Linggo, Setyembre 28, 2014

SALITA AT GAWA

Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ezekiel 18, 25-28/Salmo 24/Filipos 2, 1-11/Mateo 21, 28-32 


Kasabay ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon ngayong taon ay ang Paggunita sa Protomartir ng Pilipinas na si San Lorenzo Ruiz at ang kanyang mga kasamang martir. Namatay sila bilang mga martir para sa pananampalataya. Inalay ni Lorenzo ang kanyang buhay alang-alang sa kanyang pananampalataya sa Panginoon. Si San Lorenzo Ruiz ay nagpamalas ng katapangan noong siya ay sumagot sa katanungan na isusuko niya ang kanyang pananampalataya kapalit ang kanyang buhay. Pero, pinili ni Lorenzo na ialay ang kanyang buhay alang-alang sa kanyang pananampalataya sa Diyos. 

Masasabi natin na may ugnayan si San Lorenzo Ruiz sa isa sa dalawang anak sa Ebanghelyo ngayon. Sa Ebanghelyo ngayon, mapapakinggan natin ang isa sa mga talinghaga ni Hesus. Si Hesus ay nagturo sa mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan sa pamamagitan ng isang talinghaga upang ilarawan ang kahalagahan ng pagbabalik-loob sa Diyos. Hindi sapat ang salita sa pagbabalik-loob sa Diyos. Oo, mahalaga nga ang salita sa pang-araw-araw na buhay natin. Pero, kapag tayo ay nagbabalik-loob sa Panginoon, hindi lamang salita ang kailangan, kundi mga gawa upang patunayan na tayo ay nagbabalik-loob sa Diyos. 

Tinawagan ng ama sa talinghaga ng Panginoong Hesus ang unang anak na magtrabaho sa kanyang ubasan. Ano ang sagot niya? Hindi. Hindi siya pupunta sa ubasan ng kanyang ama upang magtrabaho doon. Ganyan rin ang ginawa ni San Lorenzo Ruiz. Paano? Noong siya ay inakusahan ng pagpatay ng isang Kastila, sumama si Lorenzo sa mga pari at misyonerong Dominikano papuntang Japan upang tumakas lamang mula sa pangyayaring iyon. Si Lorenzo ay natakot nang siya ay inakusahan, kahit hindi niya nagawa iyon. Walang nakasaksi sa pumatay sa Kastilang iyon, kaya tumakas na lang siya papuntang Japan. 

Pero, ano ang nag-udyok sa ating kababayang ito na ialay ang kanyang buhay para sa pananampalataya? Bakit nagkaroon ng pagbabago si Lorenzo? Balikan natin ang Ebanghelyo. Ang anak na tumanggi sa kalooban ng ama ay pumunta sa ubasan ng kanyang ama upang magtrabaho. Nagbago ang kanyang isip. Inisip niyang magtrabaho sa ubasan ng kanyang ama. Sinunod niya ang kalooban ng kanyang ama. Nagsisi ang anak na ito sa kanyang desisyon noong una at sumunod sa kalooban ng ama. Buong katapangan at pagpapakumbaba niyang sinunod ang kalooban ng kanyang ama. 

Masasabi natin na gayon din ang ginawa ni San Lorenzo Ruiz. Noong siya ay tinanong ng mga autoridad doon sa Japan kung isusuko niya ang kanyang pananampalataya kapalit ang kanyang buhay, hindi isinuko ni Lorenzo ang kanyang pananampalataya. Bagkus, buong katapangan at pagpapakumbabang ipinahayag ni Lorenzo na siya ay isang Katoliko at iaalay niya ang kanyang buhay alang-alang sa Diyos. Nagbago si Lorenzo noong ipinahayag niya ito sa mga autoridad. Hindi na siya natakot. Buong pagpapakumbaba at katapangan inialay ni Lorenzo ang kanyang buhay para sa Diyos, kahit ang kahulugan nito'y mawawala sa kanya ang karapatang mabuhay dito sa lupa. 

Idineklara ng Kapulungan ng mga Obispo sa Pilipinas (CBCP) ang taong 2014 bilang Taon ng mga Layko. Hinahamon tayo ng ating mga Obispo na maging matapang sa paggawa ng kabutihan at ipahayag ang ating pananampalataya sa salita at gawa. Mayroon tayong dalawang huwaran sa pagiging masigasig para sa pananampalataya. Ang dalawang Pilipinong santo na sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod. Ang dalawang kababayan nating ito ay naging santo dahil sa kanilang katapangan para sa pananampalataya. Kahit nasa panganib ang buhay nila, hindi nila isinuko o bumitiw sa kanilang pananampalataya sa Panginoon. 

Tayong lahat ay nagkakamali bilang tao. Hindi natin ito maipagkakait. Hindi ito mawawala sa atin. Nagkakamali at nagkakasala tayo bilang tao. Pero, hindi ibig sabihin noon na wala na tayong pag-asa at maaari tayong mamuhay bilang alipin ng kasamaan. Hinihintay tayo ng Panginoon upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya, katulad ng anak na tumanggi sa kalooban ng kanyang ama noong una sa Mabuting Balita ngayon. Kahit sinuway niya ang kanyang ama noong una, siya'y nagsisi at nagbago ng isip. Dahil doon, siya'y nagdesisyong magtrabaho sa ubasan ng kanyang ama bilang pagsunod sa kanyang kalooban. 

Hinihintay tayo ng Panginoon na magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Ang panawagan ng mga Pagbasa natin sa Misa ngayong Linggong ito ay magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Bilang mga Katoliko, atin pong bigyan ng pansin ang panawagang ito, katulad ng mga publikano at mga masamang babae na inilarawan ni Kristo sa Ebanghelyo. Hindi lamang sapat ang salita. Kailangang may kasamang gawa ang ating pagsisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Nawa'y magsisi at magbalik-loob tayong lahat sa Diyos sa salita at gawa. 

"Isa akong Katoliko at buong pusong tinatanggap ang kamatayan para sa Panginoon, kung ako man ay may sanlibong buhay, lahat ng iyon ay iaalay ko sa Kanya." 
- San Lorenzo Ruiz



Linggo, Setyembre 21, 2014

ANG KAGANDAHANG-LOOB NG DIYOS

Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 6-9/Salmo 144/Filipos 1, 20k-24. 27/Mateo 20, 1-16a 


Ipinapakita ng Panginoong Hesukristo sa ating Ebanghelyo ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng isang talinghaga. Ang Diyos ay nagmamagandang-loob sa lahat ng tao, kahit sa mga makasalanan. Ganito ang pagsasalarawan ng Diyos sa talinghaga tungkol sa may-ari ng ubasan at ang mga manggagawa. Nagmagandang-loob ang may-ari ng ubasan sa mga taong walang trabaho. Binigyan niya ng trabaho ang mga taong walang trabaho. Sa katapusan ng araw, pantay-pantay ang suweldong tinanggap ng mga manggagawa mula sa may-ari ng ubasan na nagmamagandang-loob sa kanila. 

Mayroon tayong kasabihan, "Huli man daw at magaling, naihahabol pa din." Ang ibig sabihin ng salawikaing ito ay mas mabuti pang meron kaysa wala. Mas tatanggapin natin na dumating ang isang bagay, kahit huli na, kaysa namang wala namang dumating. Kahit huli na ang pagdating ng isang bagay, mapapakinabangan pa rin natin ito kung ito ay mabuti. Ganyan din ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dahil sa Kanyang kagandahang-loob, tinatanggap tayo ng Diyos, kahit huli na ang lahat. 

Ang may-ari ng ubasan ay naghanap pa rin ng mga manggagawa para sa kanyang ubasan, kahit tinanggap niya ang mga manggagawa na magtatrabaho mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa pagtatakipsilim. Maaari siyang maging kuntento sa mga manggagawa na magtatrabaho sa kanya para sa buong araw. Pero, naghanap pa rin siya ng mga manggagawa. Lumabas ang may-ari ng ubasan at humanap ng mga manggagawa. Naawa at nahabag ang may-ari ng ubasan sa mga taong walang manggagawa. Kaya, dahil sa kanyang awa at habag sa kanila, tinanggap pa rin niya ang mga taong walang magawa upang magtrabaho sa kanyang ubasan. 

Paulit-ulit lumabas ang may-ari ng ubasan hanggang sa mag-aalas singko na ng hapon. Nakakita na naman siya ng mga taong walang magawa. Ang reklamo ng huling grupo ay walang tumatanggap sa kanila. Hindi sila makakapagtrabaho dahil wala namang tatanggap sa kanila. Dahil sa kagandahang-loob ng may-ari ng ubasan, tinanggap pa rin niya ang mga taong walang magawa, kahit alas singko na ng hapon. Malapit nang magtapos ang araw ng paggawa. Isang oras na lamang ang natitira. Pero, tinanggap pa rin sila ng may-ari ng ubasan dahil alam niya na may mabuting madudulot ang mga ito, kahit huli na. 

Sa pagtatapos ng araw ng paggawa, tinawag ng may-ari ng ubasan. Pero, sa halip na ang unang grupo ang unang binayad, ang unang binayaran ng may-ari ng ubasan ay ang huling grupo. Isang oras lamang nagtrabaho ang huling grupong dumating upang magtrabaho para sa may-ari ng ubasan. Magkano ang binayaran ng may-ari ng ubasan? Tig-iisang denaryo. Akala ng grupong nauna na mas malaki ang bayad na tatanggapin nila dahil sila ang nagtrabaho nang pinakamahaba. Pero, magkano ang tinanggap ng unang grupong dumating? Tig-iisang denaryo din. 

Ano ang magiging reaksyon natin kapag magkaparehas ang tinanggap natin sa tinanggap ng huling grupong dumating? Hindi ba, magrereklamo tayo? Magagalit tayo dahil buong araw tayong napagod at naghirap sa pagtatrabaho, hindi ba? Ganun ang ginawa ng unang grupong nagtrabaho sa buong araw. "Bakit ganito ang bayad namin? Hindi tama ito! Ang huling grupo ay nagtrabaho ng isang oras lamang samantalang kami ay nagtrabaho para sa buong araw! Tiniis namin ang nakapapasong init ng sikat ng araw, at ganito lamang ang bayad namin?! Hindi tama ito! Isa itong pagdadaya!" 

Sa mata ng mundo, ito nga ay isang pagdadaya. Hindi tama ang bayaran nang pare-pareho ang mga grupong ito, lalung-lalo na ang unang grupo na nagtrabaho nang buong araw. Ang ganitong pagbabayad ay hindi tama. Nararapat lamang na taasan ang bayad ng mga grupong nauna, lalung-lalo na ang kauna-unahang grupo na nagtrabaho sa ubasan. Pero, bakit nga ba ito ginawa ng may-ari ng ubasan? Bakit pare-pareho ang bayad ng mga manggagawa? 

Nilinaw ng may-ari ng ubasan kung bakit magkaparehas ang bayad ng mga manggagawa. Unang-una, bago pa man sila nagtrabaho, iyon na ang kanilang ipinagkasundo. Walang pagdadaya doon. Nananatiling tapat ang may-ari ng ubasan sa usapan nila. Sinunod niya at ginawa niya ang kanyang bahagi sa kanilang kasunduan. Nagkasundo sila na babayaran sila ng tig-iisang denaryo, iyon ang binayad niya sa kanila. Hindi nagkaroon ng pagdadaya doon. Nagkasundo na sila bago pa nagtrabaho ang mga manggagawa sa ubasan. 

Ikalawa, posibleng naiinggit lamang ang unang grupo sa may-ari ng ubasan. Bakit? Sapagkat magkaparehas lamang ang pagbayad niya sa mga manggagawa. Nagmagandang-loob ang may-ari ng ubasan. Mabait siya at maaari niyang gawin kung ano ang gusto niya sa kanyang kayamanan. Kahit nagtrabaho ng isang oras lamang ang huling grupong dumating sa ubasan upang magtrabaho, tinanggap pa rin niya at binayaran ng tig-iisang denaryo. Dahil sa habag at awa ng may-ari ng ubasan, siya ay nagmagandang-loob at tinanggap ang lahat ng mga manggagawa sa kanyang ubasan, kahit ang mga huling dumating. 

Ang Diyos ay nagmamagandang-loob sa ating lahat. Paulit-ulit na ipinapadama ng Diyos ang Kanyang kagandahang-loob sa ating lahat. Hindi Siya magsasawa sa pagpapadama ng Kanyang kagandahang-loob sa atin. Tinatanggap ng Panginoon ang lahat ng tao, kahit huli na siyang dumating. Hinding-hindi tatalikuran o dadayain tayong lahat ng Panginoong Diyos. Lahat tayo ay pantay-pantay sa Kanyang paningin. Dahil sa awa at habag ng Panginoon, ipinapadama Niya sa atin ang Kanyang kagandahang-loob sa atin. Tinatanggap tayo ng Diyos, kahit dumating tayo sa huli. Mas mabuti para sa Diyos na bumalik tayo sa Kanya sa huli kaysa hindi tayo bumalik sa Kanya.  

Lunes, Setyembre 15, 2014

PAGDURUSA NG INA AT ANAK

Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati (ABK) 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35)



Ang Mahal na Birheng Maria ay hindi bumibitiw sa kanyang anak. Kahit kailan, hindi niya pinabayaan o iniwan si Hesus. Maaaring sumulpot siya at nakipagsiksikan sa mga tao habang nagtuturo si Hesus. Kahit nagkaroon ng maraming kaaway si Hesus, katulad ng mga Pariseo at iba pang mga matataas na opisyal sa panahong yaon, hindi niya iniwan o tinalikuran si Hesus. Siya ay matapat na sumama at sumunod kay Hesus. Bagamat siya'y hindi hinirang ng Panginoong Hesus, siya ay ang unang alagad ng Panginoong Hesus. 

Noong ang Panginoon ay dinakip ng mga autoridad at hinatulan ng kamatayan, hindi iniwan o tinalikuran ni Maria si Kristo. Hindi ikinahiya ng Mahal na Ina ang Panginoon noong siya ay hinatulan ng kamatayan at pinagwiwikaan ng masama. Bagkus, si Maria ay nakiisa sa pagdurusa ng kanyang anak na si Hesus. Tahimik na nagdusa si Maria noong si Hesus ay nagdurusa. Kapag ang anak ay nagdurusa, ang ina rin ay nagdurusa. 

Isang halimbawa ng malalim na ugnayan sa isa't isa ay ang mag-inang si Hesus at Maria. Ang mag-ina ay magkasama sa kanilang pagdurusa. Noong si Hesus ay nagdurusa at nagbubuhat ng krus patungong Kalbaryo, sinamahan siya ng Mahal na Birheng Maria. Si Hesus at si Maria'y nagkasalubong pa nga noong binubuhat ni Hesus ang krus patungo sa Kalbaryo. Napakasakit para kay Maria na makita na ang kanyang anak na si Hesus na nagdurusa. Lubusang nasaktan ang damdamin ng Mahal na Ina nang makita ang Panginoon na nagbubuhat ng krus sa daan, pinako at namatay sa krus. 

Kung iniwan ng mga alagad si Kristo (maliban lamang kay San Juan Apostol), hindi iniwan ng Mahal na Ina si Kristo. Mahal na mahal ni Maria si Hesus, at hindi pababayaan ni Maria si Hesus, kahit sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Hindi siya natakot sa mga taong umaalipusta sa Panginoon. Ang pagmamahal ni Maria sa kanyang anak ang nag-udyok sa kanya na makiisa sa pagdurusa ng kanyang anak. Hindi niya iniwanang mag-isa ang Panginoon. Bagkus, nakiisa ang Mahal na Birheng Maria sa pagdurusa ng Panginoong Hesukristo. 

Noong si Hesus ay nakabayubay sa krus, nakita Niya si Maria, ang Kanyang minamahal na Ina. Lubos na minamahal ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria. Inihabilin ni Hesus si Maria sa pangangalaga ni Apostol San Juan na kumakatawan sa ating lahat. May isang huwaran tayo ng katapatan - ang Mahal na Birheng Maria. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Mahal na Birheng Maria. Patuloy niya tayo ipinapanalangin kay Hesus, ang kanyang minamahal na Anak. 

Hinding-hindi tayo pababayaan ng Mahal na Birheng Maria. Ang Mahal na Ina ay nananalangin para sa atin sa Panginoong Hesukristo. Ipinagdarasal niya tayo kay Hesus, ang Anak ng Diyos at Anak ni Maria na nag-alay ng buhay para sa sangkatauhan. Mahal na mahal tayo ni Maria bilang mga anak niya. Tayo rin ay mga anak ni Maria sapagkat inihabilin tayo ni Hesus sa pangangalaga ni Maria. Lagi tayong ipinapanalangin ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang Anak na si Hesus. 

Tunay ngang isang napakagandang halimbawa ng katapatan ay ang Mahal na Birheng Maria dahil hinding-hindi niya tayo pinapabayaan, lalung-lalo na sa panahon ng pagsubok at pagdurusa. Hindi niya iniwan si Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, hinding-hindi rin niya tayo iiwanan o kalilimutan sa bawat araw ng ating buhay. Mahal na mahal tayo ng Mahal na Birheng Maria bilang mga anak niya. 

O Panginoong Hesus, maraming salamat po sa paghabilin Mo sa amin sa pangangalaga ng Iyong Mahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria. Amen. 

Mahal na Ina ng Hapis, ipanalangin mo kami. 

Linggo, Setyembre 14, 2014

KRUS: SAGISAG NG TAGUMPAY AT KALIGTASAN

Kapistahan ng Pagtatampok sa Banal na Krus (ABK) 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 



Hindi lamang sa Biyernes Santo nagbibigay-pugay ang Santa Iglesia sa Banal na Krus ng ating Panginoong Hesukristo. Muling nagbibigay pugay ang ating Simbahan sa Krus ng Panginoon ngayong araw na ito. Ang pagdiriwang ng Simbahan ngayon ay ang Pagtatampok sa Krus na Banal. Para sa ating mga Katoliko, napakahalaga ang Krus ni Kristo sapagkat sa kahoy ng krus na iyon, si Kristo ay nagbuwis ng buhay alang-alang sa ating lahat. Si Kristo ang nag-alay ng buhay alang-alang sa atin dahil sa Kanyang awa at pag-ibig sa atin upang tayo ay magkaroon ng buhay. 

Siguro, maraming tao, lalung-lalo na ang mga Katoliko, ay may katanungan katulad nito: "Bakit ba binibigyang halaga ng Simbahan ang krus ni Kristo?" Makikita natin ito sa altar ng maraming Simbahan. Maraming mga simbahan na kung saan ang crucifixo o ang imahe ni Kristong nakabayubay sa krus ang makikita sa gitna ng retablo. Kapag may nakatingin dito, may ilang mga nagtatanong kung bakit ang imahe ng Panginoong nakapako sa krus ang nasa gitna nito. Para sa kanila, medyo negatibo ang mensahe nito. Mas magugustuhan pa nila kung ang imahe ng Panginoong muling nabuhay sa gitna ng retablo ng mga simbahan. 

Bakit nga ba binibigyan ng halaga ng Simbahan ang krus ng Panginoon? Para sa ating mga Katoliko, ang krus ng Panginoon ay ang sagisag ng ating kaligtasan. Si Hesus ay nag-alay ng Kanyang buhay upang tayong lahat ay maligtas. Ito ang tanda ng dakilang pag-ibig ng Panginoon sa ating lahat. Ito ay tanda ng tagumpay ng Panginoon para sa ating lahat. Ito ang tanda ng ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng paghahain ni Hesus ng Kanyang buhay, tayong lahat ay naligtas mula sa kasamaan. 

Ang krus ng Panginoon ay sagisag ng tagumpay at kaligtasan. Paano? Sapagkat sa pamamagitan ng pagkamatay ng Panginoong Hesus sa krus, tinubos Niya ang sangkatauhan. Naparito si Hesus upang iligtas ang sangkatauhan, hindi upang hatulan ang sangkatauhan, katulad ng nasasaad sa Mabuting Balita natin ngayon. Dahil sa pag-ibig ng Panginoon sa ating lahat, pinili Niyang ialay ang Kanyang buhay alang-alang sa ating lahat. Hindi naparito ang Panginoon upang tayo ay hatulan at mapahamak. Bagkus, naparito Siya upang ipadama ang Kanyang dakilang pagmamahal sa atin at iligtas. 

Dati, ang krus ay isang tanda ng kapahamakan at kamatayan. Hindi kaaaya-aya ang krus. Hindi ito maganda. Ang krus ay dating tanda ng kahinaan at kapahamakan. Pero, noong inialay ng Panginoong Hesus ang Kanyang buhay sa krus, ang krus ay naging tanda ng ating kaligtasan. Nagbago na ang sagisag ng krus. Binago ni Hesus ang sagisag ng krus. Mula sa pagiging sagisag ng kapahamakan at kahiyaan, ang krus ay naging sagisag ng tagumpay at kaligtasan. Naging tanda din ito ng awa at pag-ibig ng Panginoon sa atin. 

Ipagmalaki natin ang krus ng ating Panginoon. Hindi tayo ikinakahiya ng ating Panginoon. Tayong lahat ay minamahal at pinapatawad ng Panginoon sa ating mga kasalanan. Ito nga ang dahilan ng pagparito ng Panginoon sa lupa. Kung hindi tayo minamahal ng Panginoon, hindi Siya pupunta dito sa lupa upang tayo ay iligtas at hahayaan lamang tayo ay mapahamak. Pero, minamahal tayo ng Panginoon. Dahil sa Kanyang awa, habag at pagmamahal sa atin, nagkatawang-tao ang Panginoon at namuhay bilang isang tao, maliban sa kasalanan, upang tayo ay Kanyang iligtas mula sa ating mga kasalanan. 

Ano ang krus? Para sa ating mga Katoliko, ang krus ay ang sagisag ng tagumpay at kaligtasan na kinamit ng ating Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay. Hindi ito tanda ng kapahamakan, kahinaan o kamatayan. Sa kahoy ng krus ni Hesus, makikita natin ang Kanyang tagumpay na kinamit Niya para sa atin. Ito ay dahil sa Kanyang pagmamahal, awa at habag para sa ating lahat. Nawa'y huwag nating ikahiya ang krus ng ating Panginoon. Ang krus ay ang tanda ng tagumpay at pagliligtas ng Panginoon. Ipagmalaki natin na minamahal tayo ng Panginoon. Ang pag-aalay ng Panginoon ng Kanyang krus alang-alang sa atin ang katibayan ng awa, habag at pagmamahal Niya sa atin. 

Lunes, Setyembre 8, 2014

KAGALAKAN SA PAGSILANG NG MAHAL NA BIRHENG MARIA

Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria (ABK) 
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23) 



Ang araw na ito ay napakahalaga para sa ating lahat, mga Katoliko, sapagkat ipinagdiriwang natin ang araw ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria sa mundo. Nagdulot ng kagalakan sa lahat ang pagsilang ng Mahal na Ina dahil siya ay naging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Bago pa ipanganak ang Mahal na Birheng Maria sa sanlibutan, iniligtas siya ng Diyos noong siya'y ipinaglihi ng kanyang inang si Santa Ana (Inmaculada Concepcion). Sa pamamagitan noon ay naging karapat-dapat ang Mahal na Ina upang dalhin sa kanyang sinapupunan at maging ina ng Tagapagligtas, ang Panginoong Hesukristo. 

Sa Mabuting Balita para sa araw na ito, mapapakinggan natin ang pagpapakita ng isang anghel ng Panginoon kay San Jose sa pamamagitan ng panaginip. Pinag-iisipan ni San Jose na hiwalayan ang Mahal na Birheng Maria nang lihim. Bakit? Sapagkat si Maria'y natagpuang buntis. Katulad ng mga pangkaraniwang lalaki, si San Jose ay nagkaroon ng mga pagdududa tungkol kay Maria, kahit mahal na mahal niya si Maria. Napakakumplikado na ng sitwasyon nina San Jose at ng Birheng Maria. Buntis si Maria, pero hindi pa siya kasal. Isang napakakumplikadong sitwasyon para kay San Jose. 

Ipinaliwanag ng anghel kay San Jose na hindi nakiapid ang Mahal na Ina kaninuman. Malinis at busilak ang Mahal na Birheng Maria. Hindi niya magagawa kay Jose na dayain siya. Hindi makikiapid si Maria dahil mahal na mahal din niya si Jose. Ang pagkabuntis ni Maria ay hindi dahil sa nakipag-relasyon siya sa ibang lalaki. Si Maria ay nabuntis sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang Diyos ay gumawa ng himala sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Hindi nakipag-relasyon o nakipagtalik si Maria sa ibang lalaki. 

Napakahalaga ang Mahal na Ina sa paningin ng Diyos. Siya ay pinili ng Diyos na maging ina ni Kristo. Ginawa siyang marapat na maging ina ni Kristo sa pamamagitan ng pagligtas sa kanya bago pa siya isilang. Hindi pinayagan ng Diyos na dungisan ng kasalanang mana ang babaeng magdadala sa Kanyang Bugtong na Anak. Kaya, iniligtas pa ng Diyos si Maria mula sa dungis ng kasalanang mana upang maging ina ng Manunubos. Bahagi ito ng plano ng Diyos. Ang Diyos ay nagplano upang iligtas ang sangkatauhan. Ang pagliligtas kay Maria bago siya isilang ay bahagi ng dakilang plano ng Diyos. 

Tuwang-tuwa ang Diyos sa pagsilang ng Mahal na Birheng Maria sapagkat ito ay nagdala ng mabuting balita para sa lahat. Malapit nang maganap ang dakilang plano ng Diyos. Malapit nang dumating ang Mesiyas. Dumating na ang tagapagdala ng Bagong Tipan. Ang ina ng Mesiyas ay isinilang na. Si Kristo ay darating na. Malapit nang matupad ang lahat ng mga sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propeta tungkol sa pagsilang ng Mesiyas. Isinilang na ang ina ng Mesiyas.

Bukod na pinagpala ang Mahal na Ina sa lahat ng mga babae. Napakaespesyal si Maria sa paningin ng Diyos. Ang pagsilang ng Mahal na Birheng Maria ay nagdulot ng malaking kagalakan sa Diyos at sa lahat ng mga nananalig sa Panginoong Hesus. Isang napakaespesyal na babae si Maria. Dahil sa pagpapala ng Diyos sa kanya, siya ay pinili ng Diyos upang maging ina ni Hesus, ang Mesiyas. Bagamat napakalaki at napakahirap na pananagutan ang pagiging ina ng Mesiyas, si Maria ay tumalima at sumunod sa kalooban ng Diyos. Si San Jose rin ay tumalima sa kalooban ng Diyos at tinulungan ang Mahal na Birheng Maria sa pagpapakalaki sa Panginoong Hesus.

Kung paanong nagdulot ng kagalakan sa Panginoong Diyos ang pagsilang ng Mahal na Birheng Maria, nagdulot ng kagalakan para sa Mahal na Birheng Maria at kay San Jose na sila ay magiging mga magulang ni Hesus sa Kanyang pagsilang dito sa lupa. Bagamat isang napakalaki at napakahirap na pananagutan para kina San Jose at sa Mahal na Ina na maging mga magulang ni Hesus, tumalima sila at sinunod nila ang kalooban ng Amang Diyos. Si Hesus rin ay tumalima at sumunod sa kalooban ng Amang Diyos buong buhay Niya sa lupa.

Buong kagalakan nawa nating ipagdiwang ang kaarawan ng ating Mahal na Inang nasa langit, ang Mahal na Birheng Maria, at tularan ang kanyang halimbawa. Patuloy nawa tayong manalangin sa ating Mahal na Ina upang tayo ay kanyang tulungan na tularan ang kanyang halimbawa. Sinunod niya ang kalooban ng Ama, katulad ng pagsunod ng Panginoong Hesukristo sa kalooban ng Ama. Nawa'y buong kagalakan tayong tumalima at sumunod sa kalooban ng Diyos, katulad ni Hesus, Maria at Jose. 

Amang makapangyarihan, tulungan Mo kaming tumalima at sumunod sa Iyong kalooban, katulad nina Hesus, Maria at Jose. Amen.

Mahal na Birheng Maria, ipanalangin mo kami. 

Linggo, Setyembre 7, 2014

PAKIKIPAG-AYOS SA ATING KAPWA

Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Ezekiel 33, 7-9/Salmo 94/Roma 13, 8-10/Mateo 18, 15-20 


Maraming pagkakataon kung kailan tayo ay hindi nagkakaintindihan. Bilang tao, madalas tayong hindi nagkakaunawaan. Hindi nating maiwasan ang mga pagkakataon kung kailan hindi tayo nagkakaintindihan. Kahit gusto natin itong iwasan, halos hindi natin ito maiwasan. Mahirap iwasan ang di-pagkakaunawaan. Ang di-pagkakaunawaan ay nagdudulot ng isang malaking problema para sa atin. Isang napakalaking problema para sa isang tao ang di-pagkakaunawaan. Dahil sa di-pagkakaunawaan, mas lalong mahirap magkaayos at magpatawaran. 

Tinuturan tayo ng Panginoong Hesukristo sa ating Ebanghelyo kung paanong makipag-ayos sa ating kapwa. Nais ni Hesus na iparamdam natin sa ating kapatid at kapwa ang ating pagmamahal sa kanila. Sa pamamagitan ng pakikipag-ayos sa ating mga kapatid at kapwa, ipinaparamdam natin sa kanila na minamahal natin sila. Ang Diyos ay pag-ibig. Ipinaparamdam ng Diyos sa ating lahat ang Kanyang pagmamahal sa atin. Hinahamon tayo ngayon na iparamdam din natin ang ating pagmamahal, hindi lamang sa Diyos, kundi pati rin sa ating mga kapatid at kapwa. 

Nagbigay ang Panginoon ng tatlong hakbang upang makipag-ayos sa ating kapwa. Una, kinakailangang kausapin muna natin nang personalan ang ating kapwang nagkamali. Ipaliwanag natin kung ano nga ba ang pagkakamali niya at kung bakit ito mali. Sa pamamagitan ng inyong pag-uusap nang sarilinan, baka maliwanagan siya tungkol sa kanyang ginagawa. Baka malaman niya na ang kanyang ginagawa ay hindi tama. Muli siyang mag-aaral at matututo kung ano ang tama at mali. 

Ikalawa, kung hindi pa siya makikinig, magsama pa ng dalawa o tatlong saksi. Ang mga saksing ito ang magpapatunay sa inyong pag-uusap. Kung hindi sapat ang pagtulong ng iyong sarili, nandoon ang mga saksi. Tutulungan ka ng mga saksing sinama mo. Sila'y tutulong sa iyo sa pagpapaliwanag sa kanya ang kanyang pagkakamali. Gagawin nila ang lahat ng makakaya nila upang ipaliwanag sa taong nagkamali na ang ginawa niya ay mali. 

Ikatlo, sabihin sa pagtitipon ng Simbahan kapag hindi pa siya makikinig sa iyo o sa mga saksi. Ang Simbahan ay isang komunidad. Sabi pa nga ni Kristo sa Ebanghelyo, "Kung may dalawa o tatlo nagtitipon sa Pangalan Ko, naroon Akong kasama nila." (Mateo 18, 20) Dalhin sila sa Simbahan. Ipagdasal ang taong iyon. Pero, ang nakakalungkot, hindi ito ginagawa ng mga tao ngayon. Bagkus, humahantong ang kanilang di-pagkakaunawaan sa korte kadalasan. Nagkakaroon ng demandahan, at kahit tapos na ang demandahan o kaso, hindi pa rin sila nagkakasundo. May galit pa rin sila sa isa't isa. 

Ang Simbahan ay isang komunidad. Lahat ng tao ay malugod na tinantanggap dito sa Simbahan. Sama-sama nating ipinagdarasal bilang isang komunidad ang pagbabagong-buhay ng mga makasalanan. Tayo ay nananalangin para sa ating mga sarili at para sa lahat ng tao. Nagdarasal tayo sa Diyos para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan at ang mga kasalanan ng sangkatauhan. Sa tulong ng Simbahan, ang mga makasalanan ay makakapag-bagong buhay. 

Pero, kung hindi umubra ang mga iyon, iniuutos sa atin ng Panginoong Hesus na ituring Hentil ang ating kapatid na hindi pa rin makikinig. Kapag matigas ang kanyang ulo at ayaw pa rin niyang makinig, pwede mo na siyang pakawalan. Pwede na natin siyang palayain. Ituring na Hentil. Pero, ano ba ang ginawa ni Hesus sa mga itinuring na Hentil? Minahal pa rin Niya ang mga Hentil, katulad natin. Ang utos pa nga ni Hesus, "Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo." (Mateo 5, 44) Kahit kaaway natin, iniuutos pa rin ni Hesus na ipagdasal natin sila. Hindi dapat tayo tumigil sa pagmamahal at pagdasal para sa ating kapwa, kahit hindi maayos ang di-pagkakaunawaan. 

Walang sawa ang pagmamahal ng Diyos sa atin. Hindi nagtitigil ang Panginoon sa Kanyang pagmamahal at pagpapasensya sa ating mga makasalanan. Bagamat maraming pagkakataon kung kailan nagiging matigas ang ating mga ulo, Hinihintay Niya ang tamang oras ng ating pagbabago at pagbabalik-loob sa Kanya. Nawa'y ipadama natin ang ating pagmamahal sa kapwa, kahit matigas pa ang kanilang mga ulo. Huwag nawa tayong magsawa sa pagmamahal at pagdarasal para sa kanila, kahit may mga problema tayo sa kanila. Ang Diyos ay hindi nagsasawa sa atin. Nawa'y huwag tayong magsawa sa ating mga kapatid at kapwa. 

O Diyos, tulungan po Ninyo kaming maging maging maawain, mapagmahal, at mapagpasensya sa aming mga kapatid at kapwa-tao, katulad ng Iyong pagpapasensya, pagmamahal at awa Mo sa amin. Amen.