Huwebes, Hunyo 12, 2025

HINIRANG AT ITINALAGA NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

23 Hunyo 2025 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Jeremias 1, 4-10/Salmo 70/1 Pedro 1, 8-12/Lucas 1, 5-17 


Ang mga Pagbasa para sa Bisperas ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista ay nakatuon sa paghirang at pagtalaga ng Diyos sa Kaniyang mga tapat na lingkod. Dahil sa dakila Niyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinasiya ng Diyos na maipalaganap ng mga lingkod Niyang hinirang at itinalaga ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Ito ang pangunahing misyon ng mga hinirang at itinalaga ng Diyos upang maging Kaniyang mga lingkod. 

Sa Unang Pagbasa, ibinahagi ng dakilang propetang si Isaias kung paano hinirang at itinalaga siya ng Panginoong Diyos sa kabila ng kaniyang kabataan. Bagamat bata pa lamang si Propeta Isaias, ang Panginoong Diyos ay naglaan ng isang misyon para sa kaniya. Alam na ng Panginoong Diyos bago pa isilang si Propeta Isaias kung ano ang papel at misyong ibibigay Niya kay Isaias. Nakatuon rin sa paksang ito ang mga salita ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Mayroong papel at misyong inilaan ang Diyos para sa atin. Katunayan, bago pa man tayo isilang sa daigdig, alam na ng Diyos kung ano ang misyong ibibigay Niya sa atin. 

Nakatuon rin sa paghirang at pagtalaga ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod ang mga salitang binigkas ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan. Buong linaw na ipinahayag ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ang kaniyang pasiyang manalig at umasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos nang taos-puso. Hindi siya pinabayaan at binigo ng Diyos kailanman. Dahil dito, ang taos-pusong pasiya ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay manalig at umasa sa Diyos. 

Buong linaw na inilarawan ng unang Santo Papa ng Simbahan na walang iba kundi si Apostol San Pedro sa kaniyang pangaral na inilahad sa Ikalawang Pagbasa ang dulot ng bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno sa tunay na Simbahang Kaniyang itinatag. Dahil sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno, puspos ng galak at pag-asa ang Simbahan. Sa gitna ng mga pagsubok, pag-uusig, at kagipitan sa buhay sa daigdig, ang Simbahan ay puspos pa rin ng galak at pag-asa dahil nananalig at umaaasa siya sa bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno. 

Inilahad sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagpapakita ni Arkanghel San Gabriel sa ama ni San Juan Bautista na si Zacarias sa templo. Nagpakita si Arkanghel San Gabriel kay Zacarias sa templo upang ihatid ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula sa langit sa pamamagitan ng paghatid ng isang napakagandang balita para sa kanilang dalawa ni Elisabet na kaniyang kabiyak ng puso. Hinirang at itinalaga sila ng Diyos upang maging mga magulang ng tagapagpauna ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na walang iba kundi si San Juan Bautista. Sa kabila ng kanilang katandaan, sina Zacarias at Elisabet ay magiging mga magulang. Magkakaroon sila ng anak. Ang tungkulin ng magiging anak nina Zacarias at Elisabet na si San Juan Bautista ay mauna sa Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Diyos sa tanan, upang ihanda ang Kaniyang daraanan.

Dahil sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos para sa tanan, hinirang at itinalaga Niya si San Juan Bautista upang ang daraanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay kaniyang maihanda. Sa pamamagitan ng taos-pusong pagtupad sa misyong ibinigay sa kaniya ng Diyos, ipinahayag ni San Juan Bautista na sa Diyos lamang nagmumula ang tunay na pag-asa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento