Sabado, Hunyo 28, 2025

TAGAPAGPALAGANAP NG TUNAY NA PAG-ASANG NAGMUMULA SA DIYOS

6 Hulyo 2025 
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 66,10-14k/Salmo 65/Galacia 6, 14-18/Lucas 10, 1-12. 17-20 


Ang Ebanghelyo para sa Linggong ito ay tungkol sa paghirang at pagtalaga ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa 72 apostol. Hinirang at itinalaga ng Poong Jesus Nazareno ang 72 apostol na ito upang maging mga misyonero sa bawat panig at sulok ng bayang Israel. Bilang mga misyonero, ang pagdating ng kaharian ng Diyos ay kanilang patotohanan sa lahat. Gaya ni San Juan Bautista na nauna sa Poong Jesus Nazareno upang ihanda ang Kaniyang daraanan, ipapahayag ng 72 apostol sa lahat ng mga Israelita na nalalapit na ang paghahari ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ibinabahagi ng 72 apostol sa lahat ng mga Israelita ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos. 

Inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa ang pangako ng Panginoong Diyos para sa bayang Kaniyang hinirang na walang iba kundi ang Israel. Layunin ng Panginoong Diyos ay biyayaan ng tunay na pag-asa ang Kaniyang bayang hinirang na walang iba kundi ang Israel sa pamamagitan ng pangakong ito. Buong linaw na isinasalungguhit ng pangakong ito ng Panginoong Diyos na hinding-hindi Niya bibiguin kailanman ang lahat ng Kaniyang mga pinangakuan. Pagdating ng panahong Kaniyang itinakda, ang mga pangakong binitiwan katulad na lamang ng pangakong binitiwan Niya sa Unang Pagbasa ay Kaniyang tutuparin. Hindi Siya nakakalimot o nambibigo. Kaya nga, Siya ang bukal ng tunay na pag-asa. Tunay nga Siyang maaasahan.

Sa Ikalawang Pagbasa, isinentro ni Apostol San Pablo sa Krus ni Jesus Nazareno ang kaniyang pangaral. Buong linaw na inihayag ni Apostol San Pablo na ipinagmamapuri at ipinagmamalaki niya nang buong puso ang Krus ni Jesus Nazareno. Ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos ay Kaniyang ipinagkaloob sa lahat ng tao sa daigdig sa pamamagitan ng Krus ni Jesus Nazareno. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, kagandahang-loob, at awa, ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa lahat ng mga tao sa daigdig ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. 

Katulad ng nasasaad sa Salmong Tugunan: "Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo'y isigaw" (Salmo 65, 1). Buong linaw na inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan na sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos lamang nagmumula ang galak ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya. Sa kabila ng mga hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pag-uusig sa buhay dito sa daigdig, puspos pa rin ng galak ang lahat ng mga taos-pusong nanalig at umaaasa sa Diyos. Dahil sa Diyos na tunay ngang makapangyarihan, may pag-asa. Ito ang nagbibigay ng galak at sigasig sa lahat ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya. 

Nais ng Diyos na makilala Siya ng lahat ng tao sa daigdig bilang bukal ng tunay na pag-asa. Ito ang dahilan kung bakit tayong lahat ay Kaniyang hinihirang at itinatalaga upang ibahagi sa lahat ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya.  

Biyernes, Hunyo 27, 2025

DAHIL SA KABUTIHAN NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

4 Hulyo 2025 
Biyernes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Genesis 23, 1-4. 19; 24, 1-8. 62-67/Salmo 105/Mateo 9, 9-13


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa kabutihan ng Diyos. Dahil sa kabutihan ng Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa, lagi Niya tayong binibiyayaan. Sa pamamagitan nito, lagi tayong hinihimok at hinihikayat ng Diyos na maging Kaniyang mga tapat na lingkod at saksing nananalig at umaaasa sa Kaniya. Habang ang bawat isa sa atin ay patuloy na namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa daigdig, hindi tayo sinusukuan ng Diyos. Lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Kaniya. Dahil sa kabutihan ng Diyos, laging may pag-asa. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang kasaysayan ng pag-iibigan nina Isaac at Rebecca. Isa itong kuwento ng busilak na pag-iibigan. Tapat at dalisay ang pag-ibig nina Isaac at Rebecca. Ipinagkaloob ng Diyos sina Isaac at Rebecca sa isa't isa dahil sa Kaniyang kabutihan. Para kina Isaac at Rebecca, sila'y biyaya ng Diyos para sa isa't isa. Kung hindi dahil sa kabutihan ng Diyos, hindi sila magtatagpo at magiging mag-asawa. Sa Ebanghelyo, si Apostol San Mateo ay tinawag at hinirang ng Poong Jesus Nazareno upang sumunod sa Kaniya. Bagamat hindi siya tinanggap ng lipunan dahil isa siyang maniningil ng buwis, tinawag at hinirang pa rin siya ng Poong Jesus Nazareno. Hindi na naging karaniwan ang kaniyang buhay mula sa sandaling yaon. 

Gaya ng buong linaw na inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Pasalamat tayo sa D'yos, kabutihan Niya'y lubos" (Salmo 105, 1a). Dahil sa Kaniyang kabutihan, lagi Niya tayong binibiyaan. Sa pamamagitan nito, lagi Siyang nakikiusap sa bawat isa sa atin na pahintulutan natin Siyang baguhin ang ating mga buhay. Nais ng Diyos na maging mga daluyan ng tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula ang bawat isa sa atin. 

Tayong lahat ay muling pinaalalahanan sa araw na ito na mabuti ang bukal ng tunay na pag-asa. Dahil sa kabutihan ng Diyos, lagi Niyang idinudulot sa atin ang tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng pagbuhos ng Kaniyang biyaya sa atin. Layunin ng Diyos ay baguhin ang ating mga buhay nang sa gayon ay maging mga daluyan ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula ang bawat isa sa atin. 

Miyerkules, Hunyo 25, 2025

KAGITINGANG KALOOB NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

29 Hunyo 2025 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
[Pagmimisa sa Araw] 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 


Ang Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo ay nakatuon sa hindi pagpapabaya ng Diyos sa Kaniyang mga hirang na lingkod. Lagi Niyang sinasamahan, kinukupkop, pinapatnubayan, ginagabayan, ipinagsasanggalang at kinakalinga. Hindi Niya sila pinababayaan kailanman. Sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang gawin ito, idinudulot Niya sa Kaniyang mga hirang na lingkod ang tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula. Dahil dito, ang lahat ng Kaniyang mga hinirang upang maging Kaniyang mga lingkod ay hindi natatakot at nasisindak sa lahat ng mga pag-uusig at pagsubok sa buhay. Kahit sarili nilang buhay ang magiging kapalit nito, ang Diyos na Siyang bukal ng tunay na pag-asa ay kanila pa ring paglilingkuran. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong iniligtas ng Diyos si Apostol San Pedro mula sa kamatayan sa ilalim ng pamumuno ni Haring Herodes. Isinugo ng Diyos ang isa sa Kaniyang mga anghel sa langit upang palayain at itakas mula sa bilangguan si Apostol San Pedro. Katunayan, nangyari ito nang palihim sa kadiliman ng gabi. Kung hindi dahil sa pasiyang ito ng Diyos, mamamatay si Apostol San Pedro. Nagpatotoo tungkol sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng bukal ng tunay na pag-asa - ang Diyos - si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Hindi natakot sa lahat ng mga panganib, pagsubok, at pag-uusig sa lupa si Apostol San Pablo dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Ang mga salitang binigkas ng mang-aawit sa Salmo ay buong kagitingang pinatotohanan nina Apostol San Pedro at San Pablo. 

Inilarawan sa salaysay na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo kung paanong naging unang Santo Papa ng Simbahan si Apostol San Pedro. Hinirang at itinalaga ng Poong Jesus Nazareno si Apostol San Pedro upang maging unang Santo Papa ng Simbahan, ang pamayanang bubuin ng lahat ng Kaniyang mga lingkod na nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso na itatayo at itatatag Niya mismo para sa kanila. Sa rito ng paghirang kay Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Kaniyang Simbahan, buong linaw na ipinangako ng Poong Jesus Nazareno na hindi Niya pababayaan ang Kaniyang Simbahan na pamumunuan at pangangasiwaan ni Apostol San Pedro at ng mga hahalili sa nasabing apostol bilang Kaniyang Bikaryo sa lupa.

Hindi pinababayaan ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang Simbahan. Bagkus, lagi Niyang sasamahan ang tunay na Simbahang Kaniyang itinatag. Sa pamamagitan nito, lagi Niyang idinudulot sa Simbahang Kaniyang tatag ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang bunga nito ay kagitingan at katapatan sa Kaniya hanggang sa huli.

Sabado, Hunyo 21, 2025

ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA AY KANILANG IPINAKILALA

28 Hunyo 2025 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 18/Galacia 1, 11-20/Juan 21, 15-19 


Nakatuon ang Bisperas ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo sa pagpapalaganap ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos. Bilang mga dakilang apostol at misyonero, ang unang Santo Papa na si Apostol San Pedro at si Apostol San Pablo ay sumaksi sa bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno sa lahat. Sa kabila ng mga tukso, pagsubok, at pag-uusig na kanilang hinarap, binata, at tiniis hanggang sa sandali ng kanilang kamatayan bilang mga martir, hindi sila tumigil o huminto sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita saan man sila tumungo. Bagkus, ipinangaral at ipinalaganap nila ito nang buong kagitingan. Sa pamamagitan nito, ang bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno ay ipinakilala nila sa lahat. 

Sa Unang Pagbasa, itinampok ang salaysay ng pagpapagaling sa isang lalaking lumpo mula sa sandali ng kaniyang pagsilang sa mundo. Nang gumaling ang lalaking lumpo, buong linaw na inihayag ng unang Santo Papa na si Apostol San Pedro na hindi siya o ang kaniyang kasama sa mga sandaling yaon na si Apostol San Juan ang may gawa ng himalang ito kundi ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Buong linaw na ipinahayag ng mang-aawit na tampok sa Salmo na pupurihin ng lahat ang Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, nagpatotoo si Apostol San Pablo tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, hinirang at itinalaga siya upang maging apostol at misyonero ng Simbahan. Kahit na inusig niya ang mga sinaunang Kristiyano, hindi ito naging dahilan para sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang huwag hirangin at italaga si Apostol San Pablo bilang isang apostol at misyonero ng Kaniyang Simbahan. Sa Ebanghelyo, ipinaliwanag ng Panginoong Jesus Nazareno sa apostol na hinirang at itinalaga Niya upang maging unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro kung ano ang kaniyang misyon at tungkulin bilang Kaniyang bikaryo sa daigdig na ito. Patuloy itong ginagampanan ng mga Santo Papang sumunod o humalili sa kaniya. 

Buong sigasig at kagitingang ipinalaganap nina Apostol San Pedro at San Pablo ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos sa langit sa pamamagitan ng pangangaral at pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Ipinakilala nila sa lahat ang Poong Jesus Nazareno bilang bukal ng tunay na pag-asa. Ang kanilang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos ay kanilang ipinahayag sa bawat oras at sandali ng kanilang misyon bilang mga apostol at misyonero ng Panginoon.

Biyernes, Hunyo 20, 2025

DALISAY ANG PUSO NG MGA TUNAY NA UMAAASA SA DIYOS

28 Hunyo 2025 
Paggunita sa Kalinis-Linisang Puso ng Birheng Maria 
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51 




Kalinis-Linisang Puso ng Birheng Maria. Isa lamang ang isinasalungguhit ng mga salitang ito na naglalarawan sa Puso ng Mahal na Birheng Maria. Malinis ang puso ng Mahal na Birheng Maria dahil sa kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Ang pasiyang ito ay lagi niyang isinabuhay sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa daigdig. Gaano mang kahirap itong gawin dahil sa mga tukso at pagsubok sa daigdig, ipinasiya pa rin ng Mahal na Birheng Maria na manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Bilang patunay ng nasabing pasiya, pinahintulutan niyang mangyari ang mga plano at kalooban ng Diyos. Namuhay siya ayon sa loobin ng Diyos. 

Ang salaysay ng paghahanap sa Batang Panginoong Jesus Nazareno sa Templo ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Matapos hanapin sa Templo ang Batang Poong Jesus Nazareno, inilarawan kung ano ang ginawa ng Mahal na Birheng Maria. Kahit hindi niya maintindihan kung bakit nangyari ang lahat ng iyon, iningatan pa rin niya sa kaniyang puso ang lahat ng mga nangyari. Sa pamamagitan nito, pinahintulutan niya na maghari ang Diyos sa kaniyang buhay. Katunayan, maaari itong ituring na isang paghahanda para sa mga kaganapang kaugnay ng dakilang misyon at tungkulin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Hindi titigil o hihinto ang Mahal na Birheng Maria sa pagtanggap at pagsunod sa plano at loobin ng Diyos, gaano man kahirap itong gawin. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag na ang Panginoong Diyos ay pupurihin ng lahat ng mga bansa. Ang Panginoong Diyos ay kikilalanin, pararangalan, at sasambahin ng lahat ng mga bansa sa daigdig. Itinuturo ng Mahal na Birheng Maria kung paano mag-alay ng taos-pusong papuri at pagsamba sa Panginoong Diyos. Mamuhay ayon sa mga utos at loobin ng Diyos. Buksan ang mga sarili sa Kaniyang mga utos at loobin. Hayaan nating maghari ang Diyos sa ating buhay. Pahintulutan natin Siyang dalisayin tayo. 

Gaya ng buong linaw na inihayag ni Ana na ina ni Samuel sa kaniyang awit ng papuri na inilahad sa Salmong Tugunan: "Diyos kong Tagapagligtas, pinupuri Kitang wagas" (1 Samuel 2, 1a). Ang mga may malinis, dalisay, at busilak na puso ay mga nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso. Sila yaong mga naghahandog ng taos-pusong papuri at pagsamba sa Diyos na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. 

Tunay ngang nalulugod ang Diyos sa lahat ng mga nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso. Sila yaong mga nagbibigay ng pahintulot sa Kaniya na dalisayin at linisin ang kanilang mga puso. Pinahihintulutan nilang maging hari ng kanilang buhay ang Diyos. Ito ang itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria. 

Huwebes, Hunyo 19, 2025

MAY PUSO ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

27 Hunyo 2025 
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno (K) 
Ezekiel 34, 11-16/Salmo 22/Roma 5, 5b-11/Lucas 15, 1-7 


Kapag ang Simbahan ay nasa Taon K, ang mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno ay nakatuon sa kabutihan, habag, at awa ng Diyos para sa tanan. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na isinasagisag ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus Nazareno, hindi ipinagkait ng Diyos ang Kaniyang kabutihan sa tanan. Hindi Siya nagsasawang ipakita sa tanan ang Kaniyang kabutihan. Lagi Niyang ipinapakita ang Kaniyang kabutihan sa tanan, sa kabila ng mga kasalanang nagawa ng bawat tao sa mundo laban sa Kaniya. 

Sa Tagalog, sinasabi nating may puso ang isang tao kapag gumagawa sila ng mabuti. Ito ang ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito. May puso rin ang Diyos. Ang Diyos ay tunay ngang mabuti sa lahat ng tao sa lupa. Para sa Diyos, hindi dahilan ang pagiging makasalanan ng lahat ng tao upang ang Kaniyang kabutihan ay ipagkait sa kanila. Hindi Siya mapaghiganti. Bagkus, mabuti, mahabagin, at maawain Siya. 

Buong linaw na ipinahayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias ang Kaniyang pasiyang maging pastol ng Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinasiya Niyang maging tunay na Pastol. Nakatuon sa titulo ng Panginoong Diyos bilang tunay na pastol ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos nakatuon ang pangaral ng dakilang misyonero at apostol na si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ito ang ugat ng lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Ang pagpapahalaga ng Diyos para sa tanan, maging sa pinakamaliit o pinakaaba, ay buong linaw na inilarawan ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Mahalaga ang lahat sa paningin ng Diyos. 

Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos para sa ating lahat, ipinagkakaloob Niya sa ating lahat ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos ay isang biyaya. Biniyayaan tayo ng Diyos ng tunay na pag-asa. Sa pamamagitan nito, ipinapaalala sa atin ng Panginoong Diyos na mayroon tayong maaasahan sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa mundong ito na walang iba kundi Siya. 

Nagmumula lamang sa Diyos ang biyaya ng tunay na pag-asa. Laging ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang nasabing biyaya dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa atin. Sa pamamagitan nito, nakikiusap sa atin ang Diyos na sa Kaniya tayo manalig at umasa nang taos-puso. 

Sabado, Hunyo 14, 2025

SA PAMUMUHAY NANG BANAL AT PAYAK, NAHAHAYAG ANG TAOS-PUSONG PASIYANG MANALIG AT UMASA SA DIYOS

26 Hunyo 2025 
Paggunita kay San Josemaria Escriva de Balaguer, pari 
Huwebes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
Genesis 16, 1-12. 15-16 (o kaya: 16, 6b-12. 15-16)/Salmo 105/Mateo 7, 21-29 


Mamuhay nang banal at payak. Ito ang layunin ng samahang tinatawag na Opus Dei, ang samahang itinatag ng Santong ginugunita ng Simbahan sa araw na ito na si San Josemaria Escriva de Balaguer. Hindi nababatay sa kalagayan o estado ng bawat isa sa atin sa lipunan ang pamumuhay nang banal. Anuman ang kalagayan o estado sa buhay ng bawat isa sa atin, maaari tayong makapamuhay nang banal at payak. Lagi tayong binibigyan ng pagkakataong mamuhay nang banal at payak. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang salaysay ng pagsilang ng isa sa mga anak ng ama ng pananampalataya na walang iba kundi si Abraham na si Ismael. Tiyak na magtataka ang ilan sa ugnayan ng salaysay na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa sa Opus Dei o 'di kaya sa mga aral na nais isalungguhit ng tagapagtatag ng nasabing samahan na si San Josemaria Escriva. Katunayan, mismong si Sara ang naghikayat sa kaniyang kabiyak ng pusong si Abraham na sipingin ang kanilang aliping si Agar na taga-Ehipto upang matiyak na si Abraham ay magkakaroon nga ng anak. Saka lamang napuno ng inggit at selos si Sara nang magkaanak nga si Agar kay Abraham. Paano nga ba natin maiuugnay ito sa Opus Dei? Kung tutuusin, maaari itong ituring na isang iskandalo. Hindi biro ang iskandalong ito. 

Kahit sino pa tayo, anuman ang ating nakaraan o pinagmulan, maaari pa ring tahakin ng bawat isa sa atin ang landas ng kabanalan. Maaari pa rin nating tahakin sa bawat sandali ng ating payak na pamumuhay sa mundong ito ang landas ng kabanalan. Ang bawat oras at sandali ng pansamantala nating pamumuhay sa mundong ito ay mga pagkakataong ipinagkaloob ng Diyos sa atin upang tahakin ang landas ng kabanalan. Hindi ito para sa mga piling tao lamang. Bagkus, para ito sa ating lahat. 

Ito ang dahilan kung bakit hinikayat ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang lahat na laging magpasalamat sa Panginoong Diyos. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, awa, habag, at kabutihan, tayong lahat ay Kaniyang binibigyan ng pagkakataong mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Kahit sa mga sandaling hindi natin akalain, ang bawat isa sa atin ay binibigyan ng Panginoong Diyos ng pagkakataon upang maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Hindi hadlang ang estado, kalagayan, at posisyon sa buhay at lipunan. 

Ang Ebanghelyo ay tungkol sa taos-pusong pagtahak sa landas ng kabanalan. Buong linaw na isinalungguhit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tapat at taos-pusong pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Hindi sapat ang mga salitang binibigkas ng ating mga labi. Bagkus, kinakailangan natin itong isabuhay sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig. 

Upang maipahayag nating nananalig at umaasa tayo sa Diyos nang taos-puso, dapat nating pagsikapang hanapin ang kabanalan sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang kabanalan ay mahahanap natin sa kapayakan ng buhay. Hindi lamang mahahanap sa mga 'di pangkaraniwang bahagi at sandali ng buhay. Bagkus, mahahanap rin natin ang kabanalan sa mga payak at karaniwang sandali ng buhay. 

Wala tayong dahilan upang ang landas ng kabanalan ay hindi tahakin. Kung tunay at taos-puso nga tayong nananalig at umaaasa sa Diyos, ang Kaniyang mga utos at loobin ay lagi nating isasabuhay sa bawat sandali ng ating buhay sa daigdig. Huwag nating gawing dahilan ang ating kalagayan, posisyon, at estado sa buhay upang hindi mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Bilang mga Kristiyano, dapat mamuhay tayo nang banal at payak. 

Biyernes, Hunyo 13, 2025

ANG KABUTIHAN NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

24 Hunyo 2025 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
[Pagmimisa sa Araw]
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 


Ang taunang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista na idinadaos taun-taon pagsapit ng ika-24 ng Hunyo ay nakatuon sa kabutihan ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Ipinasiya ng Diyos na ibigay si San Juan Bautista na Kaniyang hinirang at itinalaga upang maging tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa magkabiyak ng pusong sina Zacarias at Elisabet upang maging kanilang anak. Sa kabila ng katandaan ng magkabiyak ng pusong sina Zacarias at Elisabet noong mga sandaling yaon, ipinasiya pa rin ng Diyos na sa kanila ipagkaloob ang sanggol na si San Juan Bautista bilang kanilang anak. 

Sa Unang Pagbasa, isinentro ni Propeta Isaias ang kaniyang pahayag sa paghirang at pagtalaga ng Panginoong Diyos sa Kaniyang mga lingkod. Ang sambayanang hinirang at itinalaga Niya upang maging Kaniya na walang iba kundi ang Israel ay kabilang rito. Bago pa man isilang ang bawat isa sa daigdig na ito, alam na ng Diyos kung ano ang magiging misyon, tungkulin, gampanin, at papel ng tanan. Ibubunyag at ibibigay Niya ito sa bawat isa sa panahong Kaniyang itinakda. Nakasentro rin sa katotohanang ito ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. May mga plano ang Diyos para sa atin. Sa Ikalawang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pablo tungkol sa misyon ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. Binanggit rin ni Apostol San Pablo ang misyon ng Kaniyang kamag-anak na walang iba kundi si San Juan Bautista na hinirang at itinalaga ng Amang nasa langit upang ihanda ang daraanan ng Kaniyang Bugtong na Anak na ibinigay naman Niya sa tanan bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa Ebanghelyo, ang salaysay ng pagsilang ni San Juan Bautista na hinirang at itinalaga upang maging tagapagpauna ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay itinampok at inilahad. Ang pagiging isang biyaya ng Diyos ni San Juan Bautista ay buong linaw na isinalungguhit. 

Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos, ipinagkaloob ang sanggol na si San Juan Bautista sa mag-asawang sina Zacarias at Elisabet upang maging kanilang anak. Kahit na napakatanda na sila sa mga sandaling yaon, ipinakita pa rin sa kanila ng Diyos ang Kaniyang kabutihan. Sa pamamagitan nito, buong linaw na inihayag ng Diyos na sa Kaniya dapat manalig at umasa ang lahat. 

Huwebes, Hunyo 12, 2025

HINIRANG AT ITINALAGA NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

23 Hunyo 2025 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Jeremias 1, 4-10/Salmo 70/1 Pedro 1, 8-12/Lucas 1, 5-17 


Ang mga Pagbasa para sa Bisperas ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista ay nakatuon sa paghirang at pagtalaga ng Diyos sa Kaniyang mga tapat na lingkod. Dahil sa dakila Niyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinasiya ng Diyos na maipalaganap ng mga lingkod Niyang hinirang at itinalaga ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Ito ang pangunahing misyon ng mga hinirang at itinalaga ng Diyos upang maging Kaniyang mga lingkod. 

Sa Unang Pagbasa, ibinahagi ng dakilang propetang si Isaias kung paano hinirang at itinalaga siya ng Panginoong Diyos sa kabila ng kaniyang kabataan. Bagamat bata pa lamang si Propeta Isaias, ang Panginoong Diyos ay naglaan ng isang misyon para sa kaniya. Alam na ng Panginoong Diyos bago pa isilang si Propeta Isaias kung ano ang papel at misyong ibibigay Niya kay Isaias. Nakatuon rin sa paksang ito ang mga salita ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Mayroong papel at misyong inilaan ang Diyos para sa atin. Katunayan, bago pa man tayo isilang sa daigdig, alam na ng Diyos kung ano ang misyong ibibigay Niya sa atin. 

Nakatuon rin sa paghirang at pagtalaga ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan. Buong linaw na ipinahayag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang kaniyang pasiyang manalig at umasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos nang taos-puso. Hindi siya pinabayaan at binigo ng Diyos kailanman. Dahil dito, ang taos-pusong pasiya ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay manalig at umasa sa Diyos. 

Buong linaw na inilarawan ng unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro sa kaniyang pangaral na inilahad sa Ikalawang Pagbasa ang dulot ng bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno sa tunay na Simbahang Kaniyang itinatag. Dahil sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno, puspos ng galak at pag-asa ang Simbahan. Sa gitna ng mga pagsubok, pag-uusig, at kagipitan sa buhay sa daigdig, ang Simbahan ay puspos pa rin ng galak at pag-asa dahil nananalig at umaaasa siya sa bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno. 

Inilahad sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagpapakita ni Arkanghel San Gabriel sa ama ni San Juan Bautista na si Zacarias sa templo. Nagpakita si Arkanghel San Gabriel kay Zacarias sa templo upang ihatid ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula sa langit sa pamamagitan ng paghatid ng isang napakagandang balita para sa kanilang dalawa ni Elisabet na kaniyang kabiyak ng puso. Hinirang at itinalaga sila ng Diyos upang maging mga magulang ng tagapagpauna ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na walang iba kundi si San Juan Bautista. Sa kabila ng kanilang katandaan, sina Zacarias at Elisabet ay magiging mga magulang. Magkakaroon sila ng anak. Ang tungkulin ng magiging anak nina Zacarias at Elisabet na si San Juan Bautista ay mauna sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos sa tanan, upang ihanda ang Kaniyang daraanan.

Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos para sa tanan, hinirang at itinalaga Niya si San Juan Bautista upang ang daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay kaniyang maihanda. Sa pamamagitan ng taos-pusong pagtupad sa misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos, ipinahayag ni San Juan Bautista na sa Diyos lamang nagmumula ang tunay na pag-asa. 

Sabado, Hunyo 7, 2025

MAHABAGIN AT MAPAGMAHAL ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

22 Hunyo 2025 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (K) 
Genesis 14, 18-20/Salmo 109/1 Corinto 11, 23-26/Lucas 9, 11b-17 


Araw-araw na dumarating sa ating piling ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa anyo ng tinapay at alak. Lagi itong nangyayari sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Sa pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, sa anyo ng tinapay at alak sa bawat pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, ipinagkakaloob Niya sa ating lahat ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Ginagawa Niya ito dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Ito ang buong kataimtimang tinatalakay, isinasalungguhit, at pinagninilayan ng Inang Simbahan sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon. 

Sa Unang Pagbasa, ang ama ng pananampalataya na walang iba kundi si Abraham ay binasbasan ng dakilang hari at paring si Melquisedec. Nakasentro sa pagiging hari at paring walang hanggan at dakila ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno ang mga salita sa Salmong Tugunan. Katulad ni Melquisedec, walang hanggan at dakila ang pagkapari at pagkahari ni Jesus Nazareno. Inilahad sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang salaysay ng pagtatatag sa Banal na Eukaristiya, ang pinakadakilang Sakramento, noong gabi ng Huling Hapunan. Tampok ang salaysay ng pagpaparami ng tinapay at isda sa Ebanghelyo. Ang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa ng bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno ay ipinamalas Niya sa 5000 katao sa pamamagitan ng himalang ito. 

Laging dumarating ang Poong Jesus Nazareno sa anyo ng tinapay at alak sa tuwing ipinagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya upang idulot sa ating lahat ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Hindi Siya napilitang gawin ito. Bukal sa Kaniyang puso at loobin ang Kaniyang pasiyang dumating sa ating piling sa bawat pagkakataong ipinagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya na kilala rin natin bilang Misa. Tunay nga tayong iniibig, kinaaawaan, at kinahahabagan ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Dahil dito, ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya o Misa, na palagi nating ipinagdiriwang bilang Simbahan nang buong kasagraduhan, ay Sakramento ng kagandahang-loob, habag, pag-ibig, at awa ng Panginoon.

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinasiya ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na itatag ang Banal na Eukaristiya upang sa pamamagitan ng Sakramentong ito ay dumating Siya sa piling natin sa anyo ng tinapay at alak. Layunin Niyang idulot sa ating lahat na taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. 

Biyernes, Hunyo 6, 2025

UMAAASA SA DIYOS SA GITNA NG MGA PAGSUBOK SA BUHAY

20 Hunyo 2025 
Biyernes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
2 Corinto 11, 18. 21b-30/Salmo 33/Mateo 6, 19-23 

Larawan: Rembrandt (1606–1669), The Apostle Paul in Prison (c. 1627). Staatsgalerie Stuttgart. © José Luiz Bernardes Ribeiro / CC BY-SA 4.0


Hindi madaling umasa sa Diyos. Tiyak na nababatid natin kung gaano kahirap umasa sa Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. Mayroong mga pagkakataon sa buhay sa lupa kung kailan ang bawat isa sa atin ay mahihirapan umasa sa Diyos dulot ng mga kagipitan at pagsubok. Dahil sa mga sari-saring kagipitan at pagsubok sa buhay, ang bawat isa sa atin ay tiyak na nahihirapang panindigan ang pasiyang umasa sa Diyos. Napapatanong tayo sa Diyos kung bakit ganoon na lamang ang nangyayari sa bawat isa sa atin gayong ipinasiya nating umasa sa Kaniya nang taos-puso. 

Sa Unang Pagbasa, ibinahagi ni Apostol San Pablo ang kaniyang mga naranasan sa mga lugar na kaniyang pinuntahan bilang apostol at misyonero ni Kristo. Buong linaw na inilarawan ni Apostol San Pablo sa pamamagitan nito kung gaano kahirap maging apostol at misyonero ni Kristo. Kahit na si Apostol San Pablo ay tumutungo sa mga lugar na yaon upang magpatotoo at sumaksi sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Kristo, hindi siya naging ligtas mula sa mga pag-uusig at kalupitan. 

Bagamat nakaranas ng maraming pagsubok, kalupitan, at pag-uusig ang apostol at misyonerong si Apostol San Pablo sa bawat sandali ng kaniyang pagmimisyon, gaya ng kaniyang inilarawan sa Unang Pagbasa nang buong linaw, ipinasiya pa rin niyang umasa sa Diyos nang taos-puso. Kahit na napakahirap itong gawin dulot ng kaniyang sitwasyon, umasa pa rin siya sa Diyos nang taos-puso. Ang dahilan kung bakit ito ay kaniyang ipinasiyang gawin ay buong linaw na inilarawan sa Salmong Tugunan. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya pa rin niyang manalig at umasa sa Diyos. 

Inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na dapat nating asamin ang langit bilang Kaniyang mga tagasunod at saksi. Hindi natin dapat asamin ang mga bagay sa lupa na mawawala rin pagdating ng araw. Pansamantala lamang ang mga bagay na makikita natin sa lupa. Walang hanggan ang langit. Dahil dito, dapat nating isabuhay ang ating pasiyang manalig at umasa sa Kaniya na Siyang bukal ng tunay na pag-asa sa bawat sandali ng ating buhay. 

Ang lahat ng mga banal sa langit ay nakaranas ng mga kalupitan, pagsubok, at pag-uusig sa buhay. Subalit, para sa kanila, hindi naging dahilan ang mga ito upang huwag manalig at umasa sa Diyos. Ipinasiya pa rin nilang manalig at umasa sa Panginoon sa bawat sandali ng kanilang buhay sa lupa, gaano mang kahirap gawin ito. Hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay sa lupa, isinabuhay nila ang pasiya nilang ito. 

Huwebes, Hunyo 5, 2025

INANG UMAAASA SA DIYOS

9 Hunyo 2025 
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Sambayanan 
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Judith 13/Juan 19, 25-34 


Ang Lunes kasunod ng Linggo ng Pentekostes ay inilaan ng Inang Simbahan para sa pagdiriwang ng Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Sambayanan. Sa araw na ito, ang Inang Simbahan ay buong pusong nagpapasalamat sa Panginoong Diyos dahil ipinasiya Niyang ipagkaloob sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang maging Ina ng sambayanang Kristiyano. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinagkaloob ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa Simbahan upang maging kaniya ring Ina. 

Inilarawan sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito kung paanong naging Ina ng Simbahan ang Mahal na Birheng Maria. Habang nakabayubay sa Krus bilang dakilang hain para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, ipinagkatiwala ng Poong Jesus Nazareno ang Mahal na Birheng Maria at ang Kaniyang minamahal na alagad na si Apostol San Juan sa pangangalaga ng isa't isa. Sa pamamagitan nito, ang Mahal na Birheng Maria ay ipinagkaloob ng Poong Jesus Nazareno sa Simbahan na kinatawan noon ng minamahal na alagad na si Apostol San Juan. 

Katulad ng pasiya ng Diyos na ipagkaloob sa sangkatauhan ang Kaniyang Bugtong na Anak na naging Anak rin ng Mahal na Birheng Maria na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, gaya ng inihayag Niya nang buong linaw sa huling bahagi ng tampok na salaysay sa Unang Pagbasa, gayon din naman, ipinasiya rin ng Diyos na ipagkaloob sa Simbahan ang babaeng hinirang at itinalaga upang maging Ina ni Kristo na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria upang maging Ina ng Simbahan. 

Bilang Ina, tinuturuan tayo ng Mahal na Birheng Maria na umasa sa Diyos nang taos-puso. Lagi niyang ipinasiyang manalig at umasa sa Diyos. Kahit na tungkol sa isang dakilang babae sa Lumang Tipan na walang iba kundi ang pumaslang sa Holofernes na si Judith ang mga salita sa Salmong Tugunan, makikita rin ang bawat katangiang inihayag sa mga taludtod sa Salmong Tugunan sa Mahal na Birheng Maria. Nanalig at umasa siya sa Diyos. Lagi ring binuksan ng Mahal na Birheng Maria ang buo niyang sarili sa Diyos na pinagpala siya nang lubusan. Ang babaeng bukod na pinagpala sa lahat ng kababaihan sa kasayasayan ng daigdig ay laging nanalig at umasa sa Diyos. 

Sa alternatibong Unang Pagbasa, nanalangin ang Mahal na Inang si Mariang Birhen kasama ang mga apostol matapos ang Pag-Akyat sa Langit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi niya pinabayaan ang sambayanang Kristiyano. Laging sinamahan at ginabayan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang sambayanang Kristiyano. Bilang Ina ng Simbahan, lagi niyang itinuturo sa atin na manalig at umasa sa Diyos. 

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ibinigay sa atin ng Diyos ang babaeng bukod Niyang pinagpala sa lahat ng mga babae na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria upang maging atin ring Ina. Bilang atin ring Ina, lagi niyang itinuturo at ipinapaalala sa atin na lagi tayong manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. 

Miyerkules, Hunyo 4, 2025

PABATID

Ang Lunes na Kasunod ng Pentekostes (9 Hunyo 2025) ay inilaan para sa Paggunita sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Simbahan. Subalit, nakalimutan po ng inyong abang lingkod na magsulat nito. Dahil po dito, ang pagninilay na ibabahagi bukas ay para sa nasabing liturhikal na pagdiriwang para sa nasabing petsa. Maraming salamat po.