Linggo, Enero 26, 2014

MAGING MGA SAKSI NG LIWANAG

Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 8, 23b-9, 3/Salmo 26/1 Corinto 1, 10-13/Mateo 4, 12-23 (o kaya:  4, 12-17) 


Napakahirap talikdan ang mga kinasanayan natin sa buhay.  Halimbawa, kapag may bagong trabaho ang isang tao.  Sabihin natin na siya’y taga-Santa Rosa, Laguna.  Tinanggap siya ng isang kumpanya sa Makati.  Ang oras ng kanyang pasok ay alas-7 na ng umaga.  Sa dati niyang trabaho sa Laguna, ang oras ng kanyang pasok ay alas-8 ng umaga.  Siguro, sa unang araw ng pagpasok niya sa bagong trabaho, mahihirapan siya.  Kailangan niyang gumising, kumain, maligo at magbihis ng mas maaga.  Marahil kung dadaan pa siya ng EDSA, malamang kailangan nandoon na siya ng alas-6 ng umaga.  Mahirap talaga ang pagbago sa mga bagay na kinasanayan natin sa buhay.

Siguro, ganito rin ang pakiramdam ng mga alagad ni Hesus noong tinawagan sila.  Nahirapan sila sa pagtalikod sa kanilang mga hanapbuhay at maging mga tagasunod ni Hesus.  Katulad lamang nina Simon Pedro, Andres, Santiago at Juan, ang apat na mangingisda.  Buong buhay nila siguro ay nangingisda na sila.  Ang pangingisda ang kanilang hanapbuhay.  Siguro, natuto sila ng pangingisda noong mga bata pa sila at nasanay na sila hanggang sa kanilang pagtanda.  Sa pamamagitan ng pangingisda, naitutulong nila ang kanilang pamilya.  Mahirap itong talikdan, lalung-lalo na kapag ang ginagawa ninyo ang makakatulong sa ating pamilya.

Gaano mang kahirap talikdan ang kanilang hanapbuhay at iwanan ang kanilang pamilya, sumunod naman kay Hesus ang apat na mangingisda.  Kahit alam nila na masakit para sa kanila ang lumayo sa kanilang pamilya, sumunod pa rin sila.  Nagkaroon sila ng lakas ng loob upang sundan si Hesus.  Silang lahat ay naging mga unang tagasunod at alagad ni Hesus.  May isang espesyal na misyon si Hesus para sa kanila – ang tulungan Siya sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.  Maging mga misyonero. 

Hindi lamang ang apat na mangingisda ang pinili ni Hesus upang maging mga alagad Niya.  Hindi ba labindalawa ang Kanyang pinili.  Isa sa kanila ay isang maniningil ng buwis.  Sino iyan?  Si San Mateo.  Si San Mateo ay nagsimula bilang isang publikano.  Kumukuha siya ng pera para sa Roma.  Sa mata ng mga Hudyo, isa siyang taksil.  Isa na siyang makasalanan.  Pero, pinili pa rin siya ni Hesus na maging mga alagad Niya.   Kahit masama ang reputasyon ng mga publikano sa mata ng mga Israelita, pinili pa rin ni Kristo si Mateo.

Si Hudas Iskariote, ang magkakanulo kay Hesus, ay pinili rin ni Hesus na maging alagad Niya.  Kahit alam ni Kristo na Siya’y ipagkakanulo ni Hudas Iskariote, pinili pa rin Niya ito.  Bakit?  Minamahal ni Hesus si Hudas (agape).  Kahit si Hudas Iskariote  ang magkakanulo kay Kristo, minamahal pa rin Siya ni Kristo.  May papel na ginampanan si Hudas Iskariote sa buhay ni Kristo – ang ipagkanulo siya.  Pero, hindi pinilit ni Hesus si Hudas na magbagong-buhay.  Hindi pinili ni Hesus si Hudas upang ipagkanulo Siya.  Binibigyan ni Hesus si Hudas Iskariote ng pagkakataong magbagong-buhay.  Pero, ano ang ginawa ni Hudas?  Sinayang. 

Biro n’yo ‘yon?  Lahat ng mga alagad ni Kristo ay may nakaraan.  Mayroon silang kahinaan.  Isa sa kanila pa nga ang nagkanulo sa Kanya.  Bakit hindi Niya pinili ang mga matatapat sa Diyos?  Bakit mga makasalanan ang pinipili ni Kristo na maging alagad Niya?  Ito ay dahil sa Kanyang awa.  Ang awa ng Diyos ay walang hanggan.  Walang hahadlang at hindi magwawakas ang awa ng Diyos.  Hindi nagmamaliw ang awa ng Diyos.  Pati ang mga makasalanan at mahihina ang loob, tinatawag at pinipili rin sila ng Diyos.  Ang awa ng Diyos ay laging mananatili sa mga humihingi sa Kanyang awa. Sabi pa nga ni Kristo na naparito Siya hindi upang hanapin ang mga banal, kundi ang mga makasalanan. 

Sabi nga ng isang kasabihan, “Ang bawat santo ay may nakaraan, at ang bawat makasalanan ay may kinabukasan.”  Kung mga makasalanan nga ang tinawag at hinirang ng Panginoon bilang mga alagad Niya, tayo pa kaya?  Tutugon ba tayo sa Kanyang tawag na maging saksi Niya sa sanlibutan?  May mga kahinaan rin ang mga santo, pero sila’y naging saksi ni Kristo sa sanlibutan.  Tayo pa kaya?  Bakit hindi tayo maglakas-loob, katulad ng mga santo, na maging mga misyonero at saksi ni Kristo sa sanlibutan? 

Tayong lahat ay hinirang ng Diyos para sa isang importanteng misyon sa ating buhay – maging saksi sa liwanag ng Diyos.  Sino ang liwanag na iyon?  Si Hesus.  Si Hesus ay liwanag na tinutukoy sa Unang Pagbasa.  Si San Juan Bautista, na ibinilanggo ni Haring Herodes sa simula ng Ebanghelyo ay sumaksi sa liwanag.  Sumaksi siya kay Hesus, ang liwanag ng sanlibutan.  Nawa, katulad ni San Juan Bautista at ang mga alagad, tayo ay maging mga misyonerong sumasaksi sa liwanag – si Hesus.  Huwag nating ikahiya si Hesus.  Huwag nating ikahiya ang Kanyang awa.  Ipagmalaki natin si Hesus.  Si Hesus ang liwanag na tumatanglaw sa dilim.  Si Hesus ay maawain.  Binibigyan tayo ni Hesus ng pagkakataong magbagong-buhay.  Huwag nating sayangin ito.  


Sabado, Enero 25, 2014

BAGONG BUHAY NI APOSTOL SAN PABLO: ISANG KWENTO NG PAGBABAGO

Kapistahan ng Pagbabagong Buhay ni Apostol San Pablo 
Mga Gawa 22, 3-16 (o kaya:  9, 1-22)/Salmo 116/Marcos 16, 15-18

Marahil itatanong ninyo, perpekto ba ang buhay ng isang santo?

Ang sagot niyan ay hindi.  Ang mga santo ay namuhay at nagkasala sa ilang bahagi ng buhay nila.  Hindi sila perpekto.  Madalas silang magkamali.  Pero, sa tulong ng Diyos, silang lahat ay nakapagbagong-buhay.  Sa kanilang pagbabagong-buhay, iniiwasan nila ang bawat pagkakamali.  Kaya nga sabi ng isang kasabihan, “May nakaraan ang bawat santo, at may kinabukasan ang bawat makasalanan.” (Every saint has a past, and every sinner has a future)

Isa pong halimbawa dito ay si Apostol San Pablo.  Ginugunita natin ngayon sa araw na ito ang kanyang pagbabagong-buhay.  Dati, siya’y kilala bilang Saulo.  Nagkaroon siya ng sigla nang itinuro sa kanya ang Kautusan ni Moises sa kanyang kabataan.  Malalim ang kanyang sigla.  Siguro, lahat ng mga nasusulat sa Kautusan ni Moises ay sinundan niya. 

Paano naman nagkamali si Saulo?  Dahil ginamit niya ang kanyang sigla sa kamalian.  Ginamit niya ito sa mali.  Umusig siya ng kapwa, lalung-lalo na po ang mga tagasunod ni Kristo.  Dahil sa kanyang sigla sa pagsunod sa Kautusan ni Moises, nabulag siya sa paggawa ng mali.  Nagkamali siya.  Isa sa mga utos sa Sampung Utos ng Diyos ay ang pagpatay ng kapwa.  Pero, marami ang pinatay ni Saulo na tagasunod ng Panginoon.  Kabilang na sa kanila ay si San Esteban.  Pinayagan niya ang pagbabato kay San Esteban.

Ang kanyang pagbabagong-buhay ay nagsimula sa daan papuntang Damasco.  Dito nagsimula ang proseso ng kanyang pagbabagong-buhay.  Sa daan na ito ay ginanap ang simula ng kanyang metanoia.  Paano nangyari iyon?  Nagpakita si Hesukristo kay Saulo.  Ano ang sinabi ni Hesus?  Una, tinanong at nagpakilala na Siya’y inuusig ni Saulo.  Paano inusig ni Saulo si Hesus?  Sa pamamagitan ng pag-usig sa Kanyang mga tagasunod.  Sabi pa nga ng Panginoong Hesus na ang anuman ang gawin natin sa ating kapwa-tao, ginagawa natin ito kay Hesus.  Kung gumawa tayo ng mabuti tayo sa kapwa, ginagawa natin ito kay Hesus.  Ngunit kung masama ang ginagawa natin sa kapwa, kay Hesus rin ito ginagawa. 

Inutusan rin si Saulo ng Panginoong Hesukristo na pumunta sa Damasco at doon uutusan ang dapat niyang gawin.  Pagkatapos ng pagpapakita ni Hesus kay Saulo, nabulag siya.  Nabulag siya dahil sa kaningningan ni Hesus noong nagpakita Siya sa kanya.  Tinuloy nila ang pagpunta sa Damasco.  Tatlong araw siyang hindi kumain ni uminom.  Nagdasal siya ng mataimtim.

Ngayon, paano bang ibinalik ang paningin ni Saulo?  Sa pamamagitan ni Ananias, isang lingkod ng Panginoon.  Hinirang siya ng Panginoon na ibalik ang paningin ni Saulo.  Hinirang din ng Panginoon si Saulo na maging misyonero.  May isang bagong misyon sa buhay ni Saulo – ipangaral ang Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesukristo.

Noong ibinalik kay Saulo ang kanyang paningin, bumalik ba siya sa dati?  Itinuloy ba niya ang kanyang pag-uusig sa mga Kristiyano?  Hindi.  Sa halip, nagpabinyag siya.  Sa pamamagitan noon, sinimulan na ni Saulo ang kanyang misyon bilang tagapangaral ng Mabuting Balita ng Panginoon.

Posible po bang maging santo ang isang karaniwang tao?  Oo.  Pwedeng-pwede.  Kahit gaano mang kabigat ang kasalanan ng isang tao, maaaring maging isang santo ang isang tao.  Paano?  Sa awa ng Diyos.  Ang Diyos ay mahabagin at mapagpatawad.  Walang imposible sa Diyos.  Kahit ang pinakamasamang tao, kaya Niyang gawin santo kung ito’y Kanyang niloloob.  Sa tulong ng Diyos, kayang palambutin ng Diyos ang matitigas na puso ng mga makasalanan.  Ito ay kung pinapayagan ng makasalanan.

Ang mga banal o santo ay may nakaraan.  Maaaring hindi maganda ang kanyang nakaraan.  Punung-puno ng kasamaan ang kanilang buhay.  Pero, para sa Diyos, hindi pa huli para sa kanila.  May bukas pa ang mga makasalanang ito.  Si Apostol San Pablo ay isang halimbawa nito.  Marami pang ibang mga Santong namuhay ng masama sa kanilang nakaraan.  Pero, sila’y hinirang ng Diyos sa kabila ng kanilang mga kasamaan.  Tinulungan ng Diyos ang mga makasalanan na magbagong-buhay. 

Sabi nga ng Panginoong Hesus na naparito Siya hindi upang hanapin ang mga banal, kundi ang mga makasalanan.  Naparito Siya para sa atin.  Sa tulong ng Panginoon, nawa’y makapagbagong-buhay tayo, tulad ng lahat ng mga banal sa langit.   May bukas pa.  Maaari rin tayong maging mga santo.  Kahit mahirap iwasan ang tukso, sikapin natin na gumawa ng mabuti.  Kung ang bawat santo ay may nakaraan, tayo rin ay may kinabukasan.  Tama nga ang kasabihang, “Ang bawat santo ay may nakaraan, at ang bawat makasalanan ay may kinabukasan.”  May kinabukasan tayong tumulad sa lahat ng mga banal.  Bagamat marami tayong mga kahinaan,  tulad ng mga banal, sikapin nating gumawa ng mabuti sa Diyos at kapwa-tao. 


Sabado, Enero 18, 2014

KAGALAKAN SA PAGIGING MGA ANAK NG DIYOS

Kapistahan ng Santo Niño (A)
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Mateo 18, 1-5. 10 


Siguro, ang pinakamasayang bahagi ng buhay ay ang pagiging isang bata.  Ang ating mga magulang ang nagtatrabaho para sa atin.  Tayo naman ay pumupunta sa eskuwelahan para mag-aral.  Hindi natin kailangang magtrabaho dahil ang mga magulang natin ang nagtatrabaho para sa atin. Napakarami nating mga kaibigan.  Ang saya-saya noon, noh?  Sa labas ng oras sa paaralan, tayong lahat ay lumalabas paminsan-minsan at gumigimik kasama ng ating mga kaibigan, hindi ba?  Saan tayo pumupunta?  Marami ang naglalakwatsya sa mga mall, lalung-lalo na po ngayon.  Makikita natin ngayon na maraming mga kabataan ang naglalakwatsya sa mga mall katulad ng SM, Robinson’s, etc.  Hindi lamang iyan, marami ang nag-oonline sa mga social networking sites, katulad ng Facebook, Twitter, Instagram, at marami pang iba para makapag-chat sa mga barkada nila. 

Usung-uso rin po ngayon ang throwback Thursday at ang flashback Friday sa mga social networking sites katulad ng Facebook, Twitter at Instagram.  Nagpopost tayo ng mga lumang litrato natin noong tayo’y bata pa.  Masarap siguro balikan ang nakaraan.  Masarap balikan ang kahapon.  Masarap alalahanin ang mga nangyari sa atin sa ating kabataan. 

Sa ating Ebanghelyo, itinuturo ni Hesus kung paano tayong maging dakila – magpakumbaba katulad ng isang bata.  Tayong lahat ay mga bata sa paningin ng Diyos.  Hindi tayo higit na dakila kaysa sa ating kapwa.  Walang dakila sa atin.  Pantay-pantay ang paningin ng Diyos sa ating lahat.  Minamahal tayong lahat ng Diyos at tayo’y Kanyang kinakalinga.  Bakit?  Sapagkat tayong lahat ay mga anak Niya.  Tayo’y pantay-pantay sa paningin ng Diyos.  Walang taong higit na dakila kaysa sa kanyang kapwa dito sa lupa.

Maitatanong siguro ninyo – ang ibig sabihin ba ni Hesus ay maging isip-bata?  Hindi po maging isip-bata ang ibig sabihin ni Hesus.  Bahagi ng buhay ang maturity o ang pagiging sa tamang edad.  Hindi tayo mga bata buong-buhay natin.  Ang ating mga magulang ay hindi natin makakasama habambuhay.  Hindi sila magtatrabaho para sa atin habambuhay.  Kinakailangang tayo rin ay matuto na gawin ang mga gawain na sapat para sa ating edad.  Halimbawa, kung tayo’y disyesais anyos na ang isang tao, ang inaasahan sa kanya ay ang pagbabago sa kanyang ugali. 

Pero, sa ating pagtanda, huwag nating kalimutan na magpakumbaba.  Matuto tayong ipagmalaki na tayo’y ipinanganak dito sa mundo at inalagaan ng mga magulang natin.  Huwag nating sabihin na tayo’y lumitaw sa mundo agad.  Si Hesus nga ay nagkaroon ng mga magulang sa pagkatao nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria.  Ikinahiya ba ni Hesus na may mga magulang Siya?  Hindi. 

Sabi nga ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos na Siya’y nagpakumbaba at namuhay katulad natin, maliban sa kasalanan.  Naranasan ni Hesus ang pagiging bata.  Naranasan ni Hesus ang pagduyan ni Maria sa Kanya.  Naranasan Niya ang bawat ng yugto ng pagiging isang bata.  Hindi Siya nagmadaling maging isang ganap na mayor de edad.  Bagkus, dinanas Niya ito upang makiisa sa atin.  Makikita natin ang pakikipagkaisa ni Hesus sa atin.  Kahit na maaari Siyang magpakita agad bilang Diyos, hindi Niya ginawa iyon.  Pinili Niyang mamuhay katulad natin. 

Ano ang nasa isipan ninyo kapag nakikita ninyo ang isang imahen o larawan ng Señor Santo Niño?  Tandaan natin ang ikalawang kabanata ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos.  Alang-alang sa atin, nagpakababa Siya at namuhay bilang isang taong katulad natin, maliban sa kasalanan.  May sadya rito si Hesus – iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan.  Bakit naging bata si Hesus?  Upang maganap Niya ang Kanyang misyon dito sa lupa.  Ang imahen ng Niño Hesus ay naglalarawan sa pagpapakababa ni Hesus.  Nagpakababa Siya at Siya’y nagkatawang-tao, katulad natin.  Makikita natin ang pakikipagkaisa ni Hesus sa atin.  Makikita natin ang pagiging kapatid Niya sa atin. 

Nawa, kapag tinitingnan natin ang imahen ng Santo Niño, alalahanin natin ang ginawa ng Panginoong Hesukristo para sa atin.  Ang imahen ng Santo Niño ay isang paglalarawan sa ginawang pagpapakumbaba ni Hesus alang-alang sa atin.  Hindi Siya nagpakita agad bilang Diyos noong dumating Siya dito sa lupa, kahit na maaari Niyang gawin iyon.  Bagkus, alam Niya na tayo’y mga makasalanan.  Alam Niya ang ating mga kakulangan.  Alam Niya ang mga dinadanas natin sa buhay.  Kaya, nagpakumbaba Siya at namuhay katulad natin bilang pakikiisa sa atin sa bawat sandali sa ating buhay.

Tularan natin ang halimbawang ipinapakita sa atin ni Hesus sa larawan o imahen ng Santo Niño.  Dahil sa pagpapakumbaba at pagiging masunurin ni Hesus hanggang kamatayan, Siya’y dinakila ng Diyos.  Ginantimpalaan Siya ng Diyos.  Nawa’y magpakumbaba rin tayong lahat.  Ipagmalaki natin na tayo’y mga anak ng Diyos.  Huwag nating ikahiya na tayo’y mga anak ng Diyos.  Pero, hindi ibig sabihin noon na maging mayabang na tayo.  Dapat tayong magpakumbaba katulad ni Hesus upang sa katapusan ng ating buhay, tayo rin ay gagantimpalaan ng Diyos at tayo'y Kanyang dadakilain, tulad ng pagdakila Niya kay Hesus. 

VIVA SEÑOR SANTO NIÑO! 

Linggo, Enero 12, 2014

PAGBIBINYAG NI HESUS: PAGPAPAHAYAG NG KALIGTASAN NG DIYOS

Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (A)
Isaias 42, 1-4. 6-7/Salmo 28/Mga Gawa 10, 34-38/Mateo 3, 13-17




May pagka-drama ang Ebanghelyo natin ngayon. Naging hesitante si San Juan Bautista noong lumapit si Hesus upang magpabinyag sa Kanya. Ilarawan ninyo na kayo ay nasa posisyon ni Juan Bautista. Ano ang magiging pakiramdam ninyo? Hindi isang pangkaraniwang ang lumalapit sa inyo kundi si Hesus. Ang Panginoon ay walang kasalanan at hindi nagkasala kailanman. Ano ang magiging reaksyon ninyo? Kung tatanungin ninyo ako, ako ay magugulat. Kaharap ko si Hesus, ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, na mas makapangyarihan sa akin. Hindi ako karapat-dapat na magbinyag sa Kanya. Dapat ako ang nagpapabinyag sa Kanya.



Iyan ang dahilan kung bakit naging hesitante si San Juan Bautista. Marami na siyang bininyagan upang ipaghanda ang mga tao tungkol sa pagdating ng Mesiyas – si Hesus mismo. Hindi niya inaasahan na si Hesus ay magpapabinyag sa Kanya. Isa pa, wala namang ginawang kasalanan si Kristo. Hindi ba, buong buhay ni Kristo, ni minsan hindi Siya nagkasala? Bakit Siya nagpapabinyag?



Sa Mabuting Balita ayon kay San Juan, mapapakinggan natin na ang misyon ni San Juan Bautista ay ang pagsaksi sa liwanag. Ang liwanag na iyon ay walang iba kundi si Hesus. Noong naglalakad si Hesus isang araw, ipinahayag niya sa mga tao na si Hesus ang Kordero ng Diyos. Ipinagmalaki ni Juan na si Kristo ay mas dakila kaysa Kanya. Buong pagpapakumbaba niyang tinatanggap na hindi siya ang Mesiyas. Hindi siya ang bida. Bagkus, siya ay isang supporting character. Siya ang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas. Si Kristo ang susunod sa Kanya. Si Kristo ang kasunod. Si Kristo ang bida.



Hindi na inaasahan ni Juan na ang sadya ng Panginoon ay magpapabinyag sa kanya. Alam ni Juan Bautista na hindi siya karapat-dapat na magbinyag kay Hesukristo. Dapat si Hesus ang magbinyag sa kanya. Pero, baliktad ang nangyari. Ang Panginoong Hesukristo ang lumapit kay San Juan Bautista upang magpabinyag. Walang kasalanang ginawa si Hesus, kaya walang dahilan sa unang tingin upang Siya’y magpabinyag sa Kanyang pinsan.



Ano ang dahilan ng paglapit ni Kristo kay Juan upang magpabinyag? Ang Diyos ay pumapayag na binyagan ang Kanyang Anak. Ipapakilala ng Diyos muli ang Kanyang Bugtong na Anak. Sinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo upang iligtas tayo mula sa lahat ng kasalanan. Ito’y upang ipakilala ng Diyos na narito na ang Tagapagligtas na isinugo Niya.



Si Hesus ay pumila pa nga sa mga makasalanang pumila kay Juan Bautista upang magpabinyag. Makikita natin ang pagpapakumbaba ni Hesus. Alam Niya na lahat sa kanila ay nagkasala laban sa Diyos. Si Hesus ay nagkatawang-tao at namuhay bilang taong katulad natin. Nais Niyang makiisa sa atin sa bawat pinagdaraanan natin sa ating buhay. Siya ang Emmanuel. Siya ay kasama natin sa bawat araw ng ating buhay. Ito ay dahil sa pag-ibig Niya sa atin. Ang Diyos ay palagi nating kasama sa araw-araw.



Noong bininyagan si Hesus ni Juan Bautista, nabuksan ang langit. Bumaba sa Kanya ang Espiritu Santo at nagsalita ang Diyos Ama mula sa langit. Ipinapakilala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na nakalulugod sa Kanya. Ang Mesiyas ay narito na. Balikan natin ang Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, sinabi ng Diyos na magpapadala Siya ng isang lingkod na ikinalulugdan Niya. Hindi lang isang lingkod ang ipinadala ng Ama. Ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak – ang ating Panginoong Hesukristo.



Sa pamamagitan ng pagbibinyag kay Hesus, sinimulan na ang Kanyang misyon. Ang Kanyang misyon ay ang magpakasakit at mamatay sa Krus alang-alang sa mga kasalanan ng sanlibutan. Mahirap man ito para kay Hesus, Siya’y susunod sa kalooban ng Ama. Nagpasakop Siya sa kalooban ng Ama. Sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa kalooban ng Ama, nagbigay Siya ng halimbawang dapat tularan. Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ito’y magiging kalugud-lugod sa Kanya at tayo rin, ay maaari ring maging kalugud-lugod sa harapan ng Diyos, katulad ng ating Panginoong Hesukristo.



Bilang mga Laykong Katoliko, ngayong Taon ng mga Layko, atin pong sariwain natin ang mga pangako natin sa binyag. Ang pagdiriwang ng binyag ay isang mahalagang pagdiriwang sa ating Simbahan. Ano ang nangyayari sa pagdiriwang ng Sakramento ng Binyag? Una, inaalis sa atin sa pamamagitan ng Banal na Tubig ang dungis ng kasalanang mana, at pangalawa, tayo ay nagiging mga anak ng Diyos. Tinatanggap tayong lahat ng Diyos bilang mga anak Niya, at bilang mga anak Niya, tayo ay kalugud-lugod sa harapan Niya.



Ipagmalaki natin na tayo’y mga anak ng Diyos. Huwag nating ikahiya. Sabi nga ni Mahal na Kardinal ng Arkidiyosesis ng Maynila sa Kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno noong nakaraang Huwebes, huwag nating ikahiya na mahal tayo ni Hesus, at mahal natin si Hesus. Nakakalungkot lang po, ang dapat ikahiya ay hindi na ikinahihiya, katulad ng kurapsyon. Ito ang dapat ikahiya. Pero, ang huwag nating ikahiya ang pagmamahal natin kay Hesus at ang pag-ibig Niya sa atin. Ipakita natin ito sa pamamagitan ng salita at gawa. Paano natin ito mapapatunayan? Panalangin, pagsunod, pagsaksi, at paglingkod sa kapwa-tao.


Linggo, Enero 5, 2014

PARA SA LAHAT NG TAO

Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon (A)
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12 




Sa unang Linggo ng taon, ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Epifania o ang Pagpapakita ng Panginoon. Sa pamamagitan ng Epifania, ipinapakita at ipinakikilala ng Diyos ang Kanyang Anak sa mundo. Ang Kanyang Anak ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng bayang Israel. Muling ipapakilala ng Diyos ang Kanyang Anak sa Ebanghelyo natin sa susunod na Linggo – sa pagbibinyag ni Hesus, ipinapakilala at ipinagmamalaki ng Diyos na si Hesus nga ang Kanyang Bugtong na Anak. 

Kanino ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang Anak? Hindi lamang sa mga Hudyo ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang Anak, kundi pati na rin sa mga Hentil. Marahil, ang mga Pantas ay mga Hentil. Pero, sa kabila ng pagiging Hentil nila, pumunta sila sa Betlehem upang dalawin ang bagong Haring isinilang. Hindi lamang para sa mga Hudyo si Kristo, Siya’y para sa lahat ng tao, Hudyo man o hindi. Anuman ang lahi o estado natin sa buhay, naparito si Kristo para sa atin. Walang pinipiling lahi o tao ang Diyos. 

Ang mga Pantas ay naglakbay ng malayo mula sa Silangan patungo sa Betlehem. Mga dayo sila noong dumating sila sa Herusalem. Hindi nila alam ang ruta o direksyon sa Herusalem. Pero, sinundan nila ang tala na nakita nila mula sa Silangan. Ang talang iyon ang aakay sa kanila tungo sa lugar ng kapanganakan ng Hari ng mga Hudyo. Iyon talaga ang sadya nila kung bakit naparito sila sa Herusalem. Makita ang Panginoong Hesus. 

Balikan po muna natin ang Unang Pagbasa. Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa liwanag ng Panginoon. Ang sabi ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng propetang si Isaias ay liliwanagan muli ang Herusalem. Inalipin ang mga Israelita ng mga taga-Babilonia at itinapon silang lahat sa Babilonia. Dahil dito, ang mga Israelita ay namuhay sa kadiliman. Ngunit ipinangako ng Diyos sa mga Israelita na magliliwanag muli ang Herusalem. Liliwanagan muli ng Diyos ang Herusalem. 

Sa Ikalawang Pagbasa naman, mapapakinggan natin mula kay Apostol San Pablo na lahat ng tao ay pagpapalain ng Diyos. Hindi eksklusibo ang pagpapala ng Diyos. Hindi lamang para sa Hudyo ang pagpapala ng Diyos. Para sa lahat ang pagpapala ng Diyos. Ang lahat ng tao, maging Hudyo man o Hentil, ay makakatanggap ng pagpapala mula sa Diyos. Ito ay dahil sa kagandahang-loob ng Diyos. 

Bumalik naman tayo sa Mabuting Balita. Noong dumating sa Herusalem ang Tatlong Pantas, ang una nilang nakatagpo ay ang Haring Herodes. Nang sinabi ng mga Pantas kay Herodes ang sadya nila, natakot si Herodes. May hinahanap silang hari. Sa pagkakaalam ni Herodes, siya lang ang hari sa Herusalem. Gusto niya na siya lang ang tawagin at taguriang hari. Ayaw niyang magkaroon ng karibal sa trono niya. Gusto niya siya lang ang hari. Ayaw niyang magkaroon ng isang taong magtatapon sa kanya mula sa kanyang trono. Ayaw niyang bumitiw sa kanyang kapangyarihan. Hindi siya papayag na may aagaw sa kanyang kapangyarihan bilang hari. Maramot, gahaman, mahidhid si Herodes. 

Dahil dito, itinanong nila kung nasaan ipinanganak ang Mesiyas, ang Hari ng mga Hudyo. Ang mga saserdote at eskriba lamang ang nakakaalam kung saan isisilang ang Mesiyas. Ang sagot ng mga saserdote at eskriba ay Betlehem. Nang sagutin ng mga saserdote at eskriba ay kinausapan ni Herodes nang lihim ang mga eskriba at saserdote. Pagkatapos, ipinadala ni Herodes ang mga Pantas na ito na hanapin ang bata. Hindi lamang ang mga Pantas ang humahanap kay Hesus, pati pa si Herodes. 

Bakit nga ba naging interesado si Herodes na makita ang Panginoong Hesukristo? Hindi upang sambahin. May balak si Herodes na gawin sa Panginoong Hesus. Sa halip na sambahin ang Mesiyas, balak niyang patayin ang Mesiyas. Balak niyang wasakin ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Siya ang kontrabida sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo. KJ, noh? 

Nang makita muli ng Tatlong Haring Mago ang tala na nakita nila sa kanilang paglalakbay patungo sa Herusalem, natuwa sila! Malapit na nilang makita ang hinahanap nila – ang Mesiyas – si Hesus. Pagkatapos ng mahabang paglalakbay mula sa Silangan, mahahanap na nila si Kristo. Ang tala ang umakay sa kanila tungo sa kinaroroonan ng Sanggol na Hesus kasama ang kanyang Inang si Maria. Ngayon, nasaan si San Jose? Malamang busy at maraming inaasikaso para sa kanyang pamilya. 

Pagkatapos ng kanilang pagdalaw sa bata, saan sila pumunta? Bumalik ba sila kay Haring Herodes? Hindi. Bagkus, sila’y umuwi. Sinabihan sila ng Diyos na huwag balikan si Herodes. Kabisado ng Diyos ang layunin at sadya ni Herodes. Nagmamalinis at nagkukunwari si Herodes. Hindi niya balak sambahin ang bata, bagkus, balak niyang patayin ang bata. Paliguy-ligoy lang si Herodes. Ang desisyon ng Tatlong Pantas na huwag nang bumalik kay Herodes ay talagang matalino. Ginamit nila ang kanilang isip. Hindi na nila binalikan si Herodes dahil sila’y inutusan ng Diyos. Ito’y siguro ang pinakamatalinong desisyong ginawa nila. Sinunod nila ang utos ng Diyos. 

Kung ang Tatlong Pantas ay mga dayo nga sa Herusalem, tayo pa kaya? Ipinapakilala sa atin ngayon ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak – si Hesukristo. Wala Siyang pinipiling lahi o grupo ng tao. Si Hesus ay ipinakikilala sa ating lahat ng Diyos, anuman ang ating lahi o estado sa buhay. Mahirap o mayaman, lalaki o babae, Hudyo man o hindi, may ipinapakilala sa atin ang Diyos – ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus.

Miyerkules, Enero 1, 2014

MAPAYAPA AT MAPANIBAGONG SIMULA KASAMA SINA HESUS AT MARIA

Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos (A) 
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21

Isa pong Mapagpala at Manigong Bagong Taon po sa inyong lahat! Happy New Year! 

Sinisimulan po natin ang isang panibagong taon sa ating kalendaryo. Nagtapos ang tatlumpung daan at animnapu’t limang araw (isang buong taon). Parang napakabilis ng panahon, noh? Parang kahapon lang, noh? Marami tayong pinagdaanan noong taong 2013. Marami rin tayong natanggap na biyaya mula sa Diyos sa nakaraang taon. Harinawa, sa bagong taon na ito, marami ring biyaya ang ipagkaloob sa atin ng Diyos. 

Isang espesyal na solemnidad ang ipinagdiriwang ng Santa Iglesya sa pagsimula ng taong 2014. Ito po ay ang Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. Nagbibigay-pugay, hindi sinasamba, ng Inang Simbahan sa ating Mahal na Inang si Maria. Ang Mahal na Ina ay ang Theotokos, ang tagapagpadala ng Diyos, ang Ina ng Diyos. Bakit? Sapagkat siyam na buwan na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan si Hesus, ang Anak ng Diyos, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Si Maria ang Ina ni Hesus at si Hesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Dahil dito, si Maria ay ang Ina ng Diyos. 

May isang maling akala tungkol sa ating mga Katoliko. Sinasamba raw natin ang Birheng Maria. Hindi po natin sinasamba ang Mahal na Birheng Maria o sinumang santo. Bagkus, tayo ay nagbibigay-galang kina Maria at sa lahat ng mga banal. May isang espesyal na pangalan ang pagbibigay-galang kay Maria. Ang tawag dito ay hyperdulia. Mas mataas ito sa pagpaparangal sa mga santo na ang tawag ay dulia, ngunit mas mataas sa hyperdulia ang cultus latria, ang pagsamba sa Diyos. Si Maria ay napakahalaga para sa Simbahan sapagkat kung hindi dahil sa kanyang fiat o ang kanyang “oo” sa kalooban ng Diyos, hindi magaganap ang plano ng kaligtasan ng Diyos. Kaya, dahil dito, ipinaparangal natin si Maria. 

Si Hesus ay nagkaroon rin ng ina sa pagkatao ni Maria, katulad natin. Hindi Siya biglang nagkatawang-tao sa lupa nang walang ina. Nagkatawang-tao Siya at Siya’y ipinaglihi ni Maria. Sabi nga sa Ikalawang Pagbasa ngayon na sinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak at Siya’y ipinanganak ng isang babae. Kung hindi dahil sa pag-ibig sa atin ng Diyos at ang “oo” ni Maria, hindi tayo maliligtas mula sa pagkaalipin ng kasalanan. Minamahal tayo ng Diyos, kaya plano Niya tayong iligtas mula sa kasamaan. Bahagi ng plano ng Diyos ay ang pagpili ng isang babae na maging ina ng Kanyang Anak. Si Maria ay pinalad ng Diyos na piliin na maging ina ng Anak ng Diyos, ang Salitang nagkatawang-tao, ang Pangalawang Persona sa Banal na Trinidad, si Hesukristo. 

Ang napakalaking pagpapala ng Diyos sa atin ay ang pagsusugo sa Kanyang Anak na si Kristo Hesus, ang ating Panginoon. Tingnan po natin ang mga biyayang tinanggap natin sa lahat ng mga taong ito. Ang lahat ng mga damit at bagay na ginagamit at nakikita natin ngayon ay biyaya mula sa Diyos. Sana’y maging kuntento tayo sa lahat ng mga biyaya na tinanggap natin mula sa Diyos. Napakarami ang pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Ngunit, may isang pagpapalang mas mahalaga at mas malaki kaysa sa mga nakikita natin – ang Kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ni Kristo, tayo ay pinalaya mula sa pagkaalipin sa kasamaan. Hindi na tayo mga alipin, mga anak na tayo ng Diyos at tayo’y mga kapatid ni Kristo. Si Kristo ang ating Tagapagligtas at kapatid. Siya ang ating Kuya. 

Tatlong okasyon ang ipinagdiriwang natin ngayon. Ang una ay ang Dakilang Kapistahan ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng Diyos. Ang pangalawa naman ay ang Bagong Taon. Ang pangatlo naman ang Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan. Nawa po ang ating pagsimula ng Bagong Taon ay naging mapayapa at kasama sina Hesus at Maria. Magpasalamat tayo sa Diyos sa lahat ng mga biyayang tinanggap natin sa nakaraang taon at sa lahat ng mga araw sa buhay natin. Ang pinakamunti at pinakamahalagang pagsalubong sa Bagong Taon ay ang pasasalamat sa Diyos sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin. Sama-sama nating simulan ang Bagong Taon kasama ang Panginoong Hesus at ang ating Mahal na Inang si Maria.