Linggo, Enero 29, 2017

KINALULUGDAN NG DIYOS ANG MGA MAPAGPAKUMBABA

29 Enero 2017 
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sofonias 2, 3; 3, 12-13/Salmo 145/1 Corinto 1, 26-31/Mateo 5, 1-12a 


Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa pagpapakumbaba. Isang napakahalagang birtud ang pagpapakumbaba. Kinalulugdan ng Diyos ang mga mapagpakumbaba. Malapit sa Puso ng Diyos ang mga may kababaan ng loob. Ang Puso ng Panginoon ay para sa mga may kababaan ng loob. Ang pagmamataas ay hindi ikinatutuwa ng Diyos. Kinamumuhian, isinusuka ng Diyos ang kayabangan. 

Mapapansin natin sa Banal na Bibliya na madalas magsalita ang Diyos tungkol sa pagkakaroon ng kababaan ng loob. Ipinapahiwatig ng Panginoong Diyos na Siya'y malapit sa mga may kababaan ng loob. Sa Lumang Tipan, nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta. Sa Bagong Tipan, mismong ang Panginoong Diyos ang nagpakumbaba. Bumaba Siya mula sa langit, nagkatawang-tao, at iniluwal ng isang dalaga, isang birhen, na nagngalang Maria. Siya ay si Hesus, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa ang ilang mga katangian ng mga mapagpakumbaba. Ang mga mapagpakumbaba ay lumalapit sa Diyos. Ang mga mapagpakumbaba ay humihingi ng saklolo mula sa Diyos. Hindi nila kinakaligtaang humingi ng saklolo mula sa Diyos. Hindi sila nakakalimot sa Diyos. Batid nila ang kanilang mga lakas at mga kahinaan. Nananalig sila na sila'y tutulungan ng Diyos. Sila'y nananalig na hindi sila bibiguin, tatalikuran, o kakalimutan ng Diyos. Bagkus, nananalig sila na lagi nandiyan ang Diyos para saklolohan at gabayan sila. 

Binigyang-diin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto na ang Diyos ay malapit sa mga aba. Malapit sa Puso ng Diyos ang mga aba't mahihina. Itinatampok Niya ang mga aba. Hindi itinatampok ng Diyos ang mga malalakas, dalubhasa, o maharlika sa mga mata ng daigdig. Ang pamantayan ng Panginoong Diyos at ang pamantayan ng sanlibutan ay magkaiba. Nalulugod ang Diyos sa mga mahihina't aba, at itinatampok Niya ang mga ito. 

Sa Ebanghelyo, sinimulan ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pangangaral sa bundok. Sa simula ng Kanyang pangangaral sa bundok, inilarawan ng Panginoong Hesus kung sino ang mga mapapalad. Ang unang grupong itinampok ni Hesus ay ang mga aba. Nais ipahiwatig ni Hesus ang pagiging malapit ng mga aba sa Puso ng Diyos. Umaasa ang mga aba sa Diyos. Malalim ang kanilang pananalig at pag-asa sa Diyos. Wala silang inaasahan kundi ang Diyos. Nananalig sila na ang Diyos ang sasaklolo sa kanila sa oras ng pangangailangan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga aba't mapagpakumbaba ay malapit sa Puso ng Panginoong Diyos. 

Kinalulugdan at pinagpapala ng Diyos ang mga aba't mapagpakumbaba. Ang Puso ng Diyos ay malapit sa mga aba't may kababaan ng loob. Nananalig at umaaasa sa Diyos ang mga aba't mapagpakumbaba. Hindi malaki ang mga ulo nila. Hindi sila mapagmataas. Hindi sila mayabang. Bagkus, nananalig at umaaasa sila sa Awa ng Diyos. Nananalig sila na ang Diyos ang tutulong at sasanggalang sa kanila. At ito'y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Nalulugod ang Diyos sa mga may kababaan ng loob at mga aba dahil sa kanilang malalim na pananalig at pag-asa sa Kanyang Awa. Inihayag ng Panginoong Diyos ang Kanyang pagiging malapit sa mga aba't may kababaan ng loob noong Siya mismo ay nagpakumbaba at nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Hesus, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Sabado, Enero 21, 2017

ANG LIWANAG NI KRISTO

22 Enero 2017 
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 8, 23b-9, 3/Salmo 26/1 Corinto 1, 10-13. 17/Mateo 4, 12-23 (o kaya: 4, 12-17) 


Panginoo'y aking tanglaw, Siya'y aking kagalakan. (Salmo 26) 

Ang mga Pagbasa ngayon ay tungkol sa liwanag na nagmumula sa Salita ng Diyos na nagkatawang-tao, ang Panginoong Hesukristo. Si Propeta Isaias ay nagsalita sa Unang Pagbasa tungkol sa liwanag na tumatanglaw sa buong paligid. Ang liwanag na ito'y nagmumula sa Tagapagligtas at Mananakop na si Kristo. Nagsalita naman si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kanyang tungkulin. Tulad ng ibang mga apostol, hinirang ng Panginoon si San Pablo Apostol upang ipalaganap ang Mabuting Balita tungkol sa kaligtasan ng Dios na naganap sa pamamagitan ng Salitang nagkatawang-tao na si Hesukristo. Sa Ebanghelyo, tinawag at hinirang ni Hesus ang Kanyang mga unang apostol - mga mamamalakaya. Hinirang ni Hesus ang apat na ito upang maging Kanyang mga apostol na sumasaksi sa Kanya. 

Nagsalita si propeta Isaias tungkol sa kaliwanagang nagmumula sa Panginoon sa Unang Pagbasa. Ang liwanag na nagmumula sa Panginoong Diyos ay napakalaki. Pinapawi ng liwanag ng Panginoon ang kadiliman. Ang Diyos ang pinagmumulan ng liwanag. Siya ang tunay na kaliwanagan. Sa Diyos nagmumula ang liwanag na nagniningning at tumitingkad sa lahat ng dako. Ang kapangyarihan ng kadiliman ay hinding-hindi mananaig laban sa kapangyarihan ng Diyos na Siyang liwanag ng lahat ng mga nananalig at sumasampalataya sa Kanya. 

Nagpaliwanag si Apostol San Pablo tungkol sa kanyang misyon bilang apostol sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto. Si Apostol San Pablo ay nagpaliwanag kung bakit siya hinirang ng Panginoon upang maging apostol at misyonero sa mga Hentil. Si Apostol San Pablo ay hinirang hindi upang magpasikat kundi upang maging saksi ng Mabuting Balita ng Panginoong Hesus, ang Salitang nagkatawang-tao. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Salita, tumanglaw ang maningning na liwanag na pumawi sa kadiliman. 

Tampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng simula ng ministeryo ni Hesus. Sa simula ng Kanyang ministeryo, nangaral si Hesus tungkol sa pagsisisi't pagtalikod sa mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Binigyang-diin ni Hesus ang Awa ng Diyos sa simula ng Kanyang pangangaral. Ang Awa ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag sa lahat. Ang Awa ng Diyos ang liwanag na pumapatnubay at gumagabay sa lahat ng tumatahak sa landas ng pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob sa Panginoon. 

Hinirang rin ni Hesus ang Kanyang mga unang apostoles. Ang mga unang apostol ay mga mamamalakaya. Pangingisda lamang ang kanilang hanap-buhay. Subalit, iniwanan nila ang kanilang lambat at mga bangka nang sila'y tawagin at hinirang ni Hesus upang maging Kanyang mga apostol. Magiging "mamamalakaya ng mga tao" ang apat na mangingisdang ito (4, 19). Pagdating ng takdang panahon, sila'y mangangaral at magpapatotoo tungkol sa Salitang nagkatawang-tao. Ipapalaganap nila sa iba't ibang dako ng daigdig ang Mabuting Balita ng kaligtasan na natupad sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Ang misyon ng mga apostol ay ipinagpapatuloy ng Simbahan. Bilang mga saksi ng Salitang nagkatawang-tao, ipinapangaral at ipinapalaganap ng Simbahan sa lahat ang Mabuting Balita ng kaligtasan at kaliwanagan. Nagkatawang-tao ang Salita ng Diyos na si Hesus upang ihatid sa lahat ang kaligtasan at liwanag na nagmumula sa Kaitaasan. Si Hesus ang maningning at makislap na liwanag na gumagabay sa atin sa landas ng espirituwal na paglalakbay patungo sa Kanya. Kasama natin sa pagtahak sa landas na iyon ang Mahal na Inang si Maria, si San Jose na kanyang kabiyak ng puso, at lahat ng mga anghel at banal na patuloy na nananalangin para sa atin sa Mahal na Poong Hesus na Siyang ating gabay sa landas ng buhay. 

Linggo, Enero 15, 2017

NAGING SANGGOL UPANG TAYO'Y MAGING MGA ANAK NG DIYOS

15 Enero 2017 
Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol (A) 
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Mateo 18, 1-5. 10 


Santo Niño de Tondo

Isinasalarawan ng Santo Niño ang kababaang-loob ng Diyos. Dahil sa kababaang-loob ng Diyos, Siya'y nagkatawang-tao at naging isang sanggol, isang bata. Niloob ng Diyos na Siya'y maging katulad natin, maliban sa kasalanan. Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Diyos ang Kanyang pakikiisa at pakikiramay sa lahat. Niloob ng Diyos na Siya'y maging munti, maliit, isang sanggol, isang bata, upang ang bawat isa ay makalapit sa Kanya. Buong kababaang-loob nagkatawang-tao ang Diyos sa pamamagitan ng Panglawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus.  

Ang Unang Pagbasa ay isang propesiya patungkol sa Mesiyas. Ipinahayag na isang sanggol ang isinilang para sa atin. Taglay ng sanggol na ito ang isang napakalaking liwanag. Namanaag at pinawi ang kadilimang bumabalot sa lahat. Nagliliwanag at nagniningning ang liwanag na taglay ng sanggol na ito. Ang Sanggol na itinutukoy ni propeta Isaias sa propesiyang ito ay ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus, ang Mesiyas at Tagapagligtas na ipinangakong darating. 

Inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso na tayong lahat ay itinalaga ng Diyos upang maging Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang bawat isa'y naging mga anak ng Diyos. Tayong lahat ay napabilang sa pamilya ng Diyos. Tayong lahat ay itinuring ng Diyos bilang Kanyang mga anak. Ito ang tunay na dahilan kung bakit nagkatawang-tao ang Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Nais tayong ibilang ng Diyos sa Kanyang pamilya dahil sa pag-ibig Niyang dakila, tunay, at walang hanggan para sa ating lahat. 

Sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagsalita tungkol sa pagiging malapit ng Diyos sa mga may kaloobang tulad ng isang bata. Malapit ang puso ng Diyos sa mga mababang-loob. Kinalulugdan ng Diyos ang mga may kababaan ng loob. Mismong ang Diyos ay may kababaan ng loob. Ipinamalas ng Diyos sa lahat ang Kanyang kababaang-loob sa lahat noong Siya'y nagkatawang-tao at naging isang sanggol, isang bata, sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Hesus, inihayag ng Diyos ang Kanyang kagiliwan para sa mga may kababaan ng loob. 

Alalahanin natin ang dahilan kung bakit ang Panginoong Hesus ay pumanaog at naparito sa daigdig. Ang Mahal na Poong Hesus ay pumarito sa daigdig at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang ibilang tayo sa pamilya ng Diyos. Buong kababaang-loob na ginawa iyon ng Panginoong Hesus upang ipadama ang Kanyang pag-ibig at pagdamay sa lahat. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos para sa ating lahat, tayong lahat ay itinuring at inaruga ng Diyos bilang mga anak Niya sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Linggo, Enero 8, 2017

KASAMA AT KARAMAY

9 Enero 2017 
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (A) 
Isaias 42, 1-4. 6-7/Salmo 28/Mga Gawa 10, 34-38/Mateo 3, 13-17 


Ang tanong ni San Juan Bautista kay Hesus sa Ebanghelyo ay tanong din ng lahat. Bakit nagpabinyag si Hesus? Hindi ba wala Siyang kasalanan? Sa katunayan nga, si Hesus ang Diyos na nagkatawang-tao. Siya ang Pangalawang Persona ng Banal na Santalo, ang iisang Diyos na ating sinasamba. Ang Diyos ang perpekto, walang bahid ng kasalanan. Kung si Hesus ay walang bahid ng kasalanan dahil Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, bakit hinayaan Niya ang Kanyang sarili na mabinyag ng Kanyang kamag-anak at Tagapagpauna na si Juan Bautista? 

Si Juan Bautista ay nanliit at nangatog. Hindi siya karapat-dapat magbinyag kay Hesus. Inamin ni San Juan Bautista na higit na dakila ang Panginoong Hesukristo kaysa sa kanya. Kumpara kay Hesus, si Juan Bautista ay isa lamang alipin. Siya'y Tagapaghanda lamang ng daraanan ng Panginoon. Inamin rin ni Juan Bautista na siya'y hindi karapat-dapat magkalag ng tali ng panyapak ni Kristo. Dapat si Kristo mismo ang nagbibinyag sa kanya. Kung yung ngang pagkalag ng tali ng panyapak o sandalyas ni Hesus hindi magawa ni Juan Bautista dahil 'di siya karapat-dapat, iyon pa kayang paggawad ng rito ng pagbinyag sa Kanya sa Ilog-Jordan? 

Ang Panginoong Hesus mismo ang sumagot sa katanungang ito. Sinabi ni Hesus kay Juan Bautista, "Ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos" (3, 15). Ano naman ang kalooban ng Diyos? Niloob ng Diyos na maging kaisa natin. Niloob ng Diyos na maging tao tulad natin sa pamamagitan ni Hesus. Sa pamamagitan ni Hesus, niyakap ng Diyos ang ating pagkatao. Nagkaroon tayo ng karamay sa ating paghihirap sa buhay - ang Diyos. Siya ang ating Emmanuel, ang lagi nating kasama at karamay habampanahon. 

Ito ang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Darating ang Mesiyas bilang isang lingkod. Hindi Siya lilitaw taglay ang Kanyang buong kaluwalhatian at kaningningan. Bagkus, darating Siya bilang isang lingkod. Ang Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus ay dumating at lumitaw sa anyo ng isang alipin. Nagpakumbaba si Hesus, at naging alipin. Buong kababaang-loob ginawa ito ni Hesus upang ipakita na Siya'y lagi nating kasama at kaagapay. 

Nagsalita rin si Apostol San Pedro tungkol sa pagpapakumbabang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus sa Ikalawang Pagbasa. Ipinahayag ni San Pedro Apostol na sa pamamagitan ni Hesus, ipinahayag ng Diyos ang Mabuting Balita tungkol sa pakikipagkasundo. Si Hesus ang Salitang nagkatawang-tao. Bilang Salita ng Diyos na naging tao, ipinahayag ni Hesus sa lahat ang pag-ibig ng Diyos para sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga winika at mga gawa. 

Si Apostol San Pablo rin ay nagsalita tungkol sa pagpapakumbaba ng Panginoon sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos. Hinubad ni Hesus nang buong kababaang-loob ang Kanyang pagka-Diyos, nagkatawang-tao, at naging alipin. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao at pamumuhay bilang alipin, ipinahayag ni Hesus sa lahat ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan ni Hesus, niyakap at tinanggap ng Diyos ang ating pagkatao upang ipakita na Siya'y lagi nating kaisa at karamay sa ating paglalakbay sa buhay. 

Si Hesus ang ating Emmanuel. Siya ang Diyos na lagi nating kasama at karamay sa bawat sandali ng ating buhay. Ipinahayag Niya ito noong Siya'y nagkatawang-tao at naging alipin katulad nating lahat, maliban sa kasalanan. Sa pamamagitan Niya, niyakap at tinanggap ng Diyos ang ating pagkatao upang ipahayag sa lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. 

Sabado, Enero 7, 2017

KATOTOHANAN

8 Enero 2017 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon 
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12 



Ang mga pantas ay hindi mga Hudyo; sila'y mga Hentil. Hindi kabilang sa bayang hinirang ang mga pantas na ito. Mga dayuhan lamang ang mga pantas. Naglakbay ang mga pantas na ito mula sa Silangan upang hanapin ang bagong silang na hari ng mga Hudyo. Nalaman nila na isinilang ang Hari ng mga Hudyo sapagkat sila'y mga dalubhasa sa astrolohiya. Marami silang kaalaman tungkol sa mga bituin. At nang makita nila ang isang napakahalagang tala, alam ng mga pantas na isinilang ang Hari ng mga Hudyo. Kaya naman, sila'y naglakbay nang malayo upang sila'y makasamba sa bagong panganak na Hari ng mga Hudyo.

Napakalayo ang kanilang nilakbay. Siguro, sa kanilang paglalakbay, tinatanong ng mga Pantas ang kanilang mga sarili, "Ano ang saysay ng malayong paglalakbay na ito?" Nais malaman ng mga pantas kung ano ang saysay ng malayong paglalakbay na kanilang sinimulan at tinatahak. Magiging matagumpay ba ang paglalakbay na ito? Napakalayo ang nilakbayan nila mula sa Silangan patungong Betlehem. Hindi nila siguro maiwasan tanungin ang kanilang sarili kung may saysay ang kanilang paglalakbay nang malayo mula sa Silangan. 

Kahit mga dalubhasa ang mga pantas, nagtanong sila kung saan matatagpuan ang isinilang na Hari ng mga Hudyo. Ang kanilang katanungan ay nakarating agad kay Haring Herodes, ang kasalukuyang Hari ng Judea. Noong dumalaw ang mga mago kay Haring Herodes, akala nila doon ipinanganak ang Hari ng mga Hudyo. Siguro, ang akala ng mga pantas ay isinilang sa isang maharlikang palasyo ang Sanggol na nakatadhanang maging Hari ng mga Hudyo. Subalit, hindi sa engrandeng palasyo ni Haring Herodes natagpuan ang bagong silang na Hari ng mga Hudyo. Bagkus, sinabi ng mga eskriba na ayon sa propeta, sa Betlehem isinilang ang Hari ng mga Hudyo. Nang marinig iyon, inutusan sila ni Herodes na hanapin ang Sanggol. 

Siguro, pagod na sila sa kakalakbay nang malayo. Parang gusto na nilang bumigay. Gusto na nila siguro tumigil sa kanilang paglalakbay at umuwi na lang. Masyadong malayo na para sa kanila ang paglalakbay na ito. Nabigo sila. Subalit, nang muling tumanglaw ang tala, nagkaroon muli ng pag-asa ang mga pantas. Labis ang galak ng mga pantas nang makita ang talang iyon. Ang talang iyon ang aakay sa kanila patungo sa lugar kung saan ipinanganak ang ipinanganak na Hari ng mga Hudyo. 

Ang talang tumatanglaw ay nagmula sa Panginoon, tulad ng ipinahayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Ipinahayag ng Panginoon sa mga pantas kung saan Siya matatagpuan sa pamamagitan ng tala. Nang sumapit sa tapat ng kinaroroonan ng Sanggol ang tala, nakita nila ang Kristong Sanggol na idinuduyan ng Inang Mahal na si Mariang Birhen. Nang masilayan ng mga pantas ang Banal na Sanggol na si Hesus na idinuduyan ni Mariang Ina, sila'y sumamba at inihandog nila ang mga dala nilang ginto, mira, at kamanyang para sa Banal na Sanggol. 

May katotohanang natuklas ang mga pantas sa kanilang paglalakbay. Ang tunay na hari ay ang Diyos na Sanggol na kanilang sinamba. Ang Diyos, sa pamamagitan ni Hesus, ay nagkatawang-tao. Siya'y naging isang Sanggol tulad natin. Niyakap Niya ang ating pagkatao upang tayong lahat ay lumapit sa Kanya. Inakay Niya ang mga pantas sa kanilang paglalakbay sa pamamagitan ng tala. Ang talang tumanglaw ay ipinagkaloob Niya sa mga pantas upang sundan. At nang sinundan nila ang talang gabay, nakita nila ang kanilang nais makita - ang Hari ng mga Hudyo, ang Diyos na Sanggol, ang Mesiyas at Tagapagligtas, ang dakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos, ang tunay na Hari. Ang Kanyang Kabanal-banalang Pangalan ay Hesus. 

Isang napakahalagang katotohanan ang nais ipahiwatig ng Diyos sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus. Ang napakahalagang katotohanang ito ay Kanyang inihayag sa ating lahat. Ipinahayag sa pamamagitan ng Panginoong Hesus ang kadakilaan ng pagmamahal ng Diyos para sa ating lahat. Sa pamamagitan ni Hesus, bumaba ang Diyos mula sa langit at niyakap ang ating pagkatao upang ipahayag sa lahat ang Kanyang dakilang pagmamahal para sa ating lahat.