Sa Pagdiriwang ng aking Ika-16 na Kaarawan
Sabado Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon
1 Juan 5, 14-21/Salmo 149/Juan 3, 22-30
Kahapon ay ipinagdiriwang natin dito sa Pilipinas, lalung-lalo na sa Quiapo, Maynila, ang Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno. Ang prusisyon ng Traslacion ay paggunita sa paglipat ng imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno mula sa Bagumbayan (ngayon ay Luneta) papunta sa Basilica Minore sa Quiapo. Ito ang pinakamalaking prusisyon sa buong Pilipinas. Maraming mga deboto ng Mahal na Poong Nazareno ang nagtiis ng siksikan at marami pang iba para lang makalapit sa Mahal na Poong Nazareno.
Kapag ang marami sa atin ay tinatanong kung sino ang Pintakasi ng Simbahan ng Quiapo, madalas nating sinasabi na ang Poong Hesus Nazareno ang Pintakasi ng Simbahan ng Quiapo. Ang Santong Pintakasi ng Simbahan ng Quiapo ay si San Juan Bautista, ang pinsan ng Panginoong Hesus. Ipinagdiriwang ng Simbahan ng Quiapo ang kapistahan nito tuwing ika-24 ng Hunyo, ang araw ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista.
Subalit, maihahalintulad natin ang pagpunta ng mga deboto sa Quiapo upang dalawin ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa halip na si San Juan Bautista ang ating Ebanghelyo ngayon. Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagbalita ng mga alagad ni San Juan Bautista tungkol sa pagdami ng mga taong pumupunta kay Hesus. Noong nagpakita si Hesus, hindi na si San Juan Bautista ang pinupuntahan ng mga tao. Bagkus, si Hesus na ang mas masikat sa dalawa.
Alalang-alala ang mga alagad ni San Juan Bautista dahil kumukonti na ang mga pumupunta sa kanila. Pero, si San Juan Bautista ay nagalak dahil parami nang parami ang pumupunta kay Kristo. Alam ni San Juan Bautista ang kanyang misyon at papel sa buhay ni Kristo - siya ang tagapaghanda lamang. Hindi siya ang bida. Si Kristo ang bida. Ang papel ni San Juan Bautista ay katulad ng papel ng abay ng lalaking ikakasal sa isang kasalan.
"Kinakailangang Siya ay maging dakila, at ako nama'y mababa." (He must increase; I must decrease.) Nagagalak si Juan Bautista para kay Hesus. Sa wakas, makikilala na ng mga tao kung sino ang Mesiyas. Inihanda ni Juan Bautista ang daraanan ng Panginoon. Ang mga tao'y inihanda rin ni Juan Bautista para sa pagdating ng Mesiyas. Ngayong dumating na si Hesus, ang Mesiyas, nagagalak na si San Juan Bautista dahil makikita at makikilala ng buong santinakpan ang Tagapagligtas.
Ipinagdiriwang ko po ngayong araw na ito ang aking kaarawan. 16 anyos na po ako ngayon. Subalit, hindi ko itinatampok ang aking sarili sa mismong araw ng aking kaarawan. Hindi po ako ang bida ngayong araw ng aking kaarawan. Bagkus, ang bida ngayong araw ng aking kaarawan ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus. Ang Panginoong Hesus Nazareno ay mas dakila sa akin. Ang sinasabi ko ngayon ay katulad ng sinabi ni Cardinal Tagle noong siya'y itinalaga bilang Arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila noong Disyembre 12, 2011: "Hindi ito tungkol sa akin. Ang araw na ito ay tungkol sa Panginoon."
Ang Panginoong Hesukristo ang dahilan kung bakit ako ay nabubuhay ngayon. Ipinagkaloob sa akin ni Hesukristo, ang Mahal na Poong Nazareno, ang biyaya ng buhay, katulad ninyo. Si Hesus Nazareno ang dahilan kung bakit gusto kong maging pari. Mula noong ako'y bata pa, gusto ko nang maging pari. Ang habag at pagdamay ni Hesus Nazareno ang dahilan kaya nais kong maging pari pagkatapos ng aking mga pag-aaral. Handa akong tumugon sa tawag ni Hesus Nazareno sa akin.
Nagpapasalamat ako sa Panginoong Hesus para sa buhay ko. Nagpapasalamat ako sa Panginoong Hesus para sa aking mga kapamilya at kaibigan, lalung-lalo na ang aking mga ka-Facebook at kapanalig. Nagpapasalamat ako sa Panginoong Hesus para sa mga paring tinitingalaan ko, katulad ng Santo Papa Francisco, Cardinal Chito Tagle, Archbishop Soc Villegas, Bishop Mylo Vergara, Msgr. Clem Ignacio, at marami pang iba. Ako'y nagpapasalamat sa Panginoong Hesus para sa lahat, lalung-lalo na para sa inyong lahat. Pero, hindi ako ang bida ngayong araw na ito. Ang bida ngayong araw ng aking kaarawan ay walang iba kundi si Hesus.
Si Hesus ang ating Panginoon. Siya ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. Ako, katulad ninyong lahat, ay mga abang lingkod ng Panginoon. Hindi ako karapat-dapat sa Kanya. Sa tingin ko pa, ako pa ang pinakaaba at pinakamakasalanang tao dito sa mundo. Pero, nananalig ako na tatawagin ako ng Panginoong Hesus pabalik sa Kanya dahil sa Kanyang awa at habag sa lahat ng mga abang makasalanan.
Ang hiling ko po sa inyo, ngayong araw ng aking kaarawan, ipagdasal po ninyo ako at ang lahat ng mga kaparian. Ipagdasal po ninyo ang Santo Papa, lalung-lalo nang papalapit na ang kanyang apostolikong pagdalaw sa ating bansa. Magbigay-papuri at pasasalamat din tayo sa ating Panginoong Diyos, ang Banal na Santatlo - Ama, Anak at Espiritu Santo.
O Panginoong Hesus, maraming salamat sa biyaya ng buhay na ipinagkaloob Mo sa aming lahat. Nawa'y makapamuhay kami ng isang buhay na ganap at kasiya-siya, sa tulong ng Iyong awa at grasya sa amin. Amen.
AWIT NG PAGNINILAY: "Walang Hanggang Pasasalamat"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento