9 Hunyo 2025
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Sambayanan
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Judith 13/Juan 19, 25-34
Ang Lunes kasunod ng Linggo ng Pentekostes ay inilaan ng Inang Simbahan para sa pagdiriwang ng Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Sambayanan. Sa araw na ito, ang Inang Simbahan ay buong pusong nagpapasalamat sa Panginoong Diyos dahil ipinasiya Niyang ipagkaloob sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang maging Ina ng sambayanang Kristiyano. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinagkaloob ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa Simbahan upang maging kaniya ring Ina.
Inilarawan sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito kung paanong naging Ina ng Simbahan ang Mahal na Birheng Maria. Habang nakabayubay sa Krus bilang dakilang hain para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, ipinagkatiwala ng Poong Jesus Nazareno ang Mahal na Birheng Maria at ang Kaniyang minamahal na alagad na si Apostol San Juan sa pangangalaga ng isa't isa. Sa pamamagitan nito, ang Mahal na Birheng Maria ay ipinagkaloob ng Poong Jesus Nazareno sa Simbahan na kinatawan noon ng minamahal na alagad na si Apostol San Juan.
Katulad ng pasiya ng Diyos na ipagkaloob sa sangkatauhan ang Kaniyang Bugtong na Anak na naging Anak rin ng Mahal na Birheng Maria na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, gaya ng inihayag Niya nang buong linaw sa huling bahagi ng tampok na salaysay sa Unang Pagbasa, gayon din naman, ipinasiya rin ng Diyos na ipagkaloob sa Simbahan ang babaeng hinirang at itinalaga upang maging Ina ni Kristo na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria upang maging Ina ng Simbahan.
Bilang Ina, tinuturuan tayo ng Mahal na Birheng Maria na umasa sa Diyos nang taos-puso. Lagi niyang ipinasiyang manalig at umasa sa Diyos. Kahit na tungkol sa isang dakilang babae sa Lumang Tipan na walang iba kundi ang pumaslang sa Holofernes na si Judith ang mga salita sa Salmong Tugunan, makikita rin ang bawat katangiang inihayag sa mga taludtod sa Salmong Tugunan sa Mahal na Birheng Maria. Nanalig at umasa siya sa Diyos. Lagi ring binuksan ng Mahal na Birheng Maria ang buo niyang sarili sa Diyos na pinagpala siya nang lubusan. Ang babaeng bukod na pinagpala sa lahat ng kababaihan sa kasayasayan ng daigdig ay laging nanalig at umasa sa Diyos.
Sa alternatibong Unang Pagbasa, nanalangin ang Mahal na Inang si Mariang Birhen kasama ang mga apostol matapos ang Pag-Akyat sa Langit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi niya pinabayaan ang sambayanang Kristiyano. Laging sinamahan at ginabayan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang sambayanang Kristiyano. Bilang Ina ng Simbahan, lagi niyang itinuturo sa atin na manalig at umasa sa Diyos.
Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ibinigay sa atin ng Diyos ang babaeng bukod Niyang pinagpala sa lahat ng mga babae na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria upang maging atin ring Ina. Bilang atin ring Ina, lagi niyang itinuturo at ipinapaalala sa atin na lagi tayong manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento