Linggo, Mayo 26, 2013

TATLO NGUNIT IISA

Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo - (K) - Puti
(Kawikaan 8, 22-31/Salmo 8/Roma 5, 1-5/Juan 16, 21-25)


Hayaan ko pong simulan ang pagbabahagi ko sa inyo ngayong Linggo ito sa pamamagitan ng isang biro na binasa ko sa Manila Bulletin sa column ni Fr. Bel San Luis, SVD.

May isang kwento tungkol sa isang babaing na nagdala ng napakaraming novenario sa Simbahan. Nang matagpuan siya ng pari, tinanong siya ng pari kung sino nga ba ang paborito niyang santo. Ang sagot ng babae na ang Mahal na Ina ang paborito niya sa lahat ng mga santo at banal, ngunit, nagugustuhan rin niya ang kanyang kapatid.

Aba'y nagtaka na ang pari. Wala namang nakasulat sa Biblia kung may kapatid na babae ba si Maria at kung ano ba ang pangalan noon. Kaya, tinanong ang babae ng pari, "Anong pangalan ng kapatid ng Mahal na Birheng Maria?" Alam po ba ninyo ang sagot ng babae? Ito ang sagot ng babae: "Santa Trinidad."

Walang sinasabi sa Bibliya kung may kapatid man si Maria o hindi. Kung meron, linawin niyo lamang po ako. I-PM ninyo ako sa Facebook o kaya i-email niyo ako sa aking e-mail account sa gmail. Baka hindi ko lang napansin. Si Maria ay may isang pinsan. Ang pinsan niya ay si Santa Isabel o mas kilala sa Biblia bilang Elisabet. Ngunit, ang Santa Trinidad naman, ito ang tawag sa Kabanal-banalang Santatlo.

Ipinapakita ng biro o kwento na ito na napakaraming mga nalilito tungkol sa misteryong ito ng ating pananampalataya. Napakalalim at napakahiwaga ang misteryo ng Banal na Santatlo. Kaya po napakahirap para sa mga pari ang magbigay ng homiliya para sa Linggong ito. Ito'y dahil sa hiwaga ng Santissima Trinidad. Sa halip, medyo nakakalito para sa mga tao ang misteryo ng Banal na Santatlo. Kaya nga, may ilang pari, pagkatapos basahin ang Ebanghelyo, diretsyo agad sa Kredo (biro lang po). 

Marami pong ang mga nagsasabi na tatlong diyos ang sinasamba nating mga Katoliko. Ang tunay na sagot ng mga Katoliko ay hindi. Hindi tatlo ang diyos na sinasamba ng mga Katoliko. Sinasamba nating mga Katoliko ang tunay na Diyos. Wala kaming ibang diyos kundi ang iisa at natatanging Diyos lamang sa Langit. Ipinapaliwanag ko po, iisa lamang ang Diyos na sinasamba at binibigyan ng papuri't luwalhati.

Subalit, sa kabila nito, ang Diyos ay hindi nag-iisa. Sa iisang Diyos, tatlong persona ang bumubuo nito. Ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Silang tatlo ay tinatawag nating Banal na Trinidad. Tatlo man sila, ngunit iisa lamang ang katangian nila. At iyon ay ang pagka-diyos nila. Silang tatlo ay Diyos. Bagamat ang Diyos ay iisa lamang, tatlong persona ang bumubuo dito. At ang tatlong personang iyon ay tinatawag nating Banal na Trinidad.

Ang Diyos ay hindi nilikha. Sila'y sila na sa simula pa lamang. Ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo ay hindi nilikha. Wala silang simula at wala silang hangganan. Sila'y magpakailanman.

Ang Diyos Ama ang Unang Persona ng Banal na Trinidad. Siya ang makapangyarihan sa lahat, Siya ang maylikha ng lahat. Nilikha Niya ang langit at lupa. Nilikha Niya ang lahat ng uri ng hayop. Nilikha Niya ang kalikasan. At siyempre, nilikha tayong lahat ng Diyos Ama.

Ang Pangalang Persona ng Banal na Trinidad ay ang Diyos Anak. Siya ang ating Panginoong Hesukristo. Siya ang nag-iisang Bugtong na Anak ng Diyos. Siya ang Salita at ang Diyos na nagkatawang-tao lalang ng Espiritu Santo. Ipinanganak Siya ng Mahal na Birheng Maria. Siya'y nagpakasakit at namatay sa Krus alang-alang sa ating mga kasalanan. Noong sumapit ang ikatlong araw, Siya'y muling nabuhay. Umakyat Siya sa langit at nakaluklok na sa kanan ng Diyos Ama. Pagdating ng araw, huhukumin Niya ang lahat ng mga tao. Ito'y gaganapin sa Araw ng Paghuhukom.

Ang Pangatlong Persona ay ang Espiritu Santo. Siya ang Panginoon at ang nagbibigay-buhay. Siya ay ang ating Patnubay at Gabay. Ginagabayan tayo, pinapatnubayan tayo ng Espiritu Santo tungo kay Hesukristo at sa Diyos Ama. Hindi Siya gumagawa ng sariling katotohanan. Ituturo Niya ang katotohanan na itinuro na ng Panginoong Hesukristo na itinanggap Niya mula sa Diyos Ama. 

Kaya nga, kapag ginagawa natin ang Tanda ng Krus, binabanggit natin ang mga pangalan ng Banal na Santatlo. Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Ito'y binabanggit natin bago magsimula at magtapos ang pagdiriwang ng Banal na Misa. Ginagamit rin po ito sa iba't ibang mga sakramento. Ginagamit rin po natin ito bago at pagkatapos natin mag-Rosaryo, magdasal ng mga Dalangin ng Awa, at maraming iba pang mga panalangin.

Meron rin pong panalangin sa Banal na Trinidad. Ito'y dinarasal natin sa ilang mga panalangin, katulad ng Orasyon, Rosaryo, etc. Ang panalanging, "Luwalhati." Luwalhati sa Ama, sa Anak at sa Espiritu Santo, kapara noong unang-una, ngayon at magpakailanman, at magpasawalang-hanggan.

Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang pamamaalam ni Kristo sa Kanyang mga alagad. Nalulungkot na ang mga alagad sapagkat ilang taon na nilang kasama ang Panginoon. Ngayon, maghihiwalay na sila. Ngunit, tinitiyak ni Kristo na hindi sila magiging mga ulila. Darating ang isang kasunod Niya. Ang magsisilbing gabay para sa mga alagad. Ang Espiritu Santo na Siyang Espiritu ng Katotohanan.

Ipapaalala ng Espiritu Santo sa mga alagad ang lahat ng mga sinabi sa kanila ng Panginoon. Makikinig muna sa Panginoon ang Espiritu Santo at ito nama'y uulitin ng Espiritu Santo sa mga alagad. Hindi mag-iimbento ng sarili o bagong katotohanan ang Espiritu Santo. Sa halip, ang katotohanan na ituturo ng Espiritu Santo muli sa mga alagad ay ang katotohanang itinuro na ni Hesus. Uulitin lamang ito ng Espiritu Santo upang maalala nila ang sinabi ni Kristo. At ang katotohanang tinanggap ni Kristo ay nagmula sa Diyos Ama.

Hindi humahanap ng parangal para sa sarili ang Espiritu Santo. Sa halip, humahanap ng parangal para kay Hesus ang Espiritu Santo. Ganyan rin si Hesus. Hindi parangal sa sarili ang nais Niya. Sa halip, parangal sa Ama ang nais Niya. Masdan natin kung gaanong mahal na mahal ng Banal na Santatlo ang isa't isa. Hindi sila nagkukumpitensya laban sa isa't isa. Sa halip, ang hinahanap nila ay parangal para sa isa't isa. Iyan ang tunay na pag-ibig. Iyan ang tunay na pagsasama. Iyan ang tunay na pagkakaisa. Iyan ang tunay na pagkakaugnay.

Noong si Hesus ay bininyagan, ang Espiritu Santo ay bumaba sa Kanya sa anyo ng kalapati. At isang tinig mula sa langit ay nagsabing, "Ito ang Aking Anak, na Aking kinalulugdan." Nangusap ang Diyos Ama. Ipinagmamalaki at ipinapakita ng Diyos Ama sa sanlibutan na si Hesus ang Kanyang Bugtong na Anak, ang Diyos Anak, ang ikalawang Persona sa Banal na Trinidad.

Noong nagbagong-anyo si Hesus, ang Diyos Ama ay nagsalita muli. Inuutusan na Niya ang mga alagad ni Hesus na makinig sa Kanya. Ito'y naganap habang kinausap ni Pedro si Hesus na manatili na lamang doon sa bundok na iyon. Nais ni Pedro na tumakas sa kalooban ng Diyos. Ngunit, si Hesus, ay sumusunod sa kalooban ng Diyos. At ang kalooban ng Diyos - mamatay Siya para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

At noong si Hesus ay nakapako at naghihingalo sa Krus, humihingi Siya ng patawad mula sa Kanyang Ama para sa mga kasalanan na ginagawa laban sa Kanya. Tandaan, walang ginawang pagkakasala anuman ang Panginoon, ngunit, dahil sa pagmamahal Niya sa atin, humingi Siya ng tawad mula sa Ama. Iyon yung unang wika ng Siete Palabras. At sa ika-7 wika, isinusuko, ipinagkakatiwala, inihahabilin ni Kristo ang Kanyang Espiritu. Isinuko Niya ang lahat sa Diyos Ama.

Ganyan ang tunay at tamang paraan ng pagmamahal. Tularan natin ang Banal na Santatlo sa kanilang pagmamahal. Hindi nagkumpitensya ang Banal na Santatlo laban sa isa't isa. Sa halip, Sila ay nagmamahalan sa isa't isa. Ang pag-ibig ay mapagpakumbaba. Pagpapakumbaba. Ito ang pag-ibig na ipinapakita sa atin ng Banal na Trinidad. Kahit na makapangyarihan Silang Tatlo, hindi Nila ginagamit ito upang magtalo. Ginagamit nila ito sa tunay na pagmamahalan. Hindi lamang ang isa't isa ang minamahal nila, kundi minamahal nila ang kanilang mga nilikha.

Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo:
kapara noong unang-una, 
ngayon at magpakailanman, 
at magpasawalang-hanggan. 
Amen.

MALIGAYANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD SA ATING LAHAT!! 



Linggo, Mayo 19, 2013

HALINA ESPIRITU SANTO!

Mayo 19, 2013 - Linggo ng Pentekostes - (K) - Pula
(Mga Gawa 2:1-11/Salmo 103/1 Korinto 12:3b-7, 12-13)
Juan 20:19-23 (o kaya: Juan 14:15-16, 23b-26)

Maligayang Kaarawan! Alam po ba ninyo kung bakit binabati ko ang lahat ng maligayang kaarawan? Binabati ko ang lahat ng maligayang kaarawan dahil ngayon po ay ang kaarawan ng ating Simbahan. Sa pagdiriwang natin ng Linggo ng Pentekostes, nagsimula ang misyon ng mga apostoles. Sinisimulan ng mga alagad ang misyon na ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo. At ano ang misyon na iyon? Ang misyon nila ay ipahayag ang Mabuting Balita at maging mga saksi ni Hesukristo sa bawat sulok ng daigdig.

Ang ating Unang Pagbasa ay ang salaysay ng Pentekostes. Isinalaysay ni San Lukas sa Unang Pagbasa kung paanong naghintay ang mga alagad para sa pangakong susuguin ng Diyos Ama sa ngalan ng Diyos Anak. Ang Diyos Espiritu Santo. Nagkatipon ang mga alagad sa isang lugar, at hinintay nila na manaog sa kanila ang Espiritu Santo. At nangyari nga, ang Banal na Espiritu ay nanaog sa kanila sa pamamagitan dilang apoy. Pinuspos silang lahat ng Banal na Espiritu.

Noong lumabas ang mga alagad, nagsasalita na sila ng iba't ibang wika. Nagulat na nga ang mga dayo roon sa Herusalem. Bakit? Sapagkat alam ng mga Hudyo na ang mga ito ay mga taga-Galilea. Sila ay mga mangingisda lamang mula sa Galilea. Ngunit, imbes na ang wika nila ang lumalabas mula sa bibig nila, iba't ibang wika ng mga dumarayo sa Herusalem ang lumalabas mula sa bibig nila. Kataka-taka. Kamangha-mangha. Naiintindihan ng mga dayo ang mga sinasabi ng mga alagad. Alam nila na pinupuri ng mga alagad ang Diyos sa iba't ibang wika nila.

Nagtataka tuloy ang mga tao. Imposible na nakapagsalita ng ganitong mga wika ang mga alagad. Mga mangingisda lamang sila. Nagulat sila sa biyaya at pagpapala ng Diyos na ipinagkaloob sa kanila. Ang mga alagad ay nagkaroon ng karunungan. Ang karunungan ng mga alagad ay nagmula at ipinagkaloob ng Espiritu Santo. Sa tulong at gabay ng Espiritu Santo, nakapagsasalita ang mga alagad ng napakaraming wika na nakakagulat para sa mga nandoon.

Isa sa mga kaloob ng Espiritu Santo ay ang karunungan. Karunungan ng tama o mali, karunungan ng iba't ibang wika, karunungan tungkol sa lahat ng bagay at marami pang iba. Hindi lamang isa ang mga kaloob ng Espiritu Santo, kundi pito. Pitong biyaya ang kaloob ng Espiritu Santo. Anu-ano ang mga pitong biyayang ito? Una, ang karunungan. Pangalawa, ang kaalaman. Pangatlo, ang kaunawaan. Pang-apat, kahatulan. Pang-lima, kabanalan. Pang-anim, lakas ng loob. At ang pang-pito, Banal na Takot sa Diyos.

Lahat ng ito'y ipinagkaloob sa mga alagad. Tinanggap naman ito ng mga alagad. Kinailangan ng mga alagad ang mga biyayang ito para sa kanilang misyon. Ang kanilang misyon ay ipangaral ang Mabuting Balita ng Panginoon at sumaksi kay Kristo dito sa lupa. Mahirap ang misyon ito para sa mga alagad, ngunit, kasama nila ang Espiritu Santo na pumapatnubay sa kanila sa kanilang buhay-misyonero. Nagkaroon sila ng mga pusong misyonero. Sila, mula noong araw na iyon, ay naging mga misyonerong isinugo ni Kristo. Ang misyon ng mga alagad ay para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Kaya, buong puso't kaluluwa ipapapahayag ang Mabuting Balita at sumaksi sa Panginoong Hesukristo.

Ipinagkakaloob rin ito ng Espiritu Santo ang mga biyayang ito sa atin. Ang problema nga lamang, paminsan-minsan, inaabuso natin ang biyayang ito. Ginagamit natin ang biyayang ito sa mali. Ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo, ginagamit dapat sa tama, hindi sa mali. Mga halimbawa lamang ng pag-aabuso sa mga kaloob ng Espiritu Santo. Ginagamit ang talino, ang karunungan, upang magyabang, upang maliitin ang kapwa-tao, at baka pa naman, maliitin ang Diyos. Naku po, Diyos ko po, pang-aabuso na iyan. Hindi para doon ang kalooban at pagpapala ng Diyos.

Isa pa, ang lakas ng loob. Mayroon nga, ilan sa atin, ginagamit ang lakas ng loob upang mag-rebelde, sumuway, maghimagsik sa mga kautusan, lalung-lalo na ang Utos ng Diyos. Ang lakas ng loob ay ginagamit upang panindigan ang katotohanan, ang tama. Hindi ito upang maging matigas-ulo, maghimagsik, mag-rebelde, o kaya sumuway sa batas. Kung matigas ang mga ulo at puso natin, paano natin masusundan ang batas ng pamilya, ng pamahalaan, o kaya ang Batas ng Diyos? Paano natin magagawang sundan ito kung matigas-ulo tayo?


Ang pag-aabuso sa mga pagpapala't biyayang kaloob ng Diyos ay hindi nais ni Hesus. Ang nais ni Hesus na gawin sa mga biyayang ito ay gamitin para sa tama. Binibigyan tayo ng kakayanan ng Diyos upang gumawa ng mabuti. Hindi tayo dapat maging abusado sa mga pagpapalang ito. Sa halip, gamitin natin ang mga biyayang kaloob ng Panginoon sa atin nang tama. Sa gayon, maipapahayag natin ang ating pananampalataya sa Diyos sa isip, salita, at gawa.

Sa mundo ngayon, uso na po ang mga makabagong teknolohiya. Sa tulong ng makabagong teknolohiya, makakapag-unay pa rin tayo sa mga mahal sa buhay na nasa ibang bansa. Iba pa nga sa atin, ginagamit ang modernong teknolohiya upang maglaro sa internet. Ginagamit natin ang mga social networking sites katulad ng Facebook, Twitter, Instagram, etc. Ngunit, paano kaya, kung pwede ring gamitin ang makabagong teknolohiya upang ipahayag ang Salita ng Diyos? Ako pa nga, kahit 14 na taong gulang pa lang ako, ginagamit ko ang aking Facebook at ang blog na ito upang maipahayag ang Salita ng Diyos. Ginagamit ko ang mga social networking sites upang makapagnilay tayo sa Salita ng Diyos linggo-linggo. Hamon ko lamang po, gamitin natin ang makabagong teknolohiya upang ipahayag ang Salita ng Diyos.

Isang misyon para sa atin ngayon ang maging mga saksi ng Mabuting Balita. Kaya, atin pong ipahayag ang Salita ng Diyos sa makabagong panahon ngayon. Paano? Sa pamamagitan ng isip, wika, at gawa, maipapahayag natin ang Salita ng Diyos at magamit natin sa mabuti ang mga biyayang kaloob sa atin ng Espiritu Santo. Kaya po, mga kapanalig, atin pong ipahayag ang Salita ng Diyos sa makabagong panahon ngayon. Ito nga ay isang misyon para sa ating mga misyonerong Katoliko. Ipahayag ang ating pananampalataya sa Diyos at maging mga saksi ni Hesukristo sa panahon natin ngayon.

Halina, Espiritu Santo at tulungan Mo po kaming lahat, mga misyonerong Katoliko, sa aming pagpapalaganap ng Salita ng Diyos sa bagong panahon. Tulungan Mo rin pong huwag maging mga abusado kami sa mga pagpapalang ipinagkaloob Mo sa amin. Bagkus, magamit namin para sa kabutihan ang mga biyayang kaloob Mo sa amin. Gabayan Mo rin kami sa aming paglalakbay bilang mga misyonerong sumasaksi kay Kristo sa mundo ngayon. Amen. 



VENI SANCTE SPIRITUS! 

Linggo, Mayo 12, 2013

MAGING MGA SAKSI NI KRISTO SA SANLIBUTAN

Mayo 12, 2013 - Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon (K) - Puti
(Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23/Lukas 24, 46-53) 

Apat na pagdiriwang ang ipinagdiriwang natin ngayong araw ng Linggo na ito. Ang una, ang Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Hesukristo. Pangalawa, ang ika-47 Pandaigdigang Araw ng Komunikasyon na may temang Social Networks: portals of truth and faith, new evangelization. Pangatlo, ang Kapistahan ng Inang Mapag-ampon doon sa Marikina. Ang araw po ng kanilang kapistahan ay tuwing ikalawang Linggo ng buwan ng Mayo. Maligayang Kapistahan po sa inyo, mga taga-Marikina! At siyempre, dahil po ngayon rin po ay Araw ng mga Ina (Mother's Day), atin pong babatiin ang lahat ng mga nanay, lalung-lalo na ang Mahal na Ina, ang Birheng Maria. Happy Mother's Day po sa lahat ng mga nanay. 

Ang Unang Pagbasa at Mabuting Balita para sa araw ng Linggong ito ay parehas isinulat ni San Lukas. Kaya, mayroong pagkakatulad ang ating Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayon. Sinasamahan ni Kristo ang Kanyang mga alagad pagkatapos ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Apatnapung araw sinasamahan muli ni Kristo ang Kanyang mga alagad at tinuturuan Niya sila muli. 

Tinuturuan muli ni Kristo ang mga alagad. Kung atin pong alalahanin, noong Biyernes Santo, nagkawatak-watak ang mga alagad. Nangamba, natakot, dahil ayaw rin nilang matulad sa Panginoon. Idinakip ang Panginoon, kaya nagkahiwalay ang mga alagad. Ngunit, alam ng Panginoon ang kahinaan ng mga alagad at alam rin Niya na iiwanan Siya sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Noong si Hesus ay muling nabuhay, nagtagumpay ang Kanyang pagiging mapagpasensya. Nagpasensya si Hesus sa mga alagad dahil tinuturuan Niya uli ang mga alagad sa pagsasama nila muli. Alam ni Hesus na hindi naiintindihan ng mga alagad ang mga pangyayaring gumanap. Kaya, nililinawan ng Panginoon muli ang mga alagad. 

Ano ang tinuturo ni Kristo? Ang tinuturo at ipinapaliwanag ni Kristo sa Kanyang mga alagad ay ang mga isinulat sa Banal na Kasulatan tungkol sa Kanya. Nililinaw ng Panginoon ang Kanyang mga alagad na kinakailangang matupad ang nasasaad sa Banal na Kasulatan tungkol sa Kanya. Kinakailangan Niyang magtiis ng hirap, magpakasakit, at mamatay sa krus. Ngunit, sa ikatlong araw, Siya'y muling mabubuhay. Ang mga propesiya ng mga propeta sa Matandang Tipan ay tinupad sa pamamagitan ni Hesus. 

Hanggang ngayon, nagtataka pa rin ang mga alagad tungkol sa kaharian ng Diyos. Sinabihan sila ng Panginoon na huwag umalis ng Herusalem hangga't hindi pa dumating ang Espiritu Santo na susuguin ng Diyos Ama. Ang kaharian na iniisip ng mga alagad ay ang kahariang makamundo. Ang kaharian ng Diyos ay hindi katulad ng anumang kaharian dito sa mundo. Kaya, ang sinagot ng Panginoon ay hindi dapat abalahin ng mga alagad ang bagay na iyon. Simple lang ang sagot ni Kristo sa katangungang ito ng mga alagad - huwag nang abalahin ang bagay na iyon. Itatayo ang kaharian ng Diyos sa panahon ng Diyos, at hindi sa ating panahon.

Ngayon, isinusugo na ng Panginoon ang Kanyang mga alagad. Isinusugo Niya ang Kanyang mga alagad bilang mga misyonerong sumasaksi sa Kanya. Ang mga alagad ay sasaksi kay Kristo sa bawat sulok ng daigdig. Hindi lamang ang mga alagad ang dapat sumaksi kay Kristo. Dapat, tayo rin ay sumaksi kay Kristo. Tandaan, ngayon po ay ang Taon ng Pananampalataya. Sa pamamagitan ng Taon ng Pananampalataya, binibigyan tayo ng oportunidad o pagkakataon ng Inang Simbahan na balikan at pagnilayan ang CREDO o ang ating pananampalataya. 

Ngunit, alam ni Hesus na mahina ang mga alagad ngayong aalis na Siya. Kahit ang alaala ng mga alagad, hindi makakayanan ang mga sinabi ni Hesus. Kaya, katulad ng Kanyang ipinangako, susuguin ng Diyos Ama ang Banal na Espiritu. Ang Espiritu Santo ang siyang mag-uutos at magpapaalala sa mga alagad tungkol sa mga tinuro at sinabi ni Kristo. Ang Espiritu Santo ang magiging Patnubay ng mga alagad sa kanilang misyon. Ang kanilang misyon - sumaksi kay Hesukristo sa bawat sulok ng daigdig. 

Ngayon, pagkatapos ng mga sinabi ni Hesus, Siya'y iniakyat sa Kanyang Kaluwalhatian sa Langit. Ito ang hudyat ng katapusan ng Kanyang misyon sa lupa. Isinugo si Hesus mula sa langit, inalay ang Kanyang buhay alang-alang sa atin. Ngayon, bumabalik si Hesus sa presensya ng Diyos Ama. Siya ngayon ay nakaluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan. Siya na ang may hawak ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Ayon sa Ikalawang Pagbasa, ito'y ibinibigay kay Hesus ng Diyos Ama. Ang kapangyarihang iyon ay galing sa kaitaasan. Galing sa Diyos mismo ang kapangyarihan. 

Sa tuwing binabasa ko ang mga salaysay ng Pag-Akyat ni Hesus, dalawang awitin ang pumapasok sa isipan ko. Ang dalawang awiting ito ay binibigyan ako ng lakas, Ipinapaalala sa akin ng dalawang kantang ito na hinding-hindi ako papabayaan ni Kristo sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos at maging isang Pilipinong Katolikong sumasaksi kay Kristo. Ang dalawang awiting ito ay para bang isang mensahe mula sa Panginoon sa akin. Ang dalawang kantang iyon ay "Wag Ka Nang Umiyak" ni KZ Tandingan at "Huwag Kang Mangamba" ng Bukas Palad Music Ministry.



Kahit nasa langit si Hesus, patuloy Niyang pinapalakas ang mga sumasaksi sa Kanya dito sa lupa. Tayong lahat, mga mananamapalatayang Katoliko, ay mga misyonero. Binibigyan tayong mga misyonero ng lakas. At ang lakas na iyon ay nanggagaling kay Kristong nakaluklok sa kanan ng Diyos Amang nasa langit. Tinutulungan at pinapatnubayan ng Espiritu Santo na maging mga mananampalatayang Katolikong sumasaksi kay Kristo. 

Papalakasin ng Espiritu Santo ang mga alagad ni Kristo at ipapaalala Niya sa kanila ang mga sinabi sa kanila ni Kristo. Hindi lamang ginagawa ito ng Espiritu Santo sa mga alagad. Ginagawa rin Niya ito sa atin. Binibigyan tayo ng lakas ng Espiritu Santo at sa tulong ng Espiritu Santo, maalala natin ang mga sinasabi ni Kristo sa Banal na Bibliya. Ang Espiritu Santo ang magiging Patnubay at Gabay natin sa ating misyon sa pagsaksi kay Hesus sa bawat sulok ng daigdig. Tandaan, isa sa mga dahilan kung bakit umakyat muli si Hesus sa langit ay upang maipalakas tayong mga Katolikong sumasaksi sa Kanya. Hinding-hindi Niya tayo papabayaan. 

Nawa, tayong lahat ay maging mga Katolikong sumasaksi kay Hesukristo, sa makabagong panahon. Gamitin nawa natin ang makabagong teknolohiya at mga social networking sites katulad ng Facebook, Twitter, Youtube, etc. upang sumaksi sa Panginoong Hesukristo at ipahayag ang kadakilaan ng Diyos sa bawat sulok ng daigdig. Maipahayag nawa natin at huwag ikahiya ang ating pananampalatayang Katoliko. Tapos na ang misyon ni Hesus dito sa lupa, ngayon, simulan natin ang ating misyon - sumaksi tayo kay Hesus. 

Linggo, Mayo 5, 2013

"KAPAYAPAAN ANG INIIWAN KO SA INYO"

Mayo 5, 2013 - Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay - (K) - Puti
(Gawa 15:1-2, 22-29/Salmo 67/Pahayag 21:10-14, 22-23/Juan 14:23-29)

Nakakalungkot po ang ating Ebanghelyo ngayon. Mapapakinggan natin na namamaalam na ang Panginoong Hesus sa Kanyang mga alagad. Iiwanan na Niya ang mga alagad. Kung atin pong mapapansin, ang pamamaalam na ito'y naganap sa gabi bago Siya pumanaw sa Krus doon sa Kalbaryo. Kung meron po kayong mga Bibliya, basahin ninyo ang buong Mabuting Balita ayon kay San Juan. Sa gayon, malalaman natin na naganap ang pamamaalam na iyon bago namatay sa Krus si Hesus.

Halimbawa lamang po. Ayaw nating mawalan ng mga mahal sa buhay. Darating ang araw kung saan tayo o isa sa mga mahal natin sa buhay ay papanaw. Ayaw nating dumating ang araw na iyon. Nakakalungkot po kapag nakikita natin ang mga mahal natin sa buhay na naghihingalo sa ospital. Gusto natin mamuhay pa sila hanggang sa magtapos ang mundo. Isang malungkot na pangyayari ang makita natin mamatay ang mga mahal natin sa buhay.

Ganyan rin ang dinaranas ng mga alagad. Ayaw nilang iwanan sila ni Kristo. Gusto nilang palagi nilang kasama ang Panginoon. Kaya, ang mga alagad, handang ipagtanggol ang Panginoon kung sakaling may gustong umaresto sa Kanya. Ngunit, kinailangang dakipin si Kristo upang maganap ang kaligtasang naiplano ng Diyos para sa sangkatauhan. Nakakalungkot po. Pagkatapos noon, hindi na makakasama ng mga alagad si Hesus ng pisikal. Ang maiiwan na lamang ay mga alaala ng kahapon. Mga alaala ng mga araw lumipas.

Ngunit, pinapalakas ni Hesukristo ang loob ng Kanyang mga alagad. Tutal, merong ibinigay Siya sa Kanyang mga alagad. Kapayapaan. Shalom. Ito'y para hindi magkawatak-watak ang mga alagad. Hindi magkakagulo ang mga alagad sa kapayapaan ng Diyos. Ngunit, ang kapayapaang ipinagkaloob ni Kristo ba'y katulad ng kapayapaan sa mundo? Hindi. Ang kapayapaang ibinigay ni Hesus sa Kanyang mga alagad ay ibang-iba sa kapayapaan ng sanlibutan. Hindi magkakaroon ng tunay na kapayapaan dito sa mundo kung walang lugar ang Diyos sa puso ng tao.

Kung ganun, paano nating makakamit ang tunay na kapayapaan? Sa pamamagitan ng ating pakikipag-ugnay o relasyon sa Diyos. Nagmumula ang kapayapaan sa mahiwatig na relasyon sa Diyos. Ang relasyon ay tungkol sa pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig kay Hesus ay hindi lamang sa pagbikas lamang. Hindi salita lamang naipaparamdam ang pag-ibig natin kay Hesus. Dapat maging totoo tayo sa Salita ni Hesus. At kung tutuparin natin ang Salita ni Hesus, hindi lamang si Hesus ang mananahan sa ating lahat, kundi pati ang Diyos Ama ang mananahan.

Isang regalo lang ang kapayapaan na ipinagkaloob ni Hesus. Meron pang isa. Ano pa yung isa pang regalo? Isang Patnubay. Magpapadala ang Diyos Ama sa ngalan ng Panginoong Hesus ang Espiritu Santo na magsisilbing Patnubay natin lahat. Hindi lamang Patnubay para sa atin ang Banal na Espiritu. Siya ang magpapaalala sa atin kung ano ang sinabi ng Panginoon. Ang Espiritu Santo rin ang Panginoon at ang Nagbibigay-buhay (Sa Ingles, the Lord and Giver of Life). Ang Espiritu Santo rin ay magbibigay lakas, gabay, at inspirasyon para sa ating lahat.

Kaya, alam po ba ninyo kung paano ako nakukuha ng inspirasyon? Alam po ba ninyo kung paano kong ginagawa ito kahit bata pa ako at hindi pa ako pari? Humihingi ako ng tulong sa Espiritu Santo. Siya ang nagbibigay inspirasyon, gabay, lakas, at buhay. Ipinapaalala rin Niya, hindi lamang sa akin, hindi lamang para sa mga Pari, Madre, Obispo, Kardinal, Santo Papa, o mga relihoyoso't relihiyosa, kundi sa ating lahat, mga sumasampalataya sa Diyos, ang mga sinabi ni Kristo.

Alam po ninyo, tayong mga Pilipino, ayaw makalimutan. Kadalasan, kapag merong aalis, may parting gift tayo para sa kanila. Ang parting gift na ito ay para hindi tayo makalimutan. Maalala pa rin natin ang mga araw na lumipas. Maalala natin ang mga nangyari kahapon. Alam natin na magugustuhan ng mga taong iyon ang regalo natin para sa kanya. Isang halimbawa lamang po.

Ganyan rin si Hesus, Kahit hindi Siya kasama natin dito sa mundo, huwag nating kalimutan, hinding-hindi tayo papabayaan ng Diyos. Ang Diyos ay Emanuel. Nasa atin o sumasaatin ang Diyos. Sabi nga ni Hesus sa wakas ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo: "Tandaan ninyo: Ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng mundo." (Mateo 28:20) Ibinigay ng Panginoong Hesukristo sa Kanyang mga alagad ang regalo ng kapayapaan. Ibinabahagi Niya sa atin ang Kanyang kapayapaan na hindi katulad ng kapayapaan sa mundo. Sa pamamagitan ng kapayapaan na nagmula sa Kanya, palagi natin Siyang kasama. Hinding-hindi Niya tayo pinapabayaan. Ang Diyos Ama at Diyos Anak ay mananahan sa ating lahat. Iyan ay dahil sa pag-ibig at pagsunod natin sa Salita ni Hesukristo. Amen.