Sabado, Setyembre 28, 2013

SINO ANG TUNAY NA MAYAMAN SA MATA NG DIYOS?

Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Amos 6, 1a. 4-7/Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10/1 Timoteo 6, 11-16/Lucas 16, 19-31


Siguro marami po sa inyo ang magtataka kung hinahatol ng Panginoon ang pagiging mayaman. Dahil ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa Talinghaga tungkol sa Mayamang Lalaki at si Lazaro. Napakinggan natin na pagkamatay nilang dalawa, si Lazaro ay napunta sa langit, samantala ang mayamang lalaki ay napunta sa impiyerno. Mukhang ang mensahe ng Ebanghelyo ay mapapaimpiyerno ang mga mayayaman.


Hinahatol ba ni Kristo ang mga mayayaman? HINDI. Hinahatol ni Kristo ang pagiging sakim. Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin na nagiging maramot ang mayamang lalaki kay Lazaro dahil hindi niya pinapansin si Lazaro. Hindi pinapansin ng mayamang lalaki si Lazaro na naghihirap sa labas ng kanyang bahay. Kaya ano nangyari sa kabilang buhay? Siya naghirap samantala ang maralitang si Lazaro ay nasa langit.


Wala namang masama sa pagpapakasaya at pagiging mayaman, katulad ng mayamang lalaki sa Ebanghelyo. Hindi naman porke't mayaman, mapupunta ang isang tao sa impiyerno. Hindi iyon ang mensaheng ipinapaabot ni Kristo. Ang mensahe lang ni Kristo ay huwag maging sakim habang nagpapakasaya. Paminsan-minsan kasi, nagpapakasaya tayo, pero hindi natin pinapansin ang kapwa nating nangangailangan. Huwag gawing daan patungo sa kasakiman ang pagpapakasaya sa pagiging sakim at pagiging maramot sa mga dukha.


Ang pagiging mayaman ay isang pagpapala mula sa Diyos. Huwag lang nating abusuhin o gamitin sa masama ang mga biyaya ng Diyos. Kasi kapag naging masama tayo dahil doon, hindi iyon kasalanan ng kayamanan, bagkus, iyon ay kasalanan natin. Huwag nating sisihin sa kayamanan ang pagiging sakim. Tayo kasi ang gumagamit ng kayamanan at nasa atin ang desisyon kung gagamitin ang mga ito sa kabutihan at sa masama.


Tingnan po ninyo ang inyong mga katabi at ang mga dinadala nila. May masama ba kayong nakikita sa kanila? Siguro, wala, noh (maliban na lang kung katabi mo ang mortal mong kaaway; biro lang..). Masdan natin ang ating kapaligiran. May makikita ba kayong masama? Hindi, noh? Lahat ng nakikita natin sa ating daigdig ay nilikha ng Diyos. Walang nilikhang masama o basura ang Diyos. Nasa atin ang desisyon kung tayo'y magiging mabuti o masama.


Ang tunay na mayaman ay nagbabahagi ng kanyang biyayang natanggap mula sa Diyos. Ibinabahagi niya ito sa kanyang kapwa, lalung-lalo na ang mga masa. Hindi siya gahaman, bagkus, siya ay bukas-palad. Sa mata ng Diyos, tunay na nagiging mayaman ang isang tao kapag siya'y bukas-palad at nagbabagi ng mga biyaya sa kanyang kapwa-tao. Ang mga maramot at sakim, hindi mayaman sa mata ng Diyos. Hindi minamahal ang kanyang kapwa-tao, at hindi niya ibinabahagi ang kanyang biyayang natanggap. Siya'y sakim, hindi tunay na mayaman.


Mensahe ni Hesus ngayong Linggo - huwag maging maramot. Binababala tayo ni Hesus na maaring maging maramot tayo. Mag-ingat po tayo sapagkat ang pagiging masaya dahil sa mga kayamanan natin ay maging daan upang maging sakim. Maaring maging abusado tayo sa ating kayamanan. Hindi masama ang kayamanan mismo, kundi kung paanong ginagamit ang kayamanan. Tayo ang magdedesisyon kung paanong gagamitin natin ang mga pagpapala ng Diyos. Nakikita ng Diyos ang mga tunay na mayaman at ang mga may kayamanan, pero hindi naman nagbabahagi nito. Ang tunay na mayaman, sa mata ng Diyos, ay nagbabahagi sa kanyang kapwa-tao, lalung-lalo na ang mga mahihirap. Sapagkat anuman ang ginagawa natin para sa kanila, ginagawa natin ito para sa ating Panginoon. 

Linggo, Setyembre 22, 2013

SINO ANG PAGLILINGKURAN MO?

Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon/Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birheng Maria ng Peñafrancia  (K) - Berde 
Amos 8, 4-7/Salmo 112/1 Timoteo 2, 1-8/Lucas 16, 1-13 (o kaya: 16, 10-13)


Dalawa ang mensahe ng Panginoon sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Ang una ay pinagkakatiwala tayong lahat ng Diyos. Lahat ng mga kakayahan natin, mga bagay na nakikita natin sa ating kapaligiran, ay galing sa Diyos. Nasa atin ang desisyon kung paanong pangasiwaan ang mga nilikha ng Diyos. Maaari tayong maging mabuti sa ating pangangasiwa o kaya maging magdaraya, katulad ng katiwala sa Ebanghelyo. 

Ang mga maliliit na bagay pa nga ay ipinagkakatiwala sa atin. Halimbawa, ang ating pamilya. Kapag hindi kayang pangasiwaan o mamuno ng isang tao ang kanyang sariling pamilya, paano na kaya kung ang pamumunuan niya ay ang kanyang bayan? 

Isa pang halimbawa, isang piso. Kapag iniisip natin na isang piso lang iyan, paano na kaya kung mayaman ang lumapit sa atin at ipinagkatiwala sa atin ang mga kayamanan niya? Siguro mahihirapan tayo doon. Kapag hindi natin kayang pangasiwaan ang mga maliliit na bagay, mas mahihirapan tayo sa pangangasiwa ng malalaking bagay. 

Ang pangalawang mensahe ay hindi maaaring paglingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan. Hindi ibig sabihin ni Hesus na huwag nang maghanap-buhay. Kailangan natin maghanap-buhay para mabili natin ang ating mga kailangan. Ang ibig sabihin ni Hesus ay huwag gawing karibal ng Diyos ang kayamanan. Nagmula sa Diyos ang lahat, kaya dapat Siya lamang ang sentro ng ating buhay. Huwag nating kalimutan, tayo'y mga katiwala lamang. Lahat ng nakikita sa ating paligid ay pag-aari ng Diyos, lalung-lalo na ang ating mga katawan. 

Wala namang masama sa kayamanan. Ang masama lamang ay kapag karibal na ito ng Diyos? Paano nagiging karibal ng Diyos ang kayamanan? Dahil sa paggamit ng kayamanan sa masama, nakakalimutan natin ang Diyos. Ginagawang diyos at sinasamba natin ang ating mga kayamanan. Isang mas madaling salita - pagiging sakim. Hindi na tayo nagbabahagi sa kapwa at hindi pinasasalamatan ang Diyos. Kaya nga sinasabi: "Ang pag-ibig sa kayamanan ang ugat ng lahat ng kasamaan." (1 Timoteo 6:10)

Mensahe ng Panginoong Hesus - mga katiwala lamang tayo. Hindi pag-aari ninuman ang ating mga kakayahan at kayamanan. Tanging sa Diyos lamang ang pag-aari nito at tayo'y mga tagapangasiwa lamang. Nawa'y gamitin sa mabuti ang kayamanan. Sa ating pagiging sagana, huwag nating kalimutan na paglingkuran ang Diyos. Nawa'y makatulong ang mga bagay natin, lalung-lalo na ang mga materyal na bagay, sa paglilingkod sa Diyos. 

Ang Panginoong Diyos ang dapat paglingkuran, wala nang iba. Tularan natin ang Panginoong Hesukristo at ang Mahal na Birheng Maria, ang Birhen ng Peñafrancia (Ina), sa paglilingkod sa Diyos, at wala nang iba pa, kahit ang mga kayamanan sa mundo. Iisa lamang ang pinaglingkuran nila - ang Diyos. Sana, ganun din po tayo. Ang Diyos lamang ang dapat paglingkuran natin, at wala nang iba. 

Sino ang paglilingkuran mo? Ang Diyos lamang ang dapat paglingkuran. Kailangan pa bang i-memorize iyan?

Linggo, Setyembre 15, 2013

SIETE DOLORES - ANG PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA



ANG UNANG HAPIS: 
Ang Propesiya ni Simeon tungkol sa Sanggol na Hesus
(Lucas 2:34-35) 

Napakasakit para kay Maria ang mga sinabi ni Simeon tungkol kay Hesus. Noong sinabi ni Simeon ang mga salitang "Ang iyong puso ay para na ring tinarakan ng isang balaraw," ang ibig sabihin noon ang misyon ni Kristo dito sa lupa ay magdadala ng sakit sa puso ng Mahal na Ina. 

Hindi lamang sakit sa puso ni Maria ang dulot ng mga salita ni Simeon. Nag-alala siya para sa Panginoon. Sino bang ina ang hindi mag-aalala para sa kanyang anak? Ganun din si Maria. Nag-aalala para sa kapakanan ng kanyang anak. Kahit ang kanyang anak ang Tagapagligtas ng sanlibutan, bilang ina, siya'y nag-aalala para sa kanya. 

Pero, dahil sa pagiging masunurin ni Maria, naghahanda siya at naghihintay para sa pagdating ng araw na iyon. Ang araw kung saan ang kanyang anak - ang Tagapagligtas ng sangkatauhan, ay mag-aalay ng kanyang sarili sa krus para sa kaligtasan ng marami. Kung kalooban ng Diyos ay mamatay ang kanyang anak, hindi siya haharang, bagkus, makikiisa sa paghihirap ng kanyang anak. 


ANG IKALAWANG HAPIS: 
Ang Pagtakas patungo sa Ehipto 
(Mateo 2:13)

Noong dumating ang Tatlong Pantas sa Betlehem, tinanong nila kay Herodes kung nasaan ang lugar ng kapanganakan ng Mesiyas. Si Herodes, natakot. Natatakot si Herodes na maagawan ng kapangyarihan mula sa bagong Haring ito. Gusto niyang manatili sa kanyang posisyon at ayaw niyang maagaw ito. Kaya, bago umalis ang Tatlong Haring Mago, inutusan sila ni Herodes na sabihin sa kanya kung saan ang lugar ng kapanganakan ng Mesiyas. 

Pero, noong hindi bumalik ang Tatlong Pantas, nagalit si Herodes at pinag-utusan niyang patayin ang mga sanggol o batang lalaki na may gulang na dalawang taon o pabababa. Doon, makatitiyak siya na walang sanggol na lalaki ang aagaw sa kanyang pwesto bilang Hari. Pero, hindi niya pinatay ang Mesiyas, ang kanyang kinatatakutan. 

Bilang ina ni Kristo, si Maria'y natakot na. Takot na takot si Maria nang malaman niyang ipapapatay ang Sanggol na Hesus ni Haring Herodes. Ibinalita ito sa kanyang esposo na si San Jose ng anghel ng Panginoon. Nang malaman na nila iyon, tumakas sila sa isang bayang hindi nila alam. Napakahirap para kina Jose, Maria at Sanggol na Hesus na pumunta sa Ehipto pansamantala. 

Plano ba ng Diyos na ipapatay ang Mesiyas kahit sanggol pa lang? Hindi. Hindi hinayaan ng Diyos na mamatay si Hesus nang Siya'y sanggol pa lang. Kaya, iniligtas ng Diyos ang Banal na Pamilya - Hesus, Maria at Jose mula kay Herodes. Pumunta sila sa Ehipto na walang nakakaalam. Kahit mahirap para kina Maria at Jose, ginawa nila iyon alang-alang sa kaligtasan ng Sanggol na Hesus, ang pinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 


ANG IKA-3 HAPIS:
Ang Paghahanap kay Hesus sa Templo sa Herusalem
(Lucas 2:43-45)

Tatlong araw nawala si Hesus sa piling nina Maria at Jose. Nagpaiwan si Hesus sa Herusalem na hindi nalalaman nina Jose at Maria. Noong nalaman ng mag-asawang sina Maria at Jose na hindi kasama si Kristo sa kanilang mga kakilala, kamag-anak, o kaibigan, panic mode sila. Sila'y nag-aalala para sa kapakanan ni Hesus. Doon nila nalaman na ang Panginoon ay nagpaiwan sa Herusalem. 

Tatlong araw nag-alala si Maria. Natakot siya kasi baka may masamang mangyari sa anak niya. Tatlong araw silang naghahanap. Kahit matagal silang naghanap, hindi sumuko si Maria sa paghahanap kay Hesus, kahit ang ibig sabihin noon, tatlong araw nilang hahanapin si Hesus. 

Saan nila natagpuan si Hesus? Sa templo. Namangha ang lahat ng naroroon sa loob ng templo sa mga salitang binigkas ng Panginoon. Namangha sila sa Kanyang karunungan. Wala silang nakitang bata na may ganoong kalalim na katalinuhan. Kakaiba ang karunungan ng Panginoon.

Siguro si Maria at Jose, namangha rin. Tinanong siya ng Mahal na Ina: "Bakit mo ginawa sa amin ito? Balisang-balisa kami ng Iyong Ama sa paghahanap sa iyo!" Ano ang sagot ng Panginoon, "Hindi mo ba nalalaman na dapat Ako'y nasa tahanan ng Aking Ama?" 

Ipinapakita ng Hapis na ito na ang mga ina, kahit mawala ang kanyang anak, hahanapin niya. Siya'y mag-aalala kapag nawala ang kanyang anak. Nag-alala rin siya para sa kapakanan at kaligtasan ng kanyang anak. Hahanapin niya ang kanyang anak, at kapag nahanap ang kanyang anak, labis na ang kanyang kasiyahan at kaginhawahan. Ginagawa iyon ng mga ina para sa kabutihan ng kanyang anak. Kahit matigas ang ulo o rebelde ang kanyang anak, hahanapin niya at didisiplina para sa kanyang kabutihan. 


ANG IKA-4 NA HAPIS:
Ang Pagkakita nina Hesus at Maria sa daang patungong Kalbaryo. 

Hindi naging masaya ang pagkakita ng Panginoong Hesukristo sa Mahal na Birheng Maria. Nang magkita sina Hesus at Maria, si Hesus ay may pinapasang krus at nakasuot ng koronang tinik. Dugo'y dumadaloy mula sa mukha ng Panginoon. Napakalungkot ni Maria nang makita niya ang mukha ni Kristo na labis na nagdurugo dahil sa koronang tinik. 

Sino bang ina ang hindi malulumbay kapag nagkita sila ng kanyang anak na sinasaktan at pinaparusahan, kahit wala naman siyang ginawang kasalanan? Walang ina ang nais makita ang kanyang anak na sinasaktan. Kapag sinasaktan ang kanyang anak, nasasaktan rin ang ina. 

Noong napanood ang pelikulang "The Passion of the Christ," may isang scene sa pelikula na kung saan nagkita sina Hesus at Maria sa Via Dolorosa, may mga ilang flashbacks noong bata pa si Hesus. Nagmadali ang Mahal na Ina noong ang batang si Hesus ay nadapa. Gayon din ang Kanyang ginawa noong nadapa si Hesus na pinapasan ang Kanyang krus. Inulit ni Maria kay Hesus ang sinabi niya sa Kanya noong bata pa Siya at nang madapa, "I'm here." Sinagot siya ni Hesus, "Look, mother, I make things all new." Kaka-touch ang scene na iyon.

Kaya sana ni Maria na tulungan ang anak niya na makatakas. Wala namang ginawang kasalanan si Hesus. Kaya rin sana ni Maria na magalit, pagsigawan at awayin ang mga pumapatay kay Hesus. Pero, wala siyang magawa. Dumating ang oras na hinulaan ni Simeon. Ang mga nangyayari ay kalooban ng Diyos. Kaya, buong puso niyang tatanggapin ang kalooban ng Diyos at makiisa sa pagpapakasakit ng kanyang anak, kahit na masakit para sa kanya. 

Kapanalig, tatanggapin mo ba ang kalooban ng Diyos, kahit na masakit para sa iyo? 


ANG IKA-5 HAPIS:
Si Maria sa paanan ng krus ni Hesus 
(Juan 19:25) 

Ito ang pinakamasakit na pangyayari para sa mga ina. Nakikita ang anak na unti-unting namamatay sa kanyang paningin. Lubos siyang malulumbay habang minamasdan niya ang kanyang anak na unti-unting namamatay. Napakasakit para sa mga ina na makita ang anak na namamatay sa tabi nila. 

Naranasan po ito ni Maria noong si Hesus ay ipinako sa krus sa Kalbaryo. Napakasakit para sa kanya. Ang puso ni Maria'y nagdurugo dahil sa pamamagitan ng pagsaksi sa kamatayan ni Kristo, siya'y tinusok ng isang espada. 

Sa pagdaloy ng dugo ng Panginoon, dumadaloy din ang dugo mula sa puso ng Mahal na Ina. Labis na tumatangis ang Mahal na Ina sapagkat nakikita niyang namamatay sa kanyang tabi ang anak niyang minamahal. Pero, kalooban ng Diyos na maligtas ang tao sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo sa krus. Kaya, si Maria, tahimik na nagdurusa kasama si Hesus. 

Kahit napakasakit para kay Maria ang makita na namamatay si Hesus, alam niyang kalooban ng Diyos ang nangyayari. Kaya, siya'y naging tahimik at masunurin sa kalooban ng Diyos. "Mangyari nawa ang iyong sinabi sa akin!" 


ANG IKA-6 NA HAPIS: 
Si Hesus ay binaba mula sa krus 
(Mateo 27:57-59) 

Tapos na. Sa wakas, natapos na ang paghihirap ni Hesus. Ibinaba na ang Kanyang katawan mula sa krus. Ngayon, ibinigay na ang Kanyang bangkay kay Maria, ang Inang nagdadalamhati. 

Nais iduyan ng Mahal na Ina ang Panginoon. Nais niyang awitan ang Panginoon. Pero, ang katawan ng Panginoon ay wala nang buhay. Wala nang hininga ang Mesiyas. Naganap na ang misyon ni Kristo. Namatay na ang Panginoon. 

Kakaiba ang anak ni Maria. Hindi lang anak ni Maria si Hesus, Siya rin ang bugtong na Anak ng Diyos. At Siya'y naging masunurin sa kalooban ng Kanyang Ama. Kahit kailan, hindi Niya sinuway o susuwayin ang Diyos Ama, kahit minsan lang. Hindi Siya magrerebelde sa kalooban ng Ama. Kung ang plano ng Ama ay mamatay Siya upang iligtas ang marami, susunod Siya sa plano ng Ama. 

Alam rin ito ni Maria. Alam niya na kakaiba ang kanyang anak sa ibang mga anak. Ang kanyang anak ay ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Kaya, hindi siya haharang sa misyon ng kanyang anak - kahit na kung kinakailangang mamatay siya. Tahimik siyang nakiisa sa pagdurusa ng kanyang anak sa Kalbaryo, at ngayon tapos na ang lahat. Mag-isa na siya. Dinanas rin niya na makita ang pagkamatay ng kanyang anak. 


ANG IKA-7 HAPIS:
Ang Paglilibing kay Hesus
(Juan 19:40-42)

Ililibing na ang Panginoon. Natapos na ang paghihirap ng Panginoon. Mag-isa na ang Mahal na Ina. Si San Juan Apostol ang mag-aalaga sa kanya dahil inihablin siya ng Panginoong Hesus sa Mahal na Inang Maria. 

Kahit namatay si Hesus sa krus, hindi nawalan ng pananalig si Maria. Kahit napakahirap ang pinagdadaanan niya, hindi siya nawalan ng pag-asa at pananalig sa Diyos. Nananalig siya na may bukas pa. May pag-asa pa. 

Hindi nawalan ng pag-asa si Maria. Naniniwala siya na hindi nagtatapos ang lahat sa kamatayan. Muling mabubuhay sa ikatlong araw ang kanyang anak na si Hesus. Kahit nagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang anak, patuloy pa rin siya sa panananalig sa plano ng Diyos. Magpapahinga ang Panginoon. Pero, sa ikatlong araw, Siya'y babangon mula sa libingan. Magkaroon nawa tayong lahat ng pananalig sa Diyos, katulad ni Maria, na hindi nawalan ng pananalig sa Diyos, kahit mabigat ang pinagdadaanan niya. 

Sabado, Setyembre 14, 2013

HINDI PA HULI ANG LAHAT

Setyembre 15, 2013 
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Exodo 32, 7-11. 13-14/Salmo 50/1 Timoteo 1, 12-17/Lucas 15, 1-32 (o kaya: 15, 1-10)


Ilarawan natin lahat ang nangyayari sa mga magkapatid kapag pumanaw ang mga magulang nila. Bago mamatay ang kanilang mga magulang, sila'y masasaya at magkasama sila ng kanilang mga magulang. Pero, ang pagiging masaya nila ay pansamantala. Kapag sumakabilang-buhay na ang mga magulang nila, nag-aaway na sila. Bakit? Iisang dahilan lamang - mana. Ang mana na pinaghirapan ng mga magulang nila ang pinag-aawayan nila. Sa halip na magkaisa, nagkakawatak-watak na sila siguro. Hindi sila nagkaka-ayos, bagkus, nagkakasira na ang kanilang pamilya. Mana, iyon ang nag-iisang dahilan kung bakit nag-aaway ang magkakapatid pagkamatay ng kanilang mga magulang. 

Sa Mabuting Balita, mapapakinggan natin ang isang talinghaga ni Hesus na siguro alam nating lahat. Binasa po ito sa Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma, at ngayong Linggong ito ay binasa po ito muli. Ito po ay ang Talinghaga tungkol sa Alibhugang Anak (The Parable of the Prodigal Son). Tatlo pa nga ang mga talinghaga ni Kristo sa ating Ebanghelyo, pero nais kong bigyang diin muli ang Talinghaga tungkol sa Alibhugang Anak. 

Hiningi ng bunsong anak ang kanyang mana mula sa kanyang ama. Hindi ba, kapag naghihingalo na ang ating mga magulang, doon natin makukuha ang ating mana? Pero, kakaiba ang anak na ito. Iisa lang ang ibig sabihin ng hinihingi ng kanyang anak - mamatay ka na. Gusto na niyang makuha ang mana mula sa kanyang ama kahit buhay pa at hindi na siya makapaghintay pa nang matagal.

Siguro nasaktan at nalungkot ang kanyang ama, pero, dahil wala na siyang magawa, ibinigay na niya ang mana sa bunso. Tingin ko, araw-araw, paulit-ulit ang bunsong ito na nagtatanong kung kailan niyang makukuha. Kaya, para tumahimik at dahil nakakairita na siguro ang paulit-ulit na pagtatanong ng bunso, ibinigay na niya. 

Ngayon, ano ang ginawa ng bunso? Inaksaya at nilustay ang kayamanan ng kanyang ama hanggang sa magkaroon ng taggutom. Doon, nagkaroon siya ng matinding krisis sa buhay. Hindi siya makakain. Kaya, humanap siya ng trabaho sa bukid bilang tagapag-alaga ng mga baboy. 

Kawawa na ang pangalawang anak. Grabe ang naranasan niya. Kahit gusto niyang kumain ng kahit kaunting piraso ng kinakain ng mga baboy, hindi niya magawa. Wala siyang makain. Pinag-isip niya ang kanyang ginawa at kung bakit nagkaganyan ang kanyang buhay. Akala niyang magiging masaya siya, pero hindi pala. Dahil sa mga ginawa niya, wala siyang makain. Pinag-isipan din niya ang mga alipin ng kanyang ama. Buti pa sila, nakakain, pero siya nagugutom. Kaya, inisip niya na bumalik sa kanyang ama para lang makakain. 

Pero, bago siya umuwi sa kanyang ama, kinailangan niyang humingi ng tawad dahil sa ginawa niyang paglulustay ng kanyang kayamanan. Pagkahingi ng tawad, doon mag-aaply siya bilang alipin ng kanyang ama. Sa gayon, makakain na siya. Bago umuwi, nag-rehearsal siya. Pinag-aralang mabuti ang kanyang mga linya. 

Hindi inakala ng bunso na magmula noong umalis siya, hinihintay na siya ng kanyang ama. Matagal na naghintay ang kanyang ama para sa araw ng kanyang pagbabalik o pag-uwi niya. Nakita siya ng kanyang ama, niyakap na siya bilang pagtanggap muli sa kanyang anak. Humingi ng tawad ang anak na ito at nag-apply sa kanyang ama, pero hindi tinanggap ng ama ang kanyang application.

Masayang-masaya ang kanyang ama na tinawag niya ang kanyang mga alipin na isuot sa bunso ang singsing at magandang damit. Hindi lamang iyan, ipinagpatay pa niya ang pinatabang guya upang magkaroon ng pagsasalo. Magkakaroon ng selebrasyon. Ipagdiriwang nila ang pag-uwi ng Alibughang Anak. Ang Alibughang Anak ay tinanggap muli ng kanyang ama.

Ngayon, ang panganay, naiingit. Ang panganay, nagtrabaho para sa kanyang ama. Maganda naman iyon. Ipinapakita ng anak na ito na hindi siya tamad. Ang panganay ay masipag at matiyaga. Pinaghirapan niya ang lahat. Nainggit siya nang malaman niyang ipinaghanda ng pagdiriwang ng kanyang ama ang kanyang bunsong kapatid na naglustay ng kanyang mga kayamanan. Hindi niya masabi, "Ang aking kapatid." Sa halip, tinawagan niya ang bunsong anak, "Ang anak mong iyan." Dahil sa inggit, nakalimutan niya na nagtatrabaho siya sa kanyang ama. Hindi na ama ang tingin niya sa kanyang ama. Amo na ang tingin niya sa kanya. 

Kahit tinanggihan ng panganay ang pag-anyaya ng kanyang ama, patuloy pa rin ang pakikiusap ng kanyang ama. Ang sagot ng kanyang ama sa kanya ay dapat magdiwang sila dahil bumalik ang bunsong anak na hindi nasaktan. Walang nagbago. Anak pa rin siya ng mayamang lalaki. Kahit sinuway ng bunsong anak ang kagustuhan ng kanyang ama, anak pa rin niya iyon at pinapatawad niya ang kanyang anak sa kanyang ginawang kasalanan.

Hindi natin alam kung paano nagwakas ang talinghaga. Mukhang may kulang, at tama, may kulang. Iyon ay ang pagwawakas. Hindi natin alam kung pumasok ang panganay at nakipagdiwang o kaya hindi siya pumasok. Bakit walang pagwawakas ang talinghagang ito? Maganda ang sinabi ng isang pari kong ka-Facebook. Ang sabi niya ay tayo ang dudugtong sa kuwento. Itutuloy natin ang kwento. Tutugon ba tayo sa pagtawag ng Diyos na mag-bagong buhay? Nasa atin ang desisyon kung paano tayong tutugon sa Diyos upang bigyan ng pagwawakas ang talinghagang ito. 

Mga kapanalig, hindi pa huli ang lahat. Tinatawag tayo ng ating Panginoon. Ano ang ating tugon sa Kanyang pagtawag na magbagong-buhay? Nasa atin ang desisyon. Hindi tayo didiktahan ng Diyos. Hindi pa huli ang lahat. Habang may panahon pa, magbalik-loob tayo sa Diyos at magbagong-buhay tayong lahat. Pero, hindi na desisyon ng Diyos kung magbabalik-loob tayo sa Kanya, tayo ang gagawa ng desisyon. 


Lunes, Setyembre 9, 2013

ANG TAGUMPAY AT PAG-IBIG SA KRUS NI HESUS

Setyembre 14, 2013
Kapistahan ng Pagtatampok sa Banal na Krus
(Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17)

Sa kapanahunan ni Hesus, ang pagkamatay sa pamamagitan ng pagpapako sa krus ay ang capital punishment. Dito ipinapako at nakabitin sa krus ang kriminal dahil sa mabigat na kasalanan na ginawa niya laban sa bayan. Hindi po pangkaraniwang kamatayan at hindi po madali ang pagkamatay sa krus. Ang pagpapako sa krus, grabe, pagtatawanan ang nakabitin ng mga nanonood. Ito'y upang ipahamak at ibabala ang mga nanonood na huwag tularan ang nagkasala. Para po sa mga Hudyo, ang krus ay tanda ng kapahamakan, kasalanan at kamatayan. 

Para naman po sa atin, ang krus ay tanda ng tagumpay at kaligtasan. Paano naman naging tanda ng tagumpay ang isang krus? Bakit krus ang tanda ng tagumpay para sa ating mga Katoliko? Hindi ba ang krus ay tanda ng kapahamakan? Hindi ba tanda ito ng kahinaan at pagsuko?

Buong buhay ni Kristo, hindi Siya nagkasala, ni minsan. Noong tinukso Siya ng diyablo sa ilang, hindi sumuko ang Panginoon sa tukso. Walang kapintasan, kakaiba ang buhay ni Kristo. Bilangin pa natin ang mga kasalanan, at matatagpuan natin na wala, ni isa man sa kasalanan na alam natin na ginawa ng Panginoon. Perpekto ang buhay ng Panginoon. Siya'y naging masunurin sa Diyos. 

Ngayon, makikita natin sa crucifixo sa mga simbahan, ang katawan ni Kristo, nakabayubay. Magtataka na tayo, mahina ba si Kristo noong nabuhay Siya dito sa lupa? Kung Siya nga ang Anak ng Diyos, bakit Siya'y nakabayubay sa krus? Imposible maisip natin na ang Anak ng Diyos ay mamamatay sa krus, lalung-lalo na wala Siyang ginawang kasalanan buong buhay Niya. Malinis, busilak ang Kanyang buhay dito sa lupa. 

Bakit naman nakikita natin ang katawan ni Kristo sa krus? Tanda ito ng Kanyang pagmamahal sa atin, at sa pamamagitan nito, nagkaroon ng tagumpay sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus. Kaya, ang krus, mula sa pagiging tanda ng kapahamakan at kamatayan, naging tanda na ito ng pagmamahal at tagumpay. 

Dugo'y dumanak mula sa Kanyang krus. Lahat ng iyon, pinaghirapan ni Hesus. Tiniis ni Hesus ang bastusin, kutyain, saktan, at ipagpatay sa krus. Lahat ng iyon ay Kanyang tiniis alang-alang sa atin. Siya ang pumalit sa atin. Ang krus na iyon ay dapat para sa ating mga makasalanan. Ngunit dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin, inialay Niya ang Kanyang sarili. Alang-alang sa atin, tinanggap Niya ang kamatayan sa krus na para sa atin. 

Pinatunayan ni Hesus ang Kanyang pagmamahal sa atin. Sa laki ng pagmamahal Niya, binayad at pinatawad Niya tayong lahat. Nagkasala tayong lahat laban sa Diyos, at dapat pagbayaran natin ang ating mga kasalanan. Pero, binayad na iyon! Binayad na ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Hindi natin mabayaran ang Panginoong Hesus sa Kanyang pagkamatay sa krus. Laki ng utang na iyon. Sabi nga sa isang awitin: "Hindi sapat ito upang ibalik ang dugong itinigis ng Iyong Anak para sa atin." (Dakilang Pagmamahal) Ipinapakita ng krus ang pag-ibig at tagumpay ni Hesus para sa atin. Paano Siya nagtagumpay? Siya'y itinaas, ipinako at namatay sa krus, alang-alang sa atin. Pero, hindi nagtapos doon, Siya'y muling nabuhay. 

Sa tuwing makakita tayo ng crucifixo, alalahanin natin ang tagumpay at pag-ibig ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y namatay sa krus para sa ating kaligtasan. At nawa'y tayo pong mabuhay para kay Kristo Hesus. Iyan ang pinakamaliit na bagay na pwede nating gawin para kay Kristo. Si Kristo naman ay namatay para sa atin, iyon ay ang pinakamalaking ginawa Niya para sa atin. 

Tayo po'y magpasalamat kay Kristo araw-araw. Dahil sa pag-ibig ni Kristo sa atin, nakamtan Niya ang tagumpay sa krus. Hindi lang iyon tagumpay ni Kristo sapagkat tayo rin po ay nagtagumpay kasama Niya. 

Linggo, Setyembre 8, 2013

PAANO MAGING ALAGAD NI HESUS?

Setyembre 8, 2013 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon/Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria (K)
(Karunungan 9, 13-18/Salmo 89/Filemon 1, 9b-10. 12-17/Lucas 14, 25-33) 

Ang araw na ito ay napakahalaga para sa ating mga Katoliko, lalung-lalo na para sa ating mga Pilipinong Katoliko. Ipinagdiriwang natin ngayon ang Araw ng Pagsilang ng ating Mahal na Inang si Maria. Tayong mga Pilipino ay may malalim na debosyon sa ating Mahal na Ina. Kaya nga kinikilala tayo bilang Pueblo Amante de Maria (Bayang Sumisinta kay Maria). Maligayang Kaarawan po, O Mahal na Birheng Maria, Ina ng Panginoong Hesukristo, Ina nating lahat!! Happy Birthday, Mama Mary!!

Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay napakahirap ipaliwanag. Nakakagulat at nakakasakit pa nga ang ilang mga salita na binigkas ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayon. Sabi ng Panginoon sa unang bahagi ng Ebanghelyo: "Hindi maaaring maging alagad Ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay higit sa Akin." Napakatindi ng mga salitang binigkas ni Kristo.

Magtataka tayo kung ano nga ba ang ibig sabihin ng Panginoong Hesukristo sa Mabuting Balita. Pinag-iisipan pa nga natin kung talagang sinasabi ng Panginoong Hesus na talagang kalimutan ang ating pamilya? Napakasakit ang mga salitang ito. Hindi po ba sinabi ng Diyos na ibigin at igalang ang ating mga magulang? Bakit ngayon, ang hinihingi ng Panginoon ay talikuran at awayin ang pamilya natin? Napakahirap sumunod kay Hesus. Pero, iyon po ba ang ibig sabihin ng ating Panginoon?

Hindi ang pagkalimot o pagtalikod sa mga magulang ang tinutukoy ni Kristo. Ang ibig sabihin Niya na dapat unahin ang Diyos. Dapat ang sentro ng ating buhay ay ang ating Panginoong Diyos. Halimbawa, ang mga pari. Kung tatanungin ninyo kung bakit bihira ang pagdalaw ng mga pari sa kanilang mga pamilya, ito ay dahil sa kanilang mga gawain nila bilang pari. Hindi sa nakalimutan nila ang pamilya nila. Inuuna nila ang Diyos sa kanilang buhay. 

Ang ating number one priority sa buhay ay ang Diyos. God should be our first priority and the center of our lives. Dapat pa rin nating ibigin ang ating mga magulang, lalung-lalo na, bahagi na iyon ng Sampung Utos ng Diyos. Pero, ang ating pagmamahal sa ating pamilya ay hindi dapat hihigit sa pag-ibig natin sa Diyos. Tandaan, U-N-L-A-D. Ano po ang ibig sabihin ng "U-N-L-A-D?"

U - Unahin 
N - Natin 
L - Lagi 
A - Ang
D - Diyos 

Kapag inuna natin ang Diyos, magiging maganda ang ating buhay at mapapasan natin ang ating mga krus sa buhay. Ang problema nga lang, mahirap iyon para sa ating mga makasalanan. May mga karibal at hadlang ang Diyos sa pagiging numero uno sa ating buhay. Mahirap isuko ang ating mga bagay dito sa mundo. Iniisip pa nga natin na mas higit pa kaysa Diyos. Ang resulta, hindi maganda ang ating buhay. May mga ginagawa tayong masama dahil nakakalimutan natin ang Diyos. Ginagawa nating number one sa ating buhay ang ibang mga bagay, maliban ang Diyos.

Tingnan po ninyo, ang ating birthday celebrant, ang Mahal na Birheng Maria. Maaaring may mga plano na siya para sa kanyang buhay. Pero noong nagbalita ang Arkanghel Gabriel sa kanya tungkol sa Anak niya, ang Panginoong Hesus, isinuko niya ang kanyang mga plano sa Diyos. Sabi niya: "Mangyari nawa ang sinabi mo sa akin." Kahit may mga plano na siya para sa kanyang buhay, inuna niya ang plano ng Diyos para sa kanya. At siya'y tunay na pinagpala ng Diyos dahil sa kanyang pagiging masunurin sa Kanya. 

Ang ating Panginoong Hesukristo din po. Noong Siya'y nasa Halamanan ng Hetsemani, sa pagtatapos ng Kanyang panalangin sa Ama, sinabi Niya, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Kahit nagkaroon Siya ng pagkakataon na makatakas mula sa kamatayan, pinili Niyang sundan ang kalooban ng Ama na mamatay para sa ating lahat. Siya'y naging masunurin hanggang kamatayan, kaya't dinakila Siya ng Diyos. 

Paano maging alagad ni Hesus? Mahalin ang Diyos nang higit sa lahat ng bagay. Mahalin pa rin natin ang ating pamilya, mga kaibigan at ang ating mga sarili, pero ang pag-ibig sa kanila at sa ating sarili ay dapat iba sa pag-ibig sa Diyos. Dapat mas higit pa ang pag-ibig natin sa Diyos sa lahat ng bagay. Tayo'y magkakaroon ng lakas upang ibigin ang Diyos at ang kapwa. 

Linggo, Setyembre 1, 2013

ANG PAGPAPAKABABA

Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) - Berde 
Sirak 3, 19-21. 30-31/Salmo 67/Hebreo 12, 18-19. 22-24a/Lucas 14, 1. 7-14


Kilala ang ating Santo Papa Francisco sa kanyang pagpapakababa. Hindi siya nakatira sa papal apartments. Sa halip, siya'y nakatira sa Domus Sanctae Marthae. Ang sasakyan niya ay isang simpleng Ford Focus. Hinihikayat pa niya ang iba pang mga pari na piliin ang mga simpleng sasakyan sa halip ang mga magagandang sasakyan. Marami pang mga ginawa ni Pope Francis na nagpapakita sa kanyang pagiging mapagpakumbaba, kahit noong Kardinal pa siya sa Arkidiyosesis ng Buenos Aires sa Argentina. 

Ang Tatlong Pagbasa ngayon ay tungkol sa pagiging pagpapakumbaba. Sabi ni Sirak sa Unang Pagbasa na ang pagpapakababa ay nakalulugod sa mata ng Diyos. Tayo'y binayayaan ng mga kakayahan ng Diyos. Gamitin natin ito nang may kababaan nang loob. Huwag maging mayabang sa pagpapakita ng mga ito. Alamin natin ang ating mga limitasyon, sapagkat tao lamang tayo. Huwag nating gagawin o pilitin ang hindi natin kayang gawin. Binayayaan tayo ng mga kakayahan ng Diyos, huwag maging ambisyoso para sa iba pa. Maging mapagpakumbaba at kuntento sa mga kakayahang ibinigay sa atin ng Diyos. 

Ginamit ng manunulat ng mga sulat sa Hebreo sa Ikalawang Pagbasa ang Panginoong Hesukristo bilang huwaran ng pagpapakababa. Nagkatawang-tao si Kristo upang buksan ang pintuan ng langit. Paano binukas ni Kristo ang pintuan ng langit? Siya'y nagpakumbaba, at namatay para sa ating kaligtasan. Kahit Diyos Siya, nagpakababa Siya at inialay ang Kanyang sarili para sa ating lahat upang tayo'y makapagsaluhan sa hapag na inihanda Niya sa langit. Makakasalo natin ang mga banal sa langit, kahit na tayo ay tao at makasalanan. 

Sa ating Ebanghelyo, makikita natin na inanyayahan si Hesus sa isang bahay ng Pariseo. Napansin ng Panginoon ang mga galaw ng ibang mga inanyayahan. Pinipili nila ang upuan para sa mga piling panauhin. Dahil dito, nagkaroon ng isang pagkakataon ang Panginoong Hesus na magturo. Tinuruan ng Panginoon ang mga dapat gawin sa kainan sa pamamagitan ng talinghaga. 

Una, kapag inanyayahan, dapat yung pinakamababang upuan ang pinipili natin. The lowest seat. Nakakahiya kasi kapag tayo ang nakaupo sa pinakamataas na upuan, may mas mataas ang ranko kaysa atin ay dumating, at pinapaalis tayo ng nag-anyaya sa atin. Common sense lang naman po iyon. Wala tayong karapatan na ilaan ang sarili bilang pinakamataas. Kaya, dapat hintayin natin na tayo'y itataas ng nag-anyaya sa atin.

Pangalawa, anyayahan ang mga dukha, sa halip ang mga ka-level natin sa buhay. Kadalasan, kapag tayo ang mga mayayaman, pamilya o kaibigan. Mabuti naman iyon. Pero, kahit ginagawa natin iyon, hindi natin napapansin na may grupo na hindi kasali. There are some people that we exclude. At iyon ang mga dukha. Kapag inanyayahan natin kasi ang mga ka-level natin sa buhay, babayaran tayo sa pamamagitan ng pag-anyaya sa atin. Naging kasanayan na ito para sa ating lahat.

Para kay Hesus, ang bahala na magbabayad sa atin ay ang Diyos. Kapag inanyayahan natin ang mga dukha, hindi nila tayo mababayaran, di po ba? Huwag tayong umasa ng kabayaran para sa kabutihan na ginawa natin. Maaari ngang gumagawa ka ng mabuti, pero iyon po ba ay pagkakawang-gawa? Binababalaan tayo ni Hesus na ang paggawa ng mabuti ay maaari maging isang bitag na maging mayabang at maghangad ng kabayaran. 

Huwag nating isipin na tayo'y dapat itaas at parangalan. Huwag tayong maghangad ng kabayaran para sa kabutihang ating ginawa. Dahil pinapakita nito na kulang tayo sa pagpapakumbaba. Bahala na ang Diyos na itaas tayo at Siya na mismo ang magbabayad para sa ating pagkakawang-gawa. Nawa, maging bukas-palad tayo sa ating pagkakawang-gawa at huwag maghangad ng kabayaran para sa ating pagkakawang-gawa.