Linggo, Marso 29, 2015

MASDAN ANG KARUKHAAN NI HESUS SA KRUS

Abril 3, 2015 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 



Mula noong isinilang si Hesus sa sanlibutan, namuhay Siyang dukha. Hindi naranasan ng Panginoong Hesus ang karangyaan at kayamanan dito sa mundo. Kahit na Siya'y Diyos at kahit na Siya ang Mesiyas, hindi namuhay si Hesus katulad ng isang hari o prinsipe dito sa mundo. Walang kayamanan si Hesus noong nabubuhay Siya dito sa daigdig. Bagkus, si Hesus ay namuhay ng isang buhay ng karukhaan bilang pakikiisa sa ating karukhaan. 

Noong ipinako ang Panginoong Hesukristo sa krus, pinagsapalaran ng mga kawal ang Kanyang damit. Hinubaran ang Panginoon ng Kanyang mga damit bago Siya ipako sa krus. Ang damit ng Panginoon na sinuot Niya buong buhay Niya ay hinubaran at pinagsapalaran ng mga kawal. Walang sinuot ang Panginoon noong Siya ay nakabayubay sa krus. 

Kung titingnan po ninyo ang imahen o larawan ni Kristo na nakapako sa krus, maaawa kayo kay Kristo. Suot Niya ang koronang tinik. Wala Siyang damit, bukod pa sa Kanyang kasuutang pang-ilalim. Dumudugo ang Kanyang Katawan. Sa unang tingin, kawawa na talagang tingnan ang Panginoong nakabayubay sa krus. 

Hindi lang noong ipinako si Hesus sa krus makikita ang Kanyang karukhaan. Noong iniharap ni Pilato si Hesus sa madla, sinabi niya, "Narito ang tao!" (Juan 19, 5) Dumadaloy ang Dugo mula sa Katawan ni Hesus. Suot Niya ang koronang tinik. Hinampasan pa ang Katawan ni Hesus. Mukhang inosente si Hesus. Mukhang dukha si Hesus. Kawawa si Hesus, sa unang tingin pa lamang. 

Ang karukhaang ipinamalas ni Hesus buong buhay Niya at noong Siya ay ipinako sa krus ay nakakabighani. Sino ang hindi maaakit sa karukhaang ipinamalas ni Hesus sa krus? Sino ang hindi maaakit na lumapit kay Hesus na nag-alay ng sarili para sa atin? Sino ang hindi maaakit sa habag, pagdamay at pag-ibig sa atin ng Panginoon na nakabayubay sa krus? 

Si Hesus ay nagpakadukha alang-alang sa atin. Nagpakababa Siya, naging tao, at nabuhay ng isang buhay na payak at puno ng karukhaan. Ipinapakita sa atin ni Hesus ang Kanyang pakikiisa sa ating karukhaan. Kahit gaano mang karami ang ating kayamanan dito sa mundo, may pagkadukha din tayo. Kahit gaano mang karami ang ating pera, tayo ay dukha pa rin. Dukha pa rin tayo dahil kailangan natin ang Diyos. Tayong lahat ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Lahat tayo ay mga aba sa paningin ng Diyos. 

Ang kayamanan at kapangyarihan ay hindi masama. Subalit, nagiging masama na ito kapag ginamit natin ito sa masasamang paraan. Paano nating ginagamit sa masasamang paraan ang kayamanan? Sa pagiging maramot, ganid, gahaman, at kayabangan. Inaabuso natin ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Sa halip na magbunga ng kabutihan ang mga biyaya ng Diyos sa atin, ginagamit na natin ito sa masasamang paraan. 

Pagmasdan natin ang Panginoong Hesus na nakabayubay sa krus. Kahit Siya ay Diyos, hinubaran Niya ang Kanyang pagka-Diyos at naging tao katulad natin. Sa Kanyang pagpapakadukha, ipinapakita ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pakikiisa sa ating lahat. Ipinapakita sa atin ng Panginoon ang taliwas ng pagmamataas at pagmamarot. Hindi nagmayabang o naging maramot ang Panginoon dito sa lupa. Bagkus, nagpakababa ang Panginoon at inihain ang Kanyang buhay para sa ating lahat. 

Mahirap magpakababa, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Tinuturo tayong lahat ng sistema, lalung-lalo na ang mga kabataan, na may mga pagkakataon kung kailan dapat magyabang. Kapag nakakuha ng bagong sasakyan, pwedeng na niyang ipagyabang. Kapag mas mataas ang grado ng isang estudyante sa kanyang kaibigan, pwede niyang ipagyabang iyon. Kapag naging kasintahan na ng isang lalaki ang crush ng buong tropa, pwede na niyang ipagyabang iyon. Pwede naman nating ipagmalaki iyon, pero huwag naman nating paghaluan ng yabang ang pagmamalaki natin sa ating mga tagumpay sa buhay. 

Sa krus ng Kalbaryo, ipinagmalaki ni Hesus ang Kanyang pag-ibig, awa at pagdamay sa ating lahat. Inalay ni Hesus nang buong pagpapakumbaba at pagpapakadukha ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Habang Siya'y nakabayubay sa krus, tinuturuan tayo ni Hesus na ang pagpapakumbaba at pagpapakadukha ay tanda ng pagmamahal. Kahit Siya'y dukha noong nabubuhay Siya sa mundo, ibinigay ni Hesus ang pinakamahalagang biyaya - ang pag-aalay ng Kanyang sarili sa krus. 

Ating pagmasdan at tularan ang karukhaan at ang pagpapakumbaba ni Hesus. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Kanyang pagiging dukha at pagpapakumbaba. Tayo ay nailigtas at nabubuhay ngayon dahil sa pagpapakababa at pagmamahal ni Hesus na nagpakadukha.

REFLECTIVE SONG: "Pagkabighani" (Bukas Palad Music Ministry) 



PAG-ALAALA SA KALIGTASAN DULOT NI KRISTO

Abril 2, 2015
Huwebes Santo 
Pagmimisa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 


Sinisimulan natin ang Banal na Tatlong Araw o ang Banal na Triduo. Sa unang araw ng Banal na Triduo, ginugunita natin ang Huling Hapunang pinagsaluhan ng Panginoong Hesukristo at ng Kanyang mga alagad. Napakahalaga ang mga huling sandaling magkakasama ang Panginoong Hesukristo at ang mga alagad. Alam ng Panginoong Hesus na nalalapit na ang oras ng Kanyang kamatayan. Kaya, magkasamang ipinagdiwang ng Panginoong Hesus ang Hapunang Pampaskuwa kasama ang Kanyang mga alagad. 

Ang Paskuwa ay ang pinakamahalagang pagdiriwang ng mga Hudyo. Ginugunita nila ang pagpapalaya ng Diyos sa kanilang mga ninuno noong sila'y mga alipin sa Ehipto. Pinalaya ng Diyos ang bayang Israel na naging alipin sa Ehipto sa loob ng mahabang panahon. Iniligtas ng Diyos ang bayang Israel mula sa huling salot sa Ehipto. Pinatay ang isang kordero o bisirong kambing, at ang dugo nito ay inilagay sa pintuan ng kanilang mga tirahan. 

Sa pamamagitan ng dugo ng korderong inilagay ng mga Israelita sa mga pintuan ng kanilang mga tirahan, iniligtas sila ng Diyos mula sa pinakahuling salot sa Ehipto. Ang mga panganay na lalaki ay papatayin ng Diyos, kabilang na doon ang panganay na lalaki ng Faraon. Kaya, mahalaga para sa mga Hudyo ang kordero. Sa pamamagitan ng dugo ng kordero, iniligtas at pinalaya ng Diyos ang bayang Israel mula sa kaalipinan sa Ehipto. 

Hindi lamang iyon ang dahilan kaya napakahalaga ang kordero para sa mga Hudyo. Ang kordero ay inihahain ng mga Hudyo sa Diyos bilang pagbabayad-puri sa kanilang mga kasalanan. Sa dinami-dami siguro ng mga kasalanang nagawa ng mga tao noon, maraming mga inosenteng kordero ang pinatay. Ang kordero ay kilala bilang isang pinakainosenteng hayop. Kaya, dahil walang dungis ang isang kordero, ito'y inihahain ng mga Hudyo bilang tanda ng paghingi ng kapatawaran sa Diyos mula sa kanilang mga kasalanan. 

Isang bagong kordero ang natunghayan natin sa Bagong Tipan - si Hesus. Si Hesus ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, katulad ng sinabi ni San Juan Bautista (Juan 1, 29; Juan 1, 36). Kahit nagkatawang-tao si Hesus katulad natin, hindi Siya nagkasala kahit kailan. Hindi dinungisan ng kasalanan si Hesus. Bagkus, si Hesus ay nanatiling perpekto, walang dungis, at walang kasalanan. Kaya tinatawag natin Siyang, "Kordero ng Diyos." 

Sa Huling Hapunang pinagsaluhan ni Hesus at ng mga alagad, kumuha si Hesus ng tinapay at hinati iyon sa dalawa. Kinuha din ni Hesus ang kopa ng alak. Ibinigay ni Hesus ang mga iyon sa mga alagad. Ang tinapay at alak ay naging Katawan at Dugo ni Kristo. Inihain ni Kristo ang Kanyang Katawan sa krus sa Kalbaryo at dumaloy ang Dugo mula sa Kanyang Katawan. Binilin pa ni Kristo sa mga alagad, "Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa Akin." (1 Corinto 11, 24) 

Nais ni Hesus na maalala natin Siya. Kaya itinatag Niya ang pagdiriwang ng Banal na Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, ginugunita natin ang sakripisyo ni Hesus sa Kalbaryo. Inihain ni Kristo ang Kanyang sarili sa Kalbaryo. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang Katawan at Dugo sa krus sa Kalbaryo, iniligtas at pinalaya tayo ni Hesus mula sa kaalipinan ng kasamaan at kasalanan.

Sa pagpapatuloy ng ating paggunita sa Banal na Tatlong Araw, atin pong alalahanin ang kaligtasan dulot ni Kristo. Tinamo ng Panginoon ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang Katawan at Dugo sa Kalbaryo. Sa pamamagitan ng pagkamit ng kaligtasan para sa atin, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang paglilingkod at pagmamahal sa atin. 

GAANO KAHALAGA SA IYO ANG PANGINOONG HESUS?

Abril 1, 2015 
Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 



Sa ating Ebanghelyo, natunghayan natin kung paanong sumang-ayon si Hudas Iskariote sa mga Pariseo na ipagkanulo si Hesus. Nakipagkasundo si Hudas Iskariote na ipagkanulo si Hesus kapalit ng tatlumpung pirasong pilak. Tatlumpug pirasong pilak ang halaga ni Hesus. Ibinenta lamang si Hesus ni Hudas Iskariote. Pagkatapos ng matagal na panahon na kanilang pinagsambahan, si Hesus ay binenta ni Hudas Iskariote sa mga Pariseo at mga matatanda ng bayan. 

Napakasakit para sa atin bilang tao na talikuran tayo ng ating kaibigan, lalung-lalo na ang pinakamatalik na kaibigan. Pagkatapos ng inyong mahabang samahan, tinalikuran ka bigla ng iyong pinakamatalik na kaibigan. Ang lahat ng mga oras na pinagsamahan ninyo ay binalewala na lamang niya. 

Kahit palihim na nakipagkita si Hudas Iskariote sa Sanedrin, alam ng Panginoong Hesus na ipagkakanulo Siya ni Hudas. Hindi na kailangan ng Panginoong Hesus ng makapagsasabi sa Kanya kung ano ang plano ni Hudas. Kahit ano pang gawin ni Hudas, hindi niya maitatago kay Hesus ang kanyang planong ipagkanulo Siya. Alam ng Panginoong Hesukristo na binalewala ni Hudas Iskariote ang matagal nilang pagsasama. Alam ng Panginoong Hesukristo sa simula pa lamang na ipagkakanulo Siya ng isa sa Kanyang mga alagad. 

Tatlumpung piraso ng pilak. Napakasakit siguro para kay Hesus na isipin na hindi na kaibigan ang turing sa Kanya ni Hudas Iskariote. Pagkatapos kaibiganin ni Hesus si Hudas Iskariote nang matagal na panahon, ganito ang ginawa ni Hudas. Si Hesus ay nilagyan ni Hudas ng presyo sa ulo. 

Naalala ko po tuloy ang kwentong ibinahagi ni Cardinal Tagle noong pinangunahan niya ang Misa ng Linggo ng Palaspas noong nakaraang taon sa Manila Cathedral. Ibinahagi niya ang isang pangyayari noong siya'y Obispo pa lamang ng Imus, Cavite. Sa isang Kumpilan sa basketbolan, tinanong niya ang mga kabataan, "Alin ang mas mahalaga? Ang Misa o tatlumpung milyong dolyar?" Dinaig pa ng koro ang sagot ng mga kabataan, "Tatlumpung milyong dolyar!" 

Tingnan po ninyo, napakadaling pagpalitan ang Diyos. Maaaring piliin nating mag-aral kaysa manood ng TV. Maganda iyan. Kailangang mag-aral tayo nang mabuti. Dapat hindi tayo nagbubulakbol. Pero, tatlumpung milyong dolyar kaysa ang Diyos? Napakasakit isipin iyon! Ang halaga ba ng Diyos, tatlumpung milyong dolyar? Alam kong karamihan sa atin ay hindi mga milyonaryo, pero dapat nating malaman na hindi natin maipagpapalit ang Diyos. 

Sa panahon ngayon, halos wala na tayong panahon para sa Diyos. Kahit ang magdasal sa gabi bago matulog, parang balewala lamang iyon. Kahit sabihin pa naman nating, "Katoliko ako!" hindi binibigyan ng panahon ang Diyos. Mahirap ba ang magdasal ng Ama Namin, Aba Ginoong Maria, at Luwalhati bago matulog? 

Pagnilayan natin ang katananungang ito ngayong Miyerkules Santo. Tanungin natin ang ating mga sarili, "Gaano ba kahalaga sa akin ang Panginoong Hesus?" Gaano ba kahalaga ang Panginoon sa buhay mo? May halaga ba ang Panginoon sa buhay mo? Ipagpapalit mo ba ang Panginoon, katulad ng ginawa ni Hudas? Mananatili ka bang tapat sa Panginoon? 

Sabado, Marso 28, 2015

KATULAD NI HUDAS AT NI PEDRO, MAY MGA KAHINAAN DIN TAYO

Marso 31, 2015
Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 



Alam ni Hesus kung ano ang mangyayari sa Kanya. Alam Niya na dalawa sa Kanyang mga alagad ang may malaking papel sa salaysay ng Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Ipagkakanulo si Hesus ni Hudas Iskariote. Tatlong beses namang ipagkakaila ni San Pedro Apostol na kilala niya ang Panginoong Hesus. Masakit man isipin iyon, alam ni Hesus na mangyayari ang mga iyon. 

Subalit, magkaiba ang nangyari kina San Pedro Apostol at Hudas Iskariote pagkatapos gampanan ang kanilang papel sa Mahal na Pasyon ng Panginoon. Nagsisi silang dalawa pagkatapos magawa nila ang kanilang pagtalikod sa Panginoon. Nanghinayang sila na hindi nila naipagtanggol si Kristo. Pero, magkaiba ang ginawa nila. 

Nagpakamatay si Hudas Iskariote dahil para sa kanya, wala nang pag-asa. Hindi siya nanalig sa pag-asa ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Para sa kanya, huli na ang lahat. Hindi na siya makakapagsisi sa kasamaang ginawa niya sa Panginoon. Kaya, nagbigti si Hudas Iskariote. 

Iba naman ang ginawa ni San Pedro Apostol pagkatapos niyang ipagkaila nang tatlong ulit ang Panginoong Hesus. Nanangis siya, katulad ni Hudas Iskariote. Pero, sa halip na magpakamatay, si San Pedro Apostol ay nananalangin sa Diyos upang patawarin siya. Nananalig siya na muling mabubuhay ang Panginoon. Hindi pa man naintindihan ni San Pedro Apostol ang mga nangyayari, nananalig siya sa pangako ng Panginoon na Siya'y muling mabubuhay. 

Katulad ni Hudas Iskariote at ni San Pedro Apostol, may mga kahinaan din tayo. Alam din iyon ng ating Panginoon. Bilang tao, may mga kahinaan tayo. Subalit, ano ang gagawin natin kapag tayo ay nagkasala laban sa Diyos at kapwa-tao? Nawa'y humingi tayo ng kapatawaran sa ating Panginoon at sa ating kapwa-tao. Walang makakahadlang o makahihigit sa awa at grasya ng Panginoon. 

PAGLILINGKOD AT PAGMAMAHAL: TUNAY NA MENSAHE NG MAHAL NA ARAW

Marso 30, 2015 
Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 


Natunghayan natin sa ating Ebanghelyo kung paanong binuhusan ng pabango ni Santa Maria, ang kapatid nina Santa Marta at ni San Lazaro, ang mga paa ng Panginoong Hesus. Pinaglingkuran ni Maria si Hesus sa pamamagitan ng pagbuhos ng mamahaling pabango sa Kanyang mga paa. Ginawa ito ni Maria para ipakita kay Hesus ang kanyang pagmamahal at pasasalamat sa Panginoon. 

Ang pabangong ibinuhos ni Santa Maria sa mga paa ng Panginoong Hesukristo ay napakamahal. Mga negosyante lamang ang makakabili ng ganung pabango. Ibinuhos sa mga paa ni Hesus ang isa sa mga pinakamamahaling pabango noong kapanahunang iyon. Siguro, naamoy ng lahat ng naroroon sa bahay nina San Lazaro ang pabangong ibinuhos sa paa ni Hesus. 

Ipinakita ni Maria ang kanyang pagmamahal at paglilingkod kay Hesus. Nagbili si Maria ng mamahaling pabango at ibinuhos niya ito sa mga paa ni Hesus. Sa pamamagitan nito, ipinapakita ni Maria ang kanyang pagmamahal kay Hesus. Ang ginawa ni Maria para kay Hesus ang tanda ng kanyang pagmamahal at pasasalamat kay Hesus. 

Sa Pilipinas, marami tayong mga kostumbre tuwing Mahal na Araw. Idinadaos natin ang Pabasa ng Pasyong Mahal. Karamihan sa atin, dinadasal ang Via Crucis o ang Daan ng Krus. Isinasagawa din natin ang Visita Iglesia, lalung-lalo na sa gabi ng Huwebes Santo. Marami pa nga sa atin, naglalakbay tayo papunta sa Quiapo, Antipolo, Manaoag, atbp. 

Pero, madalas nakakalimutan natin ang tunay na dahilan ng pagsasagawa ng mga tradisyong ito. Nakakalimutan din natin ang kahalagahan at ang tunay na diwa ng mga pagdiriwang na isinasagawa sa mga Mahal na Araw. Sa panahon ngayon, ang mga Mahal na Araw ay nagiging panahon ng pagbabakasyon o paglalakwatsya. Iniisip din natin madalas na mga tradisyon lamang ang paggunita at ang mga pagdiriwang sa mga Mahal na Araw. 

Bakit ipinagdiriwang ng Simbahan ang mga Mahal na Araw? Dahil ginugunita natin sa sanlinggong ito ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Binibigyang-diin ng Simbahan sa mga Mahal na Araw ang dakilang pagmamahal ng Diyos na ipinamalas Niya noong si Hesus ay ipinako sa krus. Iyan ang tunay na diwa at ang kahalagahan ng mga Mahal na Araw. Iyan ang tunay na mensahe ng Mahal na Araw. Paglilingkod at pagmamahal. 

Sa pagpapatuloy ng ating paggunita sa mga Mahal na Araw, atin pong alalahanin ang dakilang sakripisyo ng Diyos sa Kalbaryo. Inalay ni Hesus ang Kanyang buhay dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Kaya, dapat din nating paglingkuran at mahalin ang ating kapwa-tao. Ayon nga kay San Juan Apostol, "Tayo ay nagmamahal sapagkat Siya ang unang nagmahal sa atin." (1 Juan 4, 19) 

ANG PAGIGING MASUNURIN NI HESUS SA KABILA NG PAGDURUSA

Marso 29, 2015 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (B) 
Sa Pursisyon ng Palaspas: Marcos 11, 1-10 (o kaya: Juan 12, 12-16) 
Sa Misa: Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Marcos 14, 1-15, 47 (o kaya: 15, 1-39) 


Ngayong Linggo ng Palaspas, ginugunita ng Simbahan ang maluwalhating pagpasok ng Panginoong Hesukristo sa Jerusalem. Ang Panginoong Hesukristo'y pumasok sa Jerusalem, na nakasakay sa isang asno. Habang pumapasok ang Panginoong Hesus sa Jerusalem, Siya'y sinalubong ng mga taong nagwawagayway ng mga palaspas at naglalatag ng kanilang mga balabal sa daanan. Lahat sila'y nagbigay-pugay sa Panginoong Hesus, katulad ng isang hari o isang mandirigmang nagtagumpay sa digmaan. Sigaw pa nila, "Osana, anak ni David! Pinagpala ang naparirito sa Ngalan ng Panginoon!" 

Subalit, alam ni Hesus na ang mga pagpupugay na tinanggap Niya sa Kanyang pagpasok sa Jerusalem ay hindi magtatagal. Alam ni Hesus na darating din ang araw kung kailan dadakipin Siya ng Kanyang mga kaaway at ihaharap ni Poncio Pilato sa mga tao. Hindi na mga pagpupugay ang maririnig Niya mula sa mga tao sa sandaling ihaharap Siya ni Pilato sa taong-bayan. Bagkus, iinsultuhin ng mga tao si Hesus at hihilinging patayin Siya. 

Ano kaya ang nararamdaman ni Hesus sa mga sandaling iyon? Natatakot o nabibigo kaya si Hesus dahil sa alam Niya kung ano ang mangyayari pagkatapos ng araw na iyon? Masasabi natin na sa kabila ng ingay at pagpupugay ng mga tao sa Kanya, may pagkabagabag na nararamdaman si Hesus. Alam Niya kung gaano kasakit ang ituturing sa Kanya ng mga tao ilang araw makalipas ang Kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem. 

Tinalikuran ng mga alagad si Hesus noong Siya ay dinakip. Ang mga taong sumalubong sa Kanya noong pumasok Siya sa Jerusalem ay kumutya sa Kanya. Napakasakit para sa isang tao na siya'y talikuran ng mga humahanga sa kanya. Ano pa kaya ang sakit na naramdaman ni Hesus noong nakikita Niya ang Kanyang mga alagad at ang mga taong sumasalubong sa Kanya? Alam Niya kung ano ang gagawin nila sa Kanya. Ang mga alagad ay tatalikod at tatakas habang ang mga taong sumalubong sa Kanya ay kukutya sa Kanya sa harapan ni Pilato. 

Maaaring humiling si Hesus sa Ama na huwag nang ituloy ang Kanyang plano na mamatay sa krus. Napakasakit at napakabrutal ang kamatayan sa krus. Hindi lamang pisikal na sakit ang naramdaman ni Hesus sa krus. Nasaktan din ang damdamin ni Hesus noong Siya ay nakabayubay sa krus. Si Hesus ay kinukutya ng mga tao na walang kalaban-laban. 

Kahit maaaring hilingin ni Hesus sa Diyos na iligtas Siya mula sa nalalapit Niyang pagdurusa at pagkamatay, pinili pa rin ni Hesus na sumunod at tumalima sa kalooban ng Diyos. Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pagiging masunurin ni Hesus noong Siya'y nabubuhay dito sa lupa. Ipinaliwanag ni San Pablo Apostol na si Hesus ay nagpakababa, kahit na Siya ay Diyos. Nagpakababa, nagkatawang-tao, at namuhay nang masunurin sa kalooban ng Ama si Hesus. 

Napakahirap ang pinapagawa ng Diyos Ama kay Kristo. Isang karumal-dumal na kamatayan ang dadanasin ni Kristo sa Kanyang buhay dito sa lupa. Subalit, bilang pagsunod sa kalooban ng Ama, hindi tinakasan ni Kristo ang krus at ang Kalbaryo. Bagkus, hinarap Niya ito nang buong pagtalima sa kalooban ng Ama. Mula sa Kanyang pagsilang sa mundo, hindi sinuway ni Hesus ang Ama. Hanggang sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama. 

Katulad ng Panginoong Hesus, maging masunurin nawa tayong lahat sa kalooban ng Diyos. Sa bawat sandali ng ating buhay dito sa lupa, tularan natin si Hesus sa pagsunod sa kalooban ng Ama. Tandaan, ang kalooban ng Ama ang nakabubuti para sa ating lahat. May plano ang Diyos para sa ating lahat. Katulad ng Panginoong Hesukristo, manalig at tumalima tayo sa Kanyang kalooban. Sa kahuli-hulihan, magaganap ang kagustuhan ng Diyos. 

Ama, mangyari nawa ang Iyong kalooban. Nawa'y maging masunurin kami sa Iyong kalooban, katulad ng Panginoong Hesus. Amen. 

SAN PEDRO CALUNGSOD: NAG-ALAY NG BUHAY PARA SA DIYOS

Marso 28, 2015 
Sabado sa Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay 
Paggunita kay San Pedro Calungsod, katekista at martir 
Ezekiel 37, 21-28/Jeremias 31/Juan 11, 45-56 



Bukas na po magsisimula ang mga Mahal na Araw. Sa ating Ebanghelyo ngayong Sabado bago ang Linggo ng Palaspas, matutunghayan natin na ang mga punong saserdote at ang mga matatanda ng bayan ay nagpulong para iplano kung paano nila maipadadakip si Hesus at ipapapatay. Hindi nila mapigilan ang ginagawa ni Hesus. Naiinggit lamang ang mga saserdote kay Hesus dahil sa dami ng mga taong lumalapit at pumupunta sa Kanya. 

Ayon kay Kaipas, si Hesus ay dapat mamatay alang-alang sa bayang Israel. Isang tao lamang ang dapat mamatay alang-alang sa bayan. Ito'y isang hula. Si Hesus ay mamamatay, hindi lamang para sa bayang Israel, kundi para sa buong mundo. Alam ito ni Hesus. Alam ni Hesus na dapat matupad ang hulang iyon. Bukas, gugunitain natin ang maluwalhating pagpasok ni Hesus sa Jerusalem upang tupdin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas. 

Inalay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus alang-alang sa ating lahat. Mahal na mahal tayo ni Hesus, kaya pinili Niyang ialay ang Kanyang buhay sa krus. Walang kasalanang ginawa ang Panginoong Hesus buong buhay. Hinatulan Siya para sa ating mga kasalanan. Pero, kusang-loob na inalay ni Hesus ang Kanyang buhay bilang kabayaran sa dinami-dami ng ating mga kasalanan. 

Ngayon po ay ginugunita natin ang Ikalawang Pilipinong Santo - si San Pedro Calungsod. Hindi niya alam na siya ay papatayin. Alam ni San Pedro Calungsod na may mga pagkakataon kung kailan magiging mahirap ang pagtulong niya kay Beato Diego Luis de San Vitores. Maaari ding alam ni San Pedro Calungsod na may masamang mangyayari sa kanya doon. 

Subalit, bakit pinili ni San Pedro Calungsod na sumama kay Beato Diego Luis de San Vitores? Inalay ni San Pedro Calungsod ang kanyang buhay bilang paglilingkod sa Diyos. Bagamat hindi pari o relihiyoso si San Pedro Calungsod, inalay niya ang kanyang buhay para sa Diyos. Buong buhay at pagmamahal sa Panginoon na inalay ni San Pedro Calungsod ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa. 

Iyan ang mensahe ng mga Mahal na Araw. Ang Diyos ang unang nagmahal sa atin, at patuloy na nagmamahal sa atin. Kaya, dapat tayong mamuhay ng isang buhay ng pagmamahal. Dapat tayong mabuhay nang may pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa-tao. 

Lunes, Marso 23, 2015

ANG PITONG HAPIS NI MARIA

UNANG HAPIS: Ang Propesiya ni Simeon (Lucas 2, 34-35) 



Napakasakit para sa Mahal na Birheng Maria na pakinggan ang mga salita ni Simeon patungkol sa Sanggol na Hesus. Ang mga salita ni Simeon ay nagdulot ng isang malaking sugat sa puso ng Mahal na Birheng Maria. Ipinahayag ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ni Simeon na iaalay ni Hesus ang Kanyang buhay para sa kaligtasan ng marami sa Kanyang paglaki. 

Ang pag-aalay ni Hesus ng Kanyang sarili sa krus ay magdudulot ng sakit sa puso ng Mahal na Birheng Maria. Isang balaraw ang tatarak sa puso ng Mahal na Birhen dahil sa misyon ni Hesus. Mapanganib ang misyon ni Hesus. Nararamdaman na ni Maria ngayon pa lang ang sakit na dulot ng misyon ni Hesus. Si Maria'y natatakot na para kay Hesus. 

Takot ang nararamdaman ng Mahal na Ina noong marinig niya mula kay Simeon na ang Panginoong Hesus ay malalagay sa panganib. Natatakot ang Mahal na Inang Maria para sa Panginoong Hesus. Sinong ina ang hindi matatakot at mag-aalala dahil sa posibilidad na malalagay sa panganib ang kanyang anak? Hindi naiiba si Maria sa lahat ng mga ina. Ang Mahal na Inang Maria, bilang isang ina, ay natakot para kay Hesus. 

Si Maria'y napahimutok sa pahayag ni Simeon tungkol kay Hesus. Nabagabag si Maria nang malaman niyang isang mapanganib na landas ang tatahakin ni Hesus. Masakit ito para kay Maria, bilang ina ni Hesus. Ginagawa ni Maria ang lahat upang mapalayo si Hesus sa panganib at kapahamakan. Subalit, mapanganib pala ang magiging misyon ni Hesus dito sa lupa. Kaya, ang pangyayaring ito sa buhay nina Hesus at Maria ay nagdulot ng matinding hapis sa Mahal na Ina. 

Mahal na mahal ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Nakahanda si Maria na gawin ang lahat upang mailigtas ang kanyang Anak na si Hesus mula sa panganib. Subalit, tumatalima sa kalooban ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria. Kahit alam niya ang sakit na dulot ng misyon ni Hesus sa kanyang puso, nananalig at tumatalima pa rin si Maria sa kalooban ng Diyos. 

IKALAWANG HAPIS: Ang Pagtakas sa Ehipto (Mateo 2, 13-15) 



Hindi na isang ligtas na lugar ang Betlehem para sa Banal na Pamilya nina Hesus, Maria at Jose. Nasa panganib ang buhay ni Hesus. Balak patayin ni Herodes ang Sanggol na Hesus. Para kay Haring Herodes, si Hesus ay isang banta sa kanyang paghahari. Ayaw mawala si Herodes sa kanyang kaharian. Gusto niyang manatiling hari. Gusto ni Herodes na manatili sa kapangyarihan. Si Herodes ay isang sakim at gahaman na pinuno ng bayang Israel. 


Noong narinig ni Haring Herodes ang balita tungkol sa bagong isinilang na sanggol na magiging hari ng Israel, nabagabag si Herodes. Si Herodes ay natakot na mawala sa kanyang puwesto bilang hari. Gusto ni Herodes na siya lang ang magiging hari ng Israel at siya lang ang masusunod. Ayaw ni Herodes na mapatalsik sa kanyang puwesto. Ayaw ni Herodes na mawala ang lahat ng kanyang kapangyarihan bilang isang hari. 

Kaya, noong bumalik ang tatlong pantas mula sa silangan ay hindi bumalik kay Herodes, doon nating nalalaman ang tunay na balak ni Herodes. Nais niyang patayin ang bata. Hindi niya ipinahahanap at ipinagpapatay ang tatlong pantas noong hindi sila bumalik sa kanya. Bagkus, ipinagpatay niya ang lahat ng mga inosenteng sanggol sa Betlehem. 

Upang maligtas ang Sanggol na Hesus mula sa kasakiman ni Herodes, nagpakita kay San Jose sa panaginip ang isang anghel at ibinalita ang masamang balita. Kailangan nilang umalis ng Betlehem at tumungo sa Ehipto alang-alang sa kaligtasan ng Banal na Sanggol. Nasa malaking panganib si Hesus. Sanggol pa lamang Siya, nalalagay na sa panganib ang Kanyang buhay. 

Isipin at ilarawan natin sa ating isipan kung paanong namimighati ang Mahal na Birheng Maria dahil sa problemang dulot ng plano ni Herodes. Isang napakalaking problema ang dulot ng plano ni Herodes na patayin ang Sanggol na Hesus para sa Mahal na Birheng Maria. Ang pangyayaring ito'y naging isang hapis para sa Mahal na Birheng Maria dahil sa kanyang pamimighati noong itinatakas nilang dalawa ni San Jose ang Sanggol na si Hesus. 

Buong pagmamahal na inaruga at kinalinga ng Mahal na Birheng Maria ang Sanggol na Hesus sa kanyang kandungan. Nakahanda si Maria upang ipagtanggol si Hesus mula sa panganib. Alam ni Maria na hindi pa nagsisimula ang misyon ni Hesus. Kaya, habang hindi sinisimulan ni Hesus ang Kanyang misyon, ipinagtatanggol Siya ni Maria mula sa banta ni Herodes sa Kanya. 

Alam ni Maria na balang araw, hindi na niya mailalayo sa panganib si Hesus. Bagkus, masasamahan na lamang ni Maria si Hesus sa landas na Kanyang tatahakin. Sa paglaki ni Hesus, mapanganib ang landas na Kanyang tatahakin. Ang landas na tatahakin ni Hesus ay patungo sa Kalbaryo. Subalit, kahit hindi Siya maipagtatanggol ni Maria, sumunod at sinamahan ni Maria si Hesus hanggang sa huling hininga ni Hesus sa krus. 

IKATLONG HAPIS: Ang Paghahanap sa Batang Hesus sa Templo ng Jerusalem (Lucas 2, 41-50)



Tatlong araw na nawala ang Batang Hesus sa paningin ng Mahal na Inang Maria. Pagkatapos ng Pista ng Paskuwa, ang Batang Hesus ay nagpaiwan sa Jerusalem. Labis na nag-alala ang Mahal na Birheng Maria para sa Panginoong Hesus. Ang Mahal na Birheng Maria ay lubos na nabagabag dahil sa pagkawala ng Panginoong Hesus sa kanyang paningin. Isang malaking problema para sa Mahal na Birheng Maria at kay San Jose ang pagkawala ng Panginoong Hesukristo sa Jerusalem. 

Sinong ina ang hindi mag-aalala nang lubusan kapag nawala sa kanyang paningin ang kanyang anak? Sinong ina ang hindi maghihirap sa paghahanap sa kanyang anak hanggang sa matagpuan niya ito? Gagawin ng isang ina ang hanapin ang kanyang anak na nawawala, kahit gaano mang kahirap ito. Kahit napakahirap at nakakaubos ng oras ang paghahanap sa anak na nawawala, gagawin ng isang ina ang sakripisyong ito mahanap lang ang kanyang anak. 

Para kay Maria, napakasakit ang tatlong araw na wala si Hesus sa kanyang paningin. Ang kanyang Anak na minamahal ay nawawala. Napakasakit para kay Maria na mawala ang kanyang Anak. Ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose ay naghirap sa paghahanap sa Panginoong Hesus. Unang tinanong nila ang kanilang mga kamag-anak at mga kakilala. Subalit, hindi kasama ng Panginoong Hesus ang kanilang mga kamag-anak o mga kakilala. 

Namimighati ang Mahal na Birheng Maria sa tatlong araw na nawala ang Panginoong Hesukristo. Napakahalaga ang Panginoong Hesus para sa Mahal na Birheng Maria. Si Hesus ang biyaya ng Diyos sa Mahal na Inang Maria. Sa pagkawala ng Panginoong Hesus sa kanyang paningin, namimighati ang Mahal na Birheng Maria. Labis ang kalungkutan at pagmimighating dinanas ni Maria sa loob ng tatlong araw na iyon. 

Ang kalungkutan na dinanas ni Maria at Jose sa tatlong araw na nawala si Hesus noong matagpuan nila si Hesus sa templo. Hindi maintindihan ni Maria kung bakit nawala si Hesus sa kanyang paningin sa loob ng tatlong araw. Kahit ang sagot ni Hesus sa katanungan ni Maria, "Hindi po ba ninyo alam na kailangan Kong gawin ang ipinapagawa sa Akin ng Ama?", hindi maintindihan ni Maria. 

Iningatan ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang puso ang lahat ng nangyari. Bagamat hindi niya naintindihan kung bakit nangyari ang pagkawala ni Hesus, iningatan pa rin ni Maria ang lahat ng iyon sa kanyang puso upang pagnilay-nilayan. Sa katahimikan, pinagninilayan ni Maria ang lahat ng mga nangyari sa buhay ni Hesus. 

IKAAPAT NA HAPIS: Ang Pagsalubong nina Hesus at Maria sa daang patungong Kalbaryo 



Ang mga pinakamasakit na sandali sa buhay ni Maria ay naganap noong unang Biyernes Santo. Sa araw ng pagdurusa ni Hesus, mas lalong nagdusa si Maria. Hinding-hinding ninanais ng isang ina na makita ang kanyang anak na nagdurusa. Masakit para sa isang ina na makita ang kanyang anak na nagdurusa. 

Nadama ni Maria ang pagdurusa ni Hesus. Ang bawat sakit na naramdaman ni Hesus dahil sa koronang tinik at ang bigat ng krus ay naramdaman din ni Maria. Ang engkuwentro nina Hesus at Maria sa Via Dolorosa ay nagdulot ng matinding sakit sa puso ni Maria. Muling tinarakan ng isang balaraw ang kalinis-linisang puso ni Maria. 

Wala nang magawa si Maria para sa kanyang Anak na nagdurusa. Hindi na niya mailalayo mula sa panganib ang kanyang Anak. Kahit nais ng Mahal na Birheng Maria na itakas ang Panginoong Hesus mula sa kamatayan sa Kalbaryo, hindi niya magawa ito. Bakit? Ang kamatayan ng Panginoong Hesukristo ang kalooban ng Diyos. Kalooban ng Diyos na mamatay si Hesus sa krus sa Kalbaryo alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan. 

Habang pinapasan ni Hesus ang mabigat na krus, sinusundan Siya ni Maria sa katahimikan. Tahimik na tinanggap ng Mahal na Inang Maria ang kalooban ng Diyos. Hindi pinabayaan ni Maria si Hesus na magdusa mag-isa. Bagkus, nakiisa si Maria sa pagdurusa ni Hesus. 

Makikita din natin sa hapis na ito ang pagiging matatag ng Mahal na Birheng Maria sa kabila ng pagsubok. Isang napakalaking pagsubok para kay Maria ang pagtatagpo nila ni Hesus sa Via Dolorosa. Pero, sa kabila ng hapis na nadama ni Maria sa pagtatagpong iyon, sinamahan pa rin ni Maria si Hesus hanggang sa huli. Hinding-hindi pinabayaan ni Maria si Hesus sa Kanyang pagdurusa. 

Tayo ba, handa ba tayong samahan at sumunod kay Hesus, sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, katulad ng Mahal na Birheng Maria? 

IKALIMANG HAPIS: Si Maria at Juan sa paanan ng krus ni Hesus (Juan 19, 25-27) 



Ano ang gagawin ng isang ina kapag nakikita niya ang kanyang anak na naghihingalo sa harapan niya? Ano ang nararamdaman niya? 

Napakasakit para sa Mahal na Birheng Maria na makita ang Panginoong Hesus na naghihingalo sa krus. Ang kanyang Anak na inaruga at inalagaan niya mula sa Kanyang pagkabata hanggang sa simula ng Kanyang pangangaral ay unti-unting namamatay sa krus. Unti-unting binabawian ng buhay si Hesus, ang Anak ng Diyos at Anak ni Maria.  

Labis na nagdusa si Hesus sa krus. Napakasakit ang dinanas ni Hesus noong Siya'y nakabayubay sa krus. Noong ipinapako si Hesus sa krus, napakasakit ang mga pakong ipinapako sa Kanyang mga kamay at paa. Ganun din noong itinaas ang krus at Siya'y itinampok sa mga tao. Hindi makahinga nang maayos si Hesus. Kinakailangang isuporta ni Hesus ang Kanyang katawan para makahinga gamit ang Kanyang likod at paa. 

Hindi lang iyan ang pagdurusang dinanas ni Hesus sa Kalbaryo. Nagdusa si Hesus noong Siya'y nilibak ng Kanyang mga kaaway. Ininsulto at binastos si Hesus ng Kanyang mga kaaway. Nakapako na nga si Hesus sa krus, nililibak pa rin Siya. Walang kalaban-laban si Hesus noong Siya ay nasa Kalbaryo. Napakasakit ang mga pisikal at emosyonal na pagdurusa ni Hesus noong Siya ay nakabayubay sa krus sa Kalbaryo. 

Kahit nagdurusa ni Hesus, hindi Siya pinabayaan ng Kanyang Inang Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay nagdurusa din habang si Hesus ay nagdurusa. Damang-dama ng Mahal na Birheng Maria ang pagdurusa ng kanyang Anak na si Hesus. Si Maria ay nakiisa sa pagdurusa ni Hesus sa krus sa Kalbaryo habang siya ay nasa paanan ng krus ni Hesus. 

Inihabilin ni Hesus ang Mahal na Birheng Maria sa pangangalaga ni San Juan, na kumakatawan sa ating lahat. Tayo rin po ay mga anak ng Mahal na Birheng Maria. Kapag tayo ay nasasaktan o nagdurusa, nararamdaman at nakikiisa ang Mahal na Birheng Maria sa ating mga sakit o pagdurusa sa buhay. Siya ang ating ina. Hindi ninanais ng isang ina na makita ang kanyang (mga) anak na nagdurusa o nasasaktan. 

IKAANIM NA HAPIS: Ibinaba si Hesus sa krus 



Tapos na ang pagdurusa ni Hesus sa krus. 

Subalit, nagdusa pa rin ang Mahal na Inang Maria, kahit na binawian ng buhay ang Panginoong Hesus. Noong kinandong ng Mahal na Birheng Maria ang katawan ni Hesus na kamamatay lamang, nakaranas siya ng matinding hapis. Isang matinding hapis ang dinanas ni Maria noong kinandong niya ang katawan ni Hesus na wala nang buhay, wala nang hininga. 

Noong nabubuhay si Hesus, sa tuwing may pagkakataong nalulumbay si Maria, nandoon si Hesus upang aliwin ang Kanyang Ina. Ngayong patay na si Hesus, wala na ang tagapag-aliw ng Mahal na Birheng Maria. Matinding hapis at kalungkutan ang dinanas ni Maria nang makita ang kanyang minamahal na Anak na binawian ng buhay. 

Alam ni Maria ang pakiramdam ng pagkawala ng mahal sa buhay. Alam ng Mahal na Ina kung ano ang nararamdaman natin sa pagpanaw ng ating mga mahal sa buhay. Naranasan ni Maria ang hapis ng pagkamatay ng kanyang mga magulang, ni San Jose, at ngayon naman, ng kanyang minamahal na Anak na si Hesus. 

Tapos na ang pagdurusa na dinanas ni Hesus sa krus ng Kalbaryo. Subalit, ang pagduyan sa bangkay ni Hesus ay nagdulot ng matinding hapis sa puso ng Mahal na Birheng Maria. Napakasakit para sa Mahal na Inang Maria ang pagkamatay ng Panginoong Hesus, ang kanyang Anak na minamahal. 

IKAPITONG HAPIS: Inilibing si Hesus (Mateo 27, 57-61; Marcos 15, 42-47; Lucas 23, 50-56; Juan 19, 38-42) 


May ugnayan ang ikapito at huling hapis ng Mahal na Birheng Maria sa ikaanim na hapis. Pagkatapos ibaba ang bangkay ni Hesus mula sa krus, idinuyan siya ni Maria. Ang araw na iyon ay ang Araw ng Paghahanda ng mga Hudyo, kaya kinailangang ilibing agad si Hesus. Napakahalaga para sa mga Hudyo ang Araw ng Paghahanda. Kaya, kinailangang ilibing agad si Hesus. 

Ilang ulit nang naramdaman ng Mahal na Birheng Maria na mamatayan ng mga mahal sa buhay at ilibing sila. Naranasan ni Maria ang hapis at kalungkutan dulot ng pagpanaw at paglilibing sa kanyang mga magulang na sina Santa Ana at San Joaquin. Naranasan din ni Maria ang hapis at kalungkutan noong si San Jose ay pumanaw at ilibing. Muling naranasan ni Maria ang hapis at kalungkutan ng pagpanaw ng mahal sa buhay sa pagpanaw ni Hesus at noong Siya'y nilibing. 

Subalit, sa kabila ng kalungkutan at hapis na dulot ng pagkamatay ni Hesus, hindi nawalan ng pananalig at pag-asa ang Mahal na Birheng Maria. Nananalig ang Mahal na Birheng Maria na hindi magtatapos ang misyon ng Panginoong Hesus sa kamatayan. Alam ng Mahal na Birheng Maria kung bakit naparito ang Panginoong Hesukristo sa sanlibutan - iligtas ang sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan. Hindi pa matatapos ang lahat sa krus at kamatayan. 

Alam ni Maria na hindi magtatagal at muling mabubuhay si Hesus. Sa Muling Pagkabuhay ni Hesus, mapapawi at mawawala ang lahat ng kanyang hapis at kalungkutan dulot ng Biyernes Santo. Nananalig si Maria sa plano ng Diyos, sa kabila ng matinding pagsubok sa kanyang buhay. Buong pananalig tinanggap at tumalima ang Mahal na Birheng Maria ang kalooban ng Diyos. 


Linggo, Marso 22, 2015

HUWAG MATAKOT TUMALIMA SA KALOOBAN NG DIYOS

Marso 25, 2015
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon (ABK) 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 



Binibigyang diin ng panahon ng Kuwaresma na makinig at tumalima sa kalooban ng Diyos. Ngayong nalalapit na ang mga Mahal na Araw, binibigyang diin ng Simbahan ang pagtalima sa kalooban ng Diyos. Dalawang huwaran mula sa Banal na Bibliya ang ibinibigay sa atin upang tularan - ang Panginoong Hesukristo at ang Mahal na Birheng Maria. Ang mag-inang Hesus at Maria ay nakinig at tumalima sa kalooban ng Diyos para sa kanila. 

Ngayong Miyerkules ng Ikalimang Linggo ng Kuwaresma sa taong ito, ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon. Si San Gabriel Arkanghel ay nagbalita sa Mahal na Birheng Maria tungkol sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Pinili ng Diyos ang Mahal na Inang Maria para sa isang napakahalagang misyon sa kanyang buhay - maging ina ng Mesiyas, ang Tagapagligtas na matagal nang hinihintay. 

Katulad ng mga Hudyo, hinihintay ng Mahal na Birheng Maria ang pagdating ng Manunubos na ipinangakong isusugo ng Diyos sa bayang Israel. Isa si Maria sa napakaraming mga Hudyong naghihintay para sa pagdating ng kanilang Tagapagligtas, ang Mesiyas. Subalit, hindi inaasahan ni Maria na siya ay pipiliin ng Diyos na maging ina ng Mesiyas. 

Ano kaya siguro ang naramdaman ng Mahal na Birheng Maria nang marinig niya ang balitang ito mula sa Arkanghel Gabriel? Takot? Posibleng takot ang naramdaman ni Maria. Narinig ni Maria mula sa Arkanghel na siya'y magdadalantao. Hindi pa kasal ang Mahal na Birheng Maria noong tinanggap niya ang balitang ito mula sa Arkanghel Gabriel. Natatakot si Maria sa kahihiyan at kamatayang dadanasin niya sa mga kamay ng mga Hudyo. 

Sa batas ng mga Hudyo, kapag ang isang babae'y natagpuang nagdadalantao sa labas ng kasal, nilabag ng babae ang batas tungkol sa pakikiapid. Ang babae'y tatahakin sa isang pampublikong lugar at babatuhin hanggang sa mamatay. Ito siguro ang kinatatakutan ng Mahal na Birheng Maria - hindi maniniwala sa kanya ang kanyang mga kababayan at siya'y babatuhin hanggang sa mamatay kapag natagpuan siyang buntis. 

Pero, sinabi ng Diyos kay Maria sa pamamagitan ng Arkanghel Gabriel na mangyayari ito dahil niloloob ito ng Diyos. Hindi na kailangang matakot o mag-alala ang Mahal na Birheng Maria. Ang Diyos ang bahala sa kanya. Walang masamang mangyayari sa Mahal na Birheng Maria. Hindi papatayin ng mga opisyal at ng taong-bayan ang Mahal na Birheng Maria. Bagkus, ang Mahal na Birheng Maria ay magiging ina ng Tagapagligtas ng bayang Israel. 

Si Hesus, ang Anak ng Diyos at ang Anak ni Maria, ay nakaranas din ng takot. Sa Ebanghelyo noong Linggo (Juan 12, 20-33),  binanggit ni Hesus na Siya'y nababagabag at natatakot dahil sa nalalapit Niyang kamatayan. Bago Siya dinakip ng mga kawal sa Halamanan ng Getsemani, si Hesus ay nanalangin sa Diyos. Natatakot at nababagabag si Hesus noong Siya'y nanalangin sa Halamanan ng Getsemani. Takot ang nararamdaman ni Hesus sa Getsemani. 

Sa kabila ng takot na naramdaman ng mag-ina, tumalima si Hesus at si Maria sa kalooban ng Diyos. Ipinahayag ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang fiat, ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Diyos na maging ina ng Panginoong Hesukristo, ang Mesiyas at Tagapagligtas. Ganun din si Hesus. Sa wakas ng Kanyang panalangin sa Halamanan, ipinahayag ni Hesus, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Napawi at nawala ang lahat ng takot nina Hesus at Maria noong tumalima sila sa kalooban ng Diyos. 

Ngayong papalapit na ang Mahal na Araw, tanungin natin ang ating mga sarili: 

Natatakot ba akong tumalima sa kalooban ng Diyos? 

Mapagmahal naming Diyos Ama, ipagkalooban Mo kami ng lakas ng loob upang sumunod at tumalima sa Iyong kalooban, katulad ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birheng Maria. Amen.

Inang Maria, ipanalangin mo kami. 

BAKIT TINATAKPAN ANG MGA IMAHEN SA SIMBAHAN TUWING IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA?

Katesismo para sa Panahon ng Kuwaresma 



Ngayong Linggo ang Ikalimang Linggo ng Kuwaresma, ang huling linggo bago ang Linggo ng Palaspas, ang simula ng mga Mahal na Araw. Mapapansin nating mga Katoliko na sa ating pagsimba na nakatakip ng lilang tela ang mga larawan at rebulto ni Kristo at ng mga santo. Maitatanong siguro ng marami, "Bakit tinatakpan ang mga imahen ng Panginoon at ng mga Santo ngayong Ikalimang Linggo ng Kuwaresma?" 

Ang pagtakip ng mga imahen sa huling linggo bago ang mga Mahal na Araw ay isang matandang tradisyon sa Simbahan. Ito'y hudyat ng pagsisimula ng Passiontide, ang pangalang ibinigay ng Simbahan sa huling linggo ng Kuwaresma bago ang mga Mahal na Araw. Binibigyang diin ng panahong ito ang pagka-Diyos ng Panginoong Hesukristo at ang Kanyang paglalakbay patungong Jerusalem para tuparin ang Kanyang misyon. 

Hango ang tradisyong ito sa ikawalong kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Juan na kung saan si Hesus ay nagtago noong Siya ay babatuhin ng mga tao dahil sa Kanyang pahayag na Siya ang Anak ng Diyos (Juan 8, 54-59). Ang salaysay na ito ay ang Ebanghelyo sa Banal na Misa ng Ikalimang Linggo ng Kuwaresma bago ang pagbabago sa Kalendaryong Panliturhiya noong 1969. Mapapakinggan na ngayon ito sa Banal na Misa ng Huwebes ng Ikalimang Linggo ng Kuwaresma. 

Ayon kay San Agustin, hindi nawala si Kristo dahil sa Siya'y naduwag o natakot sa mga tao. Bagkus, ang pagkubli ni Kristo mula sa mga tao ay pagpapahayag ng Kanyang kalikasan bilang Diyos. Ginamit ni Kristo ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang ikubli ang Kanyang sarili mula sa mga taong nais bumato sa Kanya. Hindi pa noon panahon ni Kristo. 

Binibigyang-diin ng Simbahan sa panahon ng Passiontide ang pagka-Diyos ni Kristo, kaya itinatakpan ng lilang tela ang mga larawan at rebulto ni Kristo. Isa ring dahilan ng pagtatakip sa mga imahen ni Kristo at mga santo sa Simbahan ngayong araw na ito ay dahil nais bigyang-diin ng Simbahan ang ginawa ni Kristo para sa katubusan ng sangkatauhan. 

SOURCE: Catholics Know The Answer Facebook Page

KRUS AT MULING PAGKABUHAY

Marso 22, 2015 
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw ng Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Jeremias 31, 31-34/Salmo 50/Hebreo 5, 7-9/Juan 12, 20-33 



Isang linggo na lamang ang natitira at ipinagdiriwang ng Simbahan ang mga Mahal na Araw. Sa mga Mahal na Araw, gugunitain at alalahanin nating mga Katolikong Kristiyano ang Misteryo Paskwal - ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng pagpapakasakit, pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesus, nakamtan Niya ang tagumpay para sa Diyos at para sa ating lahat. 

Makikita natin sa maraming Simbahan na ang krusipiho o ang imahen ni Kristong nakabayubay sa krus ang itinatampok sa altar. Ipinapaalala sa atin ng krusipiho o ang imahen ni Kristong nakapako sa krus ang dakilang pag-ibig ng Diyos na ipinamalas ni Kristo sa krus. Buong pagmamahal na inalay ni Kristo ang Kanyang sariling buhay sa krus alang-alang sa buong sangkatauhan. 

Bagamat sinabi ni San Juan Ebanghelista na si Hesus ay nababagabag dahil sa nalalapit Niyang kamatayan, alam ni Hesus na kailangang Niyang danasin ang sakit at kamatayan sa krus sa Kalbaryo. Alam ni Hesus na naparito Siya upang mamatay alang-alang sa sangkatauhan. Inako Niya ang utang ng sangkatauhan sa Diyos. Tinanggap ni Hesus na Siya ang magiging hain para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng buong sangkatauhan. 

Kung ninanais ni Hesus, maaari sana Siyang manalangin sa Ama na iligtas Siya mula sa kamatayan. Maaari ding gawin ni Hesus ang lahat para lang makatakas sa krus ng Kalbaryo. Subalit, pinili ni Hesus na tiisin ang hirap at kamatayan sa krus para sa atin. Ito'y kalooban ng Diyos. Niloob ng Diyos na ang Kanyang Bugtong na Anak, ang ating Panginoong Hesukristo, na mamatay sa krus ng Kalbaryo bilang hain para sa katubusan ng sangkatauham. 

"Malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito'y mamumunga nang marami." (Juan 12, 24) Para kay Hesus, kinakailangan Niya munang tiisin ang maraming hirap at kamatayan sa krus sa Kalbaryo upang makamtan Niya ang tagumpay para sa Diyos at para sa sangkatauhan. Kung hindi mamamatay si Hesus sa Kalbaryo, hindi Niya makakamit ang muling pagkabuhay. Walang krus, walang muling pagkabuhay. Magkakaugnay ang krus at ang Muling Pagkabuhay. 

Alam nating lahat na hindi natin makakamit ang tagumpay kung hindi muna tayo nagtitiis at nagtitiyaga. Kailangang lakbayin natin ang daan patungo sa tagumpay. Hindi magiging madali o maginhawa ang daan patungo sa tagumpay. May mga pagkakataon kung kailan madadapa tayo at mayroon ding mga pagsubok na kailangan nating harapin. 

Ganun din ang daan ni Hesus patungo sa tagumpay at kaluwalhatian. Kahit maaaring piliin ni Hesus ang pinakamadaling paraan upang makamtan ang tagumpay at kaluwalhatian, pinili Niya ang pinakamahirap na paraan. Pinili ni Hesus na harapin ang krus at kamatayan sa Kalbaryo para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa ikatlong araw pagkalipas ng kamatayan ni Hesus, Siya'y muling nabuhay at nakumpleto Niya ang Kanyang misyon. 

Ngayong papalapit na ang mga Mahal na Araw, inaanyayahan tayo ni Hesus na samahan at makiisa sa Kanya sa Kanyang paglalakbay patungo sa kaluwalhatian at tagumpay. Inaanyayahan tayo na pagnilayan natin ang bawat pagtahak ng Panginoong Hesus sa landas ng pagdurusa. Ang landas ng pagdurusa ang aakay sa ating lahat tungo sa tagumpay at kaluwalhatiang kinamtan ng Panginoong Hesus para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay. Hindi magtatapos ang lahat sa krus at kamatayan sa Kalbaryo. 

Linggo, Marso 15, 2015

SAN JOSE: TAHIMIK NA SUMUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS

Marso 19, 2015 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birheng Maria at Amain ng Panginoong Hesukristo (ABK) 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a)



Walang salitang namutawi si San Jose sa mga Ebanghelyo, lalung-lalo na sa Ebanghelyo ni San Mateo. Madalas nating matagpuan si San Jose sa Ebanghelyo ni San Mateo na natutulog bago magpakita ang anghel ng Panginoon sa kanya. Ang unang pagkakataon ay noong malaman ni San Jose na ang Mahal na Birheng Maria ay nagdadalantao, kahit hindi pa sila kasal at ang pangalawang pagkakataon ay bago siya tumakas kasama ang Mahal na Birheng Maria at ang Sanggol na Hesus patungong Ehipto dahil sa plano ni Haring Herodes na ipagpaslang ang Sanggol na Hesus (Mateo 2, 13-15). 

Bilang tao, kinakailangan din nating magpahinga. Ang pagpapahinga ay napakaimportante para sa atin. Kung hindi tayo nagpapahinga, hindi tayo lalakas. Bagkus, tayo ay hihina at hihina. Magkakaroon tayo ng panibagong lakas pagkatapos ng ating pagpapahinga. 

Isang karpintero si San Jose. Napakahirap ang trabaho ng isang karpintero. Subalit, masipag at matiyaga si San Jose sa kanyang hanapbuhay. Kapag may problema o napapagod si San Jose, madalas nating nakikita siyang nagpapahinga, katulad ng natunghayan natin sa Ebanghelyo natin ngayon. Bago tinawag ng Diyos si San Jose sa pamamagitan ng Kanyang anghel sa panaginip, nagpahinga si San Jose. Maraming mga gawain at problema ang hinarap ni San Jose, kaya nagpahinga siya upang magkaroon ng lakas para sa kinabukasan. 

Kakaiba ang tugon ni San Jose sa sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon noong siya'y nagpapahinga. Walang salitang namutawi mula sa labi ni San Jose. Bagkus, tahimik na sumunod at ginawa ni San Jose ang ipinapagawa sa kanya ng Diyos na ipinamalita sa kanya ng anghel sa panaginip. Kinabukasan, tinanggap ni San Jose ang pananagutan bilang kabiyak ng Mahal na Birheng Maria at amain ng Panginoong Hesukristo dito sa lupa. 

Anuman ang ating propesyon sa buhay, tinatawag tayo ng Diyos na pagsilbihan Siya bilang mga manggagawa Niya, katulad ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Si San Jose ay isang manggagawa ng Diyos dahil may responsibilidad siya bilang isang karpintero, bilang kabiyak ng Mahal na Birhen, at bilang amain ni Kristo dito sa lupa. Pinagbutihan ni San Jose ang kanyang trabaho bilang isang karpintero para sa ikabubuhay niya, ng Mahal na Ina, at ng Panginoon. 

Laging nakahanda si San Jose na paglingkuran ang Diyos. Tahimik na sumunod at pinaglingkuran ni San Jose ang Diyos bilang manggagawa Niya. Ang responsibilidad ni San Jose sa Diyos ay maging kabiyak ng Mahal na Birheng Maria at amain ng Panginoong Hesus dito sa lupa bago Niya simulan ang Kanyang pangangaral. Kahit gaano mang kahirap ang pananagutang ito, tahimik na tinanggap at tumalima si San Jose sa kalooban ng Diyos. 

Tayong lahat ay tinatawag ng Diyos na paglingkuran Siya. Kahit gaano kataas o kababa ang ating posisyon sa buhay, lalo na sa ating trabaho, tinatawag tayo ng Diyos na maglingkod sa Kanya. Isa sa napakaraming mga huwaran ng mga simpleng taong tinawag ng Diyos upang paglingkuran Siya ay si San Jose. Kung paanong tinanggap at sumunod si San Jose sa kalooban ng Diyos, dapat din nating sumunod sa Diyos katulad ni San Jose. 

Panginoon, tulungan Mo kaming tumalima at sumunod sa Iyong kalooban, katulad ni San Jose. Amen. 

Inang Maria, ipanalangin mo kami. 
San Jose, ipanalangin mo kami.

AWIT SA PAGNINILAY - "Pagsamo kay San Jose" 


LAETARE SUNDAY

Katesismo para sa panahon ng Kuwaresma


Ang Laetare Sunday ay ang alternatibong pangalan ng Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma. Ang ibig sabihin ng salitang Laetare ay "Magalak." Nagmula ang pangalang Laetare Sunday sa Antipona sa Pasimula ng Banal na Misa, "Lungsod ng kapayapaan, magalak tayo't magdiwang. Noo'y mga nalulumbay, ngayo'y may kasaganaan sa tuwa at kasiyahan." (Isaias 66, 10-11) 

Katulad ng Gaudete Sunday sa panahon ng Adbiyento, maaari ding magsuot ng rosas ang mga pari sa mga Misa tuwing Laetare Sunday sa panahon ng Kuwaresma. Maaari ding maglagay ng mga bulaklak sa altar at gamitin ang organo bilang solo instrumento. 

Binibigyang diin ng Laetare Sunday ang kagalakan. Ito ang pagkakaiba ng Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma sa ibang mga Linggo ng Kuwaresma. Nagagalak tayong lahat dahil sa pag-asa dulot ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang Laetare Sunday ang hudyat na papalapit na ang pinakaimportanteng pagdiriwang ng Simbahan - ang pagdiriwang ng pagpapakasakit, pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Sa kabila ng pagpepenitensya ngayong panahon ng Kuwaresma, hinihikayat tayong lahat ng Simbahan ngayong Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma na magalak. Magalak dahil sa pag-asang ibinibigay sa atin ng Diyos. Hinihikayat din tayong magalak dahil malapit nang matapos ang panahon ng Kuwaresma at malapit na ang pinakadakilang kapistahan ng Simbahan - ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. 

MAGALAK SA LIWANAG DULOT NG DAKILANG PAG-IBIG NG DIYOS

Marso 15, 2015
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
2 Cronica 36, 14-16. 19-23/Salmo 136/Efeso 2, 4-10/Juan 3, 14-21 



Ngayong Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, hinihikayat tayo ng Simbahan na magalak. Ang tawag sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ay Laetare Sunday o Linggo ng Kagalakan. Sa kabila ng penitensya ngayong panahon ng Kuwaresma, hinihikayat tayong lahat ng Simbahan na magalak ngayong Linggo. Ang Ebanghelyo ngayong Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ngayong taon ang dahilan kung bakit dapat tayong magalak sa kabila ng ating pagpepenitensya sa banal na panahon ng Kuwaresma. 

Ang pinakamasikat na talata sa Banal na Bibliya ay mapapakinggan sa Ebanghelyo ngayong Linggo. "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." (Juan 3, 16). Ito ang mensahe ng Simbahan sa ating lahat ngayong papalapit na ang mga Mahal na Araw. 

Sa kabila ng ating mga penitensya ngayong Kuwaresma, tinatawag tayong lahat na magalak sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. Hindi ipinagkait ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak. Bagkus, buong puso Niyang inialay ang Kanyang Bugtong na Anak para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Bagamat napakasakit para sa Diyos Ama ang makita ang Diyos Anak na nagdurusa para sa kaligtasan ng sangkatauhan, ginawa pa rin Niya ito dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. 

Ang pag-ibig ng Diyos ay nakakaakit. Inaaakit tayo ng pag-ibig ng Diyos na pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Tinatawag tayo ng Diyos na magbagong-buhay, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma. Ang pag-ibig ng Diyos ay napakadakila. Maaawain at mapagmahal ang Diyos. Sino ang hindi maaakit sa dakilang pag-ibig ng Diyos? 

Nais ipaalala sa atin ng Salita ng Diyos ngayong Linggo na ang Diyos ay pag-ibig. Ang pag-ibig na tunay at perpekto ay ang pag-ibig ng Diyos. Mahal na mahal tayong lahat ng Diyos. Ang pag-aalay ng Panginoong Hesus ng Kanyang sarili sa krus ang patunay ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin. Maaaring iligtas tayo ng Diyos nang hindi nadadamay pa ang Kanyang Anak. Maaari ding iligtas ng Diyos Ama ang Diyos Anak na si Hesus upang hindi Niya maranasan ang sakit dulot ng krus. Subalit, pinili pa rin ng Diyos na ialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus upang ipamalas sa atin ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. 

Isang panahon ng espirituwal na paglalakbay ang panahon ng Kuwaresma. Ang pag-ibig ng Diyos ay nagsisilbing liwanag para sa atin sa ating paglalakbay. May mga pagkakataon kung kailan maliligaw tayo ng landas. Sa mga pagkakataong naliligaw tayo ng landas dahil sa ating mga kasalanan, nandiyan ang pag-ibig ng Diyos na nagsisilbing liwanag para sa atin. Tayo ay inaakay ng liwanag na dulot ng pag-ibig ng Diyos pabalik sa Kanya. Sundan natin ang liwanag na dulot ng dakilang pag-ibig ng Diyos. 

Dapat tayong magalak ngayong Linggong ito, sa kabila ng ating penitensya. Pag-asa ang mensahe ngayong Linggo ng Laetare. Kahit naliligaw tayo ng landas, nandoon ang pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay nagsisilbing liwanag para sa ating lahat upang manumbalik sa Diyos mula sa kadiliman ng ating mga kasalanan. Sumunod nawa tayong lahat sa liwanag dulot ng dakilang pag-ibig ng Diyos.

AWIT SA PAGNINILAY: "Pagkabighani" 


Linggo, Marso 8, 2015

TUNAY NA PAGSAMBA SA DIYOS

Marso 8, 2015
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Exodo 20, 1-17 (o kaya: 20, 1-3. 7-8. 12-17)/Salmo 18/1 Corinto 13, 22-25/Juan 2, 13-25



Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang Sampung Utos ng Diyos. Ang Sampung Utos ng Diyos ay hindi isang pangkaraniwang, "Dapat gawin at hindi dapat gawin." Bagkus, ang Sampung Utos ay ibinigay ng Diyos sa bayang Israel upang maging gabay kung paanong mamuhay para sa Kanya. Nais ng Diyos na mamuhay ang lahat ng tao nang may pagmamahal sa Kanya at sa Kanyang mga nilikha, lalung-lalo na ang kapwa-tao. 

Isa sa mga Sampung Utos ng Diyos ay sambahin lamang ang Diyos. Ang Diyos ang dapat sambahin ng lahat. Ang Diyos ay ang iisang Diyos na dapat sambahin ng lahat. Walang kapantay ang Diyos. Nararapat lamang na sambahin at ibigin ang Diyos sapagkat Siya ang makapangyarihan sa lahat. Walang diyos-diyosan ang makahihigit sa kapangyarihan at kadakilaan ng nag-iisang Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat. 

Matutunghayan natin sa Ebanghelyo na nagalit si Hesus sa nakita Niya sa Templo. Hindi nagustuhan ni Hesus ang ginagawa ng mga tao sa Templo. Binastos ang Templo - ang tahanan ng Diyos. Walang paggalang ang mga tao sa presensya ng Diyos. Nakita ni Hesus na hindi totoo ang pagsamba ng mga tao sa Diyos. Hindi galing sa puso ang pagsamba ng mga tao sa Templo. 

Para kay Hesus, ang tunay na pagsamba sa Diyos ay galing sa puso. Hindi basta-basta sa templo o sa isang gusaling sambahan lamang ang tunay na pagsamba. Dapat din nating isabuhay ang ating pagsamba sa Diyos. Kailangang isabuhay, isadiwa natin ang ating pagsamba sa Diyos. Sapagkat pagpapaimbabaw, kaek-ekan lamang ang ating pagsamba sa Diyos nang hindi ito isinasabuhay, kahit sa labas ng Simbahan. 

Hindi magkahiwalay ang buhay sa loob ng Simbahan at ang buhay sa labas ng Simbahan. Magkakaugnay ang ating buhay at sarili sa loob ng Simbahan at sa labas ng Simbahan. Hindi pwede ang magsimba-simba ka at magdasal-dasal ng mga nobenaryo at maraming iba pang mga gawain at pagkatapos ay magpapatuloy ka ng mga masasamang bagay. Ang pagsimba at pagdarasal ay hindi lamang isang obligasyon. 

Ang hirap sa atin at sa mundo ngayon, iniisip natin na pagkatapos tayong magsimba at manalangin, pwede na tayong magbalik sa dati nating gawain, lalo na kung ito'y masama. Iniisip natin na hiwalay ang ating buhay at asal sa loob ng Simbahan at kapag nasa labas ng Simbahan. Iniisip natin na kapag lumabas tayo ng Simbahan, pwede tayong bumalik sa mga dati nating gawain, lalo na ang mga masasamang bagay. 

Para sa Panginoong Hesus, ang tunay na pagsamba sa Diyos ay dapat galing sa puso. Hindi tayo sumasamba sa Diyos upang ipagyabang natin sa mga tao o dahil obligasyon lamang iyon. Bagkus, ang tunay na Kristiyano ay sumasamba sa Diyos nang buong puso at buong buhay. Isinasabuhay ng isang tunay na Kristiyano ang kanyang pagsamba sa Panginoong Diyos, sa loob at labas ng Simbahan. 

Suriin at tanungin natin ang ating mga sarili: Galing ba sa aking puso ang aking pagsamba sa Diyos? 

Manalangin tayo: 
O Diyos, tulungan Mo kaming sumamba sa Iyo nang taos sa puso. Amen. 


Linggo, Marso 1, 2015

PAGSUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS

Marso 1, 2015
Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Genesis 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18/Salmo 115/Roma 8, 31b-34/Marcos 9, 2-10 



Bago ang salaysay ng pagbabagong-anyo ni Hesus, ipinahayag ni Hesus sa unang pagkakataon na Siya'y dadakipin at papatayin ng mga autoridad, at muling mabubuhay sa ikatlong araw. Napakalungkot ang pahayag na ito mula kay Hesus. Para sa mga alagad, mahirap unawain at tanggapin ang sinabi ni Hesus tungkol sa nalalapit Niyang kamatayan. Hindi nila iyon inaasahan kay Hesus bilang Mesiyas at makapangyarihang Tagapagligtas. 

Pagkatapos ipahayag ni Hesus ang Kanyang kamatayan, muling nagpahayag si Hesus sa mga alagad. May kundisyon ang pagsunod sa Kanya. Hindi biro-biro o laro-laro lamang ang pagsunod kay Hesus. Kailangang seryoso ang pagsunod kay Hesus. Para kay Hesus, kailangang limutin natin ang ating sarili, pasanin ang ating mga krus, at sumunod sa Kanya. Napakahirap ang pagsunod kay Hesus. Hindi basta-basta lamang ang pagsunod kay Hesus. Hindi laging maginhawa ang ating pagsunod kay Hesus. May mga pagsubok at pagdurusa na kailangan nating harapin sa pagsunod kay Hesus. 


Sa bundok, nasilayan ng mga alagad ang unang sulyap sa kaluwalhatiang kakamtan ng Panginoong Hesus pagkatapos ng Kanyang mga pagdurusa. Ang kaluwalhatian ng Panginoong Hesus ay napakaningning at napakadakila. Walang tagumpay na makakasukat o makakapantay sa tagumpay na makakamtan ni Hesus sa pamamagitan ng krus at ng muling pagkabuhay. 

Nagsalita ang Diyos mula sa langit. Muling ipinakilala ng Diyos ang Kanyang Anak na si Hesus. May dagdag pa Siyang utos: makinig tayo sa Kanya. Ano ang nais gawin ni Hesus? Sundin ang kalooban ng Diyos. Nais Niyang tumalima sa kalooban ng Ama. Hindi ang sariling kalooban ang nais masunod ni Hesus. Nais Niyang sumunod sa kalooban ng Diyos Ama. 

Pinili ni Hesus na sundin ang kalooban ng Diyos. Tinatawag tayo ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pagbabagong-anyo na makinig at sumunod sa kalooban ng Diyos, katulad Niya. Ang utos pa ng Amang Diyos mula sa langit, "Makinig kayo sa Kanya." Ang utos ng Diyos sa atin ay makinig kay Hesus, at sinasabihan tayo ni Hesus na sumunod sa kalooban ng Diyos. 

Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay hindi madali. Marami tayong mga pagsubok at pagdurusang haharapin sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ganun din ang nangyari kay Hesus. Kahit Siya ang Anak ng Diyos, naranasan Niya ang pagdurusa at paghihirap. Hindi man ninais ni Hesus na mangyari ito sa Kanya, tumalima si Hesus sa kalooban ng Ama. 

Mahirap ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi magiging madali at maginhawa ang ating pagsunod sa kalooban ng Diyos. Subalit, pagkatapos ng mga paghihirap, pagtitiis at pagsubok, makakamtan natin ang tagumpay. Ang ating mga paghihirap at pagtitiis ay magtatapos din sa awa ng Diyos. Sumunod nawa tayong lahat sa kalooban ng Diyos, katulad ni Hesus. 

O Diyos, tulungan Mo kaming sumunod sa Iyong kalooban, katulad ng aming Panginoon at Tagapagligtas na si Hesus. Amen. 

REFLECTIVE SONG: "Sa Iyong Mga Yapak" - Philippine Madrigal Singers