Linggo, Agosto 28, 2016

KINALULUGDAN AT PINAGPAPALA NG DIYOS ANG MGA MAPAGPAKUMBABA

28 Agosto 2016 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 3, 19-21. 30-31 (gr. 17-18. 20. 28-29)/Salmo 67/Hebreo 12, 18-19. 22-24a/Lucas 14, 1. 7-14 



Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni Sirak na ang kapakumbabaan ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Kinalulugdan ng Diyos ang mga mababang-loob. Ang Diyos ay malapit sa mga taong mapagpakumbaba. Ang mga taong mapagpakumbaba ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang Diyos ay labis na nasisiyahan sa tuwing nakakakita Siya ng mga taong nagpapakumbaba. 

Bakit kinalulugdan ng Diyos ang mga mapagpakumbaba? Bakit mas malapit Siya sa mga taong may kababaan ng loob? Ayon sa abad at pantas ng Simbahan na si San Bernardo, ang pagpapakumbaba ay isang birtud na kung saan hinahamak ng isang tao ang kanyang sarili dahil nakikilala niya ang kanyang tunay na sarili. Sa ibang salita, pagpapakatotoo. Ang pagpapakumbaba ay pagpapakatotoo sa ating tunay na pagkatao. Nababatid natin na bilang tao, hindi tayo malakas sa lahat ng oras. May mga pagkakataong tayo ay mahina. May mga pagkakataong kailangan nating humingi ng tulong mula sa kapwa. Higit sa lahat, may mga pagkakataong kailangan nating humingi ng saklolo mula sa Poong Maykapal. 

Kapag tayo ay nagpapakumbaba, hindi natin nakakalimutan ang Diyos. Kaya, mas malapit ang Diyos sa mga taong may kababaan ng loob. Kinalulugdan ng Poon ang mga mapagpakumbaba. Naaalala at ipinagmamalaki ng mga mapagpakumbaba ang Diyos. Binibigyan natin ng papuri at karangalan ang Diyos kapag inaalala at ipinagmamalaki natin Siya sa pamamagitan ng pagiging mapagpakumbaba. 

Kapag tayo ay nagpapakumbaba, ayon sa Ikalawang Pagbasa, tayo ay makakalapit sa Diyos. Mas magiging malapit ang ating puso't kalooban sa Diyos. Mas lalo tayo magiging malapit sa Diyos kung tayo ay magpapakumbaba. Sapagkat ang Diyos na ating nilalapitan ay ang Diyos na malapit sa mga may kababaan ng loob. 

Ang kabaligtaran ng pagpapakumbaba ay ang pagmamataas (kayabangan). Kung ang kapakumbabaan ay kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon, ang kayabangan ay kasuklam-suklam sa Kanyang paningin. Para sa Panginoon, ang pagmamataas ay nakakasuka. Kapag ang isang tao ay nagmataas, nakakalimutan niya ang lahat ng mga tumulong sa kanya. Pati nga ang Diyos, nakakalimutan. Mataas ang tingin sa sarili, pero kung umasal, akala mo naman walang katapat. Katunayan, may mga ibang tao na matagumpay sa buhay, pero hindi naman ganyan umasal. 

Isang napakalaking kasalanan sa paningin ng Diyos ang pagmamataas. Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang kayabangan. Kinasusuklaman ng Diyos ang mga mapagmataas. Hindi makakabahagi sa Panginoon ang mga mapagmataas. 

Kung ang mga mapagmataas ay hindi makakatanggap ng pagpapala at gantimpala mula sa Panginoon, ang mga mapagpakumbaba ay makakatanggap ng pagpapala at gantimpala mula sa Kanya. Ang Panginoon ay may inilaang gantimpala para sa mga mapagpakumbaba. May gantimpalang inihanda ang Panginoon para sa mga mapagpakumbaba. Isinalarawan sa Ebanghelyo ang pagpapala at gantimpalang ipagkakaloob ng Diyos sa mga mapagpakumbaba. 

Sa Ebanghelyo, isinalarawan ni Hesus sa pamamagitan ng isang talinghaga ang pagpapala at gantimpalang ipagkakaloob sa mga mapagpakumbaba. Itataas ng Diyos ang mga maamo at may kababaan ng loob. Ang Diyos ang magbibigay ng karangalan sa mga maamo at may kababaan ng loob bilang pagganti sa kanilang paggawa ng kabutihan. Pagpapalain at gagantimpalaan ng Diyos ang mga may kaamuan at kababaan ng loob. May mga inilaang pagpapala at gantimpala ang Diyos para sa mga maamo at may kababaan ng loob. 

Naranasan ng Mahal na Birheng Maria ang pagpapala at gantimpala ng Diyos para sa mga may kaamuan at kababaan ng loob. Kahit iniligtas siya ng Diyos bago siya isilang, kahit hinirang siya ng Diyos upang maging ina ni Kristo, hindi nagmataas si Maria kahit kailan. Bagkus, nanatili ang kaamuan at kababaan ng loob ng Mahal na Birheng Maria. Noong nagwakas ang kanyang buhay sa lupa, iniakyat sa langit ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Inang si Maria nang buong-buo. Ipinahayag ng Mahal na Ina sa kanyang awit ng pagpupuri, "Itinaas (ng Diyos) ang mga nasa abang kalagayan." (Lucas 1, 52b)  Mula sa kanyang abang kalagayan, si Maria ay itinaas ng Diyos. Iniakyat ng Diyos ang Mahal na Ina sa langit nang buong-buo, katawan at kaluluwa, noong nagwakas ang kanyang buhay sa lupa. 

Ang mga mapagpakumbaba ay kinalulugdan at pinagpapala ng Diyos. Kung nais nating maranasan ang kaluguran at pagpapala ng Poong Diyos, magpakumbaba tayo. Magkaroon nawa tayo ng kaamuan at kababaan ng loob upang maranasan natin ang kaluguran at pagpapala ng Panginoon. 

Linggo, Agosto 21, 2016

SUMUNOD SA PANGINOON UPANG MAKAMIT ANG KALIGTASAN

21 Agosto 2016
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 66, 18-21/Salmo 116/Hebreo 12, 5-7. 11-13/Lucas 13, 22-30 



Mayroong kasabihan sa wikang Ingles, "When in Rome, do what the Romans do." (Kapag nasa Roma ka, gawin mo kung ano ang ginagawa ng mga Romano.) Kung ano ang ginagawa ng karamihan, iyan din ang dapat nating gawin. Sa madaling salita, sumabay ka na lang sa agos. Minsan, ginagamit ang kasabihang ito para sa kabutihan. Ginagawa natin iyon upang maging maganda ang ating pakikitungo sa kapwa. Subalit, sa panahon ngayon, mas ginagamit ng karamihan ang kasabihang ito upang mangatwiran para sa maling gawain. Nakakalungkot, ang kasabihang ito ay ginagamit ng karamihan upang gawing tama ang mali. Pinipilit nating gawing tama ang mali. Subalit, ang mali ay mananatiling mali. Kung anong pagpupumilit ang gawin natin, hindi magiging tama ay mali. 

Sa Ebanghelyo, nagbigay ng babala si Hesus laban sa pakikisabay sa agos. Ito'y matapos tanungin Siya ng isang tao kung kakaunti lamang ang maliligtas. Para kay Hesus, mali ang tanong na ibinigay sa Kanya. Hindi iyan ang dapat tinanong sa Kanya. Ang dapat itinanong sa Kanya ay kung paano maliligtas ang bawat isa. Ano ang dapat gawin ng bawat isa upang makamit nila ang biyaya ng kaligtasan mula sa Diyos? Paano makakamit ng bawat isa ang kaligtasan ng Diyos? Paano matitiyak ng bawat isa na sila'y maliligtas? 

Ang Panginoong Hesus ang Siyang sumagot sa katanungang iyan, "Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan." (13, 24) Napakahirap ang ipinapagawa sa atin ng Panginoon. Kinakailangan nating magsikap upang makapasok tayo sa makipot na pintuan. May kasamang pagtitiis ang pagkakamit ng kaligtasan mula sa Diyos. Kinakailangan nating ibuhos ang ating buong lakas at tibay ng loob para makapasok tayo sa makipot na pintuan. Sapagkat ang makipot na pintuan ay ang daan patungo sa biyaya ng kaligtasang kaloob ng Panginoon. 

Kung ito'y ipinahayag ng Poong Hesus sa panahon ngayon, siguradong maraming magrereklamo. Napakahirap ang ipinapagawa ng Panginoong Hesukristo. Tiyak, kaliwa't kanan ang mga reklamo sa Poong Hesus. "Panginoon, bakit naman pong kailangan naming gawin iyan para maligtas? Wala po bang mas madaling paraan? Ayaw po namin ng masyadong mahirap! Gusto po naming maligtas pero huwag Niyo naman po kaming pahirapan! Hindi po namin kaya ito!" 

Iyan ang hirap sa atin sa panahon ngayon. Ayaw natin ng mahirap. Gusto natin ng madali at agad-agad. Ayaw nating pahirapan ang ating mga sarili. Tama naman na huwag nating pahirapan ang ating mga sarili. Subalit, huwag nating kaligtaan na may mga bagay na hindi madali, kahit gusto pa nating gawin iyon. May mga pagkakataon na kung saan kinakailangan nating magtiis ng maraming hirap kung gustong-gusto nating gawin ang isang bagay. May mga pagkakataong kailangan nating magtiis upang makamit natin ang tagumpay. Hindi magiging madali ang lahat ng bagay, lalung-lalo na ang iilan sa mga bagay na gusto nating gawin. 

Kaya, may mga kasabihan tayo ngayon, "Masarap ang bawal," at "Mas madali gumawa ng mali kaysa gumawa ng tama." Nakakalungkot, mas gugustuhin nating gumawa ng mali kaysa tama. Kahit alam nating mali ang isang bagay, gagawin pa rin natin ito kasi mas madaling gawin ito. Isa pa, ginagawa rin ito ng karamihan. Halimbawa, ang pagmumura. Alam nating na mali ang magmura. Subalit, bakit ginagawa pa rin natin ito? Kasi, nagpapahayag ng damdamin, ginagawa din iyan ng karamihan. Kahit ipinapahayag natin ang ating mga damdamin, mali pa rin iyon. Hindi ito magiging tama, kahit anong pagpupumilit ang gawin natin. 

Isa pang halimbawa, ang paggamit ng mga ipinagbabawal na droga. Alam natin na mali ang paggamit ng mga ilegal na droga. Subalit, marami pa rin ang gumagamit. Bakit? Kasi, magkakaroon ng kaginhawaan ang ating pakiramdam kapag tayo ay gumamit ng mga ipinagbabawal na droga. Pero, mali pa rin iyon, eh. Kahit anong pagpupumilit natin, mali pa rin ang paggamit ng mga ilegal na droga. Masama ang idudulot ng mga ilegal na droga sa ating kalusugan. Kahit maraming tao ang gumamit ng mga ilegal na droga, mali pa rin iyon. 

Ang pagsunod sa agos ay hindi laging tama. Hindi tama ang lahat ng bagay na ginagawa ng karamihan. Maaaring maging madali ang lahat ng bagay na ginagawa ng karamihan, subalit, hindi ibig sabihin noon tama ang lahat ng kanilang mga ginagawa. Mayroon din silang mga ginagawa na mali. Kahit mukhang madali ang mga maling gawain, mali pa rin ito. Kahit masarap gawin ang mga maling bagay, mali pa rin ito. Ang mali ay mananatiling mali, kahit ito'y ginagawa ng karamihan. Ang tama ay mananatiling tama, kahit kakaunti lamang ang gumagawa nito. 

Napakahirap ang ipinapagawa sa atin ng Panginoon. Ang pagpasok sa makipot na pintuan ay hindi madali. Subalit, kahit gaano kahirap sumunod sa mga salitang namutawi mula sa bibig ng Panginoon, ito ang tamang gawin. Ito ang dapat nating gawin. Kahit kaunti lamang ang gumagawa nito, ang pagsunod sa Panginoon ay laging tama. Kahit ang kalooban ng Panginoong ay salungat sa agos ng panahon, dapat nating gawin ito. Kahit napakahirap sundin ang kalooban ng Panginoon, ito'y dapat nating gawin sapagkat ito ang tamang gawain. 

Kung ang pagsunod sa agos ay hindi laging tama, ang pagsunod sa Diyos ay laging tama. Natitiyak natin na tayo ay maliligtas kapag tayo ay sumunod sa Panginoon. Tiyak, nasa tamang landas tayo kapag sumunod tayo sa Diyos. Hindi tayo aakayin ng Diyos patungo sa kapahamakan. Bagkus, aakayin tayo ng Panginoon patungo sa kaligtasan. Minsan, may mga pagkakataong sasalungat sa agos ng panahon ang kalooban ng Diyos. Huwag tayong magdalawang-isip; sumalungat tayo sa agos ng panahon at sumunod sa Panginoong Diyos. Pumasok tayo sa makipot na pintuan bilang pagsunod sa Panginoon upang makamit natin ang Kanyang pagliligtas. 

Linggo, Agosto 14, 2016

PAG-AAKYAT SA LANGIT SA MAHAL NA BIRHENG MARIA: GAWA NG AWA NG DIYOS

15 Agosto 2016
Pagmimisa sa Araw ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria 
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-45 



Ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ay isa sa apat na dogma ng Simbahan patungkol sa Mahal na Ina. Ayon sa Katesismo ng Simbahan, ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ang hudyat ng katapusan ng buhay ng kanyang buhay sa lupa. Nang dumating ang wakas ng kanyang buhay sa lupa, ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria ay iniakyat sa langit nang buong-buo. Muling naramdaman ng Mahal na Birheng Maria ang Awa ng Diyos, kahit sa huling sandali ng kanyang buhay sa daigdig. 

Katulad ng ipinahihiwatig ng iba pang mga dogma patungkol sa Mahal na Birhen, ang Awa ng Diyos ay kumilos noong iniakyat ang Mahal na Birhen sa langit. Ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ay isang gawa ng Awa ng Diyos. Iniakyat ang Mahal na Birheng Maria sa langit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Awa ng Diyos. Sa pamamagitan ng pag-akyat sa Mahal na Birheng Maria sa langit, muling ipinamalas ng Diyos ang kapangyarihan ng Kanyang Awa. 

Sa Ebanghelyo, ipinahayag ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang awit, "At mula ngayon, ako'y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan - Banal ang Kanyang Pangalan!" (1, 48b-49) Ang pahayag na ito ay isang patotoo ng Mahal na Birheng Maria tungkol sa pagkilos ng Awa ng Diyos sa kanyang buhay. Si Maria ay naging saksi ng Awa ng Diyos sa kabuuan ng kanyang buhay sapagkat araw-araw niyang nasaksihan ang pagkilos ng Awa ng Diyos sa kanyang buhay. 

Walang sawa ang ginawa ng Diyos para sa Mahal na Ina. Ang Diyos ay hindi nagsawa sa pagpapamalas ng Kanyang Awa sa Mahal na Ina. Hindi tumigil ang Diyos sa pagpapadama ng Kanyang Awa kay Maria. Ang Diyos ay gumawa ng maraming kahanga-hangang bagay para kay Maria upang ipakita at ipadama sa kanya ang Kanyang Awa. Ipinamalas at ipinadama ng Diyos sa Mahal na Birhen ang Kanyang Awa sapagkat siya'y naging kalugud-lugod sa Kanyang paningin. 

Paano naging kalugud-lugod si Maria sa paningin ng Diyos? Ang kanyang kamag-anak na si Elisabet ang sumagot sa katanungang ito, "Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!" (1, 45) Nanalig si Maria sa Diyos na Siya ring nagligtas sa kanya noong siya'y ipinaglihi sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana. Buong pananalig na tumalima at tumupad si Maria sa Salita ng Diyos na ipinahayag sa kanya. Ibinigay ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang buong pusong pananalig sa Awa ng Diyos. 

Dahil naging kalugud-lugod ang Mahal na Birheng Maria sa paningin ng Diyos, hindi Niya pinahintulutang mabulok sa libingan ang Mahal na Birheng Maria. Hindi hinayaan ng Diyos na mabulok sa lupa ang katawan ni Maria. Kaya, nang dumating ang huling sandali ng Mahal na Ina sa lupa, iniakyat ng Diyos nang buong-buo ang kanyang katawan at kaluluwa sa langit. Kung paanong iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanang mana bago siya ipaglihi ni Santa Ana, gayon din naman, iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria mula sa pagkabulok sa libingan.

Ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ay isang Gawa ng Awa ng Diyos. Muling kumilos ang Awa ng Diyos para sa Mahal na Birheng Maria noong iniakyat siya sa langit sa katapusan ng kanyang buhay sa lupa. Ang Mahal na Ina ay iniakyat sa langit dahil sa Awa ng Diyos. Kumilos ang Awa ng Diyos sa kabuuan ng buhay ni Maria dahil sa kanyang buong pusong pananalig. Ibinigay ng Birheng Maria ang kanyang buong pusong pagtitiwala sa Awa ng Diyos hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay sa lupa. Nang sumapit ang huling sandali ni Maria sa lupa, iniakyat siya ng Diyos sa langit nang buong-buo, katawan at kaluluwa. 

MARIA: PINAGPALA DAHIL SUMUNOD AT TUMUPAD SA SALITA NG DIYOS

14 Agosto 2016 
Pagmimisa sa Bisperas ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria 
1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2/Salmo 131/1 Corinto 15, 54b-57/Lucas 11, 27-28 



Sa Ebanghelyo, ipinahayag ng Panginoong Hesus na higit na mapalad ang mga nakikinig at tumutupad sa Salita ng Diyos. Ito'y matapos isigaw ng isang babae mula sa karamihan na mapalad ang Kanyang Ina sapagkat siya ang nagdala sa Kanya sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa Kanya. Ang pahayag na ito ni Hesus ay isang pagbibigay-pugay sa Mahal na Inang si Maria. Pinarangalan ni Hesus si Maria sapagkat siya'y sumunod at tumupad sa Salita ng Diyos. Hindi lamang nakinig si Maria sa Salita ng Diyos, tinupad niya ito. Hinayaan niyang magkaroon ng katuparan ang Salita ng Diyos sa pamamagitan niya. 

Maraming pagkakataon sa buhay ng Mahal na Birheng Maria kung saan siya'y nakinig at tumupad sa Salita ng Diyos. Isa na rito ay noong ibinalita sa kanya ng Arkanghel Gabriel na siya'y hinirang ng Diyos upang maging ina ni Kristo. Hindi tumutol si Maria sa kalooban ng Diyos. Hindi siya nagbingi-bingihan sa Salita ng Diyos. Hindi niya sinalungat ang Salita ng Diyos na ipinahayag sa kanya ni San Gabriel Arkanghel. Bagkus, taos-pusong nakinig, sumunod, at tumalima si Maria sa Salita ng Diyos. Isinantabi ni Maria ang lahat ng kanyang mga plano sa buhay para magkaroon ng katuparan ang Salita ng Diyos. Kahit alam ni Maria na hindi magiging madali ang tungkuling ibinigay sa kanya ng Diyos, tinanggap pa rin niya ito upang magkaroon ng katuparan ang Salita ng Diyos. 

Hinangad ng Mahal na Ina na magkaroon ng katuparan ang Salita ng Diyos. Wala siyang ibang hinangad kundi ang kaganapan ng Salita ng Diyos. Isinakripisyo ng Mahal na Ina ang kanyang mga plano sa buhay upang magkaroon ng kaganapan ang Salita ng Diyos. Kahit marami siyang balakin sa buhay, isinakripisyo niya ang lahat ng mga ito upang matupad ang Salita ng Diyos. 

Batid ng Mahal na Birheng Maria na hindi madali ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Napakalaki at napakabigat ang pananagutan ni Maria sa Diyos. Para sa isang babaeng katulad ni Maria, napakahirap gampanan ang tungkuling ibinigay sa kanya ng Diyos. Hindi pangkaraniwan ang sanggol na ipaglilihi at iluluwal ni Maria mula sa kanyang sinapupunan. Ang sanggol na dadalhin niya sa kanyang sinapupunan ay ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. Mahirap ang responsibilidad na ibinigay ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria. 

Subalit, kahit napakahirap ang tungkuling iniatas sa kanya ng Diyos, tinanggap pa rin ito ng Mahal na Birhen. Buong pananalig tumalima at tumupad ang Birheng Maria sa Salita ng Diyos. Kahit alam ni Maria na mas madali ang kanyang mga plano sa buhay, isinantabi niya ito upang matupad ang Salita ng Diyos. Ipinasa-Diyos na lamang ng Mahal na Birhen ang lahat ng kanyang mga balakin sa buhay upang magkaroon ng kaganapan ang Salita ng Diyos. 

Dahil sumunod at tumalima ang Mahal na Birheng Maria sa Salita ng Diyos na ipinahayag sa kanya ng Arkanghel Gabriel, nakamit niya ang titulong, "Kaban ng Bagong Tipan."  Kung paanong dinala ng Kaban ng Tipan ang dalawang tapyas na bato na kinasusulatan ng Sampung Utos ng Diyos, gayon din naman, dinala ng Mahal na Birheng Maria ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Sa Lumang Tipan, dinala ng Kaban ng Tipan ang Salita ng Diyos na nakataga sa bato - ang Sampung Utos ng Diyos. Sa Bagong Tipan, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay nanahan sa sinapupunan ng Bagong Kaban ng Tipan na si Maria. 

Sa katapusan ng kanyang buhay, ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria ay iniakyat ng Diyos sa langit nang buong-buo. Hindi pumayag ang Diyos na mabulok sa lupa ang katawan ng Mahal na Ina sa katapusan ng kanyang buhay. Nanahan sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria sa loob ng siyam na buwan ang Panginoong Hesukristo, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi rin dinungisan ng kasalanan si Maria buong buhay niya dahil iniligtas siya ng Diyos mula sa dungis ng kasalanan bago pa siya isilang. Pinagpala ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria, mula pa sa sandaling ipinaglihi siya ng kanyang inang si Santa Ana. Kaya, sa katapusan ng kanyang buhay, iniakyat ng Panginoong Diyos ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria sa langit.

Sa Unang Pagbasa, ipinasok sa toldang inihanda ni Haring David ang Kaban ng Tipan. Kung paanong ipinasok ng mga Levita ang Kaban ng Tipan sa lugar na pinaglalaanan ni Haring David para dito, gayon din naman, ang Kaban ng Bagong Tipan na si Maria ay ipinasok ng Diyos nang buong-buo sa kaharian ng Diyos sa langit. Ang Diyos ay naglaan ng isang lugar sa Kanyang kaharian sa langit para sa Mahal na Birheng Maria, ang Kaban ng Bagong Tipan, sa katapusan ng kanyang buhay sa lupa. Nang dumating ang wakas ng buhay ng Mahal na Birheng Maria sa lupa, iniakyat siya nang buong-buo sa langit sa kapangyarihan ng Diyos.

Pinagpala ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria dahil siya'y sumunod at tumupad sa Salita ng Diyos na ipinahayag sa kanya. Ang ginawang pagsunod at pagtupad ng Mahal na Birheng Maria sa Salita ng Diyos ay ang kanyang pagpaparangal sa Diyos. Dahil ipinarangalan niya ang Diyos, ipinarangalan din siya ng Diyos. At sa katapusan ng kanyang buhay, ang Mahal na Birheng Maria ay iniakyat sa langit nang buong-buo dahil pinagpala siya ng Diyos. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, naranasan ng Mahal na Birheng Maria ang pagpapala ng Diyos. 

Sabado, Agosto 13, 2016

SA PANGINOON DAPAT NAKASENTRO ANG ATING BUHAY

14 Agosto 2016 
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Jeremias 38, 4-6. 8-10/Salmo 39/Hebreo 12, 1-4/Lucas 12, 49-53 



Ang buhay pag-ibig ay isang napakalaking bahagi ng buhay ng tao, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Karamihan na po siguro sa atin ang nakaranas nang umibig. Maski nga ang mga kabataan ngayon, nakaranas nang umibig. Kadalasan, kapag tayo ay lumalabas kasama ang mga kaibigan, madalas natin tinatanong ang isa't isa, "Kumusta na ang iyong buhay pag-ibig?" Kinukumusta natin ang buhay pag-ibig ng ating mga kaibigan. At kapag nababalitaan natin na ayos lang ang kanyang buhay pag-ibig, lalung-lalo na kung mayroon na siyang kasintahan, karamihan sa atin ay naiinggit. Mabuti pa sila, mayroong kasintahan. Mabuti pa sila, maganda ang buhay pag-ibig. Samantala, tayo naman, walang kasintahan o walang buhay pag-ibig. Atat na atat nang magkaroon ng kasintahan. Kapag nagkaroon na ng kasintahan, makakaranas sila ng tagumpay at katuwaan. 

Maganda ang pakiramdam ng pagkakaroon ng buhay pag-ibig. Maganda ang pakiramdam kapag nagkaroon ng kasintahan. Maganda ang pakiramdam kapag pumasok tayo sa pag-ibig. Masarap talaga sa pakiramdam. Parang nakamit na natin ang tagumpay kapag nagkaroon tayo ng buhay pag-ibig. 

Subalit, kapag tayo ay umiibig, hindi na natin alam kung sino ba dapat ang nasa sentro ng ating buhay. Kadalasan, kapag tayo ay umibig, ginagawa nating sentro ng ating buhay ang taong iniibig natin. Ginagawa nating sentro ng ating buhay ang hindi dapat maging sentro ng buhay natin. Isang napakalaking pagkakamali ang gawing sentro ng buhay natin ang iniirog natin. Hindi dapat nating isentro ang ating buhay sa ating mga kasintahan, gaano man natin sila iniirog. 

Kapag ginawa nating sentro ng ating buhay ang iniirog natin, anong mangyayari? Mabibigo lamang tayo sa bandang huli. Kapag isinentro natin ang ating buhay sa ating mga kasintahan, tinatahak natin ang landas tungo sa kabiguan at kasawian. Tinatahak natin ang maling landas. Ang hantungan ng maling landas ay kabiguan at kasawian, hindi tagumpay at tuwa. 

Sino ang dapat maging sentro ng ating buhay? Ang Diyos. Sa Panginoong Diyos dapat magsentro ang buhay natin. Ito ang tama. Ito ang dapat nating gawin. Dapat nating gawin ito, kahit marami ang hindi sasang-ayon sa atin. Tututulan tayo ng marami, ipagkakaila, tatalikuran ng karamihan sa lipunan dahil dito. Subalit, ito ang tama. Dapat natin isentro ang ating buhay sa Diyos, kahit ang karamihan sa lipunan ay tutol sa atin. Magulo man ang lahat ng bagay sa simula, magkakaroon din ng kaayusan ang lahat ng iyon. Magiging maayos ang lahat sa bandang huli kung ang buhay natin ay nakasentro sa Diyos.

Inilalarawan sa atin ng mga Pagbasa ngayon ang kahalagahan ng pagsesentro ng ating buhay sa Diyos. Kapag isinentro natin ang ating buhay sa Diyos, magiging maayos ang lahat sa bandang huli. Magkakaroon ng kaayusan ang lahat ng bagay, sa tulong ng Diyos. Aayusin ng Diyos ang lahat ng bagay, sa kahuli-hulihan. 

Sa Unang Pagbasa, si propeta Jeremias ay inihugos ng kanyang mga kaaway sa balon ni Prinsipe Malquias. Subalit, nanalig si Jeremias na ang Diyos ang Siyang magliligtas sa Kanya. Umasa si Jeremias ng tulong mula sa Diyos. Dahil umasa si Jeremias sa Diyos, dumating ang tulong na kaloob Niya. Nakiusap sa hari si Ebed-melec na kung maaari'y iahon si Jeremias mula sa balon sapagkat maaari siyang mamatay sa gutom. Pinahintulutan naman ng hari ang kahilingan ni Ebed-melec. Iniutos pa nga niya si Ebed-melec na magsama ng tatlong lalaki upang iahon si Jeremias mula sa balon. Sina Ebed-melec at ang tatlong lalaking ipinadala ng hari ay mga kaloob ng Diyos kay Jeremias. Dahil nakasentro ang buhay ni Jeremias sa Diyos, sinaklolohan siya ng Diyos sa oras ng matinding pangangailangan. Inayos ng Diyos ang lahat ng bagay para kay Jeremias. 

Tayong lahat ay hinihikayat ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa na panatilihin ang Diyos sa sentro ng ating buhay. Kapag ang Diyos ay nanatili sa sentro ng ating buhay, magkakaroon tayo ng lakas upang magtiis sa mga oras ng tiisin. Ang lakas natin sa oras ng mga pagsubok ay magmumula sa Diyos. Ipagkakalooban tayo ng Diyos ng lakas at katatagan ng loob upang magtiis sa mga oras ng pagsubok. Tiyak magiging maayos ang lahat ng bagay sa tulong ng Diyos pagkatapos ng lahat ng mga pagsubok at tiisin sa buhay. 

Sa Ebanghelyo, ipinapaalala ni Hesus na magkakaroon pa rin ng pagkakabaha-bahagi, kahit nakasentro ang ating buhay sa Diyos. Masusubukan ang ating tiwala at pananalig sa Diyos. Hindi magiging madali ang lahat ng bagay sa simula. Hindi tayo tatanggapin ng karamihan sa lipunan. Tututulan tayo ng karamihan dahil sa ating paninindigan. Tatalikuran at itatakwil tayo ng karamihan. Tutuksuhin din tayong ibahin ang sentro ng ating buhay. Tutuksuhin tayo ng iba na huwag nang isentro sa Diyos ang buhay natin. Bagkus, ibahin na lang natin ang sentro ng ating buhay. Isentro ang ating buhay sa iba, kahit alam nating mali ito. 

Mahirap labanan ang tuksong ibahin ang sentro ng ating buhay. Subalit, huwag nating kalilimutang hindi nagpapabaya ang Diyos. Hindi pinababayaan ng Diyos ang lahat ng tao, lalung-lalo na ang mga taong nakasentro sa Kanya. Tutulungan tayo ng Diyos. Sasaklolohan Niya tayo. Ang Diyos ang sasaklolo sa atin sa panahon ng matinding pangangailangan. Ang Diyos ang tumutulong sa atin sa panahon ng pangangailangan. Magmumula sa Panginoon ang tulong at saklolo na kailangan natin sa panahon ng pangangailangan. At saka, magkakaroon din ng kaayusan ang lahat ng bagay sa bandang huli sa tulong ng Diyos. 

Ipanalangin natin na sumentro ang ating buhay sa Diyos at hindi sa iba. Sa Diyos dapat sumentro ang ating buhay. Ito ang dapat nating gawin. Ito ang tama. Ang buhay natin ay dapat nakasentro sa Diyos. Ang tumutulong sa atin ay ang Diyos na puspos ng awa at habag para sa lahat. Sa panahon ng matinding pagsubok at pangangailangan, sasaklolohan tayo ng Diyos. Siya ay laging handang sumaklolo sa atin. Hindi Niya tayo pababayaang magdusa dahil sa mga pagsubok sa buhay. Tutulungan Niya tayo kapag kailangan natin ng tulong. At sa tulong ng Diyos, magkakaroon ng kaayusan ang lahat ng bagay sa bandang huli. Sa kahuli-hulihan, aayusin ng Diyos ang lahat ng bagay dahil sa Kanyang Awa. 

Linggo, Agosto 7, 2016

HUWAG NATING SAYANGIN ANG PAGKAKATAONG LUMALIM PA ANG ATING PANANALIG SA DIYOS

7 Agosto 2016
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 18, 6-9/Salmo 32/Hebreo 11, 1-2. 8-19 (o kaya: 11, 1-2. 8-12)/Lucas 12, 32-48 (o kaya: 12, 35-40) 


Magtiwala sa Panginoon. Ito ang tema ng mga Pagbasa ngayon. Para sa ating lahat na sumasampalataya sa Panginoon, hinahamon tayo ng mga Pagbasa ngayon na palalimin pa natin ang ating pagtitiwala sa Kanya. Napakahalaga sa ating buhay-espiritwal ang pananalig sa Panginoon. Hindi sapat ang sumampalataya lamang tayo sa Kanya. Walang kabuluhan ang ating pananampalataya sa Diyos kung wala naman tayong tiwala sa Kanya. Kailangan din nating magkaroon ng pananalig sa Diyos. Magkarugtong ang pananampalataya at pananalig sa Diyos. Hindi natin maaaring paghiwalayin ang dalawang ito dahil sa kanilang ugnayan sa isa't isa. 

Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa gabi ng pagliligtas ng Diyos. Ililigtas ng Diyos ang Kanyang bayan mula sa mga kaaway nito. Sa mata ng mga kaaway ng bayan ng Diyos, ang gabing iyon ay isang gabi ng lagim. Katakut-takot ang mangyayari sa kanila sa gabing iyon. Parurusahan sila ng Panginoong Diyos dahil sa kanilang kasamaan. Subalit, ang mga matutuwid, ang mga kabilang sa bayan ng Diyos, ay maliligtas. Sa kanilang mga mata, ang gabing iyon ay isang gabi ng kaluwalhatian at kaligtasan. Nanalig sila na ang Panginoong Diyos ang kanilang Tagapagligtas. Nanalig sila na ililigtas sila ng Panginoon mula sa kanilang mga kaaway. Dahil sa kanilang pananalig, natupad ang kanilang kahilingan sa Diyos. Iniligtas ng Diyos ang Kanyang bayan mula sa mga kaaway nito. 

Isinilaysay sa Ikalawang Pagbasa kung paanong ginantimpalaan ng Diyos sina Abraham at Sara dahil sa kanilang pananalig. Ipinagkalooban Niya ng anak sina Abraham at Sara - si Isaac. Sa kabila ng kanilang katandaan, nagkaroon ng anak sina Abraham at Sara. Nangako rin ang Diyos kay Abraham na siya'y magiging ama ng maraming mga bansa. Sa kanya magmumula ang isang lahing kasindami ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa dalampasigan. Pinagpala ng Diyos ang mag-asawang sina Abraham at Sara dahil sa kanilang pananalig. 

Sa Ebanghelyo, si Hesus ay gumamit ng talinghaga sa Kanyang pagtuturo upang ipakita ang kahalagahan ng pananalig sa Diyos. Ang unang talinghagang ginamit ni Hesus ay ang talinghaga ng mga alipin. Ang mga alipin ay naghanda para sa pagbalik ng kanilang amo. Ang pangalawang talinghagang ginamit ni Hesus ay ang talinghaga ng puno ng sambahayan. Hindi siya nag-abala o naghanda para sa pagdating ng magnanakaw. Pinabayaan niya na mapasukan ng mga magnanakaw ang kanyang tahanan. Dahil diyan, ninakaw ang lahat ng kanyang ari-arian. Wala ni isa man sa kanyang mga kayamanan ang natira. 

Sa unang talinghaga, ang mga alipin ay naghanda para sa pagdating ng kanilang amo bilang pagsunod sa kanyang kalooban. Ipinapakita ng mga aliping ito ang kanilang tiwala at pananalig sa kanilang amo. Nanalig silang babalik ang kanilang amo pagkatapos ng kasalan. Puspusan silang maghahanda para sa pagdating ng kanilang amo. Pag-iigihan nila ang kanilang paghahanda. Nanalig silang maaaring dumating ang kanilang amo kahit anong oras, lalo na sa oras na hindi inaasahan. Alam nilang hindi magtatagal at uuwi rin ang kanilang amo. 

Sa pangalawang talinghaga, hindi nanalig ang puno ng sambahayan sa balitang may magnanakaw na maaaring dumating sa kanilang barangay. Pinabayaan na lamang niyang mapasukan ng magnanakaw ang kanyang tahanan. Hindi siya nagtiwala o nanalig sa mga kumakalat na balita at babala laban sa magnanakaw. Hindi siya nanalig na malaki ang posibilidad na may magaganap na pagnanakaw sa kanilang barangay. Ang puno ng sambahayan ay hindi naghanda o nag-abala. Hindi niya pinansin ang mga ito. Bagkus, sinalungat niya ang mga balitang ito. Sa bandang huli, pinagbayaran niya ang kanyang mga ginawa dahil ninakawan ang kanyang tahanan sa oras na di-inaasahan. 

Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataong palalimin pa ang ating pananalig sa Diyos. Huwag nating sayangin ito. Isang napakagandang pagkakataon ito upang lalo pang tumibay pa ang ating ugnayan sa Panginoon. Mas lalo tayong magiging malapit sa Poong Maykapal kung mas lalo pa nating palalalimin ang ating tiwala at pananalig sa Kanya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong palalimin pa ang ating pananalig sa Diyos. Hayaan nating mas lumalim pa ang ating pananalig sa Diyos upang mas lalo tayong magiging malapit sa Kanya. 

Gaano ba kalalim ang ating pananalig sa Poong Diyos? Gaano ba katibay ang ating tiwala sa Panginoon? Suriin natin ang ating sarili, at hayaan nating mas lalo pang lumalim ang ating pananalig sa Diyos. Kapag hinayaan nating lumalim ang ating pananalig sa Diyos, mas lalo tayong mapapalapit sa Kanya. 

Sabado, Agosto 6, 2016

ANG KALUWALHATIAN NG DIYOS

6 Agosto 2016 
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (K) 
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Lucas 9, 28b-36 


Isang napakahalagang sandali sa buhay ni Hesus ay ang Pagbabagong-Anyo sa Bundok ng Tabor. Ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo ay isang pagsulyap sa kaluwalhatian ng Awa ng Diyos. Ipinasulyap ng Mukha ng Awa ng Ama na si Hesus ang kaluwalhatian na Kanyang makakamit sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Ipinasulyap ng Panginoong Hesus ang magiging kalalabasan ng Kanyang pagtanggap sa kalooban ng Ama, ang Kanyang misyon. Kapag natupad na ang lahat ng mga kailangang mangyari sa bandang huli, magtatagumpay si Hesus. Hindi mabibigo si Hesus sa Kanyang misyon. Sa kahuli-huliha'y makakamit ni Hesus ang tagumpay at kaluwalhatian. 

Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos. Isinalaysay ng mga manunulat ng mga Pagbasa ngayon ang ilang mga sandaling ipinasulyap ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian. Ipinapasulyap sa atin ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian upang palakasin ang ating pananalig sa Kanya. Nalalaman ng Diyos na may mga pagkakataong nasusubukan ang ating pananalig sa Kanya. Sa mga sandaling iyon, ipinapasulyap ng Panginoon sa atin ang Kanyang kaluwalhatian. Sa tulong nito, mapapalakas ang ating kalooban at pananalig sa Kanya. 

Sa Unang Pagbasa, nagkaroon ng isang pangitain si propeta Daniel. Namalas niya ang kadakilaan ng isang nabubuhay magpakilanman. Siya'y nakasuot ng puti at nakaupo sa isang tronong nagniningning. Nasa kanya ang lahat ng mga katangian ng isang hari at hukom. Pinaglilingkuran siya ng mga tao mula sa iba't ibang lipi, bayan, at bansa. Sino ang misteryosong taong nasa pangitain ni propeta Daniel? Siya'y walang iba kundi ang Panginoon. Ipinasulyap ng Panginoon kay propeta Daniel sa isang pangitain ang Kanyang kaluwalhatiang walang hanggan. 

Ibinahagi ni Apostol San Pedro ang kanyang karanasan sa Bundok ng Tabor sa Ikalawang Pagbasa. Si San Pedro Apostol ay isa sa mga tatlong alagad na isinama ng Panginoong Hesus sa bundok. Ang magkapatid na sina Apostol Santiago at San Juan ay nandoon din kasama nina Hesus at Pedro sa bundok. Nakita nilang tatlo ang Panginoong Hesus na nagbagong-anyo sa kanilang piling. Nakita nila si Hesus taglay ang Kanyang buong kaningningan at kaluwalhatian. Narinig din ng tatlong alagad ang tinig ng Ama mula sa langit. Ipinakilala at ipinagmalaki ng Ama mula sa langit ang Kanyang Bugtong na Anak na minamahal. 

Halos walang pinagkaiba ang Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo para sa araw na ito. Ang pinagkaiba lamang ng Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo ay ang nagsulat nito. Magkaiba ang manunulat ng Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo. Subalit, iisa lamang ang nais pagtuunan ng pansin ng mga manunulat ng Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo para sa araw na ito - ang Pagbabagong-Anyo ng Poong Hesus. 

Sa Ebanghelyo, nagbagong-anyo si Hesus matapos manalangin nang mataimtim sa Ama. Nasaksihan ng tatlong alagad na kasama Niya sa bundok ang Kanyang pagbabagong-anyo. Namalas nila ang kaningningan at kaluwalhatiang tinaglay ni Kristo. Nakita rin nila ang dalawang dakilang panauhin mula sa Lumang Tipan na sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa Panginoon. Narinig din nila ang tinig ng Amang nagsasalita mula sa langit. Maraming nasaksihan ang mga alagad noong kapiling nila ang Panginoong Hesus sa bundok.

Napakahalaga ang ipinasulyap ng Panginoong Hesus sa Kanyang Pagbabagong-Anyo. Sa Kanyang Pagbabagong-Anyo, ipinamalas ni Hesus ang kaluwalhatian at tagumpay na makakamit Niya sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Ipinasulyap ng Panginoong Hesukristo ang kaluwalhatian at tagumpay upang palakasin ang loob ng tanan. Tinitiyak ni Hesus sa lahat na hindi mauuwi sa kabiguan at kamatayan ang Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Bagkus, magtatagumpay Siya sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo ay magiging daan tungo sa tagumpay at kaluwalhatiang walang hanggan.