Sabado, Hunyo 7, 2025

MAHABAGIN AT MAPAGMAHAL ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

22 Hunyo 2025 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (K) 
Genesis 14, 18-20/Salmo 109/1 Corinto 11, 23-26/Lucas 9, 11b-17 


Araw-araw na dumarating sa ating piling ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa anyo ng tinapay at alak. Lagi itong nangyayari sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Sa pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang bukal ng tunay na pag-asa, sa anyo ng tinapay at alak sa bawat pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, ipinagkakaloob Niya sa ating lahat ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Ginagawa Niya ito dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Ito ang buong kataimtimang tinatalakay, isinasalungguhit, at pinagninilayan ng Inang Simbahan sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon. 

Sa Unang Pagbasa, ang ama ng pananampalataya na walang iba kundi si Abraham ay binasbasan ng dakilang hari at paring si Melquisedec. Nakasentro sa pagiging hari at paring walang hanggan at dakila ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno ang mga salita sa Salmong Tugunan. Katulad ni Melquisedec, walang hanggan at dakila ang pagkapari at pagkahari ni Jesus Nazareno. Inilahad sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang salaysay ng pagtatatag sa Banal na Eukaristiya, ang pinakadakilang Sakramento, noong gabi ng Huling Hapunan. Tampok ang salaysay ng pagpaparami ng tinapay at isda sa Ebanghelyo. Ang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa ng bukal ng tunay na pag-asa na si Jesus Nazareno ay ipinamalas Niya sa 5000 katao sa pamamagitan ng himalang ito. 

Laging dumarating ang Poong Jesus Nazareno sa anyo ng tinapay at alak sa tuwing ipinagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya upang idulot sa ating lahat ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Hindi Siya napilitang gawin ito. Bukal sa Kaniyang puso at loobin ang Kaniyang pasiyang dumating sa ating piling sa bawat pagkakataong ipinagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya na kilala rin natin bilang Misa. Tunay nga tayong iniibig, kinaaawaan, at kinahahabagan ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Dahil dito, ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya o Misa, na palagi nating ipinagdiriwang bilang Simbahan nang buong kasagraduhan, ay Sakramento ng kagandahang-loob, habag, pag-ibig, at awa ng Panginoon.

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, ipinasiya ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na itatag ang Banal na Eukaristiya upang sa pamamagitan ng Sakramentong ito ay dumating Siya sa piling natin sa anyo ng tinapay at alak. Layunin Niyang idulot sa ating lahat na taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento