Linggo, Agosto 31, 2014

PAGTANGGAP SA KRUS NG ATING BUHAY

Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Jeremias 20, 7-9/Salmo 62/Roma 12, 1-2/Mateo 16, 21-27



Ipinahayag ng Panginoong Hesukristo sa unang bahagi ng Ebanghelyo ngayong Linggo na Siya'y magpapakasakit, mamatay at muling mabubuhay sa ikatlong araw. Alam ng Panginoon na hindi Niya matatakasan ang krus. Gustuhin man ng Panginoon na takasan ang kamatayan sa krus, hindi Niya magawa ito. Naparito ang Panginoon upang tuparin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas. Kung naalala natin sa Ebanghelyo noong nakaraang Linggo, ipinahayag ni San Pedro Apostol na si Hesus ang Kristo, ang Mesiyas, ang Hinirang ng Diyos. Sa Ebanghelyo ngayon, ipinapahayag ni Hesus sa unang pagkakataon sa Kanyang mga alagad ang Kanyang misyon bilang Mesiyas. 


Ayon sa mga alagad, lalung-lalo na para kay San Pedro Apostol, ito'y isang kabiguan para kay Kristo. Hindi ito ang inaasahan nila sa Mesiyas na matagal na nilang hinihintay. Napakasakit ito para sa kanila. Hindi nila matanggap ang sinasabi ni Kristo. Ang inaasahan nila kay Kristo ay isang pulitikong tagapamuno. Umaasa sila na palalayain sila ni Kristo mula sa pagkaalipin. Umaasa sila na pababagsakin ni Kristo ang mga Romano. Isang kabiguan para sa kanila ang marinig mula kay Kristo na Siya ay mamamatay. 

Si San Pedro Apostol ay nagsalita para sa mga alagad. Tutol ang mga alagad sa misyon ni Hesus na mamatay. Hindi nila maintindihan at hindi nila pumayag na si Hesus ay mamamatay. Isa itong kabiguan para sa kanila. Hindi sila papayag na mamatay si Hesus. Pero, pinagalitan ni Hesus si Pedro. Tinawagan pa naman si Pedro na "Satanas." Talaga bang sinadya ni Hesus na tawaging "Satanas" si Pedro? Hindi. Gumagamit si Hesus ng malalakas na wika upang ipaliwanag ang Kanyang sinasabi. Sa kaso ni Pedro, ang ibig sabihin ng "Satanas" ay "kumukontra," "humaharang." 

Muling nagsalita ang Panginoon tungkol sa krus sa ikalawang bahagi ng Mabuting Balita ngayon. Ito ang kundisyon ng pagsunod sa Panginoong Hesus. Kailangang pasanin ng sinumang nais sumunod sa Panginoon ang kanyang krus at sumunod sa Panginoon. Hindi madali ang pagsunod sa Panginoon. May mga krus na dapat nating pasanin sa ating pagsunod sa Panginoon. May mga pagsubok tayong dadaanan sa ating pagsunod sa Panginoon. 

May isang kwento tungkol sa isang taong nagpapasan ng krus kasama ang Panginoon. Habang pinapasan niya ang sarili niyang krus, naramdaman niyang mabigat ito. Masyadong mabigat para sa kanya ang krus na ibinigay sa kanya. Kaya, tinanong niya ang Panginoon, "Panginoon, maaari ko po bang bawasan ang bigat ng krus nang kahit kaunti lamang?" Pinayagan naman siya ng Panginoon. Nang hindi na gaanong mabigat, pinasan na niya ang krus. At nang dumating nila sa bangid, akala ng taong ito na tapos na ang kanilang paglalakbay. Pero, ang sabi ng Panginoon, "Hindi pa tayo tapos. Tatawid tayo." Noong iniangat ng taong ito ang kanyang krus, hindi niya maabot ang kabilang bundok. 

Hindi nga madali ang pagsunod sa Panginoon. Ang krus na ibinigay sa atin ay hindi madaling pasanin ito. Bagamat matutulungan tayo ng ating mga kaibigan, kinakailangang pasananin natin ang ating mga krus sa buhay. Masakit man ito para sa atin, pero ito ang katotohanan. Hindi laging madali ang buhay. May mga pagsubok at mga krus na pagdadaanan natin sa buhay. Napakasakit ito para sa atin, pero kailangan nating tanggapin ang katotohanan. 

Si Hesus ay nakaranas din ng matinding pagsubok sa buhay. Bagamat alam ni Hesus na Siya'y mamamatay sa krus alang-alang sa sangkatauhan, nahirapan Siya sa Halamanan ng Hetsemani. Nagdusa ang Panginoon sa gabi bago Siya dinakip at pinatay. Nanalangin si Kristo na kung maaari'y iligtas Siya ng Ama mula sa nalalapit Niyang kamatayan. Isa itong pagsubok sa buhay ni Hesus. Alam ni Hesus na dapat itong mangyari, pero nahihirapan Siya sa paggawa ng desisyon. Dala ni Hesus ang takot sa nalalapit Niyang kamatayan. 

Nang matapos ang pananalangin ng Panginoong Hesus, ang sabi Niya sa Ama, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Sumuko si Hesus sa kalooban ng Ama. Tinanggap Niya ang kalooban ng Ama. Dahil sa panibagong lakas mula sa Ama, nakahanda si Hesus na harapin ang Kanyang kamatayan. Hindi na umatras si Hesus o tumakas mula sa Kanyang kamatayan. Bagkus, hinarap Niya ito nang buong katapangan. Ang katapangan ni Hesus upang tanggapin ang Kanyang krus ay nagmula sa Ama. 

Katulad ni Hesus, manalangin tayo sa Ama na pagkalooban Niya tayo ng katapangan. Sa gayon, magkakaroon tayo ng lakas ng loob upang tanggapin at pasanin ang ating mga krus sa buhay. Magkakaroon tayo ng lakas upang harapin ang mga pagsubok sa buhay. Ang Panginoong Hesus ang nagsabi sa Ebanghelyo, "Kung ibig ninuman na maging alagad Ko, kailangan niyang limutin ang lahat na ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa Akin." (Mateo 16, 24) 

Hindi tayo nag-iisa sa mga pagsubok at mga krus sa buhay natin. May kasama tayo. May karamay tayo sa ating mga pagsubok at mga krus sa buhay - si Hesus. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Kaisa natin si Hesus sa hirap at ginhawa. Siya ay kaisa natin sa ating mga krus at mga pagsubok sa buhay. Makiisa nawa tayo sa paghihirap ni Hesus. 

O Diyos, pagkalooban Mo nawa kami ng katapangan upang magkaroon kami ng lakas ng loob na harapin ang mga pagsubok sa buhay at pasanin ang ating mga krus. Nawa'y makiisa kami sa pagdurusa ni Hesus. Amen. 

Linggo, Agosto 24, 2014

HESUS: ANG MESIYAS NA HINIRANG NG DIYOS

Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 22, 19-23/Salmo 137/Roma 11, 33-36/Mateo 16, 13-20 



Dalawang beses nagtanong ang Panginoon sa Ebanghelyo ngayon. Ang unang tanong ng Panginoon ay kung ano nga ba ang tingin sa Kanya ng ibang tao. Ayon sa ibang tao, ang Panginoong Hesus ay si San Juan Bautista na muling nabuhay, si Propeta Elias, at iba pang mga propeta na muling nabuhay. Para sa mga tao, si Hesus ay isang propeta sapagkat nagtuturo Siya katulad ng isang propeta. Misyon din ni Hesus ang mangaral tungkol sa katotohanan (Juan 18, 37). 

Ang ikalawang tanong ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo ay isang nang personal na katanungan. "Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino Ako?" Sa ibang salita, "Sino Ako ayon sa inyong sarili?" Personal nang tinatanong ng Panginoon ang mga alagad. Hindi na kung ano ang tingin ng ibang tao sa Kanya, kundi ang tingin ng mga alagad sa Panginoon.

Kinakailangan ng masusing pagninilay ang sagot sa katanungang ito. Pagkatapos ng matagal na pagsasama nina Hesus at ang mga alagad, nais malaman ni Hesus kung gaano ba Siya nakikilala ng mga alagad. Ginagamit ni Hesus ang pagkakataong ito upang magpakilala Siya sa mga alagad. Ang mga sagot ng ibang tao ay mali sapagkat si Hesus ay hindi si San Juan Bautista, ang Propeta Elias o sinumang propeta. May isang bagay na hindi nakikita ng mga tao kay Hesus. 

"Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino Ako?" Nais malaman ni Hesus kung gaano bang kalalim ang pagkakilala ng Kanyang mga alagad sa Kanya. Nais ding malaman ni Hesus kung nauunawaan nila ang Kanyang misyon. Malapit nang dumating ang pagwawakas ng Kanyang misyon. Ginagamit ni Hesus ang katanungang ito upang turuan pa ang mga alagad kung sakaling hindi pa nila naiintindihan kung sino nga ba si Hesus at kung ano nga ba ang Kanyang misyon. Isa itong pagkakataon para kay Hesus upang muling magpakilala at ipaalam sa kanila kung ano nga ba ang Kanyang misyon. 

Si San Pedro Apostol ay sumagot para sa mga alagad, "Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay." Magkaparehas ang kahulugan ng Kristo at Mesiyas. Ang ibig sabihin ng Kristo at Mesiyas ay "Hinirang." Para kay San Pedro Apostol at sa mga alagad ni Hesus, si Hesus ang Hinirang ng Diyos. Hinirang ng Diyos ang Panginoong Hesus upang iligtas ang sangkatauhan. Nagpahayag ang mga propeta ng Matandang Tipan tungkol sa isang Mesiyas na susuguin ng Diyos upang iligtas ang bayang Israel. Makikita natin ito na tinutupad sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo.

Para kay Hesus, tama ang sagot ni Pedro. Hinirang at sinugo ng Diyos Ama ang Diyos Anak na si Hesus upang maging Mesiyas. Ang misyon ni Hesus ay ang misyon ng Mesiyas. Si Hesus ay dumating upang iligtas ang sangkatauhan. Pero, alam ni Hesus na hindi nanggaling ito mismo kay Pedro. Bagkus, ang sagot na ito ay pinagkalooban ng Ama kay Pedro. Muling ipinakilala ng Ama ang Anak. Sa pamamagitan ng sagot ni Pedro, ipinapakilala muli ng Ama si Hesus. Ipinahayag ito ni Pedro dahil sa grasya ng Ama. 

Hinirang si Hesus na maging Santo Papa ang Apostol San Pedro. Binigyan ni Hesus ng kapangyarihan si San Pedro Apostol. Si San Pedro Apostol ay ginawang bato na kinatatayuan ng Kanyang Simbahan at pinagkalooban kay San Pedro Apostol ang mga susi sa kaharian ng langit. Kung paanong hinirang ng Ama si Hesus upang maging Mesiyas, gayon din naman, hinirang ni Hesus si San Pedro Apostol upang maging kinatawan Niya dito sa lupa pagkaalis Niya sa mundong ito. Ang Santo Papa ang bikaryo ni Kristo dito sa lupa. Si San Pedro Apostol ang kauna-unahang Santo Papa at patuloy itong pinapasa magpahanggang ngayon. 

Sino ngayon si Hesus para sa atin? Ibinigay na ni San Pedro Apostol ang pinakasimpleng sagot sa katanungang ito. Para sa atin, si Hesus ang Mesiyas na hinirang ng Diyos, ang Anak ng Diyos na buhay, ang Tagapagligtas natin. Nawa'y lumalim pa ang ating pananalig kay Hesus, ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na buhay, ang ating Tagapagligtas, katulad ni San Pedro Apostol, ang batong kinatatayuan ng Santa Iglesia, ang unang Santo Papa. 

Linggo, Agosto 17, 2014

PANANALIG SA AWA NG DIYOS

Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 56, 1. 6-7/Salmo 66/Roma 11, 13-15. 29-32/Mateo 15, 21-28 



Ipinahihiwatig ng mga Pagbasa ngayong Linggo ang awa ng Diyos. Sa Unang Pagbasa, maririnig natin ang pagiging maawain ng Diyos. Ipinapakita ng Diyos na maawain Siya, pati sa mga dayuhan. Ang Panginoong Diyos ay ang Diyos para sa lahat. Wala Siyang kinakampihan. Pati mga dayuhan ay tinatawag Niya upang maging kabilang sa Kanyang bayan. Walang pinapanigan ang Diyos. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol din sa awa ng Diyos sa gitna ng pagiging masuwayin ng sangkatauhan. Bagamat hindi nais ng Diyos na magkasala ang sangkatauhan laban sa Kanya, hinahayaan Niya ang sangkatauhan upang ipadama sa kanila ang Kanyang awa. Sa pamamagitan ng pagpapadama ng Kanyang awa sa mga masuwayin, binibigyan Niya ng pagkakataon ang mga masuwayin upang magbalik-loob sa Kanya. 

Ang Ebanghelyo ngayong Linggo ay tungkol sa pananalig ng Cananea kay Hesus. Humanga si Hesus sa malalim na pananalig ng babaeng Cananea sa Kanya. Para sa babaeng Cananea, hindi naging hadlang ang pagiging pagano upang humingi ng tulong kay Hesus. Bagamat naparito si Hesus para iligtas ang bayang Israel, hindi ito naging hadlang para sa babaeng Cananea. Nagtiyaga siya upang pagbigyan siya ni Hesus. Alam ng Cananea na si Hesus ang sagot sa kanyang problema. Nananalig ang babae na tutulungan siya ni Hesus sa gitna ng pagiging pagano niya. 

Sinubok ni Hesus ang pananalig ng babaeng ito sa pamamagitan ng dalawang paraan. Una, sinabi ni Hesus sa babae na naparito Siya upang iligtas ang bayang Israel, hindi ang mga Hentil. Ang babaeng ito ay kilala bilang isang Hentil. Hindi siya Hudyo. Bagkus, siya ay isang Cananea. Hindi siya kabilang sa mga tupa ng Israel. Isa siyang Hentil. Wala siyang lugar sa kaligtasan ng Diyos. Wala siyang karapatan upang humingi ng tulong kay Hesus. 

Pangalawa, tinawagan siyang tuta ni Hesus. Masakit ito para sa babaeng Cananea. Bakit? Sapagkat walang sinumang tao sa buong mundo ang natutuwa kapag tuta ang tawag sa kanya. Napakasakit para sa isang tao na tawagin siyang tuta. Pero, ang babaeng Cananea ay sanay na sa ganitong pagtawag sa kanya. Tinatawagan siyang tuta ng bawat Hudyong nakakatagpo niya. Hindi bago para sa kanya ang pagtawag sa kanya bilang tuta. 

Hindi nagpatalo ang babaeng Cananea sa mga sinabi ni Hesus. Dahil sa lalim ng kanyang pananalig, nagtiyaga siya upang kumbinsihin si Hesus. Hindi niya tinigilan ang paghingi ng tulong mula kay Hesus, kahit na siya'y pinaaalis ng mga alagad at ni Hesus mismo. Ang Panginoong Hesus ay humanga sa babaeng Cananea dahil sa kanyang pananalig. Nanalig ang babaeng Cananea na si Hesus ay maawa sa kanya at siya'y tutulungan. Dahil sa pananalig ng Cananea, pinagaling ni Hesus ang anak ng babaeng Cananea. Ang demonyo na umaalipin sa anak ng babaeng Cananea ay umalis mula sa kanya. 

Ang pagiging mapagpasensya at ang pananalig ng babaeng Cananea ay isang napakagandang halimbawa para sa ating lahat. Sa kabila ng pagpipigil sa kanya ng mga alagad at ni Hesus, hindi siya nawalan ng pag-asa. Hindi nawalan ng pananalig ang babaeng Cananea, lalung-lalo na noong sinubukan siya ni Hesus. Bagkus, nagtiyaga ang babaeng Cananea at nagpamalas ng malalim na pananalig sa awa ng Panginoon. Nanalig siya na kaawaan ng Panginoon ang kanyang anak at pagbibigyan ng Panginoon ang kanyang kahilingan. 

Ang awa ng Panginoon ay para sa lahat ng tao. Anuman ang ating lahi, ang awa ng Panginoong Diyos ay para sa ating lahat. Manalig lamang tayo sa awa ng Panginoon, katulad ng babaeng Cananea sa Ebanghelyo, at ipapamalas ng Panginoon ang Kanyang awa sa ating lahat. Hindi para sa isang spesipikong grupo o lahi ang awa ng Diyos. Walang pinapanigan ang Panginoong Diyos. Ang Diyos ay ang Diyos ng lahat. Patuloy ipinapamalas ng Diyos sa bawat araw ang Kanyang awa sa lahat. 

Biyernes, Agosto 15, 2014

ANG PAGIGING MAPALAD NG MAHAL NA BIRHENG MARIA SA PANINGIN NG DIYOS

Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria 
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56 



Isang napakaespesyal na pagdiriwang ang ipinagdiriwang ng Simbahan ngayon. Sa araw na ito, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Pagkakaakyat sa Langit sa Mahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria. Sa katapusan ng buhay ng ating Mahal na Ina sa lupa, iniakyat ng Diyos ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Ina sa langit. Hindi pinayagan ng Diyos na mabulok ang katawan ng Mahal na Birheng Maria sa lupa sa katapusan ng kanyang buhay. Dahil dito, ang katawan at kaluluwa ni Maria ay iniakyat ng Diyos sa langit bilang gantimpala sa pagiging Ina ng Anak ng Diyos na nagkatawang-tao, ang Panginoong Hesukristo. 

Bakit napakaespesyal si Maria sa paningin ng Diyos? Dahil ang Mahal na Birheng Maria ang nagdala sa ating Panginoong Hesukristo sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Siya ang naging ina ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y nabubuhay dito sa lupa. Ang Mahal na Birheng Maria ay naging mapalad sapagkat siya'y nanalig at tumalima sa kalooban ng Diyos. Si Maria ay nanalig at naging tapat sa kalooban ng Diyos. Hindi niya hinadlangan ang kalooban ng Diyos. Bagkus, tinulungan niya ang Diyos sa Kanyang plano ng kaligtasan. 

Sa lahat ng kababaihan, si Maria ang bukod na pinagpala sa lahat. Pinagpala siya ng Diyos. Pinalad ng Diyos si Maria sapagkat siya'y pinili ng Diyos upang dalhin sa kanyang sinapupunan ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Isang espesyal na karangalan para kay Maria ang mapili bilang Ina ng Diyos. Hindi diyosa si Maria. Bagkus, si Maria ay isang simpleng babae, isang Nazarena. Pero, sa kabila nito, si Maria ay pinili ng Diyos upang maging Ina ng Panginoong Hesus, ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Dalawang tao mula sa Banal na Biblia ay iniakyat ng Diyos sa langit (maliban sa Panginoong Hesus). Ang una ay si Enoc. Mababasa natin sa ika-5 kabanata ng aklat ng Genesis na si Enoc ay nawala sapagkat siya'y kinuha ng Diyos pagkatapos ng tatlong daa't animnapu't limang taon ng kanyang pamumuhay dito sa lupa (5, 23-24). Ang ikalawa naman ay si Propeta Elias. Sa Ikalawang Aklat ng mga Hari, mapapakinggan natin na si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo at nakikita ito ni Eliseo, ang magpapalit sa kanya (2, 11). 

Kung iniakyat ng Diyos ang dalawang dakilang taong ito mula sa Banal na Biblia, gaano pa kaya ang Birheng Maria? Hindi ba nararapat lamang na iakyat ang Mahal na Birhen sa langit sa katapusan ng kanyang buhay? Oo, sapagkat pinili ng Diyos ang Birheng Maria upang maging Ina ni Hesus. Hindi pinayagan ng Diyos na mabulok ang katawan ng Birheng Maria. Bakit? Sapagkat dinala ni Maria si Hesus sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Si Maria ang Kaban ng Bagong Tipan. Ang Bagong Tipan na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ay si Hesus.

Nararapat lamang na bahagi ng Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa Magnificat - Ang Awit ng Mahal na Birheng Maria. Pinuri ni Maria ang Diyos dahil sa Kanyang paglingap sa Kanyang abang alipin. Si Maria ang abang alipin ng Diyos. Paano? Sapagkat pinili ng Diyos si Maria upang maging Ina ni Kristo. Sa halip na takasan ang pananagutang ito, pinili ni Maria na tumalima at sumunod sa kalooban ng Diyos. Gaano mang kahirap para sa Mahal na Birhen, pinili pa rin niyang sumunod sa kalooban ng Diyos. Dahil dito, si Maria ay naging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. 

Sabi nga ni Elisabet sa Ebanghelyo na si Maria ay bukod na pinagpala sa lahat ng mga babae. Tunay ngang pinagpala ang Mahal na Ina sa lahat ng mga kababaihan. Pinili siya ng Diyos upang maging Ina ni Kristo. Iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria bago siya ipanganak ni Santa Ana. Sa gayon, naging malinis si Maria at naging karapat-dapat upang maging Ina ng Panginoong Hesukristo. Hindi siya dinungisan ng kasalanang mana. 

Sa katapusan ng buhay ng Mahal na Birheng Maria, naalala siya ng Diyos. Naalala ng Diyos ang Kanyang abang alipin na si Maria. Hindi niya pinayagang mabulok sa libingan ang katawan ng Mahal na Ina. Bagkus, iniakyat ng Diyos si Maria sa langit - katawan at kaluluwa. Ginantimpalaan ng Panginoong Diyos ang Mahal na Birheng Maria dahil sa kanyang pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos. Kapiling na ng Mahal na Birheng Maria sa langit ang kanyang Anak na minamahal, ang Panginoong Hesukristo. 

Mula sa pagiging abang alipin ng Diyos, itinaas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria. Pinaglingkuran ng Mahal na Ina ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos. Itinaas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria dahil sa kanyang pagpapakababa bilang abang alipin ng Diyos. Kabilang ang ating bansang Pilipinas sa mga bansang nagbibigay-pugay sa Mahal na Birheng Maria dahil sa kanyang pananalig at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Pilipinas nga ay kilala bilang isang Pueblo Amante de Maria (Bayang Sumisinta kay Maria) dahil sa lalim ng pagmamahal at debosyon ng maraming mga Pilipinong Katoliko sa Mahal na Birheng Maria. 

Tunay ngang mapalad ang Mahal na Birheng Maria. Dahil sa kanyang pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos, itinaas siya ng Diyos. Si Maria ay namuhay bilang abang alipin ng Diyos. Buong pagpapakumbabang nanalig at sumunod ang Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Sa katapusan ng kanyang buhay, ginantimpalaan si Maria ng Diyos. Ano ang gantimpalang iyon? Iniakyat ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa langit - katawan at kaluluwa. 

Linggo, Agosto 10, 2014

SA GITNA NG MGA PAGSUBOK

Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
1 Hari 19, 9a. 11-13a/Salmo 84/Roma 9, 1-5/Mateo 14, 22-33 



Ipinahihiwatig ng mga Pagbasa ngayong Linggo ang pananalig sa Panginoong Diyos sa gitna ng mga pagsubok. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na si Propeta Elias ay pumunta sa Bundok ng Diyos sa Horeb dahil natakot siya kay Reyna Jezebel. Hinamon ni Propeta Elias ang mga propeta ni Baal na patunayan kung sino ang tunay na Diyos - si Baal o ang Panginoon. Binigyan ni Elias ng palatandaan kung sino ang tunay na Diyos - ang sinumang tumugon sa pamamagitan ng apoy sa pagtawag ng mga propeta ni Baal at ni Propeta Elias. Ang Panginoon ay tumugon sa pagtawag ni Propeta Elias sa pamamagitan ng apoy at nagpatunay na Siya nga ang tunay na Diyos. Dahil dito, ang mga propeta ni Baal ay hindi makatakas at ipinagpapatay. 

Galit na galit si Reyna Jezebel kay Propeta Elias nang malaman niya ito. Dahil dito, nagpadala ng isang sugo kay Propeta Elias si Reyna Jezebel upang sabihin kay Propeta Elias na may balak siyang patayin si Propeta Elias. Dahil sa ginawa ni Propeta Elias, binalak ni Reyna Jezebel na patayin si Propeta Elias bilang pagganti sa ginawa niya. Natakot si Propeta Elias kay Reyna Jezebel at nagtago sa Bundok ng Diyos sa Horeb. 

Pero, ang Panginoon ang nagpalakas sa kalooban ni Elias. Kinausap ng Panginoong Diyos si Propeta Elias sa pamamagitan ng isang banayad na tinig. Ang banayad na tinig ng Diyos ang nagpalakas sa kalooban ni Elias. Pinawi ng tinig ng Panginoon ang takot ni Propeta Elias. Ipinapaalam ng Panginoon kay Elias na nandoon Siya upang pawiin ang takot ni Propeta Elias. Wala na siyang dapat katakutan. Kasama ni Propeta Elias ang Diyos. Hindi nag-iisa si Propeta Elias. Ang Diyos ang karamay niya sa kanyang pagsubok. 

Nagpahayag ng kanyang kalungkutan si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Si Apostol San Pablo ay nalungkot dahil sa kanyang mga kababayan. Hindi tinanggap ng mga kababayan ni Apostol San Pablo na ang Panginoong Hesus ang Mesiyas na matagal na nilang hinihintay. Bagamat matagal na naghanda at naghintay ang bayan ni Apostol San Pablo para sa pagdating ng Mesiyas, hindi nila tinanggap ang Mesiyas. Paano? Hindi nila tinanggap si Hesus.

Isang malaking pagsubok para kay Pablo ang di pagtanggap ng kanyang mga kababayan kay Hesukristo bilang Mesiyas. Pero, ang mga Hentil ay tumanggap agad kay Hesus bilang Mesiyas. Nalulungkot si San Pablo para sa kanyang mga kababayan. Hindi nila tinanggap si Hesus bilang Mesiyas na hinihintay. Kung gugustuhin niya, hihiwalay si San Pablo kay Kristo alang-alang sa kanyang mga kababayan. Pero, hindi niya magawa ito. Napakasakit ito para kay San Pablo.

Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin na inanyayahan ni Hesus si San Pedro Apostol upang maglakad sa ibabaw ng tubig. Natakot noong una ang mga alagad dahil akala nilang multo ang naglalakad sa ibabaw ng tubig. Isang malaking pagsubok pa nga para sa mga alagad na maglakbay sa gitna ng unos. Nahihirapan nilang kontrolin ang bangka dahil sa unos. Ngayon, isang taong naglalakad sa ibabaw ng tubig ang lumalapit sa kanila. Hindi ba nakakatakot iyon? 

Pero, pinalakas ni Hesus ang mga kalooban ng mga alagad. Hindi multo ang lumalapit sa kanilang bangka, si Hesus ang lumalapit sa bangka. Si San Pedro ang naglakas-loob upang hilingin sa Panginoon na payagan siyang maglakad sa ibabaw ng tubig. Dahil dito, inanyayahan ng Panginoon si Pedro upang maglakad palapit sa Kanya. Gusto din niyang maglakad sa ibabaw ng tubig, katulad ng Panginoon.

Noong naglalakad na si Pedro sa ibabaw ng tubig, natakot siyang bigla. Nawala ang kanyang konsentrasyon sa Panginoong Hesus. Ang unos ang umabala kay San Pedro kay Hesus. Hindi siya nakatutok kay Hesus noong naglalakad siya sa tubig. Dahil dito, lumubog sa tubig si Pedro. Isa na namang napakalaking pagsubok para kay Pedro ang paglubog niya sa tubig. Nahihirapan si San Pedro sa paglalakad sa tubig. Nasindak si San Pedro dahil sa unos. Hindi siya makatutok kay Hesus. 

May isa pang sanhi ng paglubog ni Pedro. Pinili niyang pansinin ang unos kaysa kay Hesus. Hindi niya piniling manatiling nakatutok kay Hesus. Hinayaan niya na guluhin siya ng unos. Ginulo ng unos si Pedro. Dahil sa tindi ng pagulo ng unos kay Pedro, hindi siya makatutok kay Hesus. Hindi makatutuok kay Hesus si Pedro dahil sa lakas ng unos. Hindi niya mapigilang isipin kung gaanong kalakas ang unos. Kaya, hindi makatutok si Pedro kay Hesus. 

Noong palubog na si San Pedro Apostol, tinawag niya ang Panginoong Hesukristo upang iligtas siya. Si Pedro'y iniligtas ng Panginoon. Kahit palubog na si San Pedro, nanalig pa rin siya na ililigtas siya ng Panginoon. Bagamat maliit ang pananalig ni Pedro sa mga oras na yaon, nanalig pa rin si Pedro na siya'y ililigtas ng Panginoon. Alam niya na nandoon ang Panginoon upang iligtas siya kung sakaling lulubog siya. Tumawag sa Panginoong Hesus si San Pedro, tinugon naman ni Hesus ang kahilingan ni Pedro. 

Siguro, mahirap ngang manalig sa Diyos sa panahon ng mga pagsubok. Dahil sa lakas ng pagsubok, nahihirapan tayong manatiling nakatutok sa Panginoon. Hindi nating maiwasang isipin kung gaano kalakas at mahirap pagdaanin ang pagsubok na iyon. May mga pagkakataon kung kailan tayo'y nagiging katulad ni San Pedro sa Ebanghelyo ngayon. Pinipili nating isipin ang lakas at kahirapang dulot ng pagsubok na dumating kaysa sa Panginoon. 

Bagamat nakakatuksong pagdudahan ang Diyos sa panahon ng mga pagsubok, huwag nawa tayong mawalan ng pananalig sa Diyos. Ang Diyos ay mas makapangyarihan at mas dakila pa kaysa sa mga pagsubok natin sa buhay. Kung kailangan ninyong tawagin ang Diyos, tumawag kayo sa Diyos. Tutugunin at tutulungan kayo ng Diyos sa mga problema at pagsubok ninyo sa buhay. Walang makakapantay sa Diyos. Kahit ang pinakamabigat na problema natin sa buhay ay walang kapantay sa Diyos. 

Huwag nawa tayong mawalan ng pananalig sa Diyos. Manalig lamang tayo sa Kanya. Gaano mang kalaki o kaliit ang pananalig natin sa Diyos, tutulungan Niya tayo. Manalig lamang tayo sa Diyos at tayo'y Kanyang tutulungan sa mga problema natin sa buhay. 

Panginoon, tulungan Mo kaming manalig sa Iyo sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. 
Amen. 

REFLECTIVE SONG: "Pananalig" - Bukas Palad Music Ministry


Linggo, Agosto 3, 2014

ANG KALUWALHATIAN NI KRISTO

Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A)
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Mateo 17, 1-9 



Isa sa mga tatlong alagad na isinama ng Panginoong Hesukristo noong Siya ay nagbagong-anyo ay si Apostol San Pedro. Nagsalita si Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kaluwalhatian ni Kristo. Sa pagbabagong-anyo ni Kristo sa Bundok Tabor, naniwala ang mga alagad na tungkol sa Kanya ang mga isinulat ng mga propeta. Ang mga propeta ng Matandang Tipan ay nagpahayag tungkol sa Mesiyas, ang Tagapagligtas na hinihintay ng bayang Israel. Natupad ang lahat ng ito sa katauhan ni Hesus - ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. 

Sa pagbabagong-anyo ng Panginoon, makikita natin ang isang kasulyapan sa Kanyang kaluwalhatian. Pero, bago Niya makamit ang kaluwalhatian, kinailangan ng Panginoon na magpakasakit, mamatay at muling mabuhay. Sa pamamagitan ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon, nakamit ng Panginoon ang Kanyang kaluwalhatian. Hindi ito magiging madali para sa Panginoong Hesus. Para kay Hesus, kinakailangang magdaan Siya ng hirap upang makamit Niya ang tagumpay. Hindi basta-basta mararating ang tagumpay nang gayon na lamang. 

Pero, ang pagbabagong-anyo ng Panginoong Hesus ay isang sulyap lamang sa Kanyang kaluwalhatian. Ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoon ay isa sa mga mahalagang pangyayari sa Kanyang buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang pagbabagong-anyo, binibigyan ng Panginoon ng idea kung ano nga ba talaga ang Kanyang sadya dito sa mundo. Hindi Siya palibot-libot lang dito sa mundo. May sadya ang Panginoon sa sanlibutan. May misyon ang Panginoon. Naparito Siya dito sa sanlibutan dahil sa isang napakaimportanteng gawain. 

Ang Panginoon ay naparito upang iligtas ang sangkatauhan. Hindi ito isang madaling gawain para sa Panginoon. Napakasakit ito para sa Panginoong Hesus. Masakit ang mga pakong ipapako sa Kanyang mga kamay. Pero, pinili pa rin ni Hesus na tiisin ang mga ito alang-alang sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis, nakamit Niya ang Kanyang kadakilaan. Nakamit ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis ang Kanyang tagumpay. Ang tagumpay ni Hesus ay atin ding tagumpay. 

Kaya nga, may isang kasabihan, "No pain, no gain." Walang hirap, walang tagumpay. Ang Panginoon ay nakalaan upang magtiis ng kahirapan alang-alang sa sangkatauhan. Pero, hindi natatapos doon ang misyon ni Hesus. Muli Siyang mabubuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng Kanyang pagbabagong-anyo, binibigyan tayo ng Panginoon ng isang kasulyapan sa Kanyang kaluwalhatian na makakamit Niya sa pamamagitan ng muling pagkabuhay. Bago magkamit ng Kanyang kaluwalhatian, kailangang dumaan ang Panginoon sa mga pagdurusa na kailangan Niyang tiisin. 

Bagama't hindi madali ang magdusa para sa sangkatauhan, pinili pa rin ng Panginoong Hesus na magdusa para sa sangkatauhan. It's worth it, ika nga sa wikang Ingles. Mahirap at masakit man ito para sa Panginoon, ito'y makakabubuti para sa ating lahat. Pagkatapos ng Kanyang pagdurusa, makakamit ng Panginoon ang Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay. Hindi magtatapos ang lahat sa kamatayan sa krus. Muling mabubuhay ang Panginoon sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng mga pagtitiis ng Panginoon, nakamit Niya ang Kanyang kaluwalhatian. 

Kapag may pagdurusa, mayroon ding tagumpay. Bahagi ng buhay ang pagdurusa ng bawat tao. Pero, ang pagdurusang ito ay pansamantala lamang. May pag-asa pa. May bukas pa. Hindi magtatapos ang lahat sa pagdurusa. Mayroon ding tagumpay sa buhay. Si Hesus nga, nagkaroon ng mga pagkakataon sa buhay Niya kung kailan Siya nagdusa. Ang pinakarumal-dumal na pagdurusa sa buhay ni Hesus ay ang Kanyang kamatayan sa krus. Pero, pagkatapos ng Kanyang pagdurusa, muling nabuhay si Hesus. Nakamit ni Hesus ang Kanyang kaluwalhatian. Nagtagumpay si Hesus. 

Isang mahalagang pangyayari sa buhay ni Kristo ay ang Kanyang pagbabagong-anyo sa Bundok Tabor. Sa pamamagitan nito, muling naipakilala ni Kristo ang Kanyang sarili. Hindi tinakasan ng Panginoon ang kamatayan. Alam ng Panginoong Hesukristo na hindi Niya makakamit ang tagumpay kapag tinakasan Niya ang krus at ang Kalbaryo. Kung maaari sana, pwedeng tumakas si Hesus mula sa nalalapit Niyang kamatayan. Pero, pinili Niyang harapin at tiisin ito alang-alang sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay, nakamit Niya ang tagumpay para sa Kanyang sarili at para sa ating lahat. Hindi man madali ito para kay Hesus, pero pinili pa rin Niyang gawin ito alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming mag-isip ng mga positibong bagay, lalung-lalo na ang tagumpay, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. Amen. 

Sabado, Agosto 2, 2014

DIYOS NG BIYAYA

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 1-3/Salmo 144/Roma 8, 35. 37-39/Mateo 14, 13-21 



Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa upang anyayahan ang lahat ng tao na makisalo sa Kanya. Muli tayong magugutom at mauuhaw dahil sa mga pagkain at inumin dito sa mundo, at iyon ay natural. Hindi tayo magtatagal dito sa mundo kapag isang beses lamang sa ating buhay tayo kumain. Kaya, mahalaga ang pagkain at inumin sa ating buhay. Ito'y makakatulong sa atin upang tayo ay mabuhay. Pero, ang Diyos lamang ang makakapawi sa ating pisikal at espiritwal na kagutuman at kauuhawan. Wala na tayong hahanapin pa kapag ang Diyos ang pumawi sa ating kagutuman at kauuhawan sapagkat sagot niya ang bawat kagutuman at kauuhawan ng katawan at kaluluwa. 

Sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos. Kahit gagutuman o kauuhawan, walang makakapaghiwalay sa atin sa Diyos. Ang Diyos ay mas dakila pa kaysa sa bawat kagutuman o kauuhawan ng bawat tao. Kayang-kaya nating pagtagumpayan ang kagutuman o kauuhawan alang-alang sa Diyos. Walang makakapantay sa Diyos. Nasa Diyos na ang lahat ng bagay. Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos? Wala, wala at isang malaking WALA.

Ang ating Ebanghelyo ay tungkol sa isang himala ni Hesus. Si Hesus ay nagpakain ng limang libong tao. Paano Niya pinakain ang ganitong karaming tao? Sa pamamagitan ng dalawang isda at limang tinapay. Mukhang imposible ito, sa unang tingin. Pero, ginamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang paramihin ang tinapay at isda nang sa gayon ay mabusog ang limang libong tao. Isang ilang na lugar ang lugar na kung saan si Hesus at ang mga tao ay nagkatipon. Gutom na gutom na sila. Kaya, tumugon si Hesus sa kagutuman ng mga tao sa pamamagitan ng pagpaparami ng tinapay at isda. 

Bago pinakain ni Hesus ang mga tao, pinagaling Niya ang maraming maysakit. Tandaan po natin na si Hesus ay nalungkot dahil sa pagpanaw ng Kanyang kamag-anak na si San Juan Bautista. Noong nabalitaan ni Hesus na pinapugutan ng ulo ni Herodes ang Kanyang pinsang si San Juan Bautista, Siya ay nalungkot. Nalungkot ang Panginoon katulad natin. Sino pa naman ang hindi malulungkot kapag nabalitaan ng isang tao na namatay na ang kanyang kamag-anak? Napakasakit iyon para sa isang tao. Dahil sa pagkamatay ni San Juan Bautista, ang Panginoon ay pumunta sa ilang na lugar upang ipagdasal at alalahanin ang Kanyang kamag-anak na si San Juan Bautista. 

Noong nalaman ito ng mga tao, sumunod sila kay Kristo. Kahit nalulungkot, pinili pa ring ni Kristo upang paglingkuran ang tao. Hindi naging hadlang ang kalungkutan ni Kristo dahil sa pagkamatay ni San Juan Bautista upang hindi paglingkuran ang mga tao. Maaari Niyang paalisin ang mga tao at sabihin sa kanila na wala Siyang panahon para sa kanila. Pero, hindi iyon ginawa ng Panginoon. Bagkus, naglingkod ang Panginoon sa kanila sa pamamagitan ng paggaling ng mga maysakit at pangangaral tungkol sa Mabuting Balita. 

Mapapansin natin sa ginawang pagsunod ng mga tao kay Hesus, hindi lamang sila nagugutom nang pisikal. Gutom na gutom sila sa atensyon ni Hesus. Nais nilang makita ang Panginoong Hesus. Gusto nilang marinig ang pangangaral ni Hesus. Gusto lamang nila makitang pagalingin ng Panginoon ang mga maysakit. Gusto nilang pagalingin sila ng Panginoon sa kanilang mga karamdaman. Kaya, sinunod nila si Hesus, kahit alam nila na ang pupuntahan Niya ay isang ilang na lugar. Sabik na sabik na ang mga tao para kay Hesus. 

Pagsapit ng dapit-hapon, noong ang mga tao ay nagugutom na, ang Panginoong Hesus ay gumawa ng isang plano. Kumbaga sa boy scout, si Hesus ay gumawa ng paraan upang pakainin ang mga tao. Ang motto ng mga boy scout, "Dapat laging handa." Kapag may isang problema, kailangang nakahanda ang mga boy scout upang gumawa ng paraan para sa problemang iyon. Nagkaroon ng isang napakalaking problema ang mga taong pumunta sa ilang upang makita at marinig si Hesus - wala silang makain. Ngunit, nakahanda si Hesus at alam ni Hesus kung ano ang kailangan Niyang gawin. 

Anong resulta ng pagpapakain ni Hesus sa mga tao? Nabusog ang lahat ng mga tao. May mga nasobrahan pang natira. Kuntento na ang mga tao dahil sa ginawa ni Hesus. Ipinapakita ng milagrong sa Ebanghelyo na sisik, liglig at umaapaw ang bawat biyaya ng Diyos sa atin. Hindi natin sukat akalain ang bawat biyaya ng Diyos sa atin. Wala na tayong hahanapin pa. Nasa Diyos na ang lahat. Walang makapapantay sa mga biyaya ng Diyos. 

Bahagi ng panalanging itinuro ng Panginoon ay ang paghingi ng ating kakanin sa araw-araw. Ipinapakita ng bahagi ng panalanging ito ang pagiging mapagpala ng Diyos. Hindi mapapantayan ng anumang bagay o kayamanan dito sa mundo ang mga pagpapala ng Diyos sa atin. Napakawagas ang Diyos kung magkakaloob ng biyaya sa atin. Pinupuspos tayo ng Diyos ng napakaraming biyaya sa atin. Anumang ang ating mga pangangailangan, ang Diyos ang magkakaloob sa atin. Kung pagkakalooban ng Diyos ang anumang mga pangangailangan natin, ito'y napakawagas at wala nang hahanaping iba. 

Ang lahat ng mga pagpapala ng Diyos sa atin ay napakawagas. Hindi mapapantayan ang Diyos pagdating sa mga biyayang ipinagkakaloob sa atin. Walang kulang sa anumang biyaya ng Diyos sa atin. Alam Niya ang ating mga pangangailangan. Hindi tayo manghihinayang sa anumang ipagkakaloob ng Diyos sa atin. Ipinagkakaloob ng Diyos sa atin ang mga biyayang ating kakailanganin, katulad ng pagkain, inumin at maraming iba pang mga pangangailangan natin. Siya lamang ang tanging nakakaalam sa lahat ng ating mga pangangailangan. 

Nawa'y sa ating pananalangin, huwag nating kalimutang magpasalamat sa Diyos sa dami-dami ng mga biyayang ating tinanggap. Karapat-dapat Siyang pasalamatan dahil sa mga biyayang ipinagkaloob Niya sa atin. Madalas puro tayo hingi ng hingi sa Panginoong Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Huwag nating kalimutang magpasalamat sa Diyos. Sa dami-dami ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon, huwag nating kalilimutang magpasalamat sa Kanya sa ating pananalangin sa Kanya.