Biyernes, Enero 17, 2025

BATANG NAGHATID NG TUNAY NA PAG-ASA

19 Enero 2025 
Kapistahan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol (K) 
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Lucas 2, 41-51 


"Bakit po ninyo Ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na Ako'y dapat na nasa bahay ng Aking Ama?" (Lucas 2, 49). Sa mga salitang ito na binigkas ng Batang Jesus Nazareno sa Mahal na Inang si Mariang Birhen at kay San Jose sa Ebanghelyo nakasentro ang pagninilay ng Simbahan para sa Linggong ito. Inihayag ni Jesus Nazareno nang buong linaw sa mga salitang ito na alam Niya kung ano ang Kaniyang misyon dito sa lupa, kahit na sa mga sandaling iyon ay labindalawang taong gulang pa lamang Siya. 

Ang Linggong ito, ang ikatlong Linggo ng buwan ng Enero, ay inilaan ng Simbahan sa Pilipinas para sa isang napakahalagang Kapistahan. Ang Kapistahang ito ay walang iba kundi ang Kapistahan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol. Ang titulong ito ng Panginoong Jesus Nazareno bilang Banal na Sanggol ay kilala rin natin bilang Santo Niño. Ang larawan ng Banal na Sanggol o Santo Niño ay isang paalala na niyakap, hinarap, at tinanggap ng Panginoong Jesus Nazareno ang bawat bahagi o yugto ng buhay ng bawat tao alang-alang sa atin. 

Hindi naman kinailangang gawin ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Mas madali para sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na dumating sa mundong ito taglay ang buo Niyang kaluwalhatian bilang Diyos upang lipulin ang mga puwersa ng kasalanan at kamatayan. Kayang-kaya naman ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan na walang kahirap-hirap. 

Kahit na kayang-kaya tayong tubusin ng Poong Jesus Nazareno na walang kahirap-hirap, ipinasiya pa rin Niyang daanan at harapin ang bawat yugto ng buhay ng bawat tao upang maihatid Niya sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asa. Ipinapakita Niya sa atin na tunay natin Siyang maaasahan. Hindi natin mahahanap ang tunay na pag-asa dito sa lupa. Matatagpuan lamang natin ito sa Poong Jesus Nazareno. Pinatunayan Niya ito sa pamamagitan ng kusang-loob Niyang pagharap at pagtanggap sa bawat yugto ng buhay ng bawat tao. 

Inihayag sa Unang Pagbasa na isang sanggol na lalaki ang ipagkakaloob ng Diyos sa tanan. Sa pamamagitan ng sanggol na lalaki na ito, darating sa mundo ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Panginoong Diyos. Nakasentro naman sa dahilan kung bakit kusang-loob na ipinasiya ng Panginoong Diyos na gawin ito ang tampok na pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos para sa atin, ang sanggol na lalaking ito na walang iba kundi ang Senor Jesus Nazareno ay kusang-loob Niyang ipinagkaloob sa atin. Sa Ebanghelyo, ipinakita ng Batang Nuestro Padre Jesus Nazareno na sa murang edad pa lamang ay alam na Niya ang Kaniyang misyon.

Gaya ng nasasaad sa Salmong Tugunan: "Kahit saa'y namamalas ang tagumpay ng Nagliligtas" (Salmo 97, 3k). Sa pamamagitan ng Kaniyang tagumpay na tunay ngang kahanga-hanga, nagdulot ng pag-asa ang Diyos. Ipinalaganap ng Panginoong Diyos ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng tagumpay Niyang tunay ngang kahanga-hanga. Nahayag ito sa pamamagitan ng pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos na walang iba kundi si Jesus Nazareno. 

Dumating ang Poong Jesus Nazareno sa mundo upang ipagkaloob sa atin ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Isinagawa Niya ito sa pamamagitan ng kusang-loob Niyang pagtanggap at pagharap sa bawat yugto ng ating buhay sa lupa bilang mga tao. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento