Martes, Mayo 29, 2018

MARIA: TAGAPAGDALA NG KAGALAKAN, PAG-ASA, AT PAG-IBIG

31 Mayo 2018 
Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria 
Sofonias 3, 14-18 (o kaya: Roma 12, 9-16b)/Isaias 12/Lucas 1, 39-56 


Sa kabila ng kanyang pagdadalantao noong kapanahunang yaon, ang Mahal na Birheng Maria ay naglakbay nang napakalayo upang dalawin ang kanyang kamag-anak na si Elisabet. Ayon sa salaysay sa Ebanghelyo, sina Elisabet at Zacarias ay nakatira sa isang bayan sa kaburulan ng Juda. Ang bayang ito'y napakalayo mula sa bayan ng Nazaret kung saan nakatira ang Mahal na Birheng Maria. Maaaring nanatili at nagpahinga na lamang sana si Maria sa kanyang tahanan sa Nazaret upang makapagpahinga sa loob ng siyam na buwan. Katunayan, nakakapagod naman ang maglakbay nang ganung kalayo. Subalit, mas pinili ni Maria na lisanin ang kanyang tahanan sa Nazaret at maglakbay nang malayo patungo sa tahanan ng kanyang kamag-anak na si Elisabet sa Juda upang siya'y makadalaw at makasama sa kanyang kamag-anak kahit na siya'y nagdadalantao. 

Isang nakapahalagang sandali ang naganap noong binati ni Maria ang kanyang kamag-anak na si Elisabet, tulad ng nakasaad sa Ebanghelyo. Ang sanggol na nasa sinapupunan ni Elisabet na si San Juan Bautista ay gumalaw sa tuwa noong bumati ang Mahal na Inang si Maria. Hindi nakasulat sa Ebanghelyo kung ano nga ba talaga ang sinabi ni Maria kay Elisabet. Subalit, ang tinig ni Maria ay naghatid ng galak kina Elisabet at ang sanggol sa kanyang sinapupunan na si San Juan Bautista sapagkat dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan ang bukal ng tunay na kagalakang walang hanggan - ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Si Maria, ang Kaban ng Bagong Tipan, ay dumalaw kay Elisabet bilang tagapaghatid ng tunay na kagalakang kaloob ni Hesus. Ito ang pumakaw sa sanggol na si San Juan Bautista na gumalaw sa tuwa sa sinapupunan ng kanyang inang si Elisabet. At si Elisabet ay napuspos ng Espiritu Santo sa sandaling yaon. 

Ang mensahero ng Diyos na si propeta Sofonias ay nanawagan sa bayang Israel sa pamamagitan ng isang awitin sa Unang Pagbasa. Sa awiting yaon, ang bayang Israel ay hinihimok ni propeta Sofonias na magalak sapagkat ang kanilang mga kaaway ay iaalis at itatapon na ng Panginoong Diyos (3, 15). Makakamit nila ang kalayaan upang makapamuhay bilang sambayanang binuklod ng Diyos. Si Apostol San Pablo, sa alternatibong bersyon ng Unang Pagbasa, ay nagsalita tungkol sa pagiging mga tagapaghatid ng kagalakan, pag-asa, at pag-ibig na nagmumula kay Kristo. Sina propeta Sofonias, Apostol San Pablo, at Inang Maria ay naging mga tagapaghatid ng kagalakan, pag-asa, at pag-ibig na nagmumula sa Panginoon. At tunay at walang hanggan ang kagalakan, pag-asa, at pag-ibig na nagmumula sa Panginoon. 

Dinalaw ng Mahal na Inang si Maria ang kanyang kamag-anak na si Elisabet na nakatira sa Juda bilang tagapagdala ng kagalakan, pag-asa, at pag-ibig. Ang galak, pag-asa, at pag-ibig na hinatid ng Mahal na Birheng Maria kay Elisabet ay nagmula sa Sanggol na dinadala niya sa kanyang sinapupunan na si Kristo Hesus. Ang pag-ibig, pag-asa, at kagalakang nagmumula sa Panginoong Hesukristo ay tunay, wagas, at walang hanggan.  Sa Panginoong Hesus lamang nagmumula ang tunay at ganap na pag-asa, pag-ibig, at kagalakan na walang hanggan. 

Hamon sa ating mga Kristiyano ang maging tagapagdala ng kagalakan, pag-asa, at pag-ibig na nagmumula sa Panginoong Hesus. Isang babae na naging tagapagdala ng kagalakan, pag-asa, at pag-ibig, ang itinatampok at ipinapakilala upang matularan natin ang halimbawang kanyang ipinakita. At ang babaeng iyon ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay isang tunay na tagapagdala ng kagalakan, pag-asa, at pag-ibig na nagmumula sa Panginoong Hesus. Sa kabila ng kanyang pagdadalantao, dinalaw pa rin niya ang kanyang kamag-anak na si Elisabet upang ihatid sa kanya ang kagalakan, pag-asa, at pag-ibig na nagmumula sa Diyos na nagkatawang-tao na nasa kanyang sinapupunan. Ginawa pa rin niya ito kahit napakalayo ng kanyang nilakbay mula sa kanyang tahanan sa Nazaret patungo sa tahanan ng kanyang kamag-anak sa Juda. 

Sabado, Mayo 26, 2018

PAGKAKAISANG NAGHAHAYAG NG PAG-IBIG AT KAGANDAHANG-LOOB

27 Mayo 2018 
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (B) 
Deuteronomio 4, 32-34. 39-40/Salmo 32/Roma 8, 14-17/Mateo 28, 16-20 



Madalas batikusin ng ibang mga relihiyon ang Simbahan dahil sa doktrina ng Banal na Santatlo. Isa raw maling turo ang doktrina ng Banal na Santatlo sapagkat hindi ito tumutugma sa mga itinuturo sa Banal na Bibliya. Labag raw ito sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos. Itinuturo sa Banal na Bibliya na iisa lamang ang Diyos. At ayon sa interpretasyon nila ng doktrinang ito, tatlo ang Diyos na sinasamba. Subalit, mali ang kanilang interpretasyon ng doktrinang ito. Hindi itinuturo sa doktrinang ito na tatlo ang Diyos. Itinuturo sa doktrinang ito na mayroong Tatlong Personang bumubuo sa iisang Diyos na sinasamba't sinasampalatayanan ng lahat ng mga Katoliko. At ang Tatlong Personang bumubuo sa iisang Dios na pinupuri't sinasamba ng Simbahan ay ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. 

Winika ni Moises sa Unang Pagbasa na ang Panginoon lamang ang nag-iisang diyos na dapat sambahin ng mga Israelita. Ang Panginoong Diyos na nagpalaya sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto ay iisa lamang. Siya lamang ang dapat sambahin at purihin ng bayang Israel. Sa Ebanghelyo, binigyang-diin ng Panginoong Hesus sa Kanyang pagsugo sa mga apostol ang pagiging isa ng Diyos. Sinabihan Niya ang mga apostol na binyagan ang lahat ng mga tao "Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo." (28, 19) Hindi Niya sinabihan ang mga alagad na magbinyag "Sa mga Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo" kundi "Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo." Naisasalungguhit ang pagiging isa ng Diyos na binubuo ng Tatlong Persona - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo - sa pormulang ito. 

Subalit, sa kabila nito, isang napakakumplikadong doktrina ang misteryo ng Banal na Santatlo. Mahirap unawain ang misteryo ng Banal na Santatlo. Sa sobrang pagka-kumplikado ng misteryong ito, maraming mga maling interpretasyon o kuro-kuro tungkol sa misteryong ito ang umusbong. Gaano mang katalino ang isang tao, hindi niya lubusang maiintindihan ang misteryo ng Banal na Santatlo dahil sa mga limitasyon sa isipan ng bawat tao. At iyan ang katotohanan, limitado ang espasyo sa isipan ng bawat tao. Hindi kayang alamin at unawain ng bawat tao ang lahat ng bagay. May kakayahang alamin at unawain ang maraming bagay, pero hindi ang lahat ng bagay. Kaya naman, masyado nang mabigat para sa isipan ng bawat tao ang unawain ang misteryong ito. Hindi natin maintindihan kung papaanong naging isa ang tatlo. Hindi rin natin lubusang maintindihan kung bakit ang Panginoong Diyos ay nagpakilala sa ating lahat sa isang napakakumplikadong paraan. 

Gaano mang kahirap para sa atin ang unawain ang misteryo ng Banal na Santatlo dahil sa pagkakumplikado nito, iisa lamang ang matitiyak natin. Ang Banal na Santatlo ang larawan ng tunay at ganap na pagkakaisa. Ang tunay at ganap na pagkakaisa ay ipinakita ng Banal na Santatlo sa lahat. Walang makakapantay o makahihigit sa pagkakaisa ng Banal na Santatlo. At ang pagkakaisa ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ay hinding-hindi matitinag. Walang hanggan ang pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay nagkaisa upang buuin ang iisang Diyos na ating sinasamba't sinasampalatayanan.

Ipinakita ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat sa pamamagitan ng pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Ang Banal na Santatlo ay nagkaisa noong nilikha ang daigdig. Nagkaisa ang Banal na Santatlo noong ipinagpasiyahang likhain ang tao. Nagkaisa ang Banal na Santatlo noong ipinagpasiya ang pagligtas sa sangkatauhan. Iniligtas ng Diyos Anak na si Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay dahil sa pagkakaisang ipinakita ng Banal na Santatlo sa pagpapasiya tungkol sa pagligtas sa sangkatauhan. Naihayag sa pamamagitan ng pagkakaisa ng Banal na Santatlo ang walang hanggang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na tumubos sa lahat. 

Dahil tayong lahat ay iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo upang tayo'y patnubayan. Ito ang binigyang-diin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Wika niya na ang lahat ng mga anak ng Diyos ay pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos (8, 14). Tayong lahat ay itinuring ng Diyos na mga anak Niya dahil sa pagtubos sa atin ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Dahil dito, ipinagkaloob sa atin ang Espiritu Santo upang maging gabay natin. Sa pamamagitan ng Espiritu Santong gumagabay sa atin, maitatawag natin ang Diyos bilang Ama. At iyon ang karapatang ibinigay sa atin ng Diyos bilang Kanyang mga anak na minamahal. Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng karapatang tawagin ang Diyos bilang ating Ama sapagkat tayo'y itinuring ng Diyos bilang Kanyang mga anak. 

Ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos ay naihayag sa ating lahat sa pamamagitan ng pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Ang pagkakaisa ng Banal na Santalo ang nagpapakilala sa nag-iisang Diyos na tunay na nagmamahal sa atin. At ang Banal na Santatlo ay patuloy na kumikilos sa iba't ibang pamamaraan upang maaalala natin na iisa lamang ang Diyos na nagmamahal nang tunay. Iisa lang ang Diyos na nagmamahal nang tunay. At ang iisang Diyos na tunay na nagmamahal sa atin ay binubuo ng Tatlong Personang nagkakaisa - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo; ang Banal na Santatlo. 

Linggo, Mayo 20, 2018

INANG MARIA: BIYAYANG KALOOB NG PANGINOON SA KANYANG SIMBAHAN

21 Mayo 2018 
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Simbahan 
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 86/Juan 19, 25-34 


"Ginang, narito ang iyong anak... Narito ang iyong ina." (19, 25-27) Namutawi mula sa mga labi ng Panginoong Hesukristo ang mga salitang ito nang masilayan Niya mula sa krus ang Mahal na Birheng Maria at ang alagad na minamahal na si San Juan. Sa sandaling yaon, ang Simbahan ay ipinagkatiwala ng Panginoong Hesus sa pagkalinga ng Mahal na Inang si Maria. Si Maria ay ipinakilala ni Hesus bilang Ina ng Simbahan. Tayong lahat na bumubuo sa Simbahan ay naging mga anak ng Mahal na Birheng Maria sa sandaling yaon. Si Maria ay ipinagkaloob ni Hesus sa ating lahat na bumubuo sa Kanyang Simbahan. 

Isang tunay na biyaya mula sa Diyos ang Mahal na Inang si Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay binigyan ng Diyos ng isang napakahalagang papel sa kasaysayan ng kaligtasan. Hinirang siya ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Panginoong Hesukristo. At noong nakabayubay sa krus ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus, si Maria ay ipinagkaloob Niya sa lahat ng mga kaanib ng Simbahan na kinatawan ni Apostol San Juan. Isang tunay na pagpapala ang Mahal na Birheng Maria. 

Unang naipakilala ang Mahal na Birheng Maria noong nalugmok ang tao dahil sa pagkakasala nina Eba't Adan na isinalaysay sa Unang Pagbasa. Inihayag ng Diyos na dudurugin ng binhi ng babae ang ulo ng binhi ng ahas. Si Maria ang babaeng tinukoy ng Panginoon sa Kanyang propesiya. Sa kanyang sinapupunan magmumula ang dudurog sa ulo ng ahas. Si Hesus ang dumurog sa ulo ng ahas na si Satanas. At si Hesus ay ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ni Maria. Bago pa man isilang, inihayag ng Diyos ang magiging papel ng Mahal na Inang si Maria pagdating ng takdang panahon. Kaya naman, ang Mahal na Inang si Maria ay isang napakahalagang panauhin sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. 

At noong Siya'y nakabayubay sa krus, ibinigay ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus sa Kanyang Simbahan na kinatawan ni Apostol San Juan sa mga sandaling yaon ang Mahal na Birheng Maria. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang Ina sa ating lahat, ipinakita ni Hesus ang Kanyang pagmamahal para sa atin. Labag sa Kanyang kalooban ang ating pagkaligaw ng landas dahil sa diyablo. Hindi Niya ninanais na tayo'y ipahamak ni Satanas. Kaya naman, ang Mahal na Inang si Maria ay ibinigay sa atin ng Panginoong Hesus upang tayo'y ipagsanggalang mula sa mga tukso ng demonyo sa pamamagitan ng kanyang pananalangin para sa atin. Ang Mahal na Birheng Maria ang kakalinga sa atin at magtatanggol sa atin mula sa diyablo sa pamamagitan ng kanyang pananalangin. Siya rin ang aakay sa ating lahat patungo kay Kristo. Sa pamamagitan niya, lalo tayong napapalapit kay Kristo. 

Tayong lahat na bumubuo sa Simbahan ay tunay ngang pinagpala sapagkat pinagkalooban tayo ng Panginoon ng isang ina - ang Mahal na Inang si Maria. Bilang ating Mahal na Ina, tayong lahat ay laging ipinapanalangin ni Maria para sa ating kapakanan. Laging ipinapanalangin ng Mahal na Birheng Maria na tayo'y ilayo mula sa pang-aakit at tukso ng demonyong hinahangad ang ating kapahamakan. At inaakay rin tayo ng Mahal na Inang si Maria patungo kay Hesus na tumubos sa ating lahat sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay. Tayong lahat ay laging inilalapit ng Mahal na Inang si Maria sa kanyang Anak na minamahal at ating kapatid na si Hesus na atin ring Panginoon at Manunubos. 

Biyernes, Mayo 18, 2018

PAGBABAGONG HATID NG ESPIRITU SANTO

20 Mayo 2018 
Linggo ng Pentekostes (B) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Galacia 5, 16-25)/Juan 20, 19-23 (o kaya: 15, 26-27; 16, 12-15) 



Ang pagbabagong kaloob ng Espiritu Santo ang pinagtutuunan ng pansin sa pagdiriwang ng Linggo ng Pentekostes. Sa salaysay ng pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga apostol na inihayag sa Unang Pagbasa, isinalungguhit ang pagbabagong dulot Niya sa mga apostol. Mula sa pagiging mga duwag na nagtatago sa isang silid, sila'y naging mga saksi ni Kristo na puno ng katatagan at pag-asa. Hindi na naghari ang takot sa kanilang mga puso sapagkat silang lahat ay nakaranas ng isang matindi't malaking pagbabago mula sa Espiritu Santo. Dahil sa pagbabagong kaloob ng Espiritu Santo, ang mga apostol ay nagkaroon ng lakas at tibay ng loob upang magampanan nila ang misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo.

Sa Ebanghelyo, sinabi ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa mga apostol na isinusugo Niya sila kung paanong Siya'y isinugo ng Ama upang maging Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan (Juan 20, 21). Inilarawan ni Hesus sa mga apostol kung ano ang magiging misyon nila. Silang lahat ay magiging mga misyonerong saksi na Kanyang sinusugo sa iba't ibang mga lugar sa daigdig. Lilibutin nila ang bawat lugar sa daigdig para ipakilala ang Panginoon sa lahat ng tao. Sa pamamagitan ng kanilang mga salita tungkol kay Kristo, ang lahat ng tao mula sa iba't ibang bansa sa daigdig ay makakakilala at makakasampalataya sa Kanya. 

Batid ni Hesus ang mga kahinaan ng mga apostol. Batid ni Hesus ang kanilang takot at kahinaan ng loob. Kaya naman, ipinangako ni Hesus sa mga apostol na ipapadala Niya buhat sa Ama ang Espiritu Santo upang maging kanilang Patnubay (Juan 15, 27). Ang Espiritu Santo ang papatnubay at gagabay sa mga apostol sa bawat sandali ng kanilang pagmimisyon bilang mga saksi ni Kristo Hesus. Hindi sila mag-iisa at mabibigo sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sapagkat kasama nila ang Espiritu Santo saan man sila pumaroon. Ang Espiritu Santo ang magbibigay sa kanila ng tulong sa panahon ng pangangailangan. Ang Espiritu Santo rin ang magbibigay sa kanila ng lakas at tibay ng loob upang manatiling tapat sa kanilang pananalig sa Panginoon sa mga sandali ng pagsubok. At natupad ang pangakong ito ng Panginoon noong araw ng Pentekostes. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia tungkol sa pagbabagong dulot ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang pumapatnubay sa lahat upang ang mga pita ng laman ay tutulan at talikdan (Galacia 5, 16). Ang bawat tao'y binabago ng Espiritu Santo. Hindi na sila tumatalima't nagpapaalipin sa mga makamundong hilig. Bagkus, ang bawat tao'y namumuhay bilang mga tunay na Kristiyano na tanging sa Diyos lamang naglilingkod at sumasamba. Gaano mang kasama ang bawat makasalanan, mayroon silang pagkakataon magbago sa tulong ng Espiritu Santo. At ang Espiritu Santo ay laging handang magbigay ng tulong at gabay sa mga nais magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. 

Ang puntong ito ang siya ring pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto. Wika nga niya sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa, "Hindi masasabi ninuman, 'Panginoon si Hesus' kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo." (12, 3b) Mula sa pagiging mga makasalanan at mga walang pakialam, ang bawat tao'y nagiging mga masigasig at tapat na Kristiyanong nananalig, sumusunod, at sumasaksi kay Kristo Hesus sa tulong ng Espiritu Santo. Tinutulungan ng Espiritu Santo ang bawat tao na magpatotoo at sumampalataya kay Kristo. Sa tulong ng pamamatnubay ng Espiritu Santo, ang lahat ay makakasampalataya at makakapagbigay ng patotoo tungkol kay Kristo sa pamamagitan ng kanilang mga salita't gawa. 

Tinutulungan ng Espiritu Santo ang bawat isa na magbago. Ang bawat tao'y pinapatnubayan at ginagabayan ng Espiritu Santo tungo sa pagbabago. Hindi nag-iisa ang bawat tao sa proseso ng pagbabago sapagkat lagi nilang kasama ang Espiritu Santo. Nagbabago ang bawat tao sa tulong ng Espiritu Santo. At ang pagbabagong dulot ng Espiritu Santo sa lahat ay puno ng kabutihan. Hindi lalong lulubha ang kasamaan ng bawat tao dahil sa pagbabagong dulot ng Espiritu Santo. Bagkus, mapapabuti ang bawat tao sa tulong ng Espiritu Santo. Lalong lalalim at titibay ang pananalig ng bawat tao sa Panginoon. Lalong mapapabuti ang bawat tao sa tulong ng Espiritu Santo na laging pumapatnubay at gumagabay sa kanila. 

May pagkakataong magbago sa tulong ng Espiritu Santo. Patuloy na nagbibigay ng pagkakataong magbagong-buhay sa bawat isa ang Espiritu Santo. Hindi natin maaaring sabihin na wala nang pag-asang magbago ang mga makasalanan, lalung-lalo na ang mga pinakamasamang tao. Gaano mang kasama ang isang tao, mayroon siyang pag-asang baguhin ang kanyang buhay. Ang Espiritu Santo ay lagi nilang kasama upang tulungan silang baguhin ang kanilang mga buhay. 

Kung paanong binago ng Espiritu Santo ang buhay ng mga apostol, binibigyan Niya tayo ng isang panibagong buhay. Tinutulungan Niya tayong baguhin ang ating mga sarili upang lalo tayong mapalapit sa Panginoon. Pinapatnubayan at ginagabayan Niya tayo sa landas ng buhay upang manatili tayong matatag at matapat sa ating pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. At tunay ngang nagdudulot ng kabutihan at kabanalan sa ating lahat ang pagbabagong hatid ng Espiritu Santo. 

Sabado, Mayo 12, 2018

PAGSAKSI SA TUNAY NA NAGMAMAHAL

13 Mayo 2018 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (B) 
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 47/Efeso 1, 17-23 [Alternatibong Ikalawang Pagbasa: Efeso 4, 1-13 (o kaya: 4, 1-7. 11-13)]/Marcos 16, 15-20 



Isinalaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang Pag-Akyat ni Hesus sa Langit. Iisa lamang ang pinagtutuunan ng pansin ng salaysay inihayag sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Ang pagbabagong haharapin ng mga apostol. Ang Pag-Akyat ni Hesus sa Langit ang hudyat ng isang malaking pagbabago sa buhay ng mga apostol. Mula noong sila'y tinawag at hinirang ng Panginoong Hesus, nagbago ang kanilang mga buhay. Subalit, hindi nagtatapos sa pamumuhay na kapiling si Kristo sa loob ng mahabang panahon ang pagbabagong dulot Niya sa kanila. 

Ang Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Hesus ang simula ng isang panibagong yugto sa buhay ng mga apostoles. Hindi na nila Siya makakapiling dito sa lupa. Hindi nila Siya makikita gamit ang kanilang mga mata. Tinapos na ni Hesus ang Kanyang misyon bilang Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. Kaya naman, Siya'y umakyat sa langit taglay ang buo Niyang kaluwalhatian matapos Siyang mabuhay na mag-uli. Unang inihayag ni Kristo sa Kanyang pamamaalam sa mga apostoles noong bisperas ng Kanyang pagpapakasakit na isinalaysay sa Ebanghelyo ni San Juan na darating ang oras kung kailan Niya lilisanin ang mundong ito at babalik sa Ama. Sumapit ang takdang oras na Kanyang tinukoy sa Kanyang diskurso sa mga alagad bago Niya harapin ang Kanyang pagdurusa't pagkamatay sa krus sa araw ng Kanyang maluwalhating Pag-Akyat sa Langit. 

Bago umakyat sa langit, inilahad ng Panginoong Hesus sa mga apostoles ang mga pagbabagong haharapin at dadanasin nila. Sila na ang magtuturo sa mga tao tungkol sa Mabuting Balita. Sila ang magsisilbing mga saksi ng pag-ibig at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. Sila ang magpapatotoo sa lahat tungkol sa pagtubos ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus. At hindi lamang sa kanilang mga kababayan sa Herusalem sila mangangaral kundi sa bawat lipi't bansa sa daigdig. Ipapakilala nila sa lahat ng tao si Kristo. Sa pamamagitan ng kanilang pangangaral at pagpapatotoo tungkol kay Kristo, Siya'y makikilala, sasampalatayanan, at sasambahin ng lahat ng tao. 

Nais ni Hesus na makilala Siya ng lahat ng tao sa buong daigdig. Nais ni Hesus na ibuhos ang Kanyang pagpapala sa lahat ng tao. Nais ni Hesus na makinabang ang lahat sa biyaya ng Kanyang pagliligtas. Kaya naman, iniatasan Niya ang mga apostol na maging Kanyang mga saksi. Sa pamamagitan ng paghirang at pagsugo sa mga apostoles bilang Kanyang mga saksi sa iba't ibang lugar sa daigdig, ipinakita ni Kristo ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa lahat ng tao sa buong daigdig. Pag-ibig ang natatanging dahilan kung bakit ang mga apostol ay hinirang at sinugo ni Kristo upang sumaksi sa Kanya sa bawat sulok ng daigdig. 

Maraming pag-uusig ang hinarap at tiniis ng mga apostol at ng mga sinaunang Kristiyano dahil sa kanilang pagsaksi kay Kristo. Tulad na lamang ng hinarap ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Dati niyang inusig ang mga apostol at ng iba pang mga sinaunang Kristiyano dahil sa kanilang pagsampalataya kay Kristo. Subalit, nagbago ang lahat para sa kanya noong nakatagpo niya si Kristo sa daang patungong Damasco. Mula sa pagiging tagausig ng mga sinaunang Kristiyano, si Apostol San Pablo ay naging isang misyonerong sumasaksi kay Kristo Hesus. Maraming landasin ang kanyang tinahak sa kanyang pagmimisyon bilang saksi ni Kristo. At kahit nakabilanggo, tulad ng nasasaad sa Ikalawang Pagbasa, patuloy siyang nangaral tungkol sa Mabuting Balita ng kaligtasan sa lahat sa pamamagitan ng kanyang mga sulat. Sa pamamagitan ng kanyang mga sulat, hinimok niya ang lahat na manatiling matatag sa kanilang pananalig at pananampalataya kay Kristo Hesus na nakaluklok sa kanan ng Amang nasa langit. 

Sa kabila ng lahat ng mga pagsubok at pag-uusig na kanilang hinarap at tiniis, hindi tumigil ang mga apostoles sa kanilang pagmimisyon bilang mga saksi ni Kristo. Nanalig silang hindi sila pababayaan ng Panginoon. Kahit na Siya'y nakaluklok sa kanan ng Amang nasa langit, nanalig sila sa pangakong Kanyang binitiwan. Nanalig sila na hindi Niya sila pababayaan sa kanilang pagmimisyon. Nanalig sila sa pag-ibig at kagandahang-loob ng Panginoong Hesukristo na nahayag sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Panginoon ang nagbibigay sa kanila ng katatagan sa mga sandali ng kagipitan. Kahit na Siya'y umakyat sa langit, pinalalakas pa rin ng Panginoon ang Kanyang mga apostol upang matupad nila ang kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi sa iba't ibang mga bansa sa daigdig. 

Ang misyong ibinigay ng Panginoong Hesukristo sa mga apostol bago umakyat sa langit ay ipinagpapatuloy ng Simbahan hanggang sa kasalukuyang panahon. Patuloy na nangangaral at nagpapatotoo ang Simbahan tungkol sa dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nahayag sa lahat sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Patuloy na ipinapakilala ng Simbahan ang Diyos na puspos ng pag-ibig at habag para sa lahat ng tao. At ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na walang hanggan ay tunay at totoo. 

Ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Panginoong Hesus na umakyat sa langit at ngayo'y nakaluklok sa kanan ng Ama. Sa pamamagitan ni Hesus, nahayag sa lahat ang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Ang krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ang dakilang pagsasalarawan ng dakilang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob, si Hesus ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin upang tayo'y iligtas sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay. Tayong lahat ay naligtas sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Iyan ang Mabuting Balitang sinasampalatayanan at pinatotohanan ng Inang Simbahan mula noon hanggang sa kasalukuyan. 

Sabado, Mayo 5, 2018

PAG-IBIG NA WALANG MAKAHIHIGIT AT WALANG HANGGAN

6 Mayo 2018 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Mga Gawa 10, 25-26. 34-35. 44-48/Salmo 97/1 Juan 4, 7-10/Juan 15, 9-17 


"Ngayon ko lubusang natanto na walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod Siya sa sinumang may takot sa Kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa." (10, 34-35) Ito ang mga salitang namutawi mula sa bibig ni Apostol San Pedro noong siya'y sinalubong ni Cornelio sa Unang Pagbasa. Si Cornelio na kapitan ng hukbong Romano ay nagpabinyag kay Apostol San Pedro sapagkat naranasan niya ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Kahit na siya'y isang Hentil, si Apostol San Pedro ay ipinadala ng Panginoon sa kanya upang mapakinggan niya ang Mabuting Balita at magpabinyag. Ipinapakita ng Diyos ang Kanyang habag at kagandahang-loob sa lahat ng mga matutuwid at may takot sa Kanya, anuman ang kanilang lahi. 

Ang puntong isinalarawan sa salaysay sa Unang Pagbasa ay pinagtuunan ng pansin ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa. Ang Diyos ay pag-ibig. Siya ang unang umibig sa atin. Dahil sa pag-ibig Niyang walang kapantay, isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Kristo, ang Diyos ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang Misteryo Paskwal ni Kristo Hesus ang nagsalarawan kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Diyos para sa lahat. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na walang higit na pag-ibig ang pag-ibig ng isang tao para sa kanyang mga kaibigan. Sa pamamagitan nito, inilarawan ni Hesus kung bakit Siya pumarito sa sanlibutan. Ang Panginoong Hesus ay pumarito sa sanlibutan upang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito'y inilarawan ni Hesus kung gaano Niya iniibig ang lahat. Ang bawat isa'y tinuring Niyang kaibigan. Mahalaga ang bawat isa sa Kanyang paningin. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ipinasiya Niyang harapin at pagdaanan ang bawat yugto ng Kanyang Misteryo Paskwal upang maligtas ang sangkatauhan. Inalay Niya ang buo Niyang sarili sa krus para sa kaligtasan ng lahat ng tao. Subalit, ang Kanyang kamatayan sa krus ay hindi naghudyat ng katapusan para sa Kanya sapagkat maluwalhati Siyang muling nabuhay sa ikatlong araw taglay ang buo Niyang kaningningan at kaluwalhatian. 

Kung tutuusin, nakakapanliit ang mga salitang namutawi mula sa mga labi ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo. Sino ba naman ang sangkatauhan upang ibigin at kahabagan ng Diyos? Ang sangkatauhan ay hindi naman kapantay ng Diyos. Hamak lamang ang sangkatauhan kung ikukumpara sa Diyos. Katunayan, ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos. Ang sangkatauhan ay nilikhang ayon sa larawan ng Diyos, subalit hindi kapantay ng Diyos. Tapos, hindi pa perpekto ang sangkatauhan. Hindi karapat-dapat ang bawat tao na maranasan at makibahagi sa pag-ibig ng Diyos dahil sa kanilang karupukan; lagi silang nagkakasala. Subalit, sa kabila ng iyon, nakuha pa ng Diyos na ibigin at kahabagan ang sangkatauhan. Tunay ngang kamangha-mangha iyon. Kahit likas sa tao ang magkasala, kahit sila'y mga hamak na nilalang lamang kung ikukumpara sa Kanya, iniibig at kinahahabagan pa rin sila ng Panginoon. 

Tunay ngang mapalad tayong lahat sapagkat mayroon tayong Diyos na mapagmahal. Ang Kanyang pagmamahal ay walang hanggan. Tunay at wagas ang Kanyang walang hanggang pagmamahal. Ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan ay hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ito ng sinumang tao dito sa lupa. Kahit na hindi tayo karapat-dapat na maranasan at makibahagi sa Kanyang dakilang pag-ibig dahil sa ating mga pagkakasala, ipinakita't ipinadama pa rin Niya sa ating lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. 

Ang Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesus ang pinakadakilang pagsasalarawan at paghahayag ng dakilang pag-ibig ng Diyos para sa atin na walang hanggan. Dahil sa Kanyang walang hanggang pag-ibig para sa ating lahat, ang Diyos ay bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit at nagkatawang-tao katulad natin (maliban sa kasalanan) sa pamamagitan ni Hesus. Hinarap at pinagdaanan Niya ang bawat yugto ng Misteryo Paskwal para sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng pagtubos sa ating lahat, inihayag ng Panginoon ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin. At ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin ay walang hanggan. 

Martes, Mayo 1, 2018

MGA GAWA: NAGPAPAHAYAG NG PAG-IBIG

1 Mayo 2018 
Paggunita kay San Jose, manggagawa 
Genesis 1, 26-2, 3 (o kaya: Colosas 3, 14-15. 17. 23-24)/Salmo 89/Mateo 13, 54-58 


Isang napakahalagang aral ang matutunan natin mula sa halimbawang ipinakita ni San Jose Manggagawa. Ginampanan ni San Jose ang kanyang pananagutan bilang kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria at ama-amahan ng Panginoong Hesus dito sa lupa sa pamamagitan ng paghahanap-buhay. Siya'y naghanap-buhay bilang isang anluwage o karpintero. Sa pamamagitan ng kanyang paghahanap-buhay bilang isang karpintero, ipinakita niya ang kanyang pagmamahal para sa pamilyang kaloob sa kanya ng Diyos. Ipinakita ni San Jose sa pamamagitan ng kanyang paghahanap-buhay bilang isang marangal na karpintero ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Diyos. At ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Diyos ang naghahayag ng kanyang buong pusong pag-ibig at pananalig sa Kanya. 

Sa pamamagitan ng halimbawang ipinakita ni San Jose Manggagawa, itinuturo sa atin ng Diyos na ang pag-ibig ay naipapahayag sa pamamagitan ng mga gawa. Hindi sapat ang pagpapakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng mga salita. Kung tunay na nagmamahal ang isang tao, dapat niyang ipakita ang pagmamahal na ito sa pamamagitan ng mga salita at gawa. 

Ang paglikha ng Diyos sa sangkatauhan sa ikaanim na araw na isinalaysay sa Unang Pagbasa ang naghayag ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa kanila. Sino ba naman ang tao para lalangin ng Diyos? Kahit hindi na lalangin ng Diyos ang tao, magiging maganda pa rin ang Kanyang mga gawa. Kahanga-hanga pa rin ang Kanyang mga gawa sapagkat Siya ang pinakadakilang nilalang sa lahat. Subalit, ipinakita pa rin ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa tao sa pamamagitan ng paglikha sa kanila. Kahit na hindi mapapantayan ng sangkatauhan ang kadakilaan ng Diyos, ipinakita pa rin ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa kanila sa pamamagitan ng paglikha sa kanila na higit na makapangyarihan kaysa sa ibang bagay na Kanyang nilikha. 

Isinalaysay ni San Mateo sa Ebanghelyo ang di pagtanggap kay Hesus sa Nazaret, ang bayan na Kanyang tinubuan. Ang nakakatawag ng pansin sa salaysay ni San Mateo ay ang paggawa ni Hesus ng kahit kaunting himala sa Nazaret dahil sa di pagtanggap at pagsampalataya ng Kanyang mga kababayan. Hindi naman Siya tinanggap ng Kanyang mga kakilala mula noong pagkabata na nagtipon sa sinagoga para pakinggan Siya. Ayaw nilang kilalanin si Hesus na kilala nila mula pagkabata. Napakasakit para sa Panginoong Hesus na maranasan ang di pagkakilala at di pagtanggap sa Kanya ng mga kababayan sa Nazaret. Subalit, gumawa pa rin Siya ng kahit kaunting himala. Bakit Niya iyon ginawa? 

Hindi naman kinailangang gumawa ng kahit isang himala ang Panginoong Hesus sa bayan ng Nazaret, ang bayang Kanyang tinubuan. Subalit, sa pamamagitan ng paggawa ng kahit kaunting himala sa Kanyang bayang tinubuan, ipinakita ni Hesus ang Kanyang pagmamahal para sa Kanyang mga kababayan. Tunay ngang minahal ni Hesus ang Kanyang mga kakilala sa Nazaret. Tunay ngang pinahalagahan ni Hesus ang Kanyang kabataan sa bayang yaon. Gumawa pa rin si Hesus ng mga milagro, kahit kaunti lamang yaon kumpara sa Kanyang mga ginawa sa ibang bayan, upang ipakita ang Kanyang pagmamahal para sa Kanyang mga kababayan. Si Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao. Noong Siya'y nasa Nazaret, mas lalong nakita ang pagiging tao ni Hesus. Noong Siya'y hindi tinanggap sa Nazaret, ipinakita ni Hesus na tunay rin Siyang tao na nasasaktan dahil sa di pagtanggap ng mga taong nakilala Niya mula noong Kanyang kabataan. Kahit hindi Siya tinanggap, ipinakita pa rin Niya ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng paggawa ng kahit kaunting milagro habang Siya'y nanatili roon. 

Ang pagmamahal ay naipapahayag sa pamamagitan ng mga salita't gawa. Kung tunay na nagmamahal ang isang tao, kinakailangang ipakita niya ito sa pamamagitan ng kaniyang mga salita't gawa. Hindi sapat ang mga salita lamang upang ipakita't ipadama ang pagmamahal; kailangang dugtungan ng mga gawa ang mga salita na kadalasa'y mabilis malimutan. 

Tulad ni San Jose Manggagawa, ang bawat manggagawa sa kasalukuyang panahon ay naghahanap-buhay upang mapabuti ang buhay ng kanilang pamilya. Sa pamamagitan ng kanilang masipag at matiyagang paghahanap-buhay, ipinapakita nila ang kanilang pagmamahal para sa kanilang pamilya. 

Ang bawat isa'y tinatawag upang ipahayag ang pag-ibig sa pamamagitan ng mga salita't gawa. Kung paanong ang Diyos ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang ipakita ang Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus, kung paanong ang Mahal na Inang si Maria at si San Jose ay nagpahayag ng kanilang pag-ibig at pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pagtalima sa kanyang kalooban, ang bawat isa'y tinatawag ng Diyos upang magmahal. Ipakita ang pagmamahal para sa Diyos at kapwa. Kapag ito'y tinalima at tinupad ng bawat isa, ang bawat isa'y kalulugdan ng Diyos.