Miyerkules, Hunyo 29, 2016

SAN PEDRO AT SAN PABLO APOSTOL: HINIRANG DAHIL SA AWA NG PANGINOON

29 Hunyo 2016 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
[Pagmimisa sa Araw ng Dakilang Kapistahan] 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 



Atin pong ipinagdiriwang ngayon ang Dakilang Kapistahan ng dalawang dakilang Santo ng ating Simbahan - sina San Pedro at San Pablo Apostol. Ang dalawang ito ay kilala bilang mga punong Apostol at mga Haligi ng Simbahan. Bago tinanggap ng dalawa ang tawag ng Panginoong Hesukristo upang maging mga misyonero at apostol, meron silang mga kanya-kanyang buhay. Si San Pedro Apostol ay isang mangingisda, mamamalakaya, bago siya tinawag at hinirang ni Hesukristo upang maging Kanyang apostol. Si San Pablo Apostol naman ay namuhay bilang isang Pariseo. Siya po ay napakatalino bilang isang Pariseo. Masasabi nating isang dalubhasa si Apostol San Pablo sa Banal na Kasulatan. Ang tawag ni San Pablo Apostol sa kanyang sarili ay, "Pariseo, anak ng mga Pariseo." (Mga Gawa 23, 6) 

Hindi lamang sa dati nilang pamumuhay kilala ang dalawang apostol na ito. Kilala din sila sa kani-kanilang mga dating pangalan. Ang dating pangalan ni San Pedro Apostol ay Simon, ang anak ni Jonas. Pinangalanan siyang Pedro matapos niyang ipahayag na si Hesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. Ang dating pangalan ni San Pablo Apostol ay Saulo na taga-Tarso. Binago lamang niya ang kanyang pangalan noong sinimulan niya ang kanyang pagmimisyon sa mga Hentil. 

Noong una nilang nakilala si Kristo, nagkaroon sila ng pagdududa. Pinagdudahan ni San Pedro Apostol si Hesus noong iniutusan siya ni Hesus na pumalaot muli sa Lawa ng Genesaret at ihulog ang kanilang mga lambat upang magkaroon sila ng huli. Pinagdudahan ni San Pedro Apostol si Hesus sapagkat nanggaling lamang sila doon. Magdamag na nangisda sina Pedro at ang kanyang mga kasama, at sa kasawiang palad, wala silang nahuling isda, kahit isa man lang. Si Apostol San Pablo naman, noong siya ay kilala bilang si Saulo na taga-Tarso, ay hindi lamang nagduda kay Kristo, inusig pa niya ang Simbahan. Inusig niya ang mga unang kaanib ng Simbahan, ang mga unang Kristiyano, hanggang sa magpakita sa kanya ang Panginoong Hesus sa daang patungong Damasco. 

Hindi nawala ang kanilang mga kahinaan bilang tao noong sila'y naging mga apostol ni Kristo. Si San Pedro Apostol, bagamat siya ang pinuno ng mga apostol, ay mayroon ding mga kahinaan. Isang halimbawa ng mga kahinaan ni Apostol San Pedro ay noong dinakip si Hesus. Noong ang Panginoong Hesus ay dinakip ng mga kawal at bantay na padala ng mga Pariseo at matatanda ng bayan, tatlong ulit Siyang ipinagkaila ni San Pedro Apostol. Tatlong ulit na ipinagkaila ni San Pedro Apostol na kilala niya si Hesus. Hindi tinupad ni Pedro ang kanyang pangako sa Panginoon na Siya'y ipagtatanggol at sasamahan niya hanggang kamatayan. Si San Pablo Apostol din, habang nagmimisyon, ay nabiktima rin ng kanyang mga kahinaan. Inamin niya sa kanyang sulat sa mga taga-Roma: 

Alam kong walang mabuting bagay na nananahan sa akin, ibig kong sabihi'y sa aking katawang makalaman. Kayang-kaya kong magnasa ng mabuti, hindi ko lang magawa ang mabuting ninanasa ko. Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting ibig ko, kundi ang masamang hindi ko ibig ang siya kong ginagawa. Kung ginagawa ko ang hindi ko ibig, hindi na ako ang may kagagawan nito kundi ang kasalanang nananahan sa akin. (8, 18-19) 

Subalit, bakit pinili pa rin sila ng Panginoon? Bakit ang dalawang ito'y tinawag at hinirang ng Panginoon? Bakit hinirang sina Pedro at Pablo upang maging apostol, sa kabila ng kanilang mga kahinaan at pagkakamali? Dahil sa awa ng Panginoon. Ang Awa ng Diyos ang dahilan kung bakit ang dalawang ito ay pinili at hinirang upang maging mga apostol at misyonerong isinugo ng Panginoon. Ang Awa ng Panginoon ay ang pinakamahalagang biyayang tinanggap ng mga apostol at ng buong Simbahan mula sa Panginoon. Sa kabila ng kani-kanilang mga kahinaan at makasalanang pamumuhay, pinili at hinirang pa rin sila ng Panginoon. Ipinakita ng Panginoon ang Kanyang Awa at Habag sa mga makasalanang tulad nina Pedro at Pablo sa pamamagitan ng pagtawag paghirang  sa kanila upang maging mga apostol at misyonerong isinusugo Niya.

Kamakailan, ang Simbahan ay binansagang most hypocritical institute. Ang mga katagang ito ay namutawi mula sa bibig ng isang pinuno sa pamahalaan, isang buwan na ang nakakaraan. Kahapon, lumabas ang balita na ininsulto niya ang mga tradisyon at kinaugalian ng ating Simbahan. Ayon sa kanya, ang dahilan kung bakit may manok sa tabi ni San Pedro Apostol ay dahil mahilig siya mag-sabong. Nagdasal pa nga din daw siya sa Panginoong Hesus, subalit ang tugon sa kanya ng Panginoon, "Hindi Ko matutulungan ang mga pasaway katulad mo." Tinanong din niya kung ano ang kahalagahan ng mga nakasulat sa Banal na Bibliya, gayong mahigit dalawang libong taon na ito'y isinulat. At isa pa, sinabi niya na tutol siya sa Simbahan dahil hindi makatotohanan ang posisyon nito. Nakakalungkot isipin na ang mga ito ay nakakatawa para sa karamihan. 

Ang Simbahan ay puno ng mga mapagpaimbabaw. Marami sa mga pinuno at mga bumubuo sa Simbahan ay may mga kahinaan, pagkakamali, at pagbabalatkayo rin. Bagamat ang Simbahan ay perpekto, ang mga bumubuo at mga kaanib nito ay hindi perpekto. Subalit, bakit nakatayo pa rin ang Simbahan? Bakit nandito pa rin ang Simbahan, sa kabila ng mga kahinaan at pagkakamali ng mga bumubuo nito? Dahil sa Awa ng Diyos. Ang Awa ng Diyos ang dahilan kung bakit nakatayo pa rin ang Simbahan magpahanggang ngayon. Kung hindi dahil sa Awa ng Panginoon, matagal nang bumagsak at nalugmok ang Simbahan dahil sa mga kasalanan ng mga bumubuo at mga kaanib nito. Sa kabila ng mga kahinaan, kasalanan, at pagbabalatkayo ng mga pinuno at kaanib ng Simbahan, patuloy na ipinapadama ang binubuhos ng Panginoong Diyos ang Kanyang Banal na Awa sa Simbahan. 

Meron pong isang kwento na nabasa ko sa internet patungkol sa naging pagtatalo ni Napoleon Bonaparte at ng isang Kardinal ng Simbahan. Si Napoleon Bonaparte ay ang emperador at pinuno ng mga militar sa Pransiya noong ika-19 na siglo. Minsan, sinabi niya sa isang Kardinal ng Simbahan habang sila'y nagtatalo, "Kabunyian, hindi mo ba alam na may kapangyarihan ako upang patumbahin at wasakin ang Simbahan?" Sumagot ang Kardinal, "Kamahalan, sinubukan na po naming wasakin ang Simbahan sa pamamagitan ng aming mga kasalanan at pagkakamali. Sa kasawiang-palad, hindi kami nagtagumpay. Kung kami pong mga pari ay hindi nagtagumpay sa pagtumba sa Simbahan, gayon din po kayo. Hindi po kayo magtatagumpay sa pagtumba sa Simbahan." 

Hindi mapapatumba ng sinumang tao dito sa mundo ang Simbahan dahil sa Awa ng Diyos. Kahit ilang ulit tayong magkasala laban sa Panginoon, hindi natin mapapatumba ang Simbahan. Gaano mang karami ang ating mga kasalanan, hinding-hindi mapapatumba ng mga ito ang Simbahan. Nananatiling nakatayo ang Simbahan magpahanggang ngayon, sa kabila ng mga kasalanan ng mga pinuno at mga kaanib nito. Hindi pinababayaan ng Panginoong Hesus ang Santa Iglesya. Lagi Niyang ipinapadama at binubuhos ang Kanyang Awa sa Simbahan. Ang Simbahan ay ang bukal ng Awa ng Diyos sapagkat binubuhos ng Panginoon ang Kanyang Banal na Awa sa Simbahan. 

Katulad nina Apostol San Pedro at San Pablo, tayong lahat ay mga makasalanan. Tayong lahat na bumubuo sa Simbahan, ay mayroong iba't ibang uri ng kahinaan, pagkakamali, at pagbabalatkayo. Subalit, sa kabila ng ating mga makasalanang pamumuhay, nararamdaman natin ang Awa at Habag ng Panginoon, tulad nila San Pedro at San Pablo Apostol. Patuloy na ibinubuhos ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang Banal na Awa at Habag sa Simbahan. Kahit alam ng Panginoong Hesus na ang Kanyang Simbahan ay binubuo ng mga makasalanan, patuloy Niyang ipapadama sa atin ang Kanyang Awa at Habag sa pamamagitan ng pagbuhos nito sa Simbahang Kanyang itinatag. 

Bilang pagtatapos, alalahanin po natin ang mga sinabi ng Panginoong Hesus kay San Pedro Apostol sa Ebanghelyo ngayon: 

Ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo Ko ang Aking Simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. (Mateo 16, 18) 

Linggo, Hunyo 26, 2016

HESUS: NANATILING TAPAT AT MASUNURIN SA KALOOBAN NG DIYOS

26 Hunyo 2016 
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
1 Hari 19, 16b. 19-21/Salmo 15/Galacia 5, 1. 13-18/Lucas 9, 51-62 



Maraming mga pagkakataon sa buhay ng Panginoong Hesus na kung saan hindi Siya tinanggap. Ilang ulit naranasan ng Panginoon na hindi matanggap ng iba. Kahit kilalang-kilala ang Panginoon sa iba't ibang bahagi ng Israel, hindi lahat ay tumanggap sa Kanya. Kabilang na rito ang pangyayari sa Ebanghelyo ngayon. Hindi tinanggap si Hesus ng mga Samaritano. Sina Hesus at ang Kanyang mga alagad ay hindi pinahintulutan ng mga Samaritano na tumuloy sa kanilang bayan dahil alam nila na si Hesus ay may pasiyang pumunta sa Jerusalem. 

Mahirap ang buhay ni Hesus. Kahit gumagawa Siya ng kabutihan, wala Siyang matuluyan o mapagpahingahan. Puno ng karukhaan ang buhay ng Panginoon. Hindi naging madali at maginhawa ang buhay para sa Panginoon. Si Hesus ay nagtiis ng maraming hirap mula sa Kanyang pagsilang hanggang sa Kanyang pagkamatay. Dinanas at tiniis ni Hesus ang kalupitan ng buhay sa Kanya. Kahit Siya ang Panginoon ng buhay, at sa Kanya nagmumula ang buhay, hindi Siya naging ligtas mula sa kalupitan at hirap ng buhay. 

Kaya nga, sa Ebanghelyo, nagbigay ng babala ang Panginoong Hesukristo sa mga nais sumunod sa Kanya. Ang babala ng Panginoong Hesukristo, "May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao'y wala man lamang matutuluyan o mapagpahingahan." (9, 58) Agad na sinabi ni Hesus na hindi magiging madali ang pagsunod sa Kanya. Hindi madali ang pagsunod kay Hesus. Maraming hirap at sakit na kinakailangang tiisin at pagdaanan ang mga magiging tagasunod ni Hesus. Hindi basta-basta giginhawa ang buhay para sa mga nais sumunod kay Hesus. Hindi nila matatakasan ang hirap at pagdurusa sa buhay, kahit na sumunod sila kay Hesus. Kung si Hesus nga ay hindi naging ligtas sa kalupitan at hirap dulot ng buhay, tayo pa kaya na gustong sumunod sa Kanya? 

Subalit, sa kabila ng mga hirap at pagdurusa sa buhay, nanatili pa ring tapat at masunurin si Hesus sa kalooban ng Diyos. Sabi nga sa Ebanghelyo, ipinasiya ni Hesus na pumunta sa Jerusalem. Sa Jerusalem, tutuparin ni Hesus ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama. Dadanasin at titiisin ni Hesus ang matinding hirap at pagdurusa. Haharapin ni Hesus ang Kanyang kamatayan sa krus. Hindi tinakas ni Hesus ang krus. Hindi tinakas ni Hesus ang kalooban ng Diyos. Bagkus, tinanggap at sumunod si Hesus sa kalooban ng Diyos. Pupunta Siya sa Jerusalem upang harapin ang Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus. At pagkatapos ng Kanyang pagdurusa at kamatayan, muling mabubuhay si Hesus sa ikatlong araw. 

Nanatiling tapat at masunurin sa kalooban ng Diyos ang Panginoong Hesus. Kahit marami Siyang tinitiis at pinagdadaanang kahirapan sa buhay dahil sa Kanyang karukhaan, sumunod pa rin Siya sa kalooban ng Diyos. Tinanggap at sinunod ni Hesus ang kalooban ng Diyos, kahit ang kahulugan nito'y haharapin Niya ang matinding hirap at pagdurusa sa krus. Hindi tinakasan ni Hesus ang kamatayan sa krus. Bagkus, pinili ni Hesus na tanggapin at harapin ang Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus bilang pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Diyos. 

Hinarap ni Hesus ang Kanyang pagdurusa at kamatayan sa Jerusalem na mag-isa lang. Mag-isa lamang si Hesus sa oras ng Kanyang Pasyon. Walang sumama o dumamay kay Hesus sa mga oras ng Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Subalit, hinarap pa rin ito ni Hesus. Kahit walang sasama at karamay sa Kanya sa oras ng pagdurusa, haharapin pa rin ito ni Hesus. Pinili ni Hesus na harapin ang pagdurusa at kamatayan, kahit mag-isa lamang Siya sa mga oras na iyon, upang tuparin ang kalooban ng Diyos. Nais ni Hesus na magkaroon ng katuparan at kaganapan ang misyong ibinigay ng Diyos sa Kanya. Magkakaroon lamang ng kaganapan ang misyong ibinigay ng Ama kay Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus. 

Ang Panginoong Hesus ay ang tunay na huwaran ng pagiging tapat at masunurin. Kahit marami Siyang tiniis na kahirapan sa buhay, naging tapat at masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama. Batid din ni Hesus na haharapin Niya ang Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus na mag-isa lamang. Subalit, ang katotohanang ito ay hindi naging hadlang para kay Hesus. Dahil sa katapatan ni Hesus sa kalooban ng Ama, hinarap Niya ang matinding hirap at kamatayan sa krus. Buong buhay naging tapat at masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama, hanggang sa magkaroon ito ng kaganapan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Linggo, Hunyo 19, 2016

SAN JUAN BAUTISTA: PINILI AT HINIRANG UPANG MANGUNA AT IPAGHANDA NG DARAANAN SI HESUS, ANG MUKHA NG AWA NG AMA

24 Hunyo 2016 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 



Si San Juan Bautista ay isang natatanging Santo ng Simbahan sapagkat mayroong araw na itinakda ang Simbahan upang ipagdiwang ang kanyang pagsilang. Bukod pa sa araw ng kanyang pagka-martir, ipinagdiriwang din ng Simbahan ang araw ng pagsilang ni San Juan Bautista. Karaniwang ginugunita o ipinagdiriwang ng Simbahan ang isang santo sa araw ng kanilang kamatayan. Iba si San Juan Bautista. Bukod pa sa araw ng kanyang pagka-martir, ang araw ng kanyang kapanganakan ay nakatakda rin sa kalendaryo ng Simbahan. 

Ano ang nakakaiba kay San Juan Bautista? Anong meron siya? Siya ay pinili at hinirang ng Diyos upang maging Tagapanguna ng Mesiyas. Si San Juan Bautista ang mauuna sa Panginoon. Bago dumating ang Panginoon, magpapakita si San Juan Bautista sa bayang Israel. Sa kanyang paglitaw, ipapahayag ni San Juan Bautista sa buong bayan ng Israel ang isang napakagandang balita - malapit nang dumating ang Mesiyas. Malapit nang dumating ang kaligtasang ipinangako ng Diyos sa Kanyang bayan. Malapit nang dumating ang ipinangakong Mesiyas upang iligtas ang bayang Israel. Ililigtas na ng Diyos ang Kanyang bayang hinirang. Tutuparin na ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. 

Bilang Tagpanguna ng Panginoon, inihanda ni San Juan Bautista ang bayang Israel para sa pagdating ng Mesiyas. Upang ihanda ang bayang Israel para sa pagdating ni Kristo, nangaral siya tungkol sa pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Nagbinyag din si San Juan Bautista sa Ilog Jordan bilang tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Siya ay nangaral at nagbinyag sa Ilog Jordan upang ihanda ang lahat para sa pagdating ni Kristo. Sa pamamagitan ng pangangaral at pagbibinyag, inihanda ni Juan Bautista ang bawat Israelita upang makasalubong nila ang Mesiyas nang may malinis na puso at kalooban. 

Marami ang pumunta sa Ilog Jordan upang makinig at magpabinyag kay San Juan Bautista. Marami ang nagtaka at nagtanong kung siya ang Mesiyas. Paulit-ulit na tinanong si San Juan Bautista kung siya nga ba ang Mesiyas. Paulit-ulit din ang sagot ni San Juan Bautista sa mga katanungan patungkol sa kanyang sarili - hindi siya ang Mesiyas. Sinabi niya ang totoo. Nagpakatotoo si San Juan Bautista tungkol sa kanyang sarili. Inamin ni Juan Bautista na higit na dakila ang Mesiyas kaysa kanya. Pinaglilingkuran lamang ni San Juan Bautista ang Mesiyas. 

Hindi nagpadala si San Juan Bautista sa kanyang kasikatan. Nanatili siyang tapat at totoo sa kanyang sarili at sa kanyang tungkulin. Hindi siya ang bida. Hindi siya ang Mesiyas. Hindi siya ang ipinangakong Tagapagligtas. Hindi niya inagaw ang tungkulin na hindi naman kanya. Bagkus, nagpakatotoo siya tungkol sa kanyang sarili. Inamin niya ang katotohanan tungkol sa kanyang sarili. Isa lamang siyang tinig na sumisigaw sa ilang. Ang tinig na ito ay may panawagan sa mga nakikinig nito - ipaghanda ng isang matuwid na daraanan ang Panginoon. Inamin din niya na higit na dakila ang Mesiyas kaysa sa kanyang sarili. 

Inihalintulad ni San Juan Bautista ang kanyang sarili sa isang abay sa kasal. Ang kanyang kamag-anak na si Hesus ang lalaking ikakasal. Si Hesus ang Mesiyas at Tagapagligtas. Si San Juan Bautista ay isa lamang sugo na mauuna sa kanya. At bilang sugong mauuna sa Panginoong Hesus, inihanda ni Juan Bautista ang lahat na kabilang sa bayang Israel para sa Kanyang pagdating. Itinuro ni San Juan Bautista sa lahat si Hesus, ang Mesiyas at ang Kordero ng Diyos. At nang sumunod ang lahat kay Hesus, nagalak si San Juan Bautista. Hindi nainggit si San Juan Bautista. Bagkus, napuno siya ng kagalakan sapagkat sumusunod na ang lahat kay Hesus, ang tunay na Mesiyas at Tagapagligtas. Nagalak si Juan Bautista sapagkat mararanasan na ng mga tao ang Awa ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus. 

Walang ibang hinangad si San Juan Bautista kundi tuparin ang tungkuling iniatas sa kanya ng Diyos. Pinili at hinirang ng Diyos si San Juan Bautista upang maging Tagapanguna ng Panginoong Hesukristo. At bilang Tagapanguna ng Panginoong Hesus, kinailangang ihanda at tuwirin ni Juan Bautista ang Kanyang daraanan. Bilang paghanda at pagtuwid sa daraanan ng Panginoon, nangaral at nagbinyag si San Juan Bautista sa Ilog-Jordan. Nanatili siyang tapat sa kanyang tungkulin noong inamin niya ang katotohanan tungkol sa kanyang sarili. Itinuro din ni San Juan Bautista sa lahat ang Mukha ng Awa ng Ama na si Hesus, ang Mesiyas at Tagapagligtas na isinugo ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Katulad ni San Juan Bautista, pinili at hinirang ng Diyos ang bawat isa sa atin para sa isang napakahalagang tungkulin. Magpakatotoo tayo at huwag nating ipagkaila ang katotohanan tungkol sa ating sarili. Huwag nating ipagkaila ang katotohanang kailangan natin ang tulong kaloob ng Awa ng Diyos. Huwag nating kalimutang ituro at akayin ang kapwa patungo sa Diyos. Ang Diyos na nagbigay ng mga mahalagang tungkulin sa bawat isa sa atin ang tutulong sa atin. Tutulungan Niya tayong gampanan nang mabuti ang tungkuling iniatas sa atin dahil sa Kanyang Awa. Sa bandang huli, ang Diyos ang magbibigay ng kagalakan sa atin dahil ipinamalas Niya ang Kanyang Awa. 

Sabado, Hunyo 18, 2016

IBA SA INAASAHAN AT INAASAM

19 Hunyo 2016 
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Zacarias 12, 10-11; 13, 1/Salmo 62/Galacia 3, 26-29/Lucas 9, 18-24 


Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, ipinapakilala ni Hesus ang Kanyang sarili sa mga alagad bilang Mesiyas. Matapos ipahayag ni Apostol San Pedro na si Hesus ang Mesiyas, sinimulan Niyang ituro sa mga alagad kung anong klase Siyang Mesiyas. Itinuro ni Hesus sa mga alagad na ang Kanyang pagka-Mesiyas ay iba sa mga inaasam at inaasahan nila. Malaki ang pagkakaiba ng pagka-Mesiyas ni Hesus sa mga inaasam at inaasahan ng bayang Israel sa Mesiyas na hinhintay. Bilang Mesiyas, hindi tinaglay ni Hesus ang Kanyang buong karingalan at kadakilaan noong nagpakita Siya sa tao. Bagkus, si Hesus ay dumating sa sanlibutan at nagpakita sa tao taglay ang buong kapakumbabaan at karukhaan. Higit sa lahat, tinaglay ni Hesus ang Awa ng Diyos noong Siya ay pumanaog sa sanlibutan. 

Ipinahayag ni Hesus sa mga alagad na bilang Mesiyas, kinakailangan Niyang magtiis ng matinding hirap at pagdurusa bago Niya makamtan ang Kanyang tagumpay at kaluwalhatian. Kinakailangan Niyang magpakasakit at mamatay sa krus bago Siya muling mabuhay sa ikatlong araw. Kapag hindi namatay si Hesus sa krus, hindi Siya muling mabubuhay sa ikatlong araw. Si Hesus ang Mesiyas na magtatagumpay matapos Niyang tiisin ang pagdurusa at kamatayan. Siya ang Mesiyas na magpapakasakit at mamatay sa krus, subalit muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay, nakamit ng Mesiyas na si Hesus ang tagumpay. Walang krus, walang Muling Pagkabuhay. 

Katulad ng kanilang mga kababayan, umaasa ang mga alagad na ang Mesiyas ay magiging isang mananakop. Umaasa ang mga Israelita na magkakaroon ng isang napakalaking himagsikan sa pamumuno ng Mesiyas. Maghihimagsik ang bayan laban sa pamahalaang Romano. At kapag naganap na ang mga iyon, mapapatalsik nila ang mga Romano mula sa kapangyarihan. Ilululuklok ang Mesiyas bilang hari ng Israel. Ang Israel ay nasa ilalim ng impeyong Romano noon. Sakop ng mga Romano ang bayang Israel noong kapanahunang yaon. Napakatindi ng pagkauhaw at pag-asam ng mga Israelita para sa pagdating ng Mesiyas. Matagal na nilang hinihintay at pinananabikan ang pagdating ng Mesiyas. Nais ng mga Israelita na muling makapamuhay sila nang may kalayaan at kapayapaan, katulad noong kapanahunan ni Haring David. Umaasa sila na patatalsikin ng Mesiyas ang mga Romano mula sa kapangyarihan, at mamuno sa bansang Israel bilang hari. 

Nang dumating si Hesus sa mundo, marami sa mga Israelita ang umaasang Siya ang ipinangakong Mesiyas. Dahil doon, may mga pagkakataon kung saang binalak ng mga tao na gawing hari si Hesus. Subalit, sa tuwing gayon ang nangyayari, umaalis si Hesus mula sa kanilang piling. Pumupunta si Hesus sa mga ilang at tahimik na lugar upang magnilay at manalangin sa Ama. Alam ni Hesus na ang kagustuhan ng tao para sa Kanya ay hindi kalooban ng Ama. Bagkus, nais ng Diyos na maging isang nagdurusang Mesiyas si Hesus. Sa pamamagitan ng pagdurusa ni Hesus, ibinigay at ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang tunay na kalayaan. Sa pamamagitan ng pagdurusa ni Hesus, ipinakita ng Diyos ang kadakilaan at kapangyarihan ng Kanyang Awa at Pagmamahal sa sangkatauhan. Pinalaya ng Diyos ang tao mula sa kasamaan at kasalanan sa pamamagitan ng pagdurusa ni Hesus. Awa ang dahilan kung bakit niloob ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pagdurusa ni Hesus. 

Iba ang nais sakupin ni Hesus. Nais sakupin ni Hesus ang puso ng bawat isa sa atin. Kaya, bumaba si Hesus mula sa langit, hinubaran ang Kanyang katangian bilang Diyos, at naging tao katulad natin upang tayo ay mapalapit sa Kanya. Siya ay naging dukha tulad natin upang makapiling at maging kaisa natin Siya. Hindi nais ni Hesus na maging mananakop ng kapangyarihan at kayamanan dito sa mundo. Bagkus, nais ni Hesus na maging mananakop ng puso ng tao. Nais ni Hesus na pumasok at sumakop sa puso ng bawat isa. Nais ni Hesus na maghari sa ating mga puso. Tayo ang sinadya ni Hesus noong Siya'y pumarito sa sanlibutan. Hindi binalak ni Hesus na makuha ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan dito sa mundo. Binalak Niyang maging kaisa at kapiling ang tao. Niloob ni Hesus na mapalapit Siya sa atin dahil sa Kanyang Awa at Pagmamahal para sa ating lahat. 

Hindi tinaglay ni Hesus ang Kanyang kadakilaan at kapangyarihan bilang Diyos noong Siya ay pumarito sa sanlibutan. Bagkus, tinaglay ni Hesus ang Kanyang Awa at Pag-ibig para sa tao. Awa at pag-ibig ang dahilan kung bakit si Hesus ay pumarito sa mundo. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang Awa at Pag-ibig sa lahat noong inalay Niya ang Kanyang sariling buhay sa krus bilang Mesiyas. At noong Siya'y muling mabuhay sa ikatlong araw, kinamit ng Panginoong Hesus ang tagumpay, hindi lamang para sa Kanyang sarili, kundi para sa lahat ng tao. Sa pamamagitan ng Kanyang Awa at Pagmamahal, nais ni Hesus na sakupin ang puso ng bawat isa. Nais ni Hesus na maghari sa ating mga puso. 

Kakaiba si Hesus. Ibang-iba si Hesus. Walang katulad si Hesus. Hindi Niya hinangad na makamit ang makamundong kayamanan at kapangyarihan noong Siya ay pumarito sa sanlibutan. Walang ambisyon si Hesus na mapasakanya ang lahat ng mga makamundong kayamanan at kapangyarihan. Hindi makamundong kaharian ang nais sakupin ni Hesus. Ang puso ng bawat isa ang nais sakupin ni Hesus. Nais ni Hesus na sakupin at pagharian ang puso ng tao sa pamamagitan ng Kanyang Awa at Pagmamahal para sa ating lahat. Balak ni Hesus na maging kaharian Niya ang puso ng bawat isa sa ating lahat. 

Linggo, Hunyo 12, 2016

LUBOS NA PINATAWAD NG DIYOS DAHIL SA KANYANG AWA

12 Hunyo 2016 
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Samuel 12, 7-10. 13/Salmo 31/Galacia 2, 16. 19-21/Lucas 7, 36-8, 3 (o kaya: 7, 36-50) 



Angkop na angkop ang mga Pagbasa ngayong Linggong ito, lalo na't idineklara ng Santo Papa ang taong ito bilang Banal na Taon ng Awa. Layunin ni Papa Francisco sa pagdeklara ng Hubileyo ng Awa ang kaliwanagan ng puso't isipan ng bawat isa patungkol sa Awa ng Diyos. Nais ng Mahal na Santo Papa na pagnilayan natin sa kabuuan ng taong ito ang misteryo ng Awa ng Diyos. Ang pangunahing katangian ng Diyos ay ang Kanyang Awa. Labis ang Kanyang Awa para sa ating lahat, mga abang makasalanan. Walang pagmamaliw ang Kanyang Awa para sa lahat. Gaano mang kabigat ang mga kasalanan ng bawat tao, mapapatawad pa rin ng Diyos ang lahat ng iyan. Walang makakapantay o makahihigit pa sa kadakilaan ng Awa ng Diyos. Ito'y isinasalarawan ng mga Pagbasa natin ngayong araw ng Linggo. 

Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni propeta Natan kay Haring David na napakabigat ang kasalanang ginawa niya. Pinagpatay ni Haring David ang asawa ni Batseba na si Urias upang mapasakanya si Batseba. Inagaw ni Haring David si Batseba mula sa kanyang asawa. Sa gayong paraan, nakiapid si Haring David. Nang mapagtanto ni Haring David ang kasalanang ginawa niya, siya ay humingi ng kapatawaran sa Diyos. Inamin ni Haring David na isang napakabigat na kasalanan ang ginawa niya sa paningin ng Diyos, at humingi siya ng kapatawaran para sa kanyang ginawang kasalanan. Kaya, ipinahayag ni propeta Natan kay Haring David na siya ay pinatawad ng Diyos sa kanyang ginawang pakikiapid.

Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayo ay napawalang-sala dahil sa ating pananalig kay Kristo Hesus. Hindi sapat ang ating pagkilala kay Hesus. Ang pagkilala kay Hesus ang unang hakbang sa pagkamit ng awa mula sa Kanya, subalit hindi iyon natatapos doon. Kinakailangan nating manalig kay Hesus upang makamit natin ang Kanyang walang hanggang Awa. Kung tayo ay mananalig kay Hesus, makakamtan natin ang biyaya ng Kanyang Awa. Sapagkat ang pananalig kay Hesus ay pananalig din sa Kanyang Awa. Lumapit tayo kay Hesus nang may buong pananalig sa Kanya upang makamtan natin ang Kanyang Awa. Sa pamamagitan ng Kanyang Awa, tayong lahat ay mapapawalang-sala. Pinapawalang-sala tayo ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang Awa. 

Sa Ebanghelyo, pinatawad ni Hesus ang isang babaeng makasalanan. Ipinakita ng babaeng makasalanan ang kanyang makatotohanang pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang mga ginawa para kay Hesus. Binasa ng babae ang mga paa ni Hesus sa pamamagitan ng kanyang mga luha, pinunasan gamit ang kanyang buhok, hinalikan, at pinahiran ng pabango. Sa pamamagitan ng kanyang mga ginawa para kay Hesus, ipinakita ng babae na tunay ang kanyang paghahangad na magbagong-buhay at mamuhay sa pag-ibig ng Diyos. 

Kahit hindi siya inanyayahan sa tahanan ng Pariseong si Simon, pumunta pa rin ang babaeng makasalanan sa bahay na iyon. Hindi rin pinansin ng babae ang mga batikos ng ibang mga panauhin sa bahay na iyon laban sa kanya. Kahit binatikos siya ng ibang mga panauhin sa bahay na iyon, lalung-lalo na ni Simon, tinuloy lamang ng babae ang kanyang ginawa para kay Hesus. Si Hesus lamang ang sadya ng babaeng makasalanan sa bahay na iyon. Nais niyang lumapit kay Hesus upang humingi ng awa at kapatawaran para sa kanyang mga kasalanan. Nananalig ang babae na makakamit niya ang awa at kapatawaran ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus. Gagawin niya ang lahat upang ipakita kay Hesus na makatotohanan ang kanyang paghahangad na magbagong-buhay at mamuhay para sa Diyos. 

Dahil sa mga ginawa ng babae na nagpapakita ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan, pinatawad siya ni Hesus. Ipinagtanggol din ni Hesus ang babaeng makasalanan mula sa mga bumabatikos sa kanya, lalung-lalo na mula kay Simon na Pariseo. Pinuri ni Hesus ang babaeng nagtitika dahil sa kanyang mga ginawa na nagpapatunay na makatotohanan ang kanyang hangad na magbagong-buhay. Ipinagkaloob din ni Hesus ang Kanyang awa at habag sa babaeng nagtitika. Batid ni Hesus na nais magbagong-buhay ang babae. Batid ni Hesus ang nilalaman ng puso at kalooban ng babaeng ito. Batid ni Hesus na nais magbagong-buhay ang babaeng ito. Nababatid din ni Hesus na tunay ang paghahangad ng babaeng nagtitika na makamit ang awa at kapatawaran ng Panginoon. Kaya, pinatawad at hinikayat ni Hesus na huwag nang magkasala muli ang babaeng nagtitika. 

Hindi ipagkakait ng Panginoon ang Kanyang Awa sa sinumang makasalanang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya nang buong puso. Laging nagpapatawad ang Diyos. Ang Diyos ay laging handang magpatawad. Hindi magsasawa ang Diyos na patawarin tayo mula sa ating mga kasalanan. Walang kasalanang makakapantay sa Awa ng Diyos. Walang kasalanang masyadong mabigat para sa Awa ng Diyos. Walang kasalanang hindi mapapatawad ng Diyos. Higit na makapangyarihan at dakila ang Awa ng Diyos kaysa sa kasalanan. Gaano mang kabigat ang kasalanan ng tao, mapapatawad pa rin ng Diyos ang lahat ng iyan. 

Huwag tayong matakot na lumapit at manikluhod sa Panginoon upang hingin ang Kanyang Awa at pagpapatawad. Lumapit tayo sa Panginoon nang may buong katapangan at pananalig sa Kanya upang humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya. Hindi Niya ipagkakait sa atin ang Kanyang awa kung taos sa puso ang ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. Bagkus, ipagkakaloob sa atin ng Panginoon ang Kanyang Awa na hindi magmamaliw magpakailanman. 

Linggo, Hunyo 5, 2016

ANG MAKAPANGYARIHANG AWA AT HABAG NG PANGINOON

5 Hunyo 2016 
Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
1 Hari 17, 17-24/Salmo 29/Galacia 1, 11-19/Lucas 7, 11-17 



Isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayon ang kapangyarihan ng Awa at Habag ng Panginoon. Malaki ang ugnayan ang Awa at Habag ng Panginoon sa Kanyang kapangyarihan. Bukod pa sa pagiging makapangyarihan, ang Panginoon ay maawain at mahabagin. Sa pagpapakita ng Awa at Habag, ipinapamalas ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan. Mga gawa ng kabutihan ang bunga ng makapangyarihang Awa at Habag na patuloy na ipinapamalas ng Panginoon.

Sa Unang Pagbasa, muling binuhay ng Panginoong Diyos ang anak ng isang babaeng balo. Ang babaeng balo na ito ay nagmula at nakatira sa Sarepta, isang bayan sa labas ng Israel. Kahit hindi siya Hudyo, sa kanya ipinadala ng Panginoon ang propetang si Elias. Noong nagkaroon ng matinding taggutom sa lupain, sa tahanan ng babaeng balong ito tumuloy ang propeta Elias. 

Dumating ang araw kung kailan nagkasakit ng malubha ang kanyang anak at namatay. Nagalit ang balo kay Elias. Mag-isa na lamang siya. Matagal nang pumanaw ang kanyang asawa. Dahil sa pagpanaw ng kanyang asawa, silang dalawa ng kanyang anak ang natira at nagsama sa kanilang tahanan. Ngayon naman, ang kanyang anak ay kukunin mula sa kanya. Dahil sa pagkamatay ng kanyang anak, mag-isa na lamang siya habambuhay. Wala nang kasama ang balo habambuhay. Mamumuhay siya na puno ng hapis at lumbay dahil mag-isa na lamang siya habambuhay. Kaya, noong kinausap ng balo si propeta Elias, mararamdaman natin ang kanyang lungkot, galit, at sama ng loob. 

Dahil dito, buong pagsusumamong nanalangin si propeta Elias sa Panginoong Diyos na buhayin ang anak ng babaeng balo. Matapos hingahan ni propeta Elias ang bata at manalangin sa Diyos nang tatlong ulit, nabuhay ang bata. Nabuhay ang bata dahil sa kapangyarihan ng Awa at Habag ng Diyos. Pinakinggan at sinagot ng Panginoong Diyos ang panalangin ni propeta Elias. Binuhay ng Diyos ang anak ng babaeng balo. Ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang makapangyarihang Awa at Habag sa pamamagitan ng pagbuhay sa anak ng babaeng balo na nagpatuloy sa Kanyang propeta na si propeta Elias. 

Naging instrumento ng Panginoon si propeta Elias. Sa pamamagitan ni propeta Elias, binuhay ng Diyos ang anak ng babaeng balo. Dahil sa mga panalangin ni propeta Elias para sa babaeng balo na nagpatuloy sa kanya at ang kanyang anak, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang Awa at Habag sa pamamagitan ng pagbuhay sa anak ng babaeng balo na nagpatuloy kay propeta Elias. Awa at Habag ang tugon ng Diyos sa mga panalangin ni propeta Elias. Awa at Habag ang iginanti ng Diyos sa babaeng balo dahil pinatuloy niya si propeta Elias. At dahil sa Awa at Habag ng Diyos, binuhay ang anak ng babaeng balo. Sa pagpapakita ng Awa at Habag, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan. 

Isinalarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung paano siya kinahabagan ng Panginoon. Naranasan ni Apostol San Pablo ang Awa at Habag ng Diyos noong nagpakita ang Panginoong Hesukristo sa daang patungong Damasco. Bagamat siya'y kinilala bilang tagausig ng mga sinaunang Kristiyano, hinirang at pinili ng Diyos si San Pablo Apostol (na noo'y nakilala sa pangalang Saulo) upang maging bahagi ng misyon ng Simbahan. Hinirang at pinili ng Panginoon si Apostol San Pablo upang ipahayag ang Mabuting Balita sa mga Hentil. 

Nang dahil sa Awa at Habag ng Diyos, nagbago ang buhay ni Apostol San Pablo. Mula sa pagiging tagausig ng Simbahan, si San Pablo Apostol ay naging misyonero at tagapagpahayag ng Mabuting Balita sa mga Hentil. Ang makapangyarihang Awa at Habag ng Panginoon ang nag-udyok kay Apostol San Pablo na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Ang isang kinilalang tagausig ng Simbahan noon ay isa nang kilalang Apostol at Santo ng Simbahan. 

Sa Ebanghelyo, muling nagpakita ng Awa at Habag ang Diyos sa isang babaeng balo na namatayan ng anak. Ang Diyos ay nagpakita ng Awa at Habag sa balong taga-Nain sa pamamagitan ni Hesukristo, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Si Hesus ang Mukha ng Awa ng Ama. Kay Hesus, muling ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag. Noong si Hesus ay nasa sanlibutan, nakita ng sangkatauhan ang Mukha ng Diyos na puspos ng Awa at Habag. 

Sa pakikipagtitigan ng babaeng balo kay Hesus, nakita niya ang Mukha ng Awa ng Diyos. Nakita ng babaeng balo ang Awa ng Diyos na naging tao. Nakita ng balo ang Mukha ng Diyos. Nakaharap niya ang Diyos na puspos ng Awa at Habag para sa sangkatauhan. Nakipagtitigan ang babaeng balo sa masintahing pagtingin ni Hesus, na puno ng awa at habag para sa kanya. 

Nang makita ni Hesus ang babaeng balo na namatayan ng anak, napuno Siya ng Awa at Habag. Alam ni Hesus kung ano ang mangyayari sa babaeng ito matapos ilibing ang kanyang anak. Alam ni Hesus na mapupuno ng hapis, sakit, at lumbay ang buhay ng babaeng balo dahil mag-isa na lamang siya. Wala nang tutulong sa kanya. Wala nang maghahanap-buhay para sa kanya. Matagal nang pumanaw ang kanyang asawa. Ngayon naman, ang kanyang kaisa-isang anak ay pumanaw na rin. Magiging masakit at malungkot ang buhay ng babaeng balong ito ngayong wala na ang dalawang lalaking mahal niya - ang kanyang asawa at anak. 

Dahil sa Kanyang Awa at Habag, binuhay ni Hesus ang binata. Pagdaka'y bumangon ang binatilyo, at nagsalita sa harap ng madla. Matindi ang tuwa at galak na naramdaman ng ina ng binata nang masaksihan niya ang ginawa ng Panginoong Hesus para sa kanya at sa kanyang anak. Nakasaksi ang babaeng balo ng isang himala. Nakita ng babaeng balo ang kapangyarihan ng Awa at Habag ng Panginoon. Ang kanyang anak na namatay ay binuhay dahil sa kapangyarihan ng Awa at Habag ng Panginoon. Ang kalungkutan at hapis ng isang ina ay naging tuwa at kagalakan dahil sa Awa at Habag ng Panginoon. 

Maraming kabutihan ang naibubunga ng makapangyarihang Awa at Habag ng Panginoon. Dahil sa Awa at Habag ng Panginoon, ang ating mga panalangin at kahilingan ay natutupad at nagkakatotoo, ayon sa Kanyang naisin. Dahil dito, tayo ay nagkakaroon ng tuwa at galak. Kagalakan ang dulot ng kapangyarihan ng Awa at Habag ng Panginoon. Ang makapangyarihang Awa at Habag ng Panginoon ang sanhi ng ating kagalakan. Dahil sa kapangyarihan ng Awa at Habag ng Panginoon, tayong lahat ay natutuwa at nagagalak.