20 Hulyo 2025
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Genesis 18, 1-10a/Salmo 14/Colosas 1, 24-28/Lucas 10, 38-42
Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakasentro sa taos-pusong pagtanggap sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Bilang tugon sa pasiya ng Diyos na kusang-loob na ipagkaloob sa ating lahat ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula, nararapat lamang na tanggapin natin Siya nang taos-puso. Sa pamamagitan ng taos-pusong pagtanggap sa Kaniya, ipinapahayag nating tunay nga tayong nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso. Dahil taos-puso nga tayong nananalig at umaaasa sa Diyos, pinahihintulutan natin Siyang maging ating Hari.
Sa Unang Pagbasa, tatlong mahiwagang lalaki ang tinanggap ni Abraham bilang mga bisita. Bagamat hindi kilala ni Abraham ang tatlong lalaking ito noong una, hindi niya ipinagkait sa tatlong lalaking ito ang isang mainit na pagtanggap. Inasikaso niya ang kaniyang mga bisita. Nabunyag sa huling bahagi ng salaysay na itinampok sa Unang Pagbasa kung sinu-sino ang tatlong mahiwagang lalaking dumalaw sa kaniya. Ang tatlong mahiwagang lalaking dumalaw kina Abraham at Sara ay walang iba kundi ang Diyos at ang dalawa sa Kaniyang mga anghel.
Nakasentro sa pagtanggap ng Panginoong Diyos sa Kaniyang mga tapat na lingkod ang awit ng papuring itinampok at inilahad sa Salmong Tugunan. Bagamat hangad ng Diyos na tanggapin ang lahat sa Kaniyang Templo, pinahihintulutan lamang Niya ang lahat ng mga naglilingkod sa Kaniya nang may taos-pusong katapatan hanggang sa huli. Ito ay dahil inihahayag nilang taos-puso silang nananalig at umaaasa sa Kaniya sa pamamagitan ng kanilang pasiyang paglingkuran Siya nang buong katapatan sa bawat sandali ng kanilang buhay.
Isang halimbawa ng mga nagpasiyang tanggapin ang bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos sa pamamagitan ng kaniyang pasiyang paglingkuran Siya nang buong katapatan hanggang sa huli ay walang iba kundi si Apostol San Pablo. Sa simula ng kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa, buong linaw na inihayag ni Apostol San Pablo na nagtitiis at nagbabata siya ng maraming hirap, sakit, at pag-uusig alang-alang sa Panginoong Diyos. Handa siyang mamatay bilang isang martir dahil naakit siya sa dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Panginoon.
Dumalaw ang Panginoong Jesus Nazareno sa bahay ng Kaniyang mga minamahal na kaibigang sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania sa Ebanghelyo. Sa salaysay ng kaganapang ito, inilarawan kung paano Siya tinanggap nina Santa Marta at Santa Maria. Inasikaso ni Santa Marta ang handa para sa mga bisita, lalung-lalo na para sa pangunahing bisita na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno na naghatid ng tunay na pag-asa sa lahat. Ang kapatid niyang si Santa Maria naman ay hindi nawala sa paanan ng Panginoong Jesus Nazareno dahil ipinasiya niyang maging isang tagapakinig. Nais niyang pakinggan at sundin ang Panginoong Jesus Nazareno.
Laging handang makinig at sumunod sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ang lahat ng mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya. Sa pamamagitan nito, buong linaw nilang ipinapahayag ang taos-puso nilang pagtanggap sa Kaniya bilang Hari.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento