Lunes, Mayo 30, 2016

PUSONG NAGPUPURI AT NAGTITIWALA SA AWA NG DIYOS

4 Hunyo 2016
Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria 
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51 



Isinasalarawan ng Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang malalim na pagmamahal at pagtitiwala sa Diyos. Minamahal niya ang Diyos higit sa lahat ng bagay. At dahil sa kanyang pagmamahal para sa Diyos, nagtiwala siya sa Diyos. May mga pagkakataon kung kailan sinubukan ang pananalig ni Maria sa Awa ng Diyos. Subalit, nanatiling tapat at masunurin sa Diyos ang Mahal na Ina. Sa hirap man o ginhawa, hindi nawalan ng pananalig sa Diyos si Maria. Dahil sa pagmamahal at pananalig ng Mahal na Birheng Maria sa Awa ng Diyos, pinupuri niya ang Diyos. Hindi niya tinigilan ang pagpupuri at pananalig sa Diyos. 

May mga pagkakataon sa buhay kung kailan nakaranas ng matinding kagalakan o hapis ang Mahal na Birheng Maria. Ang mga sandali sa buhay ng Panginoong Hesukristo ay nagbibigay ng tuwa o hapis sa Mahal na Ina. May mga sandali sa buhay ni Hesus na nagdulot ng kagalakan kay Maria. Meron din namang mga sandali sa buhay ng Panginoong Hesus na nagdulot ng hapis sa Mahal na Inang Maria. Hinarap ng Birheng Maria ang bawat sandaling iyon taglay ang pananalig at pagtitiwala sa Diyos. Hindi siya nawalan ng pananalig o pagtitiwala sa Diyos. Ilang ulit mang sinubukan ang pananalig at pagtitiwala ni Maria sa Awa ng Diyos, napagtagumpayan niya ito. Nagtagumpay ang pananalig at pagtitiwala ni Maria sa Awa ng Diyos. Tumalima at sumunod si Maria sa kalooban ng Diyos dahil sa kanyang pananalig at pagtitiwala sa Kanya. 

Sa Ebanghelyo para sa araw na ito, mapapakinggan natin ang isang sandali sa buhay ni Hesus na susubok sa pananalig ni Maria. Tatlong araw nawala ang Batang Hesus. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem nang hindi nalalaman nina Maria at Jose. Nag-alala ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose dahil hindi nila mahanap ang Batang Hesus. Tatlong araw nilang hinanap sa Jerusalem ang Batang Hesus. Natagpuan nina Maria at Jose si Hesus sa ikatlong araw, sa piling ng mga guro sa Templo. Bagamat nagtaka sina Maria at Jose kung bakit gayon ang nangyari, natuwa at nagalak si Maria dahil natagpuan na rin niya sa wakas ang kanyang minamahal na Anak na si Hesus. 

Takot at hapis ang naramdaman ni Maria sa loob ng tatlong araw ng paghahanap kay Hesus. Natakot at nalumbay si Maria dahil nawala ang kanyang Anak na minamahal mula sa kanyang paningin. Hindi niya alam kung ano ang nangyari. Hindi rin maintindihan ni Maria kung bakit kinailangang mawala si Hesus sa kanyang paningin. Hindi niya alam kung nasaan ang Batang Hesus. Nag-aalala si Maria para sa kanyang Anak na si Hesus sa mga sandaling iyon. 

Nanalangin si Maria sa Diyos sa loob ng tatlong araw ng pagkawala ng kanyang Anak na si Hesus. Sa katahimikan, taimtim na dumalangin si Maria sa Diyos na nawa'y mahanap na nilang dalawa ni Jose si Hesus. Ang taimtim na panalangin ni Maria ay sinabayan niya ng matinding pananalig at pagtitiwala sa Diyos. Kahit na nawawala sa kanyang paningin ang kanyang minamahal na Anak na si Hesus, hindi nawalan ng tiwala at pananalig si Maria sa Awa ng Diyos. Buo pa rin ang tiwala at pananalig ni Maria sa Diyos. Nanalig at nagtiwala si Maria na ang Ama ang bahala sa Kanyang Anak. Nanalig at nagtiwala si Maria na sa tulong at Awa ng Diyos, matatagpuan na rin nila sa wakas si Hesus. 

Ilang ulit sinubukan ang pananalig at pagtitiwala ni Maria sa Diyos. Naranasan ni Maria ang iba't ibang uri ng pagsubok sa kanyang pananalig sa Diyos. Hindi lang minsan sinubukan ang pananalig ni Maria sa kalooban ng Diyos. Maraming beses nang nakaranas ng mga pagsubok si Maria sa kanyang buhay, lalung-lalo na sa kanyang pananalig sa Diyos. Subalit, hindi nawala o nanghina ang pananalig ng Mahal na Birheng Maria sa Awa ng Diyos. Mas lalo pang lumalim at tumibay ang kanyang pananalig sa Diyos. At ang Puso ni Maria, na tinarakan ng balaraw, ang siya namang nagbibigay ng papuri at pasasalamat sa Diyos. Ang Puso ni Maria ay nagpupuri at nagtitiwala sa Diyos dahil sa Kanyang Awa. 

Linggo, Mayo 29, 2016

MAHAL NA PUSO NI HESUS: SINUGATAN DAHIL SA KANYANG DAKILANG AWA AT PAG-IBIG PARA SA LAHAT

3 Hunyo 2016 
Dakilang Kapistahan ng Mahal na Puso ni Hesus (K) 
Ezekiel 34, 11-16/Salmo 22/Roma 5, 5b-11/Lucas 15, 1-7 



Katulad nating lahat, naranasan ng Panginoong Hesus na masugatan ang Kanyang Puso. Nasugatan ang Mahal na Puso ni Hesus dahil sa Kanyang awa at pag-ibig para sa ating lahat. Pinahintulutan ni Hesus na masugatan ang Kanyang Banal na Puso upang ipakita sa ating lahat kung gaano Siya maawain at mapagmahal sa atin. Kahit ilang ulit sugatan ang Kanyang Sagradong Puso, hindi titigil si Hesus sa pagiging maawain at mapagmahal sa ating lahat.  Patuloy na ipapakita at ipapadama ni Hesus ang Kanyang awa at pag-ibig sa ating lahat, ilang ulit mang masugatan ang Kanyang Mahal na Puso dahil sa ating mga kasalanan. 

Tayo ang dahilan kung bakit may sugat sa Puso ni Hesus. Ang sugat sa Puso ni Hesus ay sumasagisag sa kasalanan ng sangkatauhan. Subalit, ipinapakita sa atin ng Mahal na Puso ni Hesus na higit na dakila ang kapangyarihan ng Awa at pag-ibig ng Panginoon kaysa kapangyarihan ng kasalanan. Gaano mang karami ang kasalanan ng sangkatauhan, ilang ulit mang masugatan ang Puso ng Panginoong Hesus, hindi Siya titigil sa pagiging maawain at mapagmahal sa ating lahat. 

Isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayong Pista ng Mahal na Puso ang Awa at Pagmamahal ng Panginoon sa lahat. Sa Unang Pagbasa, sinabi ng Panginoong Diyos kay Propeta Ezekiel na Siya mismo ang magpapastol sa Kanyang kawan. Gagawin ng Panginoon ang lahat para sa Kanyang mga tupa. Siya mismo ang mag-aalaga at mag-aaruga sa Kanyang kawan. Aakayin Niya ang Kanyang mga tupa patungo sa mga mahimlay na pastulan at sa mga batisan. Ipagsasanggalang din Niya ang Kanyang mga tupa mula sa mga mababangis na hayop. Ito ay isang pangako mula sa Panginoon. Gagawin Niya ang lahat para sa kabutihan ng Kanyang mga tupa. Kung kinakailangang ihain Niya ang Kanyang buhay, gagawin iyon ng Panginoon alang-alang sa Kanyang mga tupa. Siya ang tunay na Mabuting Pastol, isang pastol na may puso para sa kanyang kawan. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos. Si Kristo ay ipinako at namatay sa krus alang-alang sa mga makasalanan. Pinili ni Kristo na maghain ng buhay para sa mga makasalanan upang magkaroon ng kapatawaran para sa kanilang mga kasalanan. Ginawa iyon ng Panginoon dahil sa Kanyang awa at pag-ibig sa ating lahat. Nais ng Panginoon na magkaroon ng kapatawaran ang mga kasalanan ng sangkatauhan. Kaya, kusang-loob na inihandog at inialay ng Panginoon ang Kanyang buhay sa krus alang-alang sa makasalanang sangkatauhan. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus kung gaanong kalalim ang Kanyang Awa sa mga makasalanan sa pamamagitan ng talinghaga. Kung paanong hahanapin ng isang pastol ang kanyang tupang nawawala, gayon din naman, hahanapin ni Hesus ang mga makasalanan. Gagawin ni Hesus ang lahat upang mahanap Niya ang mga tupang naliligaw ng landas. Nais ni Hesus na manumbalik sa Kanyang kawan ang mga naliligaw ng landas. Kaya, dahil sa Kanyang awa at pag-ibig para sa Kanyang kawan, hahanapin ni Hesus ang mga tupang nawawala at naliligaw ng landas. Labis ang kagalakan ng Panginoong Hesus kapag natagpuan na Niya at naibabalik sa Kanyang kawan ang mga tupang nawawala at naliligaw ng landas. 

Gayon nga ang ginawa ni Hesus noong Siya'y dumating sa sanlibutan. Hinanap Niya ang mga makasalanan at hinikayat silang magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Hindi kalooban ni Hesus na mapahamak ang mga ito dahil sa kanilang mga kasalanan. Labis ang Kanyang awa at pagmamahal para sa kanila. Nais Niyang makapiling ang mga ito sa Kanyang kaharian sa langit. Gagawin Niya ang lahat upang sila'y makapiling Niya sa langit. Gagawin Niya ang lahat upang sila'y magbalik-loob sa Diyos. Kaya, dahil sa Kanyang awa at pagmamahal, niloob ni Hesus na ialay ang Kanyang buhay sa krus para sa kapatawaran ng mga kasalanan at para sa kaligtasan ng sangkatauhan. 

Pinatunayan ni Hesus na kahit ilang ulit Siyang masugatan dahil sa ating mga kasalanan, gagawin Niya ang lahat upang hanapin tayong lahat na nawawala at naliligaw ng landas. Gagawin Niya iyon dahil sa Kanyang Awa at pagmamahal para sa atin. Ilang ulit mang masugatan ang Kanyang Mahal na Puso dahil sa ating mga pagkakasala, hindi titigil si Hesus sa paghahanap sa atin. Hahanapin tayo ni Hesus. At magagalak si Hesus kapag tayo ay Kanyang natagpuan. Gagawin iyon ni Hesus para sa ating lahat dahil sa lalim ng Kanyang Awa at pagmamahal para sa ating lahat. Pinapatunayan ni Hesus sa atin na mas dakila at makapangyarihan ang Kanyang Awa at pagmamahal kaysa sa ating mga kasalanan. 

Ang Mahal na Puso ni Hesus ay labis na nasugatan dahil sa Kanyang Awa at pag-ibig para sa ating lahat. Kahit mga makasalanan tayo, patuloy tayong minamahal ni Hesus. At dahil sa Kanyang Awa at pagmamahal, nakahanda si Hesus na masugatan ang Kanyang Puso. Titiisin ni Hesus ang sakit at kirot dulot ng mga sugat sa Kanyang Mahal na Puso. Ilang ulit mang masugatan natin ang Kanyang Mahal na Puso, hindi titigil si Hesus sa pagiging maawain at mapagmahal sa atin. Higit na makapangyarihan at dakila ang Kanyang awa at pagmamahal kaysa sa kapangyarihan ng kasalanan. At sa kahuli-hulihan, ang Mahal na Puso ni Hesus na puspos ng awa at pagmamahal ay magtatagumpay. 

IBAHAGI ANG KAGALAKANG DULOT NG AWA NG DIYOS

31 Mayo 2016 
Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria 
Sofonias 3, 14-18 (o kaya: Roma 12, 9-16b)/Isaias 12/Lucas 1, 39-56 



Matapos siyang dalawin ni San Gabriel Arkanghel sa kanyang tahanan sa Nazaret, dinalaw ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang kamag-anak na si Elisabet. Sa kanyang pagdalaw kay Elisabet, tinaglay ni Maria ang kagalakang dulot ng Awa ng Diyos. Ang Awa ng Diyos ang sanhi ng kagalakan ng Mahal na Birheng Maria. Nais ibahagi ni Maria kay Elisabet ang kagalakang nagmumula sa Awa ng Diyos. At ang kagalakang nagmumula sa Awa ng Diyos ang tunay na kagalakan. 

Noong dinalaw ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang kamag-anak na si Elisabet, ipinahayag niya ang kanyang kantikulo, ang Magnificat. Ang kantikulo ni Maria ay isang kantikulo ng kagalakan. Sa kanyang kantikulo, inilarawan ni Maria ang Awa ng Diyos. Ang Awa ng Diyos ang dahilan kung bakit pinupuri ni Maria ang Diyos. Ipinadama ng Diyos ang Kanyang Awa kay Maria sa pamamagitan ng paglingap sa kanya. Nilingap ng Diyos si Maria sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti para sa Kanya. Isang Gawa ng Awa ang ginawa ng Diyos para kay Maria. Pinili at hinirang ng Diyos si Maria upang maging ina ng Panginoong Hesukristo, ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Para kay Maria, ito ay kamangha-mangha. Isang dalagang tulad niya ay maglilihi at manganganak sa Anak ng Diyos. Sa lahat ng mga babaeng nilalang, si Maria ay pinili ng Diyos para sa pananagutang ito. At ito'y nagbigay ng kagalakan sa kanya. 

Alam ng Mahal na Ina na hindi lamang para sa sarili ang kagalakang dulot ng Awa ng Diyos. Ito ay para sa lahat. Kaya, ibinahagi ng Mahal na Birheng Maria ang kagalakang tinanggap niya mula sa Diyos. Kung paanong ibinahagi ng Diyos ang Kanyang Anak na si Hesukristo sa sangkatauhan, gayon din naman, dapat din nating ibahagi ang biyaya at pagpapala ng Diyos sa lahat. Ang Diyos ay maawain at handang magbahagi sa lahat, kahit ang Kanyang sarili. Pinatunayan Niya ito noong si Hesus, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan. At nang maging tao, inihain ni Hesus ang Kanyang buhay at sarili sa krus alang-alang sa ating lahat. 

Tinaglay ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ang nagbigay ng kagalakan sa kanya - si Hesus, ang Mukha ng Awa ng Diyos. Nagagalak si Maria dahil ipinakita at ipinadama sa kanya ng Diyos ang Kanyang Awa. Una niya itong ibinahagi sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Patuloy niya itong ibinabahagi sa atin, sapagkat si Maria ang Ina ng Sambayanang Kristiyano, ang ating Mahal na Ina. Si Maria ay atin ding ina. Ibinahagi ni Hesus si Maria sa ating lahat upang maging Ina nating lahat. Sa gayon, magiging kapatid natin si Hesus. At dahil binahagi siya ni Hesus sa atin upang maging ina natin, ibinabahagi ni Maria sa atin ang mga pagpapala at biyayang tinanggap niya mula sa Diyos. 

Mayroon tayong dalawang huwaran ng pagbabahagi - si Hesus at si Maria. Ibinahagi ni Hesus ang Kanyang sarili at buhay sa krus sa Kalbaryo upang tayo ay maligtas. Ibinabahagi ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Eukaristiya. Ibinahagi din ni Hesus sa atin si Maria upang maging ating Ina. Patuloy na ibinabahagi sa atin ni Maria ang mga pagpapala at biyayang tinanggap niya mula sa Diyos na puspos ng awa at habag. Patuloy na ibinabahagi sa atin ng Mahal na Inang Maria ang kanyang maka-inang pagkalinga sa atin. Bilang mga Kristiyano, dapat tayong magbahagi, katulad nina Hesus at Maria. 

Tularan natin si Hesus at Maria. Magbahagi tayo sa kapwa, katulad ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birheng Maria. Ibahagi natin sa ating kapwa ang kagalakang dulot ng Awa ng Diyos. Huwag nating ipagdamot sa kapwa ang kagalakang dulot ng Awa ng Diyos. Sapagkat ang kagalakang dulot ng Awa ng Diyos ay hindi lamang para sa sarili, kundi para sa lahat. 

Martes, Mayo 24, 2016

BANAL NA EUKARISTIYA: SAKRAMENTO NG AWA NG PANGINOON

29 Mayo 2016 
Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo (K) 
Genesis 14, 18-20/Salmo 109/1 Corinto 11, 23-26/Lucas 9, 11b-17 


Dalawa ang ginugunita natin sa bawat pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Una, ang Huling Hapunan na pinagsaluhan ng Panginoong Hesus at ng mga alagad noong gabi ng Huwebes Santo. Sa Huling Hapunan, itinatag ng Panginoong Hesus ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya para sa Simbahan. Iniutos ni Hesus sa mga alagad, "Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa Akin." (Lucas 22, 19) Ikalawa, ang paghahain ni Hesus ng Kanyang buhay sa krus ng Kalbaryo. Inialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus alang-alang sa ating lahat. Ginawa Niya ito para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng sangkatauhan. 

Masasabi nating ang Banal na Eukaristiya ay ang Sakramento ng pagbibigay ni Hesus ng Kanyang sarili. Ibinibigay ni Hesus ang Kanyang sarili sa Banal na Eukaristiya sa anyo ng tinapay at alak. Pinili ni Hesus na ibigay ang Kanyang sarili dahil sa Kanyang awa sa atin. Dahil sa kadakilaan ng Kanyang awa, ibinigay ng Panginoong Hesus ang Kanyang sariling Katawan at Dugo para sa atin. Kaya, masasabi din nating Sakramento ng Awa ang Banal na Eukaristiya. 

Sa Eukaristiya, nararanasan natin ang awa at pagpapala ng Diyos. Sa Eukaristiya, ibinibigay ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang Katawan at Dugo sa atin. 

Sa Unang Pagbasa, tinanggap ni Abram (na ngayo'y kilala natin bilang si Abraham, ang ama ng pananampalataya) ang awa at pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng hari at saserdoteng si Melquisedec mula sa Salem. Bukod pa sa pagpapala ng hari at saserdoteng si Melquisedec, naghain din ng tinapay at alak si Melquisedec. Ito ay parang tanda. Ito'y isang tanda na magaganap ito sa Bagong Tipan. Magaganap ito sa Bagong Tipan sa pamamagitan ni Hesukristo. 

Sa Ikalawang Pagbasa, mapapakinggan natin ang salaysay ng Huling Hapunan. Ang nakakatuwang pansin, si San Pablo Apostol ay wala noong itinatag ni Hesus ang Banal na Eukaristiya. Subalit, kahit wala si Apostol San Pablo sa Huling Hapunan, nagsulat siya tungkol sa Huling Hapunan. Sa Huling Hapunan naganap ang pagkakatatag ng Banal na Eukaristiya. Inihain ni Hesus ang tinapay at alak, katulad ng ginawa ni Melquisedec sa Unang Pagbasa. Ibinigay Niya ito sa mga alagad na ang wika, "Ito ang Aking Katawan... Ito ang Aking Dugo..." (11, 24-25) 

Noong idineklara ni Hesus na ang tinapay ang Kanyang Katawan at ang alak ang Kanyang Dugo, isang pagbabago ang naganap. Mula sa pagiging ordinaryong tinapay at alak, ito ay naging Katawan at Dugo ng Panginoong Hesus. Ibinibigay ni Hesus ang Kanyang sarili bilang pagkain at inuming pang-kaluluwa. Ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesus ang tunay na pagkain at inuming makakapawi sa mga matitinding kagutuman at kauuhawan. 

Bahagi ng mga Korporal na Gawa ng Awa ang pagbibigay ng pagkain at inumin sa mga nagugutom at nauuhaw. Nagbigay si Hesus ng perpektong halimbawa ng pagbibigay ng pagkain at inumin sa mga nagugutom at nauuhaw. Ibinigay Niya ang Kanyang Katawan at Dugo upang maging pagkain at inuming espirituwal. Sa pagbibigay Niya ng Kanyang sarili, pinapawi ni Hesus ang mga matitinding pagka-gutom at pagka-uhaw ng mga nananalig sa Kanya. Ginawa Niya ito dahil sa Kanyang awa sa atin. Ayaw ni Hesus na manatili tayong gutom at uhaw. Kaya, dahil sa Kanyang Awa, ibinigay at inihain ni Hesus ang Kanyang sariling Katawan at Dugo upang maging pagkain at inuming pang-espirituwal natin. 

Sa Ebanghelyo, pinakain ni Hesus ang limanlibong katao. Hindi Niya pinauwi ang mga tao matapos nilang sundan at pakinggan Siya buong araw. Alam ni Hesus na baka mahimatay ang mga tao sa daan sa sobrang pagod, gutom, at uhaw. Nasa ilang na lugar pa sila. Limang tinapay at dalawang isda lamang ang pagkaing naroon. Kaya, pinarami ni Hesus ang bilang ng mga tinapay at alak. Si Hesus ay nagpasalamat sa Diyos para sa pagkain. Matapos magpasalamat, pinaghati-hati Niya ang mga tinapay. Dumami ang bilang ng tinapay. Nakakain ang lahat at nabusog. Nagkaroon pa nga ng mga tira-tira. Pinawi ni Hesus ang kagutuman ng mga tao sa pamamagitan ng tinapay at isda. 

Naawa si Hesus sa mga tao. Naawa Siya dahil gutom na ang mga tao. Kasama nila si Hesus buong araw sa isang ilang na lugar. Ayaw Niyang pauwiin ang mga tao upang makakain sila dahil alam Niya mawawalan sila ng malay sa daan. Kaya, pinakain Niya ang mga tao. Ang Panginoong Hesus ang nagkaloob ng pagkain sa kanila. Ang mga tao'y pinagkalooban ni Hesus ng pagkain dahil sa Kanyang awa. Awa ang dahilan kaya't pinakain ni Hesus ang mga tao ng tinapay at isda. Ang pagpaparami sa tinapay at isda ang tugon ni Hesus sa kagutuman ng mga tao. Tumugon si Hesus dahil sa tindi ng Kanyang awa sa kanila. 

Ibinibigay ni Hesus ang Kanyang sarili sa Banal na Eukaristiya dahil sa Kanyang awa. Ang pagbibigay ng sarili ni Hesus sa atin ay isang Gawa ng Awa na mula sa Kanya. Ibinibigay Niya ang Kanyang sarili bilang pagkain at inuming espirituwal. Kusang-loob na ibinibigay ni Hesus ang Kanyang sarili sa atin. Nais pawiin ni Hesus ang mga matitinding pagka-gutom at pagkauhaw natin. Pinili Niyang gawin ito dahil sa Kanyang awa sa atin. Awa ang dahilan kung bakit ibinigay ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inuming pang-espirituwal. Awa ang dahilan kung bakit itinatag ng Panginoong Hesus ang Banal na Eukaristiya. Awa ang mensahe ng Banal na Eukaristiya. 

Linggo, Mayo 22, 2016

MUNTING KATESISMO: ANG BANAL NA SANTATLO


Ayon sa Katesismo ng ating Simbahan, iisa lamang ang Diyos na ating sinasamba. Subalit, sa iisang Diyos na ating sinasamba, may Tatlong Persona na bumubuo nito - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Hindi po sila magkakapareho. Bagkus, mayroon silang ugnayan sa isa't isa - sila ay Diyos. Bagamat magkakaiba ang Tatlong Persona ng Ama, Anak, at Espiritu Santo; iisa pa rin sila bilang Diyos. Kaya nga po, kapag tayo ay nag-aantanda ng Krus, sinasabi natin, "Sa Ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo." Hindi po natin sinasabi, "Sa mga Pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo," kundi, "Sa Ngalan..."

Sa salaysay ng paglikha (Genesis 1, 1-2, 2), mapapakinggan natin na hindi nag-iisa ang lumilikha sa tao. Sabi ng Diyos, "Ngayon, lalangin NATIN ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan NATIN." (1, 26) Hindi lang nag-iisa ang Tagapaglikha ng sangkatauhan. Higit pa sa isa ang lumikha sa sanlibutan. Ang Diyos, na Siyang lumikha ng langit at lupa, ay hindi lamang binubuo ng isang persona. Sa ating pagsasaliksik ng Banal na Bibliya, mapapakinggan natin na may mga kasama ang Tagapaglikha ng sanlibutan - ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus (Juan 1, 1-18), at ang Espiritu Santo, ang Hininga ng Diyos na nagbibigay-buhay (Juan 6, 63). Magkasama ang tatlong ito noong nilikha ang sanlibutan. Nagkaisa at nagtulungan ang Tatlong Personang ito sa paglikha sa daigdig.

