Linggo, Oktubre 26, 2014

PAG-IBIG SA DIYOS AT KAPWA

Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Exodo 22, 20-26/Salmo 17/1 Tesalonica 1, 5k-10/Mateo 22, 34-40 


Nagsalita ang Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa tungkol sa pag-aapi sa kapwa-tao. Ang pag-aapi sa kapwa-tao ay isang kasalanan laban sa Diyos. Hindi nais ng Diyos na apihin ng tao ang bawat isa. Ito'y napakasakit para sa Kanya. Nagagalit ang Diyos sa mga taong umaapi sa kanilang kapwa-tao. Mahal na mahal ng Diyos ang tao. Ang tao'y nilikha na kawangis ng Diyos. Kaya, napakasakit para sa Diyos na makita na nag-aapihan ang Kanyang mga nilikha. Hindi ito ang pagsasalarawan sa Diyos. 

Ang pag-ibig ng mga taga-Tesalonica sa Diyos ang nagpalaganap ng Mabuting Balita sa lahat ng dako, ayon kay San Pablo Apostol sa Ikalawang Pagbasa. Tinanggap ng mga taga-Tesalonica nang buong puso at buong pagmamahal ang Mabuting Balita. Ang pag-ibig sa Diyos ang nag-udyok sa mga taga-Tesalonica na tanggapin ang Mabuting Balita at palaganapin ito sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Naging huwaran sila ng pagmamahal sa Diyos at kapwa. Ang kanilang pagmamahal sa Diyos at kapwa ang nag-udyok sa kanila upang mapalaganap sa iba't ibang lugar ang Mabuting Balita ng Panginoon. 

Sa ating Ebanghelyo, dalawang grupo ang nagtanong kay Hesus. Ang unang grupo ay ang mga Saduseo, na binanggit sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Sila'y pinatahimik ni Hesus noong sinagot ni Hesus ang katanungan tungkol sa muling pagkabuhay. Ngayon naman, ang mga Pariseo naman ang magtatanong kay Hesus upang Siya'y subukin. Ang mga Saduseo at Pariseo'y magkalaban sa ilang bahagi ng kanilang doktrina. Pero, nakatagpo sila ng isang kaaway sa katauhan ni Hesus. Kaya, kahit magkaiba ang kanilang mga doktrina, nagtulungan sila upang maidakip at patayin si Hesus. Si Hesus ang dahilan ng kanilang pagsasanib-puwersa. 

Tinanong si Hesus tungkol sa pinakamahalagang utos. Ano ang sagot ni Hesus sa tanong na ito? Ang sagot ni Hesus, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili." (Mateo 22, 37-39) Ang pag-ibig sa Diyos at kapwa ay ang pinakamahalagang utos. Nakasalalay ang pag-ibig sa Sampung Utos ng Diyos. May dalawang bahagi sa Sampung Utos ng Diyos. Ang unang bahagi ay tungkol sa pag-ibig sa Diyos at ang pangalawang bahagi naman ay tungkol sa pag-ibig sa kapwa. 

Ang pag-ibig ang umudyok sa Diyos na lalangin ang tao. Wala nang iba pang dahilan kung bakit nilikha ng Diyos ang tao. Ang tao'y nilikha ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig. Bagamat alam ng Diyos na susuwayin Siya ng tao, nilikha pa rin Niya ang tao. Isang halimbawa ay noong kinain nina Eba't Adan ang bunga na magkakaloob ng karunungan tungkol sa mabuti at masama. Pinagbawalan ng Diyos sina Eba't Adan na kainin ang bungang iyon. Pero, dahil tinukso sila ng ahas, kinain pa rin nila ito. Sila'y pinarusahan ng Diyos. Ibig sabihin noon na hindi na mahal ng Diyos sina Eba't Adan? Hindi. Bagamat sinuway nina Eba't Adan ang utos ng Diyos, minamahal pa rin sila ng Diyos. 

Ang Diyos ay isang Diyos ng pag-ibig. Inuutusan Niya tayong mahalin Siya at mahalin ang ating kapwa-tao. Ito ang katangi-tanging utos ng Diyos - mahalin Siya at mahalin ang ating kapwa. Kung iniibig natin ang Diyos at ang ating kapwa-tao, sumusunod tayo sa utos ng Diyos. Ang pag-ibig sa Diyos at kapwa-tao ay higit na dakila kaysa romantikong pag-ibig. Hindi romantikong pag-ibig ang tinutukoy sa Ebanghelyo. Ang pag-ibig na tinutukoy ng Panginoon ay mas malalim pa kaysa romantikong pag-ibig. 

Inuutos sa atin ng Panginoon na ibigin natin Siya nang buong puso, buong kaluluwa at buong pag-iisip. Paano natin magagawa ito? Sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya, ang kaisa-isang Diyos. Hindi lamang iyan. Kinakailangang ibigin natin ang ating kapwa-tao. Ang lahat ng tao ay nilikha na kawangis ng Diyos. Kung ang Diyos, minamahal nga natin, kahit hindi natin Siya nakikita, bakit hindi natin kayang ibigin ang mga nakikita natin, ang ating kapwa-tao? 

Mapagmahal ang Diyos sa ating lahat. Nawa'y ipakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Hindi sapat ang mga salita lamang. Kinakailangang ipakita natin ang ating pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng mga gawa. Ano ang pwede nating gawin? Manalangin tayo sa Kanya. Hindi lamang iyan. May isa pang utos sa atin ang Panginoon - ibigin ang ating kapwa-tao. Tayong lahat ay nilikha na kawangis ng Diyos. Pag-ibig ang dahilan kaya tayo ay nilikha na Kanyang kawangis. Nawa'y maipadama natin ang ating pagmamahal sa ating kapwa-tao. Sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao, tinutupad natin ang utos ng pag-ibig na galing sa Diyos ng pag-ibig. 

Panginoon, tulungan Mo kaming sundin ang Iyong utos na mahalin Ka at ang aming kapwa-tao, katulad ng pagmamahal Mo sa amin. Amen. 

Sabado, Oktubre 18, 2014

PAGMAMAHAL SA DIYOS AT BAYAN

Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 45, 1. 4-6/Salmo 95/1 Tesalonica 1, 1-5b/Mateo 22, 15-21 



Sa kapanahunan ni Hesus, ang mga Israelita ay namuhay sa pamumuno ng mga Romano. Ilan sa mga Israelita ay nagtrabaho para sa imperyo ng Roma bilang mga publikano. Galit na galit ang mga Israelita sa mga Romano dahil sa kalupitan ng mga Romano sa kanila. Kung kaya ay maraming mga Israelita ay bumalak na maghimagsik laban sa Roma. Galit na galit din ang mga Israelita sa mga maniningil ng buwis dahil ipinagkanulo ng mga maniningil ng buwis ang kanilang bayang Israel. Hindi nila itinuturing na kababayan ang mga publikano dahil sa ginawang pagkakanulo ng mga publikano sa bayang Israel. 

Ang mga kalaban ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon ay naghahanap ng kaso laban kay Hesus. Galit na galit sila kay Hesus. Balak nilang patayin si Hesus. Kaya, nagpulong sila at pinag-isipan kung paano nila mahuhuli si Hesus na nagsasalita ng masama. Inisip nila ang pinakamahirap na tanong na kung saan ay posibleng mahirapan si Hesus. Walang tamang sagot sa katanungan nila kay Hesus. Itatanong nila kay Hesus kung dapat nga bang magbayad ng buwis sa Cesar, ang Emperador ng Roma, o hindi dapat gawin iyon. 

Kapag ang sagot ng Panginoon ay oo, dapat magbayad ng buwis sa Emperador, sasabihin nila na ipinagkakanulo ng Panginoon ang Israel. Isang traydor ang Panginoon kapag pumayag Siya sa pagbabayad ng buwis. Pero kapag sinabi naman ng Panginoon na bawal ang pagbayad ng buwis kay Cesar, Siya'y isang nanghihimagsik. May kaso na ang mga kalaban ni Kristo laban sa Kanya. Kapag "oo" o "hindi" ang sagot ng Panginoon, may kaso ang mga kalaban Niya laban sa Kanya upang Siya'y dakipin at patayin. Bistado na ang Panginoon. Isa itong delikado o mapanganib na posisyon para sa Panginoon.

Batid ni Hesus ang iniisip ng Kanyang mga kaaway. Alam ni Hesus ang dahilan ng kanilang pagtanong sa Kanya tungkol sa isyung ito. Alam din ni Hesus ang dahilan ng kanilang pagbati sa Kanya ng mga mabubuting salita tungkol sa Kanya. Hindi sila nagtatanong nang kusang-loob. Nagtatanong ang mga kalaban ni Hesus upang subukin Siya at nang mahulog si Hesus sa bitag na pinagplanuhan nila. Kahit ano pang mga magagandang salita ang gamitin ng Kanyang mga kalaban, hindi nila mabibilog ang ulo at isipan ni Hesus. 

Ano ang sagot ni Hesus sa katanungang ito? Tatlong bagay ang ginawa ni Hesus bilang sagot sa katanungan ng Kanyang mga kalaban. Una, humingi si Hesus ng isang denaryo. Pangalawa, Siya naman ang nagtanong sa kanila kung ano ang itsura ng isang denaryo. Magtataka siguro tayo, bakit ba ito gagawin ni Hesus? Hindi ba Niya alam kung ano ang itsura o nilalaman ng isang denaryo bilang isang Israelita? Hindi. Alam ito ni Hesus bilang isang Israelita. Binabalik ni Hesus ang tanong sa mga kalaban Niya. 

Pangatlo, sinabi ni Hesus na ibigay kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos. Ano ang ibig sabihin nito? Bilang mga mamamayan, kailangang magbigay-galang at mahalin natin ang ating bansa. Kinakailangang magkaisa at magtulungan tayo sa ikauunlad ng ating bayan. Hindi lamang ang pulitiko ang may pananagutan sa bayan. Kinakailangang tulungan natin sila. Kailangang ipaliwanag natin kung ano ang mga ginagawa nila ay tama o mali. Ang mga problema sa ating bansa ay hindi lamang mga problema ng mga pulitiko, problema ng lahat ang problema ng bayan. Kaya, kinakailangang mag-tulungan tayo para sa bayan. 

Ibigay sa Diyos ang para sa Diyos. Hindi lahat ng bagay ay para sa bayan. May mga bagay na dapat nating ibigay sa Diyos. Ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay. Nilikha Niya ang langit at lupa. Nilikha tayong lahat ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang mga bansa sa mundo. Hindi lamang sa bayan dapat tayo magbigay galang. Dapat ibigay natin ang lahat ng paggalang sa Diyos. Ang Diyos ang may-ari sa lahat ng bagay. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay na nakikita natin sa mundo, at Siya ang tunay na may-ari ng lahat ng ito. 

Paano nating ipapakita ang ating paggalang sa Diyos? Sa pamamagitan ng pananalangin at pagmamahal sa Kanya. Kinakailangang sundan natin ang Kanyang mga utos. Minamahal tayo ng Diyos, dapat din natin Siyang mahalin. Dapat nating ipakita ang ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal, pagsamba at pagsunod sa Kanya. Ang Diyos ang unang nagmahal sa ating lahat, dapat nating ipakita ang ating paggalang at pagmamahal sa Kanya. Nararapat lamang na gawin natin ito para sa Diyos. 

Bilang mga Laykong Pilipino, hinahamon tayo ng Ebanghelyo ngayong Linggo ng Misyon na magbigay ng paggalang at pagmamahal sa Diyos at bayan. Kinakailangang mahalin natin ang Diyos na higit sa lahat ng bagay. Ang Diyos ang pinakadakila sa lahat. Siya ang Tagapaglikha ng lahat ng bagay. Kaya, dapat igalang natin ang mga nilikha ng Diyos at ang ating bayan. Sapagkat nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Sa pamamagitan ng ating paggalang at pagmamahal sa lahat ng mga nilikha ng Diyos, lalung-lalo na sa ating bayan, ipinapakita din natin ang ating pagmamahal at paggalang sa Diyos. 

Panginoon, tulungan Mo kami upang magbigay-galang at mahalin Ka namin sa pamamagitan ng pagmamahal at paggalang sa lahat ng Iyong mga nilikha, lalung-lalo na ang aming bayan. Amen. 

Linggo, Oktubre 12, 2014

ANG LAHAT AY INAANYAYAHAN SA PIGING NG KORDERO

Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 25, 6-10a/Salmo 22/Filipos 4, 12-14. 19-20/Mateo 22, 1-14 (o kaya: 22, 1-10) 


Ipinahihiwatig ng Panginoong Hesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo na ang lahat ng tao'y inaanyayahan sa Kanyang piging. Banal man o makasalanan, ang lahat ay inaanyayahan ng Panginoon upang maging kasalo Niya sa Kanyang piging. Ang piging ng Panginoon ay para sa lahat ng tao. Walang pinipili ang Panginoon. Bukas ang piging ng Panginoon para sa lahat ng tao. Walang exklusibo sa piging ng Panginoon. Sa hapag na inihanda ng Panginoon, tayong lahat ay inaanyayahan upang maging kasalo Niya. 

Sa Ebanghelyo, inilalarawan ni Hesus ang dalawang uri ng taong inanyayahan. Ang una ay ang mga taong talagang pinili at inanyayahan ng hari sa kasalan ng kanyang anak na lalaki. Ang mga talagang inanyayahan sa kasalan ay hindi nakinig sa mga alipin ng hari. Mas mahalaga para sa kanila ang kani-kanilang mga gawain kaysa sa paanyaya ng hari. Pinalad na nga sila na makasalo ang hari at ang kanyang anak na ikakasal, pero ayaw pa rin nilang pumunta. Hindi sila nakinig sa mga alipin ng hari. Para sa mga inanyayahan, mas mahalaga ang kanilang mga gawain kaysa pumunta sa kasalan ng anak na lalaki ng hari. 

Ganito rin ang ginawa ng mga tao bago dumating ang Panginoong Hesukristo sa mundo. Ang Diyos ay pumili ng mga propeta at sila'y isinugo Niya upang anyayahan ang mga tao upang tanggapin ang Mesiyas na walang iba kundi si Hesukristo. Bago dumating si Kristo sa sanlibutan, ang mga propeta'y isinugo ng Diyos upang ipaghanda ang mga tao nang sa gayon ay tanggapin nila si Kristo sa Kanyang pagdating sa sanlibutan. Pero, hindi pinansin ng mga tao ang mga sinabi ng mga propeta. Iilan sa kanila ay humamak at pumatay sa mga propetang isinugo ng Diyos. 

Ang ikalawang grupo naman ay ang mga taong nasa lansangan. Mga dukha ang mga taong nasa ikalawang grupo. Hindi sila karapat-dapat sa paningin ng mundo. Pero, inanyayahan pa rin sila ng hari. Kahit puro mahihirap at dukha ang mga inaanyayahan ng hari sa kasalan ng kanyang anak, sila'y inanyayahan pa rin ng hari upang ipagdiwang ang kasal ng kanyang anak. Hindi tinigil ng hari ang kasalan noong hindi tinanggap ng unang grupo ang kanyang paanyaya sa kasalan ng kanyang anak na lalaki. 

Maihahalintulad natin ang ikalawang grupo sa mga Hentil. Tayong lahat. Hindi tayo kabilang sa bayang hinirang ng Diyos. Hindi tayo karapat-dapat na tawagin at anyayahan ng Diyos. Pero, dahil sa grasya at awa ng Diyos sa atin, inanyayahan pa rin Niya tayo. Walang makakapigil sa Diyos na tayo'y anyayahan. Buong puso nawa nating tanggapin ang paanyaya ng Diyos. Nawa'y tanggapin natin ang paanyaya ng Diyos na makasalo Siya sa Kanyang piging. Bagamat hindi tayo karapat-dapat, inaanyayahan pa rin tayo ng Diyos at ginagawa Niya tayong karapat-dapat na makasalo Siya sa Kanyang piging.

Walang hindi inaanyayahan sa hapag ng Panginoon. Ang lahat ng tao'y inaanyayahan upang makasalo ang Panginoon sa Kanyang piging. Nawa'y tanggapin natin ang paanyaya ng Panginoon na maging kasalo Niya sa Kanyang piging nang buong puso at kaluluwa. Ito'y isang magandang paanyaya mula sa Panginoon. Bagamat tayo'y hindi karapat-dapat dahil mga makasalanan tayo, inaanyayahan pa rin tayo ng Diyos. Walang makakapigil sa Panginoon upang anyayahan tayo sa Kanyang pagdiriwang.

Hinihintay tayo ng Panginoon. Hindi Niya tayo pipilitin. Pero, isang magandang paanyaya ito mula sa Panginoon. Hinihintay ng Panginoon ang ating tugon sa Kanyang paanyaya. Ang tanong ngayon ay kung paano ba tayo tutugon sa paanyayang ito. Tatanggapin ba natin ang paanyaya ng Panginoon, o kaya'y hindi natin ito papansinin?

REFLECTIVE SONG: "Sa Hapag ng Panginoon" by Bukas Palad Music Ministry 


Linggo, Oktubre 5, 2014

MAGING MGA MABUTING KATIWALA NG DIYOS

Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 5, 1-7/Salmo 79/Filipos 4, 6-9/Mateo 21, 33-43 



Ang Ebanghelyo natin ngayon ay isang pagsasalarawan sa mga propeta at sa Panginoong Hesus. Isinasalarawan ng mga aliping isinugo ng may-ari ng ubasan ang mga propeta na isinugo ng Diyos. Humirang ng mga propeta ang Diyos upang ipadala ang Kanyang mensahe sa lahat ng tao. May mga nais sabihin ang Diyos sa sangkatauhan. Kaya, hinirang Niya ang mga propeta upang ipaalam sa sangkatauhan ang nais Niyang sabihin sa Kanya. Kabilang sa mga mensaheng ipinapaabot ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay mga panawagan na magsisi at magbalik-loob sa Kanya. 

Ngunit, hindi nakinig ang mga kasama sa ubasan. Ang mga kasama sa ubasan ay sumasagisag sa sangkatauhan. Hindi sila nakinig sa mga propeta. Bakit? Matigas ang kanilang ulo. Lumaki ang kanilang ulo. Paano nga ba lumaki ang kanilang ulo? Paano ba naging matigas ang kanilang ulo at hindi sila nakinig sa mensahe ng mga alipin? Balikan natin ang salaysay ng paglikha sa mundo sa kauna-unahang kabanata ng aklat ng Genesis. 

Sa ika-6 na araw, nilikha ng Diyos ang tao. Binigyan ng Diyos ng karapatan upang mamahala ang tao sa lahat ng mga nilalang. Ipinagkatiwala ng Diyos ang sanlibutan sa pamamahala ng tao. Pero, noong kinain nina Eba at Adan ang bungang ipinagbabawal ng Diyos, pumasok ang kasamaan. Isa sa mga kasalanang pumasok sa mundo ay pagmamataas o kayabangan. Kilala ang kayabangan bilang ina ng lahat ng mga kasalanan. Ito pa nga ang isa sa mga pitong pangunahing kasalanan (seven capital sins). 

Pagmamataas ang nag-udyok sa sangkatauhan upang hindi makinig sa Diyos. Dahil sa ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos ang sanlibutan, naging abusado sila. Ayaw nilang pakawalan ang mundo. Nakalimutan nila kung sino nga ba ang tunay na nagmamay-ari sa mundo. Sila'y naging mga abusadong katiwala. Bagamat mga katiwala lamang sila at inaalagaan nila ang mundo na nilikha ng Diyos, nakalimutan nila na ang Diyos ang may-likha sa mundo. Kahit binigyan ng Diyos ng karapatan ang tao upang mamahala sa daigdig, para bang balewala na ang Diyos. Nakalimutan na ang tunay na may-ari at tagapaglikha ng sanlibutan - ang Diyos.

Kaya, sa halip na makinig sa mga propeta, ang mga propeta'y hindi tinanggap. Hindi sila tinanggap at pinatay sila ng mga taong nakikinig sa kanila. Walang paggalang ang mga tao sa mga propetang isinugo ng Diyos. Ayaw nilang makinig sa mga propetang isinugo ng Diyos sa kanila. Sa palagay ng tao, sila ang tama at ang mga propetang ito'y mali. Kaya ang mga propeta'y pinag-uusig at pinagpapatay. Masakit para sa kanila ang tanggapin ang mga sinasabi ng mga propeta. Malaki at matigas ang kanilang ulo. 

Hindi naiba si Hesus noong Siya ay dumating sa sanlibutan. Kahit si Hesus ang Anak ng Diyos at ang Mesiyas na ipinangakong susuguin ng Diyos, hindi Siya tinanggap ng mga tao noong Siya ay dumating sa sanlibutan. Noong si Hesus ay nangaral sa Kanyang bayan sa Nazaret isang Araw ng Pamamahinga, hindi Siya tinanggap. Ang mga kababayan ng Panginoon sa Nazaret ay nagalit sa Kanya at pinalayas Siya. Kaya, umalis ang Panginoon at nagtungo sa ibang lugar. Napakasakit ito siguro para sa Panginoong Hesus. 

Ang mga punong saserdote ay nagalit kay Kristo. Hindi nila matanggap si Kristo. May balak pa nga silang patayin Siya. At nagkagayon nga. Si Kristo ay dinakip at hinatulang mamatay sa krus. Kung baga, walang pinagkaiba ang Anak ng Diyos sa mga propetang nauna sa Kanya. Hindi iginalang ang Anak ng Diyos sa Kanyang pagparito sa sanlibutan. Kahit maraming propesiya ang mga propeta patungkol sa pagparito at misyon ng Anak ng Diyos sa daigdig, hindi pa rin tinanggap ang Diyos Anak sa Kanyang pagdating. 

Ipinagkatiwala sa atin ng Diyos ang sanlibutan. Nasa ating mga kamay kung ano ang mangyayari sa sanlibutan. Binibigyan tayo ng kapamahalaan ng Diyos. May autoridad tayo upang mamahala sa sanlibutan. Pero, tandaan po natin, hindi tayo ang may-ari nito. Bagkus, ang tunay na may-ari na ito ay ang Diyos. Ang Diyos ang tagapaglikha at may-ari ng sanlibutan. Pag-aari ng Diyos ang lahat ng bagay na nakikita natin sa mundo. Nilikha ng Diyos ang araw at gabi, ang mga bundok, ang mga puno at maraming iba pa. 

May tanong sa ating Ebanghelyo ngayon: Anong klaseng katiwala tayo? Tayo ba'y mga abusadong katiwala, katulad ng mga katiwala sa Ebanghelyo, o kaya'y mga mabubuting katiwala? Ano naman ang mga katangian ng isang mabuting katiwala? Ang mga mabubuting katiwala ay nakikinig at sumusunod nang buong pagpapakumbaba sa utos ng tunay na may-ari. Hindi siya ang may-ari pero sumusunod siya sa utos ng may-ari nang buong pagpapakumbaba. Tumatanaw siya ng utang na loob sa tunay na nagmamay-ari. 

Nawa'y buong pagpapakumbaba tayong makinig at sumunod sa utos ng Diyos. Inuutusan tayo ng Diyos na mamahala sa daigdig. Kinakailangang alagaan natin nang mabuti ang mga nilikha ng Diyos dahil ito ay sagrado. Sa gayon, tayo ay magiging mga mabuting katiwala ng Diyos. Ipinagkatiwala sa atin ng Diyos ang buong daigdig dahil nananalig Siya sa atin. Nawa'y manalig din tayo sa Kanya at sundin ang Kanyang kalooban. May pananagutan tayo. Kailangan nating alagaan at mamahala sa mga nilikha ng Diyos dahil ito'y ipinagkatiwala Niya sa atin. 

Panginoon, tulungan Mo kami upang maging mga mabuting katiwala Mo. 
Amen.