Biyernes, Hunyo 20, 2025

DALISAY ANG PUSO NG MGA TUNAY NA UMAAASA SA DIYOS

28 Hunyo 2025 
Paggunita sa Kalinis-Linisang Puso ng Birheng Maria 
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51 




Kalinis-Linisang Puso ng Birheng Maria. Isa lamang ang isinasalungguhit ng mga salitang ito na naglalarawan sa Puso ng Mahal na Birheng Maria. Malinis ang puso ng Mahal na Birheng Maria dahil sa kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Ang pasiyang ito ay lagi niyang isinabuhay sa bawat sandali ng kaniyang buhay sa daigdig. Gaano mang kahirap itong gawin dahil sa mga tukso at pagsubok sa daigdig, ipinasiya pa rin ng Mahal na Birheng Maria na manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Bilang patunay ng nasabing pasiya, pinahintulutan niyang mangyari ang mga plano at kalooban ng Diyos. Namuhay siya ayon sa loobin ng Diyos. 

Ang salaysay ng paghahanap sa Batang Panginoong Jesus Nazareno sa Templo ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Matapos hanapin sa Templo ang Batang Poong Jesus Nazareno, inilarawan kung ano ang ginawa ng Mahal na Birheng Maria. Kahit hindi niya maintindihan kung bakit nangyari ang lahat ng iyon, iningatan pa rin niya sa kaniyang puso ang lahat ng mga nangyari. Sa pamamagitan nito, pinahintulutan niya na maghari ang Diyos sa kaniyang buhay. Katunayan, maaari itong ituring na isang paghahanda para sa mga kaganapang kaugnay ng dakilang misyon at tungkulin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Hindi titigil o hihinto ang Mahal na Birheng Maria sa pagtanggap at pagsunod sa plano at loobin ng Diyos, gaano man kahirap itong gawin. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag na ang Panginoong Diyos ay pupurihin ng lahat ng mga bansa. Ang Panginoong Diyos ay kikilalanin, pararangalan, at sasambahin ng lahat ng mga bansa sa daigdig. Itinuturo ng Mahal na Birheng Maria kung paano mag-alay ng taos-pusong papuri at pagsamba sa Panginoong Diyos. Mamuhay ayon sa mga utos at loobin ng Diyos. Buksan ang mga sarili sa Kaniyang mga utos at loobin. Hayaan nating maghari ang Diyos sa ating buhay. Pahintulutan natin Siyang dalisayin tayo. 

Gaya ng buong linaw na inihayag ni Ana na ina ni Samuel sa kaniyang awit ng papuri na inilahad sa Salmong Tugunan: "Diyos kong Tagapagligtas, pinupuri Kitang wagas" (1 Samuel 2, 1a). Ang mga may malinis, dalisay, at busilak na puso ay mga nananalig at umaaasa sa Diyos nang taos-puso. Sila yaong mga naghahandog ng taos-pusong papuri at pagsamba sa Diyos na Siyang bukal ng tunay na pag-asa. 

Tunay ngang nalulugod ang Diyos sa lahat ng mga nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso. Sila yaong mga nagbibigay ng pahintulot sa Kaniya na dalisayin at linisin ang kanilang mga puso. Pinahihintulutan nilang maging hari ng kanilang buhay ang Diyos. Ito ang itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento