Martes, Pebrero 27, 2018

ISANG KABALINTUNAAN

28 Marso 2018
Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 


Isang kabalintunaan ang isinalaysay sa Ebanghelyo. Si Hudas Iskariote ay nakipagpulong at nakipagnegosasyon sa mga kaaway ni Hesus, ang Sanedrin, nang palihim. Si Hudas ay palihim na nakipagkasundo sa Sanedrin na ipagkakanulo niya sa kanila si Hesus kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Walang sinuman ang nakababatid o nakakaalam na si Hudas ay nakipagkita at nakipagsabwatan sa mga kaaway ng Panginoon nang palihim. Kung tinanong ang isa sa mga apostoles kung saan pumunta si Hudas, tiyak na hindi nila alam kung saan siya pumunta. 

Subalit, kahit na naging palihim ang pakikipagpulong at pakikipagsabwatan ni Hudas Iskariote sa Sanedrin, alam Panginoon na nangyari iyon. Alam ni Hesus na si Hudas Iskariote, isa sa labindalawang disipulo at matalik niyang kaibigan, ang tatalikod at tataksil sa Kanya upang makipagsabwatan sa Kanyang mga kaaway. Ito ay Kanyang inihayag habang Siya'y nakisalo sa Kanyang mga alagad sa hapag. Kahit naging palihim iyon, nalalaman ni Hesus kung ano ang pinag-usapan at pinagkasunduan nina Hudas at ng Sanedrin sa pagpupulong na iyon. Nalalaman ni Hesus na nakipagkasundo si Hudas sa Kanyang mga kaaway na ibenta't ipagkanulo Siya sa halagang tatlumpung pirasong pilak. 

Kahit ano pang gawin ni Hudas, hindi niya iyon malilihim kay Hesus. Hindi nakatulong ang kanyang pananatiling tahimik o ang pagiging plastik habang kasalo ang Panginoon at ang iba pang mga alagad. Nalaman ng Panginoong Hesus ang balak ni Hudas, kahit walang nagbalita niyon sa Kanya. Batid ng Panginoong Hesus ang lahat ng lihim tungkol sa bawat tao. Nababatid ng Panginoon ang tunay na nilalaman ng puso't kalooban ng bawat tao.

Napakasakit para kay Hesus na malaman ang balak ni Hudas. Matapos silang maging magkaibigan sa loob ng tatlong taon, itatapon ni Hudas ang lahat ng alaala ng kanilang samahan. Hindi na pinahalagahan ni Hudas ang kanilang samahan at pagkakaibigan. Nasilaw siya sa mga kayamanan ng mundo. Sinayang lamang ang kanilang pagkakaibigan. Labis na nasaktan si Hesus sapagkat pinahalagahan Niya ang bawat alaala ng kanilang samahan at pagkakaibigan na nagtagal nang tatlong taon. Pagkatapos ng mahabang panahon ng kanilang pagsasama bilang magkaibigan, bigla na lang makikipagtulungan si Hudas sa mga taong inilarawan ni propeta Isaias sa kanyang propesiya sa Unang Pagbasa - ang mga kaaway ni Hesus na walang ibang nais gawin sa Kanya kundi laitin, dumura, gulpihin, at patayin. At iyon ay labis na ikinalungkot at ikinadismaya ni Hesus. 

Ang ating mga binabalak at ninanais ay hindi nalalaman ng ibang tao kapag hindi natin ito ipinapakita sa pamamagitan ng salita o gawa. Kadalasan nating iniisip na ito'y mananatiling lihim. Walang sinuman ang makakaalam sa ating mga nililihim. Subalit, mayroong nakakabatid sa lahat ng ating mga lihim. Batid ng Diyos kung ano ang tunay na nilalaman ng ating mga puso't isipan. Ang mga lihim natin, ang mga binabalak natin, ay tunay Niyang nababatid. Ano kaya ang mararamdaman ng Diyos sa tuwing minamasid Niya ang ating mga puso't isipan? Ano kaya ang Kanyang nararamdaman sa tuwing nakikita Niya ang tunay na nilalaman ng ating mga puso't isipan? Matutuwa ba Siya o malulungkot at masasaktan? 

Lunes, Pebrero 26, 2018

ANG KAHALAGAHAN NG KABABAANG-LOOB

27 Marso 2018 
Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 


Wika ng bayang Israel sa Unang Pagbasa, "Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay gayong ibinuhos ko ang aking lakas." (49, 4) Buong kababaang-loob na inamin ng bayang Israel ang kabiguan nito sa kanilang pagsisikap sa pagtupad sa kalooban ng Diyos. Subalit, sa kabila nito, ang bayang Israel ay hinirang ng Diyos upang maging Kanyang instrumento. Mahahayag ang kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng bayang Israel. Mula sa sambayanan ng Israel tatanglaw sa lahat ng mga bansa ang kadakilaan ng Diyos. Sa sambayanan ng Israel magmumula ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus, ang tunay na kaliwanagan mula sa kalangitan; ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na tatlong ulit Siyang ipagkakaila ni Apostol San Pedro. Kahit na matigas na sinabi ni Pedro na hindi niya gagawin iyon, alam ng Panginoon ang tunay na mangyayari. Alam ng Panginoong Hesukristo na nagmamayabang lamang si Apostol San Pedro noong namutawi ang mga salitang iyon mula sa kanyang mga labi. Batid ng Panginoon na dahil sa takot, tatlong ulit Siyang ipagkakaila ni Apostol San Pedro para lamang ipagtanggol ang kanyang sarili. Batid ng Panginoong Hesus na pawang kayabangan lamang ang nag-udyok kay Apostol San Pedro na sabihin iyon. 

Bilang tao, mayroon tayong mga kahinaan. Batid ng Panginoon ang katotohanang iyon. Batid rin natin ang katotohanang iyon. Hindi natin maitatago mula sa Panginoon ang ating mga kahinaan. Hindi natin matatakasan ang katotohanang ito tungkol sa ating mga sarili bilang tao. Kung maaari natin iyon gawin sa ating kapwa-tao, hindi natin iyon magagawa sa Panginoon. Walang lihim na hindi nalalaman ng Panginoon. Batid ng Panginoon ang mga lihim. Batid ng Panginoon ang ating mga karupukan bilang tao. 

Kaya, huwag tayong matakot na lumapit sa Panginoon at hingin ang Kanyang tulong. Huwag tayong matakot na aminin nang buong kababaang-loob ang ating mga kahinaan at hingin ang Kanyang tulong. Hindi tatanggihan ng Diyos ang mga lumalapit sa Kanya upang hingin ang Kanyang tulong. Hindi Niya tatanggihan ang pagsusumamo ng mga umaamin ng kanyang mga karupukan at kasalanan nang buong kababaang-loob. Kinalulugdan ng Diyos ang mga taong nagpapakita ng taos-pusong kababaang-loob. Ipinapakita ng mga taong may kababaan ng loob na ang Diyos lamang ang tanging pag-asa nila. Ipinapakita nila na kailangan nila ang Diyos sapagkat hindi nila kakayanin ang mga ito nang mag-isa. At iyon ay tunay na kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos. 

PASASALAMAT

26 Marso 2018
Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11



Ang Panginoong Diyos ay nagsalita tungkol sa Mesiyas sa Unang Pagbasa. Ang Mesiyas ay ang lingkod ng Diyos na Kanyang itataas. Ang kahulugan ng "Mesiyas" ay "Hinirang." Ang Mesiyas ay pinili't hinirang ng Diyos upang pairalin ang Kanyang katarungan at kagandahang-loob sa lahat. Siya ang magiging tanda ng dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Ang pagtupad ng Mesiyas sa misyong ibinigay sa Kanya nang buong kahinahunan at kababaang-loob ay kalulugdan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtupad ng misyon ng Mesiyas, nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa lahat. 

Natupad ang pahayag na ito sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Dumating Siya sa lupa upang ihayag ang misteryo ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos. Ang Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay ang naging sagisag ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos ang dahilan kung bakit Niya ipinasiyang tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Sa pamamagitan ng Mahal na Pasyon at Muling Pagkabuhay ni Hesus, nahayag ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nagdulot ng ating katubusan. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo kung paanong inihayag ni Santa Maria ng Betania ang kanyang pag-ibig at pasasalamat para sa Panginoon. Nilagyan Niya ng pabango ang mga paa ng Panginoon. Ginawa niya ito upang ipakita ang kanyang pagmamahal at pasasalamat sa Panginoong Hesus para sa ginawa Niya sa kanyang kapatid na si Lazaro. Sa pamamagitan ng Kanyang pagbuhay kay Lazaro, ipinakita ni Hesus kung gaano Niya minahal ang Kanyang mga kaibigang mula sa Betania, ang magkakapatid na sina Lazaro, Maria, at Marta. 

Nang makita ni Hesus ang ginawa ni Maria para sa Kanya, nakita Niya na taos sa puso ang kanyang pasasalamat at pagmamahal. Kaya, ipinagtanggol Niya si Maria mula sa mga batikos ni Hudas Iskariote. Nakita ni Hesus ang pagiging tapat at sinsero ni Maria sa kanyang ginawa. Batid ni Hesus ang dalisay na intensyon ni Maria sa pagbili ng mamahaling pabango upang pahiran sa Kanyang mga paa. Sa ganitong paraan niyang ipinakita ang kanyang pagmamahal, pagpuri, at pasasalamat kay Kristo, ang ipinangakong Tagapagligtas na kaloob ng Diyos. 

Ang Diyos ay nararapat na pasalamatan para sa Kanyang dakilang pag-ibig. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus upang maging ating Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos, inihayag ni Hesus ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nagdulot ng ating kaligtasan. Kaya naman, tulad ni Maria, pasalamatan natin ang Diyos dahil ipinakita Niya sa atin kung gaano Niya tayo iniibig. Sa pamamagitan ng ating pasasalamat sa Panginoong Diyos, inihahayag natin ang ating pagmamahal at pagsamba sa Kanya. Napakarami ng mga pamamaraan ng pagpapakita ng pasasalamat sa Diyos. Subalit, sa ating pasasalamat sa Diyos, dapat nating alalahanin na dapat ito'y maging taos sa puso at hindi palabas lamang. Si Mariang taga-Betania ay nagpakita ng taos-pusong pasasalamat sa Panginoon. Tulad niya, ipakita rin natin ang ating taos-pusong pasasalamat sa ating butihing Panginoon na unang umibig sa atin nang lubos. 

Linggo, Pebrero 25, 2018

GAWAIN NG TUNAY NA NAGMAMAHAL

25 Marso 2018 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (B)
Unang Bahagi - Ang Prusisyon ng mga Palaspas
Marcos 11, 1-10 (o kaya: Juan 12, 12-16) 
Ikalawang Bahagi - Ang Misa
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Marcos 14, 1-15, 47 (o kaya: 15, 1-39) 


Isang propesiya ukol sa mga huling sandali ng buhay ng Mesiyas ang inilahad ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Ayon sa propesiya, ang mga huling sandali ng buhay ng Mesiyas ay mapupuno ng matinding pagdurusa. Labis Siyang pahihirapan ng Kanyang mga kaaway. Siya'y bubugbugin, lilibakin, at papatayin nila nang walang kalaban-laban. Siya'y tulad ng isang maamong tupa sa harap ng matinding panganib, sa harap ng mga asong-gubat na nakahandang hulihin at lamunin ito. Kaawa-awa ang Mesiyas sa mga huling sandali ng Kanyang buhay dahil napakatindi ng pagdurusang haharapin Niya at hindi ito maiiwasan o mapipigilan.

Batid ni Hesus sa Kanyang pagpasok sa Herusalem na magiging karumal-dumal ang mga hirap at sakit na Kanyang dadanasin. Batid Niya na ang mga taong sumalubong at nagbigay-pugay sa Kanya habang sumisigaw ng "Osana sa Anak ni David! Pinagpala ang naparirito sa Ngalan ng Panginoon! Mabuhay!" ang siya ring sisigaw ng "Ipako sa krus!" pagkalipas ng ilang araw. Sa araw na Siya'y ihaharap ni Poncio Pilato sa kanila, Siya'y tatalikuran nila't itatakwil kasabay ng kanilang kahilingan na hayaan niya sila ang managot sa pagdanak ng Kanyang Dugo. Batid ng Panginoong Hesus na labis-labis ang pagdurusang haharapin Niya habang pumapasok Siya sa Herusalem na nakasakay sa isang asno. 

Hindi tinakasan ni Hesus ang pagdurusa't kamatayan sa krus. Bagkus, hinarap Niya ito nang buong kababaang-loob. Kahit na bigyan Siya ng pagkakataong iwasan ang matinding pagpapakasakit at pagkamatay sa krus sa kamay ng Kanyang mga kaaway, hindi Niya ito sinamantala ang pagkakataong iyon. Bagkus, ganap na napagpasiyahan ni Hesus na tumalima at tupdin ang kalooban ng Ama. Ito ang inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos. Sa halip na iwasan o takasan ang malagim na katapusan sa Kanyang buhay kapag Siya'y tumuloy sa Herusalem, pinili ni Hesus na tanggapin, harapin, at danasin ang mga iyon bilang pagtalima sa Ama. 

Masakit para sa Diyos na masilayan mula sa Kanyang kaharian sa langit ang pagdurusa't kamatayang dinanas ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Mula sa langit, ang Ama'y nagdanas ng matinding pait at hapis. Labis Siyang nasaktan at nagdalamhati dahil sa dinanas ng Kanyang Bugtong na Anak. Subalit, wala Siyang ginawa upang matigil ang malagim na pagdurusa't kamatayan ni Kristo. Ipinakita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpahintulot sa pagdurusa't kamatayan ni Kristo sa krus kung gaano Niya iniibig ang sangkatauhan. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ipinasiya ng Diyos na maging tao katulad natin (maliban sa kasalanan) at ialay ang Kanyang buhay sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus. 

Kaya naman, tinatawag na "Mahal na Araw" ang buong sanlinggong ito sapagkat ang linggong ito ay inilalaan ng Simbahan sa taimtim na pagninilay at paggunita sa misteryo ng dakilang pag-ibig ng Diyos na inihayag sa Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ipinasiya Niyang bumaba mula sa langit at maging tao katulad natin sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Kristo Hesus upang tayo'y iligtas. Sa pamamagitan ng paghahain ng sarili ni Kristo Hesus sa krus para sa ating kaligtasan, nahayag ang hiwaga ng dakilang pag-ibig ng Diyos. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos na inihayag ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Misteryo Paskwal ang nagdulot ng ating kaligtasan. 

Tunay ngang dakila ang pag-ibig ng Diyos! Kahit hindi Niya kinailangang bumaba mula sa langit at maging tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak, ginawa pa rin Niya ito sapagkat tayong lahat ay tunay nga Niyang iniibig. Ang Diyos ang nagmamahal sa atin nang tunay. Dahil sa Kanyang pag-ibig na tunay ngang dakila't walang kapantay, tayong lahat ay Kanyang iniligtas at pinalaya mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. 

Biyernes, Pebrero 23, 2018

LAGING TAHIMIK

19 Marso 2018 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a) 


Tanging sina San Mateo at San Lucas lamang ang nagsulat tungkol sa buhay ni Hesus bilang isang bata sa mga unang kabanata ng kanilang salaysay ng Mabuting Balita. Isa sa mga karakter na naging bahagi ng salaysay nina San Mateo at San Lucas tungkol sa buhay ni Hesus noong Siya'y bata pa ay si San Jose, ang Kanyang ama-amahan dito sa lupa at kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria. At sa tuwing itinatampok ang kanyang karakter, hindi siya nagsalita kahit minsan. Siya'y inilalarawan nina San Mateo at San Lucas bilang isang tahimik na tao. Ang salaysay sa Ebanghelyo ni San Mateo kung saan sinabihan ng isang anghel si San Jose na huwag ituloy ang kanyang balak na hiwalayan nang palihim ang Mahal na Birheng Maria ay isang halimbawa nito. 

Ipinakita ni San Jose ang kanyang pananalig para sa Diyos sa pamamagitan ng tahimik niyang pagtalima sa Kanyang kalooban. Sabi nga sa Ebanghelyo na agad niyang ginawa ang iniutos sa kanya ng anghel sa kanyang paggising. Wala nang salitang namutawi mula sa kanyang mga labi na naghahayag ng buong pananalig at kababaang-loob niyang pagtalima sa kalooban ng Diyos. Wala siyang ibang inasahan na tutulong at gagabay sa kanya sa pagtupad ng kanyang pananagutan bilang kabiyak ng puso ng Mahal na Birhen at ama-amahan ng Mesiyas at Tagapagligtas kundi ang Diyos. 

Ginamit ni Apostol San Pablo ang kwento ni Abraham sa Ikalawang Pagbasa bilang referencia upang ilarawan ang kahalagahan ng pananalig sa Diyos. Sa mata ng mundo, wala nang pag-asang magkaroon ng anak sina Abraham at Sara. Subalit, dahil sa kanyang pananalig sa Diyos, si Abraham at ang kanyang kabiyak na si Sara ay ginantimpalaan ng Diyos ng isang anak na si Isaac. Kung paanong si Abraham ay nanalig sa Diyos na siya'y gagantimpalaan ng anak sa kabila ng kanyang katandaan, sa gayong pamamaraan ring ipinakita ni San Jose ang kanyang pananalig sa Diyos. Nalagay siya sa isang napakakumplikadong sitwasyon. Ipinasiya niyang hiwalayan ang Mahal na Inang si Maria nang palihim nang mabalitaang siya'y nagdadalantao nang hindi pa sila kasal. Subalit, nang ipinarating ng anghel ang utos sa kanya ng Diyos, isinantabi ni San Jose ang kanyang plano at tinupad niya na may buong puso't kaluluwang pananalig sa Diyos ang iniuutos sa kanya. 

Ang pananagutang ibinigay ng Diyos kay San Jose ay hindi naging madali para sa kanya. Lalo't higit ang iluluwal ni Maria mula sa kanyang sinapupunan ay ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Ilang ulit na ipinangako ng Diyos sa Lumang Tipan na tutubusin Niya ang Kanyang bayan sa pamamagitan ng Mesiyas at Tagapagligtas na Kanyang isusugo. Isang halimbawa nito ay ang Kanyang ipinasabi kay Haring David sa Unang Pagbasa na magmumula sa kanyang angkan ang isang makapangyarihang Hari, ang Mesiyas. Subalit, sa kabila ng kabigatan ng responsibilidad na ibinigay, hindi nawalan ng pananalig si San Jose sa Diyos. Buong pananalig at kababaang-loob niyang tinalima at tinupad ang iniuutos sa kanya ng Diyos. Tahimik siyang nanalangin sa Diyos upang hingin ang Kanyang tulong at patnubay sa pagtupad sa kanyang responsibilidad. Sa katahimikan ipinakita ni San Jose na tanging sa Panginoong Diyos lamang siya umaasa't nananalig nang buong puso't kaluluwa. 

Si San Jose ay laging tahimik. Sa katahimikan, lagi siyang nananalangin sa Diyos upang hingin ang Kanyang tulong at gabay. Sa katahimikan, tinupad niya ang ipinagawa sa kanya ng Diyos. Tahimik na inihayag ni San Jose na siya'y abang lingkod ng Diyos na handang tumalima at tumupad sa Kanyang kalooban nang may buong puso't kaluluwang pananalig at kababaang-loob sapagkat Siya lamang ang tangi niyang pag-asa't gabay sa bawat yugto ng kaniyang buhay dito sa lupa. 

ANG KADAKILAAN NG PAG-IBIG NG DIYOS

18 Marso 2018 
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Jeremias 31, 31-34/Salmo 50/Hebreo 5, 7-9/Juan 12, 20-33


"Malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito'y mamumunga nang marami." (Juan 12, 24) Ito ang mga katagang namutawi mula sa mga labi ni Hesus matapos ibalita sa Kanya nina Andres at Felipe na may ilang mga Griegong nais makakita't makarinig sa Kanya. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan ni Hesus kung ano ang Kanyang pagdadaanan. Inilarawan ni Hesus na dadanas Siya ng matinding pagdurusa sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Siya'y papatayin nila ngunit hindi magtatagal at Siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay, iniligtas ng Panginoong Hesus ang sangkatauhan. 

Inihayag ni Hesus sa pamamagitan ng mga salitang ito na ang Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay ay magkakarugtong. Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang ito. Malaki ang ugnayan ng dalawang ito sa buhay at misyon ni Hesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat. Kung iiwasan at tatakasan ng Panginoong Hesus ang Kanyang kamatayan sa krus, hindi Niya makakamit ang maluwalhating tagumpay ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kung wala ang krus, walang Muling Pagkabuhay. Hindi makukumpleto o mabubuo ang misyon ng Panginoong Hesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas kung wala ang dalawang aspetong ito. 

Niloob ng Diyos na ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus ay magtiis ng maraming hirap at kamatayan sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Bagamat napakasakit para sa Ama na masilaya't masaksihan mula sa kalangitan ang pagdurusa't kamatayan ng Kanyang Bugtong na Anak sa krus, hindi Niya tinutulan o pigilan iyon. Niloob Niya itong mangyari upang maligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Anak. At ang paghahandog ni Kristo ng buo Niyang sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan ay kinalugdan at tinanggap ng Diyos.

Batid ni Hesus ang matinding hirap at pagdurusang kailangan Niyang danasin upang iligtas ang sangkatauhan. Batid Niya ang karumal-dumal at napakasakit na pagdurusang kailangan Niyang pagdaanan sa Kanyang misyon bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Sabi pa nga sa Ikalawang Pagbasa na Siya'y dumalangin at sumamo sa Diyos. Subalit, hindi tinakasan ni Hesus ang Kanyang kamatayan sa krus. Hinarap Niya ito bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Buong kababaang-loob Niyang ibinubo ang Kanyang Kabanal-banalang Dugo upang iligtas ang sangkatauhan. Ang sangkatauhan ay iniligtas mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pagiging masunurin ng Panginoong Hesukristo sa kalooban ng Ama. Natupad ang dakilang plano ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng buong pananalig at kababaang-loob na pagtalima ng Panginoong Hesukristo. 

Sa pamamagitan ng Kanyang pagtalima sa kalooban ng Ama, inihayag ni Hesus ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa lahat. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ipinasiya ng Diyos na gumawa ng isang Bagong Tipan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan na hinding-hindi mababali kailanman. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ni Hesus na minsang nag-alay ng Kanyang buhay sa krus at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ipinangako ng Diyos sa Unang Pagbasa na Siya'y gagawa ng isang bagong tipan sa pagitan Niya at ng Kanyang bayan. Ang pangakong ito'y natupad sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Sa pamamagitan ng krus at Pagkabuhay ni Hesus na sumasagisag sa Bagong Tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng sangkatauhan, ang sangkatauhan ay ganap nang iniligtas at pinalaya mula sa mga pwersa ng kadiliman at kasamaan. 

Ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos ay tunay ngang dakila. Hindi naman Niya kinailangang gawin ang lahat ng iyon para sa ating lahat. Hindi Niya kinailangang bumaba mula sa langit at magkatawang-tao para sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus. Subalit, ipinasiya ng Diyos na tuparin ang Kanyang planong pagtubos sa lahat ng tao dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gumawa ng Bagong Tipan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesus. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng Kristo na sumasaigsag sa Bagong Tipang ginawa ng Diyos sa pagitan Niya at ng tao, ang sangkatauhan ay Kanyang iniligtas. Sa ganitong pamamaraan inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob na walang hanggan para sa ating lahat. 

Huwebes, Pebrero 22, 2018

PANGUNAHING MENSAHE NG MABUTING BALITA

11 Marso 2018 
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
2 Cronica 36, 14-16. 19-23/Salmo 136/Efeso 2, 4-10/Juan 3, 14-21 


Sa Ebanghelyo, itinampok ang pinakapopular na talata sa Banal na Bibliya. Sa talatang ito nilagom ang Mabuting Balita. Matatagpuan sa talatang ito ang pangunahing mensahe ng Mabuting Balita. Sa talatang ito inilarawan kung bakit ang Diyos ay nagpasiyang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristong Panginoon at Tagapagligtas. Sa talatang ito'y inihayag na pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. At iyan ang pangunahing mensahe ng Mabuting Balita. Iyan ang pinakamaikling bersyon ng Mabuting Balita. 

Ang pag-ibig ng Diyos ang paksa ng patotoo ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso (2, 4-10). Katulad ng kanyang mga kapwa-apostol at misyonero, itinuro ni Apostol San Pablo sa lahat ng tao mula sa iba't ibang dako ang Magandang Balita tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ni Hesus. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa kalangitan at magkatawang-tao sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo upang tubusin ang sangkatauhan. Ito ang pinakadakilang gawa ng Diyos na naghayag ng Kanyang dakilang pag-ibig na walang kapantay. 

Kahit na hindi tayo karapat-dapat maranasan ang dakilang pag-ibig ng Diyos dahil sa ating mga pagkakasala laban sa Kanya, ipinamalas at ibinahagi pa rin Niya ito sa atin. Sa kabila ng ating mga pagkakasala, hindi nauubusan ng pagmamahal ang Diyos para sa ating lahat. Patuloy pa rin tayong iniibig at kinakalinga ng Panginoon sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. Nagagalit Siya kapag tayo'y nagkakasala, subalit hindi iyon nangangahuluga'y hindi na Niya tayo iniibig. Ang kasalanan ay Kanyang kinasusuklaman, hindi ang nagkasala. Kahit pagsama-samahin ang mga kasalanan ng sangkatauhan, hindi mapapantayan ng mga ito ang dakilang pag-ibig ng Diyos na walang kapantay. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos ay higit na makapangyarihan kaysa sa kapangyarihan ng kasalanan. 

Buhat pa sa pagsimula ng panahon, walang ibang ipinakita ng Diyos sa sangkatauhan kundi ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob. Kahit nalugmok ang sangkatauhan sa kasalanan dahil sa pagsuway nina Eba't Adan sa utos ng Diyos, patuloy pa rin Niyang ipinapakita't ipinapadama ang Kanyang dakilang pag-ibig sa sangkatauhan. Tulad ng salaysay sa Unang Pagbasa. Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung paanong ipinakita ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang kapantay sa Kanyang bayang natapon sa Babilonia. Ang mga Israelita'y itinapon sa Babilonia dahil sa kabigatan ng kanilang mga pagkakasala laban sa Diyos. Subalit, kahit na ginalit nila ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga pagkakasala laban sa Kanya, hindi naglaho ang pag-ibig ng Diyos. Ipinangako Niya sa pamamagitan ni propeta Jeremias na pagkatapos ng pitumpung taon, makakabalik muli nang malaya ang mga Israelita sa kanilang bayan. 

Subalit, sa lahat ng mga ginawa ng Diyos na naghahayag ng Kanyang dakilang pag-ibig, walang makahihigit pa sa Kanyang kusang pagbibigay ng sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Si Hesus ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin (maliban sa kasalanan) upang ihayag ang Magandang Balita tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos ng lahat ng tao. Bilang Mesiyas at Manunubos, inalay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus para sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tinubos ng Panginoong Hesus ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan, inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan para sa sangkatauhan. At iyan ang pangunahing mensahe ng Mabuting Balita na ipinapangaral at pinatotohanan ng Simbahan magpahanggang ngayon. 

ANG NARARAPAT IBIGAY SA DIYOS

4 Marso 2018
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B)
Exodo 20, 1-17 (o kaya: 20, 1-3. 7-8. 12-17)/Salmo 18/1 Corinto 1, 22-25/Juan 2, 13-25 


"Hindi na kailangang may magsalita pa [kay Hesus] tungkol sa kaninuman, sapagkat talastas Niya ang kalooban ng lahat ng tao." (2, 25) Sa pamamagitan ng mga salitang ito'y nagwakas ang salaysay ng Ebanghelyo ngayong Ikatlong Linggo ng Kuwaresma. Binigyang-diin ng Manunulat ng Mabuting Balitang si Apostol San Juan sa mga salitang ito ang pagka-Diyos ng Panginoong Hesus. Walang maililihim ang bawat tao sa Panginoong Hesus. Tunay na nababatid ni Hesus ang lahat tungkol sa bawat tao. Batid ni Hesus ang mga tunay na nilalaman ng puso't isipan ng bawat tao. Alam ni Hesus kung tunay ngang sinsero at totoo ang isang tao o kung nanlilinlang at nanamantala lamang siya. 

Isang halimbawa ng pagiging maalam ni Hesus tungkol sa tunay na nilalaman ng puso ng bawat tao ay ibinigay ng Ebanghelistang si Apostol San Juan sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Nang makita ni Hesus ang mga nagtitinda at namimili sa loob ng Templo, nakita Niya ang kanilang mga tunay na intensyon. Nakita ni Hesus na hinahangad ng bawat mangangalakal sa Templo ang makakuha ng malaking kita mula sa kanilang mga paninda. Nakita ni Hesus na hinahangad ng mga namimili sa Templo na gampanan ang mga iniuutos sa kanila para lamang matapos iyon agad-agad at makabalik sa kanilang karaniwang pamumuhay. Nakita ni Hesus ang kawalan ng pagmamahal at paggalang sa Diyos sa kanilang mga puso't isipan. 

Labis na ikinagalit at ikinalungkot ng Panginoong Hesus ang kawalan ng pagmamahal, paggalang, at pananalig sa Diyos sa puso ng mga taong naroroon sa Templo na kanila namang isinasagawa. Ang Diyos ay hindi na nila sinasamba't minamahal. Hindi na ang Diyos ang nasa sentro ng kanilang buhay. Hindi na totoo, sinsero, ang kanilang pagsamba't pagmamahal sa Diyos. Ang mga ritwal na hinihingi ng Kautusan na gawin ay ginagawa nga nila subalit hindi nila ito ginagawa nang taos-puso. Kaya, nawawalan ng saysay ang kanilang pagtupad at pagsunod sa mga ritwal na iniatasan ng Kautusan dahil hindi sinsero ang kanilang mga intensyon sa pagtupad sa mga ito. Hindi bukal sa kanilang kalooban ang kanilang pagtupad sa Kautusan, ang kanilang pagmamahal at pagsamba sa Panginoong Diyos, dahil iba na ang diyos na kanilang sinasamba't minamahal. Iba na ang nasa sentro ng kanilang buhay. Wala na ang Diyos sa sentro ng kanilang buhay. 

Tumatalima nga sila sa mga utos ng Diyos, lalung-lalo na sa Sampung Utos ng Diyos na nakasaad sa Unang Pagbasa mula sa aklat ng Exodo (20, 1-17). Subalit, ang kanilang pagtalima't pagtupad sa mga ito ay sapilitan na lamang. Nakalimot sila sa tunay na layunin at diwa ng mga utos ng Diyos, lalung-lalo na ang Sampung Utos. Nakalimutan nila ang tunay na dahilan kung bakit ang Diyos ay nagbigay ng mga utos. Dahil diyan, ang kanilang pagsunod at pagtupad sa mga hinihingi ng Kautusan ay naging mga ritwal at gawaing hungkag. 

Walang ibang ipinakita't ipinadama ng Diyos kundi ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob. Ang pinakadakilang gawa ng Diyos na nagpakita ng Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ay ang Kanyang kusang pagbaba mula sa langit at pagkakatawang-tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus para sa kaligtasan ng lahat ng tao. Matapos gawin ng Diyos ang lahat para sa kaligtasan ng sangkatauhan, susuklian Siya sa ganitong pamamaraan?

Nakakalungkot isipin na patuloy itong nangyayari magpahanggang ngayon. Tinubos tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob sa atin. Inalay ni Kristo ang Kanyang buhay sa krus para sa ating kaligtasan upang ihayag sa lahat kung gaano tayo kahalaga sa paningin ng Diyos. Sabi nga ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang krus ni Kristo ay kanyang ipinangangaral, tulad ng iba pang mga apostol at mga misyonero  (1, 23). Sapagkat sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, inihayag ang tagumpay ng dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, iniligtas ang sangkatauhan. Subalit, bakit ganoon? Matapos Niya tayong tubusin sa pamamagitan ni Kristo dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, bakit mayroong mga pagkakataong ipinagpapalit natin ang Diyos bilang sentro ng ating buhay? Bakit nating hinahayaang maagawan ng puwesto ang Panginoong Diyos sa ating buhay, sa sentro ng ating buhay? Bakit hinahayaan nating maghari ang ibang mga bagay sa sentro ng ating buhay kaysa ang Diyos? 

Marapat lamang na ang Diyos ay ating ibigin at sambahin nang buong puso't kaluluwa. Nararapat lamang na Siya ang maging sentro ng ating buhay. Siya lang ang dapat maghari sa ating puso't kalooban. Matapos ipakita ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob sa pamamagitan ni Kristo Hesus, nararapat lamang ibigay sa Kanya ang ating pagmamahal at pagsamba. Nararapat lamang na taos-pusong tayong tumalima't tumupad sa Kanyang mga utos. Sapagkat sa pamamagitan ng buong puso't kaluluwang pagtalima sa Kanyang mga utos, inihahayag natin ang ating pananalig, pagmamahal, at pagsamba sa Kanya. 

Lunes, Pebrero 19, 2018

PAGSULYAP SA TAGUMPAY NG DAKILANG PAG-IBIG NG DIYOS

25 Pebrero 2018 
Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Genesis 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18/Salmo 115/Roma 8, 31b-34/Marcos 9, 2-10


Kung paanong isinasalaysay sa Ebanghelyo tuwing Unang Linggo ng Kuwaresma ang Pagtukso sa Panginoong Hesukristo sa disyerto, gayon din naman, ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo ay isinalaysay sa Ebanghelyo tuwing Ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Sa napakahalagang sandaling ito ng buhay ni Kristo, ipinasulyap kung ano ang mga dadanasin Niya sa Herusalem. Si Hesus ay magbabata ng matinding hirap at sakit sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Siya'y papatayin ng Kanyang mga kaaway ngunit muli Siyang mabubuhay sa ikatlong araw. Hindi magiging katapusan ni Hesus ang Kanyang pagdurusa't kamatayan sa krus sapagkat Siya'y muling mabubuhay pagsapit ng ikatlong araw. Kapag hindi hinarap ni Hesus ang Kanyang pagdurusa't kamatayan sa krus sa Kalbaryo, hindi Niya makakamit ang kaluwalhatian at tagumpay sa Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Isang napakaimportanteng misyon ang kinailangang tuparin ng Panginoong Hesus noong Siya'y pumarito sa daigdig bilang Mesiyas at Manunubos. Ang misyon Niya bilang Mesiyas at Manunubos ay tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Misteryo Paskwal. Tulad ng sinasambit tuwing dinarasal ang Daan ng Krus at sa Misteryo ng Pananampalataya sa Banal na Misa, tinubos ni Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Siya, ang Bugtong na Anak ng Diyos at Siya ring Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang tuparin ang pangakong Kanyang binitiwan. Binitiwan ng Diyos ang pangakong ito sa sangkatauhan dahil sa pag-ibig. 

Hindi na mabilang ang mga sandaling inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan. Sa patuloy na paglipas ng panahon, paulit-ulit na inihahayag at ipinapamalas ng Diyos sa sangkatauhan ang Kanyang kahanga-hangang pag-ibig at kagandahang-loob. Tulad na lamang ng isinalaysay sa Unang Pagbasa mula sa aklat ng Genesis kung saan isang lalaking tupa ang ipinagkaloob ng Diyos kay Abraham bilang kapalit ng kanyang anak na si Isaac upang ihandog sa Kanya. Sinubukan ng Diyos ang Kanyang lingkod na si Abraham. Inutos ng Diyos kay Abraham na ihandog ang kanyang kaisa-isang anak na si Isaac. At nang makita ng Diyos ang pananampalataya ni Abraham noong ipinasiya niyang patayin ang kanyang anak bilang handog sa Kanya, isinugo Niya ang isang anghel upang pigilin si Abraham. At isang lalaking tupa ay ipinagkaloob ng Diyos kay Abraham bilang kapalit ng kanyang kaisa-isang anak na si Isaac bilang gantimpala. 

Subalit, walang makahihigit pa sa ginawang pagkakaloob ng Diyos sa Kanyang Bugtong na Anak sa sangkatauhan bilang handog para sa kaligtasan ng sangkatauhan at kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Ito ang binigyang-diin ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma sa Ikalawang Pagbasa. Wika ni Apostol San Pablo na hindi ipinagkait ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Kahit alam ng Diyos na magiging masakit para sa Kanya ang masilayan ang pagtatakwil, pagdurusa, at kamatayan ng Kanyang Bugtong na Anak, ipinasiya pa rin Niyang gawin ito dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa sangkatauhan. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa langit at yakapin ang ating pagkatao sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Kristo Hesus na ating Panginoon at Tagapagligtas. 

Maaari naman Niyang gawin ito sa ibang pamamaraan. Maaari namang ihayag at ipamalas ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan nang hindi nagbabata ng matinding hirap at pagdurusa sa Kalbaryo. Subalit, pinili ng Diyos na tiisin ang maraming hirap at sakit upang ipakita kung gaano kadakila't kawagas ang Kanyang kahanga-hangang pag-ibig para sa sangkatauhan. Nais Niyang ipaalam sa sangkatauhan na tunay ang Kanyang pagmamahal para sa Kanya. Ito ang Kanyang ginawa noong ipinasiya Niyang tiisin ang maraming hirap at sakit sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, ang Mesiyas at Tagapagligtas.  

Ang Pagbabagong-Anyo ni Hesus ay isang pagsulyap sa tagumpay ng dakilang pag-ibig ng Diyos. Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos, ipinasiya Niyang bumaba mula sa lupa at magkatawang-tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus. Ipinamalas ng Diyos ang tagumpay ng Kanyang dakilang pag-ibig sa pamamagitan ni Hesus. Si Hesus ay bumaba mula sa langit at naging tao upang gampanan ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas. At bilang Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan, hinarap ni Hesus ang Kanyang misyon. Hinarap at tiniis ni Hesus ang bawat yugto ng Kanyang Misteryo Paskwal para tubusin ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, ipinamalas ni Hesus ang tagumpay ng dakilang pag-ibig ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa sangkatauhan. 

Sabado, Pebrero 17, 2018

PAGTAWAG NG TUNAY NA NAGMAMAHAL

18 Pebrero 2018 
Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Genesis 9, 8-15/Salmo 24/1 Pedro 3, 18-22/Marcos 1, 12-15 



Mayroong dalawang bahagi ang salaysay ng Ebanghelyo ngayon. Ang unang bahagi ay ang pagtukso kay Hesus sa ilang (1, 12-13). Isang maikling buod lamang ng pagtukso kay Hesus ang ibinigay ni San Marcos sa kanyang salaysay. Para kay San Marcos, hindi na mahalaga kung ano ang mga tukso ni Satanas kay Hesus. Ang tagumpay si Hesus laban sa mga tukso ni Satanas ang pinakaimportante sa lahat. Si Hesus ay nanalangin at nag-ayuno nang buong kataimtiman sa ilang sa loob ng apatnapung araw bago Niya sinimulan ang Kanyang pangangaral. Sa halip na magpadaig at magpatalo kay Satanas, pinili ni Hesus na manatiling masunurin at tapat sa kalooban ng Ama. Pinili Niyang tuparin ang misyong ibinigay sa Kanya. 

Ang ikalawang bahagi ng salaysay ng Ebanghelyo ngayon ay ang pagsisimula ng ministeryo ng Panginoong Hesus (1, 14-15). Si Hesus ay nangaral tungkol sa pagsisisi't pagtalikod sa mga kasalanan at pagsampalataya sa Mabuting Balita. Nanawagan Siya sa lahat na dapat magbalik-loob ang lahat ng tao sa Diyos at sumampalataya sa Mabuting Balita ng kaligtasan. Bakit iyan ang unang ipinangaral ni Hesus? Bakit Siya nangaral tungkol sa pagsisisi't pagbabalik-loob sa Diyos? Dahil ito ang Kanyang misyon. Ang Panginoong Hesukristo ay pumarito sa sanlibutan upang ihatid sa lahat ng tao ang Kanyang dakilang pag-ibig na Siyang pangunahing dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na tubusin ang lahat ng tao. 

Noong kapanahunan ng Lumang Tipan, ang Diyos ay pumili't humirang ng mga propeta upang maging Kanyang mga tagapagsalita sa Kanyang bayan. Ihahatid nila ang mga nais iparating ng Diyos sa Kanyang bayan. Subalit, hindi nagtagal at dumating ang panahon noong ang Diyos na mismo ang naghatid ng Kanyang mensahe ng pag-ibig sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng Salitang nagkatawang-tao na si Kristo Hesus sa kapanahunan ng Bagong Tipan. Ipinasiya Niya itong gawin upang ihayag at ihatid ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ni Kristo na nag-alay ng Kanyang buhay sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. 

Ito ang pinatotohanan ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Si Kristo'y pumanaog sa daigdig upang magbata ng maraming hirap at sakit alang-alang sa sangkatauhan. Siya'y nagpakasakit at nag-alay ng buo Niyang sarili sa krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan at kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Maaari naman Niyang iligtas ang sangkatauhan nang hindi nagbabata ng matinding hirap at sakit. Subalit, ipinasiya pa rin Niyang gawin ito upang imulat ang sangkatauhan sa katotohanang ang Diyos ay puspos ng pag-ibig at kagandahang-loob. Pag-ibig at kagandahang-loob na hindi lilipol o pupuksa sa sangkatauhan, tulad ng ipinangako ng Diyos kay Noe sa Unang Pagbasa (Genesis 9, 8-15), kundi nagdudulot ng kaligtasan at kalayaan sa pamamagitan ni Hesukristo. 

Layunin ng demonyong si Satanas sa pamamagitan ng pagtukso kay Hesus ang pigilin Siya sa pagpapalaganap at pagdudulot ng pag-ibig sa sangkatauhan. Nais ipagkait ng demonyo sa sangkatauhan ang pagkakataong maranasan ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Nais niyang panatilihin ang sangkatauhan sa kanyang mga tanikala. Nais niyang manatiling mga alipin ng kanyang mga pwersa, ang pwersa ng kadiliman, ang sangkatauhan. Subalit, ang mga tukso ni Satanas ay nilabanan at pinagtagumpayan ni Kristo. Pinili ni Hesus na tuparin ang Kanyang misyon, ang Kanyang planong pagtubos at pagpapalaya sa sangkatauhan mula sa mga tanikala ni Satanas, dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Ipinamalas at ipinadama ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kusang pag-aalay ng Kanyang sarili sa krus para sa kaligtasan ng lahat. 

Ang panawagan ng Salitang nagkatawang-tao na si Hesus ay ipinapaabot at ipinaparating ng Simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma. Tinatawag tayo ng Panginoong Hesus na pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan. Tinatawag tayong itakwil ang pang-aakit ng demonyo na suwayin ang Diyos. Tinatawag tayong magbalik-loob sa Poong mahabagin at mapagmahal upang tayo'y makapakinabang at makibahagi sa Kanyang dakilang pag-ibig. Huwag nating salungatin ang panawagang ito mula sa Panginoong tunay na nagmamahal at kumakalinga sa atin na ipinaparating sa atin ng Simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma.

Lunes, Pebrero 12, 2018

PANAHON NG PAG-IBIG

14 Pebrero 2018 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 


Tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma na nagsisimula sa pamamagitan ng Miyerkules ng Abo, inaanyayahan ng Simbahan ang bawat isa na palalimin ang pagninilay sa misteryo ng pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos na tumatawag sa bawat isa na magbalik-loob sa Kanya nang buong puso. Ang pag-ibig ng Diyos na nagdulot ng kaligtasan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos ang paksang nais pagtuunan ng pansin ng Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ngayong Miyerkules ng Abo, ang unang araw ng Apatnapung Araw na Paghahanda. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni propeta Joel sa lahat ng tao ang panawagan ng Diyos. Ang Diyos ay nanawagan sa lahat ng tao na magsisi sa kanilang makasalanang pamumuhay at manumbalik sa Kanya nang taos-puso. Sa Ikalawang Pagbasa, hinihimok ni Apostol San Pablo ang lahat ng mga Kristiyano na manumbalik at makipagkasundo sa Diyos habang may panahon pa. 

Bakit ito ginagawa ng Diyos? Bakit Niya tinatawag ang lahat ng tao na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya? Tayong lahat ay pawang mga makasalanang hamak. Siya ang dakila't makapangyarihan sa lahat. Nasa Kanya naman ang lahat ng kadakilaan at kapangyarihan. Bakit mahalaga pa rin sa paningin ng Diyos ang sangkatauhan? Anong meron sa ating mga tao, mga abang makasalanan, at tayong lahat ay mahalaga pa rin sa mga mata ng Panginoon? Kung tutuusin, hindi naman Niya kailangang gawin iyon. Maaari naman Siyang magpakasarap sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. Bakit Niya ito ginawa? Ano bang meron sa atin? 

Ginagawa ito ng Diyos magpahanggang ngayon hindi dahil sa kung anong meron tayo bilang mga tao. Ito ay dahil sa kung anong meron Siya. At iyon ay pag-ibig. Ang dakilang pag-ibig at habag ng Diyos ang dahilan kung bakit Niya tayong pinahahalagahan sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na likhain tayo ayon sa Kanyang larawan (Genesis 1, 26). Ito ang dahilan kung bakit Siya'y nagkatawang-tao upang tayo'y iligtas sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus. 

Kaya naman, nararapat lamang na pagmamahal rin ang ibigay at ialay natin sa Diyos. Nararapat lamang na ibigin ang Diyos dahil Siya ang unang nagmahal sa atin. Sa kabila ng ating mga pagkakasala, na bahagi ng ating likas bilang mga taong namumuhay dito sa mundong ibabaw, pinili ng Diyos na mahalin at kahabagan tayo. Ito'y pinatunayan Niya sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay Kristo Hesus sa ating lahat upang maging ating Mesiyas at Tagapagligtas. 

Paano naman nating maihahayag ang ating pag-ibig sa Diyos? Sa pamamagitan ng taos-pusong pagbibigay ng papuri't pagsamba sa Kanya. Ang ating pagbibigay ng papuri't pagsamba sa Diyos ay ating inihahayag sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa. Iyan ang diwa ng pamamanata sa Diyos. Iyan ang ating ginagawa natin sa ating pamamanata sa Panginoon. Sa pamamagitan ng pamamanata sa Diyos, inihahayag natin ang ating pagmamahal sa Kanya. Binibigyan natin ng karangalan at kaluwalhatian ang Diyos sa pamamagitan ng ating pamamanata, ang ating paghahayag ng ating pag-ibig sa Kanya. 

Nagbigay ng paalala ang Panginoong Hesus sa Ebanghelyo tungkol sa pamamanata sa Diyos. Ipinapaalala ni Hesus na ang layunin ng pamamanata ay hindi upang gumawa ng palabas kundi upang ihayag ang pag-ibig, pagpuri, at pagsamba sa Diyos. Kung ginagamit lamang ang pamamanata sa paggawa ng palabas, hindi ito magiging sinsero o totoo. Namemeke lamang tayo't gumagawa ng kalokohan kapag ang ating pamamanata sa Diyos ay ginagawa lamang natin upang gumawa ng palabas. Hindi dapat maging pakitang-tao ang pamamanata sa Diyos. Bagkus, ito ay dapat seryosohin at totohanin. Kapag taos-puso at sinsero ang ating pamamanata sa Diyos, tayo ay Kanyang kalulugdan at gagantimpalaan. Ang pamamanata sa Diyos ay dapat maging taos-puso, tulad ng Kanyang taos-pusong pagkakatawang-tao at pag-aalay ng buhay para sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Ang panahon ng Kuwaresma ay panahon ng pag-ibig. Tayong lahat ay inaanyayahan ng Simbahan ngayong panahong ito upang palalimin ang ating relasyon sa Diyos. Inaanyayahan ng Simbahan ang lahat na damhin ang dakilang pag-ibig at habag ng Diyos at hayaang liwanagan ng Diyos ang ating mga puso't isipan tungkol sa misteryo ng Kanyang dakilang pag-ibig at habag na siyang dahilan ng ating kaligtasan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Palalimin natin ang ating debosyon at pananampalataya sa Diyos na Siyang unang nagmahal sa atin nang tunay at tapat. Ipakita rin natin sa Diyos ang taos-puso nating pagmamahal at pagsamba sa Kanya sa pamamagitan ng ating taos-pusong pamamanata. Nararapat lamang na ibigin ang Diyos nang higit sa lahat sapagkat tayong lahat ay Kanyang inibig sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. 

Sabado, Pebrero 10, 2018

DAKILA ANG KANYANG HABAG AT KAGANDAHANG-LOOB

11 Pebrero 2018 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Levitico 13, 1-2. 44-46/Salmo 31/1 Corinto 10, 31-11, 1/Marcos 1, 40-45 


Ang konteksto ng salaysay sa Ebanghelyo ngayon ay ibinigay ng Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, ibinigay ng Diyos kina Moises at Aaron ang batas hinggil sa mga taong may ketong. Kung saka-sakaling magkaroon ng ketong ang isang tao noong kapanahunang yaon, tutungo muna siya sa isa sa mga saserdote para magpatingin sa kanila. Sila lamang ang mga tanging makakapagpapatunay kung mayroon ba silang ketong o hindi. Kapag napatunayang may ketong nga ang taong iyon, ihihiwalay siya sa lipunan, lalung-lalo na sa kanilang mga mahal sa buhay. Sila'y mamumuhay nang mag-isa sa isang napakalayong lugar. Kapag may dumaan sa kanilang kinaroroonan, sisigaw sila ng "Marumi! Marumi!" bilang babala. 

Isang nakakahawang sakit ang ketong. Dahil nakakahawa ang sakit na ito, inilalayo ang mga taong may ketong sa lipunan. Tinataboy sila mula sa kanilang lipunan. Natatakot ang mga taong mahawa sa kanilang sakit. Ayaw nilang mahawa sa kanilang sakit. Kaya naman, upang hindi mahawa ang ibang tao, isinasantabi ang mga ketongin mula sa lipunang kanilang kinabibilangan kapag napatunayan ng isang saserdote na mayroon nga silang ketong. 

Masakit para sa mga ketongin ang maisantabi ng kanilang lipunan. Inihihiwalay sila mula sa kanilang mga mahal sa buhay. Nais nilang makapiling ang kanilang mga kapamilya, kaibigan, kapatid, kapanalig. Hindi nila iyon magagawa dahil sa sakit sa kanilang mga balat. Sa bawat araw ng kanilang pag-iisa, hinahangad nila na darating na rin sa wakas ang araw kung kailan sila tuluyang gagaling mula sa kanilang ketong. Iyan ang tangi nilang hinihiling sa Diyos sa kanilang pananalangin - malinis ang kanilang mga balat mula sa kanilang ketong upang makapiling na rin nila sa wakas ang kanilang mga mahal sa buhay matapos ang napakahabang panahon ng pagkakahiwalay at kalungkutan dahil sa kanilang pag-iisa. 

Noong pinagaling ng Panginoong Hesus ang ketongin sa Ebanghelyo, nakita Niya sa mga mata ng ketongin ang tanging ninanais niya. Nais ng ketonging na buong puso't pananalig na nanikluhod at nagmakaawa kay Hesus na makapiling ang kanyang mga minamahal sa buhay, mga malalapit sa kanyang puso. Maraming sandali sa kanyang buhay ang nasayang, ninakaw, dahil sa sakit sa kanyang balat na nakakahawa. Ang puso niya'y labis na nasugatan dahil sa mga ninakaw na sandali sa kanyang buhay. Kung hindi dahil sa sakit na ito, kasama niya ngayon nang buong tuwa't saya ang kanyang mga mahal sa buhay. 

Kaya naman, noong makita ng ketonging ito si Hesus, nakita ng ketonging ito ang makakapagpapalaya sa kanya mula sa kanyang pagdurusa. Nakita ng ketonging ito kay Hesus ang tanging makapagtutupad sa kanyang kahilingan. Nakita niya kay Hesus ang pag-asang kanyang inaasam. Kaya nga, sumamo ng ganito kay Hesus ang ketongin, "Panginoon, kung iniibig po Ninyo'y mapapagaling Ninyo ako." (1, 40) Nanalig ang ketongin sa kapangyarihan ni Hesus. Kaya naman, buong puso't pananalig niyang hiniling kay Hesus na tuparin ang kanyang hinahangad. Dahil sa habag ni Hesus, gumaling ang ketongin mula sa kanyang sakit. Pagkatapos ng mahabang panahon, naging malinis at makutis muli ang balat ng ketongin dahil sa Panginoong Diyos mahabagin at nagmamagandang-loob na si Kristo Hesus. 

Ang hamon ni Apostol San Pablo sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa ay hindi lamang para sa mga taga-Corinto; ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano - tularan si Kristo. Ano ang halimbawang ipinakita ni Kristo na dapat tularan? Maging mahabagin sa kapwa, lalung-lalo na sa mga kapus-palad at mga itinataboy ng lipunan. Kahit na hindi ito madali para sa atin dahil tayo'y mga makasalanan, dapat natin itong sikapin at gawin. Kung paanong si Kristo ay nagpakita ng habag at kagandahang-loob sa ating lahat, gayon din naman, dapat tayong magpakita ng habag at kagandahang-loob sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga maralita. Sa pamamagitan nito'y ibinabahagi natin sa lahat ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Kanyang habag at kagandahang-loob, binibigyan natin Siya ng karangalan. 

Bilang mga Kristiyano, mayroon tayong misyon. Ibahagi natin sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga kapus-palad. Ang Panginoon ang unang nagpakita ng habag at kagandahang-loob sa ating lahat, lalung-lalo na sa mga kapatid nating kapus-palad at mga isinasantabi ng lipunan. Kaya naman, kung tunay ngang tayo'y nasa panig ng Panginoon, tutularan natinang halimbawang Kanyang ipinakita. Ihayag sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa ang ating pananampalataya kay Kristo. Sa pamamagitan ng pagtulad sa Kanyang halimbawa, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng habag at kagandahang-loob ng Diyos sa ating kapwa, lalung-lalo na sa mga maralita at mga tinataboy ng lipunan, tayo'y nagbibigay ng papuri at karangalan sa Diyos. Ang gawaing iyan, ang ating pagsisikap sa pagtutulad sa halimbawang Kanyang ipinakita, ay tunay na kalugud-lugod sa Kanyang panigin. 

Sabado, Pebrero 3, 2018

ANO ANG KANYANG PAKAY?

4 Pebrero 2018
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Job 7, 1-4. 6-7/Salmo 146/1 Corinto 9, 16-19. 22-23/Marcos 1, 29-39 


Inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto ang kanyang tungkulin bilang apostol at misyonero sa mga Hentil. Iniatasan siya ng Panginoon na ipangaral ang Kanyang Mabuting Balita sa lahat ng mga Hentil. Kahit na dati-rati'y inuusig niya ang mga tagasunod ni Kristo, ipinagkatiwala pa rin sa kanya ng Panginoon ang pananagutan ng pangangaral tungkol sa Ebanghelyo sa lahat ng dako. Kaya nga Siyang nagpakita kay Apostol San Pablo sa daang patungong Damasco upang baguhin ang kanyang buhay. Mula sa kanyang madilim na nakaraan bilang tagausig ng mga Kristiyano, si Apostol San Pablo ay naging misyonero ni Kristo sa mga Hentil. 

Tungkol saan naman ang Ebanghelyong pinapatotohanan ni Apostol San Pablo at ng iba pang mga apostoles? Ang Ebanghelyo o Mabuting Balitang ipinapangaral at pinatotohanan ni Apostol San Pablo at ng iba pang mga apostol sa lahat ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Salitang nagkatawang-tao na si Hesukristo. Ang Panginoong Hesukristo ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ni Kristo, ang pagpapala ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan ay inihayag at ibinahagi sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga kapus-palad. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang isang bahagi ng buhay ng Panginoong Hesus - ang Kanyang ministeryo. Ang ministeryo ni Hesus ay binubuo ng Kanyang pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at ng mga himalang Kanyang ginawa tulad ng pagpapagaling sa mga may karamdaman. Maraming pinagaling si Hesus sa kabuuan ng Kanyang ministeryo, tulad ng biyenan ni Apostol San Pedro sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng Kanyang mga kilos at salita, ibinunyag ni Hesus ang dahilan kung bakit Siya pumarito sa sanlibutan. Si Hesus ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang ihayag sa lahat ang pagpapala't kagiliwan ng Diyos sa sangkatauhan na nagdudulot ng kaligtasan at kalayaan sa lahat ng tao. Ginawa ito ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang mga kilos at salita. Ito'y nasaksihan ng lahat sa Kanyang ministeryo at sa Kanyang Misteryo Paskwal. 

Hindi kinailangan ni Hesus na pumanaog sa lupa upang tayo'y iligtas. Maaari naman Niyang pabayaan tayong magdusa. Maaari naman Niyang pabayaan tayong alipinin ng mga pwersa ng kasamaan at kadiliman. Subalit, dahil sa Kanyang pag-ibig at habag para sa ating lahat, ipinasiya Niyang hubarin ang Kanyang pagka-Diyos at yakapin ang ating pagkatao upang ialay Niya ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Ipinasiya Niyang ilantad ang Kanyang sarili sa mga pagtitiis at kahirapan ng buhay dito sa lupa, tulad ng inilarawan ni Job sa Unang Pagbasa, para tubusin at palayin tayo mula sa pang-aalipin ng mga pwersa ng kasamaan, kadiliman, at kamatayan. Sa pamamagitan nito, pinatunayan Niya na Siya'y hindi nalalayo sa atin. Bagkus, pinatunayan ni Hesus na Siya, ang ating Panginoon at Diyos na tumutubos, ay tunay na mapagmahal at mapagkalinga sa ating lahat. 

Ang Panginoong Hesus ay dumating sa lupa upang ihayag ang mapagpalang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nagliligtas sa pamamagitan ng Kanyang mga kilos at salita. Noong Siya'y nagmiministeryo, Siya'y nangaral at gumawa ng maraming himala. Nangaral Siya tungkol sa kaharian ng Diyos sa lahat. Gumawa rin Siya ng maraming milagro tulad ng pagpapagaling ng mga maysakit at pagpapalayas ng mga demonyong sumasapi sa bawat tao upang ipakita ang kapangyarihan ng pag-ibig at habag ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Nang dumating ang takdang panahon, inialay Niya ang pinakadakilang sakripisyo. Inialay Niya ang Kanyang sarili sa krus para sa kapatawaran ng mga kasalanan at kaligtasan ng bawat isa. Sa pamamagitan ng mga winika't ginawa ni Hesus na nasaksihan sa Kanyang pagmiministeryo at sa Kanyang Misteryo Paskwal, ipinarating at ipinalaganap Niya ang liwanag ng mapagpalang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan.