Biyernes, Marso 22, 2013

MAY AWA ANG DIYOS

Abril 7, 2013
Ika-2 Linggo ng Muling Pagkabuhay
(Dakilang Kapistahan ng Dakilang Awa ng Diyos) - (K) - Puti
(Gw 5:12-16/Slm 118/Pah 1:9-11a, 12-13, 17-19/Jn 20:19-31)

Ang Diyos ay isang diyos na nagpapatawad. Mahal na mahal ng Diyos ang Kanyang mga nilalang kaya pinapatawad Niya ang mga kasalanan ng sangkatauhan. Uulitin ko po ang sinabi ng bagong Santo Papa Francisco. Hindi sumasawa ang Diyos sa pagpapatawad. Tayo ang sumasawa sa paghingi ng kapatawaran mula sa Diyos.

Kahit ang Panginoon ay ipinagkanulo, ipinagtatuwa, at pinabayaan ng Kanyang mga alagad noong Siya'y mamamatay, pinatawad pa rin Niya ang Kanyang mga alagad, lalung-lalo na si Simon Pedro. Walang sawa ang Panginoon sa pagpapatawad. Walang hanggan ang pagiging mapagpatawad at mapagmahal sa atin ng Diyos.

Ang tingin natin sa Diyos kadalasan ay isang Diyos na napakahigpit. Ginagawa natin ang lahat upang itago mula sa Diyos ang ating mga kasalanan upang magmukhang malinis. Ginagawa nating tanga ang Diyos. Ngunit, mas matalino pa ang Diyos kaysa sa atin. Alam Niya na tayong lahat, lalung-lalo na ang kaparian, ay nagkakasala at higit pa ito ng pitong beses sa isang araw. Araw-araw tayong nagkakasala.

Ngunit, hindi ito ginagamit ng Diyos upang maliitin tayo. Hindi Niya huhusgahan agad ang ating mga kasalanan. Sabi nga sa Salmo 103, "Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos, kung magalit ay banayad, kung umibig nama'y lubos." (Salmo 103:8) Kahit gaanong kabigat ng ating mga kasalanan, papatawarin pa rin ito ng Diyos at itutuloy pa rin Niya ang pagmamahal Niya sa atin. Walang makakapigil sa Diyos sa pagmamahal Niya sa atin.

God only wants the very best for us. Ang natatanging nais ng Diyos ay ang nakabubuti para sa atin. Paminsan-minsan nga nagagalit tayo sa Diyos dahil hindi nakamit ang ating matagal na hinihiling. Ngunit, ang gusto ng Diyos ay ang mabuti para sa atin. Gusto ng Diyos ang pinakamabuti para sa ating kapakanan. Kaya, sa halip na magalit, magpasalamat tayo sa Diyos.

Ngayon, sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin na ipinapakita ni Hesus sa Kanyang mga alagad ang Kanyang mga sugat. Ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa. Para bang ito'y isang paanyaya mula kay Kristo na ipakita natin ang ating mga sugat. Huwag na nating ikahiya ang ating mga sugat. Sa halip, mahihilom ng Panginoong Diyos ang ating mga sugat.

Alam po ninyo, napakasensitibo tayo sa ating mga katawan. Ayaw natin magkaroon ng dungis ang bawat bahagi ng ating katawan. Maging mga kamay, paa, lalung-lalo na ang mukha. Gusto natin walang dungis ang ating mga katawan, lalung-lalo na ang mukha. Kasi, ang pangit raw tingnan ang mga bahagi ng katawan na may sugat. Kaya, kung anu-ano na lamang ang ginagawa natin upang tanggalin ang dungis na iyon. Ito ay upang ipakita na walang nangyari sa atin.

Ngunit, bakit pinanatili ni Hesukristo ang Kanyang mga sugat? Hindi ba maaaring magpa-cosmetic surgery upang tanggalin ang Kanyang mga sugat? Kung maari, iyan na lamang ang ginawa ni Hesus sa mga sugat Niya. Ngunit, pinanatili Niya ang Kanyang mga sugat upang ipakita sa atin na Siya ang Diyos na nagmamahal. Siya ang Panginoong nagmamahal sa atin at hinding hindi Niya tayo kakalimutan.

Inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesukristo, ang Hari ng Banal na Awa, na ipakita sa Kanya ang ating mga sugat. Kung ipinakita ni Hesus ang Kanyang mga sugat, tayo rin, dapat ipakita rin natin ang ating mga sugat sa Diyos. Ang Diyos ang Siyang bahala at hihilumin Niya ang sugat ng ating mga kasalanan. Huwag tayong matakot lumapit sa Diyos. May awa ang Diyos!

MULING NABUHAY ANG PANGINOON! ALELUYA!

Marso 31, 2013
Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay - (K) - Puti 
(Gw 10:34-38/Slm 118/Col 3:1-4 (o 1 Kor 5:6b-8)/Jn 20:1-8)


Ang Panginoong Hesukristo'y muling nabuhay! Aleluya! Isa pong maligayang Pasko ng muling Pagkabuhay ni Hesus muli sa ating lahat! Pinatunayan ni Hesus na kayang pagtagumpayan ang kamatayan! Hindi nagtapos ang lahat sa Biyernes Santo at ang Kanyang kamatayan.

Ang araw na ito ay napakadakila. Ito ang pinakadakilang araw para sa ating lahat, mga mananampalatayang Katoliko. Ito ang pinakadakilang kapistahan ng ating Inang Simbahang Katolika. Napakahalaga ang araw na ito sa kalendaryong panliturhiya ng ating Simbahan. Ang muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang siyang hudyat ng ating pananampalatayang Katoliko. Sumasampalataya tayong si Hesukristo'y muling nabuhay sa ikatlong araw.

Ang kapistahan ng araw na ito ay hindi lamang kapistahan ng Diyos; ito'y kapistahan rin ng tao. Bakit? Sapagkat tayong lahat ay nalugmok sa kasalanan. Ngunit, dahil sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Kristo, tayo'y pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan.

Muling nabuhay ang Panginoon! Ang katunayan at ang ebidensya na Siya'y muling nabuhay ay ang libingang walang laman. Wala na ang bangkay ni Kristo sa libingan. Ang naiwan doon ay ang mga kayong lino na ginamit na pambalot sa ulo at katawan.

Napakaraming nagsasabi noon na hindi muling nabuhay ang Panginoon. Isang kalokohan lamang ang pagsasabi na Siya'y muling nabuhay. Ngunit ngayon, naniniwala tayong lumabas mula sa libingan ang Panginoon nang may kaningningan at kaluwalhatian. Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan!

Walang kalaban-laban ang kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan sa kapangyarihan ni Hesus. Sabi ni Apostol San Pablo sa 1 Korinto 15:55, "Nasaan, o kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, o kamatayan, ang iyong kamandag?" Kahit anumang gawin ng kamatayan kay Hesus, wala pa rin. Talung-talo sila laban kay Hesus. Hindi nila kayang panatilihing patay si Hesus. Kamatayan, wala ka palang kalaban-laban, eh. Natalo ka kay Hesus.

Sabi ng Salmong Tugunan ngayong araw na ito, "Araw ngayon ng Maykapal; magalak tayo't magdiwang." Tanggalin na natin ang kalungkutan. Nagtagumpay na ang Diyos. Ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian. Kahit ang Anak ng Diyos ay namatay, Siya'y muling nabuhay upang patunayan ang Kanyang mga sinasabi noon. Hindi nagkamali ang Panginoong Hesus sa Kanyang mga sinabi. Si Hesus ay mananaig araw-araw at walang tao na kaya Siyang talunin.

Ngunit, hindi maintindihan nina Santa Maria Magdalena, San Pedro at San Juan Apostol na kinailangan pang muling mabuhay si Hesus. Akala nila natapos ang lahat sa Biyernes Santo. Ang akala nina Maria Magdalena at Simon Pedro na ninakawan ang bangkay ng Panginoong Hesus. Ngunit, si Juan ay naniwala nang makita niya ang mga kayong lino. Siya ang unang naniwala na ang Panginoong Hesukristo ay muling nabuhay. May mga mata ng pananampalataya si Juan. Nanalig at nanampalataya siyang nabuhay na mag-uli ang Panginoon nang makita ang mga kayong lino sa libingan.

Pinagtagumpayan ni Hesukristo ang kamatayan at kasalanan. Tayo rin, kaya rin nating pagtagumpayan ang kasalanan at kamatayan. Kung kaya ni Hesus na magtagumpay laban sa kasamaan, kaya rin nating pagtagumpayan ang kasamaan. Tiwala lang. Walang imposible sa Diyos. Sa tulong ng Diyos, kaya nating pagtagumpayan ang kasamaan at kamatayan. Harinawa, makalabas tayo mula sa libingan ng kadiliman, kasamaan, at kamatayan, at tumawid patungo sa kalayaan. Magtagumpay at lumabas tayo ngayon mula sa ating mga libingan kasama ni Hesukristo!


Huwebes, Marso 21, 2013

SI HESUKRISTO'Y NABUHAY, SIYA'Y ATING KALIWANAGAN!

Marso 30, 2013 - Sabado de Gloria
Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay - (K) - Puti
(Gn 1:1-2:2 o 1:1, 26-31a/Aw 104/Gn 22:1-18 o 22:1-9a, 10-13, 15-18/Aw 16/Ex 14:15-15:1/Ex 15/Is 54:5-11/Aw 30/Is 55:1-11/Is 12/Bar 3:9-15, 32-48/Aw 19/Ez 36:16-17, 18-28/Aw 42 o Aw 51/Rom 6:3-11/Aw 118/Lk 24:1-12)

Isang mapagpala at maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa ating lahat!

Wala nang laman ang libingan ng Panginoon? Saan napunta ang bangkay ni Hesus? Hindi ba binantayan ng maigi ang libingan Niya? Kung ganon nga, bakit nawala ang bangkay ni Kristo? Hindi ba't pinagbantayan ng mga Pariseo sa mga bantay ni Pilato ang libingan ni Hesus? Paanong nawala ang isang bangkay?

Noong namatay at inilibing si Hesus, hindi lamang nakuntento ang mga Pariseo doon. Hindi kuntento sila na pinatay si Hesus. Ang gusto pa nila, panatilihing patay si Hesus. Gusto nilang patunayan na hindi totoo ang mga sinasabi ni Hesus. Pinapatunay nila na hindi si Hesus ang Mesiyas na ipinangako ng Diyos.

Nagkamali sila! Hindi nila kayang panatilihing patay ang Panginoon. Pagsapit ng ikatlong araw, si Kristo ay muling nabuhay. Siya ay lumabas mula sa Kanyang libingan nang buong kaluwalhatian. Pinatunayan ni Hesus na Siya nga ang ipinangakong Mesiyas. Nagtagumpay ang Panginoon laban sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan! Hindi nagtapos ang lahat sa Biyernes Santo.

Tumawid mula kamatayan patungo sa buhay ang Panginoon. Samahan natin ang Panginoon sa pagtawid patungong buhay. Huwag tayong manatili sa kadiliman ng kasalanan at kamatayan. Ang mga iyon ay pinagtagumpayan na ni Hesukristo! Dapat, sa halip na manatili sa kadiliman, magsama-sama tayo ni Hesus patungo sa bagong buhay.

Ayon sa Mahal na Kardinal na si Luis Antonio Tagle, tayo pong lahat ay may mga libingan. Hindi mga literal na libingan. Ang mga libingan na itinutukoy ni Kardinal Chito Tagle ay ang libingan ng ating pagkakasala. Maaaring libingan ng bisyo, ganid, karahasan, korapsyon, etc. Huwag tayong manatili doon. Nabuhay na si Hesus at pinagtagumpayan Niya ang kapangyarihan ng kamatayan. Katulad ni Hesus, kaya rin nating magtagumpay laban sa kasalanan, at lumabas mula sa ating mga libingan ng kasalanan.

Huwag tayong bumalik sa kadiliman kapag nakatawid na tayo. Manatili tayo sa kaliwanagan. Mas maganda ang pamumuhay sa kaliwanagan. Hindi makakatulong sa atin ang kadiliman. Kung tunay tayong mga Pilipinong mananampalataya kay Kristo, dapat tumatawid tayo tungo sa liwanag. Ang liwanag ng Diyos.

Halimbawa, kapag tinigil natin ang paninigarilyo o pag-inom ng alak, huwag na tayong bumalik sa paninigarilyo o pag-inom ng alak. Kung tinigilan natin iyon, huwag nating gawin iyon uli. Ang pagsasabi ng tinitigil natin ang ating bisyo, ngunit ginagawa pa rin ito ng lihim, iyan ay isang pagpapanggap lamang. Bahagi iyan ng kaekekan, paborloloy, plastik.

Kapag nagbabagong-buhay tayo, huwag natin gawin itong biro. Dapat seryoso tayo sa pagbabagong buhay. Hindi tama ang pagtigil sa isang bisyo, ngunit, pagkatapos ng ilang taon o buwan, babalik uli sa bisyo na iyon. Iyan ang hindi ang pagbabago na nais ng Diyos. Nais ng Diyos na magbago ang ating puso at isip. Mula sa pagiging masama, dapat mas maging mabubuting tao tayo. Magbagong buhay tayo at huwag na tayong bumalik sa dating pamumuhay ng masama.

Tahimik nating pasalamatan si Hesus sa pagpapakita Niyang pagtawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Si Hesus ay tumawid mula kamatayan patungong buhay. Lumabas nawa tayo sa mga libingan ng mga kasalanan natin at lumabas kasama si Hesus. Tapos na ang Kuwaresma, dapat sumibol tayo sa pagbabagong buhay at pananampalataya.

Muli po, maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay!

KRUS: TANDA NG DAKILANG PAG-IBIG NG DIYOS

Marso 29, 2013
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon - (K) - Pula
(Is 52:13-53:12/Aw 31/Heb 4:14-16; 5:7-9/Jn 18:1-19:42)

Sa araw na ito, ginugunita natin ang pagkamatay ng ating Panginoong Hesukristo. Ang larawan ng Biyernes Santo ay si Hesukristong nakapako at nakabayubay sa krus. Ang krus na dating sumisimbolo sa kasalanan at kamatayan, ngayon ang kahulugan ng krus ay ang kaligtasan ng tao.

Ang Krus ni Hesus ang naging tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Mahal na mahal tayo ng Diyos. Alam Niyang noong nagkasala sina Eba't Adan, tayong lahat ay nalugmok sa kasalanan. Kahit patuloy sa pagiging makasalanan ang sangkatauhan, patuloy pa rin ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Walang makakapigil sa dakilang pagmamahal ng Diyos.

Dahil mahal na mahal tayo ng Diyos, patuloy na gumagawa Siya ng mga tipan para sa atin. Gumawa Siya ng tipan para sa mga tao sa Matandang Tipan. Ngunit, napakaraming sumusuway sa tipan ng Diyos sa tao. Pagkatapos noon, dahil wala ng pag-asa ang tao, nagpangako Siya na magsusugo Siya ng isang tagapagligtas. Ang tagapagligtas ay ang ipinangakong Mesiyas.

Alam naman nating lahat na ang Panginoong Hesukristo ay ang ipinangakong Mesiyas. Sabi sa awit pambungad sa Mabuting Balita para sa hapon na ito (katulad ito ng awit pambungad sa Linggo ng Palaspas): Masunuring Kristo Hesus, naghain ng buhay sa krus, kaya siya'y idinakila ng Diyos at binigyan ng ngalang tampok sa langit at sansinukob. (Filipos 2:8-10)

Noong pumasok si Hesus sa sanlibutan, ipinanganak Siyang katulad ng pangkaraniwang tao. Siya'y ipinanganak ni Santa Mariang Birhen, at hindi lamang nagpakita agad. Kinailangan Siyang ipanganak ng isang babae. At ang babaeng iyon ay ang Mahal na Birheng Maria. Kung hindi dahil sa oo ng Mahal na Ina, hindi maipanganganak si Kristo.

Hindi lamang iyan, ang Panginoon ay namuhay katulad ng pamumuhay natin, maliban na lamang sa pagkakasala. Walang katulad ang buhay ni Kristo. Hindi nagkasala, kahit kailan, ang Panginoon buong buhay Niya. Ngunit, sa kabila nito, Siya'y namuhay katulad natin.

Nang dumating ang panahon, si Hesus ay naging masunurin sa kalooban ng Diyos. Kahit wala Siyang ginawang kasalanan, Siya'y ipinako at ipinatay sa krus. Bakit hindi Siya tumakas mula sa kamatayan sa krus? Kaya sanang dumalangin si Hesus sa Diyos na huwag ipagpatuloy ang pagkamatay Niya. Wala naman Siyang kasalanan. Bakit hinayaan Niyang pataying Siya sa krus?

Hinayaan ni Hesus na Siya'y alipustahin, yurakan, bastusin, at bugbugin nang walang kalaban-laban. Bakit ganon? Mahal na mahal Niya tayo. Nais Niyang iparamdam sa atin kung gaanong kamahal tayo ng Diyos. Gusto Niyang palayain tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Dahil sa Kanyang pagkamatay sa krus, tayo ay pinalaya mula sa kapangyarihan ni satanas.

Napakasakit para sa Diyos na makita si Hesus na namamatay sa krus. Inalis ng Diyos ang Kanyang galit nang makita Niyang namamatay ang Kanyang Bugtong na Anak sa krus. Umiiyak Siya. God was crying tears of joy because of Jesus' death. God was happy to receive us back into His arms. Umiiyak dahil sa tuwa ang Diyos nang mamatay si Hesus sa krus dahil ibinalik tayo sa mga kamay ng Diyos. Tuwang-tuwa Siya dahil bumalik tayo sa Kanya sa pamamagitan ng krus ni Hesus.

Tunay ngang ang krus ay tanda ng dakilang pag-ibig ng Diyos. Dahil sa krus, ang kamatayan at kasalanan ay natalo sa Diyos. Nanaig ang Diyos laban sa mga kapangyarihan na ito. Binawi uli tayo ng Diyos mula kay satanas. Kahit sa isang napakamahal na halaga, ginawa ng Diyos na hayaang mamatay alang-alang sa atin. Sa pamamagitan ng krus, tayo ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng demonyo at ibinalik sa mga palad ng Diyos. Kapag nakikita natin ang krus, isipin natin ang Juan 3:16.

"Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, 
kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, 
upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, 
kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 
Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, 
hindi upang hatulan ang sanlibutan, 
kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya."
- Juan 3:16-17

Miyerkules, Marso 20, 2013

SIETE PALABRAS - ANG PITONG HULING WIKA NI HESUKRISTO

Marso 29, 2013 - Biyernes Santo (Unang Bahagi)

UNANG WIKA:
"AMA, PATAWARIN MO SILA, SAPAGKAT HINDI NILA ALAM ANG KANILANG GINAGAWA." (Lukas 23:34)


Si Hesukristo'y naawa sa mga taong pumapatay sa Kanya. Siya'y naawa sa mga taong sinulsulan ng mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan. Humihingi ng tawad si Hesus mula sa Kanyang Ama para sa mga taong ito. Sa pamamagitan ng paghingi ng kapatawaran mula sa Amang nasa langit, pinapatawad ni Hesus ang mga taong ito.

Kahit hindi humihingi ng kapatawaran ang mga taong ito, ang Panginoon ay patuloy pa rin sa pagbibigay ng kapatawaran. Hindi alam ng mga taong ito ang kanilang ginagawa. Ang mga taong ito'y hindi makapag panindigan para sa katotohanan. Sa halip, ang mga taong ito'y tumalikod sa Kanya at kumakampi sila sa kasinungalingan.

Sabi nga ni Papa Francisco sa kanyang unang Orasyon, "Ang Diyos ay hindi nagsasawang magpatawad. Tayo ang sumasawa sa paghingi ng kapatawaran." (God does not get tired of forgiving. We get tired of asking for forgiveness.) The only sins that God cannot forgive are the ones we do not ask for forgiveness. Hindi mapapatawad ng Diyos ang mga taong hindi humihingi ng tawad.

Kung maalala po ninyo ang ating mga Ebanghelyo para sa Ika-4 at Ika-5 Linggo ng Kuwaresma. Ang Ebanghelyo para sa Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma ay tungkol sa Talinghaga ng Alibugang Anak. Samantala naman, sa Ebanghelyo para sa Ika-5 Linggo ng Kuwaresma, mapapakinggan natin ang pagpapatawad ni Kristo sa babaeng nahuling nakiapid. Binibigyan diin ng dalawang Ebanghelyong ito ang pagpapatawad. Ang mga Ebanghelyong ito ay nagbibigay diin sa Dakilang Awa at Pagmamahal ng Diyos. Dahil mahal na mahal tayo ng Diyos, sa halip na tayo'y ipahamak, pinapatawad Niya tayo mula sa ating mga kasalanan kung humihingi tayo ng kapatawaran.

Sa pamamagitan ng Sakramento ng Kumpisal, nagbabalik-loob tayo sa Diyos nang buong puso at kaluluwa. Buong puso tayong pinapatawad at tinatanggap tayo ng Diyos sa Kanyang mga Kabanal-banalang Kamay. Hinihintay Niya ang mga makasalanang tumalikod mula sa kasalanan at magbagong buhay. Walang pagmamaliw at hanggan ang pag-ibig at awa ng Diyos sa atin.

Hindi po ba ninyo napapansin na buong buhay ni Hesus, ang pinagtuturuan Niya ay ang pagmamahal at pagpapatawad sa kapwa? Walang itinuro ang Panginoong Hesukristo tungkol sa paggawa ng masama bilang pagganti. Ang tinuturo lamang Niya ay ang paggawa ng mabuti sa kapwa-tao. Napakaraming turo si Hesus tungkol sa pagpapatawad.

Naalala po ba ninyo ang Talinghaga ng Alibugang Anak? Maaari namang sabihin ng Ama sa Alibugang Anak nang makita niya ito sa daan, "O ano? May natutunan ka ba? Hindi ka na puwedeng maging anak ko! Pinagaksaya mo ang aking kayamanan na mamanahin mo. Dapat sumunod ka kasi sa akin, eh! Dahil doon, dapat, magtrabaho ka na lang bilang mga alipin ko." Ngunit pinili ng Ama na tanggapin siya uli. Matagal na niyang hinintay ang pagbalik ng Alibugang Anak. Kahit nilustay ng Alibugang Anak ang mga kayamanan ng kanyang Ama, siya'y pinatawad.

Isa pa, yung babaeng nahuli sa pakikiapid. Puwede naman sabihin ni Hesus na batuhin ang babae hanggang sa mamatay. Puwede niyang distuhin ang Kanyang mga itinuro tungkol sa pagpapatawad at pagmamahal. Ngunit, pinili ni Hesus na patawarin ang babaeng iyon. Ilang beses pinagsasanay ni Kristo ang Kanyang mga itinuro. Ipinagsasanay rin Niya uli ang mga iyon sa Krus. Tayo rin, mga kapatid, dahil tayo ay pinatawad ng Diyos, dapat rin tayong magpatawad.

Tayong lahat ba, mga kapatid, kaya ba nating magpatawad katulad ni Hesus?



IKALAWANG WIKA:
"NGAYON DIN IPAGSASAMA KITA SA PARAISO." (Lukas 23:43)

Si Hesus ay nagbibigay ng kapatawaran uli sa Ikalawang Wika. Kanina, pinatawad Niya ang napakaraming tao. Ang mga tao na dating kakampi Niya ay tumalikod sa Kanya. Ngayon, pinapatawad Niya ang isang kapwang ipinako rin sa Krus. Dalawa ang kasama ng Panginoon noong Siya'y ipinako sa Krus. Ayon sa tradisyon, ang pangalan ng isa ay Hestas samantala ang pangalan ng kriminal na nagsisi ay Dimas.

Inalipusta ni Hestas ang Panginoon nang marinig niya ang mga paratang ng mga tao kay Hesus. Nakisabay siya sa paratang ng mga tao. Sinabi niyang upang patunayan ni Kristo na Siya nga ang Mesiyas, dapat iligtas Niya ang Kanyang sarili at ang mga kasama Niya.

Si Dimas naman, naalala niya ang mga kasalanan niya. Habambuhay siya nagkasala. Nagkaroon ng lakas si Dimas upang aminin ang kanyang kasalanan. Bago niya inamin, ipinagtanggol niya si Hesukristo. Unang tingin pa lang kay Hesus, kawawa na Siya, walang kalaban-laban. Inamin niya na tama ang pagpaparusa sa kanila. Ngunit hindi tama ang parusa sa taong nasa gitna nila. Walang ginawang kasalanan si Hesus. Habang pinagtatanggol ni Dimas si Hesus, inaamin niyang isa siyang makasalanan at tinatanggap niya ang parusa sa kanya.

Nagkaroon ng lakas aminin ni Dimas ang kanyang pagkakasala. Dumating na ang pagkakataong humingi ng tawad. Humingi siya ng tawad kay Hesus at hiniling na isama siya ni Hesus sa Langit. Ano ang tugon ni Hesus? Ipinangako Niyang isasama Niya sa Paraiso si Dimas. Huli man daw at magaling, naihahabol pa din. Ang resulta ng paghingi ng tawad ni Dimas sa huling sandali ng kanyang buhay ay ang jackpot. Nakamit niya ang premyo na isama siya ni Hesus sa Paraiso.

Mga kapatid, tularan po natin si Dimas. Tayo po ay hindi perpekto. Lahat po tayo ay nagkakasala. Huli man daw at magaling, naihahabol pa din. Ngunit, habang may panahon pa, humingi tayo ng kapatawaran sa Diyos mula sa ating mga pagkakasala. Kahit sa huling sandali ng ating buhay, papatawarin tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan. Magkaroon nawa tayong lakas na pumunta sa Sakramento ng Kumpisal at aminin ang ating kasalanan. Harinawa, sa huling sandali ng ating buhay, isama tayo ng Panginoon sa Paraiso.


IKATLONG WIKA:
"INA, NARITO ANG IYONG ANAK; 
ANAK, NARITO ANG IYONG INA." (Juan 19:26-27) 


Sa Ika-3 Wika ng Panginoong Hesukristo, patuloy Siya sa pagbibigay. Sa unang dalawang wika, nagbibigay Siya ng kapatawaran. Ngayon, sa ika-3 wika, ibinibigay at ipinagkakatiwala ni Hesukristo kay Apostol San Juan ang Kanyang Inang si Maria. At mula noong inihabilin kay San Juan Apostol ang Mahal na Birheng Maria, si Maria'y tumira sa bahay ni San Juan Apostol.

Maitatanong natin, nasaan si San Jose sa pangyayaring ito? Ayon sa tradisyon, noong bata pa si Hesus, si Jose ay pumanaw na po dahil sa napakatandang edad niya. Dahil doon, si Hesus ay siyang nagtrabaho para sa kanilang dalawa ni Maria hanggang sa umabot Siya ng tatlumpung taong gulang. Noong umabot ng tatlumpung gulang si Hesus, Siya'y umalis upang simulan ang Kanyang ministeryo.

May ilang pangyayari sa Bibliya kung saan magkakasama sina Kristo at ang Mahal na Ina. Una ay ang Kasalan sa Cana. Sa kasalan na iyon, gumawa ng himala si Kristo. Ginawang alak ang tubig. Bago ginawa ito ng Panginoon, sinabi Niya sa Mahal na Ina na hindi pa dumating ang Kanyang oras. Ngunit, ginawa pa rin ito ng Panginoon dahil sa Mahal na Ina. Ipinapakita ng pangyayaring iyon na si Maria ay isang tagapamagitan. Si Maria ay mananalangin kay Hesus para sa atin. Kung atin pong mapapansin, hindi dumiretsyo kay Hesus ang mga maninilbi ng alak sa Cana. Pumunta sila kay Maria. At dahil hiniling ni Maria kay Hesus na gumawa ng paraan para sa kanila, gumawa ng paraan si Hesus. Paano Siya gumawa ng paraan? Ginawa Niyang alak ang tubig.

Ang isa na namang pangyayari sa Bibliya ay habang nagtuturo naman ang Panginoon. Sinabi ng isa sa mga nakikinig sa Panginoon ay nagsabi na ang Kanyang Ina ay gustong makipag-usap sa Kanya. Gusto yatang iuwi ng Mahal na Ina ang Panginoon. Bakit? Sapagkat delikado na ang buhay ni Kristo. Iyan ay ang pagiging tagapagsanggalang ni Maria. Ipagtatanggol niya ang kanyang Anak mula sa kapinsalaan, lalung-lalo na si Hesus. Ano ang sagot ni Kristo? "Ang mga nakikinig ng Salita ng Diyos at tumutupad nito ang siya kong ina at kapatid." (Lk. 8:21) Siyempre, isa sa mga nakikinig at tumutupad sa Salita ng Diyos ay si Maria.

Ngayon, nagkita na naman uli sina Hesus at Maria. Ngunit ngayon, si Hesus ay nakabayubay sa Krus. Kung atin pong mapapansin, hiniwa ang puso ni Maria. Patuloy dumadaloy ng dugo ang kanyang puso. Pagkakita ni Maria kay Hesus na nakapako sa Krus, siya'y lubos na nalulumbay. "Sana ako na lang." Ito ang natural ang masasabi ng isang ina kapag ang anak ay nakararanas ng matinding sakit. Ngunit, walang magawa si Maria. Bahagi ng mga pangyayaring ito sa plano at kalooban ng Diyos. Wala siyang magawa kundi tumalima.

Pagkakita sa Kanyang Ina, alam na ng Panginoon na mag-isa na lamang ang Mahal na Ina. Walang mag-aalaga sa Mahal na Birhen. Mapapansin natin na si Hesus ang nag-iisang anak ni Maria. Kasi, kung may mga kapatid si Hesus, ang mga kapatid Niya ang mag-aalaga sa Kanyang Ina. Ngunit, wala Siyang mga kapatid. Ang Panginoong Hesus, na naging masunurin sa Mahal na Birheng Maria, ay nag-aasikaso sa Kanya. Inihabilin Niya kay San Juan.

Kung atin pong matatanong, bakit hindi si San Pedro Apostol inihabilin ni Hesus ang Kanyang Ina? Hindi natin alam kung nasaan na si San Pedro. Katatapos pa lamang niyang itatuwa ng tatlong beses ang Panginoon. Si San Pedro Apostol, ang ipinagkatiwala ng mga susi ng kalangitan, at ang unang Santo Papa, ay wala sa pangyayaring ito.

Inihabilin ang Mahal na Ina kay San Juan ay dahil sa kanyang kabataan. Sa pamamagitan ni Maria, maraming aral ang makukuha ni San Juan sa kanya. Si San Juan Apostol rin po ay kumatawan sa ating lahat. Hindi lamang kay San Juan inihabilin ng Panginoong Hesukristo ang Mahal na Birheng Maria. Tayo ang inihabilin ng Panginoon sa Mahal na Ina.

Sa kabila ng lahat ng mga paghihirap, ang Mahal na Birheng Maria'y hindi nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Nawa'y magsilbi siyang huwaran para sa ating lahat. Tayo po nawa ay maging mga masunurin niyang mga anak, yamang inihabilin ni Hesus si Maria sa atin. Dapat rin tayong makinig at tumalima sa Salita at Kalooban ng Diyos, tulad ni Maria. Harinawa, sa katapusan ng ating buhay, maitanggap tayong lahat ng Panginoong Hesukristo at ang Mahal na Birheng Maria at makasama sila sa kalangitan na minimithi nating bayan.


IKA-4 NA WIKA:
"DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?" (Mateo 27:46)


Marami sa atin ay mahilig magkaroon ng kasama. Ayaw nating manatiling mag-isa. Kapag may kasama tayo, masaya tayo dahil tayo ay may kausap o kasalo sa hapag-kainan. Ngunit kung nag-iisa ka lamang, iba ang pakiramdam. Nawalan tayo ng pag-asa, at tayo'y nalulungkot na mag-isa.

Ang katanungang ito'y katanungan ng isang taong walang pag-asa. Ito'y isang katanungan ng mga taong na may malaking problema o kaya naghaharap ng isang malaki at matinding pagsubok sa buhay.

Ang mga may cancer, HIV/AIDS, ang maaaring maging tanong nila, "Pinabayaan na ba ako ng Diyos?" Ito'y isang tanong ng mga may HIV/AIDS dahil hindi sila tinatanggap ng lipunan. Diyos ko, ano ba ang napakalaking kasalanang ginawa ko? Bakit Mo ako pinabayaan? Panginoon, pansamantala lamang ba ito o talagang pinabayaan Mo na ako? Bakit ganito ang parusa Mo sa akin?

Sa wikang ito, nag-iba ang tono ng Panginoon. Siya'y mula sa pagbibigay, ay nagmumukhang kawawa. Wala na Siyang kalaban-laban at pag-asa. Mag-isa na lamang Siya sa sandaling ito. Ang Panginoon ay pinabayaan ng Kanyang mga alagad. Yung isa pa nga sa mga alagad Niya ay nagkanulo sa Kanya samantala ang isa naman ay nagtatuwa sa Kanya ng tatlong beses. Tinalikuran Siya ng napakaraming taong dating humahanga sa Kanya.

Ang tanong, pinabayaan ba si Kristo? Ano ba ang ginawa ni Kristo upang pabayaan Siya ng Ama? Dapat may ginawang masama si Kristo upang pabayaan Siya ng Ama. Ngunit, buong buhay Niya, naging masunurin Siya. Ano ba ang nangyari? Tinalikuran na ba talaga si Kristo ng Amang nasa langit? Habambuhay Niyang sinusundan ang kalooban ng Diyos. Ito pala ang gagawin sa Kanya ng Diyos pagdating ng oras na ito.

Ang Diyos ay hindi nagpapabaya. Hindi pinabayaan ng Diyos Ama ang Diyos Anak. Sa halip, binubuksan ng Diyos ang Kanyang mga Kamay upang tanggapin Siya uli. Tinatanggap ng Diyos si Hesus sa Kanyang mga Kamay. Hindi tayo pinapabayaan ng Diyos. Laging kasama natin ang Diyos sa bawat sandali ng ating buhay.

Naalala po ba ninyo ang talinghaga ng nawawalang tupa? Ang pastol ay hindi nag-atubli upang hanapin ang tupang nawawala upang mabuo ang mga tupa. Hindi nag-dalawang isip ang Diyos na hanapin tayo. Dahil sa ating mga kasalanan, tayo ay nagkahiwalay sa Diyos. Ang Diyos, dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin, ay humahanap sa atin. Hinahanap tayo ng Diyos sa kabila ng pagiging makasalanan natin. Tinatanggap tayo ng Diyos sa Kanyang mga kamay nang may pagmamahal sa ating mga makasalanan.

IKA-5 WIKA:
"AKO'Y NAUUHAW." (Juan 19:28) 


Nagbago muli ang tono ng Panginoon sa wikang ito. Siya naman ay humihingi. Humihingi Siya ng tubig upang makapawi ang Kanyang pagkauhaw. Pagkatapos ng ilang oras na nakabayubay ang Panginoon sa krus, uhaw na uhaw ang Panginoon.

Uhaw na uhaw tayong lahat para sa atensyon, pagmamahal, at marami pang iba. Hindi lamang pangkaraniwang tubig ang kinauuhawan natin. Ganyan rin ang Diyos.

Ano ang kinauuhawan ng Diyos? Hindi ba Siya ang may likha ng iba't ibang uri ng tubig sa daigdig? Bakit hindi Siya ang gumawa ng tubig para sa Kanyang sarili? Nagmamakaawa ba ang Panginoon upang makuha Niya ang ating atensyon?

Madaling lumapit sa mga taong mahihina, walang kalaban-laban at pag-asa, at matatanda. Samantala naman, mahirap lumapit sa mga taong malakas, mataas ang posisyon, at makapangyarihan. Napakahirap lumapit rin sa Diyos. Hindi lamang makapangyarihan ang Diyos. Ang Diyos ay ang pinakamakapangyarihan sa lahat.

Ngunit, dahil hindi natin kaya lapitan ang Diyos, ang Diyos ang Siyang lumalapit sa atin. Lumalapit sa atin ang Diyos upang pawiin ang ating pagkauuhaw. Uhaw na uhaw tayo para sa napakaraming bagay, ngunit mapapawi ito sa pamamagitan ng Diyos. Sabi ng Panginoon, "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingain ko." (Mt 11:25)

Ang Diyos ay lumalapit sa atin sapagkat mukha tayong kawawa. Tayo ay walang kalaban-laban at pag-asa. Nilalapitan tayo ng Diyos sapagkat nais Niya tayong tulungan. Ito ay dahil mahal na mahal tayo ng Diyos. Ang Diyos ay pag-ibig. Dahil mahal na mahal Niya tayo, tayo ay tinutulungan Niya sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan.

Walang iba rin ang Panginoon sa wikang ito. Tinatawag Niya ang ating pansin upang lapitan Siya. Hindi pangkaraniwang tubig ang kinauuhawan ng Panginoon. Ang kinauuhawan ng Panginoon ay ang ating pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Tayo lamang ang makakapawi sa malawak na pagkauhaw ng Diyos. Kung paanong pinapawi ng Diyos ang ating pagkauhaw, kailangan ring pawiin natin ang pagkauhaw ng Diyos sa atin. Makiisa nawa tayo sa pagkauhaw ng Panginoon.


IKA-6 NA WIKA:
"NAGANAP NA." (Juan 19:30)


Sa Kasalan sa Cana, sinabi ni Hesus kay Maria noong sinabihan Siya ng Kanyang Ina na gumawa ng paraan para sa mga alak, ang sinabi Niya, "Hindi pa ito ang oras ko." Ngayon, dumating na ang oras ni Hesus.

Ano ang oras ang tinutukoy ni Kristo? Oras ba ng pagkamatay Niya? Iyan ang pinakamahalata. Kung halatang-halata na ilang oras kang nakabitin at nanghihingalo ka sa krus, sasabihin mo pa ba ang pinakamahalata?

Tetelestai. It is finished. Consummatum est. Naganap na. Ano ang naganap sa pagkakataong ito? Binayad na ni Hesus ang mga kasalanan natin. Sa pamamagitan ng pagsabi ng Tetelestai, Consummatum est, o Naganp na, binayad na tayo mula sa napakaraming mga kasalanan natin. Maaaring ito'y maging isang malaki o maliit na kasalanan lamang.

Napakaraming mga kasalanan ang ginawa natin araw-araw. Higit na pito pa nga ang ginagawang mga kasalanan sa isang araw. Tayo, bilang tao, ay hindi maaaring tanggapin bilang isang hain sa krus. Noong tayo ay nalugmok sa pagkakasala, kinailangan natin ng isang tagapagligtas. Isang tagapagligtas na magbabayad para sa ating mga kasalanan. Ang maaring magligtas sa atin ay tao, sapagkat ang tao ay nagkasala. Samantala naman, ang Diyos rin ang dapat magligtas sa atin. Kaya, kinakailangang tao at Diyos ang magliligtas sa atin. Ang Tagapagligtas na isinugo ng Diyos ay ang Panginoong Hesukristo.

Marami po sa atin ang natutuwa sapagkat matatapos na ang Siete Palabras o Seven Last Words. Ito ay dahil sa Ingles na pagsasalin ng wikang ito na It is finished. Ngunit, imbes na matuwa dahil matatapos na ito, dapat nating isipin ang sakripisyong ginawa ng Panginoon sa Krus. Isipin rin natin kung paanong binayad tayo mula sa napakarami nating mga kasalanan. Magpasalamat tayo sa Diyos para kay Hesukristo sapagkat dahil kay Hesukristo, tayo ay binayad mula sa ating mga kasalanan.

Talung-talo na si Hesus sa unang tingin. Habang nakabayubay sa krus, walang kalaban-laban at pag-asa ang Panginoon. Ang Panginoong Hesus ay bugbog sarado, dugong dugo na, at walang-wala. Inaakala ng demonyo na siya na ang nagwagi. Natalo sa kanya ang Diyos. Subalit, nang sinabi ni Hesus ang mga salitang, "Naganap na," ang demonyo ay natalo. Kahit anong ginawa ng demonyo, hindi siya nanalo. Sa pamamagitan nito, tayo ay pinalaya sa pagkabihag natin sa ating mga kasalanan.

Ang dugo ni Hesus ay patuloy na dumadaloy at dumadanak sa lupa. Sa pamamagitan nito, unti-unting naibabayad ang sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan. Inililinis rin ang mga makasalanan mula sa kanilang mga kasalanan. Ang dugo ay simbolo ng pagwagi ng Diyos laban sa kasalanan.

Dapat ngang magpasalamat tayo sa Diyos. Sapagkat kung hindi dahil sa pagkamatay ni Kristo, hindi tayo maliligtas. Patuloy tayong magiging mga alipin ng ating mga kasalanan. Ipinapamalas ni Kristo sa pamamagitan ng pagpanaw Niya sa Krus ang dakilang pagmamahal ng Diyos. Mahal na mahal tayo ng Diyos. At dahil mahal na mahal Niya tayo, pinadala ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak. Ito ay upang palayain tayo mula sa pagkaalipin sa ating mga kasalanan.

Ang Krus, na dating nangangahulugan ng kapahamakan, ay naging simbolo ng kaligtasan ng tao. Natupad ang plano ng kaligtasan ng Diyos sa pamamagitan ng Krus. Tapos na ang misyon ni Hesus. Nawa, kapag dumadaan tayo ng mga simbahan at nakikita natin ang Krus, isipin natin ang dakilang pagmamahal ng Diyos. Ang Krus ay tanda ng dakilang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang tagumpay laban sa kasalanan. Hindi lamang tagumpay ng Diyos ito, tagumpay nating lahat ito. Sa tulong ng Diyos, natalo natin ang demonyo at pinalaya mula sa kasalanan.


IKA-7 WIKA:
"AMA, SA IYONG MGA KAMAY, AKING INIHAHABILIN ANG AKING KALULUWA." (Lukas 23:46)


Ang ika-7 wika ay hindi isang hiling. Ito'y isang pahayag na ang Diyos Anak ay babalik sa Diyos Ama. Ang Banal na Santatlo ay mabubuo at magkakaisa uli. Babalik ang isinugo sa nagsugo sa Kanya.

Nakakainterasado na ito'y isinambit nang si Hesus ay nasa bingit ng kamatayan. Siya'y naghihingalo sa Krus. Nakabitin nang ilang oras ang Panginoon sa krus. Ang wikang ito ay isinambit sa oras ng pagdadalamhati.  Mula sa pagiging oras ng pagdadalamhati, ito'y naging isang oras ng luwalhati.

Ang okasyon ng pag-aanunsyo ni Kristo na babalik Siya sa Ama ay isang dakilang pangyayari. Ito'y naging oras ng luwalhati. Babalik na uli ang Diyos Anak sa Diyos Ama. Kahit ito'y isang malungkot na pangyayari, ito'y naging maluwalhati. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay namalas sa pamamagitan ng wikang ito.

Mapapansin natin na ang unang wika ni Hesus ay isinambit Niya sa Ama. Ngayon naman, sa ika-7 at huling wika, muli itong isinambit sa Ama. Ito'y para ipahayag na ang Masunuring Anak ay babalik sa Ama. Hindi sumuko o nawalan ng tiwala ang Anak sa Ama.

Isang aral ang makukuha natin sa wikang ito. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag mangamba. Sapagkat ang Diyos ay palagi nating kasama hanggang sa bingit ng kamatayan. Palaging maaasahan ang Diyos sa bawat oras.

Natatakot tayong harapin ang pagkamatay. Ayaw nating matapos ang ating buhay. Ngunit, ito'y isang napakasakit ito para sa atin. Ang buhay natin dito sa lupa ay pansamantala lamang. Lahat ay may hangganan. Kasama na rin ang mga buhay natin sa mga bagay na may hangganan. Hindi lamang mga pelikula o teleserye o palabas sa telebisyon ang may hangganan. Hindi lamang mga pangyayari dito sa daigdig ang may hangganan. May hangganan rin ang ating buhay.

Sa halip na matakot, dapat harapin natin ang ating kinabukasan, lalung-lalo na ang ating kamatayan. Hindi ba, sabi sa Salmo 27:

Tanglaw ko'y ang Poon, aking kaligtasan, 
kaya wala akong takot kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan, 
kaya naman ako'y walang kaagam-agam.

Hindi po ba, noong sina Hesus at ang mga alagad Niya ay nakasaky sa bangka, nawalan ng pananalig ang mga alagad? Nakasakay sina Hesus at ang mga alagad isang araw. Noong dumating ang unos, nangamba at natakot ang mga alagad. Sila'y nawalan ng pag-asa sapagkat napakalakas ng unos. Grabe, ang lakas ng unos. Hindi kaya nilang labanan ang unos, kaya lalo silang nawalan ng pag-asa at pananampalataya. Noong ginising nila si Hesus at pinatigil Niya ang unos, ano yung tanong Niya sa mga alagad? "Wala ba kayong pananalig?"

Ganyan rin ang tanong sa atin ng Panginoon. Huwag tayong mangamba o matakot. Ang Diyos ay kasama natin oras-oras at bawat sandali. Kapag tayo ay nangangamba, isipin natin ang Salmo 27. Sa tuwing maiisip natin ang Salmo 27, harinawa, mas lalo pang lumakas ang ating pananalig sa Diyos. Huwag tayong mawalan ng pananampalataya. Ang Diyos ay patuloy na sumasabay at magtatanggol sa ating lahat.


Linggo, Marso 17, 2013

MAGPAKABABA KATULAD NI KRISTO

Marso 28, 2013 - Huwebes Santo
Pagmimisa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon - (K) - Puti
(Ex 12:1-8, 11-14/Slm 116/1 Kor 11:23-26/Jn 13:1-15)

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan po natin ang kuwento ng Hapunang Pampaskuwa. Iniutos ng Panginoong Diyos kina Moises at Aaron na sila'y pumili ng tupa o kambing. Ang tupa o kambing ay aalagaan ng isa o dalawang pamilya. Pagsapit ng gabi sa ikalabing apat ng buwan, ang tupa o kambing ay papatayin nang sabay sabay. Ipapahid ang dugo nito sa pintuan ng bahay na kanilang titirhan kung saan kakainin nila ang tupa.

Iyon ay ang Hapunang Pampaskuwa. Ang Paskuwa ay isang tradisyon ng mga Hudyo. Ginugunita ng mga Hudyo sa Araw ng Paskuwa ang paglaya ng mga Israelita mula sa Ehipto. Ang Diyos ang nagpalaya sa mga Israelita mula sa kaalipinan sa Ehipto. Sa pamamagitan ni Moises na Kanyang Propeta, pinalaya ng Diyos ang bayang Israel. Sa gabi bago umalis ang mga Israelita, pinatay ng Diyos ang bawat panganay na anak ng mga Ehipsiyo, kasama na doon ang nag-iisang anak ni Faraon. Pinatunayan ng Diyos na Siya'y makapangyarihan at nakamamangha ang mga gawa Niya.

Ang ating Ebanghelyo ay hindi tungkol sa Huling Hapunan. Ang Mabuting Balita ay tungkol sa Paghuhugas ng mga Paa ng mga Apostoles. Nagtataka siguro ang mga alagad sa nakikita nila. Hinuhugasan ng Panginoon ang mga paa nila. Maitatanong rin natin ang katanungan ni San Pedro Apostol kay Kristo. Bakit hinuhugasan ni Kristo ang mga paa ng mga alagad Niya? Hindi ba mas mataas ang ranko Niya sa kanila? Bakit si Kristo ang naghuhugas ng paa ng mga alagad sa halip na ang mga alagad ay maghugas ng paa ni Kristo?

Si Hesus ay nagbibigay ng halimbawa ng pagpapakumbaba. Tandaan po natin ang Ikalawang Pagbasa noong Linggo ng Palaspas. Inilarawan ni San Pablo Apostol ang Panginoon bilang isang taong nagpapakumbaba. Nagpakababa si Hesus noong pumasok Siya sa mundong ito. Siya'y namuhay nang mahirap. Hindi Siya namuhay katulad ng isang mayaman. Sabi ni Apostol San Pablo, si Kristo Hesus ay namuhay bilang isang alipin.

Puwede namang mamuhay ng mayaman at masikat si Hesus. Puwede Niyang isipin ang Kanyang sarili lamang. Pero, nakikiisa Siya sa paghihirap ng mga tao. Mas pipiliin Niya na mamuhay ng simple, karaniwan lamang. Mas pipiliin Niyang mamuhay at makiisa sa paghihirap ng mga tao. Gusto Niyang paglingkuran ang kapwa-tao sa halip na Siya ang paglingkuran. Sabi nga ng Panginoon, "Ang Anak ng Tao'y hindi naparito upang paglingkuran kundi upang maglingkod."

Hindi ba ang sabi ni Kristo, "Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa; at ang nagpapakababa ay itataas." Pinagsasanay ni Kristo Hesus ang mga itinuturo Niya. Pinagsasanay ni Hesus ang pagpapakumbaba upang matutong magpakababa ang mga alagad Niya. Hindi ba nagkaroon ng debate kung sino sa mga alagad ang pinakadakila (Mateo 18; Lukas 22:24-27). Ang sabi ni Kristo, "Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat." (Markos 9:35)

Tularan nawa natin si Hesus sa pagpapakumbaba. Siya'y nagpakababa, at dinakila Siya ng Ama. Dapat tayong magpakababa at maglingkod sa kapwa. Ito ang ibig sabihin ng Panginoong Hesukristo noong sinabi Niyang, "Binigyan Ko kayo ng halimbawa at ito'y dapat ninyong tularan." Ang halimbawang ipinakita ni Hesukristo sa atin ay ang pagpapakumbaba. Harinawa, pagdating ng araw ng pagpanaw natin, itaas nawa tayo ng Diyos dahil sa pagpakababa natin, katulad ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo.

Sabado, Marso 16, 2013

"OSANA!" AT "IPAKO SA KRUS!"

Marso 24, 2013
Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon - (K) - Pula
(Lk 19:28-40/Is 50:4-7/Aw 22/Fil 2:6-11/Lk 22:14-23:56 o 23:1-49)

Ngayong Linggong ito ay sinisimulan natin ang mga Mahal na Araw o ang Paggunita sa Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Sa mga araw na ito, pinagninilayan natin ang Misteryo Paskwal. Inilalarawan ng Misteryo Paskwal kung gaano tayo kamahal ng Diyos at isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus.

Dalawa ang ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito. Ang isa ay napakinggan natin bago nagsimula ang ating Misa at ang pangalawa naman ay napakinggan natin sa Misa mismo. Ang Ebanghelyong napakinggan natin sa Pagbabasbas sa mga Palaspas ay tungkol sa Matagumpay na Pagpasok ni Kristo sa Herusalem. Ang pangalawang Ebanghelyo ay napakahaba (kaya ipinaikli ito para sa ilang Misa). Ito po ay ang Salaysay ng Pagpapakasakit at Pagkamatay ni Kristo. Pagnilayan po natin muna ngayon ang unang Ebanghelyo.

Noong pumasok ang Panginoon sa Herusalem, Siya'y sinalubong ng mga tao katulad ng isang masikat na tao. Ang Panginoon ay pinagkakaguluhan, Siya'y pinag-uusapan ng lahat ng mga tao sa Herusalem. Namamangha ang lahat ng mga tao kay Kristo Hesus. Isa Siyang dakilang guro. Wala Siyang katulad. Iba Siya sa lahat ng mga taong nakita nila buong buhay nila.

Ano ang iwinawagayway ng mga tao pagpasok ni Hesus sa lunsod? Palaspas. Ano ang isinasakay Niya noong pumapasok Siya sa Herusalem? Isang asno. Sa pamamagitan nito, pinapakita sa atin ni Hesus na magpakumbaba sa kabila ng matinding kasikatan. Nagpapakumbaba si Hesus at iyan ay isang halimbawang dapat nating tularan.

Dalawang tao ang naiisip ko ngayon. Ang Mahal na Kardinal ng Maynila na si Luis Antonio "Chito" Tagle, at ang Bagong Santo Papa na si Francisco. Silang dalawa rin po, para sa akin, ay mga huwaran ng pagpapakumbaba. Tunay ngang, sumusunod ang dalawang masisikat na taong ito ang pagpapakumbaba ni Hesus. Sa kabila ng kanilang mataas na posisyon sa Simbahan, sila'y nanatiling mapagpakumbaba.

Ngayon, dumako na tayo sa salaysay ng Pasyon ng ating Panginoong Hesukristo. Napakaraming taong tumalikod kay Hesus. Si Hesus ay tinalikuran ng Kanyang mga alagad. Sila pa naman ang mga pinagkakatiwala ni Hesus. Ipinagkanulo ang Panginoon ni Hudas Iskariote. Siya'y tatlong beses itinatwa ni San Pedro. Ibinigay naman ni Hesus ang mga susi ng langit kay Pedro. Noong ipinapahayag ni Simon Pedro na ipagtatanggol niya ang Panginoon mula sa kamatayan, alam ni Kristo na hindi mangyayari ang sinasabi ni San Pedro.

Ang mga taong na nagbigay-pugay sa Panginoon noong mga nakaraang araw ay tumalikod na sa Kanya. Napakasakit para kay Kristo na ang mga taong ito ay tatalikod at magkakanulo sa Kanya. Pinili nila si Barrabas nang pinagpilian sila ni Pilato. Ang sigaw ng mga tao ay naging, "Ipako siya sa krus!" Ang mga taong ito ay nagbalimbing, ika nga.

Hindi lamang ang mga Hudyong iyon ang nagbalimbing. Hindi pananagutan ng mga Hudyo ang pagkamatay ng Panginoon sa Krus. Tayo ang may pananagutan ng pagpanaw ng Panginoon sa Krus. Hindi ang mga Hudyo ang pumatay kay Hesus, tayo ang pumatay kay Hesus. Hindi ang mga Hudyo ang nagbalimbing kay Hesus, tayo ay nagbalimbing laban kay Hesus. Kumukontra tayo sa biyaya ng Diyos. Sa pamamagitan ng ating mga pagkakasala, tayo ay lalo pang lumalayo at tumatalikod sa Panginoong Diyos. Isang pamamaraan iyon ng pagbabalimbing sa Diyos. Ginawa ng Diyos ang lahat para sa ating kabutihan. Napakaraming pagpapala ang tinatanggap natin mula sa Diyos araw-araw, ngunit tatalikuran pa naman natin ang Panginoong Diyos.

Dahil sa Dakilang Pagmamahal ng Panginoon, tinanggap Niya ang bawat sakit at pagdurusa alang-alang sa atin. Hinayaan Niyang hamakin, yurakan, luraan, at lahat ng pamamaraan ng pambabastos sa Kanyang sarili. Ano ang dahilan? Mahal na mahal Niya tayo. Tiniis Niya ang lahat ng pananakit sa Kanya para sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng hindi pagtanggol sa sarili, inililigtas Niya tayo mula sa kasamaan dahil sa Pag-ibig ng Panginoong Diyos sa atin.

Tanungin natin ang ating sarili araw-araw. Tinatanggap ba natin ang pagmamahal ng Diyos para sa amin? Tinatanggap ba natin ang kusang pagpapakasakit Niya para sa amin? O kaya tinatalikuran natin ang mga pagtitiis at pagpapakasakit Niya para sa amin? Ano ang sigaw natin sa Diyos? "Osana sa Anak ni David," o, "Ipako siya sa krus?"

Nawa, sa mga Mahal na Araw na ito, pagnilayan natin ang Dakilang Pagmamahal ng Panginoong Diyos nang ialay Niya ang Kanyang sarili sa Krus ng Kalbaryo. Habang pinagninilayan at pinagmumuni-muni natin ang Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo, isipin rin natin kung gaano Niya tayo kamahal at namatay Siya para sa ating kaligtasan.


Linggo, Marso 10, 2013

HUWAG HUMATOL NG KAPWA; ANG DIYOS LAMANG ANG MAKAHAHATOL

Ika-5 Linggo ng Kuwaresma - (K) - Biyoleta
(Is 43:16-21/Aw 126/Fil 3:8-14/Jn 8:1-11)

Sa susunod na Linggo ay gugunitain ng Inang Simbahan ang mga Mahal na Araw. Sa mga Mahal na Araw na ito, atin pong gugunitain ang Misteryo Paskwal o ang pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Ngayong Linggong ito ay ang Linggo bago ang mga Mahal na Araw.

Noong nakaraang Linggo ay ang Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma o mas kilala bilang Laetare Sunday. Sa Linggong iyon, ang pari ay nakasuot ng rosas. Ang rosas ay simbolo
ng galak (Pasensya na po sapagkat hindi ko po ito binanggit noong nakaraang Linggo). Parang Gaudete Sunday na rin po ang Laetare Sunday. Ang dahilan ay dahil ang kulay rosas ay maaring isuot ng pari. *Ayon sa isang website, ang rosas ay sumisimbolo sa biyoleta na papapalapit nang maging puti. Sa pamamagitan ng Gaudete at Laetare Sunday, pinananabikan natin ang Kapanganakan at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus.*

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan po natin ang pagpatawad ni Hesus sa babaeng nakiapid. Ayon kay San Juan, ang babaeng ito ay nahuli ng mga eskriba at mga Pariseo. Ang dahilan kung bakit nila nahuli ang babaeng iyon ay upang maisumbong nila ang Panginoon. Ang katanungan nila kay Kristo ay napakahirap sagutin. Dapat bang ipatawad ang babaeng ito o ipatay sa pamamagitan ng pagbato?

Ito ay isang mahirap na tanong para kay Kristo. Kung ang sagot ni Kristo ay batuhin ang babaeng ito, sasabihin nila na isang kalokohan ang mga tinuturo Niya. Ang lahat ng itinuturo ng Panginoon ay tungkol ay sa pagmamahal at pagpapatawad. Kung sasabihin ng Panginoon na batuhin ang babaeng nakiapid, Siya ay nagsisinungaling sa Kanyang buong ministeryo.

Kung ang sagot ng Panginoon ay patawarin ang babaeng nakiapid, nilalabag Niya ang Katutusan ni Moises. Ayon sa Kautusan ni Moises, kinakailangang batuhin hanggang sa mamatay ang taong nakikiapid. Kahit na isinasabuhay ni Hesus ang mga itinuturo Niya sa pamamagitan ng pagpatawad sa babaeng ito, nilalabag pa rin Niya ang Kautusan ni Moises. Nasa isang dead end ika nga ang Panginoon. Hindi makakatakas na ganun na lamang si Kristo Hesus.

Hindi madaling sagutin ang katanungang ito. Para sa akin, mahihirapan na ako kung ano ba talaga ang dapat gawin. Ano nga ba ang tama? Ano ba ang nararapat gawin sa kapwa taong makasalanan? Hatulan, o patawarin?

Ngayon, ano na ang naging sagot ni Kristo Hesus? Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang magpukol ng unang bato. Napakahirap intindihin ang mga sinabi ni Hesus. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ni Hesus. Anong nangyari sa mga taong handang batuhin ang babaeng ito? Naalala nila ang kanilang mga pagkakasala. Inaamin nila na nagkasala rin sila, hindi lamang ang babaeng ito. Kaya, umalis silang lahat. Nabatid ni Kristo Hesus ang mga iniisip at binabalak nilang gawin sa Kanya.

Bakit silang umalis? Sapagkat naalala nila ang kanilang mga kasalanan. Walang perpektong tao sa mundo. Walang taong nabubuhay na walang kasalanan. Tayong lahat ay mga makasalanan, pati na rin ang mga pari at mga relihiyoso't relihiyosa. Pero, dahil nagkasala tayo, huwag nating isipin na wala nang pag-asa. May pag-asa pa tayo. Tandaan, ang Diyos ay mahabagin, mapagmahal, at mapagpatawad.

Pagkatapos umalis ang mga tao, sino na lamang ang natira? Si Hesus at ang babaeng nahuling nakiapid. Walang humusga o pumarusa sa kanya. Ang akala ng babaeng ito ay parurusahan na siya ng Panginoon. Ngunit, hindi Niya pinarusahan. Pinatawad ni Hesus ang babaeng ito at iniutos sa kanya na huwag nang magkasala at magbagong-buhay.

Mga kaibigan, kapatid at kapanalig kay Kristo, huwag tayong humusga o humatol ng kapwa-tao. Tandaan, tayo pong lahat ay mga makasalanan. Pero, dahil pinatawad tayo ng Diyos, dapat magpatawad rin tayo. Magpatawaran tayo upang at katulad tayo'y pinatawad ng Diyos. Sabi nga ni Hesus: "Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan." (Mateo 7:1) Ang panawagan ni Hesus sa Linggong ito ay magpatawad. Magpatawad rin tayo ng kapwa tao. Huwag nating maliitin ang ating kapwa-tao. Ang lahat ng tao ay may dangal, kaya dapat, igalang natin ang kanilang pagkatao. Ang Diyos lamang ang Siya lamang makapagbibigay ng hatol sa atin. Magpatawad tayo upang tayo'y patawarin rin ng Diyos.



* source: (http://www.freerepublic.com/focus/f-religion/1939268/posts)

Lunes, Marso 4, 2013

ANG PAGIGING MAAWAIN NG DIYOS

Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma (Laetare Sunday) - (K) - Biyoleta 
(Jos 5:9, 10-12/Slm 34/2 Kor 5:17-21/Lk 15:1-3, 11-32)


Kung atin pong mapapansin, ang Talinghaga ng Alibugang Anak ay ang ating Ebanghelyo para sa Unang Sabado ng Buwan ng Marso. Bago ikinuwento ng Panginoong Hesus Nazareno ang talinghagang ito, nagsisilapitan sa Kanya ang mga publikano at ang maraming mga makasalanan. Nakikisalo Siya sa mga taong ito bago ikinuwento Niya ang Parabulang ito.

May isang lalaki na may dalawang anak. Ang panganay na anak ay matulungin, tinutulungan niya ang kanyang ama sa mga gawain. Samantala naman, ang bunso ay ganid. Isang maramot, makasariling tao lamang ang bunso. Dahil doon, gusto na niyang makuha ang mana niya mula sa kanyang ama.

Pagkatapos hatiin ng ama ang mamanahin ng kanyang mga anak, umalis ang bunso at namuhay ng masama, Isang masamang pamumuhay ang buhay ng bunso. Isang asiong aksaya ang bunso. Isinayang na lamang niya ang mga yaman ng kanyang ama. Napakasamang bata. Hindi ba dapat nag-isip muna ang ama bago niya ibigay sa bunso ang mamanahin niya? Hindi ba niya alam na aaksayahin lamang ng bunsong ito ang lahat ng yaman niya?

Habang namumuhay nang di wasto, nagkaroon ng isang matinding taggutom sa buong lupain. Wala na siyang makain dahil sa taggutom na iyon. Gutom na gutom na siya na halos mamamatay na siya. Alam ng anak na ito na kailangang magtrabaho na siya upang magkaroon ng pagkain. Siya'y nagtrabaho sa isa sa mga mamamayan doon. Ngunit, halos wala siyang makain dahil mas maraming pagkain ang nakukuha ng mga baboy kaysa sa kanya. Napakahirap na ng kanyang buhay.

Nang nakikita ng anak na ito na halos wala siyang pagkain, naisip niya kung gaano siya naging ganid, makasarili, maramot, at masakim. Talagang pinagsisihan niya na talagang masamang anak siya. Alam niya na napakasama niya sa kanyang ama. Nalungkot ang anak na ito sapagkat ito pala  ang naging kapalaran niya.

Nalaman rin ng anak na ito na mas maraming pagkain ang mga alipin ng kanyang ama. Kaya, plano niyang magbalik sa kanyang ama upang humingi ng tawad. Hihingi rin niya na gawin na lang siyang isa alila na lamang. Habang pauwi ang anak na ito, hindi niya nalaman na mula pa noong umalis siya sa bahay na iyon, nag-aabang na ang kanyang ama. Hinihintay na siya ng kanyang ama upang tanggapin siya uli.

Hindi niya inakala na hindi binawasan ng ama ang pagmamahal niya sa kanya. Kahit maramot, mahal pa rin ng ama ang anak na ito. Lubusan niyang tinanggap muli ang kanyang anak. Napakasaya niya kaya patakbong sinalubong ang bunso ng ama. Hindi inakala ng alibugang anak na lubos siyang minamahal pa rin ng kanyang ama.

Pinaghandaan ng isang pagdiriwang ang anak na ito ng kanyang ama. Siya'y sinuutan ng mahusay na damit at singsing at pinagpatay ang pinatabang guya. Isang engrandeng selebrasyon ang pinapaghanda ng kanyang ama para sa kanyang bunsong anak. Sapagkat ang anak na ito, pagkatapos ng mahabang panahon ay nagbalik na sa wakas.

Noong umuwi ang panganay na anak, nagalit siya. Bakit? Sapagkat kahit pinaglingkuran niya ang kanyang ama, hindi siya binigyan ng kahit bisirong kambing para magsayahan siya ng mga kaibigan niya. Kahit minamanhik ng kanyang ama na pumasok at makisalo sa pagdiriwang, ayaw niya. Nagagalit siya. Ang Alibugang Anak, namuhay nang masama, nilustay ang mga kayamanan ng ama ang siya pa naman ang pinagbigyan ng isang salu-salo.

Ang Kuwaresma ay isang panahon sa Kalendaryo ng ating Simbahan upang anyayahan tayo magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Gamitin natin ang halimbawa ng Alibugang Anak. Sa kabila ng kanyang pagiging ganid, maramot at makasarili, nagsisi siya. Nagbalik-loob siya sa kanyang ama at humingi ng tawad. Tayo rin ay mga alibugang anak rin. Maawain ang ating Amang Diyos. Iyan ang nais ipakita sa atin ni Hesus Nazareno ngayong Linggo. Huwag tayong magtago sa awa ng Diyos. Ang Diyos ay mapagpatawad at mapagmahal. Mahal na mahal tayong lahat ng Diyos at handang-handa na Siyang patawarin ang ating mga kasalanan.


Linggo, Marso 3, 2013

MAGBALIK-LOOB TAYO SA DIYOS

Ika-3 Linggo ng Kuwaresma - (K) - Biyoleta (Eksodo 3:1-8, 13-15/Salmo 103/
1 Korinto 10:1-6, 10-12/Lukas 13:1-9)

Mula ngayong Ika-3 Linggo hanggang Ika-5 Linggo ng Kuwaresma, mapapakinggan natin sa ating Mabuting Balita ang pagtawag sa pagsisisi. Kaya, sa mga susunod na Linggo, mapapansin po ninyo na may pagkakaugnay ang aking sinasabi sa mga sasabihin ko sa inyo ngayong Linggo. Ngunit bago po nating pagnilayan ang ating Ebanghelyo, pagnilayan muna natin ang Una at Ikalawang Pagbasa.

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan po natin na hinirang ng Diyos si Moises. Si Moises ay hinirang ng Diyos upang palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Pero, bago pa siya hinirang ng Panginoong Diyos, siya'y isang pastol. Inaalagaan ni Moises ang mga tupa ng kanyang biyenan na si Jetro. Isang araw, inakay niya ang kanyang mga tupa papuntang Horeb. Tapos, may nakita siyang isang punongkahoy na nagliliyab, ngunit hindi nasusunog.

Nagtaka si Moises kung bakit ganun ang punongkahoy na iyon. Nakakaiba, kakaiba ang punongkahoy na iyon. Sapagkat ang punongkahoy, kahit nagliliyab, hindi nasusunog. Habang palapit na palapit si Moises sa punongkahoy na iyon, tinawagan siya ng Diyos. Habang kinakausap ni Moises ang Panginoong Diyos, hinirang si Moises bilang propeta. Hinirang si Moises upang palain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto.

Sa unang dinig ni Moises, palagay ko, nagulat talaga siya. Napakalaking pananagutan ang pagpalaya sa mga Israelita. Mukhang imposible, sa unang tingin. Ngunit, walang mapangyayari ang Diyos. Natatakot si Moises sapagkat wala siyang kapangyarihan. Mas makapangyarihan ang Faraon ng Ehipto kaysa kay Moises. Hindi rin alam ni Moises kung ano ang sasabihin niya. Ngunit, ginabayan at tinulungan ng Diyos si Moises sa kanyang misyon.

Sinasabi sa atin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na dapat ikatuwa natin ang lahat ng mga pagpapala mula sa Diyos. Dapat hindi tayo magalit sapagkat matutulad tayo sa mga Israelita na nagalit sa Panginoong Diyos. Huwag tayong tumulad sa kanya, babala ni San Pablo, sapagkat kung tutularan natin ang ugali ng mga Israelitang iyon, pinili na natin ang mapahamak. Kaya, dapat huwag maging abusado sa mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa Kanyang kabutihan.

May dalawang bahagi ang ating Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng ating Banal na Ebanghelyo, mapapakinggan natin na may ilang Galilea na ipinagpatay ni Pilato. Agad ito ibinalita ng ilang tao kay Hesus Nazareno. Pinagsabihan sila ng Panginoong Hesus Nazareno na hindi higit na makasalanan ang mga iyon o ang mga labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe. Ang para bang sinasabi ng Panginoong Hesukristo ay huwag husgahan ang tao na siya'y isang makasalanan sa kanyang sinapit. Hindi lamang isa ang makasalanan dito sa mundo, tayong lahat ay mga makasalanan rin.

Ang ating Ebanghelyo ay isang babala na mapapahamak tayo kung hindi tayo magsisisi. Huwag tayong mayabang, mga makasalanan rin tayo. At kung hindi tayo magsisi, mapapahamak tayo. Pinapaalala ng ating Ebanghelyo na ang Panginoong Diyos ay mahabagin, maawain at mapagpatawad. Kasi, marami ang nag-iisip na strikto, napakahigpit ng Diyos. Hindi, mali iyan. Sapagkat ang Diyos, mahal na mahal Niya tayo at gagawin Niya ang lahat para sa ating kabutihan. Pero, tayo lamang ang makakapili kung saan tayo tutungo.

Ang pangalawang bahagi ng ating Banal na Ebanghelyo ay tungkol sa parabula o talinghaga tungkol sa Puno ng Igos na Walang Bunga. Determinado ang tagapagalaga ng ubasan na iyon na putulin ang punong iyon. Bakit? Sapagkat wala ngang bunga, eh. Bakit pa natin patatagalin ang pagbunga ng punong iyon? Ngunit, hindi pinutulan ng tagapaglaga ang puno. Bakit? Bakit hindi na lamang putulin niya ang puno upang wala na siyang mabigat na pasanin? Sapagkat binibigyan pa niya ng pagkakataon ang punong iyon na mamunga. Kung wala pa ring bunga pagkalipas ng isang taon, puputulin niya. Binibigyan niya ng isa pang taon ang punong iyon upang mamunga.

Ganyan rin ang Diyos. Ilang beses na tayong nadapa sa kasalanan. Napakarami na tayong mga kasalanan laban sa Kanya. Ngunit, dahil sa dakilang pagmamahal Niya sa atin, binibigyan tayo ng Diyos ng mga pagkakataon upang makabawi uli. Kaya, ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pagbabalik-loob sa Diyos. May mga nagtatanong, "Bakit po bang may panahon ng Kuwaresma?" Ang panahong ito ng Kuwaresma ay para magsisi at magbalik-loob. Habang napakaraming oras pa, habang may panahon pa, magsisi tayo at magbalik-loob sa Diyos. Ganyan tayong kamahal ng Diyos. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong magsisi at mabalik-loob sa Kanya.

Iyan ang nais sabihin sa atin ni Hesus sa ating Ebanghelyo. Ang Diyos ay mapagmahal at mapagpatawad. Hindi mahigpit ang Diyos. Kaya, dapat masaya tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na nagpapatawad sa ating mga kasalanan at nagmamahal sa atin sa kabila ng lahat. Kaya, huwag tayong matakot lumapit sa ating mahabaging Diyos. Sapagkat, sabi nga ng Salmong Tugunan ngayong Linggo: "Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob."