Lunes, Oktubre 28, 2013

ANG KAGALAKAN NG PAGIGING BANAL

Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12 


Naalala ko po ang isang kwento tungkol sa isang Katoliko at isang Muslim. Nag-away sila tungkol sa anong relihiyon ang may mas maraming mga santo. Kaya, nag-pustahan sila. Ang pusta ay sa tig-iisang santo na binanggit ng isa sa kanila, bubunutin nila ang buhok ng kaharap nila. 

Nagsimula ang Katoliko. "San Pedro." Isang buhok ang binunot ng Katoliko mula sa ulo ng Muslim. Bumanat naman ang Muslim (nakalimutan ko ang pangalan ng santong binanggit niya). Dalawa ang pinangalanan niya, kaya dalawang buhok ang binunot ng Muslim. Sumagot ang Katoliko ng tatlo pang Santo, tatlong buhok ang binunot niya mula sa Muslim. Apat namang banal ang sinagot ng Muslim, kaya apat na buhok ang binunot niya. 

Napikon tuloy ang Katoliko. Kaya, sinagot niya ang Muslim, "Todos Los Santos!" 

Ano nangyari? Naubos na tuloy ang mga buhok ng Muslim. 

Ngayon po ay Todos Los Santos o ang Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal. Dito po ay nagpapasalamat tayo sa Diyos para sa mga Banal na Taong namuhay dito sa lupa. May ilan po sa kanila ay namatay bilang martir. May ilan rin sa kanila ay namatay nang natural. Sila'y nagsimula bilang mga makasalanan na nagbalik-loob sa Diyos at namuhay ng isang banal na pamumuhay. Marami po sa mga Santo ay namuhay ng isang simpleng pamumuhay at inialay ang kanilang buhay para sa Diyos. 

Magtataka po kayo siguro. Kinakailangan bang maging Pari o Madre ang isang tao upang maging banal? Hindi! Tinatawag tayo ni Kristo upang maging banal. Lahat tayo ay tinatawag ng Panginoon upang maging banal. Wala Siyang pinipili. Anuman ang ginagawa natin sa buhay, ang Panginoon ang tumatawag sa atin upang maging banal. Lahat po ba ng mga tao ay makakarinig sa pagkatawag na ito ng Diyos? Hindi ko po alam. 

Bakit tayo tinatawag ng Panginoon na maging banal? Dahil nais Niyang makiisa tayo sa piging na inihanda Niya sa langit. Minamahal Niya tayo at nais Niyang maranasan natin ang kagalakan ng pagiging banal. Nais Niyang makapunta tayo sa langit pagpanaw natin. Nais ng Diyos ang makigalak sa Kanya. Pero, nasa atin ang desisyon kung paano ang ugali natin. Nasa atin ang desisyon kung pipiliin natin maging banal o hindi. Nasa ating mga kamay ang desisyon. 

Ang mga Santo nga sa kanilang nakaraan ay mga makasalanan. Pero, kung makasalanan sila, bakit sila naging Santo? Sapagkat tinawag sila ng Diyos na maging banal, nagbagong-buhay at nagbalik-loob sila sa Diyos, at sila'y namuhay ng simple at kalugud-lugod sa mata ng Diyos. Tayong lahat rin ay mga makasalanan. Pero, huwag tayong mag-alala. May pag-asa tayong magbagong-buhay at tumulad sa mga banal na nasa langit ngayon. Kaya nga sabi ng isang kasabihan, "May nakaraan ang isang banal, at may bukas pa ang isang makasalanan." Ibig sabihin, kahit ang mga makasalanan, may pag-asa silang maging banal. Hindi lahat ng mga Santo ay naging perpekto sa buhay nila. Pero, sila'y nagbagong-buhay at nagbalik-loob sa Diyos.

Si San Agustin ng Hippo nga, isang makasalanan noong namumuhay siya. Pero, paano ba siya nagbago? Sa pamamagitan ng mga panalangin ng kanyang inang si Santa Monica. Marami pa, si San Ignacio ng Loyola. Nagkaroon siya ng ambisyon na maging masikat, pero paano siya nagbagong-buhay? Noong nagkaroon siya ng isang mabigat na sugat sa isang digmaan sa Pamplona. Habang nagpapagaling, siya'y nagbalik-loob sa Diyos. Marami pang ibang mga santo na pwede nating tularan. Ang mga santong ito ay nakaranas ng kagalakan sa pagiging banal. 

Tunay ngang mararanasan natin ang tunay na kagalakan sa pagiging banal. Sino ang pinagmumulan ng kagalakan ng mga banal? Ang Diyos. Ang Diyos mismo ang nagpapasaya sa kanila. Ang kagalakang ipinagkakaloob na Diyos ay ang tunay na kaligayahan. Napakasarap at napakasaya ang pagiging banal at lingkod ng Diyos. 

Linggo, Oktubre 27, 2013

MAPALAD ANG MAPAGPAKUMBABA

Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon 
Sirak 35, 15b-17. 20-22a/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 16-18/Lucas 18, 9-14


Sa ating Ebanghelyo ngayon, mapapakinggan natin ang isang talinghaga ni Hesus tungkol sa pagpapakumbaba. Ang tinuturo Niya sa atin ay kung paanong ang pagpapakumbaba ay mas nakalulugod sa Diyos. Kahit gaanong kataas ang ating mga posisyon sa buhay, tayong lahat ay magkakapatid at magkakapantay sa paningin ng Diyos. 

Hindi lang tayo nagdarasal kapag nagsisimba sa araw ng Linggo. Marami po sa atin ay nagdarasal araw-araw, na mabuti naman. Tayo po ay nagdarasal sa Diyos upang papurihan, pasalamatan at humingi, lalung-lalo na ang kapatawaran sa ating mga kasalanan sa Diyos. 
Pero, paano ba ang ugali natin sa ating mga panalangin? Tayo po ba ay katulad ng Pariseo na nagmamataas? O katulad ba tayo ng publikano na nagpakumbaba sapagkat isa siyang makasalanan?

Ang unang nagdasal sa ating Ebanghelyo ay ang Pariseo. Pinagmamalaki niya sa Diyos na isa siyang mabuting tao. Ipinagmamalaki niya na isa siyang mabuting tao at sumusunod siya sa utos ng Diyos. Hindi lamang iyan, ipinagmamalaki niya na nag-aayuno siya ng dalawang beses sa isang linggo, at nagbibigay ng kanyang mga kinikita. Mukhang may hindi tama sa tono ng kanyang pagdarasal. Oo, marami man siyang nagawang mabuti, pero, hindi niya pinansin ang kanyang mga pagkukulang. Iniisip niya na siya ay mas magaling kaysa sa publikano. Para bang sinasabi ng Pariseo, "Panginoon, naging mabuting tao po ako, kaya dapat may gantimpala ako." 

Ang ikalawang nagdasal ay ang publikano. Heto, napakasamang tao. Nagagalit sa kanya ang buong Israel. Bakit? Humihingi siya ng buwis para sa imperyo Romano. Ang tingin ng mga Israelita sa mga publikanong katulad niya ay mga makasalanan. Nagtatrabaho ang mga publikanong ito para sa mga Romanong umaapi sa kanila. Ipinagkanulo ng mga publikanong ito ang kanyang bayan. Kaya hindi kabilang ang mga publikano sa mga pinagpala ng Panginoon. Maraming Hudyo ang nagagalit sa kanila. 

Ngayon, ang publikanong ito ay nagdasal rin sa templo. Paano siya nagdasal? Hindi siya nakatingin sa langit. Dinagukan ang kanyang dibdib, tanda ng pagsisisi. Pinagsisihan niya ang kanyang mga kasalanan laban sa Diyos. Siya'y nagpakababa sa harapan ng Diyos. Buong puso at pagpapakumbaba siyang humingi ng kapatawaran sa mga ginawa niyang kasalanan laban sa Diyos at kapwa. Inaamin niya ang kanyang mga pagkakamali at pagkukulang. 

Sino ngayon ang pinagpala nang umuwi? Ang publikanong makasalanan. Bakit? Dahil sa kanyang pagpapakumbaba, natamo niya ang awa ng Diyos. Siya'y nagkaroon ng lakas upang aminin ang kanyang mga pagkakamali. Alam niyang marami siyang ginawang kasalanan, kaya sumamo siya sa Diyos na patawarin siya. Gayon nga ang nangyari. Dahil sa kanyang pagpapakababa at pag-amin ng kanyang mga kasalanan, pinatawad siya ng Panginoon. 

Ang Pariseo ay hindi umuwi katulad ng publikano. Ginamit niya ang pagiging mabuti upang itago sa Diyos ang kanyang mga pagkukulang at pagkakamali. Kahit na may mga kasalanan siyang ginawa, hindi niya inamin ito sa Panginoong Diyos. Nagmamalinis siya sa harapan ng Diyos. Siya'y nagmumukhang malinis, pero may mga pagkakamali siya na hindi niya inaamin. Itinatago niya ang kanyang mga kasalanan sa Diyos. 

Kadalasan, ganyan rin po tayo. Sa sobrang takot natin sa Diyos, tinatago natin ang ating mga kasalanan sa Diyos. Naghahanap tayo ng mga palusot para sa ating mga kasalanan. Nakatutok tayo sa mga mabubuting gawa natin. Pero, ang masama doon ay ginagawa natin itong palusot upang magmukhang malinis sa harapan ng Diyos. Tayo ay nagiging peke, plastik, at niloloko natin ang ating mga sarili. Kahit itago pa natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, nakikita Niya at alam Niya ang nilalaman ng puso ng isang tao. Alam Niya na tayo ay nagkasala. Hindi natin Siya malilinlang. Hindi natin maitatago sa Diyos ang ating mga kasalanan. 

Tayo pong lahat ay magkakapantay - tayo'y tao. Bilang tao, marami tayong mga pagkakamali at pagkakasala na ginagawa natin. Pero, paano nga ba nagiging mabuti ang isang tao? Ang isang tao ay nagiging mabuti kapag natuto siya mula sa kanyang mga pagkakamali. Inaamin rin ng isang tao na siya'y nagkakamali at may lakas siyang humingi ng kapatawaran sa kanyang kasalanan. Ganyan po ang pagiging isang mabuting tao. 

Magpakatao tayo at magpakumbaba. Tularan natin ang publikano sa ating Ebanghelyo. Kahit na siya'y makasalanan, inamin niya ang kanyang pagkakamali at sumamo sa Diyos na siya'y patawarin. Kung tayo po ay nagpapakatotoo at nagpakababa sa harapan ng Diyos, tayo ay pagpapalain Niya, kahit sa ating pag-uwi. Umuwing pinalad ng Diyos ang publikano sa talinghaga. Harinawa, umuwi rin tayong pinagpala ng Diyos. Sapagkat tunay ngang mapalad ang mga mapagpakumbaba. 

Linggo, Oktubre 20, 2013

MANALANGIN NANG MATIYAGA

Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
(Exodo 17, 8-13/Salmo 120/2 Timoteo 3, 14-4, 2/Lucas 18, 1-8)

Napakahirap po para sa atin (lalung-lalo na po ako) ang manalangin palagi. Maraming pagkakataon kung saan napakarami tayong ginagawa. Ito'y maaaring maging trabaho o pag-aaral at pag natapos na tayo sa ating trabaho o kaya mga assignment para sa school, pagod na pagod na tayo at nakakalimutan nating manalangin. O kaya, kung magdarasal tayo, minamadali natin. Para bang may rush hour. Iyan ay napakahirap gawin - manalanging palagi at humanap ng oras upang manalangin. 

Isang talinghaga ang ginagamit ni Hesus sa ating Ebanghelyo upang turuan tayong manalangin. Madalas ang paggamit ni Hesus ng mga talinghaga sa Kanyang pagtuturo ng Mabuting Balita. Ginagamit Niya ang mga kwentong ito upang ilarawan ang aral o mensahe mula sa talinghagang ikinuwento Niya. 

Sa Ebanghelyo, ginagamit ni Hesus ang larawan ng isang kurap na hukom. Hindi niya kinakatakutan ang sinuman, kahit na ang Diyos. Kung may mga taong nasa panganib, wala siyang pakialam. Ang iniisip lamang niya ay ang kanyang sarili lamang. Ito naman ang isang babaeng balo. Humihingi siya ng katarungan, pero hindi pinansin ng hukom. Dahil doon, aba, kinukulit niya ang hukom na iyon. Kahit na ang hukom ay walang pakialam, nangungulit pa rin ang babaeng balo. Tingin ko sa una, hindi niya pinapansin. Pero, habang patuloy ang pangungulit ng babeng balo, aba, naiirita na siguro. Araw-araw na siguro ang pangungulit ng babaeng iyon.

Sa bandang huli, pinagbigyan na ng hukom ang babaeng balo. Bakit? Napamahal ba sa kanya ang babaeng iyon? Dahil ba naaawa o namalasakit siya sa babaeng iyon? Hindi! Pinagbigyan ng hukom ang babaeng balo para hindi na siya kulitin pa ng babaeng balo. Parang araw-araw na yata kasi siyang ginagambala ng babaeng iyon. Kahit na kurap, pinagbigyan ng hukom ang babaeng balo. Ayaw pa niyang makita muli ang babaeng iyon at baka sa pagbabalik ng babaeng iyon, hindi na maganda ang sasapitin ng hukom na iyon. 

Kung ang kurap, napakinggan at pinagbigyan ang hiniling ng babaeng balo, ang Diyos pa kaya? Paminsan-minsan, tayo ay tinutuksong huwag nang manalangin. Nag-aaksaya lang tayo ng oras. Hindi naman tayo nadidinig ng Diyos. Kaya marami ang hindi na nananalangin. Inaakala nila na hindi naman nadidinig ng Diyos ang kanilang mga panalangin. 

Manalangin tayo nang may tiyaga. Huwag mawalan ng pag-asa. Tumutugon ang Diyos sa ating mga panalangin. May mga pagkakataon kung saan natatagalan ang Diyos ay dahil hindi naman Siya mabagal. Kung pwede nga lang, ibibigay na Niya ang ating mga hinihingi. Ang dahilan kung bakit matagal ang pagtugon ng Diyos sa pagtugon sa ating mga kahilingan ay dahil hinahanda pa Niya, hinihintay ang tamang panahon, o kaya may mas magandang plano Siya para sa atin. Tinutugon tayo ng Diyos, hintayin natin ang tamang panahon kung kailan ibibigay ng Diyos ang ating mga kahilingan. Manalangin nang matiyaga. Huwag magsawang manalangin. 

Linggo, Oktubre 13, 2013

MAGPASALAMAT SA DIYOS

Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
(2 Hari 5, 14-17/Salmo 97/2 Timoteo 2, 8-13/Lucas 17, 11-19)


Salamat. Ito ay isang salita at gawa na ginagawa ng mga tao. Nagpapasalamat tayo kapag binigyan sila ng regalo o anumang hinihingi nila. Tayo rin po ay nagpapasalamat pagkatapos tayong tulungan. Maraming pagkakataon kung saan nagpapasalamat tayo sa ating kapwa. 

Hindi lamang sa kapwa-tao dapat tayo magpasalamat; ang Diyos rin ay dapat pasalamatan. Kapag tayo ay nagdarasal, puro tayo hingi mula sa Diyos. Kapag ibinigay ng Diyos ang ating hinihingi, marami po sa atin ay hindi nagpapasalamat. Nakakalimutan natin na magpasalamat sa Diyos para sa Kanyang kabutihan at Siyang nagkakaloob ng mga biyaya sa atin. 

Ang Unang Pagbasa ngayon ay tungkol sa pagpapagaling kay Naaman. Siya ay ang pinuno ng hukbo ng Siria, pero ang problema'y may ketong siya. Hindi na siya makakalaban sa digmaan dahil dito. Pinapunta naman siya ng hari ng Siria sa Israel upang magpagaling. Noong nagpakita siya sa hari ng Israel, akala niyang makikipagdigma ang Siria sa Israel. Pero, nabalitaan ito ng propetang si Eliseo at ipinasabi sa hari na papuntahin si Naaman sa kanya. 


Noong pinapunta si Naaman ni Eliseo sa Ilog Jordan upang magbanlaw ng pitong beses, nagalit at umalis si Naaman. Hindi niya nagustuhan ang paraan na iyon. Kaya naman niyang gawin iyon sa mga tubig sa Siria. Pero, sinabi sa kanya ng katulong niya, "Sir, subukan po ninyo. Baka gumaling po kayo." Dahil doon, napaisip si Naaman at lumubog ng pitong ulit. Ano nangyari pagkatapos? Kuminis ang kanyang balat. Dahil doon, lubos siyang nagpasalamat kay Eliseo. Malaki ang utang na loob niya kay Eliseo at sa Diyos. Nagpasalamat siya at nais pa niyang bayaran si Eliseo, ngunit tinanggihan niya ito. Dahil doon, nagbago na siya. Siya'y sasamba sa Diyos na makapangyarihan, na nagpagaling sa kanya sa pamamagitan ni propeta Eliseo. 

Naransan rin ito ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi lang isa ang mga may ketong ang pinagaling Niya, kundi sampu. Pinapunta Niya ang sampung ketongin sa saserdote, at habang papunta na ang sampung taong may ketong, gumaling sila. Kuminis mula ang kanilang mga balat. Dahil doon, labis silang nagsaya at pumunta sa bayan upang makasama nila muli ang kanilang pamilya. Matagal na siguro silang naghihintay upang makita nila muli ang kanilang pamilya. Napakasaya nila. Pagkatapos ng mahabang panahon, sila'y gumaling at makakasama na nila muli ang kani-kanilang pamilya.

Isa sa mga sampung ketonging pinagaling ng Panginoon ay hindi Israelita. Isa siyang Samaritano. Nang makita niya na magaling na siya, bumalik siya kay Kristo at nagpasalamat. Malaki ang kanyang utang na loob sa Panginoon. Nagpuri pa siya sa Diyos sa kanyang sariling wika. 

Nasaan ang iba pang pinagaling ni Hesus? Tandaan, sampu ang pinagaling ng Panginoon, ngunit isa lang ang bumalik ang nagpasalamat. Nasaan na ang siyam? Sa sobrang saya nila, nakalimutan nilang magpasalamat kay Kristo. Umuwi sila sa kani-kanilang mga pamilya nang gumaling ang mga ketong sa kanilang mga balat. Nakalimutan at hindi nila napasalamatan si Hesus. 

Ano ang magiging reaksyon ng pangkaraniwang tao kapag hindi siya pinasalamatan ng tinulong niya o ni-regaluhan, o kaya iniligtas mula sa panganib? Siguro masama ang loob at madidismaya sila. Gumawa ka ng mabuti para sa kapwa mo, pero hindi ka naman pinasalamatan. Para bang walang utang na loob ang tinulungan mo. Magtatampo ka rin kung kaibigan mo pa ang tinulungan mo at hindi ka pinasalamatan. 

Hindi lamang sa kapwa-tao nakakalimutan natin nagpapasalamat, sa Diyos pa. Nakakalimutan natin kadalasan ang magpasalamat sa Diyos. Sa tuwing nagdarasal tayo, puro tayo hingi. Palagi na lamang tayo humihingi ng anumang bagay mula sa Diyos (hindi ko na ililista, masyadong marami), pero kapag sinagot ng Diyos ang ating mga panalangin, nakakalimutan natin Siyang pasalamatan. Kailan ba naaalala natin ang Diyos? Kapag may problema tayo, may hinihingi, may dinadaanang tayong pagsubok, may masamang nangyayari sa atin, atbp. Pero, kapag maganda at maunlad ang ating buhay, nakakalimutan ang Diyos. Nakakalimutan nating magpasalamat sa Diyos sapagkat kung hindi dahil sa Kanya, matagumpay at gumaganda ang ating buhay. 

Sana huwag nating kalimutan ang Diyos sa hirap at ginhawa. Huwag rin nating kalimutan ang magpasalamat sa Kanya. Siya ang sumasagot sa ating mga panalangin, Siya ang tumutulong sa atin sa ating buhay. Hindi Niya tayo nakakalimutan. Huwag rin nating kalimutan ang Diyos. Huwag nating kalimutan ang magpasalamat sa Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Ang pagsisimba po sa Simbahan ay isang uri rin ng pananalangin sa Diyos. Ang Diyos ay karapat-dapat na pasalamatan sa Kanyang kabutihan sa atin. Tularan po natin ang Samaritanong may ketong sa Ebanghelyo. Noong gumaling siya, naalala niya kung saan nagsimula ang kanyang paggaling. Nagkaroon siya ng utang na loob kay Hesus, bumalik siya at nagpasalamat sa Kanya. Magpasalamat tayo sa Diyos. 


Linggo, Oktubre 6, 2013

PANANAMPALATAYA AT PAGLILINGKOD SA DIYOS

Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Habacuc 1, 2-3; 2, 2-4/Salmo 94/2 Timoteo 1, 6-8. 13-14/Lucas 17, 5-10

Nalalapit na po ang pagwawakas ng Taon ng Pananampalataya. Tayo po'y binibigyan ng pagkakataon ng mga Pagbasa ngayon, lalung-lalo na ang Mabuting Balita, na pagnilayan muli ang ating pananampalataya. Inilunsad ng Santo Papa-Emerito Benito XVI ang Taon ng Pananampalataya noong Oktubre ng nakaraang taon. Ang Taon ng Pananampalataya ay isang pagkakataon upang sariwain natin ang ating pananampalataya.

Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, hiniling ng mga alagad ni Kristo na dagdagan ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Ginamit ni Kristo ang isang puno ng sikomoro upang ilarawan ang kapangyarihan ng pananampalataya. Malaki man o hindi, kung may pananampalataya ang bawat isa sa Diyos, magagawa niya ang mga bagay na kamangha-mangha at mukhang imposibleng gawin. Walang imposible kung may pananampalataya sa Diyos. 

Ang ating mga tagumpay ay nanggaling sa Diyos. Kinakailangan nating maging masipag at matiyaga sa ating mga ginagawa. Ginagantimpalaan ng Diyos ang mga taong masipag at matiyaga. Pero, huwag po nating kalilimutan na ang Diyos ang tumulong sa atin upang maging matagumpay sa ating buhay. Ito'y maaaring maging daan na maging mayabang at arogante. Kaya nga sinasabi ng isang kasabihan: "Do your best, and God will do the rest." Gawin mo ang makakaya mo, ang Diyos ang bahala sa iba. 

Sa ikalawang bahagi, inilalarawan ng Panginoon ang ating ugnayan sa Diyos. Ginagamit Niya ang halimbawa ng alipin at amo. Mapagpakumbaba ang alipin, walang inaasahang gantimpala mula sa kanyang amo. Pinaglilingkuran niya ang kanyang amo hanggang sa matapos ang kanyang amo. Walang siyang hinahanap na kabayaran sa kanyang paglilingkod. Buo ang kanyang pagpapakumbaba. Buong pagpapakumbaba siyang maglilingkod. Kahit pagod na pagod na ang alipin, kapag siya'y inutusan ng amo, gagawin niya iyon. 

Si Kristo po ay namuhay bilang isang lingkod. Siya'y nagpakumbaba, nagkatawang-tao, namuhay bilang alipin, at naging masunurin sa kalooban ng Diyos hanggang kamatayan (Filipos 2, 6-11). Kahit na Siya ang Anak ng Diyos at ang Pangalawang Persona ng Banal na Trinidad, Siya'y nagpakumbaba, nagkatawang-tao at pinaglingkuran ang Diyos at kapwa-tao. Kahit na Siya'y makapangyarihan, pinili ni Hesus ang maglingkod. Sabi pa nga Niya, "Ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi maglingkod." (Mateo 20, 28) 

Ganon din po ang Mahal na Inang si Maria. Napakalaki ang kanyang pananagutan - ang maging ina ng Panginoong Hesukristo. Hindi niya naintindihan ang lahat ng mga sinabi sa kanya ng Arkanghel Gabriel tungkol sa magiging anak. Hindi rin niya naintindihan ang mga pangyayari sa buhay ng kanyang anak na si Hesus, lalung-lalo na kung bakit kinailangan pa Niyang mamatay sa krus. Pero, buong pusong at pananalig niyang tinanggap ang kanyang pananagutan. Sinabi niya, "Ako'y alipin ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang ayon sa wika mo.

Tayo pong lahat ay mga lingkod ng Diyos. Ang ating pananampalataya sa Diyos ay ang ating ugnayan sa Kanya. Kung wala tayong pananampalataya sa Kanya, hindi tayo makakapaglingkod sa Kanya. Sa ating paglilingkod sa Diyos, huwag tayo umasa ng mga papuri para sa ating mga sarili. Huwag tayong umasa ng kabayaran o papuri para sa ating sarili sa ating paglilingkod sa Diyos. Buong pagpapakumbaba nating paglingkuran ang Diyos na walang hinahanap na kabayaran.