Linggo, Disyembre 31, 2017

PINAKADAKILANG PAGPAPALA

1 Enero 2018 
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Ikawalong Araw ng Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang 
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21 


Isa sa mga titulo ng Mahal na Birheng Maria ay ang titulo ng Theotokos. Ang kahulugan ng Theotokos ay "Tagapagdala ng Diyos" o "Ina ng Diyos". Ang Diyos ay naging tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang dalhin sa kanyang sinapupunan ang Salitang nagkatawang-tao sa loob ng siyam na buwan. At matapos ng siyam na buwan ng pananahan sa sinapupunan ni Maria, iniluwal ang Sanggol na Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Dinala at iniluwal ni Maria mula sa kanyang sinapupunan ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan - ang Kanyang Bugtong na Anak at ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus.  

Ang pagkakaloob ng pinakadakilang pagpapalang ito ay pinatotohanan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia. Wika ni Apostol San Pablo na isinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus at Siya'y isinilang ng isang babae nang sumapit ang takdang panahon. Nagmula sa sinapupunan ng isang babae, isang dalaga, ang pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus at ang dalagang nagdala, nagluwal, at umalaga sa Kanya ay si Maria. 

Sa huling bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ang pagtutuli sa Banal na Sanggol at ang pagpapangalan sa Kanya. Ang pangalang ibinigay nina Maria at Jose sa Banal na Sanggol ay ang pangalang ibinigay ng anghel noong Siya'y ipinaglihi. Hesus ang Pangalang ibinigay sa Kanya. Ang kahulugan ng pangalang ni Hesus sa wikang Hebreo ay "Ang Diyos ay nagliligtas." Sa pangalan pa lamang malalaman ang misyon ng Banal na Sanggol sa Kanyang paglaki. Sa pamamagitan ni Hesus, ililigtas ng Diyos ang lahat ng tao. Ito ang dahilan kung bakit ang mga pastol sa unang bahagi ng Ebanghelyo ay umuwing nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos. Nakita ng mga pastol ang Sanggol na magliligtas sa lahat pagdating ng takdang panahon. Ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos ay nakita ng mga pastol sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban. Ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob Niya sa santinakpan. 

Ibinuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa sangkatauhan sa iba't ibang pamamaraan. Tulad na lamang sa Unang Pagbasa. Iniutos ng Panginoong Diyos kay Moises na ibigay kina Aaron at sa kanyang mga anak ang pormula ng pagbebendisyon sa bayang Israel. Sa pamamagitan ng bendisyon ng mga saserdote, ibinibuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa Kanyang bayan. At ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa lahat ng tao ay Kanyang ibinuhos sa pamamagitan ng Dakilang Saserdote na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng Dakilang Saserdoteng si Hesus, ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang pinakadakilang pagpapala ng Kanyang pagliligtas. 

Si Hesus ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. Siya, ang Bugtong na Anak ng Diyos na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Kanyang Kalinis-linisang Birheng Inang si Maria na Ina rin nating lahat, ay ipinagkaloob para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan Niya, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Sa pamamagitan Niya, nasilayan ng lahat ng tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ang kahanga-hangang pagliligtas ng Diyos. At ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos, ang pagliligtas Niya sa lahat sa pamamagitan ni Hesus, ay nagdulot ng kagalakang tunay sa lahat ng tao sapagkat namalas nila ang kadakilaan ng habag at kagandahang-loob ng Diyos. 

Sabado, Disyembre 30, 2017

HINDI MADALI

31 Disyembre 2017 
Linggo sa loob ng walong araw na pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose (B) 
Genesis 15, 1-6; 21, 1-3 [o kaya: Sirak 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6. 12-14)]/Salmo 104 [o kaya: Salmo 127]/Hebreo 11, 8. 11-12. 17-19 [o kaya: Colosas 3, 12-21]/Lucas 2, 22-40 


Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang paghirang ng Diyos kay Abram, na ngayo'y kilala bilang si Abraham. Si Abraham, na kilala dati sa pangalang Abram, ay hinirang ng Diyos upang maging ama ng maraming bansa. Ipinangako ng Diyos kay Abraham na magiging kasindami ng mga bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan ang bilang ng kanyang mga anak at apo, sa kabila ng katandaan niya at ng kanyang asawang si Sara na dating kilala bilang si Sarai. Si Abraham ay magiging ninuno ng lahat ng tao mula sa iba't ibang bansa. Ang angkan ni Abraham ay bubuin ng maraming tao mula sa iba't ibang bansa, ayon sa pangako ng Panginoon. 

Ang kwento ng pananampalataya ni Abraham, na isinalaysay nang buo sa Lumang Tipan, ay binigyan ng isang maikling buod sa Ikalawang Pagbasa. Inilahad ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa ang mga benepisyo at gantimpalang natanggap ni Abraham dahil sa kanyang pananalig at pananampalataya sa Diyos. Hindi naging madali para kay Abraham na manalig sa Diyos. Subalit, dahil sa kanyang pananalig at pananampalataya sa Diyos, siya'y ginantimpalaan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtalima sa kalooban ng Diyos, ipinakita ni Abraham ang kanyang malalim at buong puso't kaluluwang pananalig at pananampalataya sa Diyos. Tumalima si Abraham sa kalooban ng Diyos, gaano pa mang kahirap tuparin at sundin ito, dahil sa kanyang pananalig. Dahil dito, si Abraham ay tumanggap ng maraming gantimpala mula sa Diyos. Siya at ang kanyang asawa ay ginantimpalaan ng anak sa kabila ng kanyang katandaan. At noong ipinasiya ni Abraham na ihandog ang kanyang anak na si Isaac bilang hain sa Diyos, tulad ng Kanyang iniutos, ipinagkaloob ng Diyos ang isang lalaking tupa bilang kapalit ng kanyang anak na si Isaac. 

Sa mahabang salaysay ng Mabuting Balita (2, 22-40), isang matandang lalaki na ang pangala'y Simeon ay nagsalita sa Mahal na Birheng Maria tungkol sa magiging misyon at tadhana ng Sanggol na Hesus paglaki Niya. Bagamat ang mga salitang ito ay winika ni Simeon kay Maria, marahil ay pinakinggan rin ni San Jose ang mga salitang ito tungkol sa Banal na Sanggol. Narinig ng mga magulang ni Hesus na hindi maganda ang mangyayari sa Kanya pagdating ng panahon. Isang kabalintunaan ang mangyayari - ang Mesiyas at Manunubos na si Hesus na dapat magsilbing palantandaan ng pagtubos ng Diyos ay hahamakin ng marami. Kamumuhian Siya ng Kanyang mga kababayan, kahit na Siya'y ipinagkaloob ng Diyos sa kanila upang sila'y maligtas Niya. At ang mangyayari kay Hesus pagdating ng takdang panahon ay magdudulot ng matinding hapdi't kirot sa puso ng Maria. Ang hapdi't kirot na ito ay kasinghapdi ng paghiwa ng isang balaraw. Ang puso ng Mahal na Inang si Maria ay parang tatarakan ng isang balaraw dahil sa mangyayari sa kanyang minamahal na Anak na si Hesus. 

Labis na nasaktan ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose sa mga salitang namutawi mula sa mga labi ni Simeon tungkol sa magiging tadhana ng kanilang Anak. Iisa lamang ang ibig sabihin ng mga winika ni Simeon sa Templo, ang kanilang minamahal na Anak ay papatayin ng Kanyang mga kababayan. Kaloob nga Siya ng Diyos sa Kanyang bayan, subalit hindi Siya tatanggapin ng Kanyang mga kababayan. Kapopootan, kamumuhian Siya ng lahat, lalung-lalo na ng mga pinuno ng bayang Israel. Napakasakit para sa kanila na malamang iyan ang kalooban ng Diyos. Para kina Maria at Jose, napakasakit at napakahirap tanggapin ang katotohanang papatayin ng kanilang mga kababayan ang kanilang Anak na ipinagkaloob ng Diyos sa Kanyang bayan bilang Mesiyas at Manunubos at wala na silang magawa upang mapigilan ito. 

Sa kabila ng masakit na katotohanan ukol sa kalooban ng Diyos, ang masakit na katotohanan na walang magawa para pigilan ang pagpatay sa kanilang Anak na labis nilang minamahal at inaaaruga, hindi nawalan ng pananalig at pananampalataya ang Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa Diyos. Patuloy na nanalig at sumampalataya nang buong puso't kaluluwa sina Maria at Jose sa kalooban ng Diyos sapagkat ito'y higit na dakila at higit na mabuti kaysa sa kanilang sariling kalooban at naisin. Tulad nina Maria at Jose, si Hesus ay tumalima sa kalooban ng Ama. Kaya nga Siya'y kinalugdan ng Diyos sa simula't simula pa lamang. Kahit gaano pa mang kahirap na tuparin ang kalooban ng Ama, pinili ni Hesus na maging masunurin sa kalooban ng Ama. Siya, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ay naging masunurin sa plano ng pagliligtas na binuo bago pa man Siya pumanaog sa lupa at magkatawang-tao. Ang Banal na Mag-Anak nina Hesus, Maria, at Jose ay nanalig at tumalima sa kalooban ng Ama nang buong katapatan, gaano mang kahirap itong sundin at tuparin. 

Ang kalooban ng Diyos ay hindi madaling tuparin at sundin. May mga pagkakataong hindi natin maintindihan o maunawaan ito nang mabuti. Hindi ito matarok nang lubusan ng bawat tao, kahit ng pinakamatalinong tao sa mundo. Mayroon ding mga pagkakataon na tayo'y masasaktan dahil sa mga kailangang isakripisyo para sa katuparan nito. Subalit, kung hahayaan natin ang Diyos na maging sentro ng buhay natin bilang pamilya, kung isusuko natin ang lahat sa Kanya, binibigyan natin ng pahintulot ang pagtupad ng kalooban ng Diyos sa pamamagitan natin. Kung hahayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa buhay natin, malalampasan natin ang lahat ng mga pagsubok na haharapin natin sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos. Magkakaroon tayo ng lakas at tibay ng loob upang sundin ang kalooban ng Diyos, na higit pang dakila at maganda kaysa sa mga naisin ng bawat tao. Sapagkat sa pamamagitan ng buong puso't kaluluwang pagtupad at pagtalima sa kalooban ng Diyos, ipinapakita't inihahayag natin ang ating pagmamahal, pananalig at pananampalataya sa Kanya na Siyang Makapangyarihan sa lahat ng nilalang. 

NAGDUDULOT NG KAGALAKAN

30 Disyembre 2017 
Ikaanim na Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 12-17/Salmo 95/Lucas 2, 36-40 


Itinatampok sa Ebanghelyo ang karakter ni Ana, ang asawa ni Simeon at isang propetang babae. Nang masilayan rin ni Ana ang Sanggol na Hesus na kalong-kalong ng kanyang kabiyak ng pusong si Simeon sa kanyang mga bisig, siya'y nagpasalamat at nagpuri sa Diyos nang buong kagalakan. Siya'y napuspos ng kagalakan sapagkat nakita na ng kaniyang mga mata ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Dumating na ang pinakahihintay na Tagapagligtas. Tinupad na ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. Kaya naman, matapos niyang masilayan ang Banal na Sanggol, si Ana ay nagsalita tungkol sa Kanya sa mga naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Herusalem. Nagbigay ng patotoo si Ana tungkol sa Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus, ang Salitang nagkatawang-tao na sa simula pa lamang ay Siya na, tulad ng winika ni Apostol San Juan tungkol sa Kanya sa Unang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat (2, 13).

Si Ana ay napuspos ng galak sapagkat nasaksihan niya ang katuparan ng pangako ng Diyos sa pamamagitan ng Sanggol na si Hesukristo. Dumating na sa wakas ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na matagal nang pinanabikan ng sambayanang Israel. Nangako ang Diyos noong kapanahunan ng kanilang mga ninuno, ang panahon ng Matandang Tipan, na Siya'y darating bilang Mesiyas at Manunubos. Ang bayang Israel ay nanabik nang buong kagalakan para sa araw na ito. Hinintay nila nang may buong galak ang pagsapit ng araw na iyon kung kailan tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako. Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Kaya naman, nang makita ni Ana ang Banal na Sanggol na si Hesus, buong galak siyang nagpuri't nagpasalamat sa Diyos at nagpatotoo sa mga naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Herusalem tungkol sa Banal na Sanggol. 

Hinding-hindi nakakalimot ang Diyos sa Kanyang pangako. Hinding-hindi Siya nakakalimot sa Kanyang bayan. Lagi Niyang naaalala ang Kanyang bayan. Lagi Niyang natatandaan ang Kanyang pangakong binitiwan. Ang Diyos ay laging tapat sa Kanyang pangako. Pinatunayan Niya ang Kanyang katapatan sa pangakong binitiwan noong Siya'y pumanaog sa lupa at nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa pammaagitan nito'y tinupad ng Diyos ang  pangakong binitiwan. At sa pamamagitan ng pagtupad sa pangakong binitiwan, ang Diyos ay naghatid, nagdulot ng kagalakan sa lahat ng tao na labis Niyang minamahal at kinahahabagan nang buong katapatan. At ang katapatan, pag-ibig, at habag ng Maykapal para sa sangkatauhan ay tunay at totoo. 

Biyernes, Disyembre 29, 2017

TUNAY NA ILAW

29 Disyembre 2017
Ikalimang Araw ng Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
1 Juan 2, 3-11/Salmo 95/Lucas 2, 22-35 


Muling inilalahad at binibigyang-diin sa mga Pagbasa ngayong Ikalimang Araw ng Oktaba ng Pasko ng Pagsilang ang tema ng liwanag. Si Kristo ang tunay na liwanag. Wika ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat na ang kadiliman ay napapawi ng tunay na liwanag (2, 8). Si Kristo ang liwanag na nagniningning at pumapawi sa kadilimang bumabalot sa buong lupain. Ang pagpawi ng tunay na liwanag na si Kristo sa kadiliman ay nasaksihan ng lahat ng tao mula sa iba't ibang lipi, wika, bayan, at bansa sa daigdig. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagdadala sa Sanggol na Hesus sa Templo. Nang makita ang ni Simeon ang Banal na Sanggol, buong kagalakan niyang inihayag na maaari nang bawiin ng Diyos ang kanyang buhay sapagkat nasilayan na niya ang liwanag ng kaligtasan. Nakita na niya ang tunay na liwanag mula sa kalangitan na nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus. Ang tunay na kaliwanagan na si Hesus ang magdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ililigtas Niya ang lahat na namumuhay sa ilalim ng pamumuno ng kadiliman. Hindi na ang mga pwersa ng kadiliman ang maghahari o mamamayani sa buong lupain sapagkat ang liwanag ng Panginoong Hesukristo ang papawi nito. Paiiralin ng Panginoong Hesus ang Kanyang maningning na liwanag sa buong lupain. 

Si Hesus ang tunay na kaliwanagan. Siya ang kaliwanagang umaakay sa ating lahat sa landas ng kaligtasan. Siya ang nagpapalaya sa lahat mula sa kapangyarihan ng kadilimang bumibihag at umaalipin sa bawat isa. Sa pamamagitan ng pagningning ng Kanyang liwanag, inihatid Niya sa lahat ng tao ang kagalakan at kapayapaang kaloob Niya. At ang kagalakan at kapayapaang kaloob ng Panginoong Hesus ay higit pa sa kagalakan at kapayapaang kaloob ng sanlibutang ito. 

Huwebes, Disyembre 28, 2017

ANO ANG MARARAMDAMAN MO?

28 Disyembre 2017 
Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na walang kamalayan, mga martir 
1 Juan 1, 5-2, 2/Salmo 123/Mateo 2, 13-18


Sa panahon ngayon, bihira nang isinasagawa't sinusunod ang lumang tradisyong bilang mga Pilipino tuwing sasapit ang araw ng Niños Inocentes. Mayroon daw kaugalian na kapag sasapit ang araw na ito, hihingi o manghihiram ng pera ang ating mga kakilala na walang balak ibalik, bayaran, o isauli ito. Nagiging biktima ng kapilyuhan ng iba ang mga mamimigay ng pera sa araw na ito. Kapag nangyari iyon, sinasabi ng iba, "Na-Niños Inocentes ka!" Kaya, binabalaan ang lahat na huwag mamigay ng pera sa mismong araw na ito sapagkat maaari silang maisahan o maloko ng iba ngayong araw na ito, ang araw ng Niños Inocentes

Kung bibigyan natin nang pansin ang paksang inilalarawan sa mga Pagbasa ngayon, taliwas ito sa kaugalian natin ngayon. Inihayag ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa ngayon na hango  mula sa kanyang unang sulat na tayong lahat ay nilinis ni Kristo Hesus sa lahat ng ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kabanal-banalang Dugo. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni San Mateo ang walang awang pagpaslang sa mga sanggol na lalaki mula dalawang taong gulang pababa, ayon sa utos ni Haring Herodes. Nais ni Haring Herodes na mapatay ang Sanggol na Hesus sapagkat para sa kanya, ang Sanggol na Hesus ay isang malaking banta sa kanyang kaharian. Dapat bang pagbiruhan ang mga ganyang pangyayari? Dapat bang gawing sentro ng kalokohan o mga biro ang mga pangyayari? 

Ang hapdi't kirot na dala-dala ng mga ina ng mga sanggol na pinaslang na walang kalaban-laban sa utos ni Haring Herodes ay totoo. Ang hapdi't kirot na taglay ng Mahal na Birheng Maria nang masilayan niya ang kanyang minamahal na Anak, ang iniluwal mula sa kanyang sinapupunan noong gabi ng unang Pasko, na nakabayubay at unti-unting binabawian ng buhay sa kahoy na krus sa Kalbaryo ay totoo. Kaya ba nating gawing pagbiruan ito? Kung tayo'y nasa kalagayan ng mga ina ng mga sanggol na walang awang pinaslang ng mga kawal ni Haring Herodes at ng Mahal na Birheng Maria nang masilayan niya ang pagdurusa't pagkamatay ng kanyang Anak na si Hesus sa krus, ano ang ating mararamdaman kapag nakita natin ang ibang tao na sa kanilang pananaw ay nakakatawa ang mga pangyayaring iyon? Ano ang mararamdaman natin? 

Miyerkules, Disyembre 27, 2017

TUNAY ANG HABAG AT KAGANDAHANG-LOOB NG DIYOS

27 Disyembre 2017 
Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita
1 Juan 1, 1-8/Salmo 96/Juan 20, 2-8


Ang alagad na minamahal ng Panginoong Hesus ay isa sa apat na manunulat ng Mabuting Balita. Ang tungkulin ng apat na Manunulat ng Mabuting Balita na mas kilala bilang mga Ebanghelista ay magpatotoo tungkol sa habag at kagandahang-loob ng Diyos na ipinamalas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, ang Diyos ay nagkatawang-tao upang tayo'y tubusin mula sa kasalanan at kasamaan. Ipinasiya ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo na yakapin ang ating pagkatao (maliban sa kasalanan) at mamuhay sa ating piling bilang kaisa natin upang tayong lahat ay iligtas mula sa mga pwersa ng kasalanan, kasamaan, at kamatayan. Sa ganitong pamamaraan Niyang ipinamalas sa ating lahat ang Kanyang habag at kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan.

Binigyang-diin ni Apostol San Juan sa simula ng kanyang unang sulat na ating narinig sa Unang Pagbasa ang kanyang tungkulin bilang saksi ng Panginoong Hesus. Binigyang-diin niya na bilang saksi ng Panginoong Hesus, tungkulin niya ang ipakilala Siya sa lahat bilang Panginoon at Diyos na puspos ng habag at kagandahang-loob. Ito ang Mabuting Balitang nagdudulot ng kagalakan sa lahat. Tunay ngang mabuti at maganda ang balitang hatid ng Banal na Ebanghelyong ipinapalaganap at ipinapangaral ng mga sumasaksi kay Kristo. Nagdudulot ng kagalakan sa lahat ang Mabuting Balitang pinatotohanan ng mga saksi ni Kristo sa lahat ng nakakarinig nito sapagkat natitiyak nilang mayroong Diyos na puspos ng habag at kagandahang-loob. Tunay ngang mayroong Diyos na nahahabag at nagmamagandang-loob sa sangkatauhan sa kabila ng kanilang mga pagkakasala laban sa Kanya na Siyang bukal ng lahat ng kabutihan at kabanalan.

Sa salaysay ng Ebanghelyo ngayon, pinatotohanan ni San Juan na totoo ngang mayroong Diyos na puspos ng habag at kagandahang-loob. Nakita nina Apostol San Pedro at ng minamahal na alagad ni Hesus na si Apostol San Juan ang libingang walang laman. Nakita nila na wala nang laman ang libingan ni Hesus. Si Hesus ay muling nabuhay at nagtagumpay laban sa mga pwersa ng kasalanan, kasamaan, kadiliman, at kamatayan. Sa pamamagitan nito'y nagtagumpay ang kapangyarihan ng habag at kagandahang-loob ng Diyos. Ito ang natatanging dahilan kung bakit ang Salita ng Diyos na si Hesus ay bumaba mula sa lupa at nagkatawang-tao katulad natin. Si Hesus ay nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa sabsaban noong unang Pasko upang ipalaganap at ihatid sa lahat ang kagalakan at kagalakang dulot ng kapangyarihan ng habag at kagandahang-loob ng Diyos. 

Pinatotohanan ni Apostol San Juan sa kanyang pagsaksi sa Panginoong Hesus ang dahilan kung bakit Siya'y naging Sanggol noong unang Pasko. Ang Sanggol na Hesus ay ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria noong unang Pasko upang ihayag sa lahat na tunay ngang mayroong habag at kagandahang-loob ang Diyos. Dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos, ipinasiya Niyang bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit, pumanaog sa lupa, at magkatawang-tao upang tayo'y iligtas. At tunay ngang nagdudulot ng kagalakan sa lahat ng tao ang katotohanang ito tungkol sa tunay na habag at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. 

Martes, Disyembre 26, 2017

KATAPATAN SA PANGINOON HANGGANG WAKAS

26 Disyembre 2017
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir 
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22 


Inilaan ng Simbahan ang araw na ito, ang araw pagkatapos ng Araw ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, upang gunitain ang kauna-unahang martir ng Simbahan na si San Esteban. Ang kwento ng kanyang buhay ay isinalaysay sa Unang Pagbasa. Si San Esteban ang unang santong ipinaslang dahil sa kanyang paninindigan para sa kanyang pananampalataya sa Panginoong Hesukristo. Hindi siya tinanggap ng lipunan sa bayan ng Israel noong kapanahunang yaon, lalung-lalo na ng mga bumubuo ng Sanedrin, dahil siya'y buong pusong nanalig at sumampalataya sa Panginoong Hesukristo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipagkakaloob ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Nagbigay ng babala ang Panginoong Hesus sa mga alagad tungkol sa mga pag-uusig sa Ebanghelyo. Pinaalala ni Hesus ang mga alagad na hindi magiging madali ang kanilang pagmiministeryo at pagsaksi sa Kanya sa lahat ng tao mula sa iba't ibang lipi, wika, bayan, at bansa sapagkat makakaranas sila ng matinding pag-uusig. Ang pagmimisyon ng mga apostol bilang mga saksi at tagapangaral ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus ay may kalakip na pagdurusa. Sa kanilang pagmimisyon bilang mga saksi ng Panginoong Hesus, mararanasan ng mga alagad ang poot at pag-uusig mula sa iba't ibang tao. Kapopootan sila't uusigin dahil sa kanilang pananalig at pananampalataya sa Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus. Subalit, ipinangako ni Hesus sa huling bahagi ng Ebanghelyo na maliligtas ang mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. 

Sa pagsilang ng Sanggol na Hesus, inihayag sa lahat ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Inihatid ng Sanggol na Hesus sa sangkatauhan ang habag at kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Ito ang buod ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Ang Diyos ay mahabagin at nagmamagandang-loob. Ang habag at kagandahang-loob ay inihatid ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y pumarito sa sanlibutan. Tayong lahat na bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo ay hinihikayat na magpatotoo at ipalaganap ang Mabuting Balitang ito sa lahat. Hinahamon rin tayong lahat na manatiling tapat sa ating pananalig at pananampalataya sa habag at kagandahang-loob ng Diyos na Kanyang ipinamalas sa pamamagitan ni Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Kung tayo'y mananatiling tapat sa ating pananalig at pananampalataya sa Panginoon hanggang wakas, tayong lahat ay gagantimpalaan Niya ng biyaya ng Kanyang pagliligtas at Siya'y ating makakapiling magpakailanman sa Kanyang kaharian sa langit. 

May panawagan para sa atin ang Panginoong Hesus. Manatiling tapat tayo sa Kanya at sa Mabuting Balita tungkol sa habag at kagandahang-loob na ipinamalas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan Niya. Sa kabila ng lahat ng mga pag-uusig at pagsubok sa buhay, tinatawag tayo ni Hesus na manatiling tapat sa Kanya. Hindi madaling gawin ito. Subalit, ang habag at kagandahang-loob hatid ng Panginoong Hesus na naging sanggol noong unang Pasko ang magdudulot sa atin ng katatagan ng loob upang harapin at pagtagumpayan ang lahat ng mga sandali ng pag-uusig at pagsubok. Kung tutuparin natin ang habilin ni Hesus na manatiling tapat sa Kanya hanggang wakas sa kabila ng mga pag-uusig at pagsubok sa buhay, at kung pahihintulutan natin Siyang palakasin ang ating loob upang harapin ang pagtagumpayan ang mga ito, makakamit natin ang biyaya ng kaligtasan. Tayo'y gagantimpalaan ng Panginoon kung tayo'y mananatiling tapat sa Kanya at sa Mabuting Balita hanggang wakas at hayaan natin Siyang magdulot ng tibay ng loob sa atin. Ang gantimpalang iyan ay ang pamumuhay na kapiling ang Panginoon magpakailanman sa tunay na Paraiso, ang Kanyang kaharian sa langit.

Lunes, Disyembre 25, 2017

LIWANAG NAGDUDULOT NG KALIGTASAN

25 Disyembre 2017
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
[Pagmimisa sa Araw]
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14) 



Mayroong apat na Misa pagsapit ng Pasko. Ang Misa sa Bisperas ng Pasko, ang Misa sa Hatinggabi ng Pasko, ang Misa sa Bukang-Liwayway ng Pasko, at ang Misa sa mismong Araw ng Pasko. May sariling pangkat ng mga Pagbasa ang mga Misang ito. Subalit, iisa lamang ang nais pagtuunan ng pansin ng mga Pagbasa sa mga Misa para sa Kapaskuhan, anuman ang oras. Pinagtutuunan ng pansin ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus, ang Sanggol na ipinaglihi't iniluwal ng Mahal na Birheng Maria mula sa kanyang sinapupunan at inihiga sa isang hamak na sabsaban. Ipinasiya ng Panginoong Diyos na Siya'y maging taong katulad natin (maliban sa kasalanan) upang tayo'y iligtas. Sa pamamagitan ng pagyakap at pagtanggap sa ating pagkatao upang mamuhay na kapiling natin, inihayag ng Diyos ang Kanyang habag at kagandahang-loob sa ating lahat, kahit na tayo'y hindi karapat-dapat dahil sa ating paulit-ulit na pagkakasala laban sa Kanya. Kahit paulit-ulit tayong magkasala laban sa Kanya, hindi nauubusan ng habag at kagandahang-loob ang Diyos na higit pang dakila sa kapangyarihan at dami ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. 

Ang Ebanghelyo para sa araw ng Pasko ng Pagsilang ay hango mula sa kauna-unahang kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan. Sinimulan ni San Juan ang kanyang salaysay ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng isang patulang pagsasalarawan sa Panginoong Hesukristo bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Siya rin ay isinalarawan bilang tunay na liwanag na tumatanglaw sa lahat ng tao. Ang kaliwanagang ito, si Hesus, ang aakay sa lahat ng mga anak ng Diyos na nawawala't naliligaw ng landas pabalik sa yakap ng Ama. Sa pamamagitan ng Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus, ang tunay na liwanag, ang lahat ng tao'y naligtas mula sa mga pwersa ng kadiliman at kasalanan. 

Sa patulang pagsisimula ni San Juan sa kanyang salaysay ng Mabuting Balita, inilarawan din Niya ang likas ng tunay na liwanag at Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus. Wika ni San Juan sa unang bahagi  pa lamang na ang Salita ay Diyos (1, 1). Ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao, ay Diyos rin. Si Hesus ang Diyos Anak, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Ang misteryong ito'y dinugtungan ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa noong kanyang inihayag na nagpakita ang Diyos sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang Anak (1, 2). Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Diyos ay nagpakita't nakipamuhay sa ating lahat upang tayong lahat ay tubusin mula sa kapangyarihan ng kadiliman at kasalanan. Sa pamamagitan nito'y inihayag ng Diyos ang Kanyang habag at kagandahang-loob para sa ating lahat. Niloob Niyang tayo'y makapiling muli. Kaya't ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa langit, yakapin at tanggapin ang ating pagkatao, at magpakita sa atin sa pamamagitan ni Hesukristo. 

Nagsalita rin si propeta Isaias sa Unang Pagbasa tungkol sa habag at kagandahang-loob ng Diyos na pinatotohanan ni San Juan sa Ebanghelyo at ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa. Inihayag niya ito sa bayang Israel ilang taong bago isinilang si Kristo, ang ipinangakong Manunubos at Mananakop ipagkakaloob ng Diyos sa lahat ng tao. Inihayag ni propeta Isaias kung ano ang ipapamalas ng Diyos sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos, ililigtas ng Diyos ang Kanyang bayan. Masasaksihan ng lahat ng nasa daigdig ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos na Kanyang ipinangako. Namalas ng lahat ng tao sa daigdig nang buong mangha ang katuparan ng pangakong binitiwan ng Diyos na inihayag ni propeta Isaias sa pamamagitan ng pagpanaog ng tunay na Liwanag na nagmula sa langit at Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Kristo Hesus, ang ating Panginoon at Tagapagligtas. 

Ang Sanggol na Hesus ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at Liwanag na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat. Sa pamamagitan Niya, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang habag at kagandahang-loob sa sangkatauhan. Kahit na hindi tayo karapat-dapat na tanggapin at maranasan ang biyayang ito dahil sa ating mga pagkakasala, ipinasiya pa rin ng Diyos na bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit at magkatawang-tao sa Kanyang pagpanaog sa lupa sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria noong unang Pasko. Ang kahanga-hangang gawa ng Diyos na nagpamalas ng Kanyang habag at kagandahang-loob para sa lahat ay tunay ngang nasaksihan ng bawat tao mula sa iba't ibang lipi, wika, bayan, at bansa. Ang pagsaksi sa espesyal na pangyayari nang buong mangha ay nagdulot ng kagalakan sa sangkatauhan sapagkat nabatid ng sangkatauhan na sa kabila ng kanilang pagkakasala, ang Diyos ay patuloy na nagpapakita ng habag at kagandahang-loob. Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ang tanging dahilan kung bakit ipinasiya Niyang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao at Liwanag mula sa kalangitan. 

Linggo, Disyembre 24, 2017

KAGALAKANG HATID NG DIYOS NA SANGGOL

25 Disyembre 2017 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Bukang-Liwayway]
Isaias 62, 11-12/Salmo 96/Tito 3, 4-7/Lucas 2, 15-20


Sa huling bahagi ng Ebanghelyo, ipinakita ang naging reaksyon ng mga pastol matapos nilang makita't sambahin ang Sanggol na Hesus na nakahimlay sa sabsaban. Ang mga pastol ay umalis na nagpupuri sa Diyos nang buong kagalakan. Tunay ngang Mabuting Balita ang inihayag sa kanila ng mga anghel. Nakita nila ang katuparan ng mga pangako ng Diyos. Nakita nila ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Nakita nila ang kahanga-hangang gawa ng awa ng Diyos. Nakita nila sa pamamagitan ng Banal na Sanggol sa sabsaban kung gaano kadakila ang habag at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. 

Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ang nagdulot ng ating kaligtasan. Ito ang kaligtasang inihayag mismo ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Wika ng Panginoon na Siya'y paparito upang iligtas ang Kanyang bayan. Sa pamamagitan ng pagliligtas sa Kanyang bayan, ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang habag at kagandahang-loob na hindi mapapantayan, matutumbasan, masusukatan, o mahihigitan ninuman. Ang dakilang habag at kagandahang-loob ng Diyos  ay namalas ng lahat nang ipinasiya Niyang bumaba mula sa langit at magkatawang-tao para sa kaligtasan ng santinakpan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus. 

Nagsalita rin si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa habag at kagandahang-loob ng Diyos. Muling binigyang-diin ni Apostol San Pablo ang misteryo ng dakilang habag at kagandahang-loob ng Diyos na ipinamalas noong unang Pasko. Ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon ang tanging dahilan kung bakit tayo'y naligtas. Ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon ang nagdulot ng kaligtasan sa ating lahat. Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ay ipinamalas sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagsilang ng Sanggol na Hesus. 

Kagalakan ang hatid ng Sanggol na Hesus sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang pagsilang. Ang kagalakang ito ay bunga ng habag at kagandahang-loob ng Diyos. Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos na nagdulot ng ating kaligtasan ay dapat nating ikagalak. Ang pagpapamalas ng habag at kagandahang-loob ng Diyos noong unang Pasko sa pamamagitan ng Sanggol na si Hesukristo ang dahilan kung bakit ang napakaespesyal na araw na ito'y ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong kagalakan. Kagalakan sapagkat tunay ngang mahabagin at may kagandahang-loob ang Diyos. Kagalakan sapagkat dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos, tayong lahat ay Kanyang tinubos. Sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan, ipinasiya pa rin ng Diyos na tayo'y tubusin sa pamamagitan ni Kristo Hesus dahil sa Kanyang habag at kagandahang-loob sa ating lahat. 

Ang Kapaskuhan ay panahon ng taimtim na pagpupuri, pagsamba, at pagpapasalamat sa Diyos sapagkat Siya'y tunay na mahabagin at nagmamagandang-loob. Ipinakita sa atin ng Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban, ang Sanggol na Hesus, ang dahilan kung bakit. Dahil sa Kanyang habag at kagandahang-loob, ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa kalangitan, pumanaog sa lupa, at magkatawang-tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo upang tayong lahat ay tubusin. At tunay ngang nagdudulot ng kagalakan ang misteryo ng habag at kagandahang-loob ng Diyos na ibinunyag sa ating lahat ng Sanggol na Hesus na nakahiga sa sabsaban. 

ANG PINAKADAKILANG AGUINALDO

25 Disyembre 2015
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Hatinggabi]
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14 


Tuwing sasapit ang kapanahunan ng Pasko, marami ang mga nagbibigayan ng mga aguinaldo, lalung-lalo na sa mga bata. Sa kasaysayan ng ating daigdig, panigurado na may mga taong nakatanggap at nakapagregalo ng mga mamahaling aguinaldo. Mayroon ring mga taong hindi nakatanggap o nakapagregalo ng mamahalin. Hindi sa pinatatamaan ang tradisyon nating mga Pilipino ng pagbibigay at pagbabahagi ng mga aguinaldo tuwing Pasko, pero may isang aguinaldo na hindi mabibili ng pera o anumang kayamanan sa daigdig. Ang aguinaldong ito ay walang katulad. Ito ang pinakadakilang aguinaldo sa kasaysayan ng ating daigdig. Ito ang pinakamahalagang aguinaldo, higit pa sa milyones at bilyones ng salapi. Katunayan, ang aguinaldong ito'y hindi mabibili ng pera; hindi ito kayang bayaran ng pera. At isa pa, ang aguinaldong ito'y hindi mula sa sanlibutang ito. 

Ano naman ang aguinaldong ito? Inilarawan ito sa mga Pagbasa ngayon. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni propeta Isaias na isang sanggol na lalaki ang isinilang para sa lahat ng tao. Ang Sanggol na ito ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos, walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan (9, 6). Dinugtungan pa ng mang-aawit ng Salmo at ng mga anghel na nagpakita sa mga pastol sa Ebanghelyo kung sino nga ba ang Sanggol na ito. Ang Sanggol na ito ay ang Tagapagligtas na si Kristo. Ang Sanggol na si Kristo na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birhen ang pinakadakilang aguinaldo. At ang nagkaloob ng pinakadakilang aguinaldo - si Kristo Hesus - ay walang iba kundi ang Diyos na Siyang naghayag ng Kanyang kagandahang-loob sa lahat na nagdulot ng kaligtasan, tulad ng inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. 

Ibinigay ng Diyos ang Kanyang sarili noong unang Pasko. Sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus, ang Diyos ay pumanaog sa lupa't nagkatawang-tao. Niyakap at tinanggap Niya ang ating mga tao upang makapiling natin Siya. Ipinasiya ng Diyos na magkatawang-tao at ipanganak ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng Panginoong Hesus upang tubusin ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan, inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan ang inihatid ng Sanggol na Hesus noong unang Pasko. Ito ang pinakadakilang regalo, ang pinakadakilang aguinaldong tinanggap ng sangkatauhan. Walang sinumang tao dito sa lupa ang makapagbibigay ng aguinaldong kapantay o higit pa rito. Tanging ang Panginoon lamang ang nakapagbigay sa atin ng pinakadakilang aguinaldo - ang kaligtasan ng lahat sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan nito, inihayag sa santinakpan ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na walang hanggan.

Si Hesus ang pinakadakilang aguinaldo. Siya ang Diyos na Sanggol na isinilang ni Maria sa bayan ng Betlehem. Ang kahulugan ng pangalan ng Betlehem, ang bayang kung saan Siya'y ipinaglihi't isinilang ni Maria, ay "Tahanan ng Tinapay." Napakahalaga ang kahulugan ng pangalan ng bayang ito sa misyon ni Hesus sapagkat Siya'y bumaba mula sa langit at pumanaog sa lupa upang maging pagkaing nagdudulot ng buhay at kaligtasang walang hanggan. Si Hesus ang Tinapay ng Buhay na nagmula sa langit. Sa pamamagitan ng Kanyang pagsilang, dumating ang pagkaing magdudulot ng buhay at kaligtasan. Sa pamamagitan Niya, ibinigay ng Diyos ang buo Niyang sarili bilang Tinapay na nagdudulot ng buhay at kaligtasan sa lahat ng tatanggap at kakain nito. Tunay ngang napakadakila ang pamaskong aguinaldong ito na nagmula sa Panginoong Diyos na puspos ng pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. 

Hindi mabibili o matutumbasan ng pera at anumang kayamanan sa mundo ang pinakamahalaga at pinakadakilang aguinaldong ibinigay ng Diyos noong gabi ng unang Pasko. Hinding-hindi masusukatan ng pera ang halaga nito. Ang pinakamahalaga't pinakadakilang aguinaldong tinanggap ng bawat tao ay ibinigay ng Diyos noong unang Pasko - si Hesus, ang Tinapay ng Buhay. Sa pamamagitan ni Hesus, niyakap at tinanggap ng Diyos ang ating pagkatao upang lalong mapalapit sa atin. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Diyos sa sangkatauhan ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob na walang hanggan. Dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob, ipinasiya ng Diyos na tubusin tayong lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Talaga namang ito ang pinakadakilang aguinaldong ibinigay. At ang aguinaldong ito mula sa Panginoong Diyos ay para sa ating lahat na tunay Niyang iniibig at inaaruga nang lubusan. 

PISTA NG PAG-IBIG

24 Disyembre 2017
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17. 22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1, 18-25) 


Akmang-akma ang Salmong Tugunan sa pagdiriwang ngayon. Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin. Isa itong pagpapatotoo sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay tunay na walang hanggan. Hindi ito mapapantayan ng sinumang tao dito sa lupa. Tunay ngang naangkop ang Salmong ito sa pagdiriwang ng Bisperas ng Pasko sapagkat ang Pasko ay pagdiriwang ng pag-ibig. Sa pagdiriwang ng Kapaskuhan, inaaalala natin ang ipinamalas ng Diyos sa lahat noong unang Pasko. Ipinasiya ng Diyos na Siya'y magkatawang-tao, ipaglihi, at iluwal mula sa sinapupunan ng isang Nazarenang dalaga na nagngangalang Maria. Sa pamamagitan ng pagsilang ng Sanggol na si Hesus, ang Diyos ay nagkatawang-tao upang ihayag sa lahat ang Kanyang pag-ibig na walang hanggan. Kaya nga, ang Pasko ay tunay na pagdiriwang ng pag-ibig. 

Bukambibig sa mga Pagbasa ngayon ang pag-ibig ng Diyos. Nagsalita si propeta Isaias tungkol sa pag-ibig ng Diyos para sa bayang Israel sa Unang Pagbasa. Labis na kinalulugdan at iniibig ng Diyos ang bayang Israel. Nagsalita rin si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pagkakaloob ng Diyos sa Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo bilang Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay Hesukristo bilang Mesiyas at Tagapagligtas, inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan sa sangkatauhan. Ito rin ang binigyang-diin ni San Mateo sa Ebanghelyo na napakahaba. Hindi lamang kung paanong si Hesus ay isinilang ang isinalaysay ni San Mateo sa Ebanghelyo. Ibinahagi rin ni San Mateo ang talaan ng angkang pinagmulan ni Kristo Hesus. Ang mga naging ninuno ni Kristo ay hindi perpekto. Lahat sila'y nagkaroon din ng mga pagkukulang at pagkakasala laban sa Diyos. Si Jacob ay nagnakaw at nanlinlang. Nilinlang niya ang kanyang amang si Isaac na naghihingalo, at ninakaw pa niya ang basbas na nararapat sa kanyang kapatid na si Esau. Si Haring David ay nakiapid sa dating asawa ni Urias na si Batseba. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya ng Diyos na mapabilang sa angkan ng mga makasalanan sa pamamagitan ni Kristo Hesus dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. 

Noong sumapit ang unang Pasko, ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan. Ipinakita Niya ito sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Kanyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Hindi naman kinailangan ng Diyos na gawin ito. Hindi naman kinailangan ng Diyos na magkatawang-tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak. Subalit, nais ng Diyos na mamulat ang mga mata ng sangkatauhan sa misteryo ng Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. Nais ng Diyos na makilala Siya ng sangkatauhan bilang isang diyos na tunay na nagmamahal at nag-aaruga sa kanila. Nais ng Diyos na malaman ng bawat isa sa atin kung gaano Niya tayo iniibig sa pamamagitan ng pagtanggap at pagyakap sa ating pagkatao, maliban sa kasalanan, at pamumuhay na kapiling natin. Nais ng Diyos na mapalapit sa ating lahat upang maranasan natin ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria at nakahimlay sa isang sabsaban. 

Sa pagdiriwang ng Pasko, inaalala ng Simbahan ang dakilang pag-ibig ng Diyos na ipinakita Niya noong gabi ng unang Pasko. Ipinakita ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus kung gaano Niya iniibig ang sangkatauhan. Ang Diyos ay nagpasiyang magkatawang-tao at iluwal ng Mahal na Inang si Maria mula sa kanyang sinapupunan alang-alang sa ating lahat. Siya'y nagkatawang-tao at iniluwal mula sa sinapupunan ni Maria sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus upang ipalaganap at ihatid sa lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig. Sa pamamagitan ng pagsilang ng Sanggol na Hesus, inihayag ng Diyos ang natatanging dahilan kung bakit Siya'y nagkatawang-tao. Ang Diyos ay nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus upang ipamalas at ipagkaloob sa lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. 

Kaya, nararapat lamang na ipagdiwang ang Kapaskuhan nang may buong tuwa't galak. Ang Pasko ay pista ng pag-ibig. Ang Pasko ay pista ng pag-ibig ng Diyos sapagkat inaalala natin kung paano Niyang ipinamalas ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao at pagsilang ng Sanggol na Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng lahat; ang Bugtong na Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Sabado, Disyembre 23, 2017

ANG PINAKAMAHALAGANG ARAL AT MENSAHE NG ADBIYENTO

24 Disyembre 2017
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikasiyam na Araw
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Roma 16, 25-27/Lucas 1, 26-38 


Iisa lamang ang aral at mensaheng nais iparating ng mga Pagbasa ngayon habang unti-unting nagwawakas ang kapanahunan ng Adbiyento, ang panahon ng taimtim na paghahanda at paghihintay para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan. Ang aral at mensaheng ito ay ang Diyos ay puspos ng pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit pinaghahandaan natin ang ating mga sarili ngayong panahon ng Adbiyento. Ito ang napakahalagang aral at mensaheng nais iparating sa atin ng Simbahan ngayong kapanahunan ng Adbiyento. Sa pamamagitan ng apat na Linggong paghahanda sa panahon ng Adbiyento, tayong lahat ay tinutulungan ng Simbahan na imulat ang ating mga mata, ang ating mga puso't isipan, sa katotohanang ang Diyos ang bukal ng pag-ibig, at ang pag-ibig na Kanyang kaloob sa bawat isa ay hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ng sinumang tao dito sa lupa. 

Hindi na kailangang bilangin kung ilang ulit gumawa ng mga kahanga-hangang bagay ang Diyos dahil sa pag-ibig sa bawat aklat ng Banal na Bibliya, mula sa Lumang Tipan hanggang sa Bagong Tipan. Tiyak na kapaguran lamang ang aabutin natin sa pagbibilang nang eksakto ang mga pagkakataong gumawa ng mga kahanga-hangang bagay ang Panginoon upang ipamalas ang Kanyang dakilang pag-ibig sa lahat. At kung tutuusin, isinalaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayon ang dalawa sa napakaraming mga pagkakataong gumawa ng mga kahanga-hangang bagay ang Panginoong Diyos upang ipamalas ang Kanyang pag-ibig. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung paanong naging hari ng Israel si David. Si David, isang batang namuhay nang payak bilang pastol ng mga tupa ng kanyang pamilya, ay pinili't hinirang ng Diyos upang maging hari ng Israel. Para kay David, isa itong napakalaki at napakabigat na pananagutan. Dagdag pa riyan, hindi naman nagmula sa isang pamilyang maharlika si Haring David. Subalit, siya'y itinaas ng Diyos mula sa kanyang kalagayan bilang isang payak na pastol ng mga tupa ng kanyang pamilya at ginawang hari ng Israel. Sa pamamagitan nito'y ipinamalas ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa Kanyang bayan. Isang pastol ang Kanyang ipinagkaloob sa Kanyang bayan upang maging pinuno't hari nila. Isang pastol, na tatalima't susunod sa mga utos at habilin ng Panginoong Diyos, ang hinirang upang maging hari ng bayang Israel. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapakita ng Arkanghel si San Gabriel sa Mahal na Inang si Maria. Ibinalita ni San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Birheng Maria na siya'y pinili't hinirang ng Diyos upang maging ina ng Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan nito'y natupad ang hula ni propeta Isaias kung saang inihayag niya na isang dalaga ang maglilihi't manganganak ng isang sanggol na lalaki na tatawaging Emmanuel (7, 14). Isang napakalaking pananagutan ang ibinigay ng Diyos kay Maria. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang dalhin at iluwal mula sa kanyang sinapupunan pagkatapos ng siyam na buwan ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat na si Hesus. Sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos ay nagkatawang-tao upang tuparin ang Kanyang pangako ng pagliligtas sa lahat ng tao. Ipinamalas ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan noong ipinasiya Niyang bumaba mula sa langit at magkatawang-tao para tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Diyos Anak na si Kristo Hesus. 

Iyan ang aral at mensaheng nais iparating ng Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo. Ang Diyos ay puspos ng pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. Hindi Siya nauubusan ng pag-ibig at kagiliwan para sa ating lahat. At sabi pa ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang Mabuting Balitang ito ukol sa Panginoong Hesukristo ay nagpapatibay sa bawat isa. Pinapatatag at pinapagaan ng Diyos ang ating mga kalooban sa pamamagitan ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus. Kaya nga ito'y Mabuting Balita. Mabuti ang ibinabalita sa atin ng Salita ng Diyos. Ang Mabuting Balitang iniuulat sa atin ng Salita ng Diyos ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Ang Mabuting Balitang ito'y nagdudulot ng tibay ng loob sa ating lahat. Sino pa naman sa atin ang hindi lalakas at gagaan ang kalooban kapag narinig ang Mabuting Balita tungkol sa pag-ibig ng Diyos na ipinamalas sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus? 

Ang pinakamahalagang aral at mensaheng nais bigyang-diin sa buong kapanahunan ng Adbiyento - ang Diyos ay puspos ng pag-ibig. Hindi nauubusan ng pag-ibig at kagandahang-loob para sa atin ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit mayroong Kapaskuhan ating pinaghahandaan nang buong kataimtiman at ipinagdiriwang nang buong tuwa't galak pagkatapos ng apat na Linggo ng Adbiyento. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit at pumanaog sa lupa bilang tao katulad natin upang tayo'y tubusin at palayain mula sa mga tanikala ng kasamaan at kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo. 

Biyernes, Disyembre 22, 2017

MAGIGING ANO SIYA?

23 Disyembre 2017 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikawalong Araw
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66 


"Magiging ano nga kaya ang batang ito?" (1, 66) Ito ang katanungan ng mga kapitbahay, mga kamag-anak, at iba pang mga bisita nina Zacarias at Elisabet sa seremonya ng pagtutuli sa kanilang bagong silang na anak na si San Juan Bautista. Pinag-isipan nilang mabuti kung ano nga ba ang magiging tadhana ng batang ito na kapanganganak pa lamang. Kakasilang pa lang ng sanggol na si Juan Bautista, inisip na nila kung ano ang magiging kinabukasan ng batang ito pagdating ng araw. Bakit isinilang si Juan Bautista? Ano ang kanyang magiging papel sa buhay ng bawat tao sa lipunan pagdating ng panahon? Anong epekto ang kanyang idudulot sa buhay ng bawat tao sa lipunan? Ano ba ang kanyang layunin sa buhay? Ano bang meron sa batang ito? Ano bang mangyayari sa batang ito kapag lumaki na siya? 

Isang propesiya ang itinampok sa Unang Pagbasa. Sa propesiyang ito, inilarawan kung ano ang magiging papel ni San Juan Bautista sa dakilang plano ng Diyos ng pagliligtas sa Kanyang bayan. Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Malakias na bago Siya lumitaw ay isusugo Niya ang Kanyang tagapagpauna na maghahanda ng Kanyang daraanan. At sa huling bahagi ng Unang Pagbasa, inihayag na ang sugong yaon ay si Propeta Elias. Pero, hindi literal ang nakasaad sa bahaging ito ng Unang Pagbasa. Hindi nangangahulugang iisang tao lamang si San Juan Bautista at si Propeta Elias. Hindi muling nagkatawang-tao si Elias sa pamamagitan ni Juan Bautista sa kadahilanang siya'y iniakyat sa langit, nakasakay sa isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy, nang magwakas ang kanyang buhay dito sa lupa (2 Hari 2, 11). 

Paano nating mauunawaan natin ang propesiyang ito? Paanong nangyaring si San Juan Bautista ang tinutukoy sa propesiyang ito kung hindi naman siya ang literal na Elias? Ang Arkanghel na si San Gabriel mismo ang nagbigay ng paliwanag tungkol dito noong siya'y nagpakita kay Zacarias sa loob ng templo (Isinalaysay ito sa Ebanghelyo para sa ikaapat na araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo). Sinabi ng anghel Gabriel na tataglayin ni Juan Bautista ang espiritu at kapangyarihan ni Elias (1, 17) Ito ang nagpapatibay na siya nga ang tinutukoy sa Unang Pagbasa noong inihayag na mauuna si Propeta Elias ang unang lilitaw upang ihanda ang daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na matagal nang pinanabikan ng lahat. 

Si San Juan Bautista ay isinilang upang magsilbing palatandaan sa bayan ng Diyos na nalalapit na ang araw kung saan tutuparin ng Panginoon ang Kanyang pangako. Ihahayag niya na nalalapit na ang pagdating at paglitaw ng Mesiyas. Ihahayag niya sa lahat ang Magandang Balita ukol sa kagiliwan, kabutihan ng Diyos. Ang pagtupad ng Diyos sa Kanyang pangako ang nagpapatunay na Siya'y tunay na magiliw, tunay na mabuti, tunay na bukal ng tanang kabanalan. Hinding-hindi Niya pinapako ang mga pangakong Kanyang binibitiwan sa lahat ng tao na lubos Niyang iniibig at kinakalingang tunay. 

Ang pagsilang ni San Juan Bautista ay isang napakahalagang kaganapan sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Ang pagsilang ni San Juan Bautista ang hudyat na nalalapit na ang panahon ng pagpanaog, pagsakop, at pagsilang ng Mesiyas sa sanlibutan, tulad ng ipinangako ng Diyos. Sa pamamagitan nito, nahayag ang kagiliwan at kabutihan ng Diyos sa lahat. Ang katapatan ng Diyos sa Kanyang mga pangako ang nagpapatunay na Siya, ang bukal ng kabanalan, ay tunay na magiliw, mabuti, mapagmahal, at mapag-aruga. 

Huwebes, Disyembre 21, 2017

KARANASAN NG DALAWANG BABAE

22 Disyembre 2017
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikapitong Araw
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 


Dalawang babae ang itinatampok ng mga Pagbasa ngayon. Ang dalawang babaeng ito'y nagbigay ng papuri sa Diyos dahil sa Kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanilang nasaksihan at naranasan. Itinatampok sila dahil sa halimbawang kanilang ipinakita sa mga Pagbasa ngayon. Ang unang babaeng karakter na itinatampok ngayon ay ang ina ni Samuel na si Ana, na ating narinig sa Unang Pagbasa, at ang pangalawang babaeng karakter na itinatampok ngayon ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria, na ating narinig sa Ebanghelyo. Itinuturo sa atin ng mga Pagbasa ngayon na ang halimbawang kanilang ipinakita ay dapat tularan. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung ano ang ginawa ni Ana matapos isilang ang kanyang anak na si Samuel. Kung matatandaan natin, lumuluha't nanalangin nang taimtim si Ana sa Diyos. Hiniling niya sa kaniyang madamdaming pananalangin sa Diyos na pagkalooban siya ng isang anak na lalaki at nangakong ihahandog niya ang kanyang anak nang siya'y maawat. Unang inakala ng saserdoteng si Eli na siya'y lasing nang makita niyang nanalangin si Ana nang gabing yaon. Nang maipaliwanag ni Ana ang kanyang sarili, binasbasan siya ni Eli at pinauwi. Hindi nagtagal at naglihi't nanganak ng isang sanggol na lalaki si Ana na kanyang pinangalanang Samuel. Nang dumating ang panahong umawat na si Samuel, tulad ng nasasaad sa Pagbasa, siya'y inihandog ng kanyang ina sa Diyos upang Siya'y paglingkuran ng kanyang anak habambuhay. At matapos nito, nagbigay ng papuri sa Diyos si Ana sapagkat naranasan niya ang kabutihan at habag ng Diyos. 

Gayon din ang naranasan ng Mahal na Birheng Maria. Kaya nga, ang mga titik ng Magnificat (Ang puso ko'y nagpupuri), ang awit ng Mahal na Birhen, ay itinampok sa Ebanghelyo ngayon. Sa awiting ito, inilarawan ni Maria kung ano ang ginawa niya ng Diyos para sa kanya. Mula sa kanyang abang kalagayan bilang alipin, siya'y itinaas ng Panginoon. Dahil siya'y itinaas, si Maria ay tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi (1, 48). Bagamat hinulaan ni propeta Isaias na isang dalaga ang maglilihi't magluluwal sa sanggol na Mesiyas, walang nag-akalang ang simpleng dalagang ito na mula sa bayan ng Nazaret, isang dalagang Nazarenang payak ang pamumuhay, ang pipiliin ng Diyos na maging ina ng Mesiyas. Sinong mag-aakala na gayon ang mangyayari? Hindi magmumula sa isang maharlikang pamilya ang Mesiyas. Siya'y magmumula sa isang pamilyang payak ang pamumuhay, namumuhay bilang mga dukha. Sinong mag-aakalang gayon ang mangyayari? 

Kung pagtutuunan rin natin ng pansin ang mensahe at aral na nais iparating sa awitin ng Mahal na Ina sa Ebanghelyo, makikita natin ang pagkakatulad nito sa mga itinuturo ng kanyang anak na si Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. Itinuro ni Hesus nang ilang ulit sa Ebanghelyo ni San Lucas, "Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas." (14, 11; 18, 14) Ito ang aral na nais iparating ng Mahal na Inang si Maria sa kanyang awit. Ang lahat ng mga may kababaang-loob, ang lahat ng mga nasa abang kalagayan, ay itataas ng Diyos. At naranasan mismo ni Maria kung paanong itinaas ng Diyos ang isang abang aliping katulad niya. Si Maria ang abang aliping itinaas ng Diyos dahil binigyan niya ng kaluwalhatian ang Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtalima sa Kanyang kalooban. Sa pamamagitan nito'y naranasan ni Maria ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. 

Naranasan ng dalawang kababaihang itinampok sa mga Pagbasa ngayon ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Tulad ng Mahal na Birheng Maria sa Ebanghelyo at ni Ana sa Unang Pagbasa, inaanyayahan tayong maranasan ang habag at kagandahang-loob ng Diyos na Kanyang ipinapamalas sa Kanyang mga kahanga-hangang gawa. Masasaksihan at mararanasan lamang ito kung buong pananalig at kababaang-loob tayong tatalima sa Diyos, isusuko't ihandog natin ang ating mga sarili sa Kanya. Sa pamamagitan nito'y binibigyan natin ng papuri't pagsamba ang Panginoong Diyos, hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga salita kundi na rin sa pamamagitan ng ating mga gawa. 

Miyerkules, Disyembre 20, 2017

IBAHAGI ANG KAGALAKAN AT PAGPAPALANG HATID NG DIYOS

21 Disyembre 2017
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikaanim na Araw
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Parehas na nagdadalantao sina Maria't Elisabet. Nauna lamang ng anim na buwan si Elisabet sa pagdadalantao. Nang marinig ni Elisabet ang tinig ng kanyang kamag-anak na si Maria, hindi lamang siya ang napuspos ng galak at sigla. Pati ang sanggol na dinadala niya sa kanyang sinapupunan, si San Juan Bautista, ay gumalaw sa tuwa nang marinig ang pagbati ni Maria. Tulad ng babaeng napuno ng tuwa't sigla nang marinig ang tinig ng lalaking kanyang sinisinta sa Unang Pagbasa mula sa Awit ni Solomon, si Elisabet at ang sanggol sa kanyang sinapupunan na si Juan Bautista ay napuno ng tuwa't sigla nang marinig ang tinig ng Birheng Maria na bumabati sa kanyang kamag-anak. 

Hindi natin batid kung ano nga ba talaga ang mga salitang namutawi mula sa mga labi ng Mahal na Birheng Maria noong binati niya si Elisabet sapagkat hindi naman ito nakasaad sa salaysay ng kanyang pagdalaw sa kanyang kamag-anak. Marahil ay binati niya si Elisabet sa ganitong pamamaraan, "O Elisabet, mahal kong kamag-anak, kumusta ka na?" Maaari niyang binati si Elisabet sa ganung pamamaraan, maaaring hindi. Walang sinuman ang nakababatid sa mga eksaktong salitang ginamit ni Maria noong binati niya ang kanyang kamag-anak na si Elisabet. 

Subalit, iisa lamang ang natitiyak natin. Noong nilakbay ni Maria ang napakahabang landasing mula Nazaret patungo sa bayan kung saan nakatira ang kanyang kamag-anak na si Elisabet (na nagdadalantao rin noong kapanahunang yaon) at ang kanyang mister na si Zacarias, dinala niya sa kanyang sinapupunan ang nagkatawang-taong Salita ng Diyos na nagbibigay-buhay ng buhay na walang hanggan (Juan 6, 68). Ang Salita ng Diyos na naghahatid ng kagalakan at ng iba pang mga pagpapala ay nanahan sa sinapupunan ni Maria. Ito ang dahilan kung bakit si Elisabet at ang sanggol na kanyang dinadala sa kanyang sinapupunan na si Juan Bautista ay napuspos ng galak nang marinig ang pagbati ni Maria.

Ang kagalakang naranasan ni Elisabet at ng sanggol sa kanyang sinapupunan na si Juan Bautista noong sandaling yaon ay hindi nagmula sa tao. Hindi nagmula kay Maria mismo ang kagalakang pumuspos kay Elisabet at sa sanggol. Bagkus, ang kagalakang ito ay nagmula sa Diyos. Sa Panginoon mismo nagmula ang kagalakang naranasan ni Elisabet at ng kanyang anak na si Juan Bautista (na noo'y nasa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina). Ang Mahal na Birheng Maria ay instrumento lamang ng Panginoong Diyos. Tinanggap niya ang pagpapala ng Diyos at ito naman ay kanyang ibinahagi sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Ang pagpapalang ito ng Diyos ay nagdudulot ng kagalakan sa lahat. 

Ibinahagi ng Mahal na Inang si Maria ang kagalakan at pagpapalang hatid ng Diyos sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Kahit nagdadalantao tulad ng kanyang kamag-anak, pinili pa rin ng Mahal na Ina na lakbayin ang malayong landasin mula Nazaret patungo sa bayang tinitirhan ng kanyang kamag-anak at ng kanyang asawa. Hindi naging hadlang para kay Maria ang kanyang pagdadalantao, ang kanyang pagdadala sa Mesiyas at Manunubos na si Hesus sa kanyang sinapupunan, sa pagbabahagi ng kagalakan at pagpapala ng Diyos sa kanyang kamag-anak na nagdadalantao rin katulad niya. Hinahamon tayong lahat na tularan ang halimbawang ipinakita ni Maria sa Ebanghelyo ngayon. Hinahamon tayong lahat na ibahagi ang kagalakan at pagpapalang kaloob ng Diyos sa iba, lalung-lalo na sa mga kapus-palad. Unang ibinahagi sa atin ng Diyos ang mga kaloob Niyang pagpapala't kagalakan, ibahagi naman natin ito sa lahat ng mga kapatid nating nangangailangan, lalung-lalo na ang mga kapus-palad. Iyan ang tunay na diwa ng Pasko na ating pinaghahandaan at pinananabikan. Dapat natin itong isabuhay at isadiwa, ano pa man ang panahong napapalooban natin sa bawat taon. 

Martes, Disyembre 19, 2017

ANO NGAYON?

20 Disyembre 2017 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikalimang Araw
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38 


Alam nating lahat bilang mga Kristiyano na ang buhay ng Panginoong Hesukristo, lalung-lalo na ang mga importanteng nangyari sa Kanya, ay hinulaan ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ang buhay ng Panginoong Hesukristo ang paksa ng karamihan ng mga pahayag ng mga propeta. At alam rin nating iniuugnay ng apat na manunulat ng Mabuting Balita na sina San Mateo, San Marcos, San Lucas, at San Juan, ang mga mahahalagang pangyayari sa buhay ng Panginoong Hesus sa mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ang mga Pagbasa ngayon ay walang pinagkaiba sa iba pang mga talata sa Banal na Bibliya tungkol sa mga yugto ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus sa Bagong Tipan at ang koneksyon nito sa mga hinulaan ng mga propeta ng Lumang Tipan. 

Inihayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa kung paanong isisilang sa abang daigdig na ito ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang pagsilang ng Mesiyas ang palatandaang ibibigay ng Diyos sa Kanyang bayan. Una itong ibinunyag ng Panginoong Diyos kay propeta Isaias sa pamamagitan ng isang rebelasyon at ito naman ay kanyang ibinabahagi't ipinapamalita sa bayang Israel. Ang Mesiyas na tatawaging Emmanuel, ang pangalang ito'y nangangahuluga'y "Ang Diyos ay sumasaatin", ay ipaglilihi at iluluwal mula sa sinapupunan ng isang dalaga. Isang dalaga, isang birhen ang magiging tahanan ng sanggol na Mesiyas sa loob ng siyam na buwan. Ang dalagang ito ang siyang magluluwal sa sanggol na Mesiyas mula sa kanyang sinapupunan na naging tahanan ng sanggol sa loob ng siyam na buwan. 

Sa Ebanghelyo, ipinakilala kung sino ang dalagang tinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang propesiya sa Lumang Tipan. Ang Mahal na Birheng Maria ang dalagang inilarawan sa propesiya ni Isaias. Isang dalagang Nazarena, isang birhen mula sa isang bayan sa Galilea na nagngangalang Nazaret, na nagngangalang Maria ay hinirang ng Kataas-taasang Diyos upang maging ina ng Mesiyas na si Hesus. Ang propesiya ni Isaias sa Lumang Tipan ay natupad sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng Mahal na Inang si Maria. Bagamat isang dalaga, si Maria'y pinili't hinirang ng Diyos na maging tagaluwal ni Kristo. Niloob ng Diyos na si Maria ang dalagang magdadala at magluluwal sa Manunubos mula sa kanyang sinapupunan. Bagamat hindi niya lubusang naintindihan noong una niya itong narinig, ang kalooban ng Diyos ay buong pusong tinanggap at tinalima ng Mahal na Birheng Maria. 

Marahil, mayroong ilan sa atin na nagtatanong "Ano ngayon?" Para bang walang halaga o saysay ang katuparan ng propesiyang ito. Dahil lang natupad na iyon, para bang wala na tayong pakialam sa propesiya. Ano nga ba ang halaga nito? Bakit may mga propesiyang tulad nito? Bakit patuloy nating binabalik-balikan ang nakaraan? Natupad na, eh. Anong saysay ng pagbabalik-tanaw at pagbubulay-bulay sa isang propesiyang matagal nang tinupad? Kailangan pa ba nating gawin ito? Nakakalungkot aminin subalit totoo ito. Nakakalungkot sabihin na para bang wala nang halaga para sa atin ang propesiyang ito dahil matagal na itong tinupad. 

Binabalik-tanaw, inaalala't pinagninilay-nilayan natin nang mabuti ang mga propesiyang ito dahil sa kahalagahan nito. Sa pamamagitan ng mga propesiyang ito, ang Diyos ay nagbibitiw ng pangako para sa lahat ng tao. Sa pamamagitan naman ng katuparan ng mga propesiyang ito, tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako. Ipinapakita ng Diyos sa pamamagitan ng mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan at ang katuparan ng mga ito sa Bagong Tipan na Siya'y tapat at totoo sa Kanyang pangako. Loobin Niyang tuparin ang Kanyang pangakong binitiwan sa Kanyang pamamaraan at sa panahong Kanyang itinakda. Hinding-hindi Siya nakakalimot sa Kanyang mga pangako. 

Ang mga propesiyang inihayag ng mga propeta sa Lumang Tipan ay hindi dapat mawalan ng saysay o halaga, kahit matagal na itong tinupad. Hindi natin ito dapat ibalewala o dedemahin na lamang. Ang mga propesiyang inihayag ng mga propeta sa Lumang Tipan ay isang pagpapahayag ng pangako ng Diyos. Nagbitiw ng pangako ang Diyos sa Kanyang bayan. Ang pangako Niyang ito'y Kanyang tinupad sa panahong Kanyang itinakda at sa Kanyang pamamaraan. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Diyos na Siya'y tunay na tapat at totoo sa Kanyang mga ipinangako. 

Huwag nating itanong, "Ano ngayon?". Bagkus, dapat nating imulat ang ating mga mata at mga puso't isipan sa katotohanang ang Diyos ay hindi nakakalimot sa Kanyang mga pangako. Lagi Niya itong inaalala. Siya'y tapat at totoo sa Kanyang pangako; ito'y Kanyang tinutupad. Sa pamamagitan nito'y nahayag sa lahat ang Kanyang pag-ibig na walang hanggan. Ang Panginoong Diyos ay laging tapat at totoo sa Kanyang mga pangako dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. Iyan ang dahilan kung bakit mayroong Kapaskuhan na ating pinaghahandaan at pinanabikan nang buong kagalakan sa panahon ng Adbiyento at Simbang Gabi (Misa de Gallo). 

Lunes, Disyembre 18, 2017

PAGPAPAHAYAG NG KAGILIWAN NG DIYOS

19 Disyembre 2017 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikaapat na Araw
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25 


Ang mga Pagbasa ngayong Ikaapat na Simbang Gabi (Misa de Gallo) ay tungkol sa pagpapahayag ng kagandahang-loob ng Diyos sa lahat. Isinalaysay kung paanong ibinalita ng anghel sa dalawang karakter sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang kagiliwan ng Diyos. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng isang anghel ng Panginoon sa asawa ni Manoa na siya'y maglilihi't manganganak, kahit matagal nang namuhay ang mag-asawa na walang anak. Sa Ebanghelyo, inihayag ni San Gabriel Arkanghel kay Zacarias na ang kanyang kabiyak na si Elisabet ay maglilihi't manganganak ng isang sanggol na lalaki sa kabila ng kanyang katandaan. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung paanong ipinanganak si Samson. Hindi nagkaroon ng anak sa loob ng mahabang panahon sina Manoa at ang kanyang asawa. Ang asawa ni Manoa ay hindi kayang magkaanak dahil sa kanyang pagkabaog. Nais pa naman nilang magkaroon ng anak, subalit hindi nangyari iyon hanggang sa araw na nagpakita sa asawa ni Manoa ang isang anghel ng Panginoon. Inihayag ng anghel sa asawa ni Manoa na siya'y maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki. Samson ang pangalan ng sanggol na lalaking ipanganganak ng kabiyak ni Manoa. Siya ang itinalaga ng Diyos mula sa kanyang pagsilang upang iligtas ang bayang Israel mula sa mga Filisteo. Isa itong milagro sapagkat ang asawa ni Manoa ay walang kakayahang magdalantao. Subalit, dahil sa kagiliwan ng Diyos, ang mag-asawang ito'y nagkaroon ng anak sa kabila ng pagkabaog ng babae. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay naman kung paanong si San Juan Bautista ay ipinanganak. Magkaparehas kung tutuusin ang mga kasong isinalaysay sa Unang Pagbasa at Mabuting Balita para sa araw na ito. Tulad nina Manoa at ang kanyang kabiyak sa Unang Pagbasa, sina Zacarias at Elisabet ay hindi nagkaroon ng anak. Matagal na silang nanalangin nang taimtim sa Diyos na biyayaan sila ng isang anak, subalit walang nangyari sa loob ng mahabang panahong yaon. Matagal nang hindi nagkaroon ng anak ang magkabiyak na ito. At ayon pa sa Ebanghelyo, masyado na silang matanda noong kapanahunang yaon. Kaya, imposible na para sa kanila na magkaroon ng anak. Baog na si Elisabet, hindi na niya kayang magdalantao. Subalit, sa kabila ng kanilang katandaan, inihayag ni San Gabriel Arkanghel kay Zacarias na si Elisabet ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki na tatawaging Juan. Ang matandang magkabiyak na ito ay hinirang ng Diyos upang maging mga magulang ng tagapagpauna ng Mesiyas at tagapaghanda ng Kanyang daraanan na si Juan Bautista. Sa kabila ng kanilang katandaan, sina Zacarias at Elisabet ay biniyayaan ng anak dahil sa kagiliwan ng Diyos. 

Dalawang kaso ng pagkabaog ang isinalaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayon. Subalit, dahil sa kagiliwan ng Diyos, ang dalawang magkabiyak ng pusong inakala ng karamihan na wala nang pag-asa para sa kanila na magkakaanak habang sila'y namumuhay dito sa lupa ay nagkaroon ng anak. Isa itong milagro, himala mula sa Diyos. Nakakagulat nga iyon sa mata ng mundo. Subalit, ito'y hindi nakakagulat sa paningin ng Diyos. Sapagkat sa paningin ng Diyos, isa itong pagpapamalas ng Kanyang kagiliwan at kabutihan sa lahat. Ang Kanyang kagiliwan at kabutihan sa lahat ang tanging dahilan kung bakit pinili Niyang yakapin ang ating pagkatao at mamuhay sa ating piling bilang taong katulad natin sa pamamagitan ng Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesukristo. 

Kaya nga, tulad ng mang-aawit ng Salmo ngayon, lagi nating purihin at sambahin ang iisang Diyos na makapangyarihan. Hindi lamang ipinapamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan sa Kanyang mga kahanga-hangang gawa. Bagkus, ipinapamalas at inihahayag din ng Panginoon ang Kanyang kagiliwan at kabutihan sa pamamagitan ng Kanyang mga kahanga-hangang gawa na walang kapantay.