12 Hunyo 2025
Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggan at Dakilang Pari (K)
Isaias 6, 1-4. 8/Salmo 23/Juan 17, 11-28
Larawan: John Roddam Spencer Stanhope (1829–1908), The Wine Press (c. 1864). Tate Britain. Public Domain.
Ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Inang Simbahan sa araw na ito ay inilaan para sa taimtim na pagninilay sa pagiging pari ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tiyak na lingid sa kaalaman ng marami ang pagkapari ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Isa ring pari ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, isa sa Kaniyang mga titulo na hindi na mabilang dahil sa dami nito ay ang titulo ng Walang Hanggan at Dakilang Pari. Dahil inihandog ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang pinakadakilang hain o handog, kinikilala Siya bilang Walang Hanggan at Dakilang Pari.
Sa Unang Pagbasa, ibinahagi ni Propeta Isaias kung paanong hinirang siya ng Diyos upang maging Kaniyang propeta. Nagpakita kay Propeta Isaias ang Panginoong Diyos taglay ang buo Niyang kaluwalhatian at kadakilaan. Ang Panginoong Diyos mismo ay ang humirang kay Propeta Isaias upang maging Kaniyang propeta sa Kaniyang hirang na bayan dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Ipinakilala ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang Panginoon bilang Mabuting Pastol. Buong linaw na inilarawan sa bawat taludtod ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa para sa Kaniyang kawan. Sa Ebanghelyo, ang Poong Jesus Nazareno ay nanalangin sa Unang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Ama sa langit para sa lahat ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya.
Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa ating lahat, ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maging Walang Hanggan at Dakilang Pari. Ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya ay Kaniyang idinulot sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang pagkapari.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento