Sabado, Hulyo 29, 2017

SAPAT NA ANG DIYOS

30 Hulyo 2017 
Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
1 Hari 3, 5. 7-12/Salmo 118/Roma 8, 28-30/Mateo 13, 44-52 (o kaya: 13, 44-46) 



Ang Suscipe ay isang panalanging kinatha ni San Ignacio de Loyola. Sa panalanging ito, inialay ni San Ignacio de Loyola ang kanyang buong sarili sa Diyos. Inialay niya sa Diyos ang lahat ng ukol sa kanyang sarili - mga kayamanan, hangarin, kalayaan, karangalan, at tagumpay. Pinili niya ang pinakamahalaga sa lahat - ang Diyos. Para kay San Ignacio de Loyola, sapat na ang Diyos. Sapat na ang pag-ibig ng Diyos. Ang Diyos ay sapat na. Ang Diyos ang tunay na kayamanan. Hindi na mahalaga ang mga bagay-bagay dito sa daigdig na ito. Sapat na ang Panginoon. Sapat na ang kalooban ng Panginoon. Sapat na ang pag-ibig ng Panginoon. 

Ito ang mensaheng nais ipaabot sa atin ng mga Pagbasa ngayong Linggo. Sapat na ang Diyos. Mapapanatag ng Diyos ang ating mga puso't kalooban. Hindi na nating kailangang maghanap ng iba pa sa mundong ito. Hindi matatapatan o mahihigitan ng mundong ito ang mga kaloob ng Diyos. Sapat na ang Panginoon sa ating buhay. Sapat na ang Kanyang mga pagpapala. Siya ang tunay na kayamanan. 

Sa unang dalawang talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo, ipinagbili ng dalawang tao ang lahat mga ari-arian nila kapalit ng mga bagay na itinuturing nilang mga tunay na kayamanan. Ang una'y isang taong nakahukay ng isang kayamanang nakabaon sa isang bukid at ang ikalawa'y isang mangangalakal na nakahanap ng isang perlas na mamahalin. Parehas nilang binenta ang lahat ng kanilang mga ari-arian kapalit ng mga bagay na napakahalaga para sa kanila. Sapat na para sa kanila ang kanilang mga tanging yaman. Hindi mapapantayan o mahihigitan ng iba pang mga bagay sa daigdig na ito ang kahalagahan ng mga kayamanan o perlas na nahanap nila. 

Hindi mapapantayan ng mga kaloob ng sanlibutan ang mga kaloob ng Diyos. Ang mga kaloob ng sanlibutan ay pansamantala lamang. Hindi magtatagal ang mga ito magpakailanman. Ang mga handog at bigay ng mundo sa bawat isa sa atin ay may hangganan. Ang bawat tao'y maghahanap na naman ng ibang mga mahahalagang bagay na lilipas rin sa huli. Subalit, ang mga kaloob ng Diyos ay walang hanggan. Ang Kanyang pag-ibig ay walang hanggan. Ang Kanyang mga pagpapala'y walang hanggan. Ang Diyos mismo ay walang hanggan. 

Ang Diyos ay sapat na. Sapat na ang Kanyang mga biyaya. Sapat na ang Kanyang pag-ibig. Wala na tayong hahanapin pa. Hindi mapapantayan o mahihigitan ang pag-ibig at mga kaloob ng Diyos. Walang kapantay ang Panginoong Diyos. Wala ring hihigit sa Kanya. Sapat na ang Panginoon. Papanatag at papayapa ang ating mga puso't kalooban sa Kanyang piling. 

Sabado, Hulyo 22, 2017

HABANG MAY BUHAY, MAYROONG PAG-ASA

23 Hulyo 2017 
Ikalabing-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Karunungan 12, 13. 16-19/Salmo 85/Roma 8, 26-27/Mateo 13, 24-43 (o kaya: 13, 24-30)



Sa pelikulang X-Men: Days of Future Past (2014), nakatagpo ng batang Professor Charles Xavier (James McAvoy) ang kanyang mas matadang sarili sa kinabukasan (Patrick Stewart). Nakita ng batang Professor X ang madilim na kinabukasan para sa mga mutants at pati na rin sa sangkatauhan. Kaya, nang magtagpo ang dalawa, inilabas ng batang Professor Charles Xavier ang lahat ng kanyang mga saloobin at mga hinanakit. Nawala ang lahat sa kanya. Walang-wala na siya. Galit na galit siya sa mundo. Siya'y iniwanan ng mga malalapit sa kanya tulad nina Raven (Mystique) at Erik Lehnessher (Magneto). Sa mga tanong ng batang Professor Charles Xavier sa kanyang matandang sarili, kitang-kita kung gaano kabigat ang mga dinadala at dinidibdib niya sa kanyang puso - lahat ng galit, lungkot, at mga hinanakit. 

Sa pag-uusap ng dalawa, isa sa sa mga sinabi ng matandang Professor X sa kanyang batang sarili ay, "Just because someone stumbles and loses their way doesn't mean they are lost forever." Hindi porke't nagkamali ang isang tao at naligaw sa kanyang dinadaanan ay nangangahulugang habambuhay na siyang naliligaw ng landas. May pag-asa para sa bawat tao na magbagong-buhay at magpakabuti habang nabubuhay pa sa mundo. Hindi porket masama ang isang tao ay nangangahulugang mananatili siyang masama habambuhay. Habang nabubuhay pa ang isang tao sa daigdig na ito, mayroon pa siyang pag-asang magbagong-buhay. 

Ang temang isinasalungguhit ng mga Pagbasa ngayong Linggo ay pag-asa. Ang pag-asa ay isang biyaya mula sa Diyos. Ang Diyos ang bukal ng pag-asa. Tayong lahat ay binibigyan Niya ng pag-asa. Ang pag-asang ipinagkakaloob ng Panginoong Diyos sa bawat isa sa atin ang nag-uudyok sa puso ng bawat isa na pagsisihan at talikdan ang makasalanang pamumuhay at mamuhay ayon sa kalooban ng Panginoong Dios, ang buhay na puno ng kabanalan. Kung walang pag-asa, hindi mauudyok ang mga puso natin na magbagong-buhay, magpakabuti, at magpakabanal. Kung walang pag-asa, ipagpapatuloy natin ang ating mga makasalanang pamumuhay. 

Inihayag sa Unang Pagbasa na binibigyan ng pagkakataon ang bawat makasalanan upang makapagsisi. Hindi agad pinarurusahan ng Diyos ang mga makasalanan. Sa halip na parusahan at lipulin agad ang bawat makasalanan, binibigyan Niya sila ng oportunidad o pagkakataong makapagsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Gaano mang kabigat ang kasalanan ng bawat isa, binibigyan sila ng Diyos ng pag-asa na makamit ang Kanyang awa at kapatawaran. Ginagawa iyon ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataong makapagsisi at magbalik-loob sa Kanya ang mga makasalanan.

Inihayag ni Apostol San Pablo na tayong lahat ay tinutulungan ng Espiritu Santo sa ating mga kahinaan sa Ikalawang Pagbasa. Ang Espiritu Santo ang ating Patnubay. Siya ang ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Hesus upang maging Patnubay nating lahat. Bilang ating Patnubay,tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na magbalik-loob sa Diyos. Tayong lahat ay binibigyan Niya ng pag-asa na pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan upang makamit ang Awa at Kapatawaran ng Diyos. Binibigyan tayo ng pag-asang makipagkasundo sa Diyos. Ang Espiritu Santo pa nga mismo ang tumutulong sa bawat isa sa ating lahat na makipagkasundo sa Diyos. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa mga damo sa triguhan kung paanong ang Diyos ay nagbibigay ng pagkakataon sa bawat tao na makapagsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Katulad ng inihayag sa Unang Pagbasa, hindi kaagad-agad pinarurusahan at pinupuksa ng Diyos ang makasalanang sangkatauhan. Bagkus, binibigyan Niya ng pagkakataong pagsisihan at talikuran ng bawat tao ang kanilang makasalanang pamumuhay. Ang bawat tao ay binibigyan Niya ng pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Sa mata ng Dios, habang nabubuhay ang bawat tao sa mundong ito, meron pang pag-asa para sa kanya na makapagbagong-buhay. 

Habang may buhay ang bawat tao sa daigdig na ito, mayroon pang pag-asa para sa bawat tao na makapagbagong-buhay at magbalik-loob sa Panginoon. Gaano mang kabigat at kasama ang kasalanan ng bawat tao, mayroon pang pag-asang magbalik-loob sa Diyos habang nabubuhay pa sa daigdig na ito. Sapagkat ang mga kasalanan ng sangkatauhan ay hinding-hindi makahihigit sa kadakilaan at kapangyarihan ng Awa't Pagpapala ng Diyos. Ang Awa't Pagpapala ng Diyos ay higit na dakila at higit na makapangyarihan kaysa sa kapangyarihan at kabigatan ng kasalanan. 

Sabado, Hulyo 15, 2017

MABUTING LUPA?

16 Hulyo 2017
Ikalabinlimang Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 10-11/Salmo 64/Roma 8, 18-23/Mateo 13, 1-23 (o kaya: 13, 1-9) 



Tampok sa Ebanghelyo ngayon ang Talinghaga ng Manghahasik. Ang mga binhing inihasik ng magsasaka sa talinghaga ni Hesus ay nalaglag sa iba't ibang uri ng lupa. Mayroong mga binhing nalaglag sa tabi ng daraanan, sa kabatuhan, sa dawagan, at sa mabuting lupa. Inilarawan ni Hesus sa parabulang ito kung paanong inihahasik ng Diyos ang Kanyang Salita sa puso ng bawat tao, matuwid man o makasalanan. 

Hindi eksklusibo para sa mga mabubuting tao ang Salita ng Diyos. Kung ang Salita ng Diyos ay eksklusibo lamang sa mga matuwid, ang mga katulad nina Apostol San Pablo, San Agustin, at San Ignacio de Loyola'y hindi magiging banal. Bagkus, sila'y mananatiling makasalanan. Subalit, hindi ganun ang Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ay para sa lahat. Inihahasik ng Dios ang Kanyang Salita sa puso ng bawat tao, mabuti man o masama. Hindi pinipili ng Diyos kung sinu-sino ang mga dapat at 'di dapat tumanggap sa Kanyang Salita. Niloob ng Diyos na ibahagi sa lahat ng tao ang Kanyang Salita. Niloob ng Diyos na maging para sa lahat ang Kanyang Salita. Kaya naman kusa Niya itong ibinabahagi sa lahat ng tao.

Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa na magaganap ng Kanyang mga salita ang lahat ng Kanyang mga ninanais. Anuman ang Kanyang naisin, tulad ng pagbibigay ng bagong buhay sa bawat makasalanan at pagkakaloob ng mga pangangailangan ng sangkatauhan, ay Kanyang mapangyayari sa pamamagitan ng Kanyang Salita. 

Inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang Mabuting Balita tungkol sa kalooban ng Diyos. Inihayag ng Diyos na niloob Niyang ituring at ampunin ang lahat ng mga tumanggap sa Espiritu Santo bilang unang kaloob ng Diyos sa bawat tao. Niloloob ng Diyos na bigyan tayo ng bagong buhay bilang Kanyang mga anak. Niloob ng Diyos na tayo'y ampunin at tanggapin bilang mga anak Niya. Niloob ng Dios na iligtas at palayain tayong lahat mula sa bitag ng kaalipinan at kasalanan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Kanyang Bugtong na Anak.  

Niloob ng Diyos na ibahagi sa ating lahat ang Kanyang Salita. Niloob ng Diyos na tanggapin, ampunin, at kalingain bilang mga anak Niya. Niloob ng Dios na bigyan tayo ng bagong buhay bilang Kanyang mga anak. Suriin natin ang ating mga sarili - mabuting lupa ba ako? Tatanggapin at tatalima ba ako sa kalooban ng Diyos? 

Linggo, Hulyo 9, 2017

MAAMO AT MABABANG-LOOB

9 Hulyo 2017
Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Zacarias 9, 9-10/Salmo 144/Roma 8, 9. 11-13/Mateo 11, 25-30 



Inilalarawan ng mga Pagbasa ngayong Linggo ang kababaang-loob ng Panginoong Hesus. Mahirap mamuhay nang may kababaan ng loob, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Itinuturo sa atin ng lipunan na ang kababaang-loob ay tanda ng kahinaan at dapat tayong makipagpaligsahan sa kapwa. Dapat nating gawin ang lahat upang iangat ang sarili, kahit ang kahulugan nito'y pabagasakin ang iba, ang ating kapwa. Subalit, noong si Hesus ay pumanaog sa sanlibutan, sinuway Niya ang pananaw na ito. Bagkus, si Hesus ay nagturo ng isang bagong pananaw na taliwas sa mga turo't aral ng lipunan - ang mamuhay nang may kababaang-loob. Si Hesus rin mismo ang naging tunay na huwaran ng Kanyang mga turo't aral ukol sa kababaang-loob. 

Ang Panginoong Hesukristo ang hari na tinutukoy ni propeta Zacarias sa kanyang propesiya sa Unang Pagbasa. Noong pumanaog sa sanlibutan si Hesus, hindi Niya tinaglay ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos. Bagkus, katulad ng inihayag ni Apostol San Pablo sa ikalawang kabanata ng kanyang sulat sa mga taga-Filipos (2, 6-11), hinubad ni Hesus ang Kanyang pagka-Diyos at namuhay bilang alipin. Kusa Siyang nagpakumbaba at niyakap ang buhay ng mga maralita. Ayon rin sa hula ni propeta Zacarias sa Unang Pagbasa, si Hesus ay dumating nang buong kababaang-loob. Hindi Siya nagmataas noong Siya'y nagpakita sa Kanyang bayan bilang hari't mananakop. Buong kababaang-loob na lumitaw at nagpakita si Hesus sa Kanyang bayan bilang Panginoon, Tagapagligtas, at Hari. 

Bakit kababaang-loob ang tinaglay ni Hesus noong Siya'y pumanaog sa lupa? Ayon kay Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, "hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman" (8, 12). Bakit hindi na tayo mga alipin ng likas na hilig ng laman? Dahil sa Panginoong Hesus. Ang Panginoong Hesus ang Siyang nagbigay ng kalayaan sa ating lahat. Tayong lahat ay makapamuhay nang malaya bilang mga anak ng Diyos dahil sa kababaang-loob ni Kristo Hesus. Ipinamalas ni Kristo Hesus ang Kanyang kababaang-loob noong inihain Niya ang Kanyang buhay sa krus para sa atin. Dahil sa kababaang-loob ni Kristo, tayong lahat ay nagkaroon ng kalayaan. Tayong lahat ay pinalaya ni Kristo mula sa pagkaalipin sa pita ng laman. 

Habilin rin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang mga gawa ng laman ay dapat patayin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kung tayo'y mabubuhay ayon sa laman, hindi tayo magkakaroon ng buhay na kaloob ng Diyos. Kapag ang mga pita ng laman ay tatanggapin natin, itinatakwil natin ang biyaya ng buhay na kaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Subalit, kung ang mga pita ng laman ay papatayin natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tinatanggap natin ang paghahain ng sarili ni Kristo sa krus. Atin ding tinatanggap ang biyaya ng buhay na walang hanggan na kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na Siya'y maamo at mababang-loob. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang kaamuan at kababaang-loob noong inanyayahan Niya ang mga napapagal at nabibigatan ng pasanin na lumapit sa Kanya upang makasumpong ng kaginhawaan at kapahingahan sa piling Niya. Hindi malamig ang Kaniyang loob sa lahat ng mga nabibigatan sa kanilang mga pasan. Bagkus, Siya'y puno ng kaamuan at kababaan ng loob. Pinapatunayan ito ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pag-anyaya sa lahat ng mga lubhang nabibigatan ng pasan. Hindi Niya pinagbabawalan ang lahat ng mga napapagal na makasumpong ng kaginhawaan sa Kanyang piling. 

Tinatawag at inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na lumapit sa Kanya upang makasumpong ng tunay na pahinga at ginhawa sa piling Niya. Sa pamamagitan ng paanyayang ito, ipinapakita sa atin ni Hesus ang Kanyang kaamuan at kababaang-loob. Ang kaamuan at kababaang-loob ni Hesus ang nagdulot ng ating kalayaan at kaligtasan. Ang kaamuan at kababaang-loob ni Hesus ang Siya ring nagdudulot ng tunay na kapanatagan ng loob na masusumpungan lamang natin sa piling Niya. 

Linggo, Hulyo 2, 2017

BINIBIYAYAAN NG PANGINOON ANG MGA TUMATANGGAP SA KANYA

2 Hulyo 2017
Ikalabintatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
2 Hari 4, 8-11. 14-16a/Salmo 88/Roma 6, 3-4. 8-11/Mateo 10, 37-42 



Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus sa mga apostol na ang sinumang tumanggap sa isa sa kanila ay Kanyang pagpapalain. Ang pagtanggap sa kahit isa sa mga apostol ni Hesus, ayon na rin mismo sa inihayag ni Hesus, ay pagtanggap rin sa Kanya. At ang pagtanggap kay Hesus ay pagtanggap rin sa Amang nasa langit na nagsugo sa Kanya dito sa lupa. Makakatanggap ng maraming pagpapala mula sa Panginoong Diyos ang mga tumanggap sa Kanya nang buong puso't kaluluwa. 

Ito ang ginawa ng isang mag-asawa para kay propeta Eliseo sa Unang Pagbasa. Ang kanilang pagtanggap kay propeta Eliseo na isinugo ng Diyos ang naging daan tungo sa pagpasok ng pagpapala ng Diyos sa kanilang buhay. Dahil sa pagtanggap nila kay propeta Eliseo, sila'y nakatanggap ng isang napakalaking pagpapala mula sa Diyos. Inihayag ni propeta Eliseo sa magkabiyak ng puso na magkakaanak sila sa susunod na taon. Matagal nang walang anak ang mag-asawang ito. Subalit, noong tinanggap at pinatuloy nila sa kanilang tahanan si propeta Eliseo, sila'y nakatanggap ng isang napakalaking gantimpala mula sa Dios. Magkakaanak sa susunod na taon ang mag-asawang ito. Tinanggap nila ang Diyos sa kanilang buhay noong tinanggap nila ang propetang si Eliseo na Kanyang hinirang at sinugo. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ukol sa biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ng tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sinugo ng Diyos si Kristo Hesus sa sanlibutan upang padaluyin ang Kanyang Awa't pagpapala sa lahat ng tao sa pamamagitan Niya. Pumasok sa sanlibutan ang pagpapala ng Dios na nagliligtas sa lahat sa pamamagitan ng pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Ang Awa at pagpapala ng Diyos ay dumating sa lupa sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sinugo ng Diyos si Hesus upang padaluyin ang Kanyang habag at pagpapala sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay.

Ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang Awa't pagpapala sa lahat ng mga tumatanggap at nananalig sa Kanya. Hindi Niya ipinagdadamot sa mga tumatanggap sa Kanya nang buong pusong pananalig at pananampalataya sa Kanya. Hindi ipinagkakait ng Dios ang Kanyang habag at pagpapala. Bagkus, kusa Niya itong ibinabahagi at ibinibigay sa lahat ng mga nananalig at sumasampalataya nang buong puso't kaluluwa. 

May gantimpalang inilaan ang Diyos para sa lahat ng mga buong pusong tatanggap at mananalig sa Kanya. Pagpapalain at kahahabagan ng Panginoong Dios ang lahat ng mga tatanggap sa Kanya. Lalong mararanasan ng mga tatanggap sa Panginoong Diyos ang Kanyang habag at pagpapalang walang hanggan. 

Ang Diyos ay tunay ngang mapagpala at mapagmahal. Hindi Niya ipinagkakait ang Kanyang Awa't biyaya. Bagkus, kusa Niyang ibinabahagi at ibinubuhos ang mga ito sa ating lahat. Sa pamamagitan ng Kanyang habag at biyaya, inihahayag ng Dios sa lahat ang Kanyang pag-ibig na walang hanggan. Lalo nating mararanasan ang Awa at pagpapala ng Diyos na nagdulot ng ating kaligtasan kung buong puso't kaluluwa nating Siyang tatanggapin sa ating buhay at sasambahin magpakailanman. 

Sa pamamagitan ng Kanyang Awa't grasya, inihahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig na walang maliw na dapat lagi nating sambitin. Ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos ang nagligtas sa ating lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin. (Salmo 88)