Linggo, Mayo 31, 2015

BANAL NA SANTATLO: HUWARAN NG TUNAY NA PAGKAKAISA

Mayo 31, 2015
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (B) 
Deuteronomio 4, 32-34. 39-40/Salmo 32/Roma 8, 14-17/Mateo 28, 16-20 



Bilang mga Katoliko, tayong lahat ay sumasampalataya at sumasamba sa iisang Diyos. Subalit, sa iisang Diyos na iyon, Tatlong Persona ang bumubuo nito - ang Ama, Anak at Espiritu Santo. Bagamat ang Ama, Anak at Espiritu Santo ay magkakakiba, iisa lamang ang Kanilang ugnayan at anyo - silang tatlo ay iisang Diyos. Binubuo ng Ama, Anak, at Banal na Espiritu ang iisang Diyos na ating sinasampalatayanan at sinasamba. Kaya nga, kapag dinadasal natin ang Credo, sinasabi natin na tayo ay sumasampalataya sa Diyos Ama, sa Diyos Anak na ating Panginoong Hesukristo, at sa Diyos Espiritu Santo. 


Isa sa mga Misteryo ng Simbahan ang Misteryo ng Banal na Santatlo. Ang Misteryo ng Banal na Santatlo ang pinakaimportanteng Misteryo sa ating pananampalatayang Katoliko. Mahirap unawain ang Misteryo ng Banal na Santatlo kung gagamitin natin ang agham upang ipaliwanag ang mga Banal na Misteryo ng Simbahan, katulad lamang ng Misteryo ng Banal na Santatlo. Kung rason ang gagamitin natin, hindi natin mauunawaan ang Misteryo ng Banal na Santatlo. 

Subalit, nagpapakilala ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng mga Misteryo. Dahil sa Kanyang dakilang kapangyarihan, ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng mga Misteryo. Katulad lamang sa Misteryo ng Banal na Santatlo. Paano ba ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa Misteryong ito? Ipinapakilala ng Diyos na Siya ang Ama, Anak at Espiritu Santo. Bagamat magkaiba ang Tatlong Persona ng Ama, Anak, at Espiritu Santo, iisa lamang ang kanilang ugnayan at likas - Silang tatlo ay iisang Diyos. 

Sa Ebanghelyo, noong isinugo ni Hesus ang mga alagad na gawing alagad Niya ang lahat ng mga bansa, iniutos Niyang binyagan ng mga alagad ang lahat ng mga bansa sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, hindi Sa mga Pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Ipinakilala ni Hesus na may Tatlong Persona sa Isang Diyos. Siya na mismo ang nagsabi nito sa wakas ng Ebanghelyo ni San Mateo. Sa iisang Diyos, may Tatlong Persona - ang Ama, Anak at Espiritu Santo. Bagamat magkaiba sila, iisa ang kanilang ugnayan - Silang tatlo ang bumubuo sa iisang Diyos na ating sinasampalatayanan at sinasamba. Magkaiba man ang Tatlong Persona sa Isang Diyos, iisa pa rin Sila. 

May makikita tayong pagkakaisa sa Banal na Santatlo. Ang pagkakaisa ng Banal na Santatlo ay tunay. Hindi matitinag o masisira ang kanilang pagkakaisa. Bagkus, ang Banal na Santatlo ay nananatili. Silang Tatlo ay nanatiling iisa. Kahit noong si Hesus ay nagkatawang-tao at namuhay sa mundo upang iligtas ang sangkatauhan, nanatili pa rin ang ugnayan at pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Kahit anumang gawin ng mga kalaban, lalung-lalo na ng demonyo, mananatili pa ring iisa ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo. 

Sa Ebanghelyo ni San Juan, ilang ulit nangaral si Hesus tungkol sa Banal na Trinidad. Noong nangangaral Siya sa mga Hudyo sa ikawalong kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, sinabi ni Hesus, "Bago ipinanganak si Abraham, 'Ako'y Ako Na'." (Juan 8, 58) Ibig nilang batuhin si Hesus dahil alam nila kung ano ang ibig sabihin ni Hesus noong sabihin Niyang, 'Ako'y Ako Na'. Alam nilang sinasabi ni Hesus na Siya ang Diyos. 

Nagsalita rin si Hesus tungkol sa Kanyang pagkakaisa sa Ama. Sa ika-10 kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, noong ipinagdiriwang ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo, sinabi ni Hesus noong tinanong Siya ng mga tao kung Siya nga ang Kristo, "Ako at ang Ama ay iisa." (Juan 10, 30) Muling kumuha ng mga bato ang mga tao dahil sinabi ni Hesus na Siya at ang Ama ay iisa. Alam ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Hesus - Siya ay Diyos.

At pang-huli, nagsalita rin si Hesus tungkol sa pagka-Diyos ng Espiritu Santo. Sa pamamaalam ni Hesus sa mga alagad mula sa ika-14 na kabanata hanggang sa ika-16 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, ginamit ni Hesus ang salitang Parakleto para ituro sa mga alagad kung sino ang Espiritu Santo. Hindi lamang isang puwersa ang Espiritu Santo. Diyos din ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay kapantay ng Diyos Ama at Diyos Anak. Katulad ng Ama at ng Anak, ang Espiritu Santo ay Diyos. 

Tunay ang ugnayan at pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Walang makakapantay sa ugnayan at pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Hindi matitinag ang Banal na Santatlo. Bagkus, mananatili Silang iisa magpakailanman. Sa Banal na Santatlo, makikita natin ang tunay na mapagkailanman. Ang tunay na magpakailanman ay hindi matatagpuan dito sa mundo. Matatagpuan lamang natin ang tunay na magpakailanman sa langit, sa Banal na Santatlo. Ang Banal na Santatlo ay iisa, bago pa ang paglikha sa mga nakikita at di-nakikita. 

O Dakilang Santissima Trinidad, akayin Mo kami sa daan patungo sa tunay na pagkakaisa at magpakailanman. Amen. 

Linggo, Mayo 24, 2015

ESPIRITU SANTO: TAGABIGAY NG LAKAS AT KAGITINGAN SA MGA KRISTIYANO

Mayo 24, 2015
Linggo ng Pentekostes (B) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Galacia 5, 16-25)/Juan 20, 19-23 (o kaya: Juan 15, 26-27; 16, 12-15) 


"Happy birthday!" "Maligayang kaarawan!" Ngayon po ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes, ang kaarawan ng ating Simbahan. Sa araw na ito, sinimulan ng mga apostol ang kanilang misyon bilang mga saksi ng Panginoon. Pagkatapos ng Pag-Akyat ni Hesus sa Langit, bumaba ang Espiritu Santo mula sa langit upang bigyan ng lakas at kagitingan ang mga apostol. Ito ang katuparan ng pangako ni Kristo sa mga alagad bago Siya umakyat sa langit - bibigyan sila ng kapangyarihan ng Espiritu Santo pagbaba Niya mula sa langit. 

Bago bumaba ang Espiritu Santo mula sa langit, ang mga alagad ay nagkatipon sa isang silid. Ano kaya ang naramdaman ng mga alagad sa silid na iyon? Takot sa mga autoridad at kamatayan? Kaba dahil sa napakalaking misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesus? Anuman iyon, silang lahat ay nagdasal hanggang sa pagdating ng Espiritu Santo. Pagbaba ng Espiritu Santo mula sa langit, silang lahat ay naging magigiting na saksi ng Panginoong Hesukristo. Sinimulan nila ang misyong ibinigay sa kanila ng Panginoon. 

Dahil sa lakas at kagitingang mula sa Espiritu Santo na taglay ng mga apostol, naipalaganap nila ang pananampalatayang Kristiyano. Kung hindi dahil sa kapangyarihang ibinigay sa kanila mula sa Espiritu Santo, hindi nila maipapalaganap ang pananampalatayang Kristiyano. Ang kanilang lakas, kapangyarihan, at kagitingan ay nagmula sa Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang tagabigay ng lakas at kagitingan, hindi lamang sa mga apostol kundi sa lahat ng mga Kristiyano. 

Sa tulong ng Espiritu Santo, nagbago ang mga apostol. Kahit napakaliit ang grupong binubuo ng mga apostol, naipalaganap nila ang pananampalataya. Mula sa pagiging hamak na mangingisda at mga simpleng tao, silang lahat ay naging mga misyonero. Kahit wala silang napag-aralan patungkol sa Banal na Kasulatan, katulad ng mga Pariseo, Saduseo, eskriba at marami pang iba, naipalaganap nila ang Mabuting Balita sa lahat. Nakapagsalita pa nga sila ng iba't ibang wika, ayon sa Unang Pagbasa. 

Mula sa pagiging isang maliit na grupo o samahan, tatlong libong tao ay naging mga Kristiyano sa araw ng Pentekostes. Tatlong libong tao ay naging Kristiyano sa araw ng Pentekostes. Hindi mangyayari iyon kung hindi dahil sa tulong ng Espiritu Santo. Ang mga apostol ay tinulungan ng Espiritu Santo sa kanilang misyon. Patuloy na ginabayan at tinulungan ng Espiritu Santo ang Inang Simbahan magpahanggang ngayon. 

Ang misyon ng mga apostol ay ipinagpapatuloy ng Inang Simbahan magpahanggang ngayon. At ano ang misyon ng mga apostol? Ipalaganap sa buong daigdig ang Mabuting Balita ng Panginoon. Katulad ng sinabi ng Panginoong Muling Nabuhay sa mga alagad sa Ebanghelyo natin ngayon, "Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo." (Juan 20, 21) Sinugo ni Hesus ang mga alagad upang maging Kanyang mga saksi sa bawat sulok ng daigdig. Ang misyong ito'y pinagpapatuloy ng ating Inang Simbahan. 

Hindi lamang para sa kaparian ang misyong ibinigay ni Hesus sa Santa Iglesia. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Santa Iglesia, kinakailangan nating ipalaganap ang Mabuting Balita tungkol sa ating kaligtasan. Marami tayong mga paraan upang maipalaganap natin ang Salita ng Diyos, lalung-lalo na sa makabagong panahon. Maaari din tayong gumamit ng Social Media, katulad ng Facebook, Twitter, etc. para ipalaganap ang mensahe ng awa at habag mula sa ating Panginoon. 

Ang lahat ng mga Kristiyano, pari man o layko, ay bumubuo sa Santa Iglesia. Bilang mga Kristiyano, may misyon tayo mula kay Kristo. Sinusugo tayo ni Kristo na maging Kanyang mga misyonero at saksi sa buong sanlibutan. Hindi tayo nag-iisa sa ating misyon. Kasama natin ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang magbibigay sa atin ng lakas at kagitingan upang maipalaganap natin sa buong daigdig ang Mabuting Balita ng Panginoon. 

O Diyos Espiritu Santo, ipagkalooban Mo kami ng lakas at kagitingan para maging mga mabubuting Kristiyanong sumasaksi kay Kristo. Amen. 

REFLECTIVE SONG #1: "Tell The World Of His Love" (Theme Song of World Youth Day 1995 in Manila, Philippines - Ms. Carelle Mangaliag and Jeff Arcilla) 


REFLECTIVE SONG #2: "Breath of God" (Bukas Palad Music Ministry) 


REFLECTIVE SONG #3: "Pagbabasbas" (Hangad Music Ministry) 


Linggo, Mayo 17, 2015

REFLECTIVE SONG #2 PARA SA MABUTING BALITA NGAYON (Mayo 17, 2015 - Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat - Taon B)

"Humayo't Ihayag" - Bukas Palad Music Ministry 


REFLECTIVE SONG #1 PARA SA PAGNINILAY SA MABUTING BALITA NGAYON (Mayo 17, 2015 - Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat - Taon B)

"Tell The World Of His Love" (Theme Song of World Youth Day 1995) - Carelle Mangaliag and Jeff Arcilla 

Ito po ang unang reflective song para sa Pagninilay sa Mabuting Balita ngayong Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon (B). 

MAGING MGA SAKSI NG PANGINOON; MAGPATOTOO TUNGKOL SA KANYA

Mayo 17, 2015
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (B) 
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23 (Alternatibong Pagbasa: Efeso 4, 1-13 o kaya: 4, 1-7. 11-13)/Marcos 16, 15-20 



Sa tuwing may insidenteng nangyari o kaya sa mga kaso sa korte, may mga taong nakakakita sa nangyari. Alam nila kung ano ang karanasan nila. Mas alam nila ang nangyari kaysa sa ibang tao na nakakaalam sa bagay na iyon kung ibinalita lamang ito sa kanila. Ang tawag sa mga taong nakakita at nakaranas sa isang bagay ay mga saksi. Nagpapatotoo ang mga saksi tungkol sa mga nangyari, mabuti man o masama. Katunayan, mas mapagkakatiwalaan ang mga patotoo ng mga saksi kaysa sa mga tsismis na ipinagkakalat. 

Hinirang ni Hesus ang mga alagad upang maging mga saksi Niya. Ang mga alagad ang magpapatotoo tungkol kay Hesus sa Kanyang pag-alis sa mundong ito. Alam ni Hesus na balang araw ay babalik Siya sa langit. Subalit, dahil sa pag-ibig ng Panginoon sa sanlibutan, nais Niyang makilala Siya ng mga nasa sanlibutan bilang kanilang Tagapagligtas. Kaya, hinirang at sinugo ni Hesus ang mga alagad na maging Kanyang mga saksi at misyonero. Sila na ang magpapatotoo tungkol sa pag-ibig, awa at malasakit ng Panginoong Hesus. 

Bagamat may konting pagkakaiba ang salaysay ng Unang Pagbasa at ng Ebanghelyo patungkol sa Pag-Akyat ng Panginoon sa Langit, iisa ang tema nito - sinusugo ng Panginoong Hesukristo ang mga alagad na maging mga saksi at misyonerong nagpapatotoo tungkol sa Kanya at Siya'y iniakyat sa kalangitan. Dito magsisimula ang misyon ng mga alagad. Ngayong umalis na si Hesus sa mundong ito, ipagpapatuloy ng mga alagad ang sinimulan ni Hesus. 

Para sa mga alagad, hindi magiging madali ang misyong ito. Alam nila na sila'y mahihina. Noong ang Panginoong Hesus ay dinakip ng mga kawal sa Halamanan ng Getsemani, hindi nila naipagtanggol ang Panginoon. Kahit matigas nilang sinabi sa Panginoon na ipagtatanggol nila Siya, hindi nangyari iyon, at alam din iyon ng Panginoon. Subalit, dahil sa pag-ibig ng Panginoon sa kanila at sa buong sanlibutan, pinili Niya ang mga alagad Niya upang sumaksi at magpatotoo tungkol sa Kanya sa bawat sulok ng daigdig. 

Ang Labing-Isang Alagad ni Kristo ay hinirang para sa kakaibang misyon. Napakalaki ang misyong ito. Alam nila na magiging mahirap ang misyong ibinigay sa kanila ni Kristo ngayong wala na ang pisikal na presensya ni Kristo dito sa lupa. Subalit, mula sa langit, kasama pa rin sila ni Kristo. Tinutulungan pa rin ng Panginoon ang mga alagad sa kanilang misyon sa pagsaksi sa Kanya, kahit wala na Siya dito sa lupa. 

Hindi lamang para sa mga alagad, sa mga kaparian, o sa mga relihiyoso ang pagsaksi kay Hesus. Tayo rin ay hinihirang ni Hesus na sumaksi sa Kanya. Pinipili, tinatawag at hinihirang tayo ni Hesus na maging mga misyonerong sumasaksi sa Kanya. Ang pag-ibig ng Panginoong Hesus ang dahilan kaya tayong lahat ay pinili na sumaksi sa Kanya, lalung-lalo na sa makabagong panahon. 

Kahit hindi natin nakita ang Panginoong Hesus sa Kanyang pisikal na anyo, Siya'y kasama pa rin natin sa langit. Tinutulungan at sinasamahan tayo ni Kristo, kahit hindi nakita ng ating mga mata ang pisikal na anyo ni Kristo. Mula sa langit, tayong lahat ay tinutulungan at ginagabayan ng Panginoon sa bawat araw ng ating buhay. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Panginoon. 

Paano tayo magiging saksi ng Panginoon sa mga simpleng paraan? Magmahal ng kapwa, magkawanggawa at marami pang iba. Ipadama natin ang pag-ibig ng Panginoon sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga dukha. Sa pagpapadama at pagbabahagi ng pag-ibig ng Diyos sa kapwa-tao, doon natin naipapalaganap ang pag-ibig, habag at malasakit ng Panginoong Diyos. Sapagkat ang Diyos ang Diyos ng pag-ibig, habag at malasakit. 

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming maging mga magigiting na misyonerong sumasaksi sa Iyo at sa Iyong pag-ibig. Amen. 

Linggo, Mayo 10, 2015

ANG PAG-IBIG NG DIYOS: PAG-IBIG NA WALANG ITINATANGI

Mayo 10, 2015 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B) 
Mga Gawa 10, 25-26. 34-35. 44-48/Salmo 97/1 Juan 4, 7-10/Juan 15, 9-17


Natiyak ni San Pedro Apostol sa Unang Pagbasa na walang itinatangi ang Diyos. Bukas ang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao. Anuman ang lahi o estado ng buhay ng isang tao, bukas pa rin sa kanya ang pag-ibig ng Diyos. Makasalanan man o matuwid ang isang tao, ang pag-ibig ng Diyos ay para din sa kanya. Walang itinatangi ang Diyos. Walang pinipili ang Diyos. Ang lahat ng tao'y mahal ng Diyos, anuman ang kanilang lahi, estado, o posisyon sa buhay. 

Ganun din ang ipinapahayag sa atin ni San Juan Apostol sa Ikalawang Pagbasa. Ang Diyos ay pag-ibig. Dapat din tayong magmahal. Sabi rin ni San Juan Apostol, "Tayo ay umiibig sapagkat Siya ang unang umibig sa ating lahat." (1 Juan 4, 19) Sa Diyos nagmumula ang pag-ibig. Ang pag-ibig na nagmumula sa Diyos ay tunay at wagas. Nararapat lamang na ibahagi natin ang pag-ibig na ito sa isa't isa. Hindi lamang personalan ang pag-ibig ng Diyos. Tandaan, walang pinipili ang Diyos. Para sa lahat ang pag-ibig ng Diyos. 

Ang Ebanghelyo ngayon ay bahagi ng pamamaalam ni Hesus sa Kanyang mga alagad sa ika-15 kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan. Habang papalapit na ang Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat ni Hesus sa Langit, mapapakinggan natin ang pamamaalam ni Hesus sa mga alagad sa Huling Hapunan. Alam ni Hesus na darating din ang araw na babalik Siya sa Ama. Siya'y isinugo ng Ama, at babalik ang isinugo balang araw. 

Sa Kanyang pamamaalam, may bilin si Hesus sa mga alagad. Ang bilin na iyon ay magmahal, katulad ng Kanyang pagmamahal sa kanila. Hindi lamang para sa mga alagad ang bilin na ito, kundi para sa ating lahat. Dahil minahal tayo ng Panginoon, dapat magmahalan din tayong lahat. Nais ng Panginoong Hesus na ipalaganap at ibahagi natin sa isa't isa ang pagmamahalan. Sa pamamagitan nito, malalaman natin na tayo'y nananahan sa pag-ibig ng Panginoon. 

Tayong lahat ay mga anak ng Diyos. Magkakapantay tayong lahat sa paningin ng Diyos. Walang makahihigit sa isa't isa sa mata ng Diyos. Tayong lahat ay pantay-pantay sa Kanyang paningin. Wala sa atin ang mas mataas kaysa sa ating kapwa sa paningin ng Diyos. Ang ating mga posisyon o kalagayan sa buhay ay walang halaga sa Kanyang paningin. Mayaman, dukha, iisa pa rin ang pagtingin ng Diyos sa ating lahat - tao lamang. 

Kahit tayo ay taong hamak lamang sa paningin ng Diyos, minamahal pa rin tayo ng Diyos. Sa kabila ng maraming mga kasalanang ginawa natin laban sa Diyos, na madalas paulit-ulit din nating ginagawa, minamahal pa rin tayo ng Diyos. Kahit paulit-ulit tayong magkasala laban sa Diyos, mahal pa rin tayo ng Diyos. Hindi iyon magbabago. Ang pag-ibig ng Diyos ay tunay, wagas, mananatili, at hindi kukupas kahit kailan. 

Bilang mga anak ng Diyos, dapat din tayong magmahal. Mahalin natin ang ating kapwa-tao, kilala man natin siya o hindi. Hindi natin kailangang makilala ang lahat ng ating kapwa-tao para mahalin natin sila. Hindi na mahalaga kung ano ang kanilang nakaraan, kung sino man sila, o kung ano ang lahi nila. Kinakailangang mahalin pa rin natin sila, sapagkat ganun din tayo kamahal ng Diyos. Alam Niya ang lahat sa ating buhay. Alam ng Diyos ang mga madidilim nating mga nakaraan, lahi, at maraming iba pa. Subalit, hindi iyon mahalaga para sa Diyos. Hindi iyon naging hadlang para mahalin tayo ng Diyos. Sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay isang pag-ibig na walang itinatangi, at ito'y hindi kukupas kahit kailan. 

Sabado, Mayo 2, 2015

PANANATILI SA PAG-IBIG NG PANGINOON

Mayo 3, 2015
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B) 
Mga Gawa 9, 26-31/Salmo 21/1 Juan 3, 18-24/Juan 15, 1-8 


Ang buwan ng Mayo ay ang buwan na alay sa Mahal na Birheng Maria. Ginaganap sa kabuuan ng buwan ng Mayo ang Flores de Mayo. Sa pamamagitan ng Flores de Mayo, tayong lahat ay nagbibigay-pugay sa ating Mahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria. Kabilang sa mga debosyon sa Mahal na Birheng Maria ngayong buwan ng Mayo ang Flores de Mayo. Malapit sa ating mga puso, bilang mga Pilipinong Katoliko, ang pagdedebosyon sa ating Mahal na Inang Maria. Kaya ang Pilipinas ay tinatawag na Pueblo Amante de Maria (Bayang Sumisinta kay Maria).

Isang huwaran ng tema ng Ebanghelyo ngayon ang Mahal na Birheng Maria. Ang tema ng ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay pananatili sa pag-ibig ng Panginoon. Napakadakila ang pag-ibig ng ating Panginoong Diyos. Walang makakapantay sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Dapat manatili tayong lahat sa pag-ibig ng Panginoon. Ang pag-ibig ng ating Panginoon ay nananatili, hindi kukupas, walang katapusan, at walang kapantay. Kahit ang pag-ibig na matatagpuan natin sa mundo, hindi kayang pantayan ang pag-ibig ng Diyos. 

"Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga." Inilalarawan tayong lahat ni Hesus bilang mga sanga. Magkakaugnay ang puno at ang mga sanga nito. Kung ang puno at ang mga sanga ay magkahiwalay, hindi makakapamunga nang masagana ang mga sanga. Walang kakuwenta-kuwenta, walang kabuluhan ang mga sanga ng puno kung magkahiwalay ito sa mga puno. 

Ganyan ang ating mga buhay. Kung wala ang Diyos, walang kakwenta-kwenta ang ating mga buhay. Hindi tayo mabubuhay ngayon kung hindi dahil sa Diyos. Ang Panginoon ang nagkaloob sa atin ng buhay. Ipinagkaloob Niya sa atin ang karapatang mabuhay dito sa sanlibutan. Ang ating mga buhay dito sa daigdig ay hiniram lamang mula sa Diyos. Katulad ng mga unang titik ng awiting Sino Ako?:

Hiram sa Diyos, ang aking buhay. 
Ikaw at ako'y tanging handog lamang. 
'Di ko ninais na ako'y isilang, 
ngunit salamat dahil may buhay.

Kung wala ang Diyos, wala tayong buhay. Ang Diyos ang tagabigay ng buhay. Ang Diyos ay nagkakaloob ng buhay. Isang biyaya mula sa Diyos ang karapatan nating mabuhay dito sa sanlibutan. Napakasagrado ang buhay. Wala tayong karapatan upang abusuhin o wakasan ang ating buhay gamit ang ating kapangyarihan. Sino ang may kapatan? Ang Diyos lamang. 

Inalay ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang buhay sa Diyos. Noong ibinalita sa kanya ni San Gabriel Arkanghel na pinili siya ng Diyos na maging ina ng Panginoong Hesukristo, hindi maunawaan ng Mahal na Birheng Maria kung paanong mangyayari iyon. Hindi niya maintindihan na ang isang dalaga ay magdadalantao. Mapaparusahan siya ng kamatayan kapag nalaman ng publiko. Subalit, sinabihan siya ng Arkanghel Gabriel na iyon ang kagustuhan ng Diyos. Kaya, kahit napakahirap unawaing mabuti ang sinabi ng anghel ng Panginoon, tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos. 

Pinili ng Mahal na Birheng Maria na tumalima sa kalooban ng Diyos. Bakit? Dahil sa kanyang pag-ibig sa Panginoon. Mahal na mahal niya ang Panginoong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong kaluluwa. Alam din ni Maria na mahal na mahal din siya ng Diyos. Kaya, nanatili si Maria sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Pinili ni Maria na manatili sa dakilang pag-ibig ng Panginoon dahil wagas at walang kapantay ang pag-ibig ng Panginoon. Ang pag-ibig ng Panginoon ay nakahihigit pa sa pag-ibig mula sa sanlibutang ito. 

Maraming mga debosyon sa loob ng Simbahan. Nawa'y maging daan ang ating mga debosyon tungo sa pananatili sa pag-ibig ng Diyos. Ito ang tunay na dahilan kung bakit may mga debosyon sa loob ng Simbahan - upang mapalapit tayo sa Diyos. Kung hindi tayo napapalapit sa Diyos dahil sa ating mga debosyon, hindi iyon tunay na debosyon. Ang tunay na debosyon ay umaakay sa ating lahat tungo sa pag-ibig ng Panginoong Diyos at manatili sa Kanyang pag-ibig. 

O Diyos, tulungan Mo kaming manatili sa Iyong dakilang pag-ibig, katulad ng Mahal na Birheng Maria at ng lahat ng mga banal sa Iyong kaharian sa langit. Amen.