Biyernes, Hulyo 24, 2015

PAKIKINIG, PAGTALIMA, KALUWAHATIAN

Agosto 6, 2015
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong-Anyo ng Panginoon (B) 
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Marcos 9, 2-10



Sa salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo nina San Mateo, San Marcos at San Lucas, matutunghayan natin ang pakikinig at pagtalima ni Hesus sa kalooban ng Ama. Ang pakikinig at pagsunod ni Hesus sa nais ng Ama ay naging daan tungo sa pagkamit ng kaluwalhatian, hindi lamang para sa Kanyang sarili kundi para sa ating lahat. Kahit ang kalooban ng Ama ay mamatay si Hesus, batid ni Hesus na hindi magtatapos ang lahat doon. Hindi nagtapos ang lahat sa kamatayan ni Hesus sa krus. Pagkatapos Niyang mamatay sa krus, si Hesus ay muling nabuhay sa ikatlong araw. 

Una, pakikinig. Para kay Hesus, napakahalaga ng pakikinig, lalung-lalo na sa tinig ng Amang Diyos. Sa tuwing may talinghagang ikinukuwento si Hesus, lagi Niyang sinasabi, "Ang sinumang may pandinig ay makinig." Laging ginagamit ng Panginoon ang Kanyang pandinig. Sa katahimikan ay pinapakinggan Niya ang tinig ng Ama. Kahit na pumarito si Hesus sa lupa, lagi Siyang nananalangin sa Ama. Hindi nawala ang ugnayan ni Hesus sa Ama, kahit na Siya ay nasa lupa. Bagkus, lagi Siyang nakikinig sa tinig ng Ama. 

Ang pananalangin sa Diyos ay pakikipag-usap sa Kanya, para kay Hesus. Hindi lamang tayo humihingi sa Diyos; nakikipag-usap tayo sa Kanya. Nakikipag-ugnayan tayo sa Diyos sa pananalangin. At ang pinakaimportanteng bagay madalas nating nakakalimutan - kinakausap tayo ng Diyos. Nakikinig din ang Diyos sa atin. Kinakausap din tayo ng Diyos. Subalit, hindi mailalarawan ng mga salita o wika ng tao ang mga winiwika ng Diyos sa atin. Tayong lahat ay kinakausap ng Diyos sa katahimikan. Ang katahimikan ang wika ng Diyos. 

Ikalawa, pagtalima. Mahirap tumalima, lalung-lalo na kung napakahirap at napakasakit ang hinihingi mula sa atin. Sa totoo lang, mahirap ding tumalima o sumunod sa mga alituntunin, lalung-lalo na kung wala namang sumusunod doon. Masyadong pasaway o masuwayin ang ilan sa atin, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Hindi na tayo marunong sumunod sa utos ngayon. 

Kahit napakasaskit ang kalooban ng Ama, tumalima si Hesus sa kalooban ng Ama. Hindi Niya ninais na mamatay alang-alang sa kasalanan ng tao. Subalit, pinili Niyang gawin iyon. Alam ni Hesus na ang kalooban ng Ama ay para sa ikabubuti ng sangkatauhan. Napakasakit man ang kalooban ng Ama at lalung-lalo na ang paraan ng Kanyang kamatayan, pinili ni Hesus na sumunod dito. Kahit hindi kagustuhan ng Panginoong Hesus na mamatay ng isang napakasakit na kamatayan, sinunod pa rin Niya ito. Alam Niyang iyon ang kagusuthan ng Ama upang maligtas ang sangkatauhan. 

Ikatlo, kaluwalhatian. Ang pagbabagong-anyo ni Hesus sa Bundok ng Tabor ang pagsulyap sa kaluwalhatiang kinamit Niya noong Siya'y muling nabuhay. Iisa lamang ang mensahe ng pagbabagong-anyo ng Panginoong Hesukristo - hindi magwawakas ang lahat sa Kanyang kamatayan. Muling nabuhay si Hesus sa ikatlong araw. Binibigyang-diin ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus ang kaluwalhatian ng Kanyang muling Pagkabuhay. Sa Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, nakamit Niya ang tagumpay at kaluwalhatian. 

Kung hindi nakinig at tumalima si Hesus sa kalooban ng Ama, hindi Niya makakamit ang kaluwalhatian. Magkakaugnay ang pakikinig at pagtalima sa kaluwalhatian. Maaaring takasan ni Hesus ang kalooban ng Ama, katulad ng ginawa ni propeta Jonas noong sinugo siya ng Diyos sa bayan ng Ninive. Maaari din sanang humiling ng isang pinakamadaling paraan. Subalit, pinili ni Hesus na sundin ang kalooban ng Ama, kahit ang paraang iyon ay ang pinakamasakit at pinakamahirap na paraan.  

Ang kaluwalhatiang kinamit ni Hesus ay binuo dahil sa Kanyang pakikinig at pagtalima sa Ama. Alam Niya ang ugnayan ng Kanyang pakikinig at pagtalima sa Ama sa kaluwalhatian ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kahit napakasakit at napakabrutal ang kailangang danasin at tiisin ni Hesus, alam Niyang hindi iyon ang pagtatapos. Hindi magtatapos ang lahat sa Kanyang kamatayan. Bagkus, muling mabubuhay ang Panginoong Hesus sa ikatlong araw. Kahit maaari suwayin ng Panginoon ang kalooban ng Ama, pinili pa rin Niyang sumunod dito. Ang kalooban ng Ama ay para sa kabutihan ng lahat, at ito ang dahilan kung bakit nakinig at tumalima si Hesus, at sa gayon ay nakamit ang kaluwalhatian.  

Martes, Hulyo 21, 2015

PAGKAING MULA SA LANGIT

Agosto 2, 2015
Ikalabing-Walong Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Exodo 16, 2-4. 12-15/Salmo 77/Efeso 4, 17. 20-24/Juan 6, 24-35



Ang Ebanghelyo ngayong Linggo ay ang simula ng diskurso ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay. Ipinapakilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang pagkaing nagmula sa langit. Siya ang bagong manna at higit pa sa mannang nahulog sa langit noong kapanahunan ni Moises. Higit pa sa pisikal na kagutuman ang pinapawi ni Hesus bilang pagkaing nagbibigay-buhay. 


Sa Unang Pagbasa, napakinggan natin ang salaysay ng manna. Nagreklamo ang mga Israelita dahil wala silang makain sa ilang. Galit na galit sila kay Moises dahil sa kakulangan ng pagkain. Dahil dito, kinausap ng Diyos si Moises. At sa pag-uusap nina Moises at ng Panginoong Diyos, nangako ang Panginoon na pauulanan Niya ng tinapay ang mga Israelita kinabukasan para magkaroon sila ng pagkain para sa maghapon. Gayon nga ang nangyari. Umulan ng tinapay mula sa langit. Dininggin ng Diyos ang kahilingan ng mga tao. 

Sa Ebanghelyo, nakita natin na hinahanap ng mga tao si Hesus. Nang mahanap nila si Hesus, tinanong nila kung gaanong katagal na Siya nandoon sa ibayo ng lawa. Subalit, batid ni Hesus na hindi Siya hinahanap ng mga tao dahil sa kababalaghang ginawa Niya. Bagkus, alam ni Hesus na hinanap Siya ng mga tao dahil nabusog silang lahat sa nakain nila. Noong nakaraang Linggo, ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagpapakain sa limang libo. Pinakain ni Hesus ang limang libong katao sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda lamang. 

Dito nagsimula ang diskurso ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay. Ipinapakilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang pagkaing nagbibigay-buhay. Ang Kanyang Katawan at Dugo ay ang pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Nangako si Hesus na ang sinumang lumalapit at nananalig sa Kanya ay hindi na muling magugutom o mauuhaw.  Si Hesus ay sapat na upang pawiin ang mga matitinding kagutuman at kauuhawan, hindi lamang sa pisikal na kagutuman at kauuhawan, kundi pati na rin sa mga espirituwal na pagkagutom at pagkauhaw. 

Nagtaka ang mga tao sa mga narinig nila mula kay Hesus. Para sa mga tao, imposible naman iyon sapagkat tao lamang Siya. Hindi nila lubusang nakikilala si Hesus. Ayon sa kanila, si Hesus ay isang taong gumagawa ng mga himala at isa ring guro na nagmumula sa Nazaret. Subalit, higit pa doon si Hesus. Higit pa si Hesus kaysa sa mga inaakala nila. Hindi lamang isang guro o isang taong gumagawa ng himala si Hesus. Hindi lamang Siya taga-Nazaret. May isang bagay tungkol kay Hesus na hindi alam ng mga tao. 

Para sa ating lahat, si Hesus ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas, ang Diyos na naging taong tulad natin. Siya ang Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. Siya ang Diyos na nakababatid sa mga pangangailangan ng tao. Alam Niya kung ano ang nakabubuti para sa ating lahat. Siya ang makapangyarihan sa lahat ng mga nilalang. 

Ipinahayag ni Hesus na ang pagkaing nagmula sa langit ay ibinigay ng Ama. Akala ng mga tao na aktual na pagkain ang tinutukoy ni Hesus noong sinabi Niyang ang Ama ang nagbibigay ng pagkaing nagbibigay-buhay. Hiling nila kay Hesus na ibigay Niya sa kanila ang pagkaing iyon upang hindi na sila muling magugutom at mauuhaw. Ang kanilang kahilingan ay katulad ng kahilingan ng babaeng Samaritana kay Hesus noong nagkausap sila sa Balon ni Jacob. Hiniling ng babaeng Samaritana kay Hesus na ibigay sa kanya ang tubig na nagbibigay-buhay upang hindi na niya kailangang sumalok mula sa Balon ni Jacob. 

Ang pagkaing nagmumula sa langit na tinutukoy ni Hesus ay ang Kanyang sarili. Walang pisikal na pagkain dito sa mundo ang makakapawi sa mga matitinding kagutuman at kauuhawan ng tao. Si Hesus lamang ang makakapawi sa mga ito. Sapat na si Hesus. Ang Panginoong Hesus ang pagkaing pang-kaluluwa. Lumapit at manalig tayo sa Kanya. Katulad ng sinabi ng Panginoong Hesukristo, Siya ang pagkaing nagbibigay-buhay. Binibigyan tayo ng buhay ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang Katawan at Dugo. Tanggapin natin Siya sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Sa Banal na Eukaristiya ay tinatanggap natin ang Katawan at Dugo ni Kristo, ang pagkain at inuming ibinigay ng Ama mula sa langit. 

Linggo, Hulyo 19, 2015

NAKABABATID AT TUMUTUGON ANG PANGINOON SA PANGANGAILANGAN NG TAO

Hulyo 26, 2015 
Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
2 Hari 4, 42-44/Salmo 144/Efeso 4, 1-6/Juan 6, 1-15



Ang Linggong ito ang simula ng limang Linggo ng Taon B kung kailan ang Ebanghelyo para sa Banal na Misa ng araw ng Linggo ay hango sa ikaanim na kabanata ni San Juan. Tuwing Taon B, ang mga Ebanghelyo sa mga Misa sa mga araw ng Linggo ng Karaniwang Panahon ay nagmumula sa Ebanghelyo ni San Marcos. Subalit, napaikli lamang ang Ebanghelyo ni San Marcos. May labing-anim na kabanata lamang ang Ebanghelyo ni San Marcos. Kaya, hiniram ang ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan para sa Banal na Misa ng mga araw ng Linggo sa Karaniwang Panahon ng taong ito, Taon B sa kalendaryo ng Simbahan. 

Sa ating Ebanghelyo, natunghayan natin na pinarami ni Hesus ang tinapay at isda. Pinakain Niya ang Limang Libong tao sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda. Tinugon ni Hesus ang pangangailangan ng mga tao. Alam ni Hesus na malayo ang pinanggalingan ng mga taong sumunod sa Kanya sa lugar na yaon. Alam ni Hesus na pagod na ang mga tao at nagugutom na sila. Wala silang dalang pagkain. Kahit mukhang imposibleng pakainin ang sobrang dami ng taong nagkatipon sa lugar na yaon, alam ni Hesus kung ano ang gagawin Niya. 

Noong tinanong ni Hesus si Felipe kung saang makakabili sila ng pagkain, sinusubukan lamang Niya si Felipe. Alam ni Hesus kung ano ang sasagutin ni Felipe at alam din Niya kung ano ang Kanyang gagawin, dagdag pa nga ni San Juan Ebanghelista. Batid ni Hesus ang Kanyang gagawin, bago pa sumagot ang mga alagad sa katanungan Niya. Alam ni Hesus kung papaano Niyang pakakainin ang ganitong karaming tao - limang-libo pa nga ang bilang ng mga taong nagkatipon sa lugar na yaon. 

Hindi nakahanap ng pagkain ang mga alagad sa lugar na yaon. Dagdag pa nga ni San Felipe Apostol, napakamahal ang babayaran nila para mapakain ang ganitong karaming katao. Nakahanap si San Andres Apostol ng isang bata na may dalang pagkain. Limang tinapay at dalawang isda lamang ang dala ng batang iyon. Talagang hindi sasapat ang limang tinapay at dalawang isda para sa limang libong katao. Himala lamang ang kailangan para mapakain ang limang libong tao.

Batid ni Hesus kung ano ang Kanyang gagawin. Batid ni Hesus na kailangan Niyang gumawa ng kababalaghan para mapakain ang mga tao. Kaya, noong kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda, matapos manalangin at magpasalamat sa Diyos, hinati niya ang mga tinapay at isda at napakain Niya ang mga tao. Ginamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos na paramihin ang mga tinapay at isda upang pawiin ang kagutuman ng limang libong taong nagkatipon sa lugar na yaon. 

Ipinapakita ni Hesus sa Ebanghelyo na alam Niya ang pangangailangan ng bawat tao. Tinutugon din ng Panginoon ang ating mga pangangailangan sa iba't ibang paraan. Wika pa ng Panginoong Hesus noong nagturo Siya kung paanong manalangin, "Alam na ng Amang Diyos ang inyong mga pangangailangan bago ninyo hilingin ito sa Kanya." (Mateo 6, 8) Nakita natin iyon noong pinarami ni Kristo ang mga tinapay at isda upang makakain ang mga tao. Hindi man humiling ang mga tao sa Panginoon na pakainin sila. Subalit, alam ng Panginoon na gutom na gutom sila. Alam ng Panginoon na gusto nang kumain ang mga tao. 

Tunay at totoo ang tugon sa ating Salmong Tugunan ngayong araw ng Linggo. "Pinakakain Mong tunay, kaming lahat, O Maykapal." Tumutugon ang Panginoon sa ating mga pangangailangan. Hindi lamang ang ating mga pagkain o inumin ang mga ipinagkakaloob Niya sa atin. Lahat ng ating mga pangangailangan, maging pisikal, materyal o espiritwal, ipinagkakaloob Niya. Nasa Kanya ang lahat. Hinding-hindi tayo bibiguin. Hinding-hindi nagkukulang ang Panginoon. 

Dagdag pa nga ni San Juan Ebanghelista sa katapusan ng Ebanghelyo ngayon, nakapuno ng labindalawang bakol ang mga alagad. Labis-labis at sobra-sobra ang tinapay at isda. Nabusog ang lahat ng mga tao. Mula sa limang tinapay at dalawang isda, napakain ni Hesus ang limang libong katao. May mga natira pang tinapay at isda. Tamang-tama kung sakaling magutom muli sina Hesus at ang mga alagad. May makakain pa sila sapagkat sobra-sobra ang dami ng mga pagkain noong araw na yaon. Dahil sa sobrang dami ng pagkain, may natira pang mga tinapay at isdang sasapat para kina Hesus at sa mga alagad. 

Kung ang Diyos ay magkakaloob sa atin, labis-labis. Sobra-sobra. Higit pa sa ating mga inaasahan. Alam ng Diyos ang ating mga pangangailangan. Batid Niya ang lahat ng mga kailangan natin sa pang-araw-araw na buhay. Kadalasan nga, higit pa sa mga kailangan natin ang ipinagkakaloob Niya sa atin. Sa pamamagitan ng pagkakaloob ng ating mga pangangailangan, ipinapakita ng Diyos na Siya'y maunawain sa ating mga pangangailangan at mapagbigay. Pag-ibig, awa at malasakit ang dahilan kaya ang Diyos ay nakababatid at tumutugon sa pangangailangan ng tao. Dahil sa Kanyang pag-ibig, awa at malasakit sa ating lahat, Siya ay maunawain sa ating mga pangangailangan at mapagbigay. 

Sabado, Hulyo 18, 2015

AWA AT MALASAKIT

Hulyo 19, 2015
Ikalabing-Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Jeremias 23, 1-6/Salmo 22/Efeso 2, 13-18/Marcos 6, 30-34



Napakabilis ng panahon. Sa simula ng taong ito, ang Santo Papa Francisco ay dumalaw sa ating bansa. Karamihan sa ating lahat ay pinalad na makakita si Papa Francisco noong bumisita siya sa Pilipinas. Ang tema ng kanyang apostolikong pagdalaw sa Pilipinas noong nakaraang Enero ay, "Awa at Malasakit." Sa kanyang pagbisita sa bansa, naipadama ng Santo Papa ang Awa at Malasakit ng Panginoon sa ating lahat, lalung-lalo na sa mga dukha. Mga anim na buwan na ang lumipas magmula noong si Santo Papa Francisco sa ating bansa. 

Muli nating napakinggan sa mga Pagbasa ngayong araw ng Linggo ang tema ng Awa at Malasakit ng Panginoong Diyos. Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na nadidismaya ang Panginoon sa mga pastol na walang malasakit sa kanilang mga tupa. Ang ibig sabihin, ang mga pinuno ng bayang Israel ay walang awa at malasakit sa mga Israelita. Naliligaw ng landas ang mga Israelita, subalit walang ginagawa ang mga pinuno nito. Galit ang Panginoon sa inaasal ng mga nagsisilbing pastol ng Kanyang bayan. 

Dahil dito, nangako ang Diyos na magpapadala at magsusugo Siya ng isang tunay na pastol na mangangalaga ng Kanyang mga tupa. Magpapadala Siya ng isang hari o pinuno na mamamahala sa bayang Israel. Sa pamumuno ng pinunong ipapadala ng Diyos, muling pag-iisahin ang mga nawawalang tupa ng bayang Israel. Ang mga nawawalang tupa ay mahahanap muli. Magkakaisa muli ang kawan ng bayang Israel. Natupad ang propesiya ni propeta Jeremias sa katauhan ni Hesus, ang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng sansinukob. 

Ipinapaalala sa atin ni San Pablo Apostol sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay pinag-isa ni Kristo. Tayong lahat ay naligaw ng landas at nagkawatak-watak, subalit pinag-isa tayong lahat ng Panginoong Hesukristo. Si Kristo ang naging daan tungo sa pagkakaisa ng kawan. Paano Niya ginawa? Sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang buhay sa krus. Ang pagkamatay ng Panginoon sa krus ay naging daan tungo sa pagkakaisa ng Kanyang kawan. Bakit Niya ginawa iyon? Ang Kanyang awa at malasakit sa ating lahat, ang Kanyang kawan. 

Sa ating Ebanghelyo, napakinggan natin na binalak magpahinga si Hesus kasama ang Kanyang mga alagad sa isang ilang na lugar. Bumalik ang mga alagad kay Hesus mula sa misyong ibinigay sa kanila ni Hesus. Pagod na pagod na ang mga alagad. Naawa si Hesus sa kanila. Alam Niya na naghirap ang mga alagad sa kanilang misyon. Kaya, inanyayahan Niya ang mga alagad na magpahinga sa isang ilang na lugar na kasama Niya. 

Habang tumungo ang Panginoong Hesus at ang mga alagad sa pupuntahan nila, nakita at nakilala sila ng napakaraming tao. Sinundan nila si Hesus at ang mga alagad at naunahan pa nga nila sina Hesus sa lugar na binalak nilang puntahan. Nang makita ni Hesus ang mga tao, muli Siyang naawa. Naawa ang Panginoon sa mga tao sapagkat ang mga taong sumunod sa kanila ay parang mga tupang walang pastol. Naliligaw na sila ng landasin. Hindi nila alam kung saan sila dapat tumungo. Kaya, tumungo ang mga tao kay Hesus. 

Binalak ni Hesus na magpahinga sa lugar na yaon. Subalit, hindi na Siya nakapagpahinga. Dahil sa Kanyang awa at malasakit sa mga tao, pinaglingkuran Niya ang napakaraming taong sumunod sa Kanya. Kahit pagod na pagod na siguro si Hesus sa mga sandaling iyon, hindi iyon naging hadlang para sa Kanya upang paglingkuran ang mga taong sumunod sa Kanya at pumunta sa dakong iyon upang makita Siya. Karamihan pa nga sa mga taong pumunta sa dakong yaon ay nagmula pa sa mga malalayong lugar. 

Sa ikatlong araw ng kanyang apostolikong pagdalaw ng Santo Papa sa bansa noong nakaraang Enero, siya'y pumunta sa Leyte. Paglapag ng kanyang erpolano sa Paliparan ng Tacloban, pinangunahan ng Santo Papa Francisco ang Misa sa stage na itinayo sa tarmak ng Tacloban Airport. Bago nagsimula ang Santa Misa ng Santo Papa, nagbigay ang mga organizer ng mga suhestiyon para sa Santo Papa. Ang unang suhestiyon ay isagawa na lamang sa backstage ng altar at ipalabas ang Misa ng Santo Papa sa LED Screens upang mapanood ng mga tao. Ang ikalawang suhestiyon, ayon sa ilang sources, ay isagawa na lang ng Papa ang Misa sa Katedral ng Palo. Mag-momotorcade na lang ang Santo Papa patungong Palo Cathedral, at doon isagawa ang Banal na Misa. 

Subalit, ang sagot ng Santo Papa, "But why? Where are the people? No, no, no." (Pero bakit? Nasaan ang mga tao? Hindi, hindi, hindi.) Hindi pumayas si Papa Francisco na ilipat sa ibang lugar ang Misa upang sa gayon ay hindi siya mabasa habang nagmimisa. Bagkus, pinili ng Santo Papa na magmisa sa gitna ng bagsik ng bagyong Amang upang makapiling niya ang mga naging biktima ng kalamidad, lalung-lalo na ng bagyong Yolanda noong 2013.

Makikita natin na tinularan ng Santo Papa ang ginawa ni Hesus sa Ebanghelyo. Bagamat pagod na pagod na si Hesus at ninais Niyang magpahinga, pinaglingkuran ni Hesus ang napakaraming taong pumunta sa dakong yaon upang makita at mapakinggan Siya. Isinantabi at ipinagpaliban muna ni Hesus ang pagpapahinga upang paglingkuran ang mga taong sumunod sa Kanya. 

Tinularan ng Santo Papa Francisco ang halimbawang ito, lalung-lalo na noong siya'y nasa Leyte. Tandaan din natin, si Papa Francisco'y hindi perpekto. Hindi siya diyos. Tao din siya katulad natin. Siya ang Bikaryo ni Kristo dito sa lupa. Subalit, sinikap niyang tularan ang Panginoon sa kabila ng kanyang katauhan. Kung kinaya niyang tularan ang halimbawa ni Hesus, kayang-kaya din natin iyon. Hinahamon tayo ngayon na maglingkod na may habag at malasakit, katulad ng ating Panginoong Hesukristo. 

Panginoon, tulungan Mo kaming maging maawain at mapagmalasakit, katulad Mo. Amen. 

Linggo, Hulyo 12, 2015

PAGMIMISYON

Hulyo 12, 2015
Ikalabinlimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Amos 7, 12-15/Salmo 84/Efeso 1, 3-14 (o kaya: 1, 3-10)/Marcos 6, 7-13



Bilang mga Kristiyano, tayong lahat ay may tungkuling ibinigay sa atin ng Panginoon. Ang pagsaksi sa Panginoon sa buong daigdig ang tungkuling ibinigay sa atin bilang mga Kristiyano. Marahil, sasabihin ng ilan na ipaubaya na lang natin sa Santo Papa, mga Kardinal, mga Obispo, ang kaparian, o kaya sa mga relihiyoso't relihiyosa ang tungkulin ng pagsaksi sa Panginoon sa makabagong panahon. Subalit, kahit tayo ay mga pangkaraniwang tao lamang, tayong lahat ay hinirang at isinusugo ng Panginoon na maging Kanyang mga misyonero sa buong daigdig, lalung-lalo na sa makabagong panahon. 

Si Propeta Amos ay isang halimbawa ng isang pangkaraniwang taong hinirang ng Panginoong Diyos na maging Kanyang propeta sa bayang Israel. Sa Unang Pagbasa, ipinakilala ni Propeta Amos ang kanyang sarili noong sinabihan siya ng saserdoteng si Amasias na umuwi na sa kanyang bayan upang manghula na lang doon. Ayon sa saserdoteng si Amasias, hanapbuhay lamang para kay Amos ang ginagawang panghuhula at wari'y panlilinlang sa bayan. Akala ni Amasias na naghahanap-buhay si Amos kaya siya naparoon sa bayan ng Betel. 

Tinugon naman ni propeta Amos si Amasias. Sinabi ni Amos sa saserdoteng si Amasias na hindi siya naghahanap-buhay doon sa Betel. Bagkus, naparoon siya upang maging tagapagpahayag ng mensahe ng Diyos sa bayang Israel. Dagdag pa ni Amos, isang hamak na pastol at tagapag-alaga ng mga punong igos. Subalit, hinirang siya ng Panginoong Diyos upang maging tagahatid ng Kanyang mensahe sa bayang Israel, sa kabila ng kanyang simple at payak na pamumuhay bilang tagapag-alaga ng mga tupa at mga punong igos.

Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay hinirang ng Diyos. Si Kristo ang dahilan kaya tayo ay hinirang ng Diyos na maging Kanyang bayang sumasaksi sa Kanya. Tayong lahat ay hinirang ng Diyos sapagkat tayong lahat ay iniligtas ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan. Ang kamatayan ni Kristo ay naging daan patungo sa pakikipag-isa sa Kanya at ang paghirang sa atin ng Diyos bilang Kanyang bayan. 

Pinalaya tayo ni Kristo mula sa kaalipinan dulot ng kasamaan. Sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo, tinubos tayo mula sa kasamaan. Hindi na tayo mga alipin ng kasamaan. Hindi na tayo mga anak ng kadiliman. Bagkus, tayong lahat ay mga anak ng Diyos. Si Kristo, na Siyang Bugtong na Anak ng Diyos, ang ating kapatid. Tayong lahat ay naging mga anak ng Diyos sapagkat pinalaya tayo ni Kristo mula sa kasamaan at kadiliman. 

Natunghayan naman natin sa Ebanghelyo na isinugo ni Hesus ang Kanyang mga alagad para magmisyon. Ano ang kanilang misyon? Ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Ang mga alagad ang magpapatuloy ng sinimulan ni Hesus. Isinugo ni Hesus ang mga alagad sa mga bayan upang mangaral at sumaksi sa paghahari ng Diyos. 

Subalit, kahit maganda at mabuting balita ang ipangngaral ng mga alagad tungkol sa paghahari ng Diyos, hindi sila tatanggapin sa mga bayan. Katulad ng natunghayan natin noong nakaraang Linggo, hindi tinanggap si Hesus sa Kanyang sariling bayan. Hindi matanggap ng mga kababayan ni Hesus sa Nazaret dahil sa Kanyang taglay na karunungan at kapangyarihan. Paano pa kaya ang mga alagad ni Hesus sa kanilang pagmimisyon? 

Ang pagmimisyon, para kay Hesus, ay hindi para matuwa ang mga tao sa mga sinasabi at itinuturo. Bagkus, ang pagmimisyon, ang pagsaksi sa kaharian ng Diyos, ay ang pagsasabi ng katotohanan. Marami ang pagdadaanan ng mga alagad na di-pagtanggap, katulad ng dinanas ni Hesus. Dinanas ni Hesus ang pagtatakwil sa Kanya sa Nazaret, at muli Niyang dinanas ang pagtatakwil ng mga tao sa Kanya noong Siya'y ipako sa krus. 

Masakit man ang katotohanang ipinangaral ni Hesus para sa ilan, hindi Siya natakot sabihin iyon. Alam ni Hesus na iyon ang kalooban ng Diyos. Tumatalima si Hesus sa kalooban ng Diyos. Hindi naparito si Hesus para gawin ang mga gusto ng tao para sa Kanya. Noong gagawin sana Siyang hari ng mga tao, si Hesus ay umalis at nagtungo sa isang ilang na lugar upang manalangin. Alam ni Hesus na hindi kalooban ng Diyos na maghari nang isang pulitikong paghahari. Alam ni Hesus na hindi kalooban ng Diyos na patalsikin Niya ang mga sumasakop sa Kanyang bayan nang may karahasan. 

Ipinangaral ni Hesus na ang kaharian ng Diyos ay isang kaharian ng awa at habag para sa lahat. Hindi naparito si Hesus, ang Diyos na naging tao, upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. Kaya, isinugo ni Hesus ang mga alagad upang ipalaganap ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa lahat. Ipinagpapatuloy pa rin magpahanggang ngayon ng Simbahan ang misyong ibinigay ng Panginoon. Isinusugo rin tayong lahat na maging mga saksi sa kaharian ng Diyos. Sa ating pagmimisyon dito sa lupa, ating ipalaganap ang Mabuting Balita ng kaligtasan dulot ng awa at habag ng ating Panginoon. 

Linggo, Hulyo 5, 2015

PANANALIG SA GITNA NG MGA PAGSUBOK SA BUHAY

Hulyo 5, 2015
Ikalabing-Apat na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Ezekiel 2, 2-5/Salmo 122/2 Corinto 12, 7-10/Marcos 6, 1-6


Ang tema ng mga Pagbasa ngayong araw ng Linggo ay tungkol sa mga pagsubok sa buhay. Alam naman nating siguro na ang buhay ay hindi laging masaya o maliwanag. May mga pagkakataon kung kailan nagiging madilim o malungkot ang buhay. Hindi nating maiiwasan ang mga pagsubok o mga madidilim at malulungkot na sandali sa ating mga buhay. Kusa lamang itong dumarating. Subalit, kung nagtataglay tayo ng pananalig sa Diyos, kahit kaunti lamang ito, madadaanan at mapagtatagumpayan din natin ang mga iyon. 

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang salaysay ng pagsugo ng Diyos kay propeta Ezekiel. Isang napakahirap na misyon ang ibinigay ng Diyos para kay Ezekiel. Napakahirap ang papel na gagampanan ni Ezekiel. Sa kanyang pagmimisyon bilang propetang isinugo ng Diyos, may mga pagsubok na haharapin si Ezekiel. Karamihan sa kanyang mga kababayan ay hindi makikinig sa kanya dahil sa katigasan ng kanilang puso at isipan. Hindi rin siya tatanggapin ng ilan sa kanyang mga kababayan at posibleng isang karumal-dumal na kamatayan ang naghihintay din sa kanya, lalung-lalo nang kapanahunan ng pagkakatapon ng bayang Israel sa Babilonia. 

Nakaranas din ng matitinding pagsubok si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Siya'y nagkaroon ng kapansanan sa katawan at tatlong ulit siyang nanalangin sa Panginoon na ialis ang kapansanang ito mula sa kanyang katawan. Para kay San Pablo Apostol, hindi niya magagampanan nang maayos ang kanyang misyon. Kapag may kapansanan siya o mahina, hindi siya magiging matagumpay sa kanyang pangangaral at pagmimisyon. 

Subalit, sa kabila nito, sina Propeta Ezekiel at San Pablo Apostol ay nagpatuloy sa pagganap sa mga tungkuling ibinigay sa kanila ng Diyos. Bakit? Ang Panginoon ang tumutulong sa kanila sa kanilang mga misyon. Kahit mahihina pa sila, tinutulungan sila ng Panginoon. Kung hindi dahil sa pagpapala at grasyang kaloob ng Panginoon, hindi sila magiging tagumpay sa kani-kanilang pagmimisyon. Katulad ng sinabi ni Apostol San Pablo, "Kung kailan ako mahina, saka ako malakas." (2 Corinto 12, 10) Ang grasya ng Panginoon ang tumutulong sa atin sa ating mga misyon sa buhay. 

Isang nakakalungkot na pangyayari ang ating natunghayan sa Ebanghelyo ngayong araw na Linggo. Ang Diyos na naging tao, si Hesukristo, ay hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Hindi hinhangaan si Hesus sa Nazaret, katulad ng paghanga sa Kanya ng mga tao sa ibang lugar sa Galilea, katulad ng Capernaum. Kung ginagalang si Hesus sa ibang bayan katulad ng Capernaum, hindi gayon ang nangyari sa Nazaret. Sa halip na tanggapin si Hesus sa Nazaret, Siya'y itinakwil nila. 

Bakit hindi tinanggap si Hesus sa Nazaret? Masasabi natin na ang mga kababayan ni Hesus sa Nazaret ay inggit lamang sa Kanya. Nainggit sila sa husay at kaalaman ni Hesus tungkol sa Banal na Kasulatan. Wala silang nakita o nakikilalang dalubhasa sa Banal na Kasulatan katulad ni Hesus. Ngayon sila nakarinig ng ganitong kahusay na tagapagsalita at tagapagpaliwanag ng Banal na Kasulatan sa katauhan ni Hesus. 

Kilala din ng mga taga-Nazaret kung sino si Hesus. Kilala nila ang Kanyang mga magulang at mga kamag-anak. Alam ng buong bayan ng Nazaret na si Hesus ang anak nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Marami silang alam tungkol kay Hesus, Maria at Jose. Alam nila na si Maria ay dalaga pa lamang noong dinadala niya si Hesus sa kanyang sinapupunan. Si San Jose naman ay kilala sa Nazaret bilang karpintero at kabiyak ng puso ng Birheng Maria. 

Ang kalungkutan diyan, ginamit ng mga kababayan ni Hesus ang kanilang kaalaman tungkol sa Kanya upang hindi tumanggap sa Kanya bilang kaisa nila. Hindi nila ipinagmamalaki si Hesus. Hindi rin sila nanalig kay Hesus. Bagkus, si Hesus ay itinakwil, pinagdudahan at ikinahiya ng mga kababayan Niya sa Nazaret. Napakasakit siguro para kay Hesus na makita at marinig sa mga labi ng Kanyang mga kababayan na hindi Siya tanggap sa bayan Kanyang kinalakihan. 

Subalit, sa kabila ng di-pagtanggap sa Kanya sa Nazaret, nagpatuloy si Hesus sa Kanyang misyon. Nananalig Siya na ang Ama at Espiritu Santo ay kasama pa rin Niya, kahit na Siya'y itinakwil sa Nazaret. Hindi naging dahilan para kay Hesus ang di-pagtanggap sa Kanya sa Nazaret para umatras sa misyong ibinigay sa Kanya ng Ama. Patuloy Niyang sinundan ang Kanyang misyon hanggang sa mabuo ito sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Alam ng Panginoon ang pakiramdam ng mga pagsubok sa buhay. Alam ng Panginoon na tayo ay nasasaktan kapag hindi tayo tinatanggap o iginagalang. Naranasan ng Panginoon ang lahat ng ito. Sa panahon ng mga pagsubok, kasama natin ang Diyos. Kaisa natin ang Diyos. Tutulungan tayo ng Diyos na makabangon mula sa mga matitinding pagsubok sa ating buhay. Hindi tayo nag-iisa. Kasama natin ang Diyos at tutulungan Niya tayong pagtagumpayan ang ating mga personal na pagsubok sa buhay.