni Hesus. Anu-ano ang mga paraan ng paggawa ng mabuti sa kapwa? Kahit ang mga maliliit na bagay lamang. Hindi naman kinakailangang mali. Sinasabi nga ng isang kasabihan, “Ang isang maliit na bagay ay makakagawa ng malaking diperensya.” Basta, ang mahalaga ay kung naggaling ang ating paggawa ng mabuti sa ating puso.

Si Hesus ay babalik sa wakas ng panahon bilang Hukom nating lahat. Hindi Niya tatanungin kung magkaano ang pera o ilan ang ating mga sasakyan. Bagkus, kung tatanungin Niya tayo, tatanungin Niya kung ilang beses na nating pinaglingkuran at gumawa ng mabuti para sa kapwa. Sinasabi ni Hesus na anuman ang ginagawa natin sa ating kapwa, ito ay ginagawa natin sa Kanya. Ito’y para bang isang paanyaya mula kay Hesus na makapasok sa langit. Ito’y para bang RSVP. Hindi tayo pipilitin ni Hesus. Tayo ang gagawa ng desisyon. Nasa ating mga kamay ang ating desisyon.

Inaanyayahan tayo ni Kristo na makasama Niya sa Kanyang kaharian sa langit. Nawa’y tanggapin natin ang paanyayang ito, katulad ng pagtanggap nito ni Dimas. Si Hestas, inalipusta si Kristo sa krus. Nabulag siya sa maling akala na dahil hindi nagrereklamo o anuman si Kristo sa krus, mahina na Siya. Ngunit, binuksan ni Dimas ang kanyang isip at mga mata kay Kristo at naniwalang wala siyang kasalanan. Naniwala rin siya na isang tunay na hari ang Panginoong Hesukristo at hindi ito mula sa mundong ito. Huwag tayo magpapabulag sa pag-aakalang mahina si Hesus. Di porke’t nakapako si Hesus sa krus, mahina na Siya. Hindi totoo ‘yan! Makapangyarihan si Hesus, kahit na nakapako sa krus. Ang Krus ay simbolo ng Kanyang tagumpay, pagpapakababa, at paglilingkod sa atin.

Tularan natin si Kristong Hari sa paglilingkod sa kapwa-tao. Gaano man kataas ang posisyon ng isang tao sa kanyang buhay, siya’y dapat maglingkod rin sa kapwa. Sapagkat anuman ang ginagawa natin bilang paglilingkod sa kapwa natin, ginagawa natin ito kay Kristong Hari. Sa katapusan ng panahon, tayo’y gagantimpalaan ng Panginoong Hesukristo para sa mga mabubuting gawa sa ating kapwa. Paano Niya tayo gagantimpalaan? Isasama Niya tayo sa Kanyang kaharian sa langit – tulad ng pagsama Niya kay Dimas.


VIVA CRISTO REY!! VIVE CRISTUS REX!!
MABUHAY ANG KRISTONG HARI!!





Linggo, Nobyembre 17, 2013

MAGTIIS PARA SA BUHAY NA WALANG HANGGAN

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde
Malakias 3, 19-20a/Salmo 97/2 Tesalonica 3, 7-12/Lucas 21, 5-19 

Tayong lahat ay hindi mahilig sa mga katapusan, lalung-lalo na kapag magtatapos na ang mga programa sa telebisyon. Halimbawa lamang po nito ay ang programang Be Careful With My Heart sa ABS-CBN Channel 2. Siguro, marami na po ang nasawa sa panonood ng programang ito dahil sa sobrang haba nito. Pero, nang mabalitaan nila na ikakasal na sina Maya at Ser Chief sa Nobyembre 15, siguro nagulat sila. Kaya, marami ang nakatutok sa ABS-CBN sa araw ng kasal. Ang ibig sabihin ng kasal, malapit na magtapos ang Be Careful With My Heart. Kung kailan matatapos na ang programa, ayaw na nilang bumitaw. Nakakakilig much ang kwento nina Maya at Ser Chief, aaminin ko po.

Papalapit na po tayo sa pagwawakas ng Taon K sa Kalendaryo Panliturhiya. Ang Taon ng Pananampalataya ay magwawakas rin po sa susunod na Linggo - ang Kapistahan ng Kristong Hari. Kaya, binibigyan tayo ng pagkakataon ng mga Pagbasa ngayon na pagnilayan ang katapusan ng panahon. Sa katapusan ng panahon, babalik ang Panginoong Hesukristo bilang Hari at Hukom ng lahat ng nabubuhay at nangamatay na tao. 

Hindi po permanente ang mga buhay natin dito sa lupa. Pansamantala lamang po ang mga buhay natin sa daigdig na ito. Balang araw, tayo'y mamamatay rin. Mahirap lang po sa atin siguro ay masakit itong tanggapin. Hindi natin kayang tanggapin ang masasakit na pananalitang ito. Ayaw natin pakawalan ang ating buhay. Napakahirap po para sa atin ang pakawalan ang mga bagay sa ating buhay, lalung-lalo na ang mga tagumpay, parangal, atbp. Natatakot tayong mamatay at mahirap para sa lahat ng tao ang huwag matakot sa kamatayan. Maraming kinakatakutan ang lahat ng tao, pero, mas natatakot tayo sa kamatayan. 

Maraming pangyayari dito sa mundo ang hinula ni Hesus. Una, may mga huwad na propeta na maghahanap ng atensyon. Ipagkakalat niya na siya ang Mesiyas at dumating na ang panahon. Lolokohin lamang ng mga propetang ito ang lahat ng mga makikinig sa kanya. Hindi galing sa Diyos ang mga sinasabi nila. Walang katotohanan sa mga sinasabi niya. Naghahanap lamang siya ng atensyon. Para bang tsismis. Napakahirap ang hindi mag-tsismis. Binababalaan tayo ng Panginoon na huwag magpahulog sa bitag ng kasinungalingan. 

Pangalawa, maraming mga kalamidad ang mangyayari. Maging lindol, bagyo, at marami pang iba, ito'y mangyayari. Ang ating bansang Pilipinas ay naging biktima ng dalawang kalamidad ngayong taong ito. Una, ang lindol sa Gitnang Kabisayaan,, lalung-lalo na po sa Bohol at Cebu. Nakita po natin sa mga larawan mula sa internet at telebisyon ang mga gusaling nawasak dahil sa lindol na ito. Pangalawa, ang bagsik ng bagyong Yolanda sa Silangang Kabisayaan, lalung-lalo na po sa Tacloban. Ito na ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayon. Kitang-kita sa mga larawan sa internet at sa telebisyon ang bagsik ng bagyong ito. Ilang araw na silang nagutom at hindi naligo, pero tiniis pa nila ang lahat ng iyon. Pero, tiniis nila iyon. Sila'y nagkaroon ng lakas upang tiisin ang paghihirap na iyon.

Ngayon, kung itatanong ninyo kung malapit na ang pagwawakas ng panahon, ang sagot ko, hindi ko alam. Malapit na nga ba ang katapusan ng panahon? Hindi ko po alam. Sabi nga ni Kristo, walang nakakaalam dito. Kahit ang mga anghel at banal sa langit, kahit pa si Kristo mismo, hindi alam. Sino ang may alam kung kailan nga ba ang katapusan? Ang Amang nasa langit lamang. Ang Diyos Ama lamang mismo ang nakakaalam tungkol dito. 

Ang mga nagtiis at nanatiling tapat pa rin sa Diyos ay gagantimpalaan Niya sa buhay na walang hanggan. Tunay nga silang mapalad. Gagantimpalaan sila ng Diyos para sa pagtitiyaga nila sa buhay nila sa lupa. Hindi nila alam kung kailan mamamatay sila o kung kailan magwawakas ang panahon. Ang alam lamang nila, tatanggap sila ng gantimpala mula sa Diyos para sa pagtitiis para sa buhay na walang hanggan. Nawa, kabilang tayo sa mga makakamit ng buhay na walang hanggan dahil sa pagtitiis natin sa mga pagsubok dito sa lupa at pananatiling tapat sa Diyos at sa ating pananampalataya sa Kanya.