Linggo, Nobyembre 27, 2016

APOSTOL: MAMAMALAKAYA NG TAO

30 Nobyembre 2016 
Kapistahan ni Apostol San Andres
Roma 10, 9-18/Salmo 18/Mateo 4, 18-22 

Kuha mula sa (http://manilacathedral.ph/statue.aspx)
Isa sa mga unang apostol ay si San Andres Apostol. Siya ang kapatid ng pinuno ng mga apostol na si San Pedro Apostol. Tulad ng kanyang kapatid na si Apostol San Pedro, si Apostol San Andres ay isang mamalakaya. Namamalakaya siya kasama ang kanyang kapatid. Subalit, nagbago ang kanyang buhay sa sandaling tinawag siya at ang kanyang kapatid na si Simon Pedro ni Hesus. Noong naranasan ni San Andres ang pagtawag ni Hesus, tinalikuran niya ang kanyang hanapbuhay. Iniwan niya ang kanyang lambat sa bangka. Sumunod siya kay Hesus. 

Sa salaysay ng pagtawag ni Hesus sa Kanyang mga unang apostol, sinabi Niyang magiging mamamalakaya ng tao ang apat na ito. Ang hanap-buhay ng apat na ito ay pamamalakaya. Subalit, sa tulong ni Kristo, sila'y naging mga mamamalakaya ng mga tao. Tao na ang kanilang huhulihin, hindi na mga isda. Mula sa pagiging mga mamamalakaya ng isda, naging mga mamamalakaya ng tao ang unang apat na apostol ni Hesus. Ito'y natunghayan natin sa Ebanghelyo ngayon. 

Ano ang misyon ng mga apostol bilang mga mamamalakaya ng tao? Si Apostol San Pablo ang sumagot sa tanong na ito sa Unang Pagbasa. Ipakilala si Kristo sa lahat. Ipalaganap ang Mabuting Balita. Mangaral tungkol kay Kristo. Maging mga saksi ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Maging mga saksi ni Kristo sa iba't ibang dako ng daigdig. Ang misyon ng mga apostol ay ipinagpapatuloy pa rin ng Simbahan, magpahanggang-ngayon. Ebanghelisasyon.

Tayong lahat ay inaanyayahang maging mga apostol, mga mamamalakaya ng tao. Ang Ebanghelisasyon ay hindi lamang misyon ng mga pinuno ng Simbahan. Ito'y misyon ng bawat isa. Ang bawat isa sa atin ay tinatawag at inaanyayahang maging mga mamamalakaya ng tao. At bilang mga mamamalakaya ng tao na hinirang ni Kristo, tayo ay magiging mga saksi ng Mabuting Balita. Ipapakilala natin si Kristo sa mga hindi pa nakakakilala sa Kanya. Ipapalaganap natin ang Mabuting Balita. At higit sa lahat, ang Diyos ay lalo pa nating ikadarakila. 

HESUS: SENTRO NG MASIGLANG PAGHAHANDA AT PANANABIK

27 Nobyembre 2016 
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A) 
Isaias 2, 1-5/Salmo 121/Roma 13, 11-14a/Mateo 24, 37-44 



Sinisimulan ng Simbahan ang isang bagong Taong Litruhiko sa pamamagitan ng Panahon ng Pagdating ng Panginoon (Adbiyento). Ang paksang nais pagtuunan ng pansin ng Simbahan ngayong panahong ito ay ang paghihintay at paghahanda. Sa ating paghihintay at pananabik para sa pagsapit ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, binibigyan tayo ng pagkakataong maghanda ng sarili. Ang panahon ng Adbiyento ay panahon upang ihanda ang ating mga puso't diwa para sa pagdating ng Panginoon. 

Isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayong Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ang sentro ng ating paghihintay at paghahanda ngayong panahong ito. Ang sentro ng ating paghihintay, paghahanda, at pananabik ngayong panahon ng Adbiyento ay si Hesus. Si Hesus ang dapat maging sentro ng ating paghahanda at pananabik ngayong panahon ng Adbiyento. Ang Panginoon ay dapat nating isentro sa ating paghahanda at paghihintay ngayong panahon ng Adbiyento. 

Mapapakinggan natin sa Unang Pagbasa ang pangako ng Panginoon. Kapayapaan ang paiiralin ng Panginoon. Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan. Hindi karahasan o lagim ang paiiralin kundi kapayapaan. At ang kapayapaang hatid ng Panginoon ay tunay at perpekto. Sa Panginoon lamang natin masusumpungan ang kapayapaang tunay at walang hanggan pagkat Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan. 

Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang Panginoong Hesus ay dapat maging hari ng ating buhay. Si Hesus ang dapat maging sentro ng ating buhay. Siya ang dapat maging sentro ng ating paghahanda at paghihintay ngayong Panahon ng Pagdating. Lagi Siyang kumakatok sa ating mga puso't diwa. Buksan natin ang ating mga puso sa pagkatok ng Panginoong Hesukristo nang sa gayo'y manahan at maghari Siya sa ating puso. Nararapat lamang si Hesus ay manahan at maghari sa ating mga puso sapagkat Siya ang Diyos na nagliligtas. 

Sa Ebanghelyo, inihalintulad ang pagdating ni Hesus sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Hindi inaasahan ng lahat ang pagdating ng baha. Ang akala nila'y kalokohan lamang iyon, hindi totoo. Subalit, nang si Noe'y pumasok sa daong, ang baha ay dumating. Kung paanong hindi inaasahan ng lahat ang pagdating ng baha noong panahon ni Noe, ganyan din ang pagdating ni Hesus. Inihalintulad ni Hesus ang Kanyang pagdating sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe upang iatas sa lahat na laging maging handa para sa Kanyang pagdating, lalo na ang Kanyang pagdating sa ating mga puso't diwa. 

Ang sentro ng paghahanda at paghihintay ngayong Panahon ng Pagdating ay si Hesus. Si Hesus ang dahilan kung bakit tayo masigla at puno ng tuwa ang ating paghahanda at pananabik ngayong panahon ng Adbiyento. Siya ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Panahon ng Pagdating. Sa ating masiglang pananabik at paghahanda ngayong panahon ng Adbiyento, huwag nating kalimutan ang sentro at dahilan ng ating pagdiriwang - si Hesus. 

Linggo, Nobyembre 20, 2016

ANG KAPANGYARIHAN NG AWA NI KRISTONG HARI

20 Nobyembre 2016 
Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K) 
2 Samuel 5, 1-3/Salmo 1121/Colosas 1, 12-20/Lucas 23, 35-43 



Kapag nag-isip tayo ng mga katangian ng isang hari o pinuno, agad nating iisipin ang kapangyarihan taglay nila. Makapangyarihan ang bawat hari o pinuno. Taglay nila ang kapangyarihang magpasiya at gumawa ng mga bagay na nararapat para sa mga bayang pinaghaharian o pinamumunuan nila. 

Makapangyarihan rin ang Panginoong Hesukristo. Bilang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, may kapangyarihan Siya. Siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Namalas natin ang Kanyang kapangyarihang banal na nahihigit pa sa mga pwersa at kapangyarihan ng kalikasan. Noong si Hesus ay naglalayag kasama ang mga alagad, sinaway at pinatahimik Niya ang isang napakalakas na unos. Takot na takot ang mga alagad sa mga oras na iyon. Natatakot silang lumubog. Subalit, si Hesus ay kalamdo sa mga oras na iyon. Si Hesus lang ang mahinahon sa mga oras na iyon. At nang bumangon si Hesus mula sa Kanyang pagtulog, ginamit Niya ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang sawayin ang napakalakas na bagyo. 

Bilang Hari, ang Panginoong Hesukristo ay makapangyarihan. Subalit, ginagamit Niya ang Kanyang kapangyarihan sa ibang paraan. Hindi ginagamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos at Hari tulad ng mga hari o pinuno dito sa mundo. Ginagamit ng Panginoong Hesus ang Kanyang kapangyarihan sa ibang paraan na hindi tulad ng sinumang hari o pinuno dito sa mundo. 

Sa kasaysayan ng ating daigdig, mayroong mga pinuno ng iba't ibang mga bansa na umabuso sa kanilang kapangyarihan. Ang kapangyarihan nila bilang pinuno ng bansa ay inabuso nila. Halimbawa, sina Adolf Hitler ng Alemanya at Joseph Stalin ng Unyong Sobyet (Rusya). Inabuso nila ang kanilang kapangyarihan. Naging mga diktador sila. At bilang mga diktador, ipinalaganap nila ang karahasan sa ilalim ng kanilang pamumuno. Lumaganap ang karahasan. Kaya nga muling nagkaroon ng isang malaking digmaan - ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 

Nagkaroon din ng diktador sa ating bansang Pilipinas - si Ferdinand Marcos. Siya ang Pangulo ng ating bansa noong panahon ng Batas Militar. Ang Batas Militar ang pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan. Noong panahon ng Batas Militar, lumaganap ang karahasan. Marami ang naging biktima, nagdusa, dahil sa pang-aabuso ng mga namumuno sa pamahalaan noong panahon ng Batas Militar. Ito'y isang panahon kung saan lumaganap ang lagim at kadiliman sa ating bansa. Kaya nagkaroon ng isang napakalaking himagsikan - ang Rebolusyon sa EDSA noong 1986. Sawang-sawa na sila sa labing-lima't kalahating taon ng diktadura. Sawa na sila sa pamumuno ng isang diktador. Sawa na sila sa karahasan. Pagbabago ang kanilang hangad. At nakamit ito sa isang mapayapang paraan. 

Mayroong mga pinuno sa mundo na umaabuso ng kanilang kapangyarihan. May mga pinunong nagnanais na magpalaganap ng karahasan. May mga pinunong nais maghasik ng lagim at takot. Hindi iyan si Kristong Hari. Hindi ganyan ang Pagkahari ng ating Panginoong Hesukristo. Hindi Niya ginagamit ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos at Hari sa ganung pamamaraan. 

Sa anong paraan ginagamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos at Hari? Ginagamit Niya ito upang ipalaganap ang Awa at Kapayapaan. Kapayapaan at Awa ang nais ipalaganap ni Hesus. Hindi nais gamitin ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan para ipalaganap ang karahasan. Hindi dahas ang nais ipalaganap ni Hesus. Bagkus, nais Niyang ihatid ang Awa at Kapayapaan na Kanyang kaloob sa lahat. Awa at Kapayapaan, hindi karahasan at lagim. 

Natunghayan natin ito sa Ebanghelyo. Kahit nakapako si Hesus sa krus, nililibak at kinukutya pa rin Siya ng Kanyang mga kaaway. Ang mga panlalait na ibinabato ng Kanyang mga kaaway ay sobrang dami at sobrang sakit. Subalit, tiniis Niya ang lahat ng mga panlalait at pagkutya ng Kanyang mga kaaway. Tahimik na tiniis ni Hesus ang paglilibak ng Kanyang mga kaaway. Sa katahimikan, nagpakita ng Awa at Kapayapaan si Hesus sa Kanyang mga kaaway. Kahit walang kalaban-laban si Hesus habang nakapako sa krus, Awa ang Kanyang ipinakita.

Ito ang umakit kay Dimas, ang magnanakaw na nagsisi. Naakit siya nang makita niya si Hesus na hindi naghihiganti sa Kanyang mga kaaway. Tahimik na tiniis ni Hesus ang lahat ng mga iyon. Mapayapa, mahinahon si Hesus kahit kinukutya. At sa pamamagitan ng pagiging mahinahon at mapayapa habang nakapako sa krus, nagpakita ng Awa si Hesus. Ipinakita ni Hesus na higit na makapangyarihan ang Kanyang Awa sa anumang pwersa ng karahasan at kasamaan. 

At noong magsisi si Dimas, ipinagkaloob ni Hesus ang Kanyang kahilingan. Ang pangako ng Paraiso ay ipinagkaloob ni Hesus sa nagtitikang magnanakaw. Hindi kinalimutan ni Hesus ang ginawang pagsisi at pagtalikod ng magnanakaw mula sa kanyang mga kasalanan, kahit naghihingalo na siya. Ipinangako ni Hesus na ang magnanakaw na ito ay isasama Niya sa Kanyang kaharian, ang tunay na Paraiso. Dahil sa pagsisisi ng magnanakaw na ito, naranasan niya ang Awa ng Diyos. Ang pangako ng Awa ng Diyos ay nakamtan niya. 

Magdiwang at magpasalamat tayo kay Kristong Hari. Ipinakita ni Kristong Hari ang Kanyang banal na kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapakita ng Awa at Habag sa atin. Namalas natin ito noong Siya ay magkatawang-tao. Muli nating ito namalas noong inihain Niya ang Kanyang buhay sa krus. At muli nating namalas ito noong Siya ay muling mabuhay sa ikatlong araw. Ang tatlong bahagi na ito sa buhay ni Hesus ang mga pinakadakilang larawan ng Kanyang Awa at Habag para sa atin. Kaya, nararapat lamang na magdiwang at magpasalamat tayo kay Kristo na ating Hari. Tunay na Awa at Habag ni Kristong Hari para sa ating lahat. 

Linggo, Nobyembre 13, 2016

ANG TUNAY NA WALANG HANGGAN

13 Nobyembre 2016
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Malakias 3, 19-20a/Salmo 97/2 Tesalonica 3, 7-12/Lucas 21, 5-19 


Sa nalalapit na pagtatapos ng Taon K sa ating Kalendaryong Panliturhiya para sa taong ito, tayo ay binibigyan ng pagkakataong pagnilayan ang mga pangyayaring magaganap sa katapusan ng panahon. Ang lahat ng bagay dito sa mundo ay may katapusan. May hangganan ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Subalit, ang walang hanggan ay matatagpuan natin sa kabilang buhay. 

Mahahanap natin ang walang hanggan sa dalawang lugar sa kabilang buhay - ang langit at ang impyerno. Ang mga mabubuting tao at ang mga banal ay mapupunta sa langit. Ang mga masama na hindi nagsisi at tumalikod mula sa kanilang mga kasalanan ay mapupunta at magdurusa sa impyerno. Ang mga mabubuting tao na namatay sa estado ng grasya ng Diyos, subalit may bahid ng kasalanang benyal, ay mapupunta muna sa Purgatoryo. Pansamantala lamang ang kanilang pananatili sa Purgatoryo. Hindi sila mananatili roon magpakailanman. Lilinisin muna sila mula sa mga bahid ng mga kasalanang benyal, mga maliliit na kasalanan. Pagdating ng takdang panahon, kung kumpleto na ang proseso ng paglilinis sa kanila, maaari na silang pumasok sa kaharian ng langit. 

Binababalaan tayong lahat ng mga Pagbasa ngayong Linggo. Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa ngayon na nalalapit na ang pagwawakas ng panahon. Hindi natin alam kung kailan sasapit ang takdang araw. Subalit, hindi magluluwat at darating din, sasapit na rin, ang wakas ng panahon. Darating din ang ating Panginoon. Muli Siyang darating bilang Hukom ng nangagbubuhay at nangamatay na tao. 

Isang napakatinding babala mula sa Panginoong Diyos ang mapapakinggan natin sa Unang Pagbasa. Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Malakias. Sa Unang Pagbasa, isinilarawan ng Diyos ang Kanyang poot. Lilipulin ng Diyos ang mga palalo at masasama. Dahil hindi nila pinagsisihan o tinalikdan ang kanilang mga kasalanan, parurusahan sila ng Diyos. Ang parusang ipapataw sa kanila ng Dios ay napakabigat. Masakit man para sa Diyos ang lipulin ang mga ito, gagawin Niya ito sapagkat hindi sila nagsisi o tumalikod sa kasalanan. 

Subalit, may pangakong binitiwan ang Diyos sa bandang huli ng Unang Pagbasa. Ang pangakong binitiwan ng Diyos ay para sa mga matutuwid, mabubuti, at ang mga nagsisi't tumalikod mula sa kanilang mga kasalanan. Ipinangako ng Diyos na ang mga matutuwid, mabubuti, at ang mga nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan ay makakaranas ng Kanyang pagliligtas. Ililigtas sila ng Diyos mula sa Kanyang kaparusahan. Makakapiling din nila ang Diyos sa Kanyang kaharian sa langit sa katapusan ng panahon. 

Ang mga taga-Tesalonica ay iniutos ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na huwag bigyan ng pagkain, inumin, o anumang gantimpala ang ayaw gumawa. Ito ang parusang ipapataw sa kanila dahil sa kanilang katamaran. Itinagubilin rin ng buong kahigpitan ni San Pablo Apostol na ang lahat ay dapat maghanap-buhay at mamuhay nang maayos. Maaari din natin itong gamitin sa konteksto ng kaligtasan natin. Kailangan nating pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan nang sa gayo'y kahahabagan, kaaawaan, at ililigtas tayo ng Diyos. Mahirap mang gawin ito, kailangan itong gawin upang maranasan ang Awa, Habag, at Pagliligtas ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, isang mensahe na magbibigay ng pag-asa ang namutawi mula sa mga labi ng Panginoong Hesus. May pangako si Hesus para sa mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang sa katapusan, sa gitna ng mga pagsubok at pag-uusig sa buhay dito sa lupa. Makakatanggap ng gantimpala mula sa Kanya ang bawat taong mananatiling tapat sa Kanya, sa kabila ng kalupitan ng buhay. Tiniis ang bawat tukso, pagsubok, pag-uusig, sa buhay alang-alang kay Kristo. May gantimpalang inilaan si Kristo Hesus para sa mga tapat sa Kanya hanggang sa katapusan. 

Pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan. Sikapin nating umiwas mula sa mga kasalanan, malaki man o maliit. Sikapin rin nating mamuhay para sa Diyos. Harinawa, mararanasan natin ang Awa, Habag, at Pagliligtas ng Diyos. Sa Diyos natin matatagpuan ang tunay na magpakailanman. Hindi natin matatagpuan ang tunay na walang hanggan dito sa daigdig. Sa Diyos lamang matatagpuan ito. Siya ang Alpha at Omega, ang Simula at ang Katapusan. Walang hanggan ang Kanyang Awa, Habag, Katarungan, at Pagliligtas. Siya rin ang magpapasiya sa katapusan ng panahon kung saan tayo hahantong magpakailanman. 

Lunes, Nobyembre 7, 2016

DALUYAN NG AWA NG DIYOS

9 Nobyembre 2016
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22 


Sa pagdiriwang ng Hubileyo ng Awa, ang bawat (Arki)Diyosesis sa buong mundo ay nagtalaga ng mga Simbahan para sa Peregrinasyon. Mayroong mga Banal na Pintuan ang bawat Simbahang itinalaga bilang Simbahan para sa Peregrinasyon o Banal na Paglalakbay. Sa Arkidiyosesis ng Maynila, limang Simbahan ay itinalaga bilang mga Simbahan ng Peregrinasyon. Kabilang na rito ang Kalakhang Katedral at Basilika Menor ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Intramuros, Maynila.

Ano ang nais ipahiwatig ng Simbahan sa pagtatalaga ng mga Simbahan para sa Banal na Paglalakbay? Nais ipahiwatig ng Simbahan na ang Simbahan ay daluyan ng Awa ng Diyos. Tayong lahat ang bumubuo sa Simbahan ni Kristo. Ibinuhos ng ating Panginoong Hesukristo sa Kanyang Simbahan ang Kanyang Banal na Awa na puspos ng kadakilaan. Ang Kanyang Simbahan ay daluyan ng Kanyang Awa. 

Sa Ebanghelyo, nilinis ni Hesus ang Templo dahil sa Kanyang malasakit. Para sa mga Hudyo, ang Templo ay ang Tahanan ng Diyos. Dito matatagpuan ang Kaban ng Tipan. Dito nananahan ang Diyos. Kaya, noong makita ng Panginoong Hesus ang mga tindero't tindera at ang mga namamalit ng salapi sa buong kapaligiran ng Templo, agad Niyang pinalayas ang mga ito. Ginawang palengke o pugad ng mga magnanakaw ang tahanan ng Diyos. Hindi binigyan ng halaga ang kasagraduhan ng Banal na Lugar. Hindi binigyan ng halaga ang presensya ng Diyos sa Templo. Ang Templo, ang tahanan ng Diyos, ay binastos at binaboy. 

Hindi pinahalagahan ng tao ang Awa ng Diyos na dumadaloy sa Banal na Lugar na ito. Naging ignorante ang mga taong ito sa pagdaloy ng Awa ng Diyos. Ang Templo ang tahanan ng Diyos. Dito nananahan ang Diyos. Ibinubuhos Niya ang Kanyang Awa sa lahat. Subalit, hindi ginamit ng mga tao ang pagkakataong maramdaman ang presensya at Awa ng Diyos. Mas mahalaga ang pagkakaitaan. Mas gusto nilang kumita ng maraming pera kaysa maramdaman at damhin ang presensya at Awa ng Diyos. Ang Diyos ay kanilang pinagpalit. Iba na ang kanilang Diyos. Hindi na ang Diyos ang kanilang sinasamba kundi ang kanilang kayamanan. 

Kaya, noong ang mga Hudyo'y humingi ng tanda mula kay Hesus, sinabi Niyang muli Niyang itatayo ang Templo sa loob ng tatlong araw. Kahit winasak o giniba ang Templo, muli itong itatayo ni Hesus sa loob ng tatlong araw. At ang Templo na itinutukoy ni Hesus ay ang Kanyang Katawan. Nagkatotoo ito sa Misteryo Paskwal ni Hesus. Si Hesus ay namatay sa krus, at nang mamatay, ang Kanyang tagiliran ay inulos ng isa sa mga kawal gamit ang kanyang sibat. Ang dugo at tubig - mga simbolo ng Awa ni Kristo - ay dumaloy mula sa Kanyang tagiliran. At sa ikatlong araw, si Hesus na Poong Mahal ay muling nabuhay. 

Dumaloy ang Dugo at Tubig mula sa tagiliran ni Hesus noong Siya'y namatay. Ang Dugo at Tubig ay mga simbolo ng Kanyang Awa. Nililinis Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Dugo at Tubig na dumaloy mula sa Kanyang tagiliran. Nilinis ang sangkatauhan mula sa bahid ng kasalanan. Gaano mang kalaki ang bahid ng kasalanan sa bawat tao, hindi mapapantayan nito ang kapangyarihan ng Awa ng Diyos na dumaloy sa pamamagitan ni Hesus na nakapako sa krus. 

Patuloy na ipinapadaloy ng Panginoon ang Kanyang Banal na Awa na puspos ng kadakilaan sa ating lahat. Ibinubuhos Niya ito sa atin sapagkat tayong lahat ang bumubuo sa Kanyang Simbahan. Ang tanong ay - Binibigyan ba natin ng halaga ang Awa ng Diyos na patuloy na ibinubuhos sa atin? Mahalaga pa rin ba sa atin ang presensya at Awa ng Diyos? Iba na ba ang Diyos natin? 

Bigyan natin ng halaga ang presensya at Awa ng Diyos. Patuloy na ipinapadama sa atin ng Panginoon ang Kanyang presensya at Awa. Tayong lahat ay napakahalaga sa Kanya sapagkat tayong lahat ang bumubuo sa Kanyang Simbahan. Ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa Kanyang Simbahan. Mapalad tayong lahat na bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo sapagkat patuloy na ipinapadama sa atin ang presensya at Awa ng Panginoon. 

Linggo, Nobyembre 6, 2016

MANALIG SA PANGINOON, SA GITNA NG MGA SULIRANIN SA BUHAY

6 Nobyembre 2016 
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Macabeo 7, 1-2. 9-14/Salmo 16/2 Tesalonica 2, 16-3, 5/Lucas 20, 27-38 (o kaya: 20, 27. 34-38) 



Muli nating pagninilayan ngayong Linggo ang paksa ng pananalig sa Diyos, lalo na sa gitna ng mga suliranin sa buhay. Sa mga panahon ng ligalig o kagipitan, tayo ay humahanap ng makakapitan o masasanggalang. Kailangan natin ng tulong sa mga oras na iyon. Gagawin natin ang lahat para lang makahanap ng makakatulong sa atin. Kailangan natin ng karamay, sanggalang, at maraming iba pa. Hindi natin kayang harapin ang mga ito na nag-iisa lang. 

Mahalaga ang pananalig sa Diyos. Sa panahon ng pagsubok, sa mga sandali kung kailan wala tayong makakapitan, nandiyan Siya. Ang Panginoon ay laging nandito para sa atin. Lagi nating kasama ang Panginoon. Hindi Niya tayo bibiguin, hindi Niya tayo iiwanan o pababayaan sa mga oras ng pangangailangan. Siya'y laging kasama natin upang makakapit tayo sa Kanya. 

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang kwento ng pananalig ng isang ina at ng kanyang pitong anak na lalaki. Lalo nilang hinigpitan ang kanilang pagkapit sa Panginoon sa mga oras na iyon. Nanalig sila na hindi sila bibiguin ng Diyos. Kung sakali mang ipapataw ng hari ang parusang kamatayan sa kanila dahil sa kanilang pananalig at pagtalima sa Diyos, buong puso nila ito iaalay sa Kanya. Buong puso silang nanalig na sila'y bubuhayin muli ng Panginoon. Gagantimpalaan Niya ang Kanyang mga tapat na lingkod. 

Ganun din ang naranasan ni San Lorenzo Ruiz de Manila. Ilang ulit man siyang hinagupit ng mga pinunong Hapones noong kapanahunang iyon, hindi bumitiw o kumalas si San Lorenzo Ruiz mula sa kanyang pananampalataya at pananalig sa Diyos. Pinili niyang tanggapin ang parusang-kamatayang ipinataw sa kanya at sa kanyang mga kasama alang-alang sa Panginoon. Bago siya namatay, ito ang mga salitang namutawi mula sa kanyang mga labi:
"Sanlibo man ang aking buhay, iaalay ko ang lahat ng iyon sa Kanya." 
Sa Ikalawang Pagbasa, ipinahayag ni Apostol San Pablo ang kanyang panalangin para sa mga taga-Tesalonica. Nanalangin siya na nawa'y patatagin ng Diyos ang pananalig ng mga taga-Tesalonica sa Kanya. Sa pamamagitan nito, pinapalakas ni Apostol San Pablo ang kalooban ng mga taga-Tesalonica. Kakailanganin nila ang malakas at matibay na pananalig sa Panginoon sa kanilang mga atupagin. Si San Pablo Apostol ay humingi rin ng panalangin mula sa mga taga-Tesalonica upang magampanan niya ang kanyang misyon bilang saksi ni Kristo. Kailangan rin niya ng mga panalangin upang magamapanang mabuti ang misyon niya bilang saksi ni Kristo - ipalaganap ang Mabuting Balita sa iba't ibang dako ng daigdig. 

Sa Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus na muling mabubuhay ang mga patay. Ito'y matapos Siyang tanungin ng ilang mga Saduseo tungkol sa usaping ito. Ibinunyag ni Hesus ang maling paniniwala ng mga Saduseo tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan. Ang mga Saduseo ay hindi naniniwalang muling mabubuhay ang mga patay. Ayon sa kanilang paniniwala, kapag pumanaw ang isang tao, tapos na ang lahat para sa kanya. Mabubulok ang kanyang bangkay sa hukay sapagkat patay na siya. Subalit, ayon kay Hesus, mali ang paniniwalang iyon. Sa Kanyang paliwanag, ipinakita ni Hesus sa mga Saduseo na pinatunayan mismo ni Moises na ang mga patay ay mabubuhay muli. Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo, "Ang Diyos ay Diyos ng mga buhay, hindi ng mga patay." (20, 38)

Ipinapatatag ni Hesus ang ating pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pahayag na ito. May muling pagkabuhay. Muling bubuhayin ng Diyos ang mga patay. Ang mga nananalig at naglilingkod sa Diyos at kapwa nang buong katapatan ay hindi pababayaang mabulok sa lupa. Bagkus, gagantimpalaan ng Diyos ang mga tapat Niyang lingkod sa kabilang buhay. Ipagkakaloob Niya sa kanila ang gantimpala ng langit. Hindi Siya nakakalimot o nagpapabaya. Lagi Siyang nandiyan para sa mga tapat na nananalig at naglilingkod sa Kanya, at gagantimpalaan Niya ang mga ito sa kabilang buhay. Ipagkakaloob Niya sa kanila ang pangako ng langit. 

Lagi nating kasama ang Diyos. Alam ng Diyos na may mga sandali sa buhay natin kung kailan mangangailangan tayo ng makakapitan. Kumapit tayo sa Kanya nang buong pananalig. Hindi Niya tayo pababayaan o bibitawan. Bagkus, tutulungan Niya tayong umahon at pagdaanan ang mga matitinding suliranin sa buhay. Ang bawat nananalig at naglilingkod sa Diyos nang buong katapatan, lalo na sa mga matitinding pagsubok sa buhay, ay gagantimpalaan ng Diyos sa kabilang buhay. 

Huwag tayong mawalan ng pananalig sa Diyos. Huwag nating hayaang maglaho ang ating pananalig sa Diyos. Lumapit tayo sa Diyos, kumapit tayo sa Kanya nang buong katapatan. Tutulungan tayo ng Diyos sa mga pinagdadaanan natin, gaano mang katindi ito. Lagi Siyang kasama natin. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan o lilimutin. Gagantimpalaan din Niya tayo sa kabilang buhay kung mananalig tayo sa Kanya nang buong katapatan, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay.