Linggo, Enero 27, 2013

HESUS: KATUPARAN NG MGA PROPESIYA NG MGA PROPETA

Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon at Pambansang Linggo ng Banal na Bibliya (K) - Berde
(Neh 8:2-4a, 5-6, 8-10/Salmo 119/1 Kor 12:12-30 (o 12:12-14, 27)/Lk 1:1-4; 4:14-21)

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na bumabalik-loob ang mga Hudyo pagkatapos basahin at paliwanagin ang Batas ni Moises. Iyan ay sa tulong nina Nehemias, Ezra at ilang mga Levita. Nagsisi sila dahil nakalimutan nila ang nagpalaya sa kanila noong tinapon sila sa Babiloniya. Noong umalis mula sa kaalipinan sa Babilonia ang mga Hudyo, napansin ni Ezra na nagpatayo ng templo sa Herusalem si Nehemias. Hindi lamang napansin ni Ezra ang bagong templo na itinayo ni Nehemias, kundi napansin rin niya na nagbago ang ugali ng mga Hudyo. Nagpapakasal ang mga Hudyo sa mga babaeng dayuhan. Ang bunga noon ay ang pagtaliwas sa kanilang pananampalataya at paglimot sa Diyos. Kaya, pagkatapos basahin at paliwanagin nina Ezra at Nehemias kasama ang mga Levita, naaalala nila ang kanilang kasalanan laban sa Diyos. Nakalimutan nila ang Diyos at tumalikod sila sa pananampalataya. Ang bunga noon, umiyak sila nang alam na nila ang kahulugan ng Kautusan. Pinauwi sila nina Nehemias, Ezra at ang mga Levita at binilin sa kanila na magdiwang at magbahagi sa mga may wala.

Sa Ikalawang Pagbasa naman, matutunghayan natin na gumagamit ng isang talinghaga si Apostol San Pablo. Ang talinghagang ginamit niya ay ang talinghaga ng katawan. Ang katawan ay may maraming bahagi ngunit iisa lamang ang tungkulin nito. Katulad ng katawan ng isang tao, may katawan rin ang ating Simbahan. Maraming bahagi ang katawan ng ating Santa Iglesya. Tayong lahat, mga mananampalatayang Katoliko, ay dapat magkaisa muli sa pananampalataya. Sa pamamagitan ng pagkakaisa, maipahayag natin lahat ng mas malakas ang Salita at ang Kabutihan ng ating mapagmahal na Diyos.

Ngayon, dumako po tayo sa ating Mabuting Balita. Umuwi ang Panginoong Hesukristo sa Nazaret kung saan Siya lumaki. Kagaya ng Kanyang kinaugalian, pumunta Siya sa isang sinagoga sa Araw ng Pamamahinga. Tandaan po natin, ang Araw ng Pamamahinga ng mga Hudyo ay katulad ng Araw ng Linggo para sa ating mga Katoliko. Ang Araw ng Pamamahinga ay ang Araw ng Pagsamba para sa mga Hudyo. Bawal magtrabaho ang mga Hudyo sa Araw ng Pamamahinga.

Si Hesus ay tinawag upang basahin ang isang nasasaad sa aklat ng Propeta Isaias. Ang binasa po ni Kristo sa harapan ng mga Hudyong nakatipon sa sinagoga ay ang ika-61 na kabanata sa aklat ni Propeta Isaias. Ang Espiritu ng Diyos ay nasa lingkod ng Diyos upang ipahayag ang Mabuting Balita at ang Kaligtasan ng Diyos sa lahat ng mga tao.

Sino ang tinutukoy ni Isaias? Sino ang lingkod ng Diyos na ito? Si Hesus mismo. Binasa at ipinahayag ng Panginoon sa harapan ng mga tao sa sinagoga ang Kanyang misyon dito sa lupa. Sinugo si Hesus upang ipahayag ang Mabuting Balita at ang Kaligtasan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagkamatay Niya sa krus, nailigtas ng Diyos ang lahat ng mga tao. Iyan ang misyon ni Hesus. Natupad na ang sinabi ni Propeta Isaias sa pagkatao ni Hesus.

Ngayong Linggong ito ay ang Pambansang Linggo ng Banal na Bibliya. Ang tema ng Linggong ito ay, "Proclaim the Word... Profess the Faith." Iyan po ay isang hamon para sa atin ngayong Taon ng Pananampalataya. Kailangang ipahayag natin ang Salita ng Diyos at ang ating Pananampalataya. Bahagi ng pagpapahayag ng pananampalataya ay ang pagtanggol nito mula sa mga kumukontra dito. Dapat magkaisa tayong lahat, mga mananampalatayang Katolikong Kristiyano, na ipahayag ang Salita ng Diyos at ang ating pananampalataya sa buong mundo. Sa pamamagitan nito, tayo na rin ay nagiging misyonero sa mga hindi pa nakakikilala sa ating pananampalataya at mga lingkod sa ating kapwa-tao.

Linggo, Enero 20, 2013

ANG BATANG HESUS: HUWARAN NG MGA MANANAMPALATAYANG KATOLIKONG KABATAAN

Kapistahan ng Banal na Santo Niño (K) - Puti
(Is 9:1-6/Slm 98/Ef 1:3-6, 15-18/Lk 2:41-53)

Isa pong Maligayang Kapistahan ng Mahal na Poong Santo Niño sa ating lahat! Binabati ko po ang mga nagdiriwang ngayong ng Kapistahan ng Señor Santo Niño. Maligayang Pagbati po sa mga deboto ng Santo Niño, lalung-lalo na sa Cebu, Tondo, Pandacan at sa buong Pilipinas. Maligayang Kapistahan po ng Santo Niño sa ating lahat!

Ang imahen ng Santo Niño de Cebu ay dinala ni Ferdinand Magellan. Hindi lamang isa ang imahen dinala ni Magellan kundi tatlo. Isa doon ang imahen ng Santo Niño de Cebu. Ang pangalawang imahen dinala ni Magellan ay ang imahen ng Nuestra Señora de Guia. Ayon sa mga ilang Pilipino, ang Nuestra Señora de Guia ay ang pinakamatandang imahen ng Mahal na Birheng Maria dito sa Pilipinas. Ang pangatlong imahen dinala ni Ferdinand Magellan dito sa Pilipinas ay ang imahen ng Ecce Homo o ang imahen ng Panginoong Hesukristong hinampas, pinatong ng koronang-tinik at nakasuot ng balabal na purpura. Ang tatlong imaheng ito ay isang regalo ni Magellan kay Haring Humabon pagkatapos binyagan siya.

Sa Cebu at Maasin sa Southern Leyte, isang pinakamasikat na tradisyon tuwing Kapistahan ng Santo Niño ay ang Sinulog Festival. Samantala naman, ang isang magkahawig na tradisyon nito ay ang Ati-Atihan sa Kalibo, Aklan. Sa Maynila, lalung-lalo na sa Tondo, kapag Kapistahan ng Santo Niño, sumasayaw at pumaparada ang mga deboto ng Señor Santo Niño. Ito ay halos magkaiba kapag Kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno doon sa Quiapo. Doon sa Quiapo, kapag araw ng Kapistahan ng Señor Nazareno, nagkakagulo ang lahat ng mga tao mula Luneta hanggang Quiapo para lamang mahawakan ang imahen. Hindi ito katulad ng Kapistahan ng Santo Niño. Dito, sumasayaw ang mga tao sa mga kalsada bilang pagpaparangal sa Santo Niño.

Dahil sa matinding debosyon ng mga Pilipino kay Señor Santo Niño, pinayagan ni Santo Papa Innocent XIII na magkaroon ng Kapistahan ng Santo Niño. Ito'y ginaganap tuwing ikatlong Linggo ng buwan ng Enero. Tayong mga Pilipinong Katoliko ay may matinding debosyon at tayo ang halos ang pinakamadasalin. Halimbawa, matindi ang ating debosyon sa Señor Santo Niño. Mayroon naman po sa inyo (katulad ko), may debosyon sa Mahal na Poong Nazareno. Ang iba naman, may debosyon sa Birhen ng Antipolo. Napakaraming mga debosyon ang mga Pilipino.

Ngayong Taon ng Pananampalataya, ipailalim natin ang ating pananalig at pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga debosyon. Isang napakagandang paraan ang ating mga debosyon sa Santo Niño, Poong Nazareno, Birhen ng Antpolo, etc. Sa tulong ng mga debosyon natin sa mga ito, harinawa, lumalim pa ang ating pananamapalataya sa Diyos. Nawa mas maging madasalin tayo kung dati'y hindi tayo nagdarasal. Maganda ang paraan ng pagdasal upang mas lalu pa tayong lumago sa pananampalataya at maging mga Katolikong Pilipino na sumasaksi kay Kristo. Ipagmalaki natin na tayo ay mga Katolikong Pinoy, may debosyon sa Santo Niño, Poong Nazareno, Birhen ng Antpolo, etc. At nawa, ang Señor Santo Niño ay maging isang halimbawa ng Walang Hanggang Kabataan: Pagkilala, Pagtitiwala at Pagtalima. PIT SEÑOR!! VIVA!! SANTO NIÑO!!








Linggo, Enero 13, 2013

LUBOS KO SIYANG KINALULUGDAN

Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon - (K) - Puti
(Is 42:1-4, 6-7/Slm 29/Gw 10:34-38/Lk 3:15-16, 21-22)

Ngayong Linggong ito ay ang wakas ng kapanahunan ng Kapaskuhan. Bumabalik po tayo ngayon sa Karaniwang Panahon. At sa unang Linggo sa Karaniwang Panahon, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon. Ang pangyayaring ito sa Banal na Bibliya ay ang simula ng pampublikong ministeryo ni Hesus. Ang ating Banal na Ebanghelyo ay hango sa ikatlong kabanata sa Ebanghelyo ni San Lukas.

Sa Mabuting Balita, mapapakinggan natin na tinatanong si San Juan Bautista kung siya nga ang Kristo. Dahil sa kanyang kasikatan, ang akala ng maraming tao na si Juan Bautista nga ang Mesiyas. Kayang aminin sana ni Juan Bautista na siya nga ang pinangakong Mesiyas, ngunit, dahil isa siyang mapagpakum-babang tao, inamin niya na hindi siya ang Kristo. Alam ni Juan na may isang magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Si Juan Bautista ay nagibibinyag sa pamamagitan ng tubig sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

Ngayon, mapapansin natin sa Ebanghelyo na nakipila si Hesus sa napakaraming taong pumunta kay Juan upang magpabinyag. Sa salaysay ni San Mateo tungkol sa pagbibinyag kay Kristo, nagulat nga si Juan nang lumapit si Kristo sa kanya upang magpabinyag. Nasa harapan na nga ni Juan Bautista ang Kordero ng Diyos. Nasa harapan na niya ang Mesiyas. Hindi siya karapat-dapat magbinyag sa kanya. Mas makapangyarihan kaysa sa kanya ang bibinyagan niya. Dapat si Hesus mismo ang magbinyag kay Juan Bautista. Ngunit kinumbinsihan ni Hesus si Juan na binyagan siya upang matupad ang kasulatan.

Ngayon, sa salaysay ni San Lukas, matutunghayan natin na walang usapan na naganap sa pagitan ng Panginoong Hesukristo at ni San Juan Bautista, katulad ng naganap sa Ebanghelyo ni San Mateo. Maitatanong natin, bakit pumipila si Hesus sa mga taong makasalanan, tulad natin, upang magpabinyag kay Juan Bautista? Alam naman nating lahat na walang ginawang kasalanan si Hesus, kaya, bakit kailangan pang magpabinyag siya? Balikan po natin ang ikalawang kabanata ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos. Ito po yung ikalawang pagbasa sa Banal na Misa para sa Kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno noong nakaraang Miyerkoles. Ayon kay San Pablo, si Hesus, sa halip na ipagyabang na siya ay Diyos, ay nagpakumbaba, at naging taong katulad natin. Siya'y naging masunurin sa kalooban ng Diyos hanggang sa kanyang kamatayan sa krus.

Noong bininyagan si Hesus, nanalangin siya. Sa Ebanghelyo ni San Lukas, kadalasan nating makikita ang Panginoon na nanalangin. Hindi ko na po sasabihin kung kailan, basahin na lamang po ninyo ang Ebanghelyo ni San Lukas. Habang nagdarasal si Hesus, nabuksan ang langit, at bumaba sa kanya ang Pangatlong Persona sa Banal na Santatlo: ang Diyos Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo'y nakikitang bumababa sa kanya sa anyo ng isang kalapati. Isang tinig mula sa langit ang nagsabi: "Ikaw ang aking Anak, lubos kitang kinalulugdan." Iyan ay ang tinig ng Diyos Ama.

Nalugod ang Diyos Ama sa kanyang Anak na si Hesus. 
Nalugod ang Amang Diyos sa pagpapakumbaba ni Hesus. Naging kaisa natin ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang Anak. Salamat sa Diyos, dahil sa pagbibinyag kay Hesus, naging kaisa natin at tayo'y nagkaroon ng kaligtasan mula sa Diyos. Ito ay isa sa mga proseso ng plano ng pagliligtas ng Diyos. Kinailangang ang Diyos na magliligtas sa atin, pero, kinailangan ring, tao rin ang magtububos sa kasalanan. Kailangang perpekto ang isang tao katulad ng Diyos upang magtubos sa ating mga kasalanan. Samantala naman, hindi naman kayang magpatawad ang tao. Ang Diyos lamang ang maaaring magpatawad ng mga kasalanan. Kaya, kinailangang si Hesus ang gamitin. Si Hesus, kasi, Diyos siya, pero nagkatawang-tao upang iligtas tayo. Ang gulo-gulo ng mga sinasabi ko kaya halos hindi ko maiintindihan ang sinasabi ko, kaya pasensya na po sa mga hindi nakakaintindi nito. Pero, tandaan po natin, si Hesus ay Diyos na nagkatawang-tao upang maipatawad ang ating mga pagkakasala laban sa Diyos.

Ang binyag ay isang sakramento sa ating Santa Iglesya Katolika. Pinakikilala dito sa Sakramento ng Binyag ang mga anak ng Diyos. Tayo rin ay mga anak ng Diyos, pero si Hesus ang bugtong na Anak ng Diyos. Si Hesus ang ating Kuya, ang ating Kapatid, sapagkat, kahit mga anak tayo ng  Diyos, si Hesus ang bugtong na Anak ng Diyos. Nawa, sa Taon ng Pananampalataya, huwag nating gawin isang okasyon lamang ang Sakramento ng Binyag. Sa halip, gawin natin itong pagdiriwang na ang mga bagong binyag ay nagiging Anak ng Diyos. Pinapakita natin na ang mga bagong binyag ay nagiging mga anak ng Diyos. Tayo, sa pamamagitan ng binyag, ay nagiging anak ng Diyos. Huwag nating ikahiya, ipagmalaki natin na tayo'y mga anak ng Diyos. Tayong lahat ay magkakapatid sa pamilya ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ipinagmamalaki natin ang ating Pananamapalatayang Katolika. Ipinagmamalaki natin ang ating Pananampalataya sa Diyos. Iyan ay isang hamon para sa ating lahat ngayong Taon ng Pananampalataya.

(Photos courtesy of owners)

Linggo, Enero 6, 2013

ANG BITUIN AT ANG TATLONG HARING MAGO

Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon - (K) - Puti
(Isaias 60:1-6/Salmo 72:1-2, 7-8, 10-11, 12-13/Efeso 3:2-3a, 5-6/Mateo 2:1-11)


Ang Tatlong Haring Mago ay nagmula sa silangan. Hindi naman po sila mga hari, sa halip sila ay mga pantas. Pumunta sila sa Herusalem upang hanapin ang Hari ng mga Hudyo - ang Mesiyas. Dumaan sila sa bahay ni Haring Herodes upang hanapin nila ang Mesiyas doon. Baka alam ni Herodes kung saan hanapin ang Mesiyas. Kaya, dumaan sila kay Herodes upang magtanong kung nasaan ang Hari ng mga Hudyo.

Nang marinig ito ni Herodes, nagulat siya. Nagulat rin ang bayang Herusalem dahil ipinanganak na ang Mesiyas. Isinalaysay ng mga Pantas kung bakit hinahanap nila ang Hari ng mga Hudyo. Nakita nila ang bituin ng Mesiyas sa Silangan. Ang ibig sabihin noon, ipinanganak na ang Hari ng mga Hudyo. Kaya, laki ang gulat nina Herodes at ang mga Hudyo.

Palagay ko, takot na takot si Herodes nang marinig niya iyon. Ang aga-aga pa, may papalit na sa kanya. Ayaw niyang ibigay ang kanyang paghahari sa ibang kandidato. Gusto niyang, siya lang ang hari at wala nang iba. Ang papalit lang sa kanya ay ang anak niya. Parang baga'y nais ni Herodes na maging isang diktador. Ayaw niyang ibigay kay Hesus ang kanyang paghahari.

Hindi alam ni Herodes ni ang mga Hudyo kung saan ipinanganak ang Anak ng Diyos. Kaya, nagtanong sila ang mga punong saserdote at ang mga eskriba. Ang mga punong saserdote at ang mga eskriba lamang ang nakakaalam tungkol sa kapanganakan ng Mesiyas. Sila ang mga nag-aral ng mga Salita ng Diyos noong mga panahong iyon. Kaya, kung may tanong ang mga Hudyo tungkol sa Banal na Kasulatan, tatanungin nila ang mga punong saserdote at mga eskriba.

Ayon sa mga saserdote at mga eskriba, ang Mesiyas ay ipanganganak sa Betlehem. Sa Betlehem ng Juda kung saan ipinanganak si Haring David. Ang ibig sabihin noon, ang Mesiyas ay nagmumula sa lahi ni David. Kaya, ang tawag kay Kristo noong lumaki na siya ay, "Anak ni David." Ang dahilan kung bakit tinatawagang "Anak ni David" ang Panginoon ay dahil sa Betlehem siya ipinanganak. Siya ang pinakamasikat na taong ipinanganak sa Betlehem, mula sa lahi ni David.

Dahil doon, pinahanap ni Herodes ang sanggol na ito mula sa mga Pantas na ito. Ang dahilan kung bakit pinapahanap ni Herodes ang sanggol ay dahil gusto raw niyang sambahin ang sanggol na ito. Pero ang totoo, nais patayin ni Herodes ang bata. Gustong patayin ni Herodes ang sanggol na ito para wala nang haharang sa kanyang paghahari. Makamundo si Herodes, gusto niya siya ang hari, siya ang mamumuno sa bayan. Kaya, pinapahanap niya ang sanggol hindi upang sambahin, kundi patayin ang sanggol.

Pagkatapos noon, lumitaw muli ang tala na nakita ng mga Pantas bago pa sila pumunta kay Herodes. Lumitaw ito uli at sumunod ang mga Pantas sa tala na ito. Alam nila na ang tala na ito ay gagabay sa kanila upang matagpuan nila ang Panginoong Hesukristo, ang Mesiyas, na matagal nilang hinahanap upang sambahin. Noong dumating sila sa sabsaban kung saan ipinanganak ang Panginoon, natagpuan nila ang sanggol na nasa piling ng kanyang inang Maria. Sinamba nila ang sanggol na Hesus, at naghandog ng ginto, kamanyag, at mira. Ito nga ay mga regalong handog ng Tatlong Haring Mago sa Tunay na Hari ng mga Hari.

Pagkatapos ng araw na iyon, hindi bumalik ang Tatlong Pantas na ito kay Herodes. Bakit? Nagpakita sa kanila ang Diyos sa isang panaginip. Ano ang sinabi sa kanila ng Diyos? Umuwi sila at huwag nang bumalik kay Herodes. Alam ng Diyos kasi na kapag sinabi ng Tatlong Pantas kung saan ang kinaroroonan ng sanggol na ito, imbes na sambahin ang sanggol, papatayin niya ang sanggol. Kapag pinatay ang sanggol, hindi magaganap ang plano ng kaligtasan ng Diyos.

Mga kapatid, tularan natin ang Tatlong Pantas na ito. Tunay ngang ginawa nilang hari at sinamba ang batang Hesus sa sabsaban. Isang mapagpakumbabang hari si Hesus, pero, pinararangalan siya ng lahat ng mga hari sa sansinukob. Sinasamba, pinaparangalan, ang tunay na hari na si Hesus. Sapagkat si Hesus, ang tunay na hari, ang hari ng mga hari, ang hari ng sangkatauhan. Katulad ng Tatlong Haring Mago, maghandog tayo ng mga alay kay Hesus. Napakarami tayong puwedeng ihandog kay Hesus. Pero, higit sa lahat, ialay rin natin ang ating sarili, ang ating katauhan, ang ating puso at kaluluwa kay Hesus. Ialay natin ang lahat para kay Hesus.


Martes, Enero 1, 2013

SIMULAN NATIN ANG BAGONG TAON KASAMA SI MARIA

Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos (K) - Puti
(Mga Bilang 6:22-27/Salmo 67:2-3, 5, 6, 8/Galasya 4:4-7/Lukas 2:16-21)

Unang una po sa lahat, isa pong mapagpala at manigong taon sa ating lahat! 2013 na po, tapos na po ang taong 2012. Ngayong araw pong ito ay ang unang araw ng bagong taon. Unang araw ng taong 2013. Ito po ay isang bagong simula para sa ating lahat. Ang dami ng ating pinagdaanan noong nakaraang taong 2012. Pero, sa awa ng Diyos, naging isang mapagpalang taon ang taong 2012. Ngayon, magkaroon nawa tayo ng bagong simula sa unang araw ng taong 2013.

Bilang pagsisimula sa bagong taon, ipinagdiriwang po ng ating Santa Iglesya ang isang napakagandang solemnidad. Ang Dakilang Kapistahan ni Maria, ang Ina ng Diyos. Sa pamamagitan ng solemnidad na ito, nagbibigay-galang tayo sa ating Mahal na Ina para sa kanyang, "oo." Dahil sa Mahal na Ina, natupad ang plano ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Bilang mga Katolikong nananampalataya kay Kristo, dapat magbigay-galang at mahalin natin ang Mahal na Birheng Maria sapagkat siya ang Ina ni Kristo. Kung hindi dahil kay Maria, hindi maipanganganak si Kristo at mananatili pa ring nakalugmok sa kasalanan ang tao.

Ang kapistahan na ito ay isang paraan ng pagalang ng ating Simbahan sa Mahal na Ina. Mahal na mahal ng Simbahan ang Mahal na Birhen at lubusang ginagalang ang Mahal na Birhen. Nagpapasalamat nga sa Diyos ang ating Simbahan para sa ating Mahal na Ina. Sapagkat siya ang Ina ng Panginoon. Hindi maipanganganak ang Panginoon kung hindi dahil kay Maria. Si Maria ang bagong kaban ng tipan dahil dinala niya sa sinapupunan ang Panginoong Hesukristo, ang pinangakong Mesiyas na magliligtas sa sangkatauhan mula sa kani-kanilang mga kasalanan.

Kung atin pong mapapansin, buong buhay ni Hesus, minahal niya talaga ang kanyang minamahal na Ina. Mahal na mahal ni Hesus si Maria, at ganyan din si Maria kay Hesus. Kapag nakikita ko po ang mga larawan kung saan nagsasama ang batang Hesus o ang Hesus na tumanda na at ang Mahal na Birheng Maria, talagang nararamdaman ko ang lalim na pagmamahal ng ina't anak. Isa pong halimbawa na dapat tularan ng mga ina't anak sina Maria at Hesus. Noong sanggol o bata pa si Hesus, minahal niya ang kanyang inang si Maria. At hindi natapos ang kanyang pagmamahal sa kanyang ina. Kahit malaki na siya, talagang mahal na mahal pa rin niya ang kanyang ina. Siguro kapag nagpapahinga si Hesus mula sa kanyang pangangaral, palagay ko iisipin niya ang minamahal niyang inang si Maria. Nararamdaman ko po ang tunay pagmamahalan sa pagitan ng ina't anak sa pamamagitan nina Hesus at Maria.

Ganyan din po ang ating Simbahan. Mahal na mahal ng Panginoon ang kanyang Ina, kaya minamahal rin ng Simbahan ang Mahal na Ina kung paanong minamahal ng Panginoon ang Mahal na Birhen. Dahil mahal na mahal ng Simbahan si Kristo, minamahal at ginagalang din ng Simbahan ang mga malalapit na tao sa buhay ni Kristo. Katulad ng Ina ni Kristo, lubusang minamahal at ginagalang ng Simbahan. Iyan ay dahil mahal na mahal ni Kristo ang kanyang Ina.

Pero, ang problema ngayon, dahil sa pagmamahal ng Simbahan kay Maria, ang akala nila ay ginagawa nating Diyosa si Maria. Bakit? Ang akala po nila ay sinasamba natin ang Mahal na Ina. Mga dahilan po ng pagsasabi nila ng gayon ay dahil ang daming mga Katolikong nagdarasal kay Maria. Kaya, ang akala halos ng napakaraming mga hindi Katoliko, sinasamba na natin si Maria. Si Maria ay Diyosa raw natin. Hindi po totoo iyon. Mali na iyon kapag may mga Katolikong sumasamba kay Maria. Hindi natin sinasamba si Maria at dapat walang sumamba kay Maria. Dahil, ang dapat nating sambahin ay ang tunay na Diyos na nasa langit. Ang dapat nating gawin kay Maria ay mahalin at igalang, hindi sambahin. Mali ang pagsamba kay Maria. Ang paggalang at pagmahal kay Maria ay tama. Ngayong Taon ng Pananampalataya, ipagtanggol natin ang ating pananampalataya. Iyan ay hamon ko po para sa atin ngayong Taon ng Pananampalataya: ipagtanggol ang pananampalatayang Katoliko.

Bilang ina ni Hesus, si Maria ay nag-aalala para kay Hesus. Siyempre, sino namang ina ang hindi mag-aalala para sa kanyang anak? Talagang malapit sa puso ng isang ina ang anak niyang minamahal. Kahit si Hesus ang Anak ng Diyos, siya rin ay anak ni Maria. Nag-aalala si Maria para kay Hesus dahil mahal na mahal niya talaga ang kanyang anak. Siya ang nag-alaga at nagpalaki kay Hesus. Katulad nga ng Ebanghelyo noong Linggo (Disyembre 30), noong naghiwalay si Hesus kina Maria at Jose, tatlong araw naghanap sina Jose at Maria hanggang sa matagpuan nila ang batang Hesus sa Templo. Tinanong ni Maria si Hesus kung bakit naman ginawa iyon sa kanila ni Jose. Nag-aalala sila para sa kanila nang tatlong araw. Tinugon siya ng ganito ng batang Hesus: "Hindi po ba ninyo alam na dapat kong gawin ang mga gawain ng aking Ama?" Hindi po maintindihan ni Maria ang sinabi sa kanya ni Hesus. Pero, pinagbulay-bulay ni Maria ang mga ito sa kanyang puso. Ganyan rin yung ginawa ni Maria sa ating Ebanghelyo. Dinalaw ng mga pastol sina Jose, Maria at ang sanggol na si Hesus sa sabsaban. Hindi maintindihan kung bakit dinalaw sila ng mga pastol pero pinagbulay-bulay niya ito sa kanyang puso.

Mga kapatid, habang lumalaki si Hesus, pumanaw si Jose. Nakakalungkot po dahil si Jose ang nagturo kay Hesus kung paanong maging karpintero. Ang buhay-karpintero ay mahirap talaga. Kaya, kinailangang turuan si Hesus ni San Jose. At noong namatay si Jose, si Hesus ang nagtrabaho para sa kanilang dalawa ni Maria. Si Hesus na po ang naging karpintero. Gumawa siya ng mga hapag-kainan, mga upuan, etc. para lang mapakain niya ang kanyang sarili at si Maria. Tawag po doon sa Ingles ay hidden life of Jesus. Hindi natin alam kung ano ba ang nangyari pagkatapos maiwan si Hesus sa Templo. Wala na tayong napakinggan tungkol sa Banal na Pamilya. Gumagawa tayo ng mga pagkukunwari kung ano ba talaga ang nangyari kina Hesus, Maria at Jose - ang Banal na Pamilya, pagkatapos mawala si Hesus sa Herusalem. Ang alam po natin ay talagang malalim ang pagmamahal ng Banal na Mag-Anak sa isa't isa. Minahal nina Jose, Maria, at Hesus ang isa't isa.

Mga kapatid, mahalin natin si Maria katulad kung paanong minahal siya ng kanyang Anak na si Hesus. Tandaan, minahal ni Hesus ang kanyang ina buong buhay niya dito sa lupa. At kung mahal na mahal natin si Hesus, patunayan natin sa kanya ang pagmamahal natin sa kanya sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanyang Mahal na Ina. Tunay ngang si Maria ay isang modelo para sa lahat ng mga ina. Si Maria ay isang huwaran, hindi lamang para sa mga ina, kundi para sa ating lahat. Dahil sa kanyang simpleng buhay at sa kanyang pagtalima sa Diyos, isa po itong hamon na dapat nating gawin. Sumunod at tumalima sa Salita ng Diyos at ingatan ito, kahit hindi natin maintindihan. Iyan ay isang halimbawa na dapat tularan sa Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Panginoong Hesukristo. Nakakalugod sa Panginoong Hesu-Kristo ang mga nagmamahal sa kanyang Mahal na Ina. Sapagkat kung tunay ngang mahal natin ang Panginoong Hesukristo, dapat nating mahalin ang kanyang Mahal na Inang Maria. Muli, isa pong mapagpala at manigong bagong taon sa ating lahat!!







(Photos and videos courtesy of owners)