Linggo, Marso 26, 2017

KABABAANG-LOOB AT KATAHIMIKAN

9 Abril 2017 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (A) 
Sa Prusisyon ng Palaspas: Mateo 21, 1-11 
Sa Misa: Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Mateo 26, 14-27, 66 (o kaya: 27, 11-54) 



Kapakumbabaan at katahimikan. Ito ang mga katangiang ipinamalas ni Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Mula noong Siya'y pumasok sa Herusalem hanggang sa Kanyang karumal-dumal na kamatayan sa krus, si Hesus ay naging mapagpakumbaba at tahimik. Buong kababaang-loob at katahimikan na naging masunurin sa kalooban ng Ama ang Panginoong Hesus. Bagamat masakit para sa Kanya, niloob ng Diyos na ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus ay maging hain ng Kanyang buhay sa Kalbaryo para sa kaligtasan ng sangkatauhan at para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. 

Ang mga taong sumalubong sa Kanya noong Siya'y pumasok nang matagumpay sa lungsod ng Herusalem ay napakaingay. Sumisigaw sila ng "Osana!" at "Mabuhay!" Winawagayway nila ang kanilang mga palaspas. Nilalatag nila ang kanilang mga balabal sa daraanan ni Hesus. Sila'y nagbigay-pugay at nagbunyi kay Kristo. Pero, sa kabila ng mga malalakas na sigaw ng papuri at parangal mula sa taong-bayan, si Hesus ay nanatiling tahimik at nakatuon ang pansin sa kalooban ng Ama. 

Ilang araw ang lumipas, muling sumigaw nang malakas ang mga tao. Subalit, iba na ang sigaw ng mga tao para kay Hesus. Sa halip na mga sigaw ng pagbubunyi at pagpupuri ang namutawi mula sa mga bibig ng mga tao, mga sigaw ng kamuhian ang lumabas. Isang araw, noong pumasok nang matagumpay sa lungsod si Hesus, Siya'y pinuri at pinarangalan ng mga tao. Subalit, noong iniharap ni Poncio Pilato si Hesus, Siya'y kinamuhian at pinagdustaan ng taong-bayan. Hiniling ng taong-bayan kay Pilato na bitayin si Hesus. Alam ni Hesus na mangyayari ang lahat ng iyon. Subalit, hindi Siya kumibo noong Siya'y kinutya at kinamuhian ng madla. Si Hesus ay nanatiling mapagpakumbaba, maamo, at tahimik.

Sa pamamagitan ng kababaang-loob at katahimikan ng Panginoong Hesukristo, ang mga hula ng mga propeta sa Matandang Tipan tungkol sa Mesiyas ay natupad. Noong Siya'y pumasok nang matagumpay sa Herusalem, natupad ang hinulaan ni propeta Zacarias na buong kababaang-loob darating ang Hari ng Sion, nakasakay sa isang asno. Si Hesus ay nakasakay sa isang bisirong asno sa Kanyang pagpasok sa Herusalem. Hindi Siya sumakay ng anumang kabayo. Bagkus, pinili ni Hesus na sumakay sa isang asno upang ipakita ang Kanyang kababaang-loob. Natupad rin ang propesiya ni propeta Isaias tungkol sa pagdurusa ng lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng pagdurusa ni Hesus. Sa kabila ng pambubugbog at panlalait ng Kanyang mga kaaway, nanatiling tahimik at mababang-loob si Hesus. 

Bakit nanatiling tahimik at mababa ang loob ng Panginoong Hesus sa kabila ng lahat ng ito? Nakatuon ang pansin ni Hesus sa kalooban ng Ama. Walang ibang hinangad si Hesus kundi ang katuparan ng kalooban ng Ama. Walang ibang nais bigyang-lugod ang Mahal na Poong Hesus kundi ang Ama. Kaya, pinili ni Hesus na tumalima sa kalooban ng Ama. Bagamat marami ang tumutol dito, katulad ni Apostol San Pedro, pinanindigan ni Hesus ang Kanyang pasiya. Ipinasiya Niyang tumalima sa kalooban ng Ama. Kaya nga, ang mga salitang ito ay namutawi mula sa mga labi ni Hesus sa Kanyang panalangin sa Halamanan ng Getsemani, "Hindi ang kalooban Ko kundi ang kalooban Mo ang masunod" (Mateo 26, 39).

Tahimik na tiniis ni Hesus ang lahat ng paghihirap sa Kanya. Buong kababaang-loob at katahimikang tiniis ni Hesus ang lahat ng panlalait at pananakit. Walang kalaban-laban Siyang kinutya at binugbog. Ang lahat ng pasakit ay tiniis ni Hesus nang buong kababaang-loob at katahimikan. Tinanggap at niyakap Niya ang lahat ng hirap at pagdurusa upang matupad ang kalooban ng Ama. Bagamat iniwan at tinalikuran Siya ng karamihan, lalo na ng Kanyang mga alagad (maliban na lang kay Apostol San Juan), pinili ni Hesus na manatiling masunurin sa kalooban ng Ama hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus. Sa pamamagitan ng pagtupad sa kalooban ng Ama, ipinamalas ni Kristo ang tagumpay ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagbibigay-katuparan sa kalooban ng Ama, ipinamalas kung gaano kadakila ang Awa at Pagmamahal ng Diyos para sa lahat. 

BUHAY: BIYAYANG KALOOB SA BAWAT ISA DAHIL SA AWA NG DIYOS

2 Abril 2017 
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (A) 
Ezekiel 37, 12-14/Salmo 129/Roma 8, 8-11/Juan 11, 1-45 (o kaya: 11, 3-7. 17. 20-27. 33b-45) 


Ang buhay natin ay galing sa Diyos. Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay. Siya ang bukal ng buhay. Isang biyaya mula sa Diyos ang buhay. Ang biyaya ng buhay, napakahalaga. Ito'y isang regalo mula sa Diyos. Ito ang biyayang ating tinatanggap mula sa Kanya. Hindi kontrolado ng sinumang tao dito sa daigdig ang buhay niya. Hindi nating pag-aari ang ating buhay dito sa mundo. Ang Diyos ang may-ari ng buhay. Nagmumula sa Kanya ang buhay. Ipinagkakaloob Niya ito sa atin. Tayo'y mga tagapangasiwa lamang ng biyayang ito. 

Ito ang nais ipahiwatig ng mga Pagbasa ngayon. Iisa lamang ang nais ilarawan ng mga Pagbasa. Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni proepta Ezekiel sa Unang Pagbasa na ang Kanyang hininga ay nagdudulot ng buhay sa bawat tao. Iyan ang ginawa ng Diyos noong nilikha Niya si Adan mula sa alabok. Si Adan ay hiningahan ng Diyos at siya'y nagkaroon ng buhay. Ito rin ang nais ipahiwatig ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang Espiritu ng Diyos, ang hininga ng Diyos, ang Siyang nagbibigay ng buhay sa ating lahat. Hinihingahan ng Diyos na bukal ng buhay ang bawat tao upang magkaroon ng buhay. 

Sa Ebanghelyo, si Lazaro ay muling binuhay ni Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Ang Anak ng Diyos na Siyang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo ang bumuhay kay Lazaro. Si Lazaro ay bumangon at lumabas mula sa libingan dahil kay Hesus. Pumarito si Hesus upang magbigay-buhay sa lahat. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, ang bawat isa'y nagkaroon ng bagong buhay. Ang buhay na kaloob ni Kristo Hesus ay isang buhay na ganap at kasiya-siya (Juan 10, 10). 

Biyaya mula sa Diyos ang ating buhay. Tayong lahat ay hiningahan ng Panginoon upang bigyan ng buhay. Patuloy tayong hinihingahan ng Maykapal upang tayo'y bigyan ng buhay. Kung hindi dahil sa Mahal na Poon, wala tayong buhay. Hindi tayo mabubuhay o makakahinga ngayon kung hindi dahil sa Poong Maykapal na lumikha sa bawat isa sa atin. 

Nakakapanliit isipin kung bakit tayo'y ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa atin ang biyaya ng buhay. Bakit nga ba tayo binigyan ng buhay? Hindi ba Niya batid na may mga pagkakataong aabusuhin natin ang ating mga sarili? Hindi ba alam ng Diyos na may mga pagkakataong gagawa tayo ng masama? Hindi ba batid ng Diyos na may mga pagkakataong sumusuko tayo sa ating mga karupukan? 

Oo. Batid ng Diyos na tayo'y marurupok. Nasisiguro natin na batid ng Diyos ang ating mga kahinaan. Subalit, bakit nga ba tayo ng buhay sa kabila ng ating mga karupukan? Bakit sa atin ipinagkatiwala ang napakahalagang biyayang ito? Ito ay dahil sa Kanyang Awa at Pag-Ibig. Ang Awa at Pagmamahal ng Diyos ang dahilan kung bakit ipinagkaloob sa atin ang biyaya ng buhay. Patuloy tayong binibigyan ng Diyos ng buhay upang tayong lahat ay magbagong-buhay at magsimula muli. Tayo'y binibigyan ng pagkakataong maranasan kung gaano kadakila ang Kanyang Awa at Pag-Ibig. Patuloy tayong kinahahabagan at iniibig ng Diyos, sa kabila ng ating mga karupukan bilang mga taong naglalakbay sa lupang ibabaw. 

Ang buhay natin ay nagmumula sa Diyos. Siya ang bukal ng buhay. Siya lamang ang maaaring magbigay at bumawi ng buhay. Siya ang nagkakaloob ng buhay na ganap at kasiya-siya. Mga katiwala lamang tayo ng napakahalagang biyayang ito. Bakit ipinagkakatiwala ito ng Diyos sa atin, sa kabila ng ating karupukan? Dahil sa Kanyang Habag at Pagmamahal para sa atin. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng buhay sa atin, ipinapadama sa atin ng Diyos ang Kanyang Awa at Pagmamahal na dakila at walang kapantay para sa ating lahat. 

Sabado, Marso 25, 2017

LIWANAG NA NAGBIBIGAY PAG-ASA AT KAGALAKAN

26 Marso 2017 
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (A) 
1 Samuel 16, 1b. 6-7. 10-13a/Salmo 22/Efeso 5, 8-14/Juan 9, 1-41 (o kaya: 9, 1. 6-9. 13-17. 34-38)



Lungsod ng Kapayapaan, 
magalak tayo't magdiwang.
Noo'y mga nalulumbay, 
ngayo'y may kasaganaan 
sa tuwa at kasiyahan. 
(Isaias 66, 10-11) 

Kilala rin ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma bilang Linggo ng Laetare, Linggo ng Kagalakan. Inihayag sa mga Pagbasa ang dahilan kung bakit ang bawat isa'y dapat magdiwang nang buong kagalakan. Tayong lahat na kabilang sa bayan ng Diyos ay naglalakbay sa liwanag. Ang Panginoong ating Pastol at bukal ng tuwa't galak ang liwanag na tumatanglaw at nagniningning. Ang liwanag ng Panginoon ang pumapawi sa kapangyarihan ng kadiliman. Nagdudulot ng kagalakan at pag-asa ang liwanag ng Diyos sa lahat na kabilang sa Kanyang bayan. 

Nasaksihan ni propeta Samuel sa Unang Pagbasa kung paanong nagdulot ng pag-asa't kagalakan ang liwanag ng Diyos. Namalas niya ito noong hinirang si David, isang pastol at bunsong anak ni Jesse. Isang hamak na pastol, isang bunsong anak, ang hinirang ng Diyos upang mamuno sa Kanyang sambayanan bilang hari. Ang haring mas mabuti at mas magaling pa kaysa sa kasalukuyang hari ng Israel na si Haring Saul ay natagpuan na ni Samuel. Namuhay sa kadiliman ang bayang Israel sa ilalim ng pamumuno ni Haring Saul magmula noong sinuway niya ang utos ng Diyos. Subalit, nagkaroon ng pag-asa si Samuel nang makita niya ang binatilyong pastol na si David, ang bunsong anak ni Jesse. Nakita ni Samuel ang pagkilos ng liwanag ng Diyos noong hinirang at pinahiran ng langis ang binata. Nagkaroon ng pag-asa ang bayang Israel na makapamuhay muli sa liwanag ng Diyos. 

Si Apostol San Pablo ay nagsalita sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kagalakan at pag-asang dulot ng liwanag ng Diyos. Tayo'y nagkaroon ng galak at pag-asa dahil kay Hesus. Ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus ay pumanaog sa sanlibutan upang magdulot ng pag-asa't kagalakan. Ipinalaganap ni Hesus ang Kanyang liwanag noong Siya'y pumarito sa daigdig. Ang liwanag Niya'y tumatanglaw at nagniningning sa buong daigdig, magpahanggang ngayon. Hindi na nababalot ng kapangyarihan kadiliman, kasamaan, at kamatayan ang daigdig sapagkat ito'y lubusan nang pinawi ng tunay na liwanag na si Hesus. 

Matutunghayan sa Ebanghelyo kung paanong ang isang lalaking ipinanganak na bulag ay nakakita. Ang lalaking ipinanganak na bulag ay nagkaroon ng pag-asang makita ang kagandahan ng daigdig. Hindi inakalang makakakita ang lalaking ito. Sa mata ng karamihan noong panahong iyon, walang pag-asa ang lalaking ito. Ang lalaking ito'y mananatiling bulag habambuhay. Subalit, binigyan siya ng pag-asa ni Hesus. Nagkaroon ng pag-asang makakita ang lalaking ipinanganak na bulag dahil kay Hesus. Si Hesus ang Siyang nagbigay-liwanag sa mga mata ng lalaking ito. Nakakita ang lalaking ito dahil kay Hesus. 

Kay laki ng kagalakang naramdaman ng lalaking ito noong nakakakita na siya sa wakas. Ang lalaking ito'y nagalak nang mamulat na rin niya sa wakas ang kanyang mga matang nakapikit magmula noong siya'y ipinanganak. Kay laki rin ng galak ng mga magulang ng lalaking ito nang makita nilang nakakakita na rin sa wakas ang kanilang anak. Alam nilang matagal nang nagdusa ang kanilang anak dahil sa kanyang pagkabulag. Magmula noong isilang sa mundo, nagdusa na ang kanilang anak. Hindi siya nakakita; siya'y bulag. Matindi ang pagdurusang naranasan ng kanilang anak. Subalit, nagbago ang lahat dahil sa Panginoong Hesus. Dahil kay Hesus, nagkaroon ang pamilyang ito ng pag-asa't kagalakan. 

Si Hesus ang tunay na liwanag. Ang kaliwanagang dulot Niya'y nagbibigay ng pag-asa't kagalakan sa bawat isa. Ang bawat isa sa ati'y may pag-asa't kagalakan dahil sa liwanag ni Hesus, ang liwanag na nagniningning at tumatanglaw. Ang liwanag ni Hesus ang pumapawi at sumisindak sa kadiliman. Hayaan nating manaig at maghari sa ating buhay ang tunay na liwanag na si Hesus upang tayong lahat ay magkaroon ng tunay na pag-asa't kagalakang nagmumula sa Kanya. 

Linggo, Marso 19, 2017

KAY GANDA NG BALITANG HATID NG KALOOBAN NG DIYOS

25 Marso 2017 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 



Ang pagbabalita ng Arkanghel Gabriel sa Mahal na Ina ay isang napakahalagang kabanata sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Sa sandaling ito, buong kababaang-loob na tinanggap at tumalima ang Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Nagkatawang-tao at ipinaglihi sa sinapupunan ng Mahal na Birhen ang Verbo at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus. Sa sandaling ito'y nagsimulang magkaroon ng katuparan ang kalooban ng Diyos. 

Niloob ng Diyos na iligtas ang lahat. Matagal nang inihayag ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. Nangako ang Panginoon na Siya ang magkakaloob ng Manunubos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ipapadala ng Diyos ang Mesiyas na Tagapagligtas sa Kanyang bayan pagdating ng takdang panahon. Ilang ulit rin itong inihayag at hinulaan ng mga propeta sa Matandang Tipan. 

Isa sa napakaraming mga hula sa Lumang Tipan ukol sa pagdating ng Mesiyas ay ang mga salita ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Inihayag ni propeta Isaias ang palatandaang ibibigay ng Panginoon tungkol sa pagdating ng Tagapagligtas. Isang dalaga ang maglilihi at magluluwal ng isang sanggol na lalaki, at "Emmanuel" ang itatawag sa Kanya. Siya ang Diyos na sumasaatin. Ang Mesiyas na Tagapagligtas ng tanan ay iluluwal mula sa sinapupunan ng isang dalaga. 

Sa Ebanghelyo maririnig ang katuparan ng propesiyang ito. Isang dalaga mula sa Nazaret na nagngangalang Maria ang hinirang ng Diyos upang maging tagaluwal at ina ng Mesiyas at Tagapagligtas na ang pangala'y Hesus. Buong kababaang-loob na niyakap at tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos. Bagamat napakalalim ang nilalaman ng kalooban ng Diyos para sa kanyang pang-unawa, ibinigay ng Birheng Maria ang buong puso niyang pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtalima sa Kanyang kalooban. Noong tinanggap at tumalima ang Inang Maria sa kalooban ng Diyos, ang Verbo at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus ay nagkatawang-tao at ipinaglihi sa sinapupunan ni Maria. 

Ibinunyag sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung bakit ang Panginoong Hesus ay nagkatawang-tao at pumanaog sa lupa. Ang Panginoong Hesukristo ay naparito sa lupa upang tuparin ang kalooban ng Diyos. Naparito Siya sapagkat ito'y niloloob ng Diyos. Niloob ng Diyos na ialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus para sa kaligtasan ng lahat ng tao. Sa pamamagitan ng paghahain ng sarili ng Panginoong Hesus sa krus, ipinamalas ng Diyos ang kadakilaan ng Kanyang Banal na Awa na tunay at wagas. Ang Kanyang Awa ay hindi magmamaliw kailanman. 

Tinanggap ng Birheng Maria ang Mabuting Balita ukol sa kalooban ng Diyos. Ang kalooban ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan at kabanalan. Nararapat lamang na magkaroon ito ng katuparan. Nararapat lamang na tumalima sa kalooban ng Diyos ang mga taos-pusong nananalig at sumasampalataya sa Kanya. Sapagkat kung magkakaroon ng kaganapan ang kalooban ng Diyos, masasaksihan ng lahat ang kadakilaan ng Awa at Pag-Ibig ng Diyos na nagliligtas sa lahat. 

Nagkaroon ng katuparan ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus. Buong kababaang-loob na bumaba mula sa langit si Hesus, nagkatawang-tao, at iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birhen. Nang dumating ang takdang panahon, inihain ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus. Sarili Niyang buhay ay inalay nang lubos sa kahoy na krus sa Kalbaryo para sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay sa krus, ipinamalas ang kapangyarihan at kadakilaan ng Awa at Pag-Ibig ng Diyos. Ipinamalas ang kadakilaan ng kalooban ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang kalooban ng Diyos ang nagdulot ng kaligtasan mula sa kasamaan at kapatawaran para sa ating mga kasalanan. 

Iyan ang Mabuting Balitang ipinapahayag sa bawat isa. Ang Magandang Balitang hatid ng kalooban ng Diyos. Kabutihan at kabanalan ang paiiralin ng kalooban ng Diyos. Ang kalooban ng Diyos ay puspos ng kadakilaan. Dulot nito'y kagalakan at pag-asa. Hangarin natin ang pagtupad ng kalooban ng Diyos. Tanggapin at sundin natin nang buong kababaang-loob at pananalig ang kalooban ng Diyos. Kapag iyan ang nangyari, masasaksihan natin ang kadakilaan ng Awa at Pag-Ibig ng Diyos na Siyang tumubos sa atin sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Lunes, Marso 13, 2017

BUONG PUSONG PANANALIG AT PAGTALIMA SA KALOOBAN NG PANGINOON

20 Marso 2017 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a) 



Dalawang katangian ang nais ilarawan sa atin ng mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahan ni San Jose, ang Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birheng Maria at Ama-Amahan ng Panginoong Hesukristo - pananalig at pagtalima sa Diyos. Ang Diyos ay dapat panaligan ng lahat. Dapat tayong manalig sa Diyos. Anuman ang nais ng Diyos mangyari, ito ang dapat maganap. Siya ang makapangyarihan sa lahat, Siya ang dakilang Tagalikha at Tagapagligtas ng lahat. Sa Kanya umiikot at umiiral ang lahat ng bagay. Mapangyayari ng Diyos ang Kanyang mga niloloob. Ang Kanyang mga naisin ay nagdudulot ng kabutihan para sa tanan. Kaya, nararapat lamang na buong pananalig tayong tumalima sa kalooban ng Diyos. 

Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa pangako ng Diyos kay Haring David. Nangako ang Diyos na isang dakilang hari ang magmumula sa angkan ni David. Siya ang Mesiyas na Tagapagligtas. Ilang ulit na inihayag ng Diyos sa Matandang Tipan sa bayang Israel na ipapadala Niya ang Mesiyas. Ipagkakaloob ng Diyos ang Mesiyas sa bayang Israel bilang kanilang Manunubos. Tulad ng kanyang mga kababayang Hudyo, si San Jose ay nanalig at umasa sa pangako ng Panginoon. Buong pusong nanabik sina San Jose at ang iba pang mga Hudyo para sa pagdating ng Mesiyas. 

Subalit, nang malaman ni San Jose na mayroon siyang papel na gagampanan sa buhay ng Mesiyas, siya'y namangha at nanliit. Hinirang siya ng Panginoon upang maging tagapag-alaga, ama-amahan ng Mesiyas dito sa lupa. Hindi maunawaan ni San Jose kung bakit hinirang ng Diyos ang isang tulad niya, isang karaniwang karpintero, upang maging ama-amahan ng Tagapagligtas. Kamangha-mangha at napakalalim ang kalooban ng Diyos. Napakalalim na kung kaya'y hindi madaling himayin at unawain agad-agad. May mga limitasyon ang karunungan ng tao. Para sa mga tao, mahirap unawain ang kalooban ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, napuno ng mangha si San Jose dahil sa inilahad ng anghel sa kanyang panaginip. Hinirang siya ng Diyos upang maging tagakupkop, ama-amahan ng Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat na si Hesus. Hindi sukat akalain. Kamangha-mangha. Napakalalim. Makikita nating napuno ng mangha si San Jose sa inihayag ng anghel ng Panginoon sa kanyang panaginip, bagamat hindi siya nagsalita. Mangha ang naghari sa kanya nang marinig niya ang plano ng Diyos. 

Kahit napakalalim, kamangha-mangha, at hindi madaling unawain ang kalooban ng Diyos, ibinigay ni San Jose ang kanyang pananalig sa Diyos. Dahil sa kanyang pananalig sa Diyos, buong puso siyang tumalima sa kalooban ng Diyos. Tahimik na sumunod si San Jose sa utos ng Diyos. Agad siyang sumunod sa utos ng Diyos na inilahad ng anghel ng Panginoon sa kanyang panaginip. Ipinakita ni San Jose ang kanyang pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtalima sa Kanyang kalooban. Tinupad ni San Jose ang kanyang papel sa plano ng Diyos. 

Isinalaysay ni Apostol San Pablo ang kwento ng pananampalataya ni Abraham sa Ikalawang Pagbasa. Katulad ni Abraham na nanalig sa kalooban ng Diyos, kahit sa mata ng mundo'y wala na siyang pag-asang magkaanak, si San Jose ay nanalig sa Diyos. Hindi nawala ang pananalig ni San Jose sa Diyos. Hindi nawalan ng tiwala sa Diyos si San Jose, kahit mahirap unawain ang Kanyang kalooban. Katulad ni Abraham, ibinigay ni Jose ang kanyang pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos nang buong kataimtiman at katahimikan, gaano mang kahirap isaisip dahil sa sobrang lalim ng hiwagang ito. 

Huwaran ng pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos si San Jose. Bagamat mahirap unawain at saliksikin ang kalooban ng Diyos, hindi nawalan ng pananalig si San Jose. Buo pa rin ang tiwala ni San Jose sa Diyos. Tahimik niyang tinanggap at tinalima ang kalooban ng Diyos. Tiyak na mayroon siyang katanungan tungkol sa misteryong ito, subalit hindi ito naging hadlang upang yakapin at sundin ang kalooban ng Diyos at tahakin ang landas ng kabanalan. Kaya ngayon, itinatampok at pinaparangalan siya ng Simbahan bilang isang dakilang Santo. 

Tulad ni San Jose, ibigay natin ang ating buong pusong pananalig sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanyang kalooban. Hindi man madaling unawain o sundin ang kalooban ng Diyos, tanggapin at sundin natin ito nang buong pusong pananalig sa Diyos. Pagpapalain ng Diyos ang sinumang tumanggap at tumalima sa Kanyang kalooban taglay ang buong pusong pananalig sa Kanya. Sapagkat ang pagtanggap at pagtalima sa kalooban ng Diyos ay pagpapahayag ng ating papuri, pananalig, at pagsamba sa Kanya na puspos ng Awa, Pag-Ibig, at kadakilaan. 

Linggo, Marso 5, 2017

ANG TUGON NG DIYOS

19 Marso 2017 
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (A) 
Exodo 17, 3-7/Salmo 94/Roma 5, 1-2. 5-8/Juan 4, 5-42 (o kaya: 4, 5-15. 19b-26. 39a. 40-42) 



Isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayong Ikatlong Linggo ng Kuwaresma ang pagtugon ng Diyos sa ating mga pangangailangan. Batid ng Diyos kung ano ang mga kailangan natin. Hindi Niya tayong pababayaang masiphayo. Hindi Niya tayo pababayaan. Bagkus, ipagkakaloob sa atin ng Panginoong Diyos ang ating mga pangangailangan. Sa pamamagitan nito, pinapatunayan ng Diyos na Siya'y mapag-aruga, puspos ng Awa at Habag para sa ating lahat. 

Ang mga Israelita'y nagreklamo kay Moises sa Unang Pagbasa sapagkat sila'y uhaw na uhaw. Matindi ang kanilang pagkauhaw sapagkat wala silang tubig na maiinom. Naglalakbay pa sila sa disyerto. Kaya, dahil sa tindi ng kanilang galit, sinumbatan nila si Moises at ibig nilang batuhin siya. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay kanilang sinubukan. Subalit, batid ng Diyos ang pangangailangan ng mga Israelita. Kaya, iniutos ng Panginoong Diyos kay Moises na hampasin ang malaking bato sa Horeb at bubukal ang tubig. Sinunod ni Moises ang sinabi ng Panginoon at bumukal nga ang tubig mula sa bato. 

Hindi lamang mga pisikal na pangangailangan ang batid ng Diyos. Bagkus, batid rin ng Diyos ang ating mga espirituwal na pangangailangan. Alam Niya kung ano ang mga pisikal at espirituwal na pangangailangan ng bawat isa. Ipagkakaloob rin ng Diyos ang ating mga pangangailangan. Hindi Siya nanlalamig sa atin mula sa kalayuan. Bagkus, malapit ang Diyos sa atin, at tayo'y Kanyang kinakalinga. Lagi Niya tayong sinasamahan at dinadamayan sapagkat tayo'y Kanyang inaaruga at iniirog bilang mga anak Niyang ginigiliw. 

Inilahad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang tunay na dahilan kung bakit isinugo ang Panginoong Hesukristo sa sanlibutan. Ang Panginoong Hesus ay isinugo ng Ama upang ihain ang Kanyang buhay para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng sangkatauhan. Batid ng Diyos na ang sangkatauha'y nangailangan ng isang Tagapagligtas. Dahil sa pagkalugmok ng tao sa kasalanan, ang tao'y naging alipin ng kasalanan. Binihag ng kasamaan at kasalanan ang sangkatauhan. Kaya, isinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus upang maging Manunubos ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng buhay sa krus sa Kalbaryo. nagkaroon ng kapatawaran ang mga kasalanan ng bawat tao. Sa pamamagitan ng paghahain ni Kristo Hesus, pinalaya ang sangkatauhan mula sa pagkabihag sa kapangyarihan ng kasalanan. 

Sa Ebanghelyo, nakipag-usap si Hesus sa isang babaeng Samaritana sa balon ni Jacob. Sa Kanyang pakikipagtalastas sa babaeng Samaritana, inihayag ni Hesus na bilang Diyos, batid Niya kung ano ang kailangan ng bawat tao. Batid Niya ang kinauuhawan ng bawat tao. Batid Niya ang mga pangangailangan ng bawat tao. Siya lamang ang makakapagkaloob sa pangangailangan ng bawat tao. Siya lamang ang makakapawi sa iba't ibang uri ng pagkauhaw ng tao. Sa pamamagitan nito, pinapawi ni Hesus ang pagkauhaw ng bawat tao. Ang lahat ng uri ng pagkauhaw ay mapapawi ni Hesus. Si Hesus ang tagapawi ng lahat ng uri ng pagkauhaw. 

Batid ng Diyos ang mga pangangailangan ng bawat tao. Subalit, hindi dinededma ng Diyos ang ating mga pangangailangan. Bagkus, Siya'y tumutugon sa ating mga pangangailangan. Ipinagkakaloob Niya sa atin kung ano ang ating mga kailangan. Hindi ipagkakait sa atin ng Diyos ang mga ito. Bagkus, kusa Niya itong ibibigay sa ating lahat. Hindi pusong bato ang Puso ng Diyos. Ang Puso ng Diyos ay isang puso na puno ng Awa at Pag-Ibig para sa ating lahat. Laging ipinapakita sa atin ng Diyos ang Kanyang Sagradong Pusong puno ng Awa at Pagmamahal para sa ating lahat sa pamamagitan ng pagtugon sa ating mga pangangailangan.