Pebrero 15, 2015
Ika-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Levitico 13, 1-2. 44-46/Salmo 31/1 Corinto 10, 31-11, 1/Marcos 1, 40-45
Natunghayan natin ang makasaysayang pagdalaw ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas noong nakaraang buwan. Ang tema ng apostolikong pagdalaw ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas ay, "Habag at Malasakit." Mula sa una at huling araw ng pananatili ng Santo Papa sa ating bansa ay ipinadama niya sa ating lahat ang awa at habag ng Panginoong Diyos, lalung-lalo na sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Yolanda sa Leyte noong 2013.
Awa at malasakit din ang naging dahilan ng pagparito ng Panginoong Hesukristo sa sanlibutan. Sa Miyerkules (Pebrero 18) ay sisimulan natin ang banal na panahon ng Kuwaresma. Sa pamamagitan ng panahon ng Kuwaresma, pinagninilayan natin ang awa at habag ng Panginoon sa sangkatauhan. Iisa lamang ang dahilan ng pagparito ni Hesukristo - awa at habag sa sangkatauhan.
Bago pumasok sa banal na panahon ng Kuwaresma, matutunghayan natin sa Mabuting Balita ngayong araw ng Linggo ang habag at malasakit ni Hesus. Sa Ebanghelyo, natunghayan natin kung paanong naawa si Hesus sa isang ketongin. Ang ketonging ito ay hindi makaranas ng kausap o karamay. Nag-iisa lamang ang ketongin sa kanyang pagdurusa. Wala siyang karamay o kaisa.
Mahirap ang buhay para sa isang ketongin. Noong kapanahunan ni Hesus, ang mga ketongin ay hinihiwalay mula sa lipunan. Hindi sila kabilang sa lipunan ng mga Hudyo sapagkat sila'y marumi. Ang mga ketong ay nahiwalay sa kanilang mga mahal sa buhay, mga kaibigan, etc. Bawal lumapit sa kanila ang mga tao. Kapag may mga taong papalapit sa kanila, sisigaw sila ng, "Marumi! Marumi!" upang hindi mahawaan ng ketong ang ibang tao.
Noong mabalitaan ng ketongin sa Ebanghelyo ang lahat tungkol kay Hesus, lumapit siya kay Hesus at hiniling na pagalingin siya mula sa kanyang ketong. Buong pananalig siyang naniwala na si Hesus lamang ang may kakayahang magpagaling sa kanya. Nagmakaawa siya at nagpaalam kay Hesus na pagalingin siya. Humihingi siya ng awa at habag mula kay Kristo upang mapagaling siya ni Kristo.
Ang awa at malasakit ni Kristo ang nag-udyok sa Kanya na pagalingin ang ketongin mula sa kanyang sakit. Naaawa si Kristo sa ketongin. Alam ng Panginoon na nagdurusa ang ketongin dahil hindi niya makakasama ang kanyang pamilya at kaibigan. Hiniwalay at hindi tinanggap ng lipunan ang ketongin dahil sa kanyang karamdaman. Tagalabas ang ketonging ito. Matagal nang nagdurusa ang ketongin dahil sa pagtingin sa kanya ng lipunan.
Dahil sa habag at malasakit ng Panginoon, nