Sabado, Hulyo 19, 2025

ITURO ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

26 Hulyo 2025 
Paggunita kina San Joaquin at Santa Ana, mga magulang ng Mahal na Birheng Maria 
Sirak 44, 1. 10-15/Salmo 131/Mateo 13, 16-17 


Isinilang ang Mahal na Birheng Maria sa daigdig na ito na walang bahid o dungis ng kasalanang mana. Nang ipaglihi siya sa sinapupunan ng kaniyang inang si Santa Ana, ang Mahal na Birheng Maria ay iniligtas na ng Diyos mula sa kasalanan. Dahil dito, malinis, busilak, dalisay, at banal ang Mahal na Birheng Maria. Alam nating lahat ito bilang mga bumubuo sa Simbahan sapagkat ipinaliwanag ito sa dogma ng Kalinis-Linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria na tiyak na mas kilala ng marami sa atin sa tawag na Inmaculada Concepcion. Bago pa man siya isilang ng kaniyang ina, ang Diyos ay nagpasiyang ipagkaloob sa Mahal na Birheng Maria ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas na nagdudulot ng tunay na pag-asa sa lahat sa daigdig sa pamamagitan ng pagligtas sa Mahal na Birheng Maria sa sandaling ipinaglihi siya ni Santa Ana. 

Bagamat ipinagkaloob ng Diyos ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas na nagdudulot ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa Mahal na Birheng Maria, hindi ito nangangahulugang wala nang kinailangang gawin ang kaniyang mga magulang na sina San Joaquin at Santa Ana. Tinuruan pa rin siya ng kaniyang mga magulang na walang iba kundi ang San Joaquin at Santa Ana kung paanong manalig at umasa sa Diyos na nagligtas sa kaniya bago siya isilang sa daigdig na ito nang taos-puso. Ang halaga ng pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa Diyos bilang tanda ng taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya hanggang sa huli ay itinuro nina San Joaquin at Santa Ana sa Mahal na Birheng Maria. 

Sa Unang Pagbasa, pinarangalan ang lahat ng mga nanalig at umasa sa Diyos nang tapat at taos-puso sa bawat sandali ng kanilang buhay. Buong linaw na inilarawan ng mga taludtod ng awit ng papuri sa Salmong Tugunan ang walang maliw na katapatan ng Diyos. Hindi nagmamaliw ang katapatan ng Diyos. Ang kasaysayan ng daigdig na rin ang magpapatunay nito. Lumipas man ang maraming taon, tapat pa rin ang Diyos. Buong linaw na inihayag ng Poong Jesus Nazareno sa mga apostol sa Ebanghelyo na hinangad ng lahat ng mga nauna sa kanila sa Lumang Tipan na makita Siya na buong puso at katapatan nilang pinanaligan at inasahan. 

Hindi sinayang ng Mahal na Birheng Maria ang biyayang ipinagkaloob sa kaniya ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos dahil sa mga aral na itinuro sa kaniya ng kaniyang mga magulang na sina San Joaquin at Santa Ana. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag mismo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, dapat natin ituro sa lahat ng tao ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi Siya. Sa Kaniya dapat manalig at umasa nang taos-puso ang tanan. Ipakilala natin Siya sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento