Sabado, Mayo 31, 2014

KASAMA NATIN ANG DIYOS NA DI-NAKIKITA

Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat ni Hesus sa Langit (A) 
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23/Mateo 28, 16-20 



Ang salaysay ng Pag-Akyat ng Panginoong Hesus sa Langit ay matatagpuan sa Unang Pagbasa ngayong Linggo. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na ang Panginoong Hesukristong muling nabuhay ay nagpakita at nagturo sa Kanyang mga alagad tungkol sa kaharian ng Diyos sa loob ng apatnapung araw. Apatnapung araw pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, si Hesus ay umakyat sa langit pagkatapos Niyang tagubilinan ang Kanyang mga alagad. Inutusan ni Hesus ang mga alagad na manatili lamang sa Jerusalem para sa pagpanaog ng Espiritu Santo sa kanila upang maipahayag nila ang Mabuting Balita ng Panginoon. Pagkasabi nito, si Hesus ay umakyat sa langit. 

Hindi binanggit ni San Mateo sa pagwawakas ng kanyang Ebanghelyo ang pag-akyat ni Kristo sa langit. Matutunghayan natin sa pagwawakas ng Ebanghelyo ni San Mateo ang pangako ng Panginoon sa Kanyang mga alagad. Ano ang pangakong iyon? Si Kristo ay laging makakasama ng alagad hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Hinding-hindi pababayaan ng Panginoon ang mga alagad. Ang Panginoon ay ang Emmanuel, na ang ibig sabihi'y, "Kasama natin ang Diyos." 

Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias tungkol sa Mesiyas. Isang dalaga ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki at tatawagin siyang Emmanuel, na ang ibig sabihi'y, "Sumasaatin ang Diyos." Binigyang diin ni San Mateo sa kanyang salaysay ng Mabuting Balita ng Panginoon ang pagiging Emmanuel ng Panginoong Hesus. Tinupad ng Panginoon ang propesiya sa aklat ni propeta Isaias patungkol sa Mesiyas - Siya ay tatawaging Emmanuel. 

Sa unang kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo, nagpakita ang isang anghel ng Panginoon kay San Jose sa pamamagitan ng isang panaginip at nagsalita ang anghel tungkol sa sanggol sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria. Hindi nakisama sa ibang lalaki ang Mahal na Birheng Maria. Siya'y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at ang sanggol sa sinapupunan ng Mahal na Ina si Hesus, ang ipinangakong Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Sa pamamagitan nito, natupad ang propesiya tungkol sa Mesiyas sa aklat ni propeta Isaias. 

Sa huling kabanata ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo, mapapakinggan natin na si Hesus ay nagpakita sa Kanyang mga alagad sa Galilea. Isinugo ni Hesus ang Kanyang mga alagad upang gawing mga alagad Niya ang lahat ng mga bansa dito sa lupa at binyagan sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Ang huling sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo ay ang pangakong Siya laging makakasama ng mga alagad hanggang sa katapusan ng sanlibutan. 

Alam ng Panginoon na hindi kaya ng mga alagad na ipahayag sa buong daigdig ang Mabuting Balita nang nag-iisa. Kailangan nila ng tulong sa kanilang misyon dito sa lupa. Kaya, ipinangako ng Panginoon sa kanila na bagamat hindi Siya makikita o makakasama ng mga alagad nang pisikal, kasama pa rin Niya ang mga alagad. Si Kristo ay makakasama nila nang espiritwal. Bagamat hindi nila makikita ang Panginoon nang pisikal, Siya'y makakasama ng mga alagad.

Si Kristo ang ating Emmanuel, Siya ang Diyos na sumasaatin. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Ito ang Kanyang mensahe sa atin ngayong Linggo. Bagamat hindi natin makikita nang personal si Kristo, Siya'y kasama natin. Sabi pa nga ni Kristo sa Ebanghelyo ayon kay San Juan noong nagpakita Siya kay Santo Tomas Apostol: "Mapalad ang mga sumasampalataya sa Akin, kahit hindi nila Ako nakikita." Pinagpala tayong lahat, na bagamat hindi nakikita natin ang Panginoon, tayo ay sumasampalataya at nananalig sa Kanya. Nananalig tayo na ang Panginoon ay kasama natin, kahit hindi natin nakikita Siya nang personal o pisikal dito sa mundo. 

Noong nakaraang Huwebes (Mayo 29) ay ipinagdiriwang ng mga taga-Landayan, San Pedro, Laguna, ang Kapistahan ni Lolo Uweng, ang Santo Sepulcro ng Landayan. Dahil sa dami ng mga deboto ni Lolo Uweng, ang Landayan ay tinawagang Quiapo ng Laguna dahil sa dami ng mga deboto ni Lolo Uweng. Ikinuwento sa akin ng aking tiyuhin sa Pilipinas noong ako'y bumisita sa Pilipinas noong Mahal na Araw 2013 ang kwento ng pananampalataya ng mga taga-Landayan. Ganito ang kwento ni Lolo Uweng, ayon sa mga matatanda ng Landayan:

Isang araw noong kapanahunan ng mga Kastila, ang pinuno ng bayan ng Landayan ay nadismaya sapagkat wala siyang mahanap na pagkain para sa kanyang bayan dahil kinabukasan ay ipagdiriwang nila ang piyesta ng Landayan. May isang mama na nakapansin sa kanya. Tinanong ng mama ang pinuno ng barangay ng Landayan kung ano ang problema niya at sinabi naman ng pinuno sa mamang ito ang kanyang problema. Sinabi naman ng mama na pumunta siya sa lawa, at pupunta sa kanya ang mga isda. Hindi na niya kailangan ng lambat. Bakit? Sapagkat ang mga isda na mismo ang pupunta sa kanyang bangka. Nagpasalamat ang pinuno ng bayan sa mamang ito at tinanong nito kung sino siya upang sabihin niya kung sino ang tumulong sa kanya. Ang sagot ng mama, "Tawagin mo lang akong Lolo Uweng." Itinuro din ni Lolo Uweng kung saan siya nakatira.

Noong pumalaot sa lawa ang pinuno ng bayan upang mangisda, nakahuli siya ng napakaraming isda. Hindi pa nga niya kailangan ng lambat dahil ang mga isda pa nga ay lumapit sa kanyang bangka. Napakarami ang mga isdang nahuli niya. Dahil dito, nakahanda na ang mga pagkain para sa araw ng kapistahan ng Landayan. Totoo nga ang sinabi ni Lolo Uweng. 

Sa mismong araw ng kapistahan ng Landayan, tinanong ng taong-bayan sa pinuno nila kung saan nanggaling ang napakaraming isdang iyon. Sinabi niya na ang mga isdang iyon ay nanggaling sa isang taong nagngangalang Lolo Uweng. Itinuro pa niya ang tahanan ni Lolo Uweng. Hindi nila inakala na ang tahanan pala ni Lolo Uweng ay ang kapilya ng lugar na iyon. Pagpasok nila doon, nakita nila ang pari. Tinanong nila kung nasaan si Lolo Uweng. Sinabi ng pari sa kanila na wala siyang kilalang Lolo Uweng. Siya lang raw ang tao na nandoon sa kapilya. Itinuro na ng pinuno kung sino ang taong sa larawan ng kapilyang iyon. Nagulat ang pari sa mga sinabi ng pinuno sapagkat ang mukhang itinuro niya ay ang mukha ng Panginoong Hesukristo. Sinabi ng pinuno ng bayan na nakipagkita siya kay Kristo. 

Ano ang aral na makukuha natin mula sa kuwento ng mga matatanda ng Landayan patungkol sa kanilang debosyon kay Hesus na nakahimlay sa Banal na Libingan? Ipinapakita ng kwentong ito na bagamat wala na sa lupa si Hesus, patuloy Niya tayong tutulungan sa ating misyon sa buhay. Tinutulungan ni Hesus ang Simbahang itinatag Niya sa misyon ng Simbahan na gawing mga alagad Niya ang lahat ng mga tao sa buong mundo. Tinutulungan ni Kristo ang Simbahan sa pangangaral ng Mabuting Balita. Totoo nga ang Kanyang pangako. Hinding-hindi pababayaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan. Siya'y kasama natin hanggang sa katapusan ng sanlibutan. 

Hayaan kong tapusin ang aking pagninilay sa pamamagitan ng isa na namang kwento. Isang araw, may isang lalaking naglalakad. Sa kanyang paglalakad, may nakita siyang isang lalaking bulag na nakaupo sa lansangan. Dahil sa awa ng lalaki sa bulag, binilhan niya ng isang lobo ang lalaking bulag. Tinanong niya ang lalaking bulag, "Ano ang hawak mo?" Sagot naman ng bulag, "Lobo." Nagtaka ang lalaking bumili ng lobo at tinanong niya sa bulag, "Paano mo nalalaman na lobo ang hawak mo, gayong hindi mo nakikita?" Ang sagot ng bulag, "Oo, hindi ako makakita. Isa akong bulag. Pero, alam kong lobo ang hawak ko dahil nararamdaman ko ito." 

Tayo rin, mga kapatid, ay katulad ng bulag. Bagamat hindi nakikita ng ating mga mata ang Panginoon, tayo ay nananalig na totoong buhay ang Panginoon. Sumasampalataya tayo sa Panginoon, at hindi na natin kailangan ng patunay. Kahit hindi natin nakikita, nananalig tayo sa Panginoon. Nararamdaman natin ang yakap, pagmamahal, at paggabay ng Panginoon sa atin. Ang pangako ng Panginoon sa wakas ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo ay hindi lamang para sa mga alagad. Ang pangako ng Panginoon ay para sa ating lahat. Kasama natin ang Panginoon hanggang sa katapusan ng sanlibutan, kahit hindi natin Siya nakikita.

Lunes, Mayo 26, 2014

PANANALIG AT PAGSUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS

Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria 
Sofonias 3, 14-18 (o kaya: Roma 12, 9-16b)/Isaias 12/Lucas 1, 39-56



Sinimulan po natin ang buwan ng Mayo sa pamamagitan ng Kapistahan ni San Jose Manggagawa. Si San Jose ay masipag na nagtrabaho para sa kanyang pamilya na sina Maria at Hesus. Ngayon naman, sa pagwawakas ng buwan ng Mayo, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Silang dalawa ay nagdadalantao - dinala ng Mahal na Ina ang ating Panginoong Hesukristo sa kanyang sinapupunan at dinala naman ni Santa Isabel si San Juan Bautista, ang pinsan at tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. 

Malapit sa puso nating mga Pilipino ang Mahal na Birheng Maria, ina ng ating Panginoong Hesukristo. Malaki ang ating debosyon kay Maria. Halimbawa, tuwing sasapit ang araw ng Miyerkules, maraming tao ang pumupunta sa Baclaran upang magnobena sa ating Mahal na Ina na Laging Saklolo. At tuwing sasapit ang buwan ng Mayo, dinadaos natin ang Flores de Mayo. Ipinapakita ng lahat ng ito na malalim ang ating debosyon at pagmamahal kay Inang Maria. 

Mapapakinggan natin sa Ebanghelyo ngayon na tinawag ni Elisabet na pinagpala sa lahat ng mga babae si Maria. Ang bahagi ng panalanging "Aba Ginoong Maria" na kung saan nakasabing, "Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus," ay humango mula sa mga sinabi ni Elisabet. Tinawagang mapalad si Maria ni Elisabet sapagkat si Maria ay nanalig sa kalooban ng Diyos at nanalig na mangyayari sa kanya ang gustong mangyari ng Diyos para sa kanya. 

Ang gantimpala ng Diyos para sa pananalig at pagsunod ng Mahal na Birheng Maria sa Kanyang kalooban ay ang pagiging mapalad niya. Siya'y pinagpala sa lahat ng mga babae sapagkat siya'y nakinig, nanalig at tumalima sa kalooban ng Diyos. Ang Panginoong Hesus mismo ang nagsabi sa ika-11 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas na mapalad ang mga taong nakikinig at sumusunod sa kalooban ng Diyos. Si Maria ay isang huwaran para sa mga taong nakikinig at sumunod sa kalooban ng Diyos. 

Si Maria ay pinili ng Diyos upang maging tagapagpadala ng Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Bagamat hindi inaasahan ni Maria na siya'y pipiliin ng Diyos na maging ina ni Kristo, siya'y nanalig sa kalooban ng Diyos. Alam niya na kahit may ibang mga plano siya sa buhay, mananaig pa rin ang kalooban ng Diyos para sa mga tao. Kaya, bilang alipin ng Diyos, si Maria ay tumalima sa kalooban ng Diyos at tinanggap ang pananagutan ng pagiging ina ni Kristo. Si Maria ay isang huwaran ng pananalig sa kalooban ng Diyos. Hindi niya pinagdududahan ang kalooban ng Diyos. 

Noong nagpakita si Hesus kay Santa Faustina, iniutos Niya si Santa Faustina na gumawa ng larawan ng Kanyang mabathalang awa. Sa ibabaw ng larawan ng Mabathalang Awa ay ipinasulat ng Panginoon, "Hesus, ako ay nananalig sa Iyo." Si Maria ay isang huwaran para sa ating lahat. Nanalig siya sa kalooban ng Diyos. Kahit may mga pagkakataon na kung saan maraming katanungan siya sa Diyos, hindi siya nawalan ng pananalig sa Diyos. Bagkus, ang Mahal na Birheng Maria ay nakinig, nanalig at tumalima sa kalooban ng Diyos. Dahil dito, si Maria ay ginantimpalaan ng Diyos. Ano ang gantimpala ng Diyos? Ang pagiging mapalad ni Maria. 

Sa awit ni Maria, ang Magnificat, sinabi ni Maria na tatawagin siyang mapalad ng lahat ng bansa. Si Elisabet ang unang tao na tawaging mapalad si Maria. Tayong mga Katoliko ay nagpapahayag na pinagpala ng Diyos si Maria sapagkat siya'y nanalig at sumunod sa kalooban ng Diyos. Ang Pilipinas ay tinatawag na Pueblo Amante de Maria (Bayang Sumisinta kay Maria) dahil ang Mahal na Birheng Maria ay pinagpala ng Diyos. Napakalalim ng ating pagsinta at pagmamahal kay Maria. Bakit? Sapagkat nanalig at sumunod si Maria sa kalooban ng Diyos. Sa ganitong paraan, ipinagmamalaki natin na si Maria ay tunay na pinagpala ng Diyos. 

Isang tunay na huwaran ng pananalig at pagsunod sa kalooban ng Diyos si Maria. Pinili niyang magpakatapang. Hinahamon tayo ng CBCP ngayong Taon ng mga Laiko na magpakatapang. Magpakatapng na manalig at sumunod sa kalooban ng Diyos para sa ating lahat. Sa ganitong paraan, tayo rin ay magiging mapalad, katulad ng ating Mahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria. Dumaan man ang maraming pagkakataon kung kailan maraming katanungan tayo sa ating isipan, huwag tayong mawalan ng pananalig sa Diyos, katulad ng Mahal na Birheng Maria.

Mahal na Birheng Maria, Ina ng Diyos at aming Ina, ipanalangin mo kami. Ipanalangin mo ang bayang Pilipinas, ang bayang sumisinta sa iyo. 

Linggo, Mayo 25, 2014

HINDI ROMANTIKONG PAG-IBIG

Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 8, 5-8. 14-17/Salmo 65/1 Pedro 3, 15-18/Juan 14, 15-21 


Tayo pong mga Pilipino ay mahilig na manood ng mga teleserye at pelikula, lalo na kapag ang mga ito ay tungkol sa mga romantikong pag-ibig. Marami pong mga palabas sa telebisyon at sinehan na tungkol sa romantikong pag-ibig. Siguro, maraming tao ang pumupunta sa mga sinehan, lalung-lalo na ang mga kabataan, kapag may bagong palabas sa sinehan na tungkol sa romantikong pag-ibig. Inaabangan kasi nila ang mga nakakakilig na eksena. Ano ang nangyayari kapag pinapalabas na ang mga nakakakilig na eksena? Nakakabinging sigawan sa buong sinehan. Hindi ba? 

Mahilig din tayong kumunta, lalo na sa videoke, hindi ba? Hindi ko lang alam kung sino sa atin ang hindi pa nakakakanta sa mga videoke. Mahilig tayong kumanta, at ang pagkanta ay bahagi ng ating buhay, noh? Kapag wala tayo magawa, kumakanta o humuhuni na lang tayo, hindi ba? 

Sigurado ako na kabisado ng marami sa ating mga Pilipino ang kantang Please Be Careful With My Heart, lalung-lalo na ang mga unang linya ng awiting iyon:

If you love me, like you tell me, 
please be careful with my heart. 

Biruin ninyo, ginamit ng Panginoon ang unang linya ng awiting ito sa ating Ebanghelyo. Pero, hindi na please be careful with my heart ang sinabi ng Panginoong Hesus. Ang sinabi ng Panginoon, "Kung iniibig ninyo Ako, tutuparin ninyo ang Aking mga utos." Kung tayo ay sumusunod sa utos ng ating Panginoon, ipinapakita at pinapatunayan natin na tunay ang pagmamahal natin sa Panginoon. 

Si Kristo ay nagpamalas ng Kanyang pag-ibig sa Ama sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Inalay ni Kristo ang Kanyang buhay alang-alang sa kasalanan ng sanlibutan. Nalugmok ang sangkatauhan sa kasamaan nang suwayin nina Eba't Adan ang Diyos. Kinain nila ang bunga mula sa puno ng karunungan ng kabutihan at kasamaan. Dahil dito, kinailangan ng sanlibutan ng isang Tagapagligtas upang hindi sila mapahamak. Si Kristo ay pumarito sa sanlibutan upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. 

Hindi romantikong pag-ibig ang pag-ibig ni Hesus sa Ama at sa ating lahat. Bagkus, ang pag-ibig ni Hesus ay isang pag-ibig na walang kundisyon. Sabi nga ni Hesus sa ika-15 kabanata sa Ebanghelyo ni San Juan, "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang kaibigan." Kahit sa kamatayan, inibig pa rin ni Hesus ang Kanyang mga alagad at mga kaaway. Hindi nagwakas ang pag-ibig ng Panginoon noong iwanan Siya ng mga alagad sa Halamanan ng Getsemani. Bagkus, patuloy Niyang minahal ang lahat ng tao, kaibigan man Niya o kaaway. 

Ngayon naman, hinahamon tayo ni Hesus sa Mabuting Balita na mahalin din natin Siya. Paano natin mapapatunayan na minamahal natin si Hesus? Sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Ano ang Kanyang utos? Mag-ibigan. Inutusan ni Hesus ang mga alagad na mag-ibigan sa ika-13 kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Juan. Pagkaalis ni Hudas Iskariote mula sa Huling Hapunan, si Hesus ay nagbigay ng isang bagong utos - magmahal. 

Naalala ko po ang isang kwento ng isang bata na kinakausap ang kanyang ina. Tinanong ng bata ang kanyang ina, "Inay, ilan po ba ang utos ng Diyos?" Sagot ng ina, "Sampu." Sabi naman ng bata sa kanyang ina, "Inay, daig niyo po ang Diyos. Kung sampu lamang ang utos ng Diyos, kayo naman po, inay, ang dami ninyong mga utos."

Bagamat Sampu lamang ang utos ng Diyos, madalas nahihirapan ang mga tao na sumunod sa mga Sampung Utos ng Diyos. Kaya, pinaghalo ng mga Hudyo ang mga utos ng Diyos at ginawang dalawa. Ang una, "Mahalin mo ang inyong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip," at ang pangalawa, "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili." Muling hinalo ng Panginoong Hesukristo ang mga utos na ito at ginawang isa na lang. Ano iyon? Magmahal. 

Ang base ng Sampung Utos ng Diyos ay pag-ibig. Pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Pag-ibig rin ang dahilan kung bakit sinugo ng Diyos si Hesukristo, ang Kanyang Bugtong na Anak. Hindi naparito si Hesus upang mapahamak at hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan sa pamamagitan ng pag-alay ng Kanyang buhay sa krus alang-alang sa kasalanan ng sangkatauhan. Ganyan kamahal tayo ng Diyos. Pinadala Niya ang Panginoong Hesus upang tayong lahat ay mapatawad mula sa ating mga kasalanan. Hinayaan pa nga ng Diyos na mamatay si Hesus mapalapit lamang tayo sa Kanya. 

Linggo, Mayo 18, 2014

HUWAG MABALISA

Ika-5 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 6, 1-7/Salmo 32/1 Pedro 2, 4-9/Juan 14, 1-12 

(courtesy: Agony in the Garden - 1st Sorrowful Mystery/Youtube)

Ang pagkabalisa ay bahagi ng ating buhay bilang tao. Tayo ay nababalisa dahil sa dinami-dami ng mga bagay na kailangan nating gawin. Nababalisa din tayo kapag may problema tayo. Halimbawa, may isang estudyante. Inanunsyo ng kanyang guro sa Math na magkakaroon siya ng exam sa susunod na Miyerkules. Ang susunod na klase, Filipino. May exam din sila sa Filipino sa araw ng kanilang exam sa Math. Mahirap, noh? Kung kayo ang estudyante, hindi ba kayo mababalisa? 

Ano ang dulot ng pagkakabalisa? Sakit ng ulo, hindi makapagpahinga, at marami pang iba. Sino ba ang hindi mapapagod dahil sa dami ng kailangan niyang gawin? Sino ang hindi mababalisa? Magkaparehas siguro ang sagot ko sa sagot ninyong lahat. Walang tao na hindi mababalisa kapag marami siyang kailangang gawin. Hindi siya makapagpahinga kapag marami siyang kailangang gawin, at ang dulot nito para sa marami ay sakit ng ulo. 

"Huwag mabalisa." Ito ang mga unang salita na namutawi sa bibig ng Panginoon sa Ebanghelyo natin ngayon. Ang mga salitang ito ay namutawi sa bibig ni Hesus sa Huling Hapunan. Pagkatapos hugasan ni Hesus ang paa ng mga alagad, inihabilin Niya sa mga alagad na magpakababa, katulad ng ipinakita Niyang pagpapakababa. Ipinahayag rin ni Kristo na malapit na ang oras ng Kanyang paglisan sa mundo. Ang hapunan nila sa gabing iyon ay ang huling hapunan nila.

Ipinahayag ng Panginoong Hesus na Siya'y ipagkakanulo ng isa sa Kanyang mga alagad - si Hudas Iskariote. Ipinahayag rin Niya na tatlong beses Siyang ipagkakaila ni San Pedro Apostol nang sinabi ni San Pedro Apostol na kahit talikuran ng ibang mga alagad ang Panginoon, hindi niya tatalikuran ang Panginoon. Pero, alam ni Kristo na hindi iyon mangyayari. Bagkus, ipagkakaila ni Pedro ang Panginoon tatlong beses bago tumilaok ang manok. Nakakalungkot, ipinagkatiwala pa naman ni Hesus kay San Pedro Apostol ang mga susi sa kaharian ng langit. 

Dahil dito, nanghina na ang kanilang loob. Nababalisa na sila. Iiwanan na sila ng Panginoon. Upang mapalakas ang kanilang loob, sinabihan sila ng Panginoon na manalig sa Diyos at manalig din sa Kanya. Kahit sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, kinuha pa ni Kristo na palakasin ang kalooban ng mga alagad. Alam ni Kristo na nababalisa sila dahil sa Kanyang sinabi na Siya'y aalis at hindi sila makakasunod sa paroroonan ng Panginoon. Kaya, pinalalakas ni Hesus ang kalooban ng mga alagad. 

Si Hesus ay kalmado sa Kanyang pamamaalam sa mga alagad. Gaano mang kasakit ang dadanasin Niya kinabukasan, kalmado Siya. May iba pang mga pagkakataon sa Bagong Tipan kung saang nanatiling kalmado si Hesus sa kabila ng pagsubok. Noong sumasakay si Hesus sa bangka kasama ang mga alagad, nagkaroon ng malakas na unos. Ang mga alagad ay nag-aalala na samantalang natutulog si Hesus. Kaya, sinabihan ng mga alagad si Hesus na tulungan sila dahil lulubog sila. Dahil dito, pinatigil ni Hesus ang unos at tinanong ang mga alagad, "Nasaan na ang pananalig ninyo?" 

Si Hesus ay nanatiling kalmado dahil sa Kanyang pananalig sa Ama. Hindi Niya pinagdudahan o sinuway ang kalooban ng Ama kailanman. Sumusunod si Kristo sa kalooban ng Ama hanggang sa huling sandali ng Kanyang buhay. Hinding-hindi nawalan ng pananalig ang Panginoon sa Ama. Kaya, inilalarawan ni San Juan Ebanghelista na kahit sa huling sandali ng Kanyang buhay, hindi nawalan ng pananalig si Hesus sa Ama. Alam ni Hesus na kailangang mangyari ito. Bagamat masakit para kay Hesus na mangyari ito, hindi Niya sinuway ang Ama. Sinunod Niya ito at nanatiling kalmado, kahit sa bingit ng kamatayan. 

Bahagi ng buhay ang pagkabalisa. Hindi natin ito maiaalis sa buhay bilang tao. Marami tayong mga gawain at problema na kailangang asikasuhin. Kailangan nating maging masipag at matiyaga sa ating buhay. Maraming mga pagsubok at gawain ang buhay bilang tao. Hindi madaling paglalakbay ang buhay. Hindi natin mapipigilan ang mga sandali na kung saan marami tayong pagkakaabalahan. 

Pero, huwag nating kalilimutan na may mga limitasyon tayo bilang tao. Bilang tao, mayroon tayong mga lakas at kahinaan. Gawin lang natin ang ating makakaya. Kapag dumating ang pagkakataon na hindi na kaya, isuko na natin ang lahat sa Diyos. Walang masama kapag isuko na natin ang lahat sa Diyos. Hindi na natin kailangang mag-dalawang-isip pa. 

Ipinapakita ng ating pagsuko sa Diyos ang ating pananalig sa Kanya. Nananalig tayo na ang Diyos ay bahala na sa atin kapag hindi na natin kaya. Ang Diyos ang bahala sa mga bagay na hindi natin kaya. Huwag na tayo mag-alala. Tutulungan tayo ng Diyos sa mga bagay na hindi na natin kayang gawin. Manalig lamang tayo sa Diyos. Tutulungan Niya tayo sa panahon ng pagsubok. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos. 

Linggo, Mayo 11, 2014

PASTOL AT PINTUAN NG MGA TUPA

Ika-Apat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 2, 14a. 36-41/Salmo 22/1 Pedro 2, 20b-25/Juan 10, 1-10 


Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa pangangaral ni San Pedro Apostol sa mga kababayan niya sa Israel noong araw ng Pentekostes. Nangaral siya tungkol sa Panginoong Hesus na ipinako nila sa krus. Dahil sa kanilang mga kasalanan, si Hesus ay ipinako sa krus. Kaya, nanawagan si Pedro sa mga tao na magsisi at tumalikod mula sa kasalanan at magpabinyag sa pangalan ng Panginoong Hesukristo upang sila'y linisin mula sa kanilang mga pagkakasala. Dahil sa panawagang ito, maraming tao ang tumalikod mula sa kasamaan at nagpabinyag kay San Pedro.

Tayo rin, mga kapatid, ay nagkakasala rin. Sa pamamagitan ng ating mga kasalanan, ipinapako natin sa krus si Hesus. Hindi ang mga Hudyo ang nagpako at pumatay kay Hesus sa krus. Bagkus, tayo ang may pananagutan sa pagkamatay kay Hesus. Ang mga Hudyo ang kumakatawan sa ating lahat. Ipinagkakanulo at tinatalikuran natin si Hesus sa pamamagitan ng ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng ating pagkakanulo at pagtalikod kay Hesus, ipinapako natin muli si Hesus sa krus. Bagamat perpekto ang Simbahan, tayong lahat, mga kaanib ng Simbahan, ay mga makasalanan. 

Muling nagsalita si San Pedro Apostol sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pagpapakasakit ni Kristo. Bakit nagpakasakit si Kristo? Nagpakasakit si Kristo para sa ating lahat. Hindi isang pag-aaksaya ng buhay ang ginawang pagpapaksakit ni Kristo. Kung gugustuhin pa nga ni Kristo, ililigtas Niya ang sangkatauhan nang hindi nahihirapan. Pero, pinili ng Panginoon ang pinakamahirap na paraan. Pinili ng Panginoon na magtiis at magbuwis ng buhay alang-alang sa sangkatauhan. 

Bagamat inosente ang Panginoong Hesus, pinili pa rin Niyang mag-alay ng buhay sa krus para sa ating lahat. Hindi nagsalita ng masama si Hesus noong hinatulan Siya ni Poncio Pilato ng kamatayan sa krus. Hindi nagreklamo si Hesus kay Pilato tungkol sa paghatol sa Kanya. Si Hesus ay nanatiling tahimik at masunurin sa kalooban ng Ama. Kahit hindi wasto ang paghatol ni Pilato kay Hesus, hindi nagsalita si Hesus bilang pagtutol sa paghatol ni Pilato. Bagkus, inalay Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa. 

Dalawang bagay ang ginamit ni Hesus upang ilarawan ang Kanyang sarili sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Una, si Hesus ang Pastol na nag-aalaga at nagmamahal sa Kanyang mga tupa. Pumapasok Siya sa pintuan na dinadaanan ng mga pastol, hindi katulad ng mga magnanakaw. Kilala ng mga tupa si Hesus sapagkat nakikilala nila ang tinig ni Hesus. Sumusunod sila kay Hesus. Kapag hindi tinig ni Hesus ang tumatawag sa kanila, hindi nakikinig ang mga tupa. Si Hesus lamang ang kanilang kaisa-isang pastol.

Pangalawa, si Hesus ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Si Hesus ang pintuang magtatanggol sa mga tupa. Ipagtatanggol ni Hesus ang Kanyang mga tupa mula sa mga magnanakaw at kasamaan. Hindi papayagan ni Hesus na pumasok ang mga magnanakaw sa pastulan upang nakawin at patayin ang Kanyang mga tupa. Ipinapakita rin ni Hesus na sa pamamagitan ng pagiging pintuan ng Kanyang mga tupa, nakahanda Siyang ipagtanggol ang Kanyang mga tupa. Hindi Niya papabayaang mapahamak ang Kanyang mga tupa. 

Ipinapakita ni Hesus na bilang Pastol at Pintuan ng mga tupa ang Kanyang pagmamahal sa mga tupa. Laging handa ang Panginoon upang ipagtanggol ang Kanyang mga tupa. Isang kakaibang pastol si Hesus. Bago nakawin at patayin ng mga magnanakaw ang isa sa mga tupa ni Hesus, kailangan nilang pagdaanan si Hesus. Kaya, si Hesus ang Mabuting Pastol. Hindi Niya papayagang mawala, nakawin at patayin ang Kanyang mga tupa. Bagkus, ipagtatanggol at ililigtas ng Panginoon ang Kanyang mga tupa mula sa mga magnanakaw dahil mahal na mahal Niya ang Kanyang mga tupa. 

Ano naman ang ibinibigay ng Mabuting Pastol sa Kanyang mga tupa? Ano naman ang nasa loob ng Pintuang dinadaanan ng mga tupa? Kaligtasan at isang buhay na ganap at kasiya-siya. Naparito si Hesus sa lupa upang magkaroon ng kaligtasan at isang buhay na ganap at kasiya-siya ang mga tupa. Ito ang sapat na para sa Kanyang mga tupa. Hindi na magkukulang o mangangailangan ang mga tupa ng kahit ano pa. Kuntento na sila. Sapat na sila sa pagpapastol ng Panginoong Hesus. Katulad ng sinasabi ng ating Salmo ngayon, "Pastol ko'y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop."

Bilang pastol ng mga tupa, alam ni Hesus ang mga pangangailangan ng Kanyang mga tupa. Hindi magkukulang si Kristo sa pagkakaloob ng pangangailangan ng Kanyang mga tupa. Anuman ang kailangan ng mga tupa, ibibigay ni Kristo sa mga tupa. Wala nang hahanapin pa ang mga tupa mula sa Panginoong Hesukristo, ang Mabuting Pastol. Ang Panginoon ang Tunay at Mabuting Pastol ng mga tupa. Sapat na ang mga tupa sa pagpapastol at pagmamahal ng Panginoon. Wala nang hihingin pa ang mga tupa. 

Linggo, Mayo 4, 2014

SINO BA SI HESUS?

Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/1 Pedro 1, 17-21/Lucas 24, 13-35 


Ang Panginoong Hesus ay nagpakita sa dalawang alagad na naglalakbay patungong Emaus. Paano? Una, nilapitan ni Hesus ang mga alagad at nag-usap habang sila'y naglalakbay patungong Emaus. Ikalawa, si Hesus ay inanyayahan ng dalawang alagad na kumain sa bahay nila. Ikatlo at huli, ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili sa mga alagad sa pamamagitan ng paghahati ng tinapay. 

Bago nagpakilala ang Panginoon sa dalawang alagad na ito, ang dalawang alagad ay nag-uusap tungkol sa mga nangyari. Nadismaya sila sa pagkakilala nila kay Kristo. Hindi nila maintindihan ang mga nangyari kay Kristo. Umaasa sila palalayain ni Kristo ang bayang Israel mula sa mga Romano. Hindi nila maintindihan ang pagka-Mesiyas ng Panginoon. Ang iniisip nilang Tagapagligtas ay isang maka-mundo at pulitikong Mesiyas. Iyon ang inaasahan nila mula sa Panginoon. Nakakalungkot lamang ay pinatay si Kristo ng mga autoridad ng bayan.

Noong ibinalita sa kanila nina Maria Magdalena at ng iba pang mga kababaihan na kasama nila na walang laman ang libingan, inisip lamang nila na ninakaw ang bangkay ni Hesus. Hindi nila inisip na si Hesus ay posibleng muling nabuhay. Ipinahayag nga ni Hesus sa mga alagad bago Siya dinakip na Siya'y magpapakasakit, mamamatay, at muling mabubuha ysa ikatlong araw. Hindi nila inisip iyon. Hindi nila maintindihan ang mga sinabi ni Hesus o ang mga nangyayari. Kaya, ang tanong nila sa isa't isa, "Sino ba ang Hesus na ito?" 

Sa kanilang paglalakbay patungong Emaus, lumapit si Hesus sa dalawang alagad. Bagamat bukas ang mga mata at nakita ng dalawang ito si Hesus, hindi nila nakilala si Hesus. Akala pa nga nila, isang dayuhan ang nakikipaglakbay kasama nila. Hindi na nga maintindihan ng dalawang alagad ang mga nangyari, hindi pa rin nila nakilala si Hesus sa daan patungong Emaus. Kahit nakita ng mga mata nila si Hesus, hindi nila nakilala. Para sa kanila, isang dayuhan lamang ang taong kasama nila.  

Habang naglalakbay sila kasama ni Hesus, ipinapaliwanag Niya sa dalawang alagad na ang mga pangyayaring naganap ay ipinahayag ng mga propeta. Ipinahayag ng mga propeta na kinakailangang muna magbata ng hirap ang Mesiyas bago Niya makamit ang tagumpay. Ito ay ang plano ng Diyos. Ang Mesiyas ay magpapaksakit at mamamatay, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay. Sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesus, nakumpleto ang plano ng Diyos. Pinili ng Panginoon ang pinakamahirap na paraan upang makamit ang tagumpay - pag-aalay ng Kanyang sarili sa krus bilang hain para sa mga kasalanan ng sanlibutan. 

Noong dumating na sila sa Emaus, doon na nila nakilala ang Panginoon. Ang Panginoon ay inanyayahan at pinatuloy ng mga alagad sa kanilang bahay. Hinati ni Hesus ang tinapay noong dumulog sila sa hapag at doon nakilala ng dalawang alagad na ang kausap nila sa daan ay si Hesus nga. Naniwala na nga sila sa mga ibinalita nina Maria Magdalena na walang laman ang libingan at sinabi ng anghel na ang Panginoong Hesus ay muling nabuhay. Totoo nga ang ibinalita sa kanila. 

Sa Huling Hapunan, hinati ni Hesus ang tinapay at ibinigay iyon sa mga alagad. Muling hinati ni Hesus ang tinapay noong Siya'y muling nabuhay. Ang paghahati ng tinapay ang nagpakilala kung sino nga ba si Hesus. Natandaan ng dalawang alagad na hinati ni Hesus ang tinapay bago Siya namatay at ngayong muling nabuhay si Hesus, hinati Niya uli ang tinapay. Wala silang ibang matandaan na naghati ng tinapay, maliban kay Hesus. Ang paghahati ng tinapay ang nagpakilala kay Hesus. 

Ipinapakita rin ni Hesus ang Kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng paghahati ng tinapay. Buong buhay Niya ay inalay alang-alang sa sangkatauhan. Kahit na Siya'y Diyos, kahit na Siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat, pinili Niya na mag-alay ng buhay alang-alang sa atin. Maaari sanang piliin ng Panginoong Hesukristo ang pinakamadaling paraan upang tayo'y iligtas. Kaya naman Niya tayo iligtas nang hindi pinahihirapan. Pero, pinili ni Hesus ang pinakamahirap na paraan - kamatayan sa krus. Gaano mang kasakit ang paghampas, koronang tinik at pako, inalay pa rin ni Hesus ang Kanyang sarili. 

Sino ba si Hesus? Alam nating lahat na Siya ang Mesiyas, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ang Diyos na nagkatawang-tao, ang Pangalawang Persona ng Banal na Trinidad at marami pang iba. Pero, huwag rin nawa nating kalimutan na si Hesus ay ang Mesiyas na nagmamahal sa atin. Bagamat mahirap at masakit man para sa Kanya na mamatay Siya alang-alang sa atin, pinili ni Hesus mamatay alang-alang sa atin. Walang pag-iimbot ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin.

Sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa, ginugunita natin ang paghahain ni Hesus sa Kalbaryo. Ang ordinaryong tinapay at alak ay nagiging katawan at dugo ni Kristo. Ang bawat pagdiriwang ng Banal na Misa ay isang pagsasaalaala sa paghahain ni Hesus sa Kalbaryo. Sinasabi nga ng pari sa Banal na Konsekrasyon: "Ito ang Aking katawan na ihahandog para sa inyo." Hindi na ito ang mga salita ng pari, sapagkat si Hesus ay nagsasalita sa pamamagitan ng pari. Inialay ni Hesus ang Kanyang katawan sa Kalbaryo bilang pagpapatunay ng Kanyang pag-ibig sa atin. 

Sino si Hesus? Ang Mesiyas, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ang Ikalawang Persona ng Banal na Trinidad na nag-alay ng Kanyang buhay alang-alang sa ating lahat. Bakit Niya ginawa iyon? Dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin. Masakit man para sa Kanya ang paghahampas sa haliging-bato, koronang tinik, at ang mga pako, hindi Niya pinagsisihan ang ginawa Niya. Ito ang patunay na minamahal tayo ni Hesus nang buong-buo. Tunay na walang pag-iimbot ang Panginoong muling nabuhay.