Sabado, Nobyembre 25, 2017

HESUS: PASTOL AT HARING MAAWAIN AT MAPAGKALINGA SA KANYANG KAWAN

26 Nobyembre 2017
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (A) 
Ezekiel 34, 11-12. 15-17/Salmo 22/1 Corinto 15, 20-26. 28/Mateo 25, 31-46


Ngayong Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari, inaanyayahan tayo ng Simbahan na pagnilayan kung anong uri ng hari si Kristo. Paano nga ba naiiba si Kristo bilang hari sa iba pang mga hari o pinuno dito sa mundo? Ito ang nais talakayin ng mga Pagbasa para sa maringal na pitang ito na ipinagdiriwang ng Santa Iglesia sa huling araw ng linggo sa Kalendaryo Liturhiko. 

Sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel, ang Panginoong Diyos ay nagpakilala bilang isang mapagkalingang pastol at hari. Inihayag ng Diyos na Siya na mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa Kanyang mga tupa. Bukod sa pagiging hari at hukom, ang Panginoon ay isang maamo at mapagkalingang pastol. Hindi Niya nais na mapahamak ang Kanyang kawan. Hangad Niya na makahimlay ang Kanyang mga tupa sa Kanyang piling magpakailanman. Sa Kanyang piling, mararanasan nila ang Kanyang habag at malasakit na walang katapusan. 

Sa Ikalawang Pagbasa, isinalaysay ni Apostol San Pablo kung paanong ipinamalas ng Diyos sa sangkatauhan ang Kanyang habag at malasakit sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Wika ni Apostol San Pablo, "Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayon din naman, dumating din ang muling pagkabuhay ng isang tao." (15, 21) Ang Diyos ay nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo upang ipagkaloob sa sangkatauhan ang biyaya ng muling pagkabuhay, bagong buhay, buhay na walang hanggan. Sa pamamagitan nito, pumasok sa daigdig ang habag at malasakit ng Diyos.

Ang punto ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang siya ring punto ng Panginoong Hesus sa ika-10 kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan noong Kanyang winika, "Naparito Ako upang ang mga tupa'y magkaroon ng buhay; isang buhay na ganap at kasiya-siya." (10, 10) Iyan ang buod ng misyon ni Hesus. Si Hesus ay naparito upang bigyan ng isang buhay na ganap at kasiya-siya ang Kanyang mga tupa sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, ipinamalas at ipinadama ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang awa't habag para sa Kanyang kawan na labis Niyang iniibig at pinapahalagahan. 

Sino ang mga kabilang sa kawan ni Kristong Hari?  Sabi ni Kristo sa ika-10 kabanta ng Ebanghelyo ni San Juan, "Nakikinig sa Aking tinig ang Aking mga tupa." (10, 27) Ang mga nakikinig kay Hesus ay kabilang sa Kanyang kawan. At dahil nakikinig sila kay Hesus, isinasabuhay at sinusunod nila ang Kanyang kalooban. Ang halimbawa ni Hesus ay kanilang tinutularan. Ipinapalaganap nila sa iba't ibang dako ng daigdig ang awa't malasakit ni Kristo sa pamamagitan ng kanilang mga salita't pagkilos. Sa pamamagitan ng kanilang mga salita't gawa, tumatalima sila sa mga utos ng Mabuting Pastol na si Kristong Hari. At lumalaganap sa iba't ibang dako ang awa't habag ng tunay na Hari na si Kristo Hesus. 

Isinalaysay ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ngayon ang talinghaga tungkol sa mga tupa't mga kambing. Sa talinghagang ito, inilarawan ni Hesus ang mga kaganapan sa katapusan ng panahon. Ang mga tupa'y makikinabang sa pangako ni Hesus habang ang mga kambing naman ay mapapahamak sa walang hanggang apoy ng impyerno. Ginantimpalaan ng dakilang hari't hukom na si Kristo Hesus ang mga tupa dahil sa kanilang pagsunod at pagtalima sa Kanyang kalooban. Makakapiling ng mga tupa ang Panginoon sapagkat ipinalaganap nila ang Kanyang awa't habag. Kung paano Niyang ibinahagi sa kanila ang Kanyang awa't habag, gayon din naman, ibinahagi nila sa kapwa, lalung-lalo na sa mga kapus-palad, ang Kanyang awa't habag sa pamamagitan ng mga salita't gawa. Noong ito'y ginawa para sa kapwa, lalo na para sa mga kapus-palad, ginawa rin ito para sa Panginoong Hesukristo, ang Haring walang hanggan. 

Kung nais nating mapabilang sa kawan ni Kristong Hari, kung nais nating mapabilang sa mga tupa sa talinghaga ng Panginoon sa Ebanghelyo, tumalima tayo sa Kanyang mga utos. Tularan natin ang Kanyang halimbawa. Ibahagi natin ang Kanyang awa't habag sa kapwa, lalo na sa mga kapus-palad. Sa gayon, maririnig natin ang mga salitang ito mula kay Kristo sa katapusan ng ating buhay, sa katapusan ng panahon, "Halikayo, mga pinagpala ng Aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan." (25, 34) Mararanasan natin ang gantimpala ng buhay na walang hanggan sa piling Niya sa kalangitan. Makikinabang tayo sa Kanyang pangako ng walang hanggang paghimlay sa Kanyang kaharian, ang tunay na Paraiso. 

Si Hesus ang tunay na Pastol at Hari. Siya'y puspos ng habag at malasakit para sa Kanyang kawan. Ang Kanyang kawan ay lagi Niyang kinakalinga at pinahihimlay sa piling Niya magpakailanman. Ang Kanyang Awa't Pagkalinga ay walang hanggan. Salamat sa Diyos sa pagkakaloob Niya kay Hesus upang maging ating Pastol at Haring maawain at mapagkalinga. 

VIVA CRISTO REY! 

Biyernes, Nobyembre 17, 2017

GAMITIN PARA SA TAMA ANG MGA PAGPAPALANG KALOOB NG DIYOS

19 Nobyembre 2017
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Kawikaan 31, 10-13. 19-20. 30-31/Salmo 127/1 Tesalonica 5, 1-6/Mateo 25, 14-30 (o kaya: 25, 14-15. 19-21) 


"...ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad sa pagdating ng magnanakaw." (1 Tesalonica 5, 2). Isinalungguhit ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na walang sinumang taong namumuhay dito sa lupa ang makababatid kung kailan ang Araw ng Panginoon. Sabi nga ng Panginoong Hesus na ang Ama lamang ang tanging nakakaalam kung kailan sasapit ang takdang panahon (Mateo 24, 36). Tulad ng pagdating ng isang magnanakaw, ang Araw ng Panginoon ay sasapit sa panahong hindi nating inaasahan. Walang nakakaalam kung kailan. Tanging Diyos Ama lamang ang nakakaalam. 

Binigyang-diin ngayong Linggo sa Unang Pagbasa at sa Ebanghelyo ang kahalagahan ng pagiging mabuting lingkod ng Panginoon bilang paghanda para sa pagsapit ng takdang panahon. Habang pinanabikan natin ang pagdating ng Panginoon sa katapusan ng panahon, kinakailangan nating maging mga mabuti't matapat na lingkod. Kailangan nating maging mga mabuti't matapat na lingkod, tumatalima sa Kanyang kalooban, sa pamamagitan ng ating mga salita't pagkilos. Ang maybahay sa Unang Pagbasa, ginamit ang kanyang mga talento upang paglingkuran ang kanyang pamilya't komunidad, lalung-lalo na ang mga kapus-palad. Ang dalawang alipin ng manlalakbay sa talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo, ginamit ang kanilang mga talento upang magkaroon ng tubo ang salaping ibinigay ng kanilang amo sa kanila. Kung paanong ginamit nila ang kanilang mga talentong ipinagkaloob sa kanila ng Diyos para sa kabutihan, gayon din naman, dapat nating gamitin ang mga talentong bigay ng Diyos sa atin para sa kabutihan. 

Tayong lahat ay biniyayaan ng Diyos ng mga talento upang gamitin para sa kabutihan. Hindi ito dapat balewalain at ilihim, tulad ng tamad at masamang alipin sa talinghaga ni Kristo na napakinggan sa Ebanghelyo ngayon. Nasasayang lamang ang biyaya ng Panginoon. Hindi rin ito dapat gamitin para sa masama. Kapag ginamit natin ang mga talentong iyan sa masama, inaabuso natin ang pagpapalang iyon. At iyan ay kinasusuklaman ng Diyos sapagkat ang biyayang Kanyang ipinagkakaloob ay dapat ginagamit para sa kabutihan, hindi para pairalin ang kasamaan. Pang-aabuso iyan ng Kanyang mga biyaya. Hindi naman iyan ang layunin ng Diyos noong ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang mga biyaya. Bagkus, ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos ay dapat nating gamitin para sa kabutihan. Ang mga biyayang ating tinanggap ay banal sapagkat ang mga ito'y nagmula sa bukal ng lahat ng kabanalan, ang Panginoong Diyos na makapangyarihan. Nararapat lamang ipalaganap ang Kanyang kabutiha't kabanalan sa lahat ng dako, tulad ng Kanyang ninanais. 

Habang tayo'y nabubuhay sa daigdig na ito bilang mga manlalakbay at mga lingkod ng Diyos, gamitin natin nang mabuti ang mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Ipinagkalooban tayo ng Diyos ng Kanyang mga biyaya sa ating lahat upang matupad natin ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng paggamit sa mga pagpapalang kaloob ng Diyos sa atin para sa kabutihan, nagpapatotoo tayo sa Kanya na Siyang bukal ng lahat ng kabanalan. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga talentong binigay sa atin ng Panginoon, lalo natin Siyang niluluwalhati't dinadakila. Sapagkat ang tanging hinahangad ng mga naglilingkod sa Panginoon nang buong katapatan ay gamitin ang mga pagpapalang kaloob ng Diyos para sa higit na ikaluluwalhati ng Kanyang Pangalan. 

Sabado, Nobyembre 11, 2017

MAHALAGA BA?

12 Nobyembre 2017 
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Karunungan 6, 12-16/Salmo 62/1 Tesalonica 4, 13-18 (o kaya: 4, 13-14)/Mateo 25, 1-13 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ng Panginoong Hesus ang talinghaga ng sampung dalaga. Lima sa mga dalaga'y matatalino at ang iba pang lima nama'y mga hangal. Ang mga matatalinong dalaga ay nakapasok sa kasalan kasama ang lalaking ikakasal habang ang mga hangal na dalaga ay hindi nakapasok. Masinsinang pinaghandaan ng mga dalaga ang pagdating ng lalaking ikakakasal sa pamamagitan ng pagbabaon ng mga dagdag na langis kung saka-sakaling maubusan ng langis ang mga ilawan nila. Ang mga hangal naman ay bumili ng dagdag na langis para sa kanilang mga ilawan kung kailan pa dumating ang lalaking ikakasal. 

Ipinakita ng mga matatalinong dalaga kung paano nila hinahangad at pinanabikan ang lalaking ikakasal sa pamamagitan ng kanilang paghahanda. Bago pa man sumapit ang araw o gabi ng kasalan, pinaghandaan nila ang posibilidad na mababalam ang lalaking ikakasal sa kanyang pagdating. Hindi nila inalis sa kanilang mga isipan ang posibilidad na maaaring maantala ang pagdating ng lalaking ikakasal. Hinahangad nilang makiisa sa pagdiriwang ng kasalan. Kaya, naghanda sila para sa posibleng pag-antala sa pagdating ng lalaking ikakasal.

Labis na hinangad at kinasabikan ng mga matatalinong dalaga ang pagdating ng lalaking ikakasal. Kung paanong hinangad hanapin ang Banal na Karunungan ng Diyos sa Unang Pagbasa, gayon din nilang inasam-asam ang pagdating ng lalaking ikakasal. Nais nilang makiisa sa napakaengrandeng pagdiriwang ng kasalan. Nais nilang makihati sa kagalakan ng lalaking ikakasal. Nais nilang mapabilang sa mga pinalad na maging bahagi ng kasalang iyon. 

Ang lalaking ikakasal ay walang iba kundi si Hesus. Tayo naman ang kumakatawan sa mga dalaga sa talinghaga ni Kristo. May tanong para sa atin mula sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Alin nga ba tayo sa dalawang uri ng dalaga? Gaano ba kahalaga sa atin ang Panginoong Hesukristo? Kailangan nating pagpasiyahan kung saan tayo kabilang sa dalawang uri ng mga dalagang inilarawan ni Kristo sa talinghaga, kung sa mga matatalino o sa mga hangal. Hindi na si Hesus ang magpapasiya para sa atin. Tayo ang magpapasiya para sa ating mga sarili. Binigyan tayo ni Hesus ng dalawang pagpipilian - hangal o matalino? Saan tayo kabilang? 

Kung nais nating ibilang ang ating mga sarili sa mga matatalino, kinakailangan nating kasabikan ang Panginoon lamang. Ang Panginoong Hesukristo, ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos ayon kay Apostol San Pablo (1, 24) ay dapat nating hangarin, kasabikan, panaligan, at tanggapin. Kung paanong hinangad ng mga naghahanap sa Karunungan ng Diyos na matagpuan ito sa Unang Pagbasa, dapat nating hangarin at kasabikan si Kristo lamang. Siya ang dapat nating bigyan ng pangunahing importansya. Dapat natin Siyang pahalagahan nang higit sa lahat. Sa pamamagitan nito, inihahayag natin ang ating pananalig sa Kanya. Kung magkagayon, mangyayari sa atin ang inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa - muli tayong bubuhayin ng Diyos sa katapusan ng panahon upang Siya'y ating makakapiling magpakailanman. Dahil ang mga nananalig kay Kristo ay bubuhayin sa araw ng Kanyang pagparito upang makapiling Siya magpakailanman. 

Gaano ba nating pinapahalagahan ang Panginoon? Gaano kalaki ang ating pagpapahalaga sa Kanya? Tanging Siya lamang ba ang ating kinasasabikan at hinahangad? Mayroon ba Siyang kakumpetensya? Siya ba ang nasa sentro ng ating buhay? Nais ba natin Siyang makasama't makapiling habambuhay? Pinaghahandaan ba natin nang mabuti ang Kanyang pagdating? May pakialam ba tayo kung dumating man Siya o hindi? Binibigyan ba natin ng halaga ang Kanyang pagdating? Pagmuni-munian natin ang mga katanungang ito. 

Lunes, Nobyembre 6, 2017

PERA O GRASYA NG DIYOS?

9 Nobyembre 2017 
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22 


Isinalaysay sa Ebanghelyo ang paglilinis sa Templo. Labis ang galit ni Hesus nang makita Niya ang mga mangangalakal sa Templo. Para kay Hesus, isang uri ng pambababoy at paglapastangan ang ginagawa ng mga mangangalakal at mga tindero't tindera sa Templo. Naniniwala ang mga Hudyo na sa Templo nananahan ang Diyos. Dahil diyan, ang Templo ay daluyan ng grasya ng Diyos. Subalit, mas binibigyan nila ng halaga ang pagkita ng pera kaysa sa pagsamba sa Diyos.  

Noong tinawag at hinirang ng Diyos si Moises upang palayain ang mga Israelita mula sa kaalipinan sa Ehipto, inutusan Niya si Moises na tanggalin niya ang kanyang mga panyapak sapagkat banal ang lugar na kinatatayuan niya (Exodo 3, 5). Sagrado ang lugar na inaapakan ni Moises, kaya kinailangan niyang tanggalin ang kanyang mga panyapak upang mabigyan ng galang. Sapagkat ang bundok na iyon, ang Bundok ng Horeb, ay ang Bundok ng Diyos. Sa mismong sagradong lugar na iyon, tinawag at hinirang ng Diyos si Moises upang ilabas ang mga Israelita mula sa Ehipto kung saan namumuhay sila bilang mga alipin, punung-puno ng pait at sakit, sa ilalim ng pamumuno ng isang malupit na Faraon. 

Kabaligtaran nito ang nangyari sa Bagong Tipan. Hindi na ginalang ang Templo, ang pinakasagradong lugar sa Jerusalem. Sa Templo, nananahan ang Diyos. Subalit, hindi na binigyan ng halaga ang presensya ng Diyos sa Templo. Hindi na importante sa mga tao ang kasagraduhan ng Templo. Mas binigyan nila ng halaga ang pagkita ng pera. Mas importante para sa kanila ang pera kaysa sa Diyos. Ang lugar sa kanilang buhay na dapat para sa Diyos ay ibinigay nila sa pera. Ginawa nilang diyos-diyosan ang pera. Ito ang nagpagalit sa Panginoong Hesus, kaya sila'y pinalayas Niya mula sa Templo dahil sa kalapastangang ginawa nila. 

Hindi lamang isang ordinaryong gusali ang Templo, ang Simbahan. Ito ang tahanan ng Diyos. At ayon sa pangitain ni propeta Ezekiel sa Unang Pagbasa, ang Templo ay isang batis; dito bumubukal ang tubig na nagbibigay-buhay. Inilalarawan nito kung paanong ang tahanan ng Maykapal ang bukal ng lahat ng pagpapala. Ang tahanan ng Maykapal ang daluyan ng Kanyang grasya. Dagdag pa ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto, nananahan ang Espiritu Santo sa bawat Kristiyano. Ang bawat Kristiyano ang bumubuo sa Simbahan, ang tahanan ng Diyos. Kaya, ang bawat Kristiyano ay daluyan ng grasya ng Diyos. Umaagos ang grasya ng Panginoong Diyos mula sa bawat Kristiyano sapagkat Siya'y nananahan sa bawat Kristiyano. At ang pundasyon ng Simbahang ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. 

May tanong iniwan para sa atin ang mga Pagbasa ngayong Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma, na dapat nating pagmuni-munian at suriin nang masinsinan. Pera o grasya ng Diyos? Makamundong kayamanan o grasya ng Diyos? Ano ang ating pipiliin? Alin ang mas pinahahalagahan natin? Alin sa dalawa ang isinesentro natin sa ating buhay? Suriin natin ang ating mga sarili, pagnilayan natin nang mabuti ang mga tanong na ito. 

Sabado, Nobyembre 4, 2017

ISABUHAY ANG PAMAMANATA AT PAGLILINGKOD SA DIYOS

5 Nobyembre 2017 
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Malakias 1, 14b-2, 2b. 8-10/Salmo 130/1 Tesalonica 2, 7b. 9. 13/Mateo 23, 1-12 

Photo credits: https://www.agnusday.org/
Dalawang ulit nagparinig ang Panginoong Diyos sa mga Pagbasa ngayong Linggo. Sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias, pinaringgan ng Diyos ang mga punong saserdote dahil sila'y nagpamalas ng kapaimbabawan. Sa halip na ilapit ang mga tao sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga turo, lalo pang sumuway at napalayo sila sa Kanya. Sa pamamagitan ng kanilang kapaimbabawan, ang mga punong saserdote ay sumuway sa utos ng Diyos. Sa Ebanghelyo, muling pinaringgan ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ang mga eskriba't Pariseo dahil sa kanilang pagpapamalas ng kapaimbabawan. Nagtuturo sila tungkol sa Kautusan ni Moises, subalit hindi nila ito isinasabuhay. 

Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang kapaimbabawan. Ang kapaimbabawan ay taliwas sa mga utos ng Diyos. Ang kapaimbabawan o pagbabalatkayo ay isang uri ng panlilinlang. Nililinlang ang kapwa dahil hindi umaakma ang mga salita sa mga kilos at gawa; magkasalungat ang wika at ugali. Para bang gumagawa lamang ng palabas sa harap ng kapwa. Puro dakdak, puro satsat, subalit hindi naman isinasagawa. Kaplastikan. Pagbabalatkayo. Sa pamamagitan ng pagbabalatkayo, nalilinlang at naloloko lamang ang kapwa. At iyan ay taliwas sa kalooban ng Diyos. 

Nais ng Diyos na isabuhay ang Kanyang Salita na ating narinig at ibinabahagi sa iba. Nais ng Diyos na maging tapat at totoo tayo. Ang paggamit ng ating mga salita ay hindi sapat sa mga mata ng Diyos. Kinakailangang may kalakip na gawa ang mga salitang ating ibinabahagi. Kapag ang Salita ng Diyos ay ibinabahagi natin sa kapwa, kailangan nating magpakatotoo at maging tapat sa apostoladong ito. Kailangan nating ibahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa. Dapat umakma ang ating mga salita't kilos kapag ibabahagi natin ang Salita ng Diyos sa kapwa. Ipamumukha naman kasi natin na mapanlinlang ang Diyos kapag hindi umakma ang ating mga salita't pagkilos. At alam natin na hindi sinungaling ang Diyos. Dahil ang Salita ng Diyos ang katotohanan. Katotohanan ang nais ipalaganap ng Diyos, hindi kasinungalingan at kalokohan. 

Isinalaysay ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung paanong tinanggap ng mga taga-Tesalonica ang Salita ng Diyos. Tinanggap ng mga taga-Tesalonica ang Salita ng Diyos na ipinangaral nina Apostol San Pablo sa kanila bilang tunay na galing sa Maykapal at hindi galing sa tao. Tinanggap nila na ang Ebanghelyong kanilang narinig mula kina Apostol San Pablo ay tunay na Salita ng Diyos. Nabatid nila na hindi gawa-gawa ng tao, hindi peke, hindi kathang-isip lamang ang Mabuting Balitang ipinapangaral sa kanila ni Apostol San Pablo. Napagtanto nila na ang Salita ng Diyos na ipinapangaral sa kanila nina Apostol San Pablo ay tunay at totoo. Nakilala nila ang Diyos na Siyang bukal ng katotohanan at kabutihan. At ang Kanyang Salita na puno ng katotohanan at kabanalan ay kanilang tinanggap ng buong pusong pagtalima sa Kanya.  

Layunin ng Salita ng Diyos na ipalaganap ang katotohanan at kabanalan. Ang Diyos ang bukal ng katotohanan at kabanalan. Hindi kasinungalingan o kalokohan ang hatid Niya sa ating lahat. Bagkus, ang hatid Niya sa ating lahat ay katotohanan at pagpapala. Ang Diyos na Siyang bukal ng lahat ng kabanalan at katotohanan ay hindi nagnanais na manlinlang o may mangyaring masama sa bawat isa sa atin na Kanyang iniibig nang tunay at wagas. 

Tinatawag at hinihirang tayo ng Diyos na sumaksi at maglingkod sa Kanya. Bilang mga saksing naglilingkod sa Kanya, tungkulin natin ang ipangaral at ipalaganap ang Kanyang Banal na Salita sa pamamagitan ng mga salita't gawa. Ang pangangaral at pagpapalaganap ng Salita ng Diyos ay hindi dapat sa salita lamang ipinapakita kundi dapat pati na rin sa mga gawa. Dapat umakma ang ating mga salita't mga kilos. Dapat nating isabuhay ang Salita ng Diyos na ating ipinapalaganap. Ang paglilingkod at pamamanata sa Panginoong Diyos ay hindi lamang sa salita; kinakailangan nating isabuhay ang paglilingkod at pamamanata sa Panginoong Diyos, kung tunay ngang naglilingkod at namamanata tayo sa Kanya.