16 Mayo 2025
Biyernes sa Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 13, 26-33/Salmo 2/Juan 14, 1-6
Larawan: Albrecht Altdorfer (1480–1538). The Resurrection of Christ (c. 1518). Kunsthistorisches Museum in Vienna, Austria. Public Domain.
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay muling nakatuon sa tunay na pagkakilanlan ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa. Ito ay isa sa mga pangunahing katotohanang pinapahalagahan at sinasampalatayanan ng Simbahan. Tunay na Diyos at tunay na tao ang Poong Jesus Nazareno. Hindi isang tao lamang ang Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ang Poong Jesus Nazareno ay tunay na Diyos na nagpasiyang maging tunay na tao nang sumapit ang takdang panahon. Ang pinakadakilang patunay nito ay ang Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay.
Sa Unang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pablo sa mga taga-Antioquia tungkol sa tunay na pagkakilanlan ng Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Ito ang katotohanang lubos na pinapahalagahan at sinasampalatayanan ng Inang Simbahan mula noon hanggang ngayon. Ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ay ang Bugtong na Anak ng Diyos. Bilang Bugtong na Anak ng Diyos, tunay rin Siyang Diyos gaya ng Amang nasa langit at ng Espiritu Santo. Noong sumapit ang takdang panahon, ipinasiya Niyang maging tunay na tao katulad natin, maliban sa kasalanan, upang iligtas tayo sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay.
Ipinakilala ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili sa mga apostol sa Ebanghelyo bilang Daan, Katotohanan, at Buhay. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, buong linaw na inihayag ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno na sa Kaniya tayo dapat manalig at umasa. Bilang mga bumubuo sa Simbahang Siya mismo ang nagtatag, dapat manalig at umasa tayo sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi Siya, ang Daan, Katotohanan, at Buhay.
Tayong lahat ay pinaalalahanan sa araw na ito na ang bukal ng tunay na pag-asa ay ang Daan, Katotohanan, at Buhay. Sa Kaniya tayo manalig at umasa. Ipagkatiwala natin sa Kaniya ang lahat ng mga nauukol sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento