Biyernes, Hunyo 13, 2025

ANG KABUTIHAN NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

24 Hunyo 2025 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
[Pagmimisa sa Araw]
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 


Ang taunang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista na idinadaos taun-taon pagsapit ng ika-24 ng Hunyo ay nakatuon sa kabutihan ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Ipinasiya ng Diyos na ibigay si San Juan Bautista na Kaniyang hinirang at itinalaga upang maging tagapaghanda ng daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa magkabiyak ng pusong sina Zacarias at Elisabet upang maging kanilang anak. Sa kabila ng katandaan ng magkabiyak ng pusong sina Zacarias at Elisabet noong mga sandaling yaon, ipinasiya pa rin ng Diyos na sa kanila ipagkaloob ang sanggol na si San Juan Bautista bilang kanilang anak. 

Sa Unang Pagbasa, isinentro ni Propeta Isaias ang kaniyang pahayag sa paghirang at pagtalaga ng Panginoong Diyos sa Kaniyang mga lingkod. Ang sambayanang hinirang at itinalaga Niya upang maging Kaniya na walang iba kundi ang Israel ay kabilang rito. Bago pa man isilang ang bawat isa sa daigdig na ito, alam na ng Diyos kung ano ang magiging misyon, tungkulin, gampanin, at papel ng tanan. Ibubunyag at ibibigay Niya ito sa bawat isa sa panahong Kaniyang itinakda. Nakasentro rin sa katotohanang ito ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. May mga plano ang Diyos para sa atin. Sa Ikalawang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pablo tungkol sa misyon ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. Binanggit rin ni Apostol San Pablo ang misyon ng Kaniyang kamag-anak na walang iba kundi si San Juan Bautista na hinirang at itinalaga ng Amang nasa langit upang ihanda ang daraanan ng Kaniyang Bugtong na Anak na ibinigay naman Niya sa tanan bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa Ebanghelyo, ang salaysay ng pagsilang ni San Juan Bautista na hinirang at itinalaga upang maging tagapagpauna ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay itinampok at inilahad. Ang pagiging isang biyaya ng Diyos ni San Juan Bautista ay buong linaw na isinalungguhit. 

Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos, ipinagkaloob ang sanggol na si San Juan Bautista sa mag-asawang sina Zacarias at Elisabet upang maging kanilang anak. Kahit na napakatanda na sila sa mga sandaling yaon, ipinakita pa rin sa kanila ng Diyos ang Kaniyang kabutihan. Sa pamamagitan nito, buong linaw na inihayag ng Diyos na sa Kaniya dapat manalig at umasa ang lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento