Linggo, Hulyo 28, 2013

PANALANGIN AT PANANANALIG SA DIYOS

Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde 
(Genesis 18, 20-32/Salmo 137/Colosas 2, 12-14/Lucas 11, 1-13) 

Napakaganda po ng ating Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa pagtuturo ng Panginoong Hesukristo sa mga alagad kung paanong manalangin sa Diyos. Itinuro ni Kristo sa Kanyang mga alagad na isa sa mga kilalang panalangin ngayon. Ang panalanging itinuro ng Panginoon ay ang "Pater Noster" (Ama Namin). Napakaganda ng panalanging ito sapagkat ang panalanging ito ay itinuro ni Hesus mismo. 

Bago natin pagnilayan ang ating Ebanghelyo, balikan natin ang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na nananalangin si Abraham sa Diyos. Kinakausap ni Abraham ang Diyos, na parang isang kaibigan na rin. Ipinapanalangin ng Abraham ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra. Nananalig si Abraham na ang Diyos ay makatarungan at ililigtas ang mga matutuwid. 

Ang Ikalawang Pagbasa ay hindi tungkol sa panalangin. Sa halip, ito'y tungkol sa kaligtasang dulot ng pagkamatay ng Panginoong Hesus sa krus. Pinapakita nito ang pagiging bukas-palad, mapagmahal at mapagpatawad ng Diyos. Tayong lahat ay mga makasalanan at sa kabila nito, ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak upang iligtas tayo ng Diyos. Ito ay dahil minamahal tayo ng Diyos at pinapatawad tayo sa marami nating mga kasalanan. 

Dalawang bahagi po ang nilalaman ng ating Ebanghelyo. Sa unang bahagi ng Mabuting Balita, mapapakinggan natin na itinuro ni Hesus ang Kanyang mga alagad na manalangin. Maraming okasyon sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas na ang Panginoong Hesukristo ay nananalangin. Ipinapakita ni Lucas na si Hesus ay hindi nagsasawang manalangin at makausap ang Diyos Amang sa langit. 

Ngayon, napansin ito ng mga alagad. Si Hesus ay walang sawang nanalangin sa Ama, lalung-lalo na kapag napakahalaga ang mga magiging desisyon Niya sa Kanyang buhay. Gusto ring matututong manalangin ang mga alagad. Doon silang nakuha ng pagnanais na matuto kung paanong manalangin sa Diyos. Si Hesus lamang ang maaaring magturo sa kanila kung paanong manalangin. 

Ano ba ang panalangin para sa atin? Paano ba tayo manalangin sa Diyos? Nagdarasal ba tayo araw-araw? O kaya nagdarasal lang tayo kapag panahon ng pangangailangan? Iyon po ang problema para sa atin. Kapag tayo ay masaya, nakakalimutan natin ang Diyos. Nakakalimutan nating pasalamatan ang Diyos. Kapag dumating ang pagsubok sa buhay natin, doon natin naalala ang Diyos. Dapat, araw-araw, magpasalamat at manalangin tayo sa Diyos, sa hirap man o ginahawa. 

Iyan ang unang bahagi ng ating Ebanghelyo. Tinuturuan tayo ni Hesus na manalangin nang walang humpay. Mahalaga para sa atin ang manalangin at makausap ang Diyos. Dapat may panahon tayo para makausap ang Diyos, kahit sandali lang. Kapag masaya man tayo o malungkot, nandiyan ang Diyos. Kausapin natin Siya sa pamamagitan ng pananalangin. 

Dumako po tayo sa ikalawang bahagi ng ating Ebanghelyo. Patuloy ipinapaliwanag ni Hesus sa mga alagad na ang Diyos ay mapagbigay. Dalawang halimbawa ang ginamit ng Panginoon upang mailarawan ang pagiging mabait at bukas-palad ng Diyos. Ang Diyos ay katulad ng isang ama. Siya pa nga ang ating Ama. Ibibigay Niya sa atin ang ating mga hinihingi. Pero, dapat lang tama ang hinihingi natin. Sapagkat ang Diyos, hindi magbibigay ng bagay na hindi ikabubuti sa atin; sa halip, binibigay ang mga bagay na para sa ating kabutihan. 

May dahilan kung bakit matagal tumugon ang Diyos. Inihahanda Niyang ibigay sa atin ang ating hinihiling, o kaya may mas magandang ipagkakaloob sa atin ng Diyos. Hindi bingi ang Diyos. Dinidinig Niya ang ating mga panalangin at paghingi sa Kanya. Gusto Niya ang ikabubuti sa atin. Kung ang ating hinihingi natin sa Diyos ay hindi mahalaga, bakit pa Niya ibibigay? Ibibigay Niya ang mga bagay na ikabubuti para sa ating lahat. Ganyan tayo kamahal ng Diyos. 

Huwag rin nating kalimutan na dapat pasalamatan rin natin ang Diyos. Magpasalamat rin tayo sa Diyos. Kasi, kadalasan, ang ipinapanalangin natin, puro tayo hingi. Magpasalamat para sa mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Sapagkat ang Diyos ay dapat ngang pasalamat. Marapat lamang na pasalamatan natin Siya sa lahat ng mga biyaya. Dahil sa Diyos nagmumula ang lahat ng mga kabutihan na ipinagkaloob sa atin. Ang Diyos ay dapat pasalamatan ay papurihan. 

Itinuturo tayo ni Hesus kung paano nga ba tayong manalangin. Dapat walang sawa tayong manalangin sa Panginoong Diyos. Pasalamatan natin ang Diyos at sambahin ang Kanyang pangalan. Huwag tayong maging hesitante sa pananalangin sa Diyos. Huwag tayong matakot o mag-dalawang isip. Manalangin tayo sa Diyos. Dahil ang Diyos ay ang ating Ama. Siya'y nagbibigay ng kabutihan para sa atin. Ang tunay na mananampalataya kay Kristo, nanalangin at nananalig sa Diyos. Manalangin tayo sa Diyos nang may pananalig sa Kanya. 


Linggo, Hulyo 21, 2013

PAGTANGGAP KAY HESUS SA ATING BUHAY

Ikalabing-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
(Genesis 18, 1-10a/Salmo 14/Colosas 1, 24-28/Lucas 10, 38-42)

Ang ating Unang Pagbasa at Ebanghelyo ay tungkol sa pagtanggap sa mga bisita.  Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na tinanggap ni Abraham ang tatlong misteryosong lalaki.  Tumuloy ang tatlong ginoong ito sa bahay nina Abraham at Sara.  Naghanda pa sina Abraham at Sara upang maramdaman ng tatlong lalaking ito ang pagiging bukas ng mag-asawa sa kanila. Ang tatlong misteryosong lalaki na tinanggap nina Abraham at Sara ay ang Diyos.  Sa pamamagitan ng tatlong lalaking ito, ang Diyos ay nagpakita kina Abraham at Sara at tumuloy sila sa bahay ng mag-asawa.

Sa Mabuting Balita, mapapakinggan natin na tinanggap ang Panginoong Hesus sa bahay ng dalawang babae. Ang dalawang ito ay magkapatid pa nga. Sila ay sina Marta at Maria.  May pagkakaiba ang magkapatid na ito sa pagtanggap sa Panginoon sa bahay nila.  Si Marta ang nagtrabaho at si Maria ay naupo sa paanan ni Kristo at nakinig sa mga sinasabi ni Kristo.  

Makikita natin si Marta na masipag at maasikaso sa kanyang mga bisita.  Katulad ni Abraham, nagtatrabaho si Marta sa bahay upang hindi siya mapahiya at maramdaman ng Panginoon ang mainit na pagtanggap niya sa sarili niyang bahay.  Diba, ganyan din ang ilan sa atin?  Kapag may bisita, kinakailangang maging masipag at asikasuhin ang ating bisita upang hindi siya mapahiya at makakabisita uli sa bahay na iyon ang bisitang iyon.

Ngayon, napansin ni Marta ang kanyang kapatid na si Maria. Nakaupo lang sa paanan ni Kristo ang kanyang kapatid. Sa isip ni Marta ay pinabayaan siya ni Maria. Siya na lang ang gumagawa at nag-aasikaso ng mga gawain kasi si Maria ay nakaupo lamang at nakikinig sa Panginoon.  Iniisip niyang tamad at hindi matulungin si Maria sa mga gawaing ginagawa niya.  Dahil sa mga ginagawang paghahanda ni Marta, iniisip niya na walang ginagawa si Maria at hindi tinatanggap ni Maria si Hesus. 

Ngayon, sumagot si Hesus sa reklamo ni Marta.  Sa unang tingin, mukhang wala ngang ginagawa si Maria.  Pero, mayroon siyang ginagawa upang ipakita na tinatanggap ni Maria ang Panginoon.  Nakikinig siya sa mga sinasabi ng Panginoon, kahit gusto ni Maria ang sinasabi ng Panginoon o hindi.  Ipinapakita at ipinaparamdam ni Maria kay Kristo na siya’y tanggap sa kanyang buhay.  Hindi lang tinatanggap ni Maria si Kristo, tinatanggap rin niya ang Salita ng Diyos sa kanyang buhay. Dahil maraming ginawa si Marta bilang paghahanda, wala siyang panahon upang makinig kay Hesus.

Mali ba ang ginawa ni Marta?  Hindi!  Wala namang nagkamali sa kanilang dalawa.  Parehas silang tama.  Tama ang ginawa ni Marta na paghandaan ng pagkain at inumin ang Panginoon.  Si Maria ay tama rin sa ginawang pakikinig sa Panginoon.  Ipinapakita ng magkapatid na ito ang kanilang mga paraan ng pagtanggap sa Panginoon sa kanilang tahanan, at higit sa lahat, ang kanilang buhay.  Matatanggap natin ang ating mga bisita at makipag-usap rin sa kanila.  

Mga kapanalig, dapat meron tayong panahon para sa ating Panginoong Hesukristo. Huwag nating pilitin sabihin ni Hesus ang gusto nating pakinggan mula sa Kanya. Dapat makinig tayo sa Kanyang sasabihin, masakit man sa ating mga damdamin o hindi.  Iyan ang tunay na pakikinig.  Hindi pinipilit na sabihin ang gustong pakinggan.  Sa halip, pinapakinggan ang mga sinasabi, masakit man o hindi.  Unawain rin natin ang Kanyang mga salita.  Hindi lamang ang Panginoong Hesukristo ang tinatanggap, tinatanggap rin natin ang Salita ng Diyos.       



Linggo, Hulyo 14, 2013

ANG PAGIGING MALAPIT SA DIYOS AT KAPWA

Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde 
(Deuteronomio 30, 10-14/Salmo 68 o 18/Colosas 1, 15-20/Lucas 10, 25-40) 

Ang ating pong mga Pagbasa ngayong Linggo ay tungkol sa pagiging masunurin sa kautusan ng Diyos na magmahal. Mahalin natin ang ating Diyos at higit sa lahat, ibigin rin natin ang ating kapwa. Lahat tayo ay dapat umibig sa ating kapwa, maging kakilala man o hindi. Kahit ang ating mortal na kaaway, kailangang mahalin natin. 

Sinasabi ni Moises sa Unang Pagbasa na kailangang unawain ang Kautusan ng Diyos. Hindi lamang ito para sa mga Israelita, para rin po ito sa ating lahat. Marami pong palusot ang mga tao upang hindi sundan ang Batas ng Diyos. Katulad na lang ng hindi naiintindihan ang mga Utos ng Diyos. Sinisikap rin nila, sa pamamagitan ng palusot na ito, na hindi unawain ang mga Utos ng Diyos. Isa pang palusot, hindi bahagi ng Kautusan sa kanilang pang-araw-araw na buhay. 

Ano ngayon ang sabi ni Moises tungkol dito? Kailangan nilang makinig, sumunod at unawain ang Kautusan ng Diyos. Pwede na itong unawain at sundan. Bakit? Hindi na malayo ang Kautusan ng Diyos sa kanila. Madali na itong sundan. Naisulat na sa ating puso ang mga Kautusan ng Diyos. Alam na natin ang mga Utos ng Diyos. Kaya, walang mamalusot. Walang dahilan upang hindi sumunod sa mga Utos ng Diyos. Kailangang sundan ang mga Utos ng Diyos, maging sino man tayo. 

Mapapakinggan natin sa Ikalawang Pagbasa na nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Nilikha rin ang lahat ng bagay para kay Kristo. Sinasabi rin ni San Pablo na sa pamamagitan ni Hesus, magiging malapit ang tao sa isa't isa. Iyan kasi ang plano ng Diyos Ama. Pagkaisahan tayong lahat sa pamamagitan ng Kanyang Anak at ating Panginoong Hesukristo. Wala nang magiging malayo sa isa't isa. Wala nang hahadlang sa pagiging malapit ng tao sa isa't isa. 

Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa isang parabula ni Hesus. Ito ay isang talinghaga na isa sa mga masikat na talinghaga ngayon. Iyan po ay walang iba kundi sa talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano. Lumapit ang isang eskriba kay Hesus at nagtanong kung paano magkamit ng buhay na walang hanggan. Ibinalik ni Hesus ang tanong na iyon kasi alam ni Hesus na ang nagtatanong ay isang experto sa Kautusan. Dapat alam niya iyan. Kasi, hindi malayo sa tao ang Utos ng Diyos. Napakaganda ng sagot ng Pariseo. Pinaikli niya ang kanilang sagot. Ibigin ang Diyos nang buong puso, nang buong isip, nang buong lakas, at buong pag-iisip. Ibigin rin ang kapwa katulad ng iyong sarili. Sumang-ayon si Hesus dahil tama ang sagot ng eskriba. Sa pamamagitan nito, makakamit niya ang buhay na walang hanggan sa kaharian ng Diyos sa langit. 

Ngunit, ang eskribang ito, ayaw mapahiya. Tinanong niya sa Panginoon kung sino ang kanyang kapwa. Noong kapanahunang iyon, merong mga limitasyon ang mga Hudyo tungkol sa kapwa. Unang-una, ang kapwa ay ang sariling pamilya. Kapag mahal mo ang pamilya mo, mahal mo na ang iyong kapwa. Ang mga hindi kabilang sa pamilya, hindi mo na kailangang mahalin. Pangalawa, ang iyong mga kababayan o ang mga ka-lahi mo ay kapwa mo na. Kapag hindi kabilang sa lahi ang isang tao, hindi mo na kailangang mahalin ang taong iyon. 

Sa halip na liwanagin ang eskriba, ang Panginoon ay nagkwento. Nagkwento siya tungkol sa kapwa. May isang lalaking binugbog, at iniwan na mistulang patay na ng mga magnanakaw. Hindi binigyang diin ng Panginoon kung ang lahi ng lalaking ito'y Hudyo o Samaritano o kung ano ang edad niya. Isa lamang siyang lalaking binugbog at iniwan na mistulang patay na. Tatlong lalaki ang dumaan sa lugar na iyon - una, isang saserdote, pangalawa, isang Levita, at pangatlo, isang Samaritano. 

Ang saserdote at Levita ay umiwas sa lalaking iyon noong dumaan sila. Ayaw nilang maapektuhan sila ng dugo ng lalaking iyon. Natatakot sila na sila'y maituturing marumi dahil hinawakan nila ang dugo ng tao. Upang panatilihin ang kanilang kalinisan, hindi nila tinulungan sapagkat may ginagawa sila sa templo. Meron bang maaawa sa kanya?

Ang pangatlo ay ang Samaritano. Alam po ninyo, sa panahon ni Kristo, hindi nagkakaayos ang mga Samaritano at mga Hudyo. Kaya, ang Samaritano ay isang hindi inaasahang karakter sa isang kwento tungkol sa kapwa. Ang Samaritanong ito'y naaawa sa kanya. Tumigil siya sa kanyang paglalakbay upang gamutin at alagaan ang lalaking nabugbog. Isinakay niya ang lalaki sa kanyang sinasasakyang hayop, at idinala sa isang bahay-panuluyan. Hindi lamang iyan, binayaran pa niya ang may-ari ng bahay-panuluyan na ito. Para sa Samaritanong ito, naging malapit sa kanya ang lalaking nabugbog. Nakita niya ang isang kapwa-tao na nangangailangan. Kaya, tumugon siya sa pangangailangan ng lalaking iyon. 

Tinanong naman uli ni Hesus ang eskriba. Sino ang naging kapwa sa lalaking nabugbog? Hindi mabigkas ng eskriba ang Samaritano, kaya ang naging sagot niya ay ang lalaking nahabag sa kanya. Tama muli ang sagot ng eskriba. Kaya, sinabi ni Hesus sa eskriba na humayo at tularan ang Samaritano sa parabula. Hindi lamang para sa eskriba ang sinabi niya kundi para sa ating lahat. Hindi sapat ang makilala ang isang kapwa o kaya huwag pansinin ang isang hindi kabilang. Kailangang tayo ay maging kapwa sa pamamagitan ng pagkahabag at pagmamahal. 

Mga kapanalig, tularan natin ang mabuting Samaritano. Sa pamamagitan nito, malalaman natin ang tunay na pakikipag-ugnay at pakikipag-kapwa sa ating kapwa-tao. Ang ating kapwa ay hindi lamang ang ating pamilya o mga kakilala o kalahi. Ang mga taong hindi natin kilala ay atin ding kapwa. Lahat ng mga tao dito sa mundo ay ang ating kapwa. Huwag tayong mamili. Dapat maging mapagmahal sa kapwa. Isa ito sa utos ng Diyos. Magkakaugnay at magiging malapit sa iba sa pamamagitan ng pagkahabag at pagmamahal. Dahil sapagkikipag-ugnay sa kapwa, tayo ay sumusunod sa Kautusan ng Diyos. Ituring natin ang lahat ng tao bilang ating kapwa, maging sino man sila. 

Linggo, Hulyo 7, 2013

KAPAYAPAAN AT GALAK SA ATING MISYON

Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
(Isaias 66, 10-14k/Salmo 65/Galacia 6, 14-18/Lucas 10, 1-12. 17-20 o kaya 10, 1-9) 

Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa Misyon ng Pitompu't Dalawang Alagad. Siguro magtataka kayo. Bakit pitompu't dalawa ang nakasabi sa Ebanghelyo? Hindi ba labindalawa lamang ang mga alagad? Oo, labindalawa nga lang ang mga alagad ng Panginoon. Pero, may kahulugan para sa mga Hudyo ang numero pitompu't dalawa. Ang numero pitumpu't dalawa ay sumasagisag sa buong mundo. Sinusugo ng Panginoong Hesus ang mga alagad sa mga kilalang bahagi ng mundo sa panahong iyon. Inilalarawan nito ang pandaigdigang misyon ng ating Simbahan. 

Ano ang misyon ng mga alagad? Sila'y sinugo ng Panginoon upang mangaral sa mga bansa sa panahong iyon. Inutusan sila ng Panginoon na mangaral tungkol sa kapayapaang nanggagaling sa paghahari ng Diyos. Kapayapaan. Shalom. Iyan ang mensahe na ipinapahayag. 

Balikan muna natin ang Unang Pagbasa. Inaaliw ng Diyos ang Kanyang bayang Israel. Nagkawatak-watak ang mga Israelita mula sa Herusalem. Inaaliw sila ng Diyos, katulad ng isang ina sa kanyang anak. Ipinangako ng Diyos na ibabalik Niya ang mga Israelita sa Herusalem. Ganyan rin sa atin. Tutulungan tayo ng Diyos upang makamtan natin ang ating mga pangarap. Tayo'y bibiyayaan at pagpapalain ng Diyos nang sandamak-mak. 


Meron ring sinabi si San Pablo tungkol sa kapayapaan sa Ikalawang Pagbasa. Nagmumula ang tunay na kagalakan at kapayapaan mula sa Krus ni Hesus. Sa pamamagitan ng pagkamatay ni Kristo sa Krus, sumilay, sumibol ang tunay na kagalakan at kapayapaan. Wala nang iba ang nagpapasaya kay San Pablo maliban na lamang kay Hesus. Siya'y masaya na makiisa sa paghihirap na tinitiis ni Hesus bilang alagad Niya. Iyan ang nais ipagmalaki ni San Pablo, at hindi ang kanyang mga tagumpay sa buhay. Masaya siya sa pagkilala sa kanya bilang alagad ng Panginoong Hesukristo. 

Balikan natin ang ating Ebanghelyo. Maraming mga habilin at utos si Hesus para sa Kanyang mga alagad sa pagsusugo Niya sa kanila. Bawal silang magreklamo tungkol sa pagkain at inumin na ihahain sa kanila. Hindi sila puwedeng magsabi tungkol sa sekto nila. Kailangan kainin at inumin ang anumang ihahandog at inihanda ng mga taong-bayan para sa kanila. Maging Hudyo man o hindi, dapat pagsaluhan nila ang pagkain at inumin ibinigay sa kanila. Dapat bukas sila sa bagong pagkain at inumin na ibinibigay sa kanila. Ipinapahayag rin nila ang Mabuting Balita, hindi lamang sa salita, kundi sa gawa. Magkakaroon sila ng kapayapaan sa pagitan nila at ng taong-bayan. Higit sa lahat, inaalis na ang mga bagay na haharang sa pakikipagkaisa. 

Noong bumalik ang mga alagad kay Hesus, masayang-masaya sila. Sinundan nila ang mga inutos sa kanila ng Panginoon. Naging matagumpay ang kanilang misyon. Pero, sinabi ni Hesus na huwag magalak dahil doon. Sa halip, ang dapat ikagalak nila ay nakasulat na ang kanilang mga pangalan sa langit. Dahil sa paghihirap na dinaranas nila sa kanilang misyon, ang dapat ikagalak nila ay ang nakamtan nila. May isang gantimpala ang Diyos para sa kanila. At ang gantimpala na iyon ay ang isang lugar para sa kanila sa langit. Kaya nga, "No pain, no gain." Kung hindi ka naghirap, wala kang makakamit.

Ganyan rin si Hesus. Si Hesus ay sinugo ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Siya ang ipinagakong susuguin ng Diyos upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan. Pero, hindi ito naging madali para sa Diyos. Napakasakit ang pinagdaanan ng Diyos. Masakit ito para sa Diyos Ama dahil ang Diyos Anak ay walang ginawang kasalanan at Siya'y pinagpatay. Pero, Siya'y naging masaya sapagkat sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus, nakumpleto ang plano Niya na iligtas ang sangkatauhan. Nakamit ng sangkatauhan ang kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan (pisikal at espiritwal). Kailanma'y hindi nanghinayang ang Diyos sa Kanyang ginawang pagliligtas sa atin.

Mga kapanalig, meron po tayong misyon. Ang ating misyon na ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi madali. Kailangan nating pagdaanan ang mga paghihirap na nakalaan para sa atin. Pero, sa katapusan ng mga paghihirap na dinaranas natin mula sa ating mga misyon sa buhay, makakamit natin ang isang gantimpala mula sa Diyos. Gagantimpalaan tayo ng Diyos para sa ating pagtitiyaga. Ano ang gantimpala ng Diyos? Kapayapaan at galak sa ating misyon. Binibiyayaan tayo ng Diyos ng kapayapaan at galak sa kabila ng mga paghihirap na dadanasin natin sa ating misyon sa buhay. Huwag tayong mag-alala, kasama natin ang Diyos sa ating misyon. Humayo tayong lahat at maging mga misyonero ng Diyos!