Lunes, Oktubre 31, 2016

MAHIMLAY NAWA NANG MAPAYAPA ANG MGA YUMAO SA PILING NG AWA NG DIYOS

2 Nobyembre 2016 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
(Paalala: Ang mga sumusunod na Pagbasa ay isa sa mga pangkat ng mga Pagbasa na maaaring pagpilian para sa araw na ito.)
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 115; 116/1 Corinto 15, 20-24a. 25-28 (o kaya: 1 Corinto 15, 20-23)/Mateo 11, 25-30 



Isa sa mga Espiritwal na Gawa ng Awa ay ang pananalangin para sa mga yumao. Tayo ay nananalangin, humihingi ng Awa mula sa Diyos para sa mga yumao. Sa pamamagitan ng pananalangin para sa mga yumao, tayo ay nagpapakita ng awa at habag para sa mga kapatid nating yumao. Ibinabahagi natin ang Awa at Habag ng Diyos sa mga yumao. Tayo ay nananalangin na nawa'y kaawaan at kahabagan ng Panginoon ang mga kaluluwa ng mga yumao nating mga kapatid. 

Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan para sa panalangin at paggunita sa mga kaluluwa ng mga kapatid nating yumao sa Purgartoryo. Binubuo ng mga kaluluwa ng mga kapatid nating yumao ang Simbahang Nagdurusa. Nananalangin tayo na nawa'y kaawaan at kahabagan ng Diyos ang mga kaluluwa ng mga kapatid nating yumao na nagdurusa sa Purgatoryo. Tinutulungan natin ang mga kaluluwa na nasa Purgatoryo ang kanilang pangarap na makapiling ang Diyos sa langit. Inaasam-asam nilang mamuhay sa piling ng Diyos sa langit. 

Sa ika-11 kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo, inaanyayahan ni Hesus ang lahat na humimlay sa Kanyang piling. Inaanyayahan tayong lahat ni Hesus na lumapit sa Kanya upang tayo'y makaranas ng tunay na kapahingahan sa Kanyang piling. Ang Panginoong Hesus lamang ang makakapagbigay ng tunay na kapahingahan at kaginhawaan sa atin. Sa Kanya lamang matatagpuan, masusumpungan, ang tunay na kaginhawaan at kapahingahan (11, 28-30). 

Tulad nating lahat, ang mga kaluluwa sa Purgatoryo ay umaasang makahimlay sa piling ng Panginoon sa langit. Subalit, dahil hindi sila naging malinis mula sa mga kasalanang benyal, kailangan silang linisin sa Purgatoryo. Kaya, kailangan nila ang ating mga panalangin upang mapabilis ang paglilinis sa kanila sa Purgatoryo. Ang mga kaluluwa ay umaasa sa mga panalangin natin sapagkat hindi sila maaaring manalangin para sa kanilang mga sarili. Tulungan natin ang mga kapatid nating yumao sa Purgatoryo na makamit ang kanilang pangarap na makapiling nila ang Diyos sa langit. Manalangin tayo na nawa'y kaawaan at kahabagan ng Diyos ang kanilang mga kaluluwa. 

Ang pananalangin para sa mga kapatid nating yumao ay isang napakahalagang gawa. Ito'y isang Espirituwal na Gawa ng Awa. Katulad ng ibang mga Korporal at Espirituwal na Gawa ng Awa, isinasabuhay ng gawaing ito ang tema ng Banal na Taon ng Awa na malapit nang magtapos sa buwan na ito, "Maging maawain tulad ng Ama" (Lucas 6, 38). Tayo ay nagiging maawain at mahabagin sa mga kapatid nating yumao. Ibinabahagi natin sa kanila ang Awa at Habag ng Diyos. Kung tayo ay magiging maawain at mahabagin sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga yumao, tayo ay magiging kalugud-lugod at mapalad sa paningin ng Diyos. 

MGA BANAL: SUMAKSI SA AWA NG DIYOS HABANG NABUBUHAY DITO SA LUPA

1 Nobyembre 2016 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a 



Pinararangalan natin ngayong unang araw ng Nobyembre ang lahat ng mga banal sa langit. Noong sila'y namumuhay dito sa lupa, ang lahat ng mga banal ay naging mga saksi ng Awa at Habag ng Diyos. Bilang mga saksi ng Awa ng Diyos, ang lahat ng mga banal ay nagpatotoo sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. 

Ang lahat ng mga kabilang sa hanay ng mga banal ay nananalangin sa Diyos para sa ating lahat dito sa lupa. Noong sila'y namumuhay dito sa lupa, ang mga banal ay nagpatotoo at sumaksi sa Awa at Habag ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga kilos at salita. Ngayong kapiling na nila ang maawain at mahabaging Diyos sa langit, ang kanilang tungkulin ay ang patuloy na pananalangin para sa ating lahat dito sa lupa. Nananalangin sila na nawa'y maligtas tayo mula sa kapahamakan at nawa'y pagdating ng takdang panahon, makapiling din natin ang Diyos. 

Habang nabubuhay pa sila dito sa lupa, ang lahat ng mga santo't santa ng ating Simbahan ay tiyak na nagkasala. May mga pagkakataon sa buhay kung saan ang mga santo't santa ay nakaranas ng matinding kahinaan. Dahil sa mga ito, sila ay nadapa at nagkasala. Subalit, sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan, ang mga santo't santa ay nagpatuloy sa kanilang pagsusumikap na mamuhay na puno ng kabanalan sa paningin ng Diyos. Nanalig sila sa Awa at Habag ng Diyos. Dahil sa kanilang pananalig at pagtitiwala sa Awa ng Diyos, nagsumikap ang mga santo't santa na mamuhay nang kalugud-lugod at puno ng kabanalan. 

Kapiling na ngayon ng lahat ng mga banal na tao sa langit ang Diyos. Sila ngayon ay nasa langit, kapiling ang Diyos. Pagkatapos ng pakikipagdigma at pakikibaka laban sa kasamaan at kasalanan noong sila'y nabubuhay dito sa mundo, ang mga santo't santa ng ating Simbahan ay kapiling na ng Diyos. Namumuhay silang puno ng kaginhawaan at kapayapaan kapiling ang Diyos sa langit. Nagtagumpay sila sa kanilang pakikibaka laban sa mga tukso ng kasalanan at kasamaan sa tulong ng Awa ng Diyos. Kaya naman, tulad ng nasasaad sa Unang Pagbasa mula sa Aklat ng Pahayag, ang lahat ng mga banal ay nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos nang walang humpay sapagkat tinulungan Niya silang magtagumpay. 

Noong ang mga banal ay namuhay dito sa mundo, nagsumikap rin silang maging maawain tulad ng Diyos. Dahil ang Diyos ay nagpakita ng Awa at Habag sa kanila, naging maawain rin sila. Sinikap nilang tumulad sa Diyos sa pagiging maawain sa kapwa. Kahit napakahirap maging maawain tulad ng Diyos, sinikap pa rin nilang mamuhay bilang mga maawain at mahabaging tagasunod ng Panginoon. Dahil naging maawain at mahabagin ang Diyos sa kanila, buong pagsusumikap nilang tinularan ang Panginoon sa pagiging maawain at mahabagin. Sa pamamagitan ng pagtulad sa Panginoon, ibinahagi nila ang Awa at Habag ng Panginoon sa kapwa. 

Ang mga maawain at mahabagin ay nasa sentro ng isa sa mga Beatitudo na itinuro ni Hesus sa Ebanghelyo. Para kay Kristo, mapalad sa paningin ng Diyos ang mga maawain at mahabagin. Kaawaan at kahahabagan rin sila ng Diyos. Ang lahat ng mga banal sa langit ang patunay. Dahil tinularan nila ang halimbawang ipinakita sa kanila ng Panginoon, dahil naging maawain at mahabagin sila tulad Niya, muli silang kinaawaan at kinahabagan ng Diyos. Ang pinakadakilang gantimpala ng Diyos sa kanila ay ang pamumuhay na kapiling Niya sa langit. 

Gaano kadakila o kalaki ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos? Napakalaki. Hindi natin ito kayang sukatin. Sabi ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa, tayong lahat ay tinuring ng Diyos bilang Kanyang mga anak dahil sa Kanyang Pag-Ibig para sa atin. Dahil sa Pag-Ibig ng Diyos sa atin, kinaawaan at kinahabagan Niya tayo. Itinuring Niya tayong mga anak Niya. Kahit mga makasalanan tayo, kahit ilang ulit tayong magkasala laban sa Kanya, iniibig tayo ng Diyos at hinihintay Niya ang araw kung kailan tayo lalapit sa Kanya upang humingi ng Awa at Habag mula sa Kanya. Pagdating ng araw na iyon, agad na ipagkakaloob ito ng Diyos sa atin sapagkat labis ang Kanyang pag-irog sa ating mga itinuring Niyang anak. 

Ito ang naranasan ng mga santo't santa ng ating Simbahan. Naranasan nila ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos, sa kabila ng kanilang mga pagkukulang at mga kasalanan. Kahit marami silang mga kahinaan at kasalanan, naramdaman nila ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. Pinalakas at pinatibay ng Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos ang kanilang kalooban. Dahil dito, lalo nilang pinagsikapang maging maawain at mahabagin tulad ng Diyos. Patuloy nilang pinagsikapang sumunod at tumulad sa halimbawa ng Panginoon. 

Ang lahat ng mga banal sa langit ay sumaksi sa Awa ng Diyos noong nabubuhay pa sila dito sa lupa. Tayo rin lahat ay inaanyayahan ng Diyos na maging banal, mga saksi ng Awa ng Diyos. Tinatawag at inaanyayahan tayo ng Diyos para sa kabanalan dahil sa Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig para sa atin. Patuloy pa rin itong ipinapadama ng Diyos sa atin. Nawa'y tanggapin natin ang panawagan at paanyayang ito mula sa Diyos. Nawa'y sumaksi tayo sa Awa at Habag ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

HINDI PANAHON NG KASINDAKAN

31 Oktubre 2016 
Pagninilay para sa Panahon ng Undas 



Tuwing sasapit ang ika-31 ng Oktubre, nagsisilabasan ang mga kasuutan ng mga nakakatakot na karakter, tulad ng mga mangkukulam, mga multo, mga ispiritista, at iba pa. Meron pa ngang naglalabas ng mga disenyong nakakatakot, tulad ng mga bungo. Sa telebisyon at radyo naman, pinapalabas ang mga pelikula o programang nakakasindak. Nakakatakot. Kung papanoorin o papakinggan nang mag-isa ang mga programang iyon, malamang maubusan ang ating mga hininga sa kakasigaw. Bakit? Nakakatakot. Nakakasindak. 

Ang Ika-31 ng Oktubre ay ang simula ng Undas. Ang gabi ng Ika-31 ng Oktubre ay tinatawag ring Gabi ng Pangangaluwa. Subalit, ang gabing ito ay parang nagiging gabi ng kasindakan. Gabi ng pananakot. Bakit naging gabi ng kasindakan o gabi ng pananakot ang gabi ng Ika-31 ng Oktubre? Iyan ba ang gusto ni Hesus? 

Si Hesus ay pumarito hindi upang magbigay sindak sa sangkatauhan. Bagkus, si Hesus ay pumarito upang ipakita at ipadama sa lahat ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. Nagkaroon ng Mukha ang Awa at Habag ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Mukha ni Hesus. Hindi naparito si Hesus upang magdala ng sindak sa tao. Naparito si Hesus upang ipakita at ipadama ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. 

Kaya, ang panahon ng Undas ay hindi panahon ng kasindakan. Ang panahon ng Undas ay panahon ng pananalangin para sa mga kaluluwa ng mga mahal nating yumao upang makapiling nila ang Diyos sa langit. Sa piling ng Diyos sa langit, mararanasan nila muli ang Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig. Hindi ito panahon upang takutin o manindak ng kapwa-tao. Bagkus, ito'y panahon ng pananalangin para sa mga kaluluwa ng mga yumao upang maranasan nila ang Awa at Habag ng Diyos sa langit. Si Hesus ay naparito hindi upang manindak ng tao. Naparito Siya upang ihatid sa atin ang mensahe ng Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. 

Linggo, Oktubre 30, 2016

LAGI NATING PURIHIN ANG DIYOS NA MAAWAIN, MAHABAGIN, AT MAPAGMAHAL

30 Oktubre 2016 
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 11, 22-12, 2/Salmo 144/2 Tesalonica 1, 11-2, 2/Lucas 19, 1-10 



"Diyos ko at aking Hari, pupurihin Kitang lagi." 

Ang Diyos ay dapat nating purihin lagi. Dapat lagi nating purihin ang Diyos dahil sa Kanyang Awa at Habag. Dakila ang Awa at Habag ng Diyos. Dahil sa Kanyang Awa at Habag, tayo ay Kanyang nilikha mula sa lupa. Noong tayo ay nalugmok sa kasalanan, ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo upang maging ating Manunubos. Sa pamamagitan ni Kristo, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa lahat. Sapagkat ang Panginoong Hesukristo ang Mukha ng Awa ng Ama. Kay Hesus makikita ang Awa at Habag ng Diyos. 

Ipinahayag ng Manunulat ng Unang Pagbasa mula sa Aklat ng Karunungan na ang Diyos ay maawain, mahabagin, at mapagmahal. Ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos ay hinding-hindi mapapantayan. Walang makakahigit pa sa Awa, Habag, at Pagmamahal ng Diyos. Dakila ang Awa, Habag, at Pagmamahal ng Diyos. Hindi ito mapapantayan o matutumbasan ng sinuman dito sa lupa. Walang makahihigit pa sa kadakilaan ng Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. 

Mahalaga sa paningin ng Diyos ang bawat nilalang, lalo na ang tao. Ang lahat ng mga nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang nilikhang masama ang Diyos. Mabuti ang lahat ng mga nilikha ng Diyos. Kaya naman, pinahahalagahan ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga nilikha, lalo na ang sangkatauhan. 

Nagkaroon lamang ng bahid ng kasamaan at kasalanan ang sangkatauhan dahil sa kasalanan nina Eba at Adan sa Halamanan ng Eden. Magmula noong kinain nina Eba at Adan ang pinagbabawal na bunga mula sa Puno ng Karunungan tungkol sa Kabutihan at Kasamaan, nagkaroon ng dungis ng kasalanan ang lahat ng tao. Ang kasamaan at kasalanan ay pumasok sa sanlibutan dahil sa kanilang pagsuway sa utos ng Diyos sa Halamanan. Dahil sumuway sina Adan at Eba sa utos ng Diyos, ang sangkatauhan ay naging mga makasalanan. 

Subalit, sa kabila ng ating pagiging makasalanan, pinahahalagahan pa rin tayo ng Diyos. Mahalaga pa rin tayo sa paningin ng Diyos. Kahit mga makasalanan tayo, tayong lahat ay Kanyang pinapahalagahan. Gaano man kadalas tayo nagkakasala laban sa Panginoon, mahalaga pa rin tayo sa Kanyang paningin. Minamahal pa rin tayo ng Panginoon, kahit ilang ulit tayong magkasala laban sa Kanya. Iniirog tayo ng Diyos. Ang mga makasalanan ay mahal ng Diyos, hindi ang salang nagawa. 

Ito ang paksa ng panawagan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang ikalawang sulat sa mga taga-Tesalonica. Nanawagan si Apostol San Pablo sa lahat ng mga mananampalataya na magbigay ng papuri at karangalan sa Banal na Pangalan ng ating Panginoong Hesukristo, ang Mukha ng Awa ng Ama. Dapat nating bigyan ng papuri at karangalan ang Kabanal-banalang Pangalan ng ating Panginoong Hesus sapagkat ipinamalas Niya sa lahat ang Awa at Habag ng Diyos. Ipinamalas ni Kristo ang Awa at Habag ng Diyos upang tayong lahat ay magbalik-loob sa Kanya. Kahit tayong lahat ay mga abang makasalanan, ipinadama pa rin sa atin ng Panginoon ang Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig para sa ating lahat. 

Sa Ebanghelyo, ang publikanong si Zakeo ay nagbigay ng papuri at karangalan sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisi sa kanyang mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Kanya. Nangyari iyon noong makatagpo niya ang Mukha ng Awa at Habag ng Diyos na si Hesus. Pinagsisihan ni Zakeo ang kanyang mga kasalanan at nagbalik-loob sa Diyos dahil nakatagpo niya si Hesus. Noong nakatagpo ni Zakeo si Hesus, naranasan niya ang pagkilos ng Awa at Habag ng Diyos. Dahil sa karanasang iyon, nagbago ang buhay ni Zakeo. Sa pamamagitan ng kanyang ginawang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos, binigyan ni Zakeo ng papuri at karangalan ang Diyos. 

Si Hesus ang pinakadakilang larawan ng Awa at Habag ng Diyos. Noong Siya ay pumarito sa sanlibutan, isinilarawan ni Hesus ang Awa at Habag ng Ama. Nakita ng sangkatauhan ang Awa at Habag ng Diyos sa katauhan ni Hesukristo. Noong Siya'y pumarito sa daigdig, nagpatoto si Hesus tungkol sa Awa at Habag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. Pumarito si Hesus sa daigdig upang maging ating Tagapagligtas. At bilang ating Tagapagligtas, ipinamalas ng Panginoong Hesukristo sa lahat kung gaano kalalim at kadakila ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. Ang pinakadakilang gawa ng Panginoong Hesukristo kung saan ipinakita Niya sa lahat ang Awa at Habag ng Diyos ay ang Kanyang Banal na Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. 

Nararapat lamang na ang Diyos ay bigyan ng papuri at karangalan. Dapat tayong magbigay ng papuri at karangalan sa Diyos pagkat Siya'y puspos ng Awa, Habag, at Pag-Ibig para sa lahat. Ipinakita sa atin ng Diyos ang Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig na puspos ng kadakilaan. Ito'y patuloy na ipinapakita ng Diyos sa atin magpahanggang ngayon. Paulit-ulit Niya itong ginagawa para sa atin. Ang Diyos ay hindi nagsasawa sa pagpapamalas ng Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig para sa atin. Kaya, nararapat lamang na ang Diyos ay lagi nating papurihan at parangalan. Huwag sana tayong magsawa sa pagbibigay ng papuri at karangalan sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Linggo, Oktubre 23, 2016

MAGPAKUMBABA UPANG KAAWAAN AT KAHABAGAN NG DIYOS

23 Oktubre 2016
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 35, 15b-17. 20-22a (gr. 12-14. 16-18)/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 16-18/Lucas 18, 9-14 



Isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayon ang ugnayan ng Awa at Habag ng Diyos at ng kapakumbabaan. Ang Diyos ay malapit sa mga taong mapagpakumbaba. Mas malapit sa Puso ng Diyos ang mga taong mapagpakumbaba. Ang kapakumbabaan ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Kinalulugdan ng Panginoong Diyos ang mga taong mapagpakumbaba. Bilang pagganti o gantimpala sa pagpapakumbaba ng tao, ipinapakita ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa lahat. 

Isang buwan na lamang po ang natitira bago ang pagwawakas ng Banal na Taon ng Awa, isang Natatanging Hubileyo, na idineklara ng ating Mahal na Santo Papa na si Papa Francisco, noong nakaraang taon. Ang tema ng Hubileyo ng Awa ay hango sa ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas, "Maging maawain tulad ng Ama." (6, 36) Napakagandang muli nating pagnilayan ang misteryo ng Awa ng Diyos, lalo na't nalalapit na ang pagwawakas ng Banal na Taon ng Awa. 

Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni Sirak na diniringgin ng Panginoong Diyos ang mga panalangin ng mga mapagpakumbaba. Para sa Diyos, ang mga panalangin ng mga taong mapagpakumbaba ay tulad ng mga awit at tula na masarap pakinggan. Ang mga ito ay parang mga musika sa Kanyang pandinig. Ang tinig ng mga taong mapagpakumbaba na nagsusumamo at nananalangin nang buong puso't diwa ay kaakit-akit, kahali-halina, kaaya-aya sa pandinig ng Diyos. Dagdag pa ni Sirak, hindi itinatanggi ng Diyos ang kanilang mga panalangin at pagsusumamo sa Kanya dahil sa kanilang kapakumbabaan. 

Napakahalaga ang pagpapakumbaba. Ang pagpapakumbaba ay isang birtud. Ang pagpapakumbaba ay nagpapakita ng kabutihan. Nagagalak ang Diyos sa tuwing nakakakita Siya ng kabutihan. Natutuwa ang Diyos kapag nakikita Niya tayong gumagawa ng kabutihan. Kabilang na rito ang pagpapakumbaba. Kalugud-lugod sa Diyos ang mga mapagpakumbaba. At dahil kinalulugdan Niya ang mga taong mapagpakumbaba, pinapakinggan at diniringgin Niya ang kanilang mga samo at panalangin. Kung nais nating mapakinggan at mag ang ating mga panalangin at kahilingan sa Diyos, at kung nais rin nating maging kalugud-lugod sa Kanyang paningin, kailangan nating maging mapagpakumbaba. 

Sa Ikalawang Pagbasa, ipinahayag ni Apostol San Pablo na makakamtan na niya ang korona ng pagtatagumpay. Paano ito nangyari? Sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos nang buong kababaan ng loob. Naging masunurin si Apostol San Pablo sa kalooban ng Diyos nang buong kababaan ng loob. Ano ang kalooban ng Diyos para sa kanya? Maging misyonero at apostol. Ipalaganap ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa iba't ibang dako ng daigdig. Ipakilala si Kristo sa lahat ng tao bilang Panginoon at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ginawa ni Apostol San Pablo ang lahat ng iyon bilang pagtalima sa kalooban ng Diyos. Tumalima siya sa kalooban ng Diyos para sa kanya nang buong kababaan ng loob. Kahit may mga hindi tumanggap sa kanya at sa kanyang mga ipinapangaral, kahit may mga nais pumatay sa kanya, sinunod pa rin ni San Pablo Apostol ang kalooban ng Diyos nang buong kababaan ng loob. Mas gugustuhin niyang mamatay alang-alang sa Diyos at sa Mabuting Balita kaysa mamuhay nang walang kabuluhan at walang ginawa para sa kadakilaan ng Panginoon. 

Sa Ebanghelyo, muling itinuro ni Hesus ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kababaan ng loob sa pamamagitan ng isang talinghaga. Itinampok at pinuri ni Hesus ang publikano na nanalangin sa Diyos nang buong kababaan ng loob sa talinghaga. Batid ng publikano ang kanyang pagiging makasalanan. Kaya, noong siya'y nanalangin sa templo, hindi siya makatingin sa langit. Ang publikano ay nanalangin nang nakayuko. At sa kanyang panalangin, agad siyang humingi ng awa at kapatawaran mula sa Panginoon. Dahil diyan, kinalugdan at kinahabagan ng Diyos ang publikano dahil sa kanyang kababaan ng loob. 

Malapit ang Diyos sa mga mapagpakumbaba. Ang mga mapagpakumbaba ay hindi Niya kinasusuklaman kundi kinalulugdan. Labis na natutuwa ang Diyos kapag nakikita Niyang nagpapakumbaba ang bawat isa. Ipinagkakaloob ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa mga may kababaan ng loob. Hindi tatanggihan ng Diyos ang mga panalangin at pagsusumamo ng mga mapagpakumbaba. Bagkus, papakinggan at diringgin ng Diyos ang kanilang mga pagsusumamo at panalangin sa Kanya dahil sa Kanyang Awa at Habag. Ang mga taong mapagpakumbaba ay kinalulugdan, kinaawaan, at kinahahabagan ng Diyos. 

Magpakumbaba tayo. Magkaroon tayo ng kababaan ng loob. Labis na matutuwa ang Diyos sa atin kapag makikita Niya tayong may kababaan ng loob. Kapag tayo ay magpapakumbaba sa harapan ng Diyos, papakinggan at ipagkakaloob Niya ang ating mga panalangin at kahilingan sa Kanya. Tayo ay magiging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos kung tayo ay magpapakumbaba. Mas lalo pa tayong magiging malapit sa Diyos. At higit sa lahat, makakamtan natin ang Kanyang pangako ng langit kung saan makakapiling Siya magpakailanman. 

Linggo, Oktubre 16, 2016

MANALIG SA AWA NG DIYOS NANG BUONG KATAPATAN AT KATIYAGAAN

16 Oktubre 2016 
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Exodo 17, 8-13/Salmo 120/2 Timoteo 3, 14-4, 2/Lucas 18, 1-8 



Sa pelikulang Maging Akin Muli, may isang eskena kung saan si Jun-Jun (Marvin Agustin) ay sinamahan ng kanyang ina (Sandy Andolong) pabalik sa seminaryo. Si Jun-Jun ay bumalik sa seminaryo para makipag-usap sa Rektor ng Seminaryo na si Fr. Paul (Nonie Buencanimo). Tatlong ulit na nagkamali si Jun-Jun sa kanyang tungkulin bilang diyakono sa Parokya. Bago pumasok si Jun-Jun para sa kanyang personal na pagpupulong sa Rektor ng Seminaryo, nangako ang ina ni Jun-Jun na ipagdadasal niya ang kanyang anak. Sabi niya na kukulitin niya si Hesus, tulad ng inang nagsusumamo para sa kanyang anak, para kay Jun-Jun. 

Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa pananatiling tapat sa pananalig sa Awa ng Diyos. Itinuturo sa atin ang pagiging matiyaga at ang pananatiling tapat sa ating pananalig sa Diyos. Gaano mang kahirap ang buhay, gaano mang karami at gaano mang kabigat ang mga pagsubok sa buhay, kailangang manalig tayo sa Diyos nang buong katapatan at katiyagaan. Sa kahirapan o sa kaginhawaan, hindi natin dapat hayaang maglaho ang ating pananalig sa Diyos. Dapat manatili tayong matiyaga, tapat, at masigasig sa ating pananalig sa Maykapal. 

Sa Unang Pagbasa, nanalo ang mga Israelita sa digmaan laban sa mga Amalecita. Dikdikan ang labanan. Nakakatuwang isipin na ang resulta ng laban ay nakabase sa mga kamay ni Moises. Kapag ang mga kamay ni Moises ay nakataas, ang mga Israelita ang nananalo. Kapag nakababa naman ang mga ito, ang mga Amalecita naman ang nananalo. Kaya, noong talagang nangangawit na ang mga kamay ni Moises, pinaupo siya sa isang bato, at inalalay nina Aaron at Hur ang kanyang mga kamay upang matiyak nila ang tagumpay ng kanilang bayan. Pilit na itinaas nina Aaron at Hur ang mga kamay ni Moises, kahit napapagod na ang mga ito, sapagkat nais nilang magtagumpay ang kanilang bayan laban sa mga Amalecita. 

Ipinapahiwatig ng Unang Pagbasa ang kapangyarihan ng pagiging matiyaga sa pananalangin. Pinilit nina Aaron at Hur na itaas ang mga kamay ni Moises, kahit nangangawit na ang mga ito. Nananalig sila na kapag ang mga kamay ni Moises ay nakataas, diringgin ng Diyos ang kanilang mga panalangin. Diringgin ng Dios ang kanilang mga panalangin para sa tagumpay ng mga Israelita sa digmaan laban sa mga Amalecita. Hindi sila sumuko; hindi sila nagpadala sa kanilang kapaguran. Bagkus, patuloy silang nanalangin nang buong katiyagaan at katapatan hanggang sa tuluyan silang nagtagumpay sa digmaan. Masasabi natin na parang kinulit nila ang Diyos. At dahil sa kanilang pangungulit, pinagbigyan ng Diyos ang kanilang panalangin. Tinulungan Niyang magtagumpay ang Kanyang bayan. 

Nananalig sina Moises, Aaron, at Hur, na kaawaan ng Diyos ang kanilang bayan. Nanalig sila sa kapangyarihan ng Awa ng Diyos. Nanalig sila na magtatagumpay sila sa digmaan sa tulong ng Awa ng Diyos. Kaya, noong nangawit na ang mga kamay ni Moises, inalalay nina Aaron at Hur ang kanyang mga kamay at hindi nagpadala sa kanilang kapaguran. Nanalangin sila nang buong katiyagaan at nang may buong pananalig sa Awa ng Diyos para sa pagtagumpay ng kanilang bayan. 

"Ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain." (3, 17) Ito ang tema ng Ikalawang Pagbasa. Inutusan ni Apostol San Pablo si Timoteo sa Ikalawang Pagbasa na maglingkod sa Diyos. Si San Timoteo ay inutusang maging misyonero, ipalaganap ang Salita ng Diyos nang buong katiyagaan. 

Subalit, ano ang kailangan ng bawat isa kung nais nating paglingkuran ang Diyos nang buong katiyagaan? Pananalig. Isang napakahalagang susi sa paglilingkod sa Diyos nang buong katiyagaan ang ating pananalig sa Kanyang Awa. Kapag tayo'y may pananalig sa Diyos, mas lalo tayong magiging matiyaga sa paglilingkod sa Poong Maykapal. Mas lalo tayong gaganahan na maglingkod sa Panginoon nang buong katiyagaan kung meron tayong pananalig sa Kanyang Awa. 

Sa Ebanghelyo, isinalarawan ni Hesus sa pamamagitan ng isang talinghaga ang kahalagahan ng pananalig sa Awa ng Diyos nang buong katapatan at katiyagaan. Sa talinghaga ng Panginoong Hesus, naging matiyaga ang isang babaing balo sa kanyang paghingi ng katarungan. Sa bandang huli, ang hukom, kahit gaano man siya ka-huwad at katiwali bilang hukom, kahit wala siyang takot sa Diyos, kahit walang taong iginagalang, ay bumigay sa kahilingan ng babaeng balo. Pinagbigyan ng tiwaling hukom ang kahilingan ng babaing balo dahil sa pagpupumilit nitong bigyan siya ng katarungan, kahit kilala siya bilang isang napakasamang hukom. 

Iisa lamang ang mensahe ng ating mga Pagbasa ngayon - huwag tayong bumigay sa ating mga kahinaan. Huwag nating hayaang maglaho ang ating pananalig sa Awa ng Diyos. Huwag nating hahayaang mawala ang napakahalagang bahagi na ito ng ating buhay-espiritwal. Bagkus, manatili nawa tayong tapat at matiyaga sa ating pananalig sa Awa ng Diyos. Patuloy nawa po tayong manalig sa Awa ng Dios nang buong katapatan at katiyagaan. Ang bawat taong naglilingkod at nananalig sa Kanya nang buong katapatan at katiyagaan ay hindi Niya itatakwil, ipagkakaila, o tatanggihan.  Hindi Niya ipagkakait ang mga kahilingan ng mga naglilingkod at nananalig sa Kanya nang buong katapatan at katiyagaan. 

Kung ang Diyos ay hindi sumuko sa atin, sa kabila ng ating mga kahinaan at mga kasalanan, huwag nating isuko ang ating pananalig sa Awa ng Diyos. Huwag tayo magpatalo sa ating mga kasalanan at kahinaan. Bagkus, manatili tayong tapat at matiyaga sa ating pananalig sa Awa ng Diyos. Ang Diyos ay hindi sumuko sa atin, sa kabila ng ating mga kahinaan at mga kasalanan. Huwag nating isuko ang ating pananalig sa Kanyang Awang walang hanggan. 

Linggo, Oktubre 9, 2016

PAGTANAW NG UTANG NA LOOB SA AWA NG DIYOS

9 Oktubre 2016 
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Hari 5, 14-17/Salmo 97/2 Timoteo 2, 8-13/Lucas 17, 11-19 



"Ang hindi marunong lumingon sa pinangalingan ay hindi makakarating sa paroroonan." - Gat Jose Rizal, Pambansang Bayani ng Republika ng Pilipinas

Ang pagtanaw ng utang na loob ay hindi kaila sa ating kultura. Napakahalaga para sa ating mga Pilipino ang pagtanaw ng utang na loob. Tayo ay tumatanaw ng utang na loob sa mga importanteng tao sa buhay natin, lalung-lalo na ang mga tumulong, umakay, at gumabay sa atin. Ipinapakita natin ang ating taos-pusong pasasalamat at pagpapahalaga sa kanila. Hindi natin nakalimutan ang kanilang mga ginawang pagtulong, pag-akay, at paggabay nila sa atin, lalo na kapag nakamit na natin ang ating mga pangarap at mithiin sa buhay. Ipinapakita rin ng pagtatanaw ng utang na loob ang ating pagkilala at pag-alala sa kanila. Ang birtud ng pagtanaw ng utang na loob para sa ating mga Pilipino sapagkat kinikilala at inaalala natin ang lahat ng mga tumulong sa atin na makamit ang ating mga mithiin. 

Itinatampok ng mga Pagbasa ngayon ang pagtanaw ng utang na loob. Dalawang panahuin sa mga Pagbasa ngayon - isa mula sa Unang Pagbasa at ang isa nama'y mula sa Ebanghelyo - ay nagpakita ng utang na loob. Matapos silang pagalingin ng Panginoon, nagkaroon sila ng utang na loob. Nagpasalamat sila bilang pagtanaw ng utang na loob sa nagpagaling sa kanila. 

Sa Unang Pagbasa, si Naaman ay nagpasalamat kay propeta Eliseo dahil gumaling siya mula sa kanyang ketong. Bagamat ayaw gawin ni Naaman ang pinagawa sa kanya ni propeta Eliseo noong una, sinunod niya ang inutos ng propeta. At dahil pitong ulit niyang nilubog ang kanyang katawan sa Ilog Jordan, gaya ng iniutos sa kanya ni propeta Eliseo, nanauli sa dati ang katawan ni Naaman. Muling kuminis ang katawan ni Naaman. Nawala ang kanyang ketong.

Kaya, noong gumaling si Naaman mula sa kanyang ketong, agad siyang bumalik kay propeta Eliseo at nagbigay ng abuloy. Subalit, hindi tinanggap ng propeta ang abuloy ni Naaman. Kahit ilang ulit siyang pinilit ni Naaman, hindi tinanggap ni propeta Eliseo ang abuloy o handog ni Naaman sa kanya dahil hindi siya ang nagpagaling sa kanya. Ang Panginoon, ang tunay na Diyos, ang nagpagaling kay Naaman. Si Propeta Eliseo ay lingkod ng Panginoong Diyos lamang. Ginagamit siya ng Panginoong Diyos bilang propeta na Kanyang hinirang dito sa lupa. Sa pamamagitan ni propeta Eliseo, ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili bilang tunay na Diyos. Nabatid ito ni Naaman noong siya'y gumaling mula sa kanyang ketong, at nangako kay Eliseo na buong katapatan siyang sasamba at mag-aalay lamang sa Panginoong Diyos, ang tunay na Diyos at Manggagamot. 

Ang Manunulat ng Ikalawang Pagbasa na si Apostol San Pablo ay nakaranas ng isang napakahalagang pangyayari sa kanyang buhay. Ang pangyayaring ito ang nag-udok sa kanya na umanib sa Simbahan at maging misyonerong hinirang ni Kristo Hesus. Si San Pablo Apostol, na noo'y kilala sa pangalang Saulo, ay isang taga-usig ng mga sinaunang Kristiyano. Subalit, nagbago ang kanyang buhay sa daan patungong Damasco. Sa daang patungong Damasco, nagpakita sa kanya ang Panginoong Hesukristo. Pagkatapos ng pagtatagpong ito, siya'y nabulag sa loob ng tatlong araw. Nakakita siya muli sa tulong ng lingkod ng Panginoon na si Ananias. Matapos ipatong ni Ananias ang kanyang mga kamay kay Saulo, muling bumalik ang kanyang paningin. Nakakakita na siya uli. Bilang pasasalamat sa Panginoon, ang maawaing manggagamot, si Saulo, na ngayo'y kilala na bilang si Apostol San Pablo, ay nagpabinyag at umanib sa Simbahang itinatag Niya. Tinanggap din ni Apostol San Pablo ang tungkuling ibinigay sa kanya ng Panginoong Hesus - ang maging misyonero at saksi Niya sa mga Hentil. 

Mula sa pagiging tagausig ng mga sumasampalataya at nananalig sa Panginoong Hesukristo, si San Pablo Apostol ay naging isang dakilang apostol at misyonero ng Simbahan. Ang dating kinakatakutan ng mga kaanib ng Simbahan ay siya namang nagpapalakas ng loob nila sa pamamagitan ng kanyang mga sulat. Hinihikayat ni Apostol San Pablo sa pamamagitan ng kanyang mga sulat ang lahat na manatiling tapat sa kanilang pananalig sa Diyos, sa gitna ng mga pag-uusig. Ginagawa niya ito bilang pasasalamat sa Panginoon na nagpagaling sa kanya. Titiisin niya ang anumang uri ng pag-uusig alang-alang sa Panginoon na Siyang tumulong sa kanya na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. 

Sa Ebanghelyo, isang Samaritano na kabilang sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus ang bumalik sa Kanya upang magpasalamat. Ang Samaritanong ketongin lamang ang siyang bumalik sa Panginoong Hesus upang magpasalamat sa Kanya. Siya lamang ang bumalik kay Hesus upang magpasalamat sa Awa at Habag na Kanyang ipinakita sa kanila. Dahil sa Kanyang Awa at Habag sa kanila, pinagaling ni Hesus ang sampung ketongin sa pamamagitan ng pagsusugo sa kanila sa mga saserdote noon. Sa daang papunta sa mga saserdote, nawala ang kanilang ketong. Muli silang naging malinis at makutis. Subalit, isa lamang ang bumalik kay Hesus upang magpasalamat. At ang nakakagulat dito, Samaritano pa ito. 

Sumalungat sa agos ang Samaritanong ketonging pinagaling ni Hesus. Hindi siya nagpatuloy sa kanyang daan pabalik sa kanyang bayan. Bumalik siya kay Hesus, nagpatirapa, at nagpasalamat sa Kanya. Bago siya bumalik at umuwi sa kanyang sariling bayan, bumalik ang Samaritano upang magpasalamat kay Hesus. Hindi Niya kinalimutan ang ginawa ni Hesus para sa kanya. Masasabi nating lumabas ang pagka-Pilipino ng Samaritanong ito. Marunong tumanaw ng utang na loob ang Samaritanong pinagaling ni Hesus. Parang Pilipino lang, noh? 

Nakakalungkot, marami na po sa atin ang hindi marunong tumanaw ng utang na loob, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Marami po tayong makalimot. Lalung-lalo na kapag umangat at umasenso sa buhay. Kung makalimot, wagas at napakabilis. Umangat at umenso ang buhay, nagkaganyan-ganyan na. Nakakalimutan ang mga tumulong, gumabay, at umakay sa kanya. Napakabilis makalimot. 

Ang masaklap pa diyan, hindi lang tayo nakakalimot sa kapwa-tao. Pati na rin ang Dios nakakalimutan na rin natin. Mabilis tayong makalimot sa Diyos. Noong hindi pa umaasenso ang buhay, ang dasal, "Panginoon, bigyan Mo po ako ng magandang buhay." Tapos, tinupad ng Panginoon ang kanyang kahilingan. Noong umangat at umasenso na ang kanyang buhay, wala na. Nakalimutan na ang Diyos. Mayroon pa ngang hindi na nagsisimba. Gumanda at umunlad ang buhay, pero nakalimutan ang Diyos. Nakakalungkot, nakakadismaya. 

Kahanga-hanga ang mga deboto ng Panginoon, ng Mahal na Ina, at ng mga santo. Hindi sila nakakalimot. Lagi silang nakakaalala. Lagi nilang inaalala kung saan sila nagmula. Hindi sila nagpadala sa kaginhawaang dulot ng pag-asenso at pag-unlad sa buhay. Kahit gumanda ang kanilang buhay, kahit natupad ang kanilang mga panalangin, parangarap, at mithiin sa buhay, mayroon silang utang na loob. Hindi nila nakakaligtaang manalangin at magpasalamat. Dito nagsisimula ang kanilang mga debosyon sa Panginoon, sa Mahal na Ina, at ang mga banal. 

Ibalik natin ang pagtanaw ng utang na loob sa Diyos at kapwa. Tinulungan tayo ng mga mahahalagang tao sa buhay natin na umagat sa buhay. Sa pamamagitan ng pagturo, paggabay, pagtulong, at pag-akay sa atin, tinulungan nila tayong umangat at umasenso sa buhay. Huwag rin nating kalimutan ang Dios na Siyang nagkaloob ng mga taong tutulong sa ating umangat sa buhay. Napakalaki ng papel ng Diyos sa buhay natin. Ang Diyos ang nagkakaloob ng tulong sa atin. Kung hindi dahil sa Diyos, hindi tayo makakarating sa patutunguhan natin. Hindi nating makakamit ang ating mga pangarap at mithiin sa buhay kung hindi dahil sa Awa ng Diyos. 

Lunes, Oktubre 3, 2016

MGA SUSI SA TAGUMPAY: PANALANGIN AT PAGTANGGAP SA KALOOBAN NG DIYOS

7 Oktubre 2016
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Santo Rosaryo 
(Simula ng Hubileyo sa Karangalan ng Mahal na Birheng Maria bilang bahagi ng pagdiriwang ng Taon ng Awa) 
Unang Biyernes ng Buwan ng Oktubre 
Mga Gawa 1, 12-14/Lucas 1/Lucas 1, 26-38 



"Sa kahuli-huliha'y magtatagumpay ang aking kalinis-linisang puso." 
- Mahal na Birheng Maria sa tatlong bata ng Fatima 

Ginugunita natin ngayon ang Mahal na Birheng Maria ng Santo Rosaryo. Ang isa pang titulo ng Mahal na Birheng Maria ng Santo Rosaryo ay ang Mahal na Birhen ng Tagumpay. Ito ay dahil sa ugnayan ng mga panalangin ng Mahal na Birhen sa tagumpay ng mga pwersa ng Kristiyanismo laban sa mga pwersa ng Imperyong Otomano sa Pandagat na Digmaan sa Lepanto noong 1571. At dahil sa tagumpay ng mga pwersa ng Kristiyanismo laban sa mga pwersa ng Imperyong Otomano sa Lepanto, itinalaga ng Santo Papa noon na si Papa Pio V ang araw na ito bilang araw ng Paggunita sa Mahal na Birhen ng Tagumpay. Sa paglipas ng panahon, pinalitan ang pangalan ng Paggunita sa araw na ito sa kasalukyang pangalan. 

Ang ating Mahal na Inang si Maria ay patuloy na nananalangin para sa atin upang magtagumpay tayo laban sa mga tukso at pagsubok sa buhay sa tulong ng Awa ng Diyos. Bilang ating Ina, batid ng Birheng Maria na hindi natin kayang harapin at pagtagumpayan ang mga tukso at pagsubok sa buhay nang nag-iisa lamang. Alam niyang kailangan natin ng tulong. Kaya, patuloy na nananalangin si Inang Maria para sa atin upang mapagtagumpayan rin natin ang mga tukso at pagsubok sa buhay, sa tulong ng Awa ng Diyos. 

Katulad nating lahat, naranasan ng Mahal na Ina ang kalupitan ng buhay. Kahit si Maria ay iniligtas ng Diyos mula sa bahid ng kasalanang mana bago pa man siya ipaglihi sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana, at kahit hindi dinungisan ng anumang kasalanan magmula noon, hindi naligtas si Maria mula sa kalupitan ng buhay. Maski nga si Hesus ay hindi naging ligtas mula sa kalupitan ng buhay dito sa daigdig, kahit Siya pa ang Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Noong dumating ang mga sandali ng kalupitan, lalung-lalo na sa mga sandali ng pagpapakasakit ng kanyang Anak na minamahal, ang Mahal na Birheng Maria ay kumapit at nanalangin sa Diyos na tulungan siya sa pagharap sa mga ito. Ang Mahal na Birheng Maria ay kumapit at nanalangin sa Diyos upang tulungan siyang pagtagumpayan at lampasan ang mga pagsubok at kapighatian sa buhay. 

Alam ni Maria na kung hindi dahil sa Diyos, hindi niya mapagtatagumpayan at malalampasan ang mga pagsubok at madidilim na sandali ng buhay dito sa lupa. Kaya, siya'y patuloy na nananalangin para sa atin. Isinasama niya tayo sa kanyang mga panalangin sa Poong Maykapal. Bilang ating Ina, gagawin ng Birheng Maria ang lahat para sa ating kabutihan. Ang pananalangin ng Mahal na Ina para sa atin ay parang isang paalala rin para sa atin. Ang paalalang nais ipaabot sa ating lahat ni Inang Maria ay nandiyan ang Diyos. Meron tayong Diyos na handang tumulong at sumagip sa atin. Meron tayong Diyos na maaari nating kapitan sa mga oras ng mga pagsubok at madidilim na sandali ng buhay dito sa lupang ibabaw. Mayroon tayong Diyos na tutulong sa atin upang pagtagumpayan at lampasan ang mga pagsubok at tukso sa buhay dito sa mundo. 

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na ang mga apostol ay nananalangin sa loob ng isang silid, ang senakulo, kasama ang Mahal na Birheng Maria. Ang mga apostol ay nananalangin at naghihintay sa senakulo para sa pagdating ng Espiritu Santo sa kanila, katulad ng ipinangako ng Panginoong Hesus. Sinasamahan sila ng Mahal na Ina sa pananalangin. Makikita natin dito ang maka-inang pagkalinga ng Mahal na Birheng Maria sa lahat ng mga kabilang sa Simbahang itinatag ni Kristo. Sinasamahan niya sila sa pananalangin. Nananalangin siya sa Panginoon kasama natin. Nananalangin si Inang Maria para sa mga anak na inihabilin sa kanya ng Panginoong Hesukristo habang Siya'y nakabayubay sa krus. Hinding-hindi tayo pababayaan ng ating Inang si Maria. Lagi niya tayong ipagdadasal sa Panginoon upang tayo'y hindi Niya pababayaan, lalo na sa mga oras ng pangangailangan. 

Sa Ebanghelyo, niyakap at tinanggap ng Mahal na Birheng Maria ang kalooban ng Diyos. Tinanggap niya ang Awa ng Diyos sa kanyang buhay. Tinanggap ni Inang Maria ang Awa ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Pinahintulutan ni Inang Maria na manahan sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ang Mukha ng Awa ng Diyos Ama - si Hesus. Pumayag ang Birheng Maria na maging Kaban ng Bagong Tipan dahil sa kanyang pananalig sa Diyos. Kahit hindi maintindihan o maunawaan ng lubusan ng Mahal na Ina ang kalooban ng Diyos, tinanggap pa rin niya ang kalooban ng Diyos dahil sa kanyang pananalig sa Diyos. Ang pananalig ni Maria ay naging susi sa pagtanggap sa kalooban ng Diyos. Dahil tinanggap niya ang kalooban ng Diyos, naghari ang Awa ng Diyos sa buhay ng Mahal na Ina. 

Ipinapakita ng ating Mahal na Inang si Maria ang mga susi sa pagtatagumpay - ang panalangin at ang pagtanggap sa kalooban ng Diyos. Ang Mahal na Birheng Maria ay hindi nagsawa sa pananalangin sa Diyos habang siya'y nabubuhay dito sa lupa. Tinanggap rin niya ang kalooban ng Diyos, kahit hindi niya ito lubusang maintindihan, lalung-lalo na sa panahon ng pagdurusa at hapis. Ang mga ito ang nagpatibay at nagpalago ng kanyang pananalig sa Diyos. At dahil sa malalim na pananalig ng Mahal na Inang si Maria sa Diyos, nalampasan at napagtagumpayan niya ang mga pagsubok at madidilim na sandali dito sa lupang ibabaw. 

Patuloy tayong ipinagdadasal ng ating Mahal na Ina sa langit. Samahan natin ang ating Mahal na Ina sa kanyang patuloy na pananalangin para sa atin. Manalangin tayo kasama ni Inang Maria. Tanggapin rin natin ang kalooban ng Diyos sa ating buhay, kahit hindi natin ito lubusang maintindihan, lalung-lalo na sa mga oras ng pagdurusa. Ang mga ito ang magpapatatag at magpapalalim sa ating pananalig sa Poong Maykapal. At pagtatagumpayan natin ang mga pagsubok at tukso sa buhay dito sa lupa sa tulong ng Awa ng Diyos. 

Linggo, Oktubre 2, 2016

MARIA: HUWARAN NG PANANALIG SA DIYOS NANG BUONG KATAPATAN

2 Oktubre 2016 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Habacuc 1, 2-3; 2, 2-4/Salmo 94/2 Timoteo 1, 6-8. 13-14/Lucas 17, 5-10 



Ang mga Pagbasa ngayong Linggo ay tungkol sa pananalig sa Diyos nang may buong katapatan. Ang ating Mahal na Inang si Maria, na labis na pinararangalan at minamahal nating mga Pilipinong Katoliko, ay isang napakagandang huwaran ng isang taong nananalig sa Diyos nang may buong katapatan, sa hirap man o sa ginhawa. Tayong mga Pilipinong Katoliko na namimintuho at umiibig nang lubos sa Mahal na Birheng Maria ay makakatagpo ng isang napakagandang halimbawa mula sa kanya. Ang Mahal na Birhen ay nanatiling tapat sa kanyang pananalig sa Panginoong Diyos, sa hirap man o sa ginhawa, sa mga sandali ng tuwa at hapis. 

Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagbitiw ng pangako sa propeta na Kanyang hinirang na si Habacuc na magpapatibay ng kanyang kalooban. Bilang tugon sa pananaghoy ni propeta Habacuc, nangako ang Diyos na ililigtas Niya ang mga matutuwid at tapat sa Kanya. Ililigtas ng Diyos ang mga matutuwid at tapat sa Kanya pagdating ng takdang panahon. At isa pang magandang balita mula sa Panginoon - hindi na magluluwat ang takdang panahon na ito. Nalalapit na ang takdang panahon kung kailan tutuparin ng Poong Maykapal ang Kanyang pangako. Hindi Niya bibiguin o lilimutin ang Kanyang pangako. Manalig lamang tayo sa Panginoon nang may buong katapatan. Tutuparin din Niya ang Kanyang pangako. Hindi Niya lilimutin o bibiguin ang Kanyang pangakong binitiwan. 

Ganun din ang hinihikayat ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang ikalawang sulat kay Timoteo. Noong kapanahunang yaon, si Apostol San Pablo ay nakabilanggo dahil sa kanyang pangangaral at pagpapatotoo tungkol kay Kristo Hesus sa mga madla. Hindi tinanggap ng karamihan si Apostol San Pablo o ang kanyang mga ipinapangaral at ipinapahayag, kaya ibinilanggo siya ng mga opisyales ng pamahalaan. Habang nakabilanggo, pinapalakas niya ang kalooban ng kanyang mga kapwa misyonero at mga naging kasama niya sa misyon tulad ni San Timoteo sa pamamagitan ng kanyang mga sulat sa kanila. 

Hinikayat ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang lahat, hindi lamang si San Timoteo, na huwag ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa Panginoong Hesus. Huwag ikahiya ang Panginoong Hesukristo. Patuloy tayong manalig sa Kanya at sumunod sa Kanyang kalooban, sa gitna ng mga pagsubok at pagdurusa sa buhay. Huwag tayong magpatalo sa mga pagsubok at pagdurusa sa buhay. Panatilihin at pag-alabin natin ang ating pananalig at pagmamahal sa ating Panginoon, sa hirap at ginhawa. Kahit inuusig at nagdurusa, gaano mang kahigpit ang buhay, manatili tayong tapat sa ating pananalig sa Panginoon. 

Ang Panginoong Hesus ay hindi nangako ng isang maginhawang buhay para sa mga nais maging tagasunod Niya dito sa lupang ibabaw. Nagbigay Siya ng babala na may mga pagkakataon sa buhay kung kailan susubukin ang ating pananalig sa Kanya. Susubukin ang katatagan ng pananalig natin sa ating Panginoon. May mga pagdurusa sa buhay na kailangan nating harapin bilang mga tagasunod ni Kristo. Susubukin kung gaano tayo katapat sa Panginoon. Subalit, kung tayo ay nananalig sa Panginoon nang buong katapatan, malalampasan at mapagtatagumpayan natin ang anumang pagsubok at pagdurusa sa buhay dito sa lupa. 

Sa Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus na ang pananalig sa Diyos ay hindi basta-basta magiging buo. Kinakailangan itong lumago, katulad ng paglago ng isang munting binhi, tulad ng butil ng mustasa. Kailangang magsimula sa kamuntian ang ating pananalig sa Panginoon upang lumago ito sa paglipas ng panahon. Ang pananalig sa Panginoon ay hindi magiging buo at kumpleto agad-agad. Ang ating pananalig sa Poong Maykapal ay dapat lumago sa paglipas ng panahon. Habang tayo ay naglalakbay dito sa lupang ibabaw, kinakailangan nating hayaang lumago ang ating pananalig sa Maykapal. 

Habang nabubuhay ang Mahal na Birheng Maria dito sa daigdig, nanalig siya sa Diyos nang buong katapatan. Ang kanyang tapat na pananalig sa Diyos ay naging daan para makasunod at makatalima siya sa kalooban ng Diyos. Hinayaan niyang lumago ang kanyang pananalig sa Diyos sa paglipas ng panahon. Subalit, tulad ng kanyang Anak na si Hesus, hindi naging ligtas si Inang Maria mula sa kalupitan ng buhay. Naranasan ni Inang Maria ang mga pagsubok at pagdurusa sa buhay. Naranasan rin ng Mahal na Inang si Maria ang mga pangyayaring sumubok sa kanyang katapatan at pananalig sa Diyos. 

Subalit, gaano mang kalupit ang buhay sa kanya, gaano mang kahapdi ang mga pagdurusa sa buhay, hindi bumitiw ang Mahal na Ina sa kanyang pananalig at katapatan sa Poong Maykapal. Sa halip na sumuko sa mga pagsubok at pagdurusa sa buhay, at sa halip na bumitiw sa kanyang pananalig at katapatan sa Mahal na Panginoon, lalong kumapit ang Mahal na Birhen sa Panginoon.  Nanalig pa rin si Maria nang buong katapatan sa Diyos, lalung-lalo na sa mga oras ng pagsubok at pagdurusa. Nananalig si Maria na tutulungan siya ng Dios na pagtagumpayan ang mga pagsubok at pagdurusa, mga kalbaryo sa buhay. Nanalig si Maria na ang mga ito'y mga pagkakataon sa buhay upang lalo pang tumibay at lumago ang kanyang pananalig at katapatan sa Panginoong Diyos. 

Nagsimula sa kamuntian ang pananalig at katapatan ng Mahal na Birheng Maria sa Diyos, at hinayaan niyang lumago at tumibay ito sa tulong ng Diyos sa paglipas ng panahon. Sa tulong ng Awa ng Diyos, ang pananalig at katapatan ng Mahal na Inang si Maria ay lumago at tumibay. Hinayaan ni Inang Maria na tulungan siya ng Diyos upang lumago at tumibay ang kanyang pananalig at katapatan sa kanya. Kahit may mga pagkakataong hindi niya lubos na maintindihan ang kalooban ng Diyos, tinanggap at sinunod ng Birheng Maria ang kalooban ng Diyos. Hinayaan niyang manaig ang kalooban ng Diyos sa kanyang buhay. Hinayaan din ni Inang Maria na tulungan siya ng Diyos upang lalo pang lumago at tumibay ang kanyang pananalig at katapatan sa Kanya. 

Kung tayo ay tunay na namimintuho at nagmamahal kay Inang Maria, tatalima at susunod rin tayo sa kalooban ng Diyos, tulad niya. Patuloy rin tayong mananalig sa Diyos nang buong katapatan, sa kahirapan man o sa kaginhawaan. Patuloy rin nating hahayaang lumago at tumibay ang ating pananalig sa Panginoon, katulad ng isang munting binhi, isang butil ng mustasa. Higit sa lahat, paglilingkuran at sasambahin natin ang Diyos na Siyang ating Tagapagligtas at puspos ng Awa at Habag para sa lahat. Ang iisang Diyos na binubuo ng Tatlong Persona ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. Kung tunay tayong may debosyon sa Mahal na Inang si Maria, tutularan natin ang halimbawa na kanyang ipinakita. 

Sabado, Oktubre 1, 2016

PAGNINILAY PARA SA UNANG SABADO NG BUWAN NG OKTUBRE

1 Oktubre 2016 
Sabado ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Paggunita kay Santa Teresita ng Sanggol na Hesus, dalaga 
Unang Sabadong Debosyon sa Mahal na Birheng Maria 
Job 42, 1-3. 5-6. 12-16 (hebr. 1-3. 5-6. 12-17)/Salmo 118/Lucas 10, 17-24 


Inilalarawan sa Unang Pagbasa ang katapusan ng pagdurusa ni Job. Si Job ay nagdusa, kahit nanatili siyang tapat sa Dios buong buhay niya. Paulit-ulit siyang nagtanong sa Diyos kung bakit nagkaganyan ang kanyang buhay. Biglang naglaho ang lahat para kay Job. Nawala ang lahat sa kanya. Nawala ang lahat ng kanyang mga kayamanan. Nawala ang kanyang mga ari-arian. Namatay ang kanyang mga anak. Hindi na naging masagana ang kanyang buhay. Bagkus, napuno ng kapaitan at pagdurusa ang kanyang buhay. Paulit-ulit siyang nagtanong sa Diyos kung bakit nagkaganyan ang lahat. Subalit, kahit hindi nakuha ni Job ang sagot sa kanyang mga katanungan, naging sapat para sa kanya ang mapagmasdan ang Mukha ng Diyos, ang Mukhang puspos ng Awa at Habag para sa sangkatauhan. 

Pagkatapos ng pananatiling tapat sa kabila ng pagdurusa, biniyayaan ng Poong Maykapal si Job. Pinagpala at biniyayaan ng Poong Diyos si Job para sa kanyang katapatan. Ginantimpalaan siya para sa kanyang pananalig at katapatan sa Diyos na puspos ng Awa at Habag para sa sangkatauhan. Siksik, liglig, at umaapaw ang mga pagpapala at biyayang tinanggap ni Job mula sa Poong Diyos pagkatapos ng mga sandali sa kanyang buhay na napuno ng kapaitan at pagdurusa. 

Sa Ebanghelyo, pinaalalahanan ni Hesus ang Kanyang mga alagad na dapat silang magalak dahil nakatala sa langit ang kanilang pangalan. Ito'y matapos ibalita ng mga alagad sa Panginoong Hesus na marami silang pinalayas na demonyo mula sa mga tao. Nagkaroon sila ng kapangyarihang magpalayas ng mga masasamang espiritu, mga demonyo, dahil sa kapangyarihan ng Ngalan ni Hesus. Subalit, para kay Hesus, ang dapat ikagalak ng mga alagad ay ang pagkatala ng kanilang mga pangalan sa langit. Nakatala ang kanilang mga pangalan sa langit dahil nanatili silang kapanig ng Diyos, sa kabila ng mga tukso at pagsubok sa buhay. 

Nakaranas rin ng mga matitinding pagsubok at pagdurusa sa buhay ang Mahal na Birheng Maria at si Santa Teresita ng Sanggol na si Hesus. Hindi nila naintindihan kung bakit nakakaranas sila ng pagdurusa at pagsubok sa buhay, kahit tumatalima sila sa kalooban ng Diyos. Subalit, nananatili pa rin silang tapat sa panig ng Diyos. Sa hirap man o sa ginhawa, nanatili pa rin silang tapat ng Diyos. Nananatili silang kapanig ng Diyos. Gaano mang katindi ang mga pagdurusa at pagsubok sa buhay, mas lalo silang kumapit sa Poong Maykapal. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay nakaranas ng pagdurusa sa kanyang puso. Ang kanyang puso ay nagdusa ng pitong ulit nang dahil sa Panginoong Hesus. Pitong ulit niyang naranasan ang pagtarak ng balaraw sa kanyang kalinis-linisang puso. Mula sa hula ni Simeon sa templo patungkol sa Panginoong Hesukristo hanggang sa sandali ng pagkamatay ng Panginoong Hesukristo, naranasan ng Mahal na Inang si Maria ang pagdurusa at kapaitan mula sa kanyang puso. Subalit, kahit pitong ulit tinarakan ang kanyang puso, kahit hindi niya naintindihang mabuti kung bakit nagkaganyan ang lahat, kahit pitong ulit siyang nasaktan, hindi pa rin siya nawalan ng pananalig sa Diyos. Nananalig pa rin siya na magtatapos rin ang pagdurusa, mapapawi ang kanyang hapis at dalamhati, sa Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus. Hindi nawalan ng pananalig si Inang Maria sa Diyos, gaano mang katindi ang mga pagdurusang naramdaman niya sa kanyang puso. 

Si Santa Teresita ng Sanggol na si Hesus ay nakaranas din ng pagdurusa sa buhay. Sinikap niyang maging banal, lalung-lalo na noong pumasok siya sa kumbento ng mga madreng Carmelitana. Nang makapasok na si Santa Teresita sa kumbento bilang nobisyada, nagkasakit siya nang malubha. Katunayan, umuubo pa nga siya ng dugo. Subalit, tinanggap pa rin niya ang kalooban ng Diyos. Tumalima pa rin siya sa kalooban ng Diyos. Hindi siya nawalan ng pananalig sa Diyos. Sa sandali ng pagdurusa, mas lalong humigpit ang pagkapit ni Santa Teresita sa Diyos. Ang bawat sandali ng kanyang pagdurusa hanggang sa kanyang kamatayan ay inalay ng "Munting Bulaklak" na si Santa Teresita sa Panginoong Diyos. 

Sa panahon ng kagipitan, kapaitan, at pagdurusa, kumapit tayo sa Diyos. Huwag nating isipin na wala na tayong makakapitan, Nandiyan ang Panginoon. Iniuunat Niya ang Kanyang mapagpalang Kamay sa atin upang makakapit tayo sa Kanya. Kumapit tayo sa Diyos na may buong pananalig sa Kanya. Huwag tayong bumitiw sa Kanya. Kumapit tayo sa Kanya, tulad ng Mahal na Inang si Maria at ni Santa Teresita ng Sanggol na si Hesus. Mapagtatagumpayan rin natin ang mga pagsubok at mga sandali ng pagdurusa sa buhay sa tulong ng Panginoon. 

AWIT SA PAGNINILAY: "Awit sa Ina ng Santo Rosaryo"