MGA DAKILANG GAWA NG AWA MULA SA BANAL NA SANTATLO

22 Mayo 2016 
Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo (K) 
Kawikaan 8, 22-31/Salmo 8/Roma 5, 1-5/Juan 16, 12-15 



Ngayong taon, napapaloob ang Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo sa Banal na Taon ng Awa na idineklara ni Papa Francisco noong nakaraang taon. Maganda ang paliwanag ng Santo Papa tungkol sa Awa ng Diyos at sa Banal na Santatlo sa kanyang bula para sa Hubileyo ng Awa. Sabi ng Santo Papa, "Awa ang salitang nagpapakilala sa misteryo ng Banal na Santatlo." Dagdag pa Niya, "Si Hesus ang Mukha ng Awa ng Ama." Ang Banal na Santatlo ay nagpapakilala sa atin bilang isang maawaing Diyos. Nakita ng sangkatauhan ang Diyos sa katauhan ni Hesus, ang Diyos Anak na nagkatawang-tao, ang Mukha ng Awa ng Ama. Sabi nga ng Panginoong Hesus sa Kanyang pamamaalam sa mga alagad, "Ang sinumang nakakita sa Akin ay nakakita rin sa Ama." (Juan 14, 9)

Awa ang dahilan kung bakit nilikha ng Diyos ang daigdig. Awa ang dahilan kung bakit ang Anak na si Hesus ay ipinadala ng Ama sa sanlibutan upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Awa ang dahilan kung bakit ipinadala ng Ama at ng Anak ang Espiritu Santo sa mga apostol noong unang Linggo ng Pentekostes. Ang Banal na Santatlo ang nag-iisang Diyos ng Awa. Ang awang ipinapakita ng Banal na Santatlo ay wagas at mananatili magpakailanman. Walang hanggan ang Awa ng Tatlong Persona sa Isang Diyos. Sabi nga po sa Banal na Kasulatan, "Ang Diyos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag." (Salmo 145, 8) 

Isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayon ang Dakilang Awa ng Banal na Tatlong Persona sa Isang Diyos. Sa Unang Pagbasa, nagsalita ang Karunungan ng Diyos. Ang Karunungan ng Diyos ay ang unang nilikha sa lahat. Bago nilikha ang langit at lupa, nilikha ang Karunungan ng Diyos. At noong nagkaroon ng kaganapan ang paglikha sa daigdig, nagalak ang Karunungan ng Diyos. Namangha at nagalak ang Karunungan dahil sa mga Gawa ng Awa ng Diyos at ang kagandahang dulot nito. Napakaganda at napakabuti ang mga nilikha ng Diyos. Ang lahat ay nilikha ng Diyos dahil sa Kanyang Awa at Karunungan. 

Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa Awa ng Diyos sa Ikalawang Pagbasa. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo kung paano tayo naging malinis sa harapan ng Diyos. Tayo ay naging malinis sa harapan ng Ama dahil sa Panginoong Hesukristo, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. Pinawalang-sala tayo ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang buhay sa krus. Tayo ay nilinis mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Dugo ni Kristo. Niloob ng Diyos na tayo ay mapawalang-sala sa pamamagitan ni Kristo. A dahil tayo ay nilinis at napawalang-sala sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, makakapiling natin ang Diyos sa Kanyang kaharian sa langit. 

Ganyan kadakila ang Awa ng Diyos. Napakadakila ang Awa ng Diyos at walang makakapantay sa Kanyang Awa. Gagawin Niya ang lahat para sa ating kabutihan. Ipinadala Niya ang Kanyang Anak na si Hesus upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Niloob Niya ito upang makapiling natin Siya sa Kanyang kaharian sa langit. Nais ng Diyos na makapiling at makasama natin Siya sa Kanyang piling. Kaya, noong tayo ay dinungisan ng kasalanan, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus ay bumaba mula sa langit at dumating sa sanlibutan upang linisin at ipawalang-sala tayo mula sa ating mga kasalanan. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus sa mga alagad ang Kanyang ugnayan sa Ama at Espiritu Santo bilang Diyos. Ang Ama ang nagpadala kay Hesus sa sanlibutan at sa Kanya nagmula ang mga salitang namutawi mula sa bibig ni Hesus. Sa Ama nagmula ang mga ipinahayag ni Hesus noong Siya'y nasa lupa. At nangako si Hesus na ipapadala Niya ang Espiritu Santo sa mga alagad kapag nakabalik na Siya sa langit. Dagdag pa ni Hesus, magmumula sa Kanya ang sasabihin ng Espiritu Santo sa kanila. Kung paanong nagmula sa Ama ang mga sinabi ni Hesus sa Kanyang ministeryo sa daigdig, gayon din naman, magmumula kay Hesus ang mga sasabihin ng Espiritu Santo sa mga alagad. 

Alam ni Hesus na hindi kakayanin ng mga alagad ang kanilang misyon kung walang tutulong at gagabay sa kanila. Alam ni Hesus ang mga kahinaan ng mga alagad. Alam din ni Hesus na pansamantala lamang Siya dito sa mundo. Babalik din Siya muli sa Ama. Kaya, dahil sa Kanyang Awa, nangako si Hesus sa mga alagad na ipapadala Niya ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang magsisilbing Patnubay ng mga alagad sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa buong daigdig. Nais ng Panginoong Hesus na magtagumpay ang mga alagad sa kanilang misyon. Kaya, ang pangako ni Hesus sa mga alagad, hindi sila mag-iisa sa kanilang misyon. May makakasama sila - ang Espiritu Santo, ang Patnubay. 

Paglikha sa daigdig. Pagtubos sa sangkatauhan. Pamamatnubay at paggabay sa atin. Iilan lamang iyan sa mga dakilang Gawa ng Awa na nagmula sa Banal na Santatlo. Binubuo ng Tatlong Persona ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ang Iisang Diyos na puno ng tunay na awa at habag para sa sangkatauhan. Nagpapakilala ang Banal na Santatlo sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanilang Awa at Pag-ibig. Nais ng Banal na Santatlo na makilala natin Sila bilang iisang Diyos na puno ng awa at pagmamahal para sa lahat. Ang Awa ng Diyos na binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo, ay tunay at wagas. Hindi magmamaliw at walang hanggan ang Awa ng Diyos na patuloy na ipinapakita ng Banal na Santatlo. 

Linggo, Mayo 15, 2016

ESPIRITU SANTO: GUMAGABAY AT NAGBIBIGAY-LAKAS SA SIMBAHAN SA PAGPAPAHAYAG AT PAGPAPALAGANAP NG MABUTING BALITA

Mayo 15, 2016 
Linggo ng Pentekostes (B) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 104/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Roma 8, 8-17)/Juan 20, 19-23 (o kaya: 14, 15-16. 23b-26) 



Bago umalis si Hesus, nangako Siya sa mga alagad na ipapadala ang Espiritu Santo, ang Patnubay, upang tulungan sila sa kanilang misyon. Hinirang at isinugo ni Hesus ang mga alagad upang sila'y sumaksi sa Kanya sa iba't ibang dako ng daigdig. Ipagpapatuloy ng mga alagad ang sinimulan ni Hesus. Ipapahayag at ipapalaganap ng mga alagad sa daigdig ang Mabuting Balita. Subalit, nababatid ni Hesus ang mga kahinaan ng mga alagad. Kaya, nangako si Hesus na gagabayan at tutulungan sila ng Espiritu Santo. Nangako si Hesus sa mga alagad na bababa ang Espiritu Santo mula sa langit upang sila'y bigyan ng kapangyarihan at lakas ng loob para sa kanilang misyon. Ipapadala ni Hesus ang Espiritu Santo sa mga alagad upang ipaalala sa kanila ang mga itinuro Niya sa kanila. 

Noong araw ng Pentekostes, bumaba ang Espiritu Santo mula sa langit. Pumanaog ang Espiritu Santo sa mga alagad. Ang mga alagad ay pinagkalooban ng lakas ng loob mula sa Espiritu Santo. Hindi na sila natatakot sa anumang pag-uusig na haharapin nila. Hindi na takot ang mga alagad na ipakilala si Kristo sa lahat sa pamamagitan ng kanilang mga pagtuturo. Makakapagsalita ang mga alagad tungkol sa Panginoon nang may buong katapangan at kaligayahan. Walang makakapigil sa kanila sa pagsasalita tungkol sa kabutihan ng Diyos na Kanyang ipinakita sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Ang mga alagad ay binago ng Espiritu Santo. Mula sa pagiging samahan na puno ng kaduwagan, ang mga alagad ay naging mga matapang na mga saksi ni Kristo. Kung dati'y nagtago sila sa isang silid dahil sa takot sa pamahalaan, ngayon nama'y lumabas sila mula sa silid na kanilang pinagtataguan. Punung-puno sila ng tapang at pananalig sa Diyos sa kanilang paglabas. Humarap sila mula sa lahat ng tao ng iba't ibang lahi upang ipangaral ang Mabuting Balita ni Kristo. Ang mga dating duwag, matapang na ngayon. Isang pagbabago dulot ng Espiritu Santo. 

Napakalaki at napakahalaga ang tulong ng Espiritu Santo sa pagbabago ng mga alagad. Nagkaroon ng bagong buhay na puno ng katapangan at sigla ang mga alagad. Tinulungan at ginabayan ng Espiritu Santo ang mga alagad sa daan patungo sa pagbabagong-buhay. Kaya, sa halip na manatili sa loob ng silid at magtago, lumabas ang mga alagad upang simulan ang misyong ibinigay sa kanila ng Panginoon. Hindi na sila nagpadala sa kanilang takot sa pag-uusig at sa kamatayan sapagkat binago sila ng Espiritu Santo.

Hindi na takot ang mga alagad sa anumang pag-uusig o sa kamatayan. Pinatay ang lahat ng mga alagad, maliban sa isa, ng mga awtoridad ng pamahalaan noon. Isa lang sa mga apostol ang hindi namatay bilang martir - si San Juan. Ang iba, namatay bilang martir. Ang pinuno ng mga apostol na si San Pedro, ipinakong patiwarik sa krus ng mga Romano. Bakit patiwarik? Ayon kay San Pedro Apostol, hindi siya karapat-dapat na mamatay katulad ng Panginoong Hesus. Bakit hindi sila natakot? Kasama nila ang Panginoon. Ipinagkalooban sila ng Espirtu Santo ng lakas ng loob. May Patnubay at Gabay silang kasama, ang Espiritu Santo. At dahil kasama ng mga alagad ang Patnubay, ang Espiritu Santo, hindi sila natakot sa kamatayan. Bagkus, hinarap nila ang bawat pag-uusig at ang kamatayan nang may buong katapangan at pananalig sa Diyos. 

Ang Simbahan ay nakaranas ng matinding pag-uusig sa habang panahon. Ilang ulit silang inusig, subalit hindi bumagsak ang Simbahan. Magpahanggang ngayon, nakakaranas ng iba't ibang uri ng pag-uusig ang Simbahan. Subalit, mananaig pa rin ang Simbahan laban sa mga umuusig sa Kanya. Hindi mananaig ang mga taga-usig ng Simbahan, kahit kailan. Laging magtatagumpay ang Simbahan. Hindi mapapabagsak ninuman ang Santa Iglesia, ang Simbahang itinatag ni Kristo. Ilang beses sinubukan ang Simbahan at nagtagumpay. Nakatayo pa rin ang Simbahan magpahanggang ngayon, sa kabila ng mga pag-uusig. Gaano mang karaming pag-uusig haharapin ng Simbahan, magtatagumpay pa rin Siya. Magtatagumpay ang Santa Iglesia laban sa mga pag-uusig, at mananatiling nakatayo nang may buong pananalig at pagtitiwala sa Diyos. 

Bakit nandito pa rin ang Simbahan magpahanggang ngayon? Dalawang dahilan. Una, ang Panginoong Hesukristo ang nagtatag nito. Pangako pa nga Niya, "Hindi makapananaig sa kanya (sa Simbahan), kahit ang kapangyarihan ng kamatayan." (Mateo 16, 18) Pangalawa, ang Espiritu Santo ay gumagabay at nagbibigay-lakas sa Simbahan. Pinapatnubayan at ginagabayan ng Espiritu Santo ang Simbahan sa kanyang misyon. Tinutulungan ng Espiritu Santo ang Simbahan sa kanyang misyon ng pagpapahayag at pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Binibigyan din ng Espiritu Santo ng lakas ang Simbahan upang harapin ang mga pag-uusig. Hinding-hindi pababayaan ng Panginoon ang Simbahang Kanyang itinatag. Lagi Niyang sasamahan at tutulungan ang Simbahan sa Kanyang misyon ng pagpapahayag at pagpapalaganap ng Mabuting Balita. 

Patuloy na tinutulungan ng Espiritu Santo ang Simbahan bilang kanyang Patnubay. Lumalapit at nananalangin sa Espiritu Santo ang Simbahan upang tulungan siya sa kanyang misyon sa lupa. Tumatawag at sumasamo ang Simbahan sa Espiritu Santo kapag nangangailangan ng matinding tulong. Sa pamamagitan ng pagkakaloob ng Espiritu Santo sa Simbahan, ipinapakita ng Panginoon na hinding-hindi Niya pababayaang maulila ang Kanyang Simbahan. Ipinapakita ng Panginoon na tutulungan Niya ang Kanyang Simbahan sa Kanyang misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita. 

Tayong lahat ay bumubuo sa Simbahan. Tayong lahat ay ang bayan ng Diyos. Tayo ang Simbahan. At bilang Simbahan, mayroon tayong misyon na kailangan nating tuparin. Ang misyon natin bilang Simbahan ay ang pagsaksi sa Panginoong Hesukristo. Sa ating misyon bilang Simbahan, hindi tayo nag-iisa. May kasama tayo sa ating misyon, ang Patnubay, ang Espiritu Santo. Pinapatnubayan at ginagabayan ng Espiritu Santo ang Simbahan sa kanyang misyon ng pagsaksi kay Kristo. Binibigyan din ng Espiritu Santo ng lakas ang Simbahan upang harapin ang bawat araw. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng Espiritu Santo, ipinapaalala ng Panginoon na hinding-hindi Niya pababayaan ang Simbahan. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Panginoon na nangungulila at nag-iisa ang Kanyang Simbahan. Mahal na mahal ng Panginoon ang Kanyang Simbahan. At dahil sa pagmamahal ng Panginoon sa Simbahan, ibinigay Niya sa Simbahan ang Espiritu Santo upang patnubayan, gabayan, at bigyan ng lakas ang Simbahan para sa kanyang misyon ng pagpapahayag at pagpapalaganap ng Mabuting Balita. 

Sa katahimikan, magpasalamat tayo sa Panginoon sa Kanyang pagkakaloob ng Espiritu Santo. Pasalamatan natin ang Panginoon dahil hinding-hindi Niya pababayaan ang Simbahan na nangungulila at nag-iisa sa Kanyang misyon. Magpasalamat tayo sa Panginoon para sa Kanyang awa at pagmamahal para sa Simbahan na patuloy Niyang ipinapakita magpahanggang-ngayon. 

Linggo, Mayo 8, 2016

SA PILING NG DIYOS MATATAGPUAN ANG TUNAY NA KALIGAYAHAN AT BUHAY NA WALANG HANGGAN

Mayo 8, 2016 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (K) 
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 47/Efeso 1, 17-23 (o kaya: Hebreo 9, 24-28; 10, 19-23)/Lucas 24, 46-53 


Apatnapung araw pagkatapos ng Kanyang Muling Pagkabuhay, umakyat si Hesus sa langit taglay ang buo Niyang kaluwalhatian. Kinailangan ni Hesus na bumalik sa Ama. Alam ni Hesus na hindi Siya magtatagal sa mundo. Babalik Siya sa langit upang lumuklok sa kanan ng Ama taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian. Natapos na ang Kanyang misyon at tungkulin sa sanlibutan bilang Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Dahil tinupad na ni Hesus ang Kanyang misyon sa lupa, babalik na Siya sa langit, sa piling ng Ama. Muling babalik sa langit ang Diyos Anak na si Hesus sa langit, ang Kanyang kaharian at tahanan. 

Masasabi nating may pinaghuhugutan si Hesus sa pamamagitan ng Kanyang maluwalhating pag-akyat sa kalangitan. Hindi matatagpuan ang tunay na kaligayahang walang hanggan dito sa lupa. Hindi matatagpuan ang tunay na walang hanggan sa daigdig na ito. Ang mga bagay dito sa mundo ay magmamaliw at pansamantala lamang. Sa langit matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Sa langit matatagpuan ang walang hanggan. Sa piling ng Diyos matatagpuan ang tunay na kaligayahang walang hanggan. Ang mga bagay na mananatili magpakailanman ay matatagpuan sa piling ng Diyos. 

Lilipas ang lahat ng bagay dito sa lupa. Pansamantala ang lahat ng bagay dito sa lupa. Hindi mananatili ang mga ito magpakailanman. Ang mga gusali ay guguho at babagsak din sa lupa pagdating ng takdang araw. Hindi rin tayo mananatili dito sa mundo magpakailanman. Hindi tayo mabubuhay magpakailanman dito sa sanlibutan. Pansamantala lamang ang ating buhay sa lupa. Ang buhay natin at ang lahat ng makikita natin dito sa daigdig ay lilipas at magmamaliw. Walang permanente dito sa mundo. Pansamantala lamang ang lahat ng bagay dito sa mundo. Kaya nga, ang tawag sa lupa ay 'pansamantalang tahanan.' 

Ang mga posisyon sa buhay ay pansamantala. Hindi tayo mananatili sa pwesto natin sa buhay magpakailanman. Magkakaroon tayo ng pagbabago sa ating mga posisyon sa buhay. Halimbawa, sa opisina. Maaaring itaas ang posisyon ng isang tao sa kanyang pwesto. Subalit, pansamantala lamang siya sa pwestong iyon. Maaaring magkaroon ng pagbabago sa mga posisyon sa opisina. Maaari siyang ilipat sa ibang posisyon mula sa posisyong kanyang hinahawakan sa kasalukuyan. Hindi natin alam kung kailan, subalit, alam natin na maaaring mangyari iyon.

Pansamantala rin ang mga posisyon sa pulitika. Panahon po ngayon ng Halalan. Magkakaroon po tayo ng pagkakataon upang magpasiya kung sino ang mga dapat mamuno sa ating bayan. Nakakalungkot nga lang po, may mga pulitikong tumatakbo dahil sa kanilang pagka-uhaw sa kapangyarihan. Gustong tumagal ang ilang mga pulitiko sa kanilang pwesto sa pamahalaan. Gagawin nila ang lahat upang manatili sa kapangyarihan. Papatay ng tao, magnanakaw, maninira ng kapwa, lahat ay gagawin manatili lamang sa kapangyarihan. Nakalimutang pansamantala lamang ang kanilang posisyon sa pamahalaan. Nakalimutan ang dahilan kung bakit sila'y inihalal upang maging pinuno - ang maglingkod sa taong-bayan. Nakalimutan din ang pananagutan sa bayan. 

Sa piling ng Diyos matatagpuan ang tunay na kaligayahan at buhay na walang hanggan. Sa piling ng Diyos matatagpuan ang magpakailanman. Sa piling ng Diyos matatagpuan ang walang hanggan. May mga bagay na hindi kayang ibigay ng sanlibutan. Ang mga bagay na hindi maibibigay ng sanlibutan ay maibibigay ng Diyos. May mga bagay na hindi natin mahanap sa sanlibutan na matatagpuan naman natin sa piling ng Diyos. Ano ang matatagpuan natin sa piling ng Diyos? Ang tunay na kaligayahan at buhay na walang hanggan. Sa piling ng Diyos matatagpuan ang mga bagay na magtatagal magpakailanman. Ang mga ito'y ipinagkakaloob ng Diyos dahil sa Kanyang Awa sa atin.

Ang tunay na awa ay matatagpuan din natin sa piling ng Diyos. Ang Diyos ang bukal ng awa. Ang Diyos ang pinagmulan ng awa. Sa Kanya nagmumula ang tunay na awa. Hindi maibibigay ng sanlibutan ang tunay na awa. Hindi maibibigay ng sanlibutan ang awang katulad ng Diyos. Ang awang ibinibigay at ipinagkakaloob ng sanlibutan ay hindi katulad ng Awa ng Diyos. Magmamaliw at mawawala ang awa ng sanlibutan. Subalit, ang Awa ng Diyos ay mananatili magpakailanman. Hindi magmamaliw ang Awa ng Diyos kahit kailan. Ang Awa ng Diyos ay ang tunay na awa. Mananatili ito magpakailanman. Ang Awa ng Diyos ay kaloob sa atin ng Panginoon. Patuloy din itong ipinagkakaloob ng Panginoon sa atin. 

Mayroong walang hanggan. Mayroong magpakailanman. Subalit, hindi natin mahahanap o matatagpuan ito sa sanlibutan. Mahahanap natin ito sa piling ng Diyos. Ang walang hanggan na matatagpuan natin sa piling ng Diyos ang tunay na walang hanggan. Ito'y magdudulot ng tunay na kaligayahan at kagalakan sa ating lahat. Tayong lahat ay mabubuhay magpakailanman sa piling ng Diyos balang araw. Pagdating ng araw na iyon, magkakaroon tayo ng tunay na kagalakan at kaligayahang mula sa Panginoon. Sa piling ng Diyos, matatagpuan ang tunay na kaligayahang walang hanggan. Sa piling ng Diyos, may buhay na walang hanggan. Sa piling ng Diyos, matatagpuan ang walang hanggan. 

Linggo, Mayo 1, 2016

PANGINOON NG KAPAYAPAAN

1 Mayo 2016
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Mga Gawa 15, 1-2. 22-29/Salmo 66/Pahayag 21, 10-14. 22-23/Juan 14, 23-29 



"Kapayapaan ang iniiwan Ko sa inyo. 
Ang Aking kapayapaan ang ibinibigay Ko sa inyo.

Ang mga salitang ito ay namutawi mula sa bibig ng Panginoong Hesus sa Kanyang pamamaalam sa mga alagad noong bisperas ng Kanyang Pasyong Mahal. Noong Muling Nabuhay ang Panginoong Hesus, nagpakita Siya sa mga alagad. Paano Niya binati ang mga alagad noong Siya'y muling nabuhay? Kapayapaan. Kahit iniwanan at tinalikuran ng mga alagad si Hesus sa Halamanan noong Siya'y dinakip ng mga kawal at pinuno ng bayan, kapayapaan pa rin ang hinandugan ng Panginoon sa mga alagad. Hindi gumamit ng dahas ang Panginoon bilang pagganti sa mga alagad. Bagkus, kapayapaan ang iginanti ng Panginoon sa mga alagad, kahit iniwanan nila Siya sa Getsemani. 

Kapayapaan, hindi karahasan, ang nais ipalaganap ni Hesus. Nais ni Hesus na maghari ang kapayapaan. Siya ang Panginoon ng kapayapaan. Sa Kanya nagmumula ang kapayapaan. Ipinagkakaloob ni Hesus ang kapayapaan sa sinumang humihingi nito. Dagdag pa ni Hesus sa Ebanghelyo, ang Kanyang kapayapaan ay hindi katulad ng kapayapaang ibinabahagi ng mundo. Ang tunay na kapayapaan ay nagmumula kay Hesus. Kung tunay na kapayapaan ang hinahanap natin, matatagpuan natin iyan kay Hesus. 

Sa pamamagitan ng kapayapaang kaloob Niya, pinapawi ni Hesus ang lahat ng takot at pagka-balisa. Ang kapayapaang nagmumula sa Panginoon ay may kapangyarihang pumawi sa lahat ng takot at pagka-balisa. Mapapalitan ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng kapayapaang kaloob Niya ang ating mga takot at pagka-balisa. Magiging kagalakan ang ating takot at pagka-balisa sa pamamagitan ng kapayapaang handog ng Panginoong Hesus. 

Ang kapayaapang mula sa Panginoon ay nagpapatibay rin ng pananalig sa Kanya. Bukod pa sa kagalakan, pinapatibay ng kapayapaang nagmumula sa Panginoon ang pananalig ng bawat isa. Pinalalakas ng Panginoon ang ating pananalig sa Kanya sa pamamagitan ng pagkakaloob at pagbabahagi ng Kanyang kapayapaan sa atin. Alam ng Panginoong Hesus na may mga pagsubok sa buhay na haharapin natin. May mga pagkakataon sa buhay kung saan papasok ang mga pagsubok. Susubukin kung gaano katibay ang ating pananalig sa Diyos. Subalit, nandiyan ang kapayapaang nagmumula kay Kristo. Ang kapayapaan ni Kristo ang magpapatibay ng ating pananalig sa Kanya. Pinalalakas ni Kristo ang ating pananalig sa Kanya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng Kanyang kapayapaan sa ating lahat. Magkakaroon tayo ng isang matatag at matibay na pananalig sa Panginoon sa harap ng mga pagsubok sa buhay. Hindi man natin maiaalis o maiiwasan ang mga pagsubok sa buhay natin, makakaharap natin ang mga iyan nang may buong pananalig sa Panginoon. 

Hindi magmamaliw ang kapayapaang mula sa Panginoong Hesukristo. Ang kapayapaang mula sa sanlibutang ito ay pansamantala lamang. Ang mundo ngayon ay punung-puno ng kaguluhan. Laganap sa daigdig ang kaguluhan at karahasan. Maraming masasamang idinudulot ng maraming kaguluhan at mga gawa ng karahasan sa daigdig. Maraming mga trahedya ang naidudulot ng karahasan, katulad ng pambobomba at patayan. Hindi perpekto ang kapayapaan sa daigdig. Hindi ganap o tunay ang kapayapaang kaloob ng daigdig. Hindi natin matatagpuan ang tunay na kapayapaan sa daigdig. Matatagpuan natin ang tunay na kapayapaan kay Hesus, ang Panginoon at Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kapayapaang kaloob ng Panginoong Hesus ay mananatili magpakailanman.

Si Hesus ang Panginoon at Prinsipe ng Kapayapaan. Sa Kanya nagmumula ang tunay na kapayapaang na nagpapatibay ng pananalig sa Kanya, nagbibigay ng tunay na kagalakan, at nananatili magpakailanman. Pinapalakas ng kapayapaan ng Panginoong Hesus ang ating pananalig sa Kanya upang makaharap natin ang mga pagsubok sa buhay. Ang kapayapaang ito ay nagdudulot rin ng tunay na kagalakan sa ating lahat. Hindi magmamaliw ang kapayapaang kaloob ng Panginoong Hesukristo. Bagkus, mananatili ito magpakailanman.