Linggo, Pebrero 22, 2015

ANG PITONG HULING WIKA NI HESUS

UNANG WIKA: 
"AMA, PATAWARIN MO SILA, SAPAGKAT HINDI NILA NALALAMAN ANG KANILANG GINAGAWA." (Lucas 23, 34) 



Bilang tao, madalas tayong nagtatanim ng galit sa ating kapwa, lalung-lalo na kapag gumawa ng masama ang ating kapwa laban sa atin. Dahil sa bigat ng kasalanang ginawa sa atin, tayo ay nagtatanim ng galit laban sa kanila. Habang tumatagal, tinatanim ng ating galit ang alitan. Nahihirapan tayo sa pagpapatawad. Dahil sa alitan, hindi na natin kayang hilumin ang mga sugat na iniwan ng kasalanang ginawa laban sa atin. 

Madalas, kapag gumawa ng masama ang ating kapwa laban sa atin, ano ang ginagawa natin? Gumaganti. Hindi ba, dahil sa kasalanang ginawa laban sa atin, gusto nating gumanti? Kung ano ang ginawa laban sa atin, iyon din ang kabayaran nila. May kasabihan pa nga, "Mata sa mata at ngipin sa ngipin." 

Subalit, noong si Hesus ay sinasaktan at pinapatay, taliwas ang ginawa Niya. Sa halip na sumpain Niya ang mga tao dahil sa ginagawa nila sa Kanya, humingi ng kapatawaran si Hesus para sa mga kaaway Niya. Kakaiba. Bakit inisip ni Hesus na humingi ng kapatawaran para sa mga kaaway Niya? Parang mali ang ginagawa ni Hesus. Hindi nga makatarungan ang ginagawa sa Kanya, pinapatawad pa Niya? Parang imposibleng gawin iyon! Kalokohan! 

Hindi kalokohan ang ginagawa ni Hesus sa krus. Binibigyan tayo ng halimbawa ng Panginoong Hesus kung paanong magpatawad. Sa ministeryo ng Panginoon, nagturo Siya tungkol sa awa at pagpapatawad. Kahit nakapako sa krus, tinuturuan tayo ng Panginoon kung paanong magpatawad. Ipinapakita sa atin ng Panginoong Hesukristo ang tunay na pagpapatawad, kahit nakapako sa krus. 

Para sa atin, bilang tao, ang pagpapatawad ay napakahirap gawin. Ang pagpapatawad ay isa sa mga bagay na napakahirap gawin. Pero, hindi imposible ang pagpapatawad. May mga bagay na mahirap gawin, subalit hindi imposible. Kahit napakahirap magpatawad, may pag-asa pang magpatawad. Hindi imposible ang pagpapatawad. 

Itinuturo sa atin ni Hesus sa wikang ito na kung paanong pinapatawad tayo ng Diyos, dapat magpatawaran din tayo. Hindi imposible ang pagpapatawad, kahit napakahirap gawin ito. Kung kayang patawarin ng Panginoon, kahit ang pinakamabigat na kasalanan, kaya din nating magpatawad. Ang tunay na Kristiyano ay maawain at mapagpatawad, katulad ng Panginoong Diyos na nagpapadama ng awa at habag. 

REFLECTIVE SONG: "Panginoon, Patawad Po" 



IKALAWANG WIKA: 
"SINASABI KO SA IYO: NGAYON DI'Y ISASAMA KITA SA PARAISO." 
(Lucas 23, 43)



May ugnayan ang pangalawang wika ng Panginoong Hesus sa unang wika Niya sa krus. Kung sa unang wika, humingi ang Panginoong Hesus ng kapatawaran mula sa Ama para sa Kanyang mga kaaway, ngayon naman, pinapatawad ng Panginoong Hesus ang kasalanan ng isang makasalanang ipinako sa krus na kasama Niya. Isang magnanakaw ang humingi ng awa at kapatawaran mula sa Panginoong Hesus sa mga huling sandali ng kanyang buhay. 

Buong kayabangang kinutya ni Hestas si Kristo dahil hindi Niya mailigtas ang Kanyang sarili. Narinig ni Hestas na si Hesus ang Mesiyas, at hinamon niya si Hesus na ibaba ang Kanyang sarili at ang mga kasama Niya. Subalit, naaakit si Dimas sa Panginoong Hesus. Narinig ni Dimas ang unang wika ng Panginoon mula sa krus. Naakit si Dimas sa awa at habag ng Panginoon. 

Napakabigat ng kasalanang ginawa nina Hestas at Dimas. Dahil sa bigat ng kasalanan ginawa ng dalawang salaring ito laban sa bayan, hinatulan sila ng kamatayan. Ang hatol iginawad ng batas ay kamatayan sa krus. Subalit, inosente ang Panginoong Hesus dahil walang Siyang ginawang kasalanan. Pero, pinili ni Hesus na tanggapin ang kamatayan sa krus bilang pagsunod sa kalooban ng Ama at upang tayong lahat ay mailigtas. 

Inamin ni Dimas ang kanyang kasalanan nang buong pagpapakumbaba. Alam ni Dimas na makatarungan ang parusa sa kanya. Subalit, hindi makatarungan ang parusa sa Panginoon dahil wala Siyang ginawang masama kahit kailan. Nakita ni Dimas ang isang inosente at matuwid na tao sa katauhan ni Hesus. Nakita din ni Dimas kay Hesus ang tunay na Haring maawain, mapagmahal at mapagpatawad. 

Sa kabila ng mabigat na kasalanang ginawa ni Dimas, pinatawad ni Hesus si Dimas. Tinupad din ni Hesus ang kahilingan ni Dimas. Nakita ni Hesus ang pagpapakumbaba at ang taos-pusong pagsisisi ni Dimas. Kahit kilala si Dimas ng buong bayan bilang isang magnanakaw at makasalanan, pinatawad pa rin siya ng Diyos. Nanaig ang awa at habag ng Diyos sa mga makasalanan. 

Walang kasalanang napakabigat na hindi mapapatawad ng Diyos. Ang Diyos ay laging handang magpatawad. Papatawarin ng Panginoon ang lahat ng uri ng kasalanan. Maawain at mapagmahal ang Diyos sa ating lahat. Hinding-hindi itatakwil ng Diyos ang puso ng isang makasalanan na taos-pusong nagtitika at nagbabalik-loob sa Kanya. 

Katulad ni Dimas, buong pagpapakumbaba tayong lumapit sa Panginoong mahabagin at mapagpatawad at humingi ng kapatawaran. Sinabi nga ng ating Santo Papa Francisco, "Hindi nagsasawa sa pagpapatawad ang Diyos, tayo ang nagsasawa sa paghingi ng kapatawaran sa Kanya." Huwag tayong matakot o sumawa sa paghingi ng kapatawaran sa Panginoon. Walang kasalanang makakapantay sa Kanyang awa at pagmamahal. Ang awa at pagmamahal ng Diyos ay walang kupas at hindi magwawakas. 

Magbalik-loob tayo sa Diyos. Sa ating pagbabalik-loob sa Diyos, tayo ay tatanggapin Niya muli sa Kanyang mga kamay. Yayakapin Niya tayo sa ating pagbabalik sa Kanya. Hinihintay ng Panginoon ang ating pagbabalik-loob sa Kanya. Hindi tayo itatakwil ng Panginoon sa ating pagbabalik-loob sa Kanya. Bagkus, bukas-palad tayong tatanggapin ng Panginoon.

REFLECTIVE SONG: "Pagbabalik" - Bukas Palad Music Ministry



IKATLONG WIKA:
"GINANG, NARITO ANG IYONG ANAK... NARITO ANG IYONG INA." 
(Juan 19, 25-27)



Noong si Hesus ay dinakip ng mga kawal sa Halamanan ng Getsemani, iniwanan Siya ng Kanyang mga alagad. Ang mga alagad ay natakot at naduwag (maliban na lamang kay San Juan). Kahit malakas na sinabi ng mga alagad na hindi nila iiwanan ang Panginoong Hesus, naduwag sila at iniwanan nilang mag-isa ang Panginoon. Dinakip ang Panginoong Hesukristo na walang kalaban-laban sa Halamanan ng Getsemani. Ang mga alagad ay natakot at nagsitakas dahil ayaw nilang madakip at mapatay. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay hindi naduwag. Kahit alam niya na idinakip ang kanyang anak ng mga kawal, hindi natakot si Maria na samahan si Hesus. Sinunod ng Mahal na Ina ang bawat hakbang nina Hesus at ng mga kawal. Walang makakapigil o makakahadlang sa Mahal na Inang Maria sa pakikiisa sa pagpapakasakit at pagdurusa ng Panginoong Hesukristo. 

Habang ang Panginoong Hesus ay nagdurusa, ipinapakita ng Mahal na Inang Maria ang kanyang pakikiisa at katapatan sa kanyang Anak. Masakit man para sa kanya na makita ang pagdurusa ng kanyang Anak, hindi iniwanan ni Maria si Hesus hanggang sa katapusan ng misyon ni Hesus. Naging matapat si Maria kay Hesus. Kung ang ibang mga alagad ay natakot at nagtago sa isang silid, hindi iniwanan ni Maria si Hesus. Sinamahan ni Maria si Hesus mula sa simula hanggang sa katapusan ng Kanyang misyon. 

Pagmamahal ng isang ina ang umudyok sa Mahal na Ina na samahan ang Panginoong Hesukristo hanggang sa huli. Sinakripisyo ng Mahal na Birheng Maria ang lahat, makasama lamang ang Panginoong Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Ang katapangan ni Maria sa pagpapakasakit at pagdurusa ni Hesus ay bunga ng kanyang pagmamahal kay Hesus bilang Kanyang Ina. 

Kahit ang Panginoong Hesukristo ay nakabayubay sa krus, hindi Niya kinalimutan ang Mahal na Birheng Maria. Inihabilin ni Hesus ang Mahal na Birheng Maria kay San Juan Apostol (na kumakatawan sa ating lahat). Alam ni Hesus na kung paanong minahal, inaruga at sinamahan Siya ni Maria, gayun din ang gagawin ni Maria para sa ating lahat. 

Inihabilin tayo ng Panginoong Hesus sa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria. Katulad ni Hesus, tayo'y mga anak ng Diyos at anak ni Maria. Bilang ating ina, mahal na mahal tayo ng Mahal na Birheng Maria. Kung paano niyang sinamahan ang ating kapatid at Panginoong si Hesus, sasamahan din tayo ng Mahal na Ina sa bawat sandali ng ating buhay. Kasama natin ang Diyos at kasama din natin ang Mahal na Inang Maria. 

Alam ni Hesus ang nakakabubuti para sa atin. Alam ni Hesus na hinding-hindi tayo makakalimutan ni pababayaan ni Maria. Kaya, tayo'y inihabilin ng Panginoong Hesus sa Mahal na Birheng Maria. Tayong lahat ay mga anak ng Diyos at ni Maria, katulad ni Hesus. Sa bawat araw ng ating buhay, hindi tayo nag-iisa. Kasama natin ang Diyos, kasama din natin ang Mahal na Birheng Maria. 

Minamahal tayong lahat ng Mahal na Inang Maria bilang kanyang mga anak. Ipinapadama sa atin ng Mahal na Birheng Maria na minamahal niya tayo at aarugain, katulad ng pagmamahal at pag-aruga niya sa Panginoong Hesukristo. 

REFLECTIVE SONG: "Mariang Ina Ko" - Bukas Palad Music Ministry 



IKAAPAT NA WIKA: 
"DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?" 
(Mateo 27, 46/Marcos 15, 34) 



Sa huling araw ng pagbisita ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas, bumisita muna siya sa UST para sa pakikipagkita sa mga kabataan. Bago siya pumunta sa Quirino Grandstand sa Luneta para sa huling Misa niya sa Pilipinas sa hapon, pumunta siya sa Unibersidad ng Santo Tomas upang makipagkita at makipagsalamuha sa mga kabataan. 

Habang pinapakinggan ang mga testimonya ng mga kabataan, tinanong ng isang batang babae na ang pangalan ay Glyzelle Palomar ang pinaka-emosyonal na tanong. Ang kanyang katanungan ay, "Maraming mga bata ay iniwan ng kanilang mga magulang. Maraming mga bata ay naging mga biktima at maraming masasamang bagay ang nangyari sa kanila, katulad ng droga o prostitusyon? Bakit pumapayag ang Diyos na may mga ganitong mangyari, kahit hindi kasalanan ng mga bata? At bakit kakaunti lamang ang tumutulong sa amin?" 

Bilang sagot sa katanungan ni Glyzelle, buong pagpapakumbabang inamin ng Santo Papa na hindi niya alam ang sagot. Dagdag pa niya, "Kapag ang puso'y natutong tanungin ang sarili at umiyak, mauunawaan din natin... Kapag hindi tayo marunong umiyak, hindi tayo maaaring maging mga mabubuting Kristiyano." 

Ganun din siguro ang tinanong ng mga kapatid at kapanalig nating nasa Kabisayaan noong 2013. Dalawang malalakas na kalamidad ang gumuho sa Kabisayaan. Ang una ay ang lindol sa Bohol at Cebu noong Oktubre at ang pangalawa ay ang bagsik ng bagyong Yolanda noong Nobyembre. Sa pagsasara ng taong 2013, nakaranas ng matitinding pagsubok ang ating bansa. Ang ating katanungan, "Bakit pinapayagan ng Diyos na mangyari ito? Bakit pinabayaan tayo ng Diyos? Nasaan ang Diyos kung kailan kinailangan natin Siya?" 

Sa krus, si Hesus ay nananalangin para sa atin. Si Hesus, ang Tagapamagitan ng Diyos at ng tao, ay nananalangin sa Ama na huwag tayong pabayaan. Hindi nananalangin ang Panginoong Hesus para sa Kanyang sarili sa wikang ito. Tayong lahat ay ipinapanalangin Niya sa Ama. Ganyan tayo kamahal ni Hesus. 

Ang Diyos ay hinding-hindi nagpapabaya. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos. Siya ang ating Emmanuel. Kasama natin ang Diyos. Walang araw kung kailan pinabayaan tayo ng Diyos. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos dahil mahal na mahal Niya tayo. 

Sa panahon ng mga pagsubok, kaisa at karamay natin ang Panginoong Diyos. Kapag tayo ay nasasaktan, nasasaktan din ang Diyos. Kapag tayo ay nagdurusa, nagdurusa rin ang Diyos. Hindi tayo nag-iisa sa mga panahon ng pagsubok sa ating buhay. Ang Diyos ay kasama at karamay natin sa mga panahon ng pagsubok. Ipinapadama sa atin ng Diyos sa pagiging kasama at karamay natin sa bawat sandali ng ating buhay ang Kanyang pagmamahal sa atin. 

REFLECTIVE SONG: "Pananatili" - Hangad



IKALIMANG WIKA: 
"NAUUHAW AKO!" (Juan 19, 28)



Inialay ng Panginoong Hesus ang Kanyang buong buhay sa paglilingkod. Sa kabuuan ng Kanyang ministeryo, inilaan ng Panginoong Hesus ang Kanyang panahon sa paglilingkod. Pinaglingkuran Niya ang lahat ng mga nakikinig sa Kanya. Nagturo ang Panginoon tungkol sa Salita ng Diyos at ang Kaharian ng Diyos. Nagpagaling ng maraming maysakit ang Panginoong Hesukristo, anuman ang kanilang karamdaman. 

Noong ang mga tao'y nagugutom, pinakain ng Panginoong Hesus ang mga tao. Limang tinapay at dalawang isda lamang ang nandoon. Subalit, ginamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang paramihin ang pagkain. Ang limang tinapay at dalawang isda ay naparami at nabusog ang limang libong katao. 

Sa wikang ito, ang Panginoong Hesus naman ang humihingi. Ang Kanyang ikalimang wika mula sa krus ay nakakatawag ng pansin sa ating lahat. Nauuhaw ang ating Panginoon. Uhaw na uhaw Siya. Ang Panginoong Diyos na may likha ng lahat ng bagay. Nilikha ng Panginoong Diyos ang tubig. Siya ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Bakit hindi mapawi ng Panginoong Hesus ang Kanyang pagkauhaw? Diyos pa naman si Hesus. 

Hindi nagsasalita ang Panginoong Hesus para sa Kanyang sarili. Nagsasalita Siya para sa mga kapatid nating dukha. Kung paanong nanalangin si Hesus sa Ama para sa atin sa ikaapat na wika, gayon din naman, tinatawag ni Hesus ang ating pansin. Tinatawag tayo ni Hesus na pansinin ang mga kapatid nating mga maralita. Sinasabihan tayo ni Hesus sa wikang ito na tugunan ang pangangailangan ng mga kapatid nating dukha. 

Kung paanong tinugunan ng Panginoong Hesus ang ating mga pangangailangan, kinakailangan din nating tumugon sa pangangailangan ng ating kapwa, lalung-lalo na ang mga aba. Binibigyang diin ng Panginoong Hesus sa wikang ito ang pagkakawanggawa. Ang pagkakawanggawa ay napakahalaga para sa ating espirituwal na pamumuhay. Ipinapadama natin sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga dukha, ang awa at pagdamay ng Panginoong Diyos sa kanila. 

"Anuman ang ginawa ninyong mabuti sa pinakahamak sa mga kapatid Kong ito, ginawa ninyo ito para sa Akin." (Mateo 25, 40) Iyan ang sinabi ng Panginoong Hesus sa mga tupa sa Araw ng Paghuhukom. Kaya, napakahalaga ang pagkakawanggawa. Hindi lang natin ginagawa iyon para sa kapwa natin, kundi para rin sa Panginoong Hesus. Anumang paglilingkod ang ginawa natin para sa ating mga kapanalig nating mahihirap, ginagawa din natin iyon para sa ating Panginoong Hesukristo na Siyang gaganti sa atin. 

Sa pamamagitan ng pagkakawanggawa, ipinapahayag din natin ang ating pag-ibig sa ating kapwa at sa Panginoon. Ang pagkakawanggawa ay isang gawa ng pag-ibig. Ipinahayag ni Hesus sa Kanyang pagkakatawang-tao at pag-aalay ng sarili sa krus ang Kanyang pag-ibig sa atin. Nagsakripisyo si Hesus dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin. Naglingkod si Hesus dahil sa pag-ibig. Hinahamon din tayong maglingkod at magmahal, katulad ni Hesus. 

Ipinahayag ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pagkauhaw. Paano tayo tutugon sa pagkauhaw ni Hesus? Gagawin ba natin ang ating makakaya para pawiin ang pagkauhaw ng Panginoon? Pababayaan ba nating mauhaw ang Panginoon? Hanggang kailan nating pananatilihing uhaw ang Panginoon para sa pag-ibig natin sa Kanya? 

REFLECTIVE SONG: "Panalangin sa Pagiging Bukas-Palad" 



IKAANIM NA WIKA: 
"NAGANAP NA." (Juan 19, 30) 



Ipinahayag ng Panginoong Hesukristo sa wikang ito ang Kanyang tagumpay. Matagumpay Niyang binuo at tinapos ang Kanyang misyon. Sa kabila ng pagdurusa, matagumpay na tinapos ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang misyon. Binayaran na ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang sarili sa krus ang ating utang sa Diyos. 


Sa pamamagitan ng bawat dugong pumatak sa lupa, tinubos ni Hesus ang sangkatauhan. Dahil sa kasalanan, tayo ay nahiwalay sa Diyos. Naging alipin tayo ng kasalanan. Tayo'y namuhay bilang mga bihag ng kasalanan. Subalit, dahil sa pag-ibig ng Panginoon sa daigdig, ang Panginoon ay nagkatawang-tao at namuhay katulad natin, maliban sa kasalanan. At sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng sarili sa krus, tinubos Niya ang sandaigdigan. Ang bawat dugong dumaloy mula sa katawan ng Panginoong Hesukristo ang tumubos sa ating lahat. 

Tayong lahat ay pinalaya ng dugo ni Kristo. Hindi na tayo alipin ng kasalanan. Bagkus, tayo ay malaya na upang paglingkuran ang Diyos. Pinalaya tayo ng Panginoon dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Kahit nakabayubay at nagdurusa sa krus, ipinakita ng Panginoong Hesus hanggang sa huli ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Walang makahihigit pa sa pag-ibig na ipinakita ni Hesus noong Siya ay nakapako sa krus. 

Ang tagumpay na nakamit ng Panginoong Hesukristo sa krus ay hindi lamang ang personal na tagumpay Niya. Ang tagumpay na ito ay kinamit ng Panginoong Hesukristo para sa ating lahat. Napakalaki ng ating utang sa Diyos. Bilang taong makasalanan, hindi natin kayang bayaran ang napakalaking utang natin sa Diyos. Subalit, dahil sa awa at pagmamahal ng Diyos sa atin, ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus upang bayaran ang ating utang sa Kanya. 

Para sa Ama, napakasakit pagmasdan ang Anak na nakapako at nagdurusa sa krus. Masakit para sa Ama na makita ang Anak, na kaisa Niya, ay nagdurusa sa krus. Subalit, alam ng Diyos na ito'y para sa kabutihan nating lahat. Ang sangkatauhan ay maliligtas sa pamamagitan ng pagdurusa at pagkamatay ng Kanyang Anak na minamahal sa krus. 

Buong pagmamahal tinapos ng Panginoong Hesus ang Kanyang misyon dito sa lupa. Namatay si Hesus nang may pagmamahal. Buong pagmamahal na inalay ni Hesus ang Kanyang sariling buhay. Tinanggap naman ng Amang nasa langit nang may buong pag-ibig ang paghahain ni Hesus sa krus para sa ating lahat. 

Ipinakita sa atin ni Hesus ang Kanyang pagmamahal hanggang sa katapusan ng Kanyang misyon dito sa lupa ang ating pag-ibig sa atin. Ang dakilang pag-ibig ng Panginoon sa atin ang umudyok sa Kanya upang ialay ang Kanyang buhay sa krus para sa ating kaligtasan. Hindi man Niya kinailangang gawin iyon, pinili pa rin iyon dahil mahal na mahal tayo ng Panginoon. Sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang sarili sa krus, binayaran ni Hesus ang ating utang sa Diyos. Tinubos tayong lahat sa pamamagitan ni Hesus.

REFLECTIVE SONG: "Pagkabighani" - Himig Heswita



IKAPITONG WIKA:
"AMA, SA MGA KAMAY MO'Y IPINAGTATAGUBILIN KO ANG AKING ESPIRITU." (Lucas 23, 46) 



Kahit kailan, hindi nawalan si Hesus ng pananalig sa Ama. Hindi nawalan si Hesus ng pananalig sa Ama noong Siya ay nagdurusa sa Halamanan ng Getsemani o noong sinambit Niya ang ikaapat na wika, "Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" Bagkus, si Hesus ay nananalig na lagi Niyang kasama ang Ama. Alam ni Hesus na hindi Niya pinabayaan ng Ama. 

Makikita natin na sa kabuuan ng misyon ni Hesus, lagi Siyang may ugnayan sa Ama. Kahit noong si Hesus ay nasa lupa, hindi nawala ang Kanyang koneksyon Niya sa Ama. Lagi Niyang kinakausap ang Ama sa bawat araw. Sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas, madalas nating makikitang nananalangin si Hesus sa Ama bago ang isang mahalagang pangyayari sa Kanyang buhay. Isang halimbawa nito ay noong si Hesus ay nananalangin nang magdamag sa Ama bago Niya pinili ang Labindalawang Apostol. (Lucas 6, 12) 

Noong si Hesus ay nasa lupa, buong puso Niyang sinunod ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama. Si Hesus ay naging masunurin sa kalooban ng Ama. Hindi sinuway ni Hesus ang kalooban ng Ama kahit kailan. Bagkus, buong katapatan, pagpapakumbaba, at pagmamahal na sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama. 

Ang Ama ang naging bukal ng lakas at tapang ni Hesus. Natakot at nagdusa si Hesus sa Halamanan ng Getsemani. Ayaw ni Hesus na harapin ang Kanyang kamatayan. Kahit noong nasa Halamanan ng Getsemani pa lamang si Hesus, naramdaman na Niya ang sakit na dulot ng hampas, koronang tinik at ng pako. Sa kabila nito, pinili ni Hesus na sundin ang kalooban ng Ama. Buong pagpapakumbabang sumunod si Hesus sa kalooban ng Ama at hinarap ang Kanyang kamatayan sa Kalbaryo. 

Sinabi pa nga ng Panginoong Hesus, ayon sa sulat sa mga Hebreo, "Narito Ako, O Diyos, upang tupdin ang Iyong kalooban." (Hebreo 10, 9) Gayon nga ang ginawa ni Hesus noong Siya'y pumarito sa lupa. Kahit maaari Niyang suwayin ang kalooban ng Ama, pinili pa rin ni Hesus na sundin ang kalooban ng Ama. Iyan ang tunay na pag-ibig. Ang pag-ibig na handang magsakripisyo. 


Dahil sa pag-ibig ni Hesus sa Ama, hindi Siya nawalan ng pananalig, kahit nagdurusa. Kahit hinatulan ng kamatayan si Hesus, hindi nawala ang Kanyang pag-ibig at pananalig sa Ama. Alam ni Hesus na ang lahat ng ito'y bahagi ng dakilang plano ng Banal na Santatlo. Buong pagpapakumbabang tumalima si Hesus sa dakilang plano ng kaligtasan. 

Ang pag-ibig ni Hesus sa Ama ang dahilan ng Kanyang pagtalima sa kalooban ng Ama. Kahit karumal-dumal ang mga dinanas ni Hesus, tahimik Siyang sumunod sa Ama. Alam ni Hesus na makakabuti para sa lahat ang kalooban ng Ama. Sa pamamagitan ng pagkamatay ni Hesus sa krus, tinubos tayong lahat mula sa pagkaalipin ng kasamaan at kasalanan. 

Walang pag-ibig na makahihigit pa sa pag-ibig na pinamalas ng Panginoong Hesus noong Siya'y nakabayubay sa krus. Alam ng Panginoong Hesus na ang planong sinusunod Niya ay isang plano ng pag-ibig. Sa pamamagitan ng paghahain ng sariling buhay sa krus, ipinadama sa ating lahat ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin at namalas din ang dakilang pag-iibigan ng Banal na Santatlo sa isa't isa. 

REFLECTIVE SONG: "Kung 'Yong Nanaisin" - Bukas Palad Music Ministry 


Sabado, Pebrero 21, 2015

PAGSISISI AT PAGTALIKOD SA KASALANAN

Pebrero 22, 2015
Unang Linggo ng Apatnapung Araw ng Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Genesis 9, 8-15/Salmo 24/1 Pedro 3, 18-22/Marcos 1, 12-15


Ang salaysay ni San Marcos patungkol sa pagtukso kay Hesus ay napakaiksi kumpara sa salaysay nina San Mateo at San Lucas. Binanggit lamang ni San Marcos kung gaano katagal na nanatili si Hesus sa ilang. Pero, hindi binanggit ni San Marcos kung ano ang mga tinukso ng demonyo kay Hesus. Ang mahalaga lamang para kay San Marcos sa pagsasalaysay sa pangyayaring iyon, pinagtagumpayan ni Hesus ang mga tukso ng demonyo. 

Tinanggihan ng Panginoon ang lahat ng mga alok ni Satanas sa Kanya. Gaano mang kaaya-aya at kaakit-akit ang mga inaalok ni Satanas sa Panginoong Hesukristo, tinanggihan pa rin ng Panginoong Hesukristo ang mga alok ni Satanas. Bagkus, nanatiling tapat ang Panginoong Hesus sa kalooban at kagustuhan ng Ama. Pinili ng Panginoong Hesukristo na sundin ang kalooban at naisin ng Amang nasa langit. 

Pagkatapos tuksuhin ng demonyo sa ilang, sinimulan ni Hesus ang Kanyang misyon. Ang kauna-unahang sinabi ni Hesus sa Kanyang pangangaral? "Dumating na ang takdang panahon, at malapit nang maghari ang Diyos! Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito." (Marcos 1, 15) 

Tinatawag ni Hesus ang lahat na magsisi at maniwala sa Mabuting Balita. Ito ang tawag sa atin ng Inang Simbahan, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma. Tayong lahat ay tinatawag na magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Paniwalaan din natin ang Mabuting Balita ng Diyos na mahabagin at mapagdamay. Mahabagin at mapagdamay ang Diyos. Kaya, tinatawag Niya tayong lahat upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya. 

Subalit, ang mahirap para sa atin ay ang talikuran ang masama, lalung-lalo na kung nakakaakit at mukhang kaaya-aya ang masama. Ang mas mahirap pa diyan, kapag nasanay na tayo sa kasalanan at ginagawa natin iyon araw-araw. Napakahirap! Gustuhin man nating magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos, hindi natin magawa nang buo. Nadadala tayo ng tukso na gawin iyon muli. 

Isang pamamaraan ng demonyo ay ang tukso. Sa pamamagitan ng pagtukso, ipinapakita ng demonyo na talagang matalino siya. Alam niya kung kailan at kung ano ang ating mga kahinaan. Ginagamit ito ng demonyo upang akitin tayong gumawa ng masama. Hindi niya ipapakita ang pangit at ang mga masasamang bagay na mangyayari. Bagkus, ipinapakita niya ang kagandahan ng masamang gawain upang mas lalo nating gawin iyon. 

Katulad natin, si Hesus ay hindi naging ligtas sa mga tukso ng demonyo. Subalit, binibigyan tayo ng pag-asa ni Hesus. Katulad Niya, maaari din nating pagtagumpayan ang tukso ng demonyo. Ang tukso ng demonyo, kahit gaano mang kaaakit-akit na tingnan, ay maaari ding pagtagumpayan. Hindi tayo manghihinayang kapag tinanggihan natin ang tukso ng demonyo. 

Ngayong panahon ng Kuwaresma, tatlong sandata ang ibinibigay sa atin ng Simbahan sa ating pakikipaglaban sa tukso ng demonyo - panalangin, pag-aayuno, at pagkakawanggawa. Sa pamamagitan nito, mapapalalim natin ang ating pananampalataya at pananalig sa Diyos. Ang tatlong ito ay makakatulong at makakaakay din sa atin sa ating pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Gamit ang tatlong sandatang ito, sa tulong at awa ng Diyos, mapagtatagumpayan at matatanggihan natin ang tukso ng demonyo. 

Ang demonyo ang pinakamahirap na kalaban natin. Subalit, hindi imposibleng talunin siya. Kayang-kaya nating talunin ang demonyo at ang kanyang mga tukso sa atin. Kasama natin ang Diyos. Mas makapangyarihan at mas dakila ang Diyos kaysa sa demonyo. Hinding-hindi makapananaig o magtatagumpay laban sa Diyos ang demonyo. 

Nawa'y akitin tayo ng kapangyarihan at kadakilaan ng Diyos na magsisi at talikuran ang masama ngayong panahon ng Kuwaresma. Ang Diyos ay maawain at mapagpatawad. Tayong lahat ay tatanggapin Niya sa ating pagbabalik. Hinihintay Niya tayo. Hinding-hindi tayo itatakwil ng Diyos sa ating pagbabalik-loob sa Kanya. Iyan ay isang Mabuti at Magandang Balita para sa ating lahat, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma. 


Biyernes, Pebrero 20, 2015

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKALABING-APAT NA ISTASYON

ANG IKALABING-APAT NA ISTASYON: 
Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus 
(Mateo 28, 1-6/Marcos 16, 1-6/Lucas 24, 1-7/Juan 20, 1-9) 



Kahanga-hangang pansinin ay noong muling nabuhay ang Panginoong Hesukristo, hindi nawala ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa. Ang mga butas ng pako sa mga kamay ni Kristo ay nanatili, kahit na Siya'y muling nabuhay. Bakit hinayaan ng Panginoon na manatili sa Kanyang mga kamay ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay at paa? Hindi ba pwedeng hilingin ni Kristo sa Ama na alisin ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay at paa? 

Oo, maaaring hiniling iyon ng Panginoong Hesus sa Ama. Maaari ngang gamitin ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan upang mawala ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa. Subalit, hindi Niya ginawa iyon. Bakit? Ang mga sugat sa mga palad at paa ni Hesus ay ang tanda ng Kanyang pag-ibig sa atin. Hindi pinatinanggal ni Hesus ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at paa dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig na walang katulad para sa atin. 

Ang bawat paghihirap at sakit na tiniis ni Hesus noong Siya ay pinatay ay pinaghirapan ni Hesus. Ayaw Niyang sayangin ang bawat paghihirap at pagtiis Niya. Ang mga sugat sa mga kamay at paa ni Hesus ay ang tanda ng Kanyang pag-ibig sa atin. Ang mga sugat sa mga kamay at paa ni Hesus ang buod ng Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Tunay tayong minahal at patuloy na mamahalin ng Panginoong Hesus. 

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKALABING-TATLONG ISTASYON

ANG IKALABING-TATLONG ISTASYON: Ang Paglilibing kay Hesus 
(Mateo 27, 57-61/Marcos 15, 42-47/Lucas 23, 50-56/Juan 19, 38-42) 



Pagkatapos ng lahat ng pagdurusang dinanas sa araw na yaon, si Hesus ay nagpahinga. Ang Panginoong Hesus ay inilibing pagkatapos ng Kanyang kamatayan. Inilibing si Hesus ni San Jose na taga-Arimatea. Kasama ni Hesus hanggang sa Kanyang huling hantungan sina Santa Maria Magdalena, ang iba pang mga Maria, si San Juan Apostol, at ang Mahal na Birheng Maria. Hinatid nilang lahat si Hesus sa Kanyang huling hantungan. 

Ngunit, hindi magtatapos ang lahat sa kamatayan. Katulad ng sinabi ni Hesus, "Ang Anak ng Tao'y dapat magbata ng maraming hirap, at muling mabubuhay sa ikatlong araw." Habang nakahimlay si Hesus sa Banal na Libingan, hinihintay ng buong daigdig ang muling pagbangon ni Hesus. Magpapahinga muna ang Panginoon, at pagkatapos ng tatlong araw ay babangon muli. 

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKALABING-DALAWANG ISTASYON

ANG IKALABING-DALAWANG ISTASYON: 
Ang Pagkamatay ni Hesus sa Krus 
(Mateo 27, 45-49/Marcos 15, 33-37/Lucas 23, 44-46/Juan 19, 28-30)



Pagkatapos ng mahabang oras na pagtitiis ng kahirapan sa krus, si Hesus ay nalagutan ng hininga. Ang Panginoong Hesus ay namatay sa krus. Pagsapit ng ikatlo ng hapon, si Hesus ay pumanaw sa krus. Natapos na sa wakas ang Kanyang paghihirap sa krus. Hinarap ni Hesus ang Kanyang kamatayan nang buong pagpapakumba, pagsunod, at pagmamahal. 

Buong pagpapakumbabang tinanggap ni Hesus ang kamatayan. Tayong lahat ay pinarusahan ng kamatayan dahil sa ating mga kasalanan. Subalit, dahil sa dakilang pag-ibig sa atin ng Diyos, ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Ang Panginoong Hesus ang umako sa ating mga kasalanan. Pinasan ni Hesus ang ating mga kasalanan at Siya ay ang hain para sa mga kasalanan ng tao. Ganun tayo kamahal ng Diyos. 

Alam ng Diyos na hindi natin kayang bayaran ang ating mga kasalanan. Kaya, si Hesus ay ipinadala ng Diyos upang iligtas mula sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng sariling buhay sa krus, binayaran na ni Hesus ang ating utang sa Ama. Ang utang natin sa Diyos dahil sa ating mga kasalanan ay binayaran na ng Diyos Anak. Iyan ang tunay na pag-ibig. Mahal na mahal tayo ni Hesus at ibinuwis ang Kanyang buhay para sa atin. 

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKALABING-ISANG ISTASYON

ANG IKALABING-ISANG ISTASYON: 
Sina Maria at Juan sa paanan ng krus ni Hesus
(Juan 19, 25-27) 



Kahit nagdurusa si Hesus, hindi ito naging hadlang para kay Maria na damayan si Hesus sa Kanyang pagdurusa. Hindi natakot ang Mahal na Birheng Maria sa posibleng pagdakip sa kanya. Buong katapangan at katapatan nakiisa at sumunod ang Mahal na Birheng Maria sa mga yapak ng Panginoong Hesukristo mula mga kalsada ng Jerusalem patungong Kalbaryo. 

Hindi naging hadlang ang mga kawal para sa Mahal na Ina na damayan at makiisa sa paghihirap at pagdurusa ng Panginoon. Kung ang mga alagad (maliban kay San Juan) ay natakot na madakip ng mga kawal at iniwanan ang Panginoong Hesus, hindi natakot ang Mahal na Inang Maria. Walang makapag-hadlang sa Mahal na Inang Maria sa pagsunod sa Panginoong Hesus. 

Mahal na mahal din ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria. Mahal na mahal din Niya ang Kanyang mga tagasunod. Kaya, inihabilin ni Hesus si Maria kay San Juan na kumakatawan sa ating lahat upang maging Ina at huwaran nating lahat. Ang Mahal na Birheng Maria ay ang ating Ina, at bilang ating Ina ay isang huwaran para sa ating lahat. Si Maria ay huwaran ng katapangan at tunay na pagmamahal, katulad ni Hesus. 

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKASAMPUNG ISTASYON

ANG IKASAMPUNG ISTASYON: Ang Nagtitikang Magnanakaw 
(Lucas 23, 39-43) 



Kahit nakapako sa krus, ipinamalas ni Hesus ang Kanyang awa at habag sa mga makasalanan. Inamin ni Dimas ang kanyang kasalanan at humingi ng kapatawaran mula sa Panginoong Hesus. Si Hestas, ang isa pang kasama ng Panginoon noong ipinako sa krus, ay kumutya sa Panginoon nang buong pagmamataas. Hindi niya inaamin na siya'y makasalanan. Sa tatlong krus sa Kalbaryo, dalawa lang ang makasalanan samantala ang isa ay inosente at walang ginawang kasalanan buong buhay Niya. 

Naakit si Dimas noong tahimik na tiniis ni Kristo ang lahat ng mga paratang at pagkutya sa Kanya. Nananalig si Dimas na hindi lamang matuwid at inosente si Kristo. Alam ni Dimas na si Kristo ay isang hari at tunay ang Kanyang kaharian. Nananalig din si Dimas na ang Panginoon ay maawain at mahabagin. Kaya, humingi siya ng kapatawaran at pinatawad naman ng Panginoon si Dimas sa kanyang mga kasalanan. Ipinangako pa ng Panginoong Hesukristo kay Dimas na siya'y isasama Niya sa Paraiso. 

Ang buhay natin dito sa lupa ay pansamantala lamang. Habang tayo'y nabubuhay, pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Katulad ni Dimas, magkaroon nawa tayo ng lakas ng loob na lumapit sa Panginoong maawain at mahabagin upang patawarin ang ating mga kasalanan at pagkukulang sa Kanya at sa kapwa. 

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKASIYAM NA ISTASYON

ANG IKASIYAM NA ISTASYON: 
Si Hesus ay hinubaran ng Kanyang mga damit at ipinako sa krus 
(Mateo 27, 32-38/Marcos 15, 22-28/Lucas 23, 33-35) 



Ang Panginoong Hesus ay ipinako sa krus. Napakasakit ng mga pako na ipinako sa Kanyang mga kamay at paa. Ang pagpapako sa krus ang pinakamasakit na paraan ng kamatayan noong kapanahunan ni Hesus. Dinanas ni Hesus ang pinakamasakit na uri ng kamatayan. Ang pagpapako sa krus ang pinakamasakit at nakakahiyang paraan ng kamatayan. 

Ang mga pakong ipinako sa mga palad at paa ni Hesus ay napakasakit. Subalit, hindi sumigaw o humiyaw si Hesus. Bawat pagpako sa Kanya ay tiniis Niya sa katahimikan. Tahimik na dinanas at tiniis ni Hesus ang bawat pakong ipinapako sa Kanyang mga kamay at paa. 

Tiniis ni Hesus ang lahat ng ito dahil sa pag-ibig. Pag-ibig ang dahilan kaya pinili ni Hesus ang tiisin ang maraming hirap, sakit at kamatayan sa krus. Napakadakila ng sakripisyong ginawa ni Hesus para sa atin. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang sariling katawan at buhay para sa ating kaligtasan, ipinamalas ni Hesus ang Kanyang dakilang pagmamahal sa ating lahat. Walang pag-ibig na makahihigit pa sa pag-ibig na ipinamalas ng Panginoong Hesukristo noong inalay Niya ang Kanyang sarili alang-alang sa ating kaligtasan. 


PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKAWALONG ISTASYON

ANG IKAWALONG ISTASYON: 
Nakasalubong ni Hesus ang Kababaihan ng Jerusalem
(Lucas 23, 27-31) 



Ang mga babaing nakasalubong ni Hesus sa daang patungong Kalbaryo ay tumangis dahil naniniwala sila na inosente si Hesus. Nakikita nila na walang kasalanang ginawa si Hesus. Alam nilang inosente si Hesus at inggit lamang ang dahilan kaya ipapapatay Siya. Para sa kanila, hindi makatarungan ang parusa kay Hesus ng mga autoridad. 

Sa kabila ng Kanyang kahinaan, inaliw pa rin ni Hesus ang mga babaing taga-Jerusalem. Inaliw ng Panginoong Hesus ang mga babaing ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila. Nangaral si Hesus tungkol sa pagsisisi. Sinabi sa kanila ni Hesus na nawa'y ang kanilang pagtangis ay magsilbing daan para sa kanila upang magsisi at magbalik-loob sa Diyos habang may panahon pa. 

Ang mga salita ni Hesus sa kababaihan ng Jerusalem ay hindi lamang para sa kanila. Ito rin ay para sa atin. Tinatawag tayo ni Hesus na magsisi at magbalik-loob sa Diyos habang may panahon pa tayo. Ngayong panahon ng Kuwaresma, ipaghanda natin ang ating sarili para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng pagkukumpisal. Sa Sakramento ng Kumpisal, tayo ay nagsisisi sa ating mga kasalanan at nagbabalik-loob sa maawain at mahabaging Diyos. 

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKAPITONG ISTASYON

ANG IKAPITONG ISTASYON: 
Tinulungan ni Simon Cireneo si Hesus sa pagpasan ng krus 
(Mateo 27, 32/Marcos 15, 21/Lucas 23, 26)



Madalas nating iniisip na si Simon na taga-Cirene ay isa sa mga mabubuting tauhan sa salaysay ng pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo. Tayong mga Pilipinong Katoliko, iniisip natin na isang bida rin sa salaysay ng Mahal na Pasyon ng Panginoong Hesukristo si Simon na taga-Cirene. Bakit? Sapagkat tinulungan ni Simon Cireneo ang Panginoong Hesus sa pagpapasan ng krus patungong Kalbaryo. 

Subalit, kung babasahin natin nang maigi ang salaysay ng Mahal na Pasyon ni Kristo, matutuklasan na hindi kusang-loob ang pagtulong ni Simon na taga-Cirene kay Hesus. Bagkus, pinilit si Simon na taga-Cirene na pasanin ang krus ni Hesus. Ayaw ng mga kawal na mamatay si Hesus nang wala pa sa Golgota. Kaya, naghanap sila ng isang tao upang tulungan si Hesus sa pagpasan ng krus. 

Pinili ng mga kawal si Simon na taga-Cirene. Isang dayo o turista ang pinili ng mga kawal upang humalili kay Hesus sa pagpapasan ng krus. Hindi nag-boluntaryo si Simon na taga-Cirene. Inutusan at pinilit si Simon ng mga autoridad. 

Siguro, nanghihinayang si Simon na taga-Cirene sa araw na iyon. Turista siya sa Jerusalem at lilibutin niya sana ang mga lugar doon sa Jerusalem. Masasabi din natin na nainteresado siya kung ano ang nangyayari sa Via Dolorsa. Pero, hindi niya inaasahan na siya ay uutusan at pipilitin ng mga autoridad na humalili kay Hesus sa pagpasan ng krus. Siguro, ito ang sinasabi ni Simon sa kanyang sariling isipan, "Bakit pa kasi ako pumunta dito? Kung alam ko lang na pag-uutusan ako ng mga autoridad, hindi sana ako pumunta dito!" 

Ang isang halimbawa ng paggawa ng mabuti sa salaysay ng Pasyon ng Panginoon ay ang ginawa ni Santa Veronica para sa Panginoon. Ang pagpupunas ni Santa Veronica sa Banal na Mukha ni Hesus ay ang Ikaanim na Istasyon sa dating bersyon ng Daan ng Krus. Hindi ito matatagpuan sa Banal na Bibliya. Bagamat tahimik ang Banal na Bibliya tungkol sa ginawa ni Santa Veronica para kay Hesus, ang ginawa ni Santa Veronica para kay Hesus ay isang gawang kusang-loob sa kanya. Ninais niyang tulungan si Hesus, kahit sa munting paraan man lamang. 

Hindi sapilitan lamang ang paggawa ng mabuti. Ang paggawa ng mabuti ay dapat taos sa puso. Gumagawa tayo ng mabuti sapagkat ito ay galing sa puso. Kapag tinutulungan natin ang ating kapwa-tao dahil sa ito'y gusto natin, iyon ay isang mabuting gawa. Hindi sapilitan ang mga mabubuting gawa. Ang mga mabubuting gawa ay ginagawa dahil ito'y taos sa puso. 

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKAANIM NA ISTASYON

ANG IKAANIM NA ISTASYON: Si Hesus ay nadapa sa bigat ng krus 



Habang pinapasan ni Hesus ang krus patungong Kalbaryo, si Hesus ay nadapa dahil sa bigat ng krus. Napakabigat ang krus. Sa sobrang bigat ng krus, si Hesus ay nadapa. Mahina na si Hesus magmula noong Siya'y pinaghahampas at pinutungan ng koronang tinik. Ang Kanyang dugo ay patuloy na pumapatak sa lupa. Patuloy dumadaloy ang Kanyang dugo mula sa Kanyang katawan. 

Subalit, sa halip na sumuko dahil sa bigat ng krus, bumangon pa rin si Hesus. Tumayo ang Panginoong Hesus mula sa Kanyang pagkadapa at pinatuloy Niya ang pagpasan ng krus. Napakadakila ng pag-ibig sa atin ng Panginoong Hesukristo! Hindi nagpatalo si Hesus sa kabigatan ng krus. 

Kapag tayo ay nahihirapan o humaharap sa mga matitinding pagsubok sa buhay, madalas tayong sumusuko. Nagpapatalo na tayo sa mga problema sa buhay. Tinatanggap na natin na talo na tayo at hindi natin mapagtatagumpayan ang mga problema o mga pagsubok sa buhay. Sinasabi natin na wala na tayong magawa upang pagtagumpayan ang mga problemang ito. Nagpapatalo tayo. Sumusuko na tayo. 

Pero si Hesus, hindi sumusuko. Lumalaban pa rin si Hesus hanggang sa katapusan. Tumayo si Hesus mula sa Kanyang pagkadapa at nagpatuloy sa pagpapasan ng krus para sa atin. Bakit? Dahil mahal na mahal tayo ng Panginoon. Hindi pinigilan ng bigat ng krus ang pagmamahal ng Panginoon sa atin. Ang bigat ng krus ay hindi naging hadlang upang ipakita ni Kristo na tayo'y mahal na mahal Niya. 

Magsilbi nawang inspirasyon para sa atin ang Panginoong Hesus na bumangon mula sa Kanyang pagkadapa. Patuloy nawa tayong bumangon at pagtagumpayan ang mga problema't pagsubok sa ating buhay, katulad ng ginawa ni Hesus habang pinapasan Niya ang krus patungong Kalbaryo. 

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKALIMANG ISTASYON

ANG IKALIMANG ISTASYON: Ang Pagpasan ng Krus 



Buong pusong tinanggap ni Hesus ang mabigat na krus na papasanin Niya mula sa palasyo ni Poncio Pilato patungong Kalbaryo. Kahit napakabigat para kay Hesus ang krus na ito, tinanggap pa rin Niya ito ng buong pagpapakumbaba at pagsunod sa kalooban ng Ama. Sa halip na takasan ang krus, pinili ni Hesus na pasanin ito patungong Kalbaryo. Sapagkat sa pamamagitan nito ay ililigtas Niya ang buong sangkatauhan. Sa krus na iyon, ihahain ni Hesus ang Kanyang buhay alang-alang sa kaligtasan ng buong sangkatauhan.

Sa pelikulang The Passion of the Christ, nang tinanggap at niyakap ni Kristo ang Kanyang krus, malakas na sumigaw si Hestas, "Tanga, bakit mo niyayakap ang iyong krus?!" Para kay Hestas, isang tanda ng kahinaan ang pagtanggap sa krus. Para sa Mesiyas, hindi Siya dapat nagpapasan ng krus. Subalit, ang kahoy na krus ay niyakap, tinanggap at pinasan ng Mesiyas, ang Tagapagligtas ng buong sangkatauhan. 

Bakit ganun? Bakit hindi na lang iniligtas ni Kristo ang sangkatauhan sa ibang paraan? Hindi ba Siya ang Anak ng Diyos? Kaya Niya sanang gamitin ang Kanyang kapangyarihan bilang Anak ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan nang hindi nasasaktan at nagdurusa. 

Subalit, pinili ng Panginoong Hesus na yakapin ang krus. Pinili ng Panginoong Hesukristo na magdusa at mamatay dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin. Nais ipadama ni Hesus ang Kanyang dakilang pagmamahal sa atin. Ang pag-ibig ni Hesus ay ang pag-ibig na handang mag-alay ng buhay para sa mga minamahal. Ipinamalas ni Hesus sa pammagitan ng pagtanggap at pagpasan ng krus na tunay ang Kanyang pagmamahal sa ating lahat. 

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKAAPAT NA ISTASYON

ANG IKAAPAT NA ISTASYON:
Si Hesus ay pinaghahampas at pinutungan ng koronang tinik 
(Mateo 27, 15-18. 20-31/Marcos 15, 6-20/Juan 19, 1-3)



Ang Panginoong Hesus ay ipinaghagupit at pinutungan ng koronang tinik. Sa kabila ng mga sakit na dulot ng paghampas sa Kanya at ng koronang tinik, hindi sumigaw o nagreklamo si Hesus. Hindi Niya hiniling na tigilan ang lahat ng ginagawa ng mga kawal upang saktan Siya. Bagkus, tahimik Niyang tiniis ang lahat ng sakit dulot ng paghahagupit sa Kanya at ang pagpuputong ng koronang tinik. 

Kapag tayo ay nasasaktan, ano ang ginagawa natin? Lumalaban, hinihiling na tigilan na ang pagsasakit sa atin. Kung maaari sana, maaaring gawin ni Hesus ang isa sa dalawang iyon upang tigilan ang sakit. Maaaring gamitin ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan upang tigilan na ang pagdurusa Niya. 

Subalit, walang ginawa si Hesus noong sinasaktan Siya. Ang Panginoong Hesus ay nagtiis noong Siya ay sinasaktan. Tiniis ng Panginoon ang lahat ng mga sakit. Hindi ipinagtanggol ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang sarili. Bagkus, buong kalooban inalay ni Hesus ang Kanyang katawan para lamang sa ating lahat. Ganun tayo kamahal ni Hesus. Inialay at inihandog ni Hesus ang sarili Niyang katawan at buhay alang-alang sa ating kaligtasan. 

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKATLONG ISTASYON

ANG IKATLONG ISTASYON: Si Hesus ay hinatulan ng kamatayan
(Mateo 26, 57-66; 27, 1-2/Marcos 14, 60-64; 15, 1/Lucas 22, 66-23, 1)



"Ikaw ba ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos?" tanong ng punong saserdote kay Hesus. 
"Ako nga," sagot ni Hesus. 

Dahil sa sagot ni Hesus sa tanong ni Caifas, hinatulan Siya ng kamatayan. Ayon sa mga punong saserdote, nilapastangan ni Hesus ang Diyos. Nakahanap na ng ebidensya ang mga kaaway ni Hesus upang Siya'y hatulan ng kamatayan. Ginawang kapantay ni Hesus ang Diyos sapagkat tinawag Niya ang sarili Niya bilang Anak ng Diyos. Bagamat sinabi ni Hesus ang katotohanan, hindi ito matanggap ng Kanyang mga kaaway. 

Ano kaya ang naramdaman ni Hesus nang marinig Niya mula sa mga punong saserdote na dapat Siyang mamatay? Anuman iyon, tahimik na tinanggap ni Hesus ang parusa sa Kanya ng mga Pariseo at mga matatanda ng bayan. Alam ni Hesus na nagsisimula na ang plano ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Hindi na Siya umimik upang ipagtanggol ang Kanyang sarili. Bagkus, tahimik na sumunod at tumalima si Hesus sa kalooban ng Ama. 

"Sundin ang kalooban Mo." Iyon ang panalangin ng Panginoong Hesus sa Halamanan. Tahimik Siyang sumusunod at tumatalima sa kalooban ng Diyos. Hinihimok tayo na sundin din natin ang kalooban ng Diyos. Sa kabila ng mga pagsubok at problema sa buhay, tularan natin si Hesus na sumunod at tumalima sa kalooban ng Ama. 

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - IKALAWANG ISTASYON

ANG IKALAWANG ISTASYON: 
Ang Panalangin at Paghihirap ni Hesus sa Halamanan ng Getsemani 
(Mateo 26, 36-46/Marcos 14, 32-42/Lucas 22, 39-45)


Sa Halamanan ng Getsemani, mag-isang nanalangin si Hesus. Ito siguro ang pinakamadramang sandali sa buhay ni Hesus. Ilang oras bago Siya dakipin ng mga autoridad, mag-isang nananalangin at nagdurusa si Hesus sa Halamanan ng Getsemani. Nagdusa na si Hesus noong Siya'y nananalangin sa Halamanan. Subalit, kahit isinama Niya sina Pedro, Santiago, at Juan, walang karamay si Hesus sa Kanyang paghihirap sa Hardin. 

Takot at pagkabigo ang naramdaman ni Hesus sa Kanyang panalangin sa Hardin ng Getsemani. Isang napakahirap na desisyon ang kinailangang gawin ng Panginoong Hesus noong Siya'y nanalangin sa Ama. Ang Anak ay nagdurusa sa Halamanan. Natatakot ang Anak dahil sa sakit na dadanasin at sasapitin Niya. Saan tumungo ang Panginoon sa Kanyang takot? Sa Ama. Nanalangin ang Panginoong Hesukristo sa Ama upang Siya'y magkaroon ng lakas na gawin ang dapat Niyang gawin. 

Maaari ring takasan ni Hesus ang Kanyang misyon. Kung nais sana ni Hesus, maaari Niyang idalangin sa Ama na sagipin Siya mula sa Kanyang kamatayan. Kaya sanang gamitin ni Kristo ang Kanyang kalayaan bilang Anak ng Diyos na manalangin sa Ama na huwag na Siyang pahirapan. Ang kaligtasan Niya mula sa kamatayan sa Krus ay maaari ring idalangin sana ni Hesus upang hindi na Niya danasin ang kamatayan. 

Subalit, ang pag-ibig ni Hesus para sa Ama at sa ating lahat ang umudyok sa Kanya na sundin ang kalooban ng Ama. Ang panalangin ni Hesus sa Halamanan, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Pinili ni Hesus na harapin ang Kanyang kamatayan sa Kalbaryo, kahit gaano mang kasakit. Sapagkat ito ang kalooban ng Ama at ito ay para sa kaligtasan ng sangkatauhan. 

Napakalalim at napakadakila ang pag-ibig ng Panginoon sa atin. Walang makahihigit sa pag-ibig ng Panginoon. Kahit napakasakit para sa Panginoon ang mamatay alang-alang sa atin, pinili pa rin Niyang gawin ito. Pinatunayan ni Hesus ang Kanyang pag-ibig sa ating lahat dahil sa pagsunod Niya sa kalooban ng Ama.  

PAGNINILAY SA DAAN NG KRUS - UNANG ISTASYON

ANG UNANG ISTASYON: Ang Huling Hapunan 
(Mateo 26,26-29/Marcos 14, 22-25/Lucas 22, 14-20) 



Noong bisperas ng Kanyang pagpapasakit, alam ni Hesus na dumako na Siya sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Batid ni Hesus na malapit nang matapos ang Kanyang misyon dito sa lupa. Alam ni Hesus na sa gabi ring iyon, dadakipin Siya ng mga autoridad at parurusahan ng kamatayan. Sa mga madaling salita, may taning na ang buhay ni Hesus. Hindi magtatagal, at papatayin si Hesus sa krus sa Kalbaryo. 

Kaya, sa huling gabing makakasama Niya ang Kanyang mga alagad, ipinagdiriwang ni Hesus ang Hapunang Pampaskuwa. Ginugunita tuwing Paskuwa ng mga Hudyo ang kanilang pagtawid mula sa kaalipinan sa Ehipto patungo sa kalayaan. Ngayon naman, ginugunita ng Panginoong Hesus at ng Kanyang mga alagad ang isang bagong pagtawid. Magkakaroon ng bagong kalayaan kinabukasan. Mula sa pagiging alipin ng kasalanan, ang sangkatauha'y tatawid tungo sa kalayaan dulot ng Diyos. Ito'y makakamtan ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang buhay sa krus sa Kalbaryo. 

Sa Huling Hapunan, itinatag ni Hesus ang Sakramento ng Eukaristiya. Iniutos ng Panginoong Hesus sa mga alagad na sa tuwing magsasalu-salo sila ay alalahanin Siya. Sa Banal na Misa, inaalala natin ang sakripisyo ni Hesus sa Kalbaryo. Ang katawan ni Hesus ay inihandog sa Krus at ang Kanyang dugo ay dumaloy mula sa Kanyang kabanal-banalang Puso. 

Ang pag-ibig ni Kristo ay ginugunita natin sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Ang unang Banal na Misa ay ipinagdiriwang ni Kristo kasama ang Kanyang mga alagad. Patuloy nating ipinagdiriwang ang Banal na Misa magpahanggang ngayon dahil inaalala natin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon sa atin. 

Martes, Pebrero 17, 2015

PANALANGIN, PAG-AAYUNO, PAGKAKAWANGGAWA

Pebrero 18, 2015
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 



Tuwing Miyerkules ng Abo, ang Ebanghelyong mapapakinggan natin ay hango sa ika-6 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo. Ito po ay bahagi ng pangangaral ni Hesus sa bundok. Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin na tinuturuan tayo ni Hesus ng tatlong bagay - panalangin, pag-aayuno, at pagkakawanggawa. Ang tatlong gawaing ito ay napakahalaga at napaka-importante para sa ating mga Kristiyano. 

Una, PANALANGIN. Ang panalangin ay napakahalaga. Napakaimportante ang panalangin para sa ating mga Kristiyano. Sa pamamagitan ng pananalangin, naaalala natin at binibigyan natin ng panahon ang Diyos. Lumalalim din ang ating pananampalataya sa Diyos sa tuwing tayo ay nananalangin. Kapag hindi tayo nananalangin, hindi lalalim ang ating pananampalataya sa Diyos. Makakalimutan natin ang Diyos kapag hindi tayo nagdasal. 

Sa pamamagitan ng panalangin, nakikipag-usap tayo sa Diyos. Bagamat hindi maririnig ng ating mga tainga ang sagot ng Diyos, kinakausap tayo ng Diyos sa katahimikan. Ang katahimikan ang wika ng Diyos sa atin. Laging handa at laging nandiyan ang Diyos upang kausapin tayo. Binibigyan tayo ng kapayapaan, kalakasan at inspirasyon ng Diyos sa ating pakikipag-usap sa Kanya. 

Pangalawa, PAG-AAYUNO. Isang paraan ng pagsasakripisyo ang pag-aayuno. Ang pag-aayuno ay isang pamamaraan ng penitensya. Kapag tayo ay nagpepenitensya, nagtitiis tayo katulad ni Kristo. Tinutularan natin kahit sa mga munting paraan ang pagsasakripisyo ng Panginoong Hesukristo. Tiniis ng Panginoon ang apatnapung araw sa ilang na walang pagkain at tiniis din Niya ang sakit dulot ng Kanyang pagpapaksakit para sa ating lahat. 

Bakit nagsakripisyo si Hesus? Dahil sa pagmamahal. Pagmamahal ang dahilan kaya't inialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus. Ang dakilang pag-ibig ni Hesus ang dahilan kaya't ibinuwis Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Ito rin ang tunay na dahilan ng pag-aayuno at pagpepenitensya. Hindi tayo nag-aayuno at nagpepenitensya dahil sa tradisyon lamang ito. Ang tunay na dahilan ng pag-aayuno at pagpepenitensya natin ay dahil mahal natin ang Panginoon, at nakikiisa tayo sa Kanyang pagtitiis, kahit sa pinakamunting paraan. 

Ang pagsasakripisyo ay ginagawa alang-alang sa pag-ibig. Hindi ba, handa tayong magtiis at magsakripisyo para sa mga mahal natin sa buhay? Ganun din ang ginawa ni Hesus sa Kalbaryo. Inihain ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus upang tayo ay mabuhay. Ganyan tayo kamahal ni Hesus. Iyan ang tunay na pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig, handang magsakripisyo. 

Ikatlo, PAGKAKAWANGGAWA. Ang mga Korporal at Espirituwal na Gawa ng Awa ay mga halimbawa ng pagkakawanggawa. Tinutulungan natin ang mga kapwa nating maralita sa pamamagitan ng pagkakawanggawa. Ipinapakita natin sa mga maralita sa pamamagitan ng pagkakawanggawa ang ating pagdamay sa kanila. Ipinapaalala natin sa mga kapatid nating mahihirap na may karamay sila sa kanilang paghihirap. Hindi sila nag-iisa. 

Tandaan po natin ang sinasabi ng Panginoong Hesus sa ika-25 kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo, "Anuman ang ginawa ninyo para sa pinakahamak na kapatid Kong ito, ginawa ninyo ito para sa Akin." (Mateo 25, 40) Hindi lamang ginagawa natin ito para sa isang taong dukha. Ginagawa natin iyon para sa Panginoon. Kung paano tayo kinahabagan at dinamayan ng Panginoon, gayon din naman, kahabagan at damayan din natin ang ating kapwang nangangailangan. 

Hinihikayat tayo ng Simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma na gawin at sanayin ang tatlong ito - pananalangin, pag-aayuno, at pagkakawanggawa. Ang tatlong pagsasanay na ito ay napakahalaga para sa ating espirituwal na pamumuhay. Sa ating pagbabalik-loob sa Diyos, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma, ating pagsanayin ang tatlong ito. Kung paanong kinaawaan at dinamayan tayo ng Diyos, ganun din naman, dapat nating kaawaan at damayan ang ating kapwa, lalung-lalo na ang mga kapatid at kapanalig nating dukha. 

Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pagsisisi at pagbabalik-loob. Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pananalangin, pag-aayuno at pagkakawanggawa. Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pag-ibig. Nawa'y maging makabuluhan ang ating paggunita sa panahon ng Kuwaresma at Mahal na Araw. Gamitin natin nang mabuti ang mga araw sa banal na panahon ng Kuwaresma para sa panalangin, pag-aayuno, pagkakawanggawa, pagsisisi at pagbabalik-loob sa ating Panginoong Diyos na puno ng awa at habag. 

Lunes, Pebrero 16, 2015

ANO ANG MIYERKULES NG ABO?

Katesismo para sa Panahon ng Kuwaresma 


Ang Miyerkules ng Abo ang hudyat ng pagsisimula sa panahon ng Kuwaresma o ang Apatnapung Araw ng Paghahanda para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa araw na ito, binabasbasan at pinapahiran ang abo sa mga noo ng mga tao. Ang wika ng pari sa bawat isang pinapahiran niya ng abo sa ulo, "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya," o kaya, "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan." 

Matutunghayan natin sa Matandang Tipan na ang abo ay tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Noong ipinahayag ni Propeta Jonas sa mga taga-Ninive na gugunawin ang Ninive pagkatapos ng apatnapung araw, ang lahat ng mga taga-Ninive; kahit ang hari ng Ninive, ay nagdamit ng sako, naupo sa abo at nag-ayuno, bilang tanda ng kanilang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Dahil sa ginawang pagsisisi at pagbabalik-loob ng mga taga-Ninive, hindi itinuloy ng Diyos ang Kanyang plano na gunawin ang bayan ng Ninive. 

Sa pasimula ng Kuwaresma, hinihikayat tayo ng Santa Iglesia na magsisi at magbalik-loob. Katulad ng mga wika ng pari sa atin sa pagpapahid ng abo sa ating mga noo, "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya." Tinatawag tayo ng Panginoon na magbagong-buhay. Kinakailangang talikuran natin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Ang Diyos ay punung-puno ng awa at habag sa ating lahat. Hinhintay Niya ang ating pagbabalik-loob sa Kanya, katulad ng paghihintay ng ama sa pagbalik ng alibugang anak (Lucas 15, 11-32). 

Pinapaalala din sa atin ng Simbahan na pansamantala lamang ang ating buhay dito sa lupa. Sinasabi rin ng pari sa atin sa pagpapahid ng abo sa ating mga noo, "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan." Ipinapaalala sa atin na hindi tayo mabubuhay magpakailanman dito sa lupa. Sa mga simpleng salita, ang ibig sabihin noon ay mamamatay din tayong lahat balang araw. Ang buhay natin sa mundo ay isang paglalakbay. Darating din ang araw ng pagtatapos ng ating paglalakbay dito sa lupa. 

May ugnayan ang dalawang ito. Tayong lahat ay pinapaalalahanan ng Simbahan na pansamantala lamang ang ating buhay dito sa sanlibutan. Tinatawagan din tayo ng Simbahan na magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Habang may panahon pa, pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob tayo sa Diyos. Ang panahon ng Kuwaresma ay banal sapagkat ito ay isang panahon ng pagbabalik-loob. Ngayong panahon ng Kuwaresma, lalung-lalo na sa Miyerkules ng Abo, talikuran natin ang kasamaan at manumbalik tayo sa Diyos. Ang Kuwaresma ay ang panahon ng pagtitika at pagbabalik-loob sa Diyos. 

Sabado, Pebrero 14, 2015

MANALIG SA HABAG AT MALASAKIT NG PANGINOON

Pebrero 15, 2015 
Ika-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Levitico 13, 1-2. 44-46/Salmo 31/1 Corinto 10, 31-11, 1/Marcos 1, 40-45 



Natunghayan natin ang makasaysayang pagdalaw ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas noong nakaraang buwan. Ang tema ng apostolikong pagdalaw ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas ay, "Habag at Malasakit." Mula sa una at huling araw ng pananatili ng Santo Papa sa ating bansa ay ipinadama niya sa ating lahat ang awa at habag ng Panginoong Diyos, lalung-lalo na sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Yolanda sa Leyte noong 2013. 

Awa at malasakit din ang naging dahilan ng pagparito ng Panginoong Hesukristo sa sanlibutan. Sa Miyerkules (Pebrero 18) ay sisimulan natin ang banal na panahon ng Kuwaresma. Sa pamamagitan ng panahon ng Kuwaresma, pinagninilayan natin ang awa at habag ng Panginoon sa sangkatauhan. Iisa lamang ang dahilan ng pagparito ni Hesukristo - awa at habag sa sangkatauhan. 

Bago pumasok sa banal na panahon ng Kuwaresma, matutunghayan natin sa Mabuting Balita ngayong araw ng Linggo ang habag at malasakit ni Hesus. Sa Ebanghelyo, natunghayan natin kung paanong naawa si Hesus sa isang ketongin. Ang ketonging ito ay hindi makaranas ng kausap o karamay. Nag-iisa lamang ang ketongin sa kanyang pagdurusa. Wala siyang karamay o kaisa. 

Mahirap ang buhay para sa isang ketongin. Noong kapanahunan ni Hesus, ang mga ketongin ay hinihiwalay mula sa lipunan. Hindi sila kabilang sa lipunan ng mga Hudyo sapagkat sila'y marumi. Ang mga ketong ay nahiwalay sa kanilang mga mahal sa buhay, mga kaibigan, etc. Bawal lumapit sa kanila ang mga tao. Kapag may mga taong papalapit sa kanila, sisigaw sila ng, "Marumi! Marumi!" upang hindi mahawaan ng ketong ang ibang tao. 

Noong mabalitaan ng ketongin sa Ebanghelyo ang lahat tungkol kay Hesus, lumapit siya kay Hesus at hiniling na pagalingin siya mula sa kanyang ketong. Buong pananalig siyang naniwala na si Hesus lamang ang may kakayahang magpagaling sa kanya. Nagmakaawa siya at nagpaalam kay Hesus na pagalingin siya. Humihingi siya ng awa at habag mula kay Kristo upang mapagaling siya ni Kristo.  

Ang awa at malasakit ni Kristo ang nag-udyok sa Kanya na pagalingin ang ketongin mula sa kanyang sakit. Naaawa si Kristo sa ketongin. Alam ng Panginoon na nagdurusa ang ketongin dahil hindi niya makakasama ang kanyang pamilya at kaibigan. Hiniwalay at hindi tinanggap ng lipunan ang ketongin dahil sa kanyang karamdaman. Tagalabas ang ketonging ito. Matagal nang nagdurusa ang ketongin dahil sa pagtingin sa kanya ng lipunan. 

Dahil sa habag at malasakit ng Panginoon, nawala ang ketong ng ketongin sa Ebanghelyo. Bumalik sa dati ang kanyang balat. Makutis na ang kanyang balat. Wala nang ketong. Makakapiling niya muli ang kanyang mga pamilya at kaibigan. Ang himalang ginawa ni Hesus sa ketongin ay nagdulot ng malaking kagalakan sa kanya. Pinalaya ang ketongin ni Hesus mula sa kanyang ketong, at ito'y nagdulot ng malaking tuwa sa lalaking may ketong noon. 

Katulad ng ketongin sa Ebanghelyo, manalig tayo sa habag at malasakit ng ating Panginoon. Ang Diyos ay isang diyos na maawain at mahabagin. Walang makakatumbas sa awa at malasakit ng Diyos sa atin. Humingi tayo sa Diyos ng Kanyang awa at habag. Manalig lamang tayo na tayo'y kahahabagan at kaaawaan ng Diyos. Laging nakahanda ang Diyos na ipadama sa lahat ang Kanyang habag at malasakit. Ang habag at malasakit ng Diyos ay napakalaki at napakadakila. Hindi ito mapapantayan. Magtiwala lang tayo sa awa at habag ng Diyos. 

O Diyos, kaawaan at kahabagin Mo kami, lalung-lalo na sa mga matitinding pagsubok sa aming buhay. Amen.