Linggo, Mayo 18, 2025

PAG-ASANG MAGPAPALAKAS NG LOOB AT MAGDUDULOT NG TUWA AT GALAK

31 Mayo 2025 
Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria 
Sofonias 3, 14-18 (o kaya: Roma 12, 9-16b)/Isaias 12/Lucas 1, 39-56 


Dalhin ang bukal ng tunay na pag-asa. Ito ang aral na isinasalungguhit ng Simbahan sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito na walang iba kundi ang Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria. Ang pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang kamag-anak na si Elisabet ay pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito na inilaan para sa Kapistahang ito. Sa kabila ng kaniyang pagdadalantao, ipinasiya pa rin ng Mahal na Birheng Maria na dalawin ang kaniyang kamag-anak na nagdadalantao rin sa mga sandaling yaon na walang iba kundi si Elisabet. Nang ipinasiya ni Maria na gawin ito, inihatid niya sa kaniyang kamag-anak na si Elisabet ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos na inihayag ni Jesus Nazareno. 

Ang salaysay ng pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang kamag-anak na sa mga sandaling yaon ay nagdadalantao rin katulad niya na si Elisabet ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng kaniyang pasiyang dalawin si Elisabet na nagdadalantao rin gaya niya sa mga sandaling yaon, ibinahagi ng Mahal na Birhen sa kamag-anak niyang si Elisabet ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang kaniyang tinanggap mula sa Diyos. Tinanggap niya ito nang tanggapin niya ang misyong bigay sa kaniya ng Diyos na maging ina ng Poong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol na dinadala niya sa kaniyang sinapupunan. 

Gaya ng buong linaw na inihayag sa Unang Pagbasa at sa Salmong Tugunan, ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos ay mananahan sa piling ng Kaniyang bayang hinirang. Natupad ang mga pahayag na ito sa Lumang Tipan sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos - ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Sa alternatibong Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo nang buong linaw kung ano ang dapat nating gawin. Isa lamang ang nais iparating ng pangaral na ito ni Apostol San Pablo na itinampok at inilahad sa alternatibong Unang Pagbasa para sa pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Kailangan nating ibahagi sa kapwa-tao ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang tinanggap natin mula sa Diyos. 

Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ni Kristo, dapat nating ibahagi ang tunay na pag-asang kusang-loob Niyang ipinagkaloob sa ating lahat. Ang dakilang biyayang ito ay magpapalakas sa ating mga puso at loobin at magbibigay ng tuwa at galak sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento