Biyernes, Enero 31, 2025

ANG DAPAT NATING IPAKILALA

1 Pebrero 2025
Ika-37 Anibersaryo ng Pagpasinaya at Pagtatalaga sa Simbahan ng Quiapo (Parokya ni San Juan Bautista) bilang Basilika Menor ng Nazareno 
Sabado ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Hebreo 11, 1-2. 8-19/Lucas 1/Marcos 4, 35-41


"Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?" Ito ang mga salitang binigkas ng mga apostol matapos nilang masaksihan kung paanong pigilin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang unos. Ang mga apostol ay namangha nang makita nila kung paanong pinatahimik ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang matinding bagyo. Hindi nila akalaing pati ang kalikasan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Nazareno. 

Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa tanong na ito ng mga apostol hingil sa pagkakilanlan ng Panginoong Jesus Nazareno na inilahad sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo. Ang Nazarenong ito ay hindi isang hamak na salamangkero. Katunayan, hindi kayang gawin ng sinumang salamangkero ang Kaniyang ginawa sa Ebanghelyo. Bagkus, ang Nazarenong ito ay ang Bugtong na Anak ng Diyos. Dahil diyan, pati ang kalikasan ay Kaniyang napasunod. Sumunod ang kalikasan sa Kaniya sapagkat Siya mismo ang lumikha sa kalikasan. 

Nakasentro sa pananalig sa Diyos ang tampok na pangaral sa Unang Pagbasa. Ang ama ng pananampalatayang si Abraham ay itinampok sa pangaral sa Unang Pagbasa bilang huwaran ng taos-pusong pananalig sa Diyos. Sa kabila ng mga mahihirap na sitwasyon sa buhay, ipinasiya pa rin ni Abraham na manalig at umasa sa Diyos. Kahit hindi madaling unawain ang mga sitwasyong kaniyang hinarap sa buhay, nanalig at umasa pa rin si Abraham sa Diyos. 

Tampok sa Salmong Tugunan ang mga salita mula sa Magnificat, ang Awit ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Buong isinalungguhit sa mga salitang ito na itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan ang pagiging maaasahan ng Diyos. Ang Panginoong Diyos ay dapat panaligan at asahan sa lahat ng oras. Hindi Siya nambibigo.

Kay Jesus Nazareno tayo manalig. Sa Kaniya lamang nagmumula ang tunay na pag-asa. Tunay nga Siyang maaasahan. Ipagmalaki natin ito sa lahat. 

Huwebes, Enero 30, 2025

LAGING UMAAASA SA DIYOS ANG MGA NANANALIG SA KANIYA

31 Enero 2025 
Paggunita kay San Juan Bosco, pari 
Hebreo 10, 32-39/Salmo 36/Marcos 4, 26-34 


Ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nakasentro sa mga salitang ito mula sa Unang Pagbasa: "Kaya't huwag kayong mawalan ng pananalig sa Diyos, sapagkat taglay nito ang dakilang gantimpala" (Hebreo 10, 35). Layunin ng mga salitang ito na isinulat ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa mga talatang inilahad sa Unang Pagbasa ay palakasin ang pananalig ng bawat mananampalataya. Sa pamamagitan ng taos-pusong pananalig sa Diyos, pinatutunayan ng bawat mananampalataya ang kanilang pag-asa sa Kaniya. Tunay ngang umaaasa sa Panginoong Diyos ang lahat ng mga taos-pusong nananalig sa Kaniya. 

Nakasentro sa taos-pusong pag-asa sa Panginoong Diyos ang mga salita ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Isa lamang ang aral na nais isalungguhit ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan hinggil sa usaping ito. Ang Panginoong Diyos ay dapat asahan ng bawat isa. Sa bawat sandali ng ating buhay dito sa mundo, umasa tayo sa Diyos. Lagi nating dapat asahan ang Diyos. Kung mayroong mga tao sa lupa na hindi natin maaasahan sa lahat ng oras, ibahin natin ang Diyos. Lagi nating maaasahan ang Diyos. Hindi Niya tayo bibiguin kailanman. 

Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nangaral sa pamamagitan ng mga talinghaga. Layunin ng mga talinghaga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na inilahad sa Ebanghelyo ay isalungguhit ang halaga ng taos-pusong pag-asa sa Diyos. Walang binibigo ang Diyos. Lagi Siyang maaasahan. Kaya naman, dapat nating ialay ang buo nating sarili sa Kaniya. Ipagkatiwala natin sa Panginoon ang lahat. Patunay lamang ito ng ating taos-pusong pananalig at pag-asa sa Kaniya. 

Magkakaugnay ang pananalig at pag-asa. Ang lahat ng mga nananalig sa Diyos nang taos-puso ay umaaasa sa Kaniya. 

Sabado, Enero 25, 2025

IPALAGANAP ANG TUNAY NA PAG-ASA

26 Enero 2025 
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Nehemias 8, 2-4a. 5-6. 8-10/Salmo 18/1 Corinto 12, 12-30 (o kaya: 12, 12-14. 27)/Lucas 1, 1-4. 4, 14-21 




Ang Ebanghelyo para sa Linggong ito ay tungkol sa pagpunta ni Jesus Nazareno sa isang sinagoga sa bayang Kaniyang nilakhan na walang iba kundi ang Nazaret. Doon, buong linaw na binasa ng Poong Jesus Nazareno ang mga salitang inilahad sa aklat ni Propeta Isaias tungkol sa Lingkod ng Panginoong Diyos. Matapos basahin ito, buong linaw rin Niyang inihayag sa Kaniyang mga kababayan sa Nazaret na Siya mismo ang katuparan ng mga salitang ito. Dumating ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na tinutukoy ng propesiyang ito na matatagpuan sa aklat ni Propeta Isaias. 

Buong linaw na inilarawan ng mga salita sa propesiyang ito ni Propeta Isaias tungkol sa ipinangakong Mesiyas na binasa ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Ebanghelyo kung ano ang Kaniyang idudulot sa Kaniyang pagdating. Ang pagdating ng Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos ay magdudulot ng pag-asa sa lahat. Isinagawa nga ito ng Nuestro Padre Jesus Nazareno nang dumating Siya sa mundo. 

Gaya ng inihayag nina Ezra, Nehemias, at ng mga Levita sa mga tao sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa, dapat magalak at magdiwang ang lahat dahil sa Diyos. Ang Diyos ay hindi nagdudulot ng lungkot at luha. Bagkus, ang Diyos ay nagdudulot ng galak at tuwa na bunga ng tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya. Lagi tayong pinagkakalooban ng tunay na pag-asa ng Diyos. Kaya, napupuspos tayo ng tuwa. 

Ipinaalala naman sa atin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung ano ang ating misyon bilang mga Kristiyano. Tayong lahat na bumubuo sa Simbahang tatag ni Kristo ay bahagi ng Kaniyang mistikal na Katawan. Dahil dito, tayong lahat ay may tungkulin na ibahagi at ipalaganap ang pag-asang Kaniyang dulot. 

Tunay na pag-asa ang dulot ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa lahat. Bilang mga bumubuo sa Kaniyang Simbahan, mayroon tayong tungkuling ibahagi at ipalaganap ang biyayang ito sa kapwa. 

Biyernes, Enero 24, 2025

MAY PAG-ASANG MAGBAGONG-BUHAY AT MAGBALIK-LOOB SA DIYOS

25 Enero 2025 
Kapistahan ng Pagbabagong-Buhay ni Apostol San Pablo 
Mga Gawa 22, 3-16 (o kaya: 9, 1-22)/Salmo 116/Marcos 16, 15-18 

Larawan: Conversión de San Pablo, Bartolomé de Cárdenas (c. 1575-1628). Iglesia Conventual de San Pablo, Valladolid. Public Domain.


Ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay nakatuon sa pag-asa ng bawat tao na makapagbagong-buhay at makapagbalik-loob sa Diyos. Habang ang bawat tao ay patuloy na namumuhay at naglalakbay sa mundong ito, mayroon silang pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Panginoon. Isang patunay nito ay walang iba kundi ang Santong itinatampok sa araw na ito na si Apostol San Pablo. Sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, ang ating mga pansin ay itinutuon sa sandali ng pagbabagong-buhay ni Apostol San Pablo. 

Tampok sa Unang Pagbasa sa araw na ito ang salaysay ng pagbabagong-buhay ng dakilang apostol na si Apostol San Pablo sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, mismong si Apostol San Pablo ang nagbahagi ng salaysay ng kaniyang pagbabagong-buhay sa kaniyang mga tagapakinig. Ibinahagi niya sa kaniyang mga tagapakinig kung paanong binago siya ng habag at awa ng Diyos, gaya ng inilarawan sa salaysay na itinampok at inilahad sa alternatibong Unang Pagbasa. Mula sa pagiging isang napakalupit at masigasig na taga-usig ng mga sinaunang Kristiyano, si Apostol San Pablo ay naging isang dakilang apostol at misyonero ng Simbahan. 

Hango mula sa mga salitang binigkas ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol bago Siya umakyat sa langit sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo sa araw na ito ang mga salita sa Salmong Tugunan. Isinalungguhit ng mga salitang ito ng Poong Jesus Nazareno ang dahilan kung bakit Niya binibigyan ng pag-asa ang tao upang makapagbagong-buhay at makapagbalik-loob sa Kaniya. Nais Niyang maging patunay ang mga nagbagong-buhay at nagbalik-loob sa Kaniya katulad na lamang ni Apostol San Pablo na tunay nga Siyang mahabagin at maawain. Ang lahat ng tao sa mundong ito ay mayroong pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob dahil sa habag at awa ng Poong Jesus Nazareno na tunay ngang dakila. 

Niloob ng Poong Jesus Nazareno na magkaroon ng pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob ang sangkatauhan. Dahil sa habag at awa ng Poong Jesus Nazareno, ang bawat isa sa atin ay Kaniyang binigyan ng tunay na pag-asa. Ibinigay Niya ito sa bawat isa sa atin noong tayong lahat ay iniligtas Niya sa pamamagitan ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. 

Sabado, Enero 18, 2025

SALAMIN NG PAG-IBIG AT PAG-ASANG DULOT NG DIYOS

24 Enero 2025
Paggunita kay San Francisco de Sales, obispo at pantas ng Simbahan 
Hebreo 8, 6-13/Salmo 84/Marcos 3, 13-19 




Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay tungkol sa pagkahirang sa mga apostol. Ang labindalawang apostol na ito ay hinirang at itinalaga ng Poong Jesus Nazareno upang sumunod at matuto sa Kaniya. Ang labindalawang apostol na ito ang magpapatuloy ng misyong sinimulan ng Poong Jesus Nazareno. Ang Mabuting Balita ng pagligtas ng Diyos sa tanan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno ay buong sigasig nilang patotohanan at ipapalaganap sa bawat sulok ng daigdig matapos tuparin ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong bumuo ng isang panibagong tipan sa buong sangkatauhan ang Diyos. Ang Diyos ay gumawa ng isang panibagong tipan sa tao sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Dumating Siya sa daigdig na ito upang buuin at pagtibayan ang panibagong tipan sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Katulad ng sabi sa Salmong Tugunan, ipinakita ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig sa tanan sa pamamagitan nito (Salmo 84, 8). Pag-ibig ang tanging dahilan kung bakit ang Diyos ay kusang-loob na nagpasiyang gumawa ng panibagong tipan sa sangkatauhansa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ipinagpapatuloy ng Simbahan sa kasalukuyan ang misyong ibinigay ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga apostol. Sa pamamagitan nito, patuloy na ipinapalaganap ng Simbahan ang tunay na pag-asang kusang-loob na ipinagkakaloob ng Diyos dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob para sa atin. 

Biyernes, Enero 17, 2025

BATANG NAGHATID NG TUNAY NA PAG-ASA

19 Enero 2025 
Kapistahan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol (K) 
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Lucas 2, 41-51 


"Bakit po ninyo Ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na Ako'y dapat na nasa bahay ng Aking Ama?" (Lucas 2, 49). Sa mga salitang ito na binigkas ng Batang Jesus Nazareno sa Mahal na Inang si Mariang Birhen at kay San Jose sa Ebanghelyo nakasentro ang pagninilay ng Simbahan para sa Linggong ito. Inihayag ni Jesus Nazareno nang buong linaw sa mga salitang ito na alam Niya kung ano ang Kaniyang misyon dito sa lupa, kahit na sa mga sandaling iyon ay labindalawang taong gulang pa lamang Siya. 

Ang Linggong ito, ang ikatlong Linggo ng buwan ng Enero, ay inilaan ng Simbahan sa Pilipinas para sa isang napakahalagang Kapistahan. Ang Kapistahang ito ay walang iba kundi ang Kapistahan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol. Ang titulong ito ng Panginoong Jesus Nazareno bilang Banal na Sanggol ay kilala rin natin bilang Santo Niño. Ang larawan ng Banal na Sanggol o Santo Niño ay isang paalala na niyakap, hinarap, at tinanggap ng Panginoong Jesus Nazareno ang bawat bahagi o yugto ng buhay ng bawat tao alang-alang sa atin. 

Hindi naman kinailangang gawin ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Mas madali para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na dumating sa mundong ito taglay ang buo Niyang kaluwalhatian bilang Diyos upang lipulin ang mga puwersa ng kasalanan at kamatayan. Kayang-kaya naman ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan na walang kahirap-hirap. 

Kahit na kayang-kaya tayong tubusin ng Poong Jesus Nazareno na walang kahirap-hirap, ipinasiya pa rin Niyang daanan at harapin ang bawat yugto ng buhay ng bawat tao upang maihatid Niya sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asa. Ipinapakita Niya sa atin na tunay natin Siyang maaasahan. Hindi natin mahahanap ang tunay na pag-asa dito sa lupa. Matatagpuan lamang natin ito sa Poong Jesus Nazareno. Pinatunayan Niya ito sa pamamagitan ng kusang-loob Niyang pagharap at pagtanggap sa bawat yugto ng buhay ng bawat tao. 

Inihayag sa Unang Pagbasa na isang sanggol na lalaki ang ipagkakaloob ng Diyos sa tanan. Sa pamamagitan ng sanggol na lalaki na ito, darating sa mundo ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Panginoong Diyos. Nakasentro naman sa dahilan kung bakit kusang-loob na ipinasiya ng Panginoong Diyos na gawin ito ang tampok na pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos para sa atin, ang sanggol na lalaking ito na walang iba kundi ang Senor Jesus Nazareno ay kusang-loob Niyang ipinagkaloob sa atin. Sa Ebanghelyo, ipinakita ng Batang Nuestro Padre Jesus Nazareno na sa murang edad pa lamang ay alam na Niya ang Kaniyang misyon.

Gaya ng nasasaad sa Salmong Tugunan: "Kahit saa'y namamalas ang tagumpay ng Nagliligtas" (Salmo 97, 3k). Sa pamamagitan ng Kaniyang tagumpay na tunay ngang kahanga-hanga, nagdulot ng pag-asa ang Diyos. Ipinalaganap ng Panginoong Diyos ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng tagumpay Niyang tunay ngang kahanga-hanga. Nahayag ito sa pamamagitan ng pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos na walang iba kundi si Jesus Nazareno. 

Dumating ang Poong Jesus Nazareno sa mundo upang ipagkaloob sa atin ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Isinagawa Niya ito sa pamamagitan ng kusang-loob Niyang pagtanggap at pagharap sa bawat yugto ng ating buhay sa lupa bilang mga tao. 

Huwebes, Enero 16, 2025

TUNAY NA PANANALIG AT PAG-ASA SA MAHAL NA POON

17 Enero 2025 
Paggunita kay San Antonio, abad 
Hebreo 4, 1-5. 11/Salmo 77/Marcos 2, 1-12


"Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng Diyos" (Salmo 77, 7k). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan para sa araw na ito nakasentro ang taimtim na pagninilay ng Simbahan. Isa itong napakahalagang paalala para sa bawat isa sa atin. Ang mga tunay na umaaasa sa Diyos ay hindi nakakalimot sa lahat ng Kaniyang mga gawa. 

Sa Unang Pagbasa, isinalungguhit ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo kung gaano kahalaga ang pagsusumikap na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ito ang magpapatunay ng ating pag-asa sa Panginoong Diyos. Kung tunay tayong umaaasa sa Panginoong Diyos, magsusumikap tayong mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin sa bawat sandali ng ating buhay dito sa lupa. Gaya ng mga nagdala sa paralitiko sa Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Ebanghelyo, dapat nating patunayan ang ating pananalig at pag-asa sa Kaniya.

Ang mga tunay na nananalig at umaaasa sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi nakakalimot sa lahat ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa. Dahil dito, lagi nilang pinagsisikapang mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin nang sa gayon ay makasama nila Siya sa langit magpakailanman.