28 Hunyo 2025
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo
[Pagmimisa sa Bisperas]
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 18/Galacia 1, 11-20/Juan 21, 15-19
Larawan: Panel de san Pedro y san Pablo, de un retablo de la localidad de Gebweiler, Alsacia. Óleo sobre madera, 1460. Museo de l'Oeuvre Notre-Dame de Estrasburgo. Public Domain.
Nakatuon ang Bisperas ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo sa pagpapalaganap ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos. Bilang mga dakilang apostol at misyonero, ang unang Santo Papa na si Apostol San Pedro at si Apostol San Pablo ay sumaksi sa bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno sa lahat. Sa kabila ng mga tukso, pagsubok, at pag-uusig na kanilang hinarap, binata, at tiniis hanggang sa sandali ng kanilang kamatayan bilang mga martir, hindi sila tumigil o huminto sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita saan man sila tumungo. Bagkus, ipinangaral at ipinalaganap nila ito nang buong kagitingan. Sa pamamagitan nito, ang bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno ay ipinakilala nila sa lahat.
Sa Unang Pagbasa, itinampok ang salaysay ng pagpapagaling sa isang lalaking lumpo mula sa sandali ng kaniyang pagsilang sa mundo. Nang gumaling ang lalaking lumpo, buong linaw na inihayag ng unang Santo Papa na si Apostol San Pedro na hindi siya o ang kaniyang kasama sa mga sandaling yaon na si Apostol San Juan ang may gawa ng himalang ito kundi ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Buong linaw na ipinahayag ng mang-aawit na tampok sa Salmo na pupurihin ng lahat ang Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, nagpatotoo si Apostol San Pablo tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, hinirang at itinalaga siya upang maging apostol at misyonero ng Simbahan. Kahit na inusig niya ang mga sinaunang Kristiyano, hindi ito naging dahilan para sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang huwag hirangin at italaga si Apostol San Pablo bilang isang apostol at misyonero ng Kaniyang Simbahan. Sa Ebanghelyo, ipinaliwanag ng Panginoong Jesus Nazareno sa apostol na hinirang at itinalaga Niya upang maging unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro kung ano ang kaniyang misyon at tungkulin bilang Kaniyang bikaryo sa daigdig na ito. Patuloy itong ginagampanan ng mga Santo Papang sumunod o humalili sa kaniya.
Buong sigasig at kagitingang ipinalaganap nina Apostol San Pedro at San Pablo ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos sa langit sa pamamagitan ng pangangaral at pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Ipinakilala nila sa lahat ang Poong Jesus Nazareno bilang bukal ng tunay na pag-asa. Ang kanilang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Diyos ay kanilang ipinahayag sa bawat oras at sandali ng kanilang misyon bilang mga apostol at misyonero ng Panginoon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento