Linggo, Agosto 23, 2015

MANATILI O UMALIS?

Agosto 23, 2015
Ikadalawampu't Isang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Josue 24, 1-2a. 15-17. 18b/Salmo 33/Efeso 5, 21-32/Juan 6, 60-69 



Ngayong Linggo ang huling araw ng Linggo ng Taon B kung kailan mapapakinggan natin ang ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan sa Ebanghelyo ng Lingguhang Banal na Misa. Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tungkol sa pag-alis ng mga tao. Tumalikod ang mga tao kay Hesus dahil para sa kanila, loko-loko si Hesus. Nawawala si Hesus sa Kanyang sarili dahil sa mga turo Niya tungkol sa pagkain sa Kanyang Katawan at Dugo. Ayon kay Hesus, ang Kanyang Katawan at Dugo ang makapagbibigay ng buhay na walang hanggan. Bilang mga Kristiyano, tayo ay sumasampalataya at nananalig sa tunay na presensya ni Kristo sa Banal na Eukaristiya sa anyo ng tinapay at alak. 

Ang akala ng mga tagapakinig ni Hesus ay nawawala na Siya sa Kanyang sarili. Hinangaan si Hesus ng mga tao dahil sa Kanyang mga talinghaga at mga himalang nasaksihan nila. Subalit, kakaiba ang tinuturo ni Hesus. Ngayon lamang sila nakarinig ng dalubhasang nagtuturo ng ganito. Sino nga ba ang kakain ng laman ng tao at iinom ng dugo ng tao? 

Maaari sanang sabihin ni Hesus, "Patalinghaga lamang ang mga sinabi Ko tungkol sa Aking laman at dugo. Ipapaliwanag Ko sa inyo kung ano ang ibig sabihin ng mga sinabi Ko." Pwede sanang sabihin iyon ni Hesus dahil naloloko na ang mga tao sa Kanya. Maaaring sabihin ni Hesus na Siya ay nagbibigay ng talinghaga. Mawawalan ng mga tagasunod si Hesus kung hindi Niya sinabi iyon. Pero, hindi iyon ang sinabi ni Hesus. Bagkus, ang unang tanong ni Hesus sa Kanyang mga tagapakinig, "Dahil ba rito'y tatalikuran ninyo ako?" 

Para sa mga tagapakinig ni Hesus, sumusobra na Siya. Napakabigat ng mga salitang binitiwan Niya. Hindi nila kayang tanggapin ang diskurso ng Panginoon. Napakahirap para sa kanila na tanggapin si Kristo bilang pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Hindi nila matanggap na ang pagkaing nagbibigay-buhay ay wala sa mga pagkaing matagpuan nila sa mundo. Matatagpuan lamang iyon sa katauhan ng Panginoong Hesukristo. 

Hindi naparito si Hesus upang maging kalugud-lugod sa mata ng tao. Si Hesus ay naparito upang ipahayag ang katotohanang mula sa Diyos. Kaya, maraming pagkakataon kung kailan hinahangaan ng mga tao si Hesus at marami ding mga pagkakataon kung kailan nagagalit ang mga tao kay Hesus. Noong Siya ay nangaral sa Nazaret, hindi Siya tinanggap ng mga kababayan. Hindi tinanggap si Hesus ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret dahil hindi nila matanggap na Siya ay higit pa sa kanila - Siya ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas. 

Dahil sa mga tinuturo ni Hesus, karamihan sa Kanyang mga tagasunod ay tumalikod sa Kanya. Iniwanan nila si Hesus sapagkat hindi nila kayang tanggapin ang Kanyang mga turo. Para sa kanila, napakahirap intindihin ang mga salita ni Hesus. Paano nga bang makapagkakaloob ng buhay na walang hanggan si Hesus, gayong kilala nila Siya bilang anak ng karpinterong taga-Nazaret na si San Jose at ng dalagang si Maria? Iyan ang dahilan kaya nila tinalikuran si Hesus. 

Ang tanong ni Hesus sa Labindalawa, "Ibig din ba ninyong umalis?" Hindi Niya pipilitin ang Labindalawang alagad na manatiling kasama Niya. Alam Niyang hindi maunawaan ng mga alagad ang Kanyang mga itinuturo. Binibigyan Niya ng kalayaan ang mga alagad. Malaya ang kanilang kalooban. Hindi mapilit si Hesus. Bagkus, iginagalang ni Hesus ang kalayaan ng Labindalawang alagad. 

Patuloy Niya itong tinatanong sa atin, "Ibig din ba ninyong umalis? Ibig din ba ninyo Akong iwanan at talikuran?" May kalayaan tayo. Hindi tayo pipilitin ni Hesus. Iginagalang Niya ang ating kalooban at kalayaan. Si Hesus ay hindi isang diktador. Hindi mang-aapi si Hesus. Bagkus, binibigyan tayo ng kalayaan upang mamili ng kabutihan at kasamaan. Nasa ating mga kamay ang desisyon kung tayo ay mananatiling tagasunod ni Hesus o umalis at iwanan si Hesus. 

Martes, Agosto 4, 2015

KASAMA NI MARIA, PURIHIN NATIN ANG DIYOS

Agosto 15, 2015
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria (B)
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 22-27/Lucas 1, 39-56



May apat na dogma ang Santa Iglesia patungkol sa Mahal na Birheng Maria. Ang una ay si Maria bilang Ina ng Diyos. Ipinahihiwatig ng dogmang ito na si Maria ay ang Ina ng Panginoong Hesukristo, ang Diyos na nagkatawang-tao at namuhay bilang taong tulad natin, maliban na lamang sa kasalanan. Ang pangalawang dogma ay ang pananatiling birhen ni Maria, kahit na isinilang niya si Hesus. Hindi nagwakas ang pagka-birhen ni Maria sa pagsilang ni Hesus. Sa kapangyarihan ng Diyos, si Maria ay nanatiling birhen, kahit na siya ay nagdalantao at nagsilang kay Kristo. 

Ang pangatlo ay ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria (Inmaculada Concepcion), ang doktrina tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa Mahal na Ina bago pa siya isilang ni Santa Ana. Sa gayon, hindi nadungisan ng kasalanan ang Mahal na Ina noong siya'y ipinanganak ni Santa Ana. At ang pang-apat naman ay ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria. Si Maria'y iniakyat ng Diyos sa langit nang buong katawan at kaluluwa noong matapos ang kanyang buhay dito sa sanlibutan. 

Sa apat na doktrinang ito tungkol sa Mahal na Ina ay ipinagdiriwang natin ngayong ang Pag-Aakyat sa Mahal na Birheng Maria. Siya'y iniakyat, buong katawan at kaluluwa, sa langit. Malaki ang pinagkaiba nito sa Pag-Akyat ni Hesus sa Langit. Si Hesus ay umakyat sa langit sa Kanyang kapangyarihan. Dahil sa kapangyarihan ni Hesus bilang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, si Hesus ay umakyat sa langit. Ang Mahal na Birheng Maria ay hindi diyosa. Kaya lang siya nakaakyat sa langit ay dahil sa kapangyarihan ng Diyos. Inakyat ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa langit sa katapusan ng kanyang buhay. 

Pinaglingkuran ng Mahal na Birheng Maria ang Panginoong Diyos buong buhay niya. Wala siyang ibang hinangad kundi ang paglingkuran ang Diyos. Buong pagpapakumbabang pinaglingkuran niya ang Diyos. Noong ibinalita sa kanya ni San Gabriel Arkanghel na siya ang magiging ina ni Kristo, ang sagot ni Maria ay, "Narito ang alipin ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang ayon sa wika mo." (Lucas 1, 38) Para kay Maria, hindi lamang karangalan ang pagiging ina ni Kristo. Bagkus, pananagutan din ito sa Diyos. Ang pagiging Ina ni Kristo ay isang pananagutan sa Diyos para kay Maria.  

Hinarap ni Maria ang bawat pagkakataon sa buhay nang may buong pananalig sa buhay. Nananalig siya sa Diyos at inaasahan din niya ang presensya at pagtulong sa kanya ng Diyos. Alam ng Mahal na Inang Maria na hindi niya kakayananin ang buhay kundi ang Diyos. Alam ni Maria na kung wala ang Diyos, hindi niya magagawa ang lahat ng bagay. 

Dahil sa pagpapakumbaba at pagpapakatao ni Maria, itinaas siya ng Diyos. Idinakila ng Diyos si Maria. Katulad ng sinabi ni Maria sa kanyang awit: "Tinanggal (ng Diyos) sa kanilang luklukan ang mga maykapangyarihan, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan." (Lucas 1, 52) Ganun din ang itinuturo ni Hesus. Sa pagtuturo tungkol sa mapapalad, sinabi ni Hesus, "Mapalad ang mga aba na walang ibang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat mapapasakanila ang kaharian ng langit." (Mateo 5, 3) 

Pagkahirang sa kanya ng Diyos bilang Ina ng Mesiyas, hindi lumaki ang ulo ni Maria. Hindi siya naging mayabang. Bagkus, tumungo siya sa kanyang kamag-anak na si Elisabet na mas kilala natin bilang si Santa Isabel. Pinaglingkuran ng Mahal na Ina si Santa Isabel, kahit ang dinadala niya ay higit na dakila kaysa sa dinadala ng kanyang kamag-anak sa kani-kanilang sinapupunan. 

Hindi rin nakalimutan ng Mahal na Birheng Maria ang Diyos. Naaalaala pa rin niya ang Diyos. Lagi niyang natatandaan ang Diyos. Hinding-hindi niya nakalimutan ang Diyos, kahit kailan. Alam ni Maria na ang Diyos ang dumakila sa kanya. Alam ni Maria na ang Diyos ang dahilan kaya siya ay tatawaging banal ng lahat ng salinlahi (Lucas 1, 48). Kaya, laging pinupuri ni Maria ang Diyos. Hindi tumitigil si Maria sa pagbibigay ng papuri sa Diyos. 

Nakakalungkot na paminsan-minsan, kapag matagumpay tayo sa buhay, hindi natin inaalaala ang Diyos. Kapag tayo ay umaangat sa buhay, lumalaki ang ating mga ulo at wala nang halaga ang Diyos sa ating buhay. Tularan natin si Maria, ang ating Mahal na Ina, sapagkat lagi niyang inaalala at pinupuri ang Diyos, kahit na siya ay dinakila niya. 

SA BANAL NA EUKARISTIYA, SI HESUS ANG TAGABIGAY NG BUHAY

Agosto 9, 2015
Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
1 Hari 19, 4-8/Salmo 33/Efeso 4, 30-5, 2/Juan 6, 41-51



Ang Ebanghelyo natin ngayon ay ang pagpapatuloy ng diskurso ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay. Muling ipinapakilala ni Hesus na Siya ang Tinapay ng Buhay na ibinigay ng Ama. Si Hesus ay hindi tulad ng manna na kinain ng mga ninuno ng Kanyang mga tagapakinig. Bagkus, higit pa si Hesus sa manna ng Lumang Tipan. Kayang-kayang pawiin ni Hesus ang mga matitinding kagutuman at kauuhawan, hindi lamang pampisikal kundi pati na rin ang mga espirituwal na kagutuman at pagkauhaw. 

Hindi makapaniwala ang mga tagapakinig ni Hesus. Noong marinig ng mga Hudyo ang mga sinabi ni Hesus tungkol sa Kanyang Sarili, nagbulung-bulungan sila at nagtatalu-talo. Para sa kanila, naloloko na si Hesus. Kilalang-kilala nila kung sino si Hesus at kung sino ang mga kamag-anak Niya. Kilala nila ang Kanyang ama-amahang si San Jose at ang Kanyang Mahal na Inang si Maria. Imposible para sa kanila na paniwalaan ang mga winika ni Hesus tungkol sa Kanyang sarili. Ayon sa kanila, kalokohan at katarantaduhan ang ipinapalaganap ni Hesus. Nawawala na si Hesus sa Kanyang sarili, nasisiraan na Siya ng bait. 

Subalit, patuloy na nangangaral si Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay. Ipinapakilala ni Hesus ang Kanyang sarili sa mga tao bilang Tinapay ng Buhay. Ang Tinapay ng Buhay, si Hesus, ay nanggaling sa Ama. Bilang Tinapay ng Buhay, pinapawi ni Hesus ang mga matitindi at malalalim na kagutuman ng mga tao. Hindi Siya pangkaraniwang pagkaing kinakain ng mga tao. Bagkus, si Hesus ay ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kung ang mga tinapay at anumang pagkaing kinakain natin ay napapanis, si Hesus ay hindi mapapanis kahit kailan. 

Ang pagkaing nagbibigay-buhay na si Hesus ay hindi pansamantala lamang. Hindi Siya katulad ng mga pagkaing kinakain natin. Ang mga pagkaing kinakain natin ay nagpapahaba ng buhay, subalit hindi ito nagkakaloob ng buhay na walang hanggan. Pansamantala lamang ang pagkain na kinakain natin dito sa mundo. Subalit, ang buhay dulot ni Hesus ang pang-walang hanggan. Si Hesus lamang ang makapagkakaloob ng buhay na walang hanggan. 


Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, tinatanggap natin ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo. Sa Banal na Konsekrasyon, ang ostiya at ang alak ay nagiging Katawan at Dugo ni Kristo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kaya, sa Banal na Komunyon, hindi na tinapay at alak ang tinatanggap natin. Bagamat ang itsura at lasa ay tinapay at alak pa rin, si Hesus pa rin iyon. Ang tawag doon ay transubstansiyasyon. Sa Banal na Misa, ang sangkap ng tinapay at alak ay nagbago, hindi ang anyo.  

Kapag sinasabi sa atin ng pari sa Banal na Komunyon, "Katawan ni Kristo," ang sagot natin ay, "Amen." Ang ibig sabihin ng "Amen" ay "Oo." Sa pamamagitan ng pagsagot ng "Amen," sinasabi natin na tayo ay naniniwala na hindi lamang tinapay at alak ang ating tinatanggap. Ang Panginoon na ang ating tinatanggap. Hindi na pangkaraniwang tinapay at alak ang ating tinatanggap at kinakain. Bagkus, ang tinatanggap natin sa Banal na Komunyon ay si Kristo, ang Panginoong nagbibigay-buhay sa Banal na Eukaristiya. Tayo ay binibigyan ni Kristo ng buhay sa pamamagitan ng Kanyang Katawan at Dugo.