Lunes, Abril 6, 2026

TAOS-PUSONG PAGDAKILA ANG HANDOG NG KANIYANG MGA INSTRUMENTO

9 Abril 2026 
Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 11-26/Salmo 8/Lucas 24, 35-48 


Ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno ay nagpakita sa mga apostol sa silid na kanilang pinagtitipunan sa salaysay na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Ibinahagi Niya sa mga apostol ang tunay na galak na Kaniyang dulot sa pamamagitan nito. Hindi na puspos ng takot at pag-aalinlangan ang mga puso ng mga apostol. Sa halip na takot at pag-aalinlangan, puspos ng tunay na galak ang kanilang mga puso. 

Buong linaw na ipinaliwanag ni Apostol San Pedro sa mga tao sa salaysay na tampok sa Unang Pagbasa kung bakit ang mga apostol ay nakakagawa ng mga himala. Hindi nila nagagawa ang mga himalang ito na tunay nga namang dakila at kahanga-hanga katulad ng pagpapagaling sa lalaking lumpo mula sa sandaling isinilang siya sa lupa malapit sa Pintuan na Maganda gamit ang kanilang mga sariling kakayanan. Ang mga himalang ito ay kanilang nagagawa dahil pinahintulutan nilang kumilos ang Diyos. Sa pamamagitan ng pasiyang ito na bukal sa kanilang mga puso at loobin, ang Diyos ay dinakila nila nang taos-puso. 

Inihayag nang buong linaw ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan na tunay ngang maningning ang Kabanal-Banalang Ngalan ng Panginoong Diyos sa sanlibutan (Salmo 8, 2ab). Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahan, dapat nating tiyakin na magniningning sa bawat bahagi ng daigdig ang Kaniyang kaningningan. Sa pamamagitan ng pagbigay ng ating taos-pusong pahintulot na gamitin tayo ng Diyos bilang Kaniyang mga instrumento, magagawa natin ito. Kung lagi nating gagawin ito, dadakilain natin Siya nang taos-puso. 

Lubos na kinalulugdan ng Diyos ang mga magbibigay ng kanilang pahintulot na tunay ngang taos-puso na gamitin sila bilang mga instrumento Niya. Sa pamamagitan nito, hinahandugan nila Siya ng taos-pusong pagdakila. Ito ang dapat lagi nating gawin sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa mundo bilang mga debotong misyonero ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno taglay sa ating mga puso at kalooban ang tunay na galak at tuwang Kaniyang dulot. 

DINARAKILA SIYA NG MGA NAGBABAHAGI NG TUNAY NA GALAK NA KANIYANG DULOT

8 Abril 2026 
Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 1-10/Salmo 104/Lucas 24, 13-35 

"D'yos ay dapat parangalan ng banal N'yang sambayanan" (Salmo 104, 3b). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan nakatuon ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito na napapaloob sa Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay. Nagtagumpay ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno laban sa kasalanan at kamatayan. Ang Kaniyang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan ay hindi lamang para sa Kaniyang sarili. Bagkus, para rin ito sa bawat isa sa atin na bumubuo sa Kaniyang Simbahan. Kaya naman, bilang tugon, marapat lamang na ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay handugan ng taos-pusong pagdakila. 

Sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo, nagpakita sa dalawang apostol na naglakbay patungong Emaus ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Hindi ipinagkait ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ang galak na Kaniyang dulot sa dalawang apostol na ito, bagamat hindi nila Siya nakilala agad. Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay nakilala lamang nila noong nakasalo nila Siya sa bahay na kanilang tinuluyan. Noong nakilala nila Siya, napuspos sila ng tunay na galak. Ibinahagi nila sa kanilang mga kasama sa Herusalem ang galak na Kaniyang kaloob, gaya ng nasasaad nang buong linaw sa wakas ng salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Sa salaysay sa Unang Pagbasa, ibinahagi nina Apostol San Pedro at San Juan ang pagpapalang ito sa lalaking ipinanganak na lumpo na pinagaling nila sa Ngalan ng Nazarenong si Kristo Hesus na Muling Nabuhay. 

Ang Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay dinarakila nang taos-puso ng mga nagbabahagi ng tunay na galak na Kaniyang kaloob. Hindi nila sinasarili ang galak na dulot ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno. Bagkus, ang galak na dulot ng Muling Nabuhay na Poong Jesus Nazareno ay kanilang ibinabahagi sa kapwa-tao sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa. Ipinapakilala nila Siya sa lahat. Para sa lalong ikadarakila ng Kaniyang Kabanal-Banalang Ngalan, gagawin nila ito.