20 Hunyo 2025
Biyernes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
2 Corinto 11, 18. 21b-30/Salmo 33/Mateo 6, 19-23
Larawan: Rembrandt (1606–1669), The Apostle Paul in Prison (c. 1627). Staatsgalerie Stuttgart. © José Luiz Bernardes Ribeiro / CC BY-SA 4.0
Hindi madaling umasa sa Diyos. Tiyak na nababatid natin kung gaano kahirap umasa sa Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. Mayroong mga pagkakataon sa buhay sa lupa kung kailan ang bawat isa sa atin ay mahihirapan umasa sa Diyos dulot ng mga kagipitan at pagsubok. Dahil sa mga sari-saring kagipitan at pagsubok sa buhay, ang bawat isa sa atin ay tiyak na nahihirapang panindigan ang pasiyang umasa sa Diyos. Napapatanong tayo sa Diyos kung bakit ganoon na lamang ang nangyayari sa bawat isa sa atin gayong ipinasiya nating umasa sa Kaniya nang taos-puso.
Sa Unang Pagbasa, ibinahagi ni Apostol San Pablo ang kaniyang mga naranasan sa mga lugar na kaniyang pinuntahan bilang apostol at misyonero ni Kristo. Buong linaw na inilarawan ni Apostol San Pablo sa pamamagitan nito kung gaano kahirap maging apostol at misyonero ni Kristo. Kahit na si Apostol San Pablo ay tumutungo sa mga lugar na yaon upang magpatotoo at sumaksi sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Kristo, hindi siya naging ligtas mula sa mga pag-uusig at kalupitan.
Bagamat nakaranas ng maraming pagsubok, kalupitan, at pag-uusig ang apostol at misyonerong si Apostol San Pablo sa bawat sandali ng kaniyang pagmimisyon, gaya ng kaniyang inilarawan sa Unang Pagbasa nang buong linaw, ipinasiya pa rin niyang umasa sa Diyos nang taos-puso. Kahit na napakahirap itong gawin dulot ng kaniyang sitwasyon, umasa pa rin siya sa Diyos nang taos-puso. Ang dahilan kung bakit ito ay kaniyang ipinasiyang gawin ay buong linaw na inilarawan sa Salmong Tugunan. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya pa rin niyang manalig at umasa sa Diyos.
Inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na dapat nating asamin ang langit bilang Kaniyang mga tagasunod at saksi. Hindi natin dapat asamin ang mga bagay sa lupa na mawawala rin pagdating ng araw. Pansamantala lamang ang mga bagay na makikita natin sa lupa. Walang hanggan ang langit. Dahil dito, dapat nating isabuhay ang ating pasiyang manalig at umasa sa Kaniya na Siyang bukal ng tunay na pag-asa sa bawat sandali ng ating buhay.
Ang lahat ng mga banal sa langit ay nakaranas ng mga kalupitan, pagsubok, at pag-uusig sa buhay. Subalit, para sa kanila, hindi naging dahilan ang mga ito upang huwag manalig at umasa sa Diyos. Ipinasiya pa rin nilang manalig at umasa sa Panginoon sa bawat sandali ng kanilang buhay sa lupa, gaano mang kahirap gawin ito. Hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay sa lupa, isinabuhay nila ang pasiya nilang ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento