Lunes, Setyembre 26, 2016

SAN LORENZO RUIZ: NANATILING TAPAT SA PANGINOON HANGGANG SA ORAS NG KAMATAYAN

28 Setyembre 2016 
Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir 
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25*/Mateo 5, 1-12 
(*Maaring laktawan ang Ikalawang Pagbasa) 



"Isa akong Katolikong Pilipino, at buong puso kong tinatanggap ang kamatayan para sa Panginoon. Kung mayroon man akong sanlibong buhay, iaalay ko ang lahat ng iyon para sa Kanya." - San Lorenzo Ruiz 

Ginugunita natin ang kabayanihan at kabanalan ng Unang Santong Pilipino na si San Lorenzo Ruiz. Siya'y namatay bilang martir sa bansang Hapon. Pinaslang siya kasama ng iba pang mga misyonero ng mga autoridad noong kapanahunang yaon dahil hindi niya isinuko ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Ang pagtanggap at pagharap ni San Lorenzo Ruiz sa kamatayan ang nagpatunay na siya'y tunay na nananalig at sumasampalataya sa Diyos. Sabi nga ni Apostol Santiago sa kanyang sulat, "Patay ang pananampalatayang walang gawa." (2, 17) Napatunayan ni San Lorenzo Ruiz ang kanyang pananampalataya sa Dios noong hinarap at tinanggap niya ang kamatayan bilang martir ng Panginoon. 

Ang mga Pagbasa ngayon ay angkop na angkop sa pagdiriwang natin ngayon. Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni Sirak na ang mga nais maglingkod sa Maykapal ay dapat humanda para sa mga pagsubok sa buhay. Ipinahayag naman ng Unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa kanyang sulat sa Ikalawang Pagbasa na dapat nating talikuran ang mga masasamang hilig ng mundo, kahit gaano mang kahirap ito. Sa Ebanghelyo, itinuro ni Hesus ang mga Mapapalad bilang bahagi ng Kanyang pangangaral o sermon sa bundok. 

Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni Sirak na dapat maghanda ang mga nais maging lingkod ng Poong Diyos para sa mga matitinding pagsubok. Kinakailangan nilang maging tapat at matatag sa mga oras ng kagipitan. Kinakailangan nilang manalig sa Poong Mahal sa mga oras ng pagtitiis at pagdurusa. Kung nais nating maging mga lingkod ng Poong Maykapal, kinakailangan nating ibigay ang ating buong katapatan sa Kanya, sa hirap man o sa ginhawa. 

Sa Ikalawang Pagbasa, hinikayat naman ni Apostol San Pedro ang lahat ng mga nais maglingkod kay Kristo na talikuran ang mga masasamang hilig ng mundo. Naku, napakahirap gawin iyon. May kasamang pagdurusa iyan. Paano nating matatalikuran ang mga masamang pita ng laman, lalung-lalo na't tayong lahat ay mga mahihinang makasalanan? 

Alalahanin natin, si San Pedro Apostol, tulad ni San Lorenzo Ruiz, ay nagkasala rin noong siya'y nabubuhay pa dito sa daigdig. Kahit tinawag at hinirang ni Kristo si Apostol San Pedro, kahit kabilang siya sa labindalawang alagad, kahit hinirang siya bilang pinuno ng mga apostol, may mga kahinaan din siya. Hindi siya naging ligtas mula sa mga tukso. Subalit, paano niya nilabanan ang masamang hilig ng laman? Umasa at nanalangin siya sa Panginoon. Nanalig siya sa Panginoon. Kahit may mga pagkakataong napakaliit ang kanyang pananalig, ginamit pa rin niya ito upang labanan ang mga ito. Nanalig siya na hindi siya pababayaan ng Panginoon. 

Manalig tayo sa Panginoon. Kahit napakaliit ang ating pananalig sa Panginoon, gamitin natin ang ating pananalig sa Panginoon upang labanan ang mga tukso sa buhay. Manalig tayo na hindi tayo pababayaan ng Panginoon sa ating pakikibaka laban sa mga tukso at pagsubok sa buhay. 

Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang simula ng pangangaral ng Panginoong Hesus sa bundok. Sa simula ng pagtuturo ni Hesus sa bundok, itinuro Niya ang mga Beatitudo (Mapapalad). Inilarawan ni Hesus sa mga Beatitudo kung sino ang mga tunay na mapapalad. Kabilang sa mga mapapalad ang mga inuusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kahit nasa gitna ng pag-uusig, susunod pa rin sa kalooban ng Diyos. Titiisin ang bawat pagdurusang kalakip ng pananalig at pagsunod sa kagustuhan ng Diyos. Iyan ang tunay na mapalad. Iyan ang tunay na tagasunod ni Kristo. Tapat na nananalig at tumutupad sa kalooban ng Diyos, sa gitna ng pag-uusig at pagdurusa. 

Kaya natin ginugunita ang pagka-martir ni San Lorenzo Ruiz de Manila sa araw na ito. Si San Lorenzo Ruiz ay nananalig sa Diyos nang may buong katapatan, kahit nasa gitna ng pag-uusig. Kahit alam niyang papatayin siya ng mga nasa autoridad dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos, hindi siya bumitiw mula sa kanyang pananampalataya. Hindi niya isinuko ang kanyang pananampalataya. Hindi niya ipinagpalit ang kanyang pananampalataya sa Diyos sa kanyang buhay. Bagkus, pinili niyang mamatay bilang isang martir ng Panginoon sa isang bayang dayuhan alang-alang sa kanyang pananampalataya sa Kanya. 

Napatunayan ni San Lorenzo Ruiz ang kanyang pananampalataya sa Diyos noong pinili niyang mamatay bilang martir alang-alang sa Kanya kaysa itakwil Siya at mabuhay. Napatunayan ni San Lorenzo Ruiz na matibay at matatag ang kanyang pananampalataya sa Diyos, sa gitna ng pagdurusa at pag-uusig. Kahit nagdurusa at inuusig sa kamay ng mga opisyal noon, pinili niyang manatiling tapat sa Dios, kahit ang katumbas nito ang kanyang buhay dito sa mundo. 'Pagkat para kina San Lorenzo Ruiz at ang kanyang mga kasama, walang saysay ang mabuhay sa mundo kung ang Diyos na Poong Mahal ay itatakwil. Mas pinili ni San Lorenzo Ruiz na manalig nang buong katapatan sa Diyos hanggang kamatayan sa halip na itakwil Siya at mamuhay nang walang kabuluhan. 

AWIT SA PAGNINILAY: "Sanlibong Buhay" (Bukas Palad Music Ministry) 



Linggo, Setyembre 25, 2016

MAGING MAAWAIN TULAD NG AMA

25 Setyembre 2016 
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Amos 6, 1a. 4-7/Salmo 145/1 Timoteo 6, 11-16/Lucas 16, 19-31 



Nakakapangilabot pakinggan ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayon, lalung-lalo na't napapaloob tayo sa Banal na Taon ng Awa. Sa katunayan, ang tema para sa Hubileyo ng Awa ay "Maging maawain tulad ng Ama." Subalit, kung susuriin natin nang mabuti ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayon, parang napakalupit at napakahigpit ng Diyos. Nagagalit Siya kapag nakikita Niyang nagpapakasarap sa buhay ang tao. Ayaw Niyang nagpapakasaya at nagpapaginhawa tayo sa buhay. Puno ng kontrobersya ang mga Pagbasang ito. 

Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ng Poon sa pamamagitan ng propetang si Amos na ipapatigil Niya ang pagpapakasaya at pagpapakasarap ng mga tao. Magwawakas ang pagpapakasarap at kaligayahan ng mga tao. Hindi na sila mamumuhay nang may kayamanan. Sa Ebanghelyo, ang mayamang lalaki sa talinghaga ni Hesus, na kilala sa tradisyon sa pangalang Dives, ay pinarusahan sa impyerno. Galit ba ang Diyos sa kayamanan? Hindi ba Siya ang pinagmulan ng mga kayamanan? 

Ang bawat kayamanan ay biyaya ng Diyos. Ang mga kayamanan dito sa daigdig ay pagpapala ng Diyos. Ang mga kayamanan ay nagmula sa Dios. Biyaya iyan mula sa Diyos. Hindi masama ang mga kayamanan. Subalit, ang mga kayamanan ay mga biyaya mula sa Diyos. Ipinagkakaloob ng Dios sa atin ang mga biyayang ito dahil sa Kanyang dakilang Awa at Habag para sa atin. 

Labag sa kalooban ng Diyos ang magdusa sa buhay. Hindi kalooban ng Diyos ang magdusa tayo habambuhay. Nais ng Panginoon na makapamuhay tayo nang may kagalakan at kasagaan. Kaya nga Siya naparito sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Si Kristo na mismo ang nagwika, "Naparito Ako upang ang mga tupa'y magkaroon ng buhay - isang buhay na ganap at kasiya-siya." (Juan 10, 10) Ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesukristong Poon natin ay naparito sa daigdig upang magkaroon ng isang buhay na ganap at kasiya-siya ang bawat isa sa atin na kabilang sa Kanyang kawan. 

Subalit, ano ang kinasusuklaman ng Dios? Ang pagiging gahaman. Kapag naging gahaman ang isang tao, nakakalimutan niya ang Diyos at kapwa. Nakakaligtaan na niyang tulungan, o kahit pansinin man lang ang kanyang kapwa. Nakakaligtaan na niyang makipagkapwa. Nakakaligtaan na niyang manalangin sa Diyos. Hindi niya binibigyan ng panahon ang Dios at ang kapwa. At higit sa lahat, kapag ang isang tao ay naging gahaman, ginagawa na niyang diyos ang kanyang mga kayamanan at ari-arian. Naging mga diyos-diyosan niya ang kanyang mga kayamanan at ari-arian. Nakalimutan na niya ang tunay na Diyos na Siyang pinagmumulan ng mga pagpapala at biyayang kanyang tinanggap. Pinagpalit na niya ang Dios. 

Nakalimutan ng mga tao sa Unang Pagbasa at ng mayamang lalaki sa Ebanghelyo na may hangganan ang lahat ng buhay dito sa daigdig. Nakalimutan nilang may kabilang buhay. Nakalimutan nila ang Diyos na Siyang nagkaloob sa kanila ng mga pagpapala at biyayang tinanggap nila. Ang mayamang lalaki sa talinghaga ni Hesus ay nakaalala lamang sa Diyos kung kailan nagdurusa na siya sa impyerno. Tumawag siya kay Abraham at buong pagsusumamong hiniling na tulungan siya ni Lazaro sapagkat nagdurusa na siya. Subalit, hindi na maaaring mangyari iyon sapagkat kapiling na ni Lazaro si Abraham sa kaharian ng Diyos sa langit, at ang mayamang lalaki ay nagdurusa sa impiyerno. 

Inabuso nila ang kayamanang kaloob ng Diyos. Ginawa nilang sentro ng kanilang buhay ang kanilang mga kayamanan. Ipinagpalit nila sa Diyos ang kanilang mga kayamanan. Hindi na sila umaasa at nagdadasal sa Diyos. Ang kanilang buhay ay isinentro nila sa kanilang mga kayamanan dito sa daigdig, at hindi sa Diyos. Sa ganitong paraan nila nilabag ang Unang Utos sa Sampung Utos ng Diyos: "Ako ang Panginoon Mong Diyos; huwag kang magkaroon ng ibang diyos maliban sa Akin." (Exodo 20, 2-5) 

Pinarusahan sila dahil ipinagdamot nila ang Awa ng Diyos. Hindi nila ibinahagi ang mga pagpapala at biyayang tinanggap nila mula sa Diyos. Sa talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo, pinagkaitan ng tulong si Lazaro. Walang ginawang mabuti ang mayamang lalaki para kay Lazaro na noo'y nagdurusa dahil sa karukhaan. Ang mayamang lalaki ay hindi nagbigay ng kahit konting tulong kay Lazaro. Hindi niya pinansin si Lazaro. Hindi siya nagpakita ng awa o malasakit kay Lazaro. Dahil diyan, pinarusahan siya noong siya ay pumanaw sa daigdig. 

Ano naman ang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos? Ayon kay Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang pagsisikap na mamuhay na may katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan ay kalugud-lugod sa Diyos (1 Timoteo 6, 11). Bagamat isinulat niya ito para kay San Timoteo para sa kanyang ministeryo, maaari nating sundin at tupdin ang kanyang sinabi upang maging kalugud-lugod sa Diyos. Alam naman nating lahat na tayo'y mga makasalanan. Subalit, kung tutupdin natin ang mga inutos ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, hindi lamang para kay San Timoteo kundi para sa ating lahat, tayo'y magiging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Kalulugdan tayo ng Diyos. 

Paano nating tutupdin ang mga tagubilin ni Apostol San Pablo sa bawat lingkod ng Diyos sa Ikalawang Pagbasa upang kalugdan tayo ng Diyos?: 

1.) Laging alalahanin ang Diyos. Huwag nating kalimutan ang Diyos. Hindi dapat kalimutan ang Diyos. Ang Diyos ay hindi dapat limutin. Dapat lagi nating alalahanin Siya. Alalahanin din natin ang mga kahanga-hangang bagay na ginawa Niya para sa atin. Ang Diyos ay hindi dapat kalimutan, sapagkat kung hindi dahil sa Kanya, hindi tayo mabubuhay ngayon. Magdasal tayo sa Kanya. Umasa tayo sa Kanya. Manalangin tayo sa Diyos. Magpasalamat tayo sa Kanya. Sumamo tayo sa Kanya. Tumawag sa Kanya. Manalig sa Kanya. Huwag limutin ang Diyos. Lagi nating alalahanin ang Diyos. Isentro natin ang ating buhay sa Kanya. 

2.) Alalahaning may hangganan ang lahat ng bagay dito sa lupa. Ang lahat ng mga bagay dito sa lupa ay pansamantala lamang. Maglalaho balang araw ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Magmamaliw ang lahat ng bagay na nakikita natin dito sa daigdig balang araw. Ang ating buhay dito sa lupa ay pansamantala rin. May hangganan ang lahat ng bagay dito sa lupa. Maglalaho at magmamaliw ang lahat ng ito pagdating ng takdang panahon. 

3.) Makipagkapwa, lalung-lalo na sa mga kapus-palad. Malapit sa Puso ng Poong Diyos ang mga kapus-palad. Kinalulugdan ng Maykapal ang bawat taong nakikipagkapwa, lalo na sa mga mahihirap. Sinabi na mismo ni Hesus sa isa sa mga talinghaga tungkol sa Araw ng Paghuhukom kung saan Siya ang magiging Hukom, "Anuman ang gawin ninyo sa isa sa pinakahamak sa mga kapatid Kong ito, ginagawa rin ninyo ito sa Akin." (Mateo 25, 40) Kapag tayo ay nakipagkapwa sa ating kapwa, ginagawa natin iyan kay Hesus. Kapag tayo ay nagkawanggawa sa mga kapatid nating maralita, ginagawa natin iyan kay Hesus. At gagantimpalaan tayo ni Hesus sa kabilang buhay para sa ating mga ginawa. Makakapiling natin Siya sa Kanyang kaharian sa langit. 

Huwag nating kalimutan ang Diyos. Alalahanin natin ang Diyos. Isentro natin ang ating buhay sa Kanya. Siya ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay ngayon. Siya rin ang pinagmumulan ng mga pagpapala at biyayang ating tinanggap. Huwag nating kalimutan ang Kanyang mga Gawa ng Awa para sa atin. Sundin rin natin ang Kanyang kalooban. Maging masunurin din nawa tayo sa Kanyang kalooban. Makipagkapwa tayo sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga kapatid nating maralita, pisikal man o espiritwal ang kanyang karukhaan. Nais ng Diyos na makipagkapwa tayo sa isa't isa, sapagkat pantay-pantay lang tayo sa Kanyang paningin. 

Isabuhay nawa natin ang tema ng Hubileyo ng Awa: Maging maawain tulad ng Ama (Lucas 6, 36). Kung paanong naging maawain at mahabagin ang Diyos sa atin, gayon din naman, dapat maging maawain at mahabagin din tayo sa kapwa, lalung-lalo na sa mga kapatid nating nangangailangan. Ibahagi natin ang Awa at Habag ng Diyos sa ating kapwa. At kapag tayo ay naging maawain at mahabagin sa kapwa, gagantimpalaan tayo ng Poong Maykapal kapag tayo ay sumakabilang-buhay. Makakapiling natin ang Diyos sa Kanyang kaharian sa langit. Sapagkat kinalulugdan Niya ang bawat taong nagbabahagi ng Kanyang Awa at Habag sa kapwa, lalung-lalo na sa mga dukha. 

Linggo, Setyembre 18, 2016

LAGING MAGING TAPAT SA DIYOS

18 Setyembre 2016 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Amos 8, 4-7/Salmo 112/1 Timoteo 2, 1-8/Lucas 16, 1-13 (o kaya: 16, 10-13) 



Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa katapatan sa Diyos. Nararapat lamang na maging tapat tayo sa Kanya. Sa Kanya nagmumula ang ating buhay at ang lahat ng bagay na nakikita at hindi nakikita. Dapat lang nating ibigay ang ating buong katapatan sa Diyos, na Siyang pinagmulan ng lahat. 

Isinalarawan sa Unang Pagbasa ang mga bagay at gawaing di-kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Hindi Niya kinalulugdan ang mga umaapi sa mga dukha na walang kalaban-laban. Gagawin nila ang lahat para lang makamit ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan sa mundo. Ginawa nilang diyos ang kapangyarihan at kayamanan. Ayaw na nilang bigyan ng panahon ang Panginoong Diyos. Ayaw nilang sumamba at magpasalamat sa Diyos. Nakakalimutan nilang nagmula sa Diyos ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan dito sa daigdig. 

Sa gayong paraan, nilabag nila ang Unang Utos sa Sampung Utos ng Diyos. "Ako ang Panginoon Mong Diyos, huwag kayong magkaroon ng ibang diyos maliban sa Akin." Ginawa nilang diyos-diyosan ang kayamanan at kapangyarihan. Pinagpalit nila ang tunay na Diyos - ang Panginoon. Ang gawaing ito ay kinasusuklaman ng Panginoong Diyos. Isa itong napakalaking kasalanan sa mga mata ng Panginoon. Para bang sinasabi nila, "Diyos, hindi Kita kailangan!" Hindi na umaasa sa Diyos, na Siyang pinagmulan ng lahat ng bagay. 

Kung isinalarawan ng Unang Pagbasa ang kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos, isinalarawan naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat kay Timoteo ang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang pag-abot ng mga panalangin at pasasalamat sa Dios. Kinalulugdan ng Diyos ang sinumang nananalangin at nagpapasalamat sa Kanya. Sa pamamagitan ng pananalangin at pagpapasalamat sa Diyos, Siya'y binibigyan ng papuri at parangal. Sinasamba ang Diyos sa pamamagitan ng pananalangin at pagpapasalamat sa Kanya. At higit sa lahat, ipinagmamalaki natin ang Panginoong Diyos bilang Diyos sa pamamagitan ng pag-abot ng ating mga panalangin at pasasalamat sa Kanya. 

Sa Ebanghelyo, isinalarawan ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng isang talinghaga ang dahilan kung bakit hindi tayo maaaring maglingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Hindi natin maaaring paglingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan. Kailangan nating pumili. Kailangan nating magpasiya kung sino ang ating paglilingkuran - ang Diyos o ang kayamanan. Isa lang ang dapat nating piliin. Hindi tayo maaaring maglingkod nang sabay sa dalawang ito. 

Iyan ang pagkakamali ng katiwala sa talinghaga ni Hesus. Hindi siya naging tapat sa isa. Hindi siya pumili ng isa. Sinubukan niyang paglingkuran ang kanyang amo at ang kanyang kayamanan nang sabay. Hindi nagpasiya ang katiwala kung saan o kung kanino siya maglilingkod nang buong katapatan. Binalak ng katiwalang ito na maglingkod nang sabay sa kanyang amo at sa kanyang kayamanan. 

Nakakalungkot, nangyayari rin ito sa totoong buhay. May mga bagay na ginagawa nating mga diyos-diyosan. May mga bagay tayong sinasamba, bukod pa sa Dios. Kayamanan, posisyon, kapangyarihan, karangalan, bisyo, at maraming iba pang kalokohan. Ang mga bagay na ito ay ginagawa nating sentro ng ating buhay. Akala mo naman hindi ka mabubuhay kung wala ang mga ito. Parang nakasalalay na sa mga bagay na ito ang ating buhay. Nakakalimutan natin ang Diyos sa ganitong paraan. At dahil nakalimutan natin ang Dios, sa iba na nakasentro ang buhay.  

Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng bagay. Nagmula sa Kanya ang lahat ng yaman sa mundo. Ang ating buhay ay nagmula sa Kanya. Hiniram lang natin ang ating buhay at mga kayamanan mula sa Kanya. Kung hindi dahil sa Diyos, hindi tayo mabubuhay ngayon. Kaya nating mamuhay na hindi nagtataglay ng anumang kayamanan dito sa mundo. Subalit, hindi tayo mabubuhay kung wala ang Diyos. Mga alabok lamang tayo kung wala ang Diyos. 

Kung pagpipilian tayo, kanino tayo maglilingkod? Kanino tayo magiging tapat? Mamili tayo ng isa - ang Diyos o ang kayamanan? Nawa'y piliin natin ang Diyos. Lagi nawa tayong maging tapat sa Diyos. Sapagkat Siya'y maawain, at sa Kanya nagmumula ang lahat ng bagay, lalung-lalo na ang ating buhay. 

Lunes, Setyembre 12, 2016

MARIA: PATULOY NA NANALIG SA AWA NG DIYOS SA GITNA NG PAGDADALAMHATI

15 Setyembre 2016 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35) 



Bago ang Aleluya at Mabuting Balita, ipinahayag o inawit ang Stabat Mater, ang Awit tungkol sa Mabuting Balita (Sequencia). Ang pagdadalamhati ng Mahal na Birheng Maria habang nasa paanan ng krus ng Panginoong Hesus ay isinalarawan sa awiting ito. Labis na nasugatan ang puso ng Mahal na Inang si Maria habang pinagmamasdan ang kanyang Anak na si Hesus na nagdurusa at unti-unting nawawalan ng buhay sa krus. Tumutulo ang luha ng Mahal na Birheng Maria habang pinagmamasdan ang Panginoong Hesukristo na nakabayubay sa krus. 

Nakasulat sa Ebanghelyo ngayon na si Maria ay nakatayo sa paanan ng krus ni Hesus. Kahit nagdadalamhati, kahit puspos ng kapighatian ang kanyang puso, nakatayo pa rin si Maria. Kahit napapaluha at napapatangis si Maria dahil sa kanyang pinagmamasdan, nakatinding pa rin siya sa paanan ng krus ni Hesus. Ang Mahal na Birheng Maria ay nakatindig sa paanan ng krus ni Kristo Hesus, sa gitna ng pagdadalamhati at kapighatian, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. 

Ano ang ipinakita ng Mahal na Ina noong siya'y nakatindig sa paanan ng krus ng Panginoon? Nagpakita ng matatag na pananalig ang Mahal na Ina noong siya'y tumindig sa paanan ng krus. Kahit nagdadalamhati, ang Mahal na Inang si Maria ay tumindig sa paanan ng krus ng Panginoong Hesus. Kahit napupuspos siya ng hapis, sakit, at kapighatian sa mga sandaling iyon, tumindig ang Mahal na Ina. Sa gitna ng sandaling iyon na puno ng kadiliman, ang Mahal na Ina ay nagpakita ng katatagan ng pananalig sa Awa ng Diyos sa pamamagitan ng pagtayo sa paanan ng krus ni Kristo, kahit nagdadalamhati at nagdurusang kasama Niya. 

Kadalasan, kapag hinaharap natin ang mga pagsubok sa buhay, nanghihina ang ating pananalig sa Diyos. Tinatanong natin kung nasaan ang Diyos sa mga oras ng pangangailangan. Lagi nating tinatanong kung bakit wala ang Diyos sa mga oras kung kailan kailangan natin Siya. Nanghihina ang ating tiwala sa Diyos. Parang gusto na nating sa ating mahinang pananalig sa Diyos. Mahirap nang manalig sa Diyos sa mga sandaling iyon. Hindi na natin alam kung sino ang dapat nating pagkatiwalaan. Hindi na natin alam kung saan o kanino tayo kakapit. Hindi na natin alam kung dapat nating pagkatiwalaan ang Diyos. Hindi na natin alam kung dapat ba tayong kumapit sa Poong Maykapal. 

Ang Mahal na Birheng Maria, habang nakatindig sa paanan ng krus ni Hesus, ay hindi nawalan ng pananalig sa Awa ng Diyos. Buo ang pananalig ng Birheng Maria sa Awa ng Diyos. Nanalig si Maria na magtatagumpay ang Awa ng Diyos. Nanalig si Maria sa plano ng Awa ng Diyos. Nanalig si Maria sa kapangyarihan ng Awa ng Diyos. Nanalig si Maria na hindi pa kumpleto ang pinakadakilang Gawa ng Awa ng Diyos. Nanalig si Maria na ang kamatayan ni Hesus sa krus ay hindi katapusan ng lahat. Nanalig si Maria na ang kanyang pagdadalamhati dahil sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa krus ay hindi magtatagal. Nanalig si Maria na muling mabubuhay si Hesus sa ikatlong araw. Nanalig si Maria na ang kanyang pagtangis ay mapapawi sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Tularan natin ang halimbawa ng ating Mahal na Inang si Maria. Ibinahagi siya sa atin ng Poong Hesus habang nakabayubay sa krus bilang ating Ina at huwaran ng pananalig sa Maykapal, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. Itinuro siya ni Hesus na Poong Mahal sa ating lahat, mga kinatawan ni Apostol San Juan. Utos sa atin ng ating Manunubos at Poong si Hesus habang nakabayubay sa krus, "Narito ang iyong Ina!" (19, 27) Parang sinasabi sa atin ni Hesus, "Ang Aking Inang si Maria ay ibinabahagi Ko sa inyo bilang inyo ring ina at huwaran. Tularan ninyo siya. Tularan ninyo ang kanyang pananalig sa Aking Awa." 

Tularan natin ang Mahal na Inang si Maria na Nagdadalamhati. Nanalig ang ating Inang si Maria sa Awa ng Diyos, kahit siya'y tigib ng luha at hapis sa pagpanaw ng kanyang Anak na sinisinta sa krus ng Kalbaryo. Manalig din nawa tayo sa Awa ng Diyos, kahit nasa gitna ng mga madidilim na sandali ng buhay, katulad ng ating Mahal na Ina ng Hapis, ang Mahal na Birheng Maria. 

Linggo, Setyembre 11, 2016

HUWAG KALIMUTAN ANG AWA NG DIYOS NA IPINAMALAS SA KRUS NI HESUS

14 Setyembre 2016 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 


courtesy: Mr. Noli Yamsuan (http://rcam.org/)

Ilan sa mga dambanang dinadayo ng mga deboto at mananampalatayang Pilipino ay ang Quiapo, Antipolo, at Baclaran. Ang Quiapo ay dinadagsa dahil sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang Baclaran naman ay dinadagsa dahil sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Ang Antipolo naman ay dinadagsa dahil sa Mahal na Birhen ng Antipolo, ang Mahal na Ina ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. 

Karamihan sa mga pumupunta sa mga lugar na iyon ay may mga panalangin at kahilingan. Halimbawa, ang mga kukuha ng panglisensyadong pagsusulit, ang mga maysakit at karamdaman, ang mga manlalakbay, ang mga naghahanap ng trabaho, ang mga estudyante sa mataas na paaralan at kolehiyo, ang mga sawi sa pag-ibig, at marami pang iba. Lahat sila ay pumupunta sa mga lugar na ito upang hilingin sa Diyos na pakinggan at tuparin ang kanilang mga panalangin. 

At kapag tinupad ng Diyos ang kanilang mga kahilingan, marami sa kanila ang bumabalik sa mga banal na lugar na iyon upang magpasalamat sa Kanya. Sila'y nagpapasalamat sa Dios sapagkat dininig Niya ang kanilang mga panalangin at kahilingan. Nagpapasalamat sila dahil ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa sa kanila. Nagpapasalamat din sila sa Mahal na Ina at ang mga santo at santa ng Simbahan. Pinasasalamatan din nila ang Mahal na Ina at ang mga santo at santa sapagkat sila'y tinulungan at sinamahan nila sa pananalangin sa Diyos upang matupad ang kani-kanilang mga panalangin at kahilingan. At doon nagsisimula ang kanilang pagdedebosyon sa Panginoon, sa Mahal na Ina, at sa mga banal. 

Gaya ng tugon sa ating Salmo ngayon, hindi nila kinalimutan ang ginawa ng Diyos para sa kanila. Hindi nila kinalimutan ang Awa ng Diyos. Hindi nila kinalimutan ang kabutihan ng Diyos. Naalala nila ang kabutihan at Awa ng Diyos. Lumingon sila sa kanilang pinanggalingan - ang Diyos. Kung hindi dahil sa Diyos, hindi nila makakamit ang kanilang mga pangarap at mithiin. Ang Diyos ang dahilan kung bakit nakamit nila ang kanilang mga pangarap at mithiin sa buhay. Kaya, bilang pasasalamat sa Diyos, nagsisimba sila. 

Ang mga Pagbasa ngayong Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal ay isang pagtatampok sa mga dakilang Gawa ng Awa ng Diyos. Hindi natin mabibilang ang mga dakilang Gawa ng Awa na ginawa ng Diyos. Ang mga dakilang Gawa ng Awa ng Diyos ay hindi dapat makalimutan. Dapat alalahanin ang mga dakilang Gawa ng Awa ng Diyos. Maraming kahanga-hanga at dakilang bagay ang nagagawa ng Diyos dahil sa Kanyang Awa. Sapagkat ang Diyos ay puspos ng Awa. Ang Diyos ang pinagmulan at bukal ng Awa. 

Sa Unang Pagbasa, iniligtas ng Diyos ang mga Israelita mula sa kamatayan. Sa pamamagitan ng ahas na gawa sa tanso, iniligtas ng Diyos ang bawat Israelitang natuklaw ng isang makamandag na ahas. Sa Ikalawang Pagbasa, isinalaysay ni Apostol San Pablo ang pinakadakilang Gawa ng Awa - hinubad ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pagka-Diyos, nagkatawang-tao, at namuhay bilang tao katulad natin (maliban sa kasalanan). At nang maging tao, inalay ni Hesus ang Kanyang sarili sa krus. Kaya, katulad ng sinabi ni San Pablo Apostol, itinampok Siya ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan (2, 9). At sa Ebanghelyo, ipinahayag na itatampok si Kristo sa krus, katulad ng ahas na tanso sa ilang, upang magkaroon ng buhay ang sinumang sumasampalataya sa Kanya. 

Gumawa ng maraming mga kahanga-hanga at dakilang bagay ang Diyos. Marami Siyang ginawang mga Gawa ng Awa. Subalit, ang pinakadakilang Gawa ng Awa na ginawa ng Diyos ay ang pag-aalay ng buhay ni Kristo Hesus sa krus. Itinampok ng Diyos ang Panginoong Hesus sa kahoy na krus upang ipamalas ang Kanyang Awa para sa sangkatauhan. Ang Panginoong Hesukristo na bugbog-sarado, dinudugo, nagdurusa, hinahamak at kinukutya ng mga tao habang nakabayubay sa krus, ay itinampok ng Diyos upang ipakita kung gaano kadakila ang Kanyang Awa. 

Hindi dapat makalimutan ang Awa ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay iniligtas mula sa kasamaan at kasalanan. Tinubos tayong lahat mula sa kasalanan dahil sa Awa ng Diyos. Pinalaya tayo mula sa mga tanikala ng kasalanan dahil sa Awa ng Diyos. Nagkaroon tayo ng katubusan at kalayaan dahil sa Awa ng Diyos. At ang pinakadakilang larawan ng Awa ng Diyos ay si Kristong nakapako sa krus. 

Si Cardo ng teleseryeng Ang Probinsyano na ipinapalabas gabi-gabi mula Lunes hanggang Biyernes sa ABS-CBN, na mas kilala natin sa totoong buhay bilang si Coco Martin, ay deboto ng Poong Nazareno sa Quiapo. Ikinuwento niya sa isang panayam sa ABS-CBN na lagi siyang nagdadasal at nagsisimba sa Quiapo kasama ang kanyang lola noong bata pa siya. Pumunta siya sa Quiapo noong naghahanap siya ng trabaho. Nanalangin siya nang taimtim sa Mahal na Poong Nazareno na bigyan siya ng trabaho, kahit hindi na siya matulog. At dahil diyan, nakarating na siya sa kanyang kinaroroonan ngayon - isang masikat na artista na mapapanood gabi-gabi sa ABS-CBN. Subalit, kahit isa na siyang napakasikat na artista, patuloy pa rin siyang pumupunta sa Quiapo upang magdasal at magpasalamat sa Mahal na Poong Nazareno. Katulad ng ibang mga deboto, hindi nakakalimutan ni Coco Martin ang Mahal na Poong Nazareno. 

Kung ang mga masisikat na artista katulad ni Coco Martin ay hindi nakakalimot sa Panginoon, tayo pa kaya? Naaalala pa ba natin ang Diyos?

Huwag nating kalimutan ang Diyos. Huwag nating kalimutan ang Kanyang Awa. Huwag nating kalimutan ang awang ipinamalas sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng krus ni Hesus. Alalahanin natin ang ginawang pag-aalay ng buhay ni Hesus sa krus upang ipamalas sa atin ang Awa ng Diyos. Itinampok si Hesus sa krus upang ipamalas sa atin ang Awa ng Diyos na napakadakila at kahanga-hanga. 

Salamat, O Hesus, sa pagpapamalas ng walang hanggang Awa ng Diyos sa pamamagitan ng Iyong pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Salamat at itinampok Mo ang Iyong sarili sa krus upang mamulat ang aming mga mata sa kadakilaan ng Awa ng Diyos. Amen. 

Sabado, Setyembre 10, 2016

PAGHINGI NG AWA AT KAPATAWARAN MULA SA DIYOS

11 Setyembre 2016 
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Exodo 32, 7-11. 13-14/Salmo 50/1 Timoteo 1, 12-17/Lucas 15, 1-32 (o kaya: 15, 1-10) 



Isang linggo na ang nakalipas magmula noong natapos ang pag-ere ng teleseryeng Tubig at Langis sa ABS-CBN. Isa sa mga karakter sa teleseryeng iyon na hinding-hindi ko makakalimutan ay si Lucy (Dionne Monsanto). Sa simula ng teleserye, siya'y isang kontrabida. Naging kontrabida siya sa buhay ni Irene (Cristine Reyes) at ang kanyang pamilya. Subalit, habang nagpatuloy ang kwento, siya'y nagkaroon ng pagbabago. Mula sa pagiging kontrabida, siya'y naging isang mabuting tao at kakampi nina Irene at Natoy (Zanjoe Marudo). Nagbagong-buhay siya, humingi ng kapatawaran kina Irene at sa kanyang pamilya para sa kanyang mga pagkakamali laban sa kanila. Napatunayan niyang hindi pa huli ang lahat upang magbagong-buhay, magsimula muli, at pumanig sa kabutihan. 

Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa paghingi ng awa at kapatawaran mula sa Diyos. Hindi nagsasawang magpatawad ang Dios. Lagi tayong hinihintay ng Diyos upang lumapit at humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya. Paulit-ulit na sinasabi ng ating Mahal na Santo Papa na si Papa Francisco, "Ang Dios ay hindi nagsasawang magpatawad. Tayo ang nagsasawang humingi ng kapatawaran mula sa Kanya." Tayo ang nagsasawa, hindi ang Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, si Moises ay humingi ng kapatawaran sa Diyos para sa mga kasalanang ginawa ng mga Israelita. Labis na nagalit ang Diyos sa ginawa ng mga Israelita. Kinasusuklaman ng Diyos ang mga ginawa ng mga Israelita. Tinalikdan at sinuway ng mga Israelita ang utos ng Diyos. Subalit, si Moises ay nananalangin at nagsumamo sa Diyos na patawarin ang mga Israelita. Nananalangin si Moises na alalahanin ng Diyos ang pangakong Kanyang binitiwan kina Abraham, Isaac, at Jacob, na naging Kanyang mga lingkod. At dahil sa panalangin ni Moises, hindi tinuloy ng Diyos ang Kanyang planong lipulin ang mga Israelita. Dininggin ng Diyos ang panalangin ni Moises. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa sa mga Israelita noong hindi Niya tinuloy ang Kanyang plano. 

Kahit labis na nagalit at kinasuklaman ng Diyos ang ginawa ng mga Israelita, hindi Niya tinuloy ang paglipol sa mga Israelita. Dumalangin si Moises para sa mga Israelita. Hiniling niya sa Dios na kaawaan ang mga Israelita. Si Moises ang humingi ng awa at kapatawaran mula sa Dios para sa mga Israelita. Nagtiwala si Moises sa Awa ng Diyos. Nagtiwala si Moises na ipapakita ng Diyos ang Kanyang Awa sa mga Israelita. Gayon nga ang nangyari. Dahil sa panalangin ni Moises na nagpapakita ng pananalig sa Awa ng Dios, naligtas ang mga Israelita. Hindi sila nilipol o ipinahamak. Naligtas sila mula sa tiyak na kapahamakan. 

Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang tunay na dahilan ng pagparito ni Kristo Hesus sa daigdig. Ayon kay San Pablo, si Kristo ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. Hindi Siya naparito sa sanlibutan upang ipahamak, lipulin, o parusahan ang mga makasalanan dahil sa kanilang mga ginawang pagkakasala. Ang Panginoon ay naparito upang tubusin ang mga makasalanan. Si Kristo Hesus ay naparito sa sanlibutan upang ipakita at ibahagi ang Awa ng Diyos sa bawat makasalanan. 

Tayong lahat ang sinadya ni Hesus. Tayo ang dahilan kung bakit naparito si Hesus sa lupang ibabaw. Tayo ang dahilan kung bakit hinubad Niya ang Kanyang pagka-Diyos, nagkatawang-tao, at namuhay tulad ng isang alipin.  Ginawa ni Hesus ang lahat ng iyan upang ipagtanggol at iligtas tayo mula sa mga pwersa ng kasamaan. Ginawa ni Hesus ang lahat ng iyan upang tayong lahat ay maligtas at maibalik sa tamang landas pabalik sa Ama. Ginawa ni Hesus ang lahat ng iyan upang tayong lahat ay magkaroon ng isang buhay na ganap at kasiya-siya. Sa pamamagitan ng mga iyon, ipinakita at ibinahagi sa atin ni Hesus ang Awa ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, tatlong parabula ang isinalaysay ng Panginoong Hesus. Tatlong talinghaga ang ginamit ni Hesus sa Kanyang pagtuturo tungkol sa Awa ng Diyos. Iisa lamang ang mensahe ng tatlong talinghagang ito - hindi titigil ang Diyos. Ang Diyos ay hindi titigil sa paghihintay para sa araw ng ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. Labis ang kagalakan ng Diyos pagsapit ng araw na iyon. Nagagalak nang labis ang Diyos sa tuwing may (mga) makasalanang nagsisisi't tumatalikod sa kanilang mga kasalanan, at nagbabalik-loob sa Kanya.

Ang Diyos ay puspos ng Awa para sa sangkatauhan. Kinaawaan ng Diyos ang sangkatauhan, magkasala man sila nang paulit-ulit laban sa Kanya. Hindi Niya kasusuklaman ang tao kahit kailan. Kinaaawaan ng Diyos ang tao. Kasalanan ang kinasusuklaman ng Diyos, hindi ang tao. Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang kasamaan at kasalanan. Pero, ang sangkatauhan ay napakahalaga sa paningin ng Diyos. Puspos ng awa at pagsinta ang pagtingin ng Panginoon sa tao. 

Masakit para sa Diyos ang mawalay tayo sa Kanyang paningin dahil sa ating mga kasalanan. Labag sa kalooban ng Diyos ang mawalay tayo sa Kanya. Hindi Niya gustong mawalay tayo sa Kanya. Hindi rin pumayag ang Diyos na mapahamak tayo dahil sa ating pagkawalay sa Kanya. Bagkus, hinubad ng Diyos ang Kanyang sarili, nagkatawang-tao, at namuhay bilang tao tulad natin (maliban sa kasalanan) sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ipinakita at ipinadama sa makasalanang sangkatauhan ang walang hanggang Awa ng Diyos. 

Kung si Hesus ay hindi nag-atubiling pumarito sa sanlibutan bilang Tagapagligtas natin, huwag tayong mag-atubiling lumapit sa Diyos. Hindi nag-atubili si Hesus sa pagpapakita at pagbabahagi ng Kanyang Awa sa sangkatauhan. Hindi nag-atubili si Hesus nang Siya'y naging tao katulad natin (maliban sa kasalanan) at nag-alay ng Kanyang buhay sa krus upang tayo'y tubusin. Huwag rin tayong mag-atubiling lumapit sa Panginoon upang hingin ang Kanyang Awa. Hinihintay tayo ng Panginoon na lumapit sa Kanya para humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya. Ang Panginoon ay hindi mag-aatubili sa pagkakaloob ng Kanyang Awa sa sinumang lumalapit sa Kanya upang hingin ito para sa kanyang mga kasalanan. 

Huwag tayong matakot lumapit sa Diyos. Huwag tayong mag-atubiling lumapit sa Diyos. Lumapit tayo sa Diyos at humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya para sa mga kasalanang nagawa natin. Ang kagalakan ng Diyos ay magiging labis-labis kapag tayo ay nagsisi't tumalikod sa ating mga kasalanan at nagbalik-loob sa Kanya. Hindi Niya itatakwil o ipagkakaila ang sinumang makasalanang nagsisisi't nagbabalik-loob sa Kanya. Bagkus, tatanggapin muli ng Diyos at pagkakalooban ng Kanyang Awa ang sinumang makasalanang nagsisisi mula sa kanyang mga kasalanan at nagbabalik-loob sa Kanya. 

Lunes, Setyembre 5, 2016

MARIA: ISINILANG NA PUNO NG GRASYA AT AWA NG DIYOS

8 Setyembre 2016 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria 
Mikas 3, 1-4a/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23) 



Siyam na buwan matapos ang Kalinis-linisang Paglilihi sa kanya, ang Mahal na Birheng Maria ay iniluwal mula sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana. Isinilang ang Mahal na Birheng Maria sa daigdig na walang bahid ng kasalanang mana. Ito ay dahil sa awang ipinakita sa kanya ng Diyos noong Siya'y ipinaglihi ng kanyang inang si Santa Ana. Kaya, noong isinilang ang Mahal na Ina sa mundong ibabaw, siya'y napuno ng grasya at Awa ng Diyos. 

Ipinahintulot ng Diyos na mapuspos ng Kanyang grasya at Awa si Maria sapagkat hinirang Niya si Maria upang maging ina ni Kristo. Unang naranasan ng Mahal na Ina ang grasya at Awa ng Diyos sa sinapupunan ni Santa Ana. Dahil sa grasya at Awa ng Diyos, siya'y iniligtas ng Diyos mula sa dungis ng kasalanan. Si Kristo ay malinis at walang bahid ng kasalanan. Kaya, kinakailangang maging malinis ang magdadala sa Kanya. Dahil pinili ng Diyos ang Birheng Maria upang maging ina ni Kristo Hesus, iniligtas Niya ang Mahal na Birhen mula sa bahid ng kasalanang mana bago pa siya iluwal ng kanyang inang si Santa Ana. 

Ang Mahal na Birheng Maria ang babaeng itinutukoy ni propeta Mikas sa Unang Pagbasa. Isang babae ang magluluwal ng isang sanggol na nakatakdang maging hari. Natupad ang propesiyang ito noong ipinaglihi at iniluwal ang Hari ng mga Hari na si Kristo mula sa sinapupunan ng Mahal na Birhen. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang mga kaganapan noong ipinaglihi at iniluwal ni Maria si Hesus. Bago iluwal ni Maria si Hesus mula sa kanyang sinapupunan, nasangkot siya sa isang napakalaking kontrobersya. Natagpuan siyang buntis, nagdadalantao, sa labas ng kasal. Bago pa siya ikasal kay San Jose, ang Mahal na Birheng Maria ay natagpuang nagdadalantao. Isang napakalaking iskandalo ito noong kapanahunang iyon. Ang mga sangkot sa iskandalong ito ay tatanggap ng isang napakabigat na kaparusahan. Parurusahan ng kamatayan ang mga taong nahuli sa akto ng pakikiapid noong kapanahunang iyon. 

Subalit, naligtas si Maria mula sa panganib dahil sa grasya at Awa ng Diyos. Ang Diyos ay nagpasugo ng anghel upang magpakita kay San Jose sa pamamagitan ng panaginip. Nagpakita sa panaginip ni Jose ang isang anghel ng Panginoon upang ipahayag sa kanya ang kalooban ng Diyos. Ipinaliwanag ng anghel na nagpakita sa panaginip ni Jose na ang sanggol na dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay hindi bunga ng pakikiapid. Bagkus, si Maria ay nagdadalantao dahil niloob ng Diyos. Nagdalantao si Maria dahil ito'y kalooban ng Diyos. At ang sanggol na nasa sinapupunan ni Maria ay si Hesus, ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao. 

Hindi pinabayaan ng Diyos na mapahamak ang Mahal na Birheng Maria. Hindi pinabayaan ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa oras ng pangangailangan. Nang dumating ang oras ng pangangailangan, ang Diyos ay sumaklolo sa Mahal na Ina. Ang Diyos ang naging tagapagtanggol at sanggalang ng Mahal na Inang si Maria sa oras ng matinding pangangailangan. Hindi kinalimutan o pinabayaan ng Diyos ang Mahal na Birhen. Lagi Niyang inaalala ang Mahal na Inang si Maria, ang Kanyang hinirang upang maging ina ng Panginoong Hesukristo. 

Kung paanong iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanang mana bago siya isilang, gayon din naman, iniligtas siya ng Diyos mula sa kapahamakan at kamatayan sa lupa. Naranasan ng Mahal na Birheng Maria ang pagliligtas ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang buhay dito sa lupa. 

Sa araw ng Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria, alalahanin natin ang grasya at Awa ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit naging malinis at kalugud-lugod ang Mahal na Inang si Maria sa paningin ng Diyos. Naranasan ni Maria ang grasya at Awa ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang buhay. Mula noong ipinaglihi siya sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay sa daigdig, ang grasya at Awa ng Diyos ay laging naranasan ni Maria. At ang grasya at Awa ng Diyos ang dahilan kung bakit isinilang ang Mahal na Inang si Maria na malinis at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. 

Linggo, Setyembre 4, 2016

PAGPASAN NG KRUS: PAGSUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS

4 Setyembre 2016 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 9, 13-18b/Salmo 89/Filemon 9b-10. 12-17/Lucas 14, 25-33 



Sa pelikulang The Passion of the Christ, nagsalita ang Panginoong Hesus habang tinatanggap at niyayakap ang Kanyang krus. Ang Kanyang winika noong niyakap at tinanggap ang krus, "Ako'y Iyong lingkod, Ama." Ipinakita ng eksenang ito ang pagiging masunurin ni Kristo hanggang kamatayan. Ang Panginoon ay nanatiling masunurin sa kalooban ng Ama hanggang sa sandali ng Kanyang kamatayan sa krus, katulad ng sinabi ni Apostol San Pablo (Filipos 2, 6-11). 

Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Bilang mga tunay na Kristiyano, kailangan nating sundin ang kalooban ng Diyos. Hindi sapat ang sumampalataya lamang tayo sa Maykapal. Kailangan nating tumalima at sumunod sa kalooban ng Poong Maykapal. 

Nagsimula ang Unang Pagbasa sa pamamagitan ng mga katanungang ito, "Sinong tao ang makatatarok ng kaisipan ng Diyos? Sino ang makaalam sa kalooban ng Panginoon?" (9, 13) Bilang tao, hindi natin kayang unawain nang sarilinan ang nasa isipan ng Diyos. Hindi natin matatanto agad-agad kung ano ang iniisip ng Diyos. Sino ang makababatid ng kalooban ng Diyos? Ang manunulat na rin mismo ang sumagot sa katanungang ito, "Malibang bigyan Mo siya ng iyong Karunungan, at lukuban ng inyong diwang banal mula sa kaitaasan." (9, 17) Mauunawaan natin ang kalooban ng Diyos kung hihilingin natin sa Kanya na ipagkaloob sa atin ang Kanyang banal na Karunungan. Ang banal na Karunungan ng Diyos ang gagabay sa atin upang maunawaan natin ang kalooban ng Diyos. 

Hiniling ni Apostol San Pablo kay Filemon sa Ikalawang Pagbasa na makipag-ayos kay Onesimo, ang kanyang dating alipin na naaakit sa pananampalataya sa tulong ng apostol. Hinihikayat ni Apostol San Pablo si Filemon na tanggapin si Onesimo bilang kapatid kay Kristo Hesus, katulad ng kanyang pagtanggap sa apostol. Hindi ito madali para kay Filemon, sapagkat hindi siya nakinabang kay Onesimo noong alipin pa siya. Subalit, kailangang gawin ito ni Filemon sapagkat ito'y kagustuhan ng Diyos. Hindi madaling sundin ang kalooban ng Diyos. Naranasan mismo ni San Pablo Apostol sa kanyang pagmimisyon ang mga paghihirap na kalakip ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi siya tinanggap ng karamihan, marami ang magbabanta laban sa kanya, at hinatulan siya ng kamatayan. Subalit, tinanggap ni San Pablo Apostol bilang pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus ang mga kundisyon ng pagiging tagasunod Niya. Kailangang pasanin ng bawat isa ang kanya-kanyang krus at sumunod sa Kanya. Hindi tayo maaaring maging tagasunod ng Panginoon kung hindi nating susundin ang Kanyang kagustuhan. Ang pagpasan ng mga sariling krus sa buhay ay tanda ng ating pagtalima at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung hindi nating papasanin ang ating mga krus sa buhay, hindi tayo maaaring maging tagasunod ni Kristo. Kung hindi nating pahahalagahan at uunahin ang kalooban ng Diyos, hindi tayo kikilalanin bilang mga tagasunod ng Panginoon. 

Hindi madaling sumunod sa kalooban ng Diyos. Hindi magiging maginhawa ang ating buhay kapag sumunod tayo sa kalooban ng Diyos. Si Hesus nga mismo ay hindi naligtas mula sa paghihirap na kalakip ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Kahit Siya ay Diyos, hindi Siya naging ligtas mula sa mga tukso at pagsubok sa buhay. Kahit sumunod Siya ng kalooban ng Ama, hindi naging maginhawa ang Kanyang buhay sa lupa. Tatlong ulit Siyang tinukso ni Satanas sa ilang. Nagdusa Siya sa Hetsemani bago Siya dinakip ng mga kawal na padala ng Sanedrin sa tulong ni Hudas Iskariote. Hinagupit, pinutungan ng koronang tinik, binugbog, pinasan ang krus, ipinako sa krus, at nilibak ng Kanyang mga kaaway. Subalit, tiniis ni Hesus ang lahat ng mga paghihirap bilang pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Ama. Naging masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama, kahit alam Niyang maraming pagpapakasakit ang kailangan Niyang danasin.  

Tulad ng Panginoong Hesus, kailangan nating pasanin ang sarili nating mga krus sa buhay. Pasanin natin ang mga ito bilang pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Poong Diyos. Ang tunay na tagasunod ng Panginoon ay tumatalima at sumusunod sa Kanyang kalooban. Kung nais nating maging mga tunay na tagasunod ni Kristo, kailangan nating pasanin ang ating mga sariling krus sa buhay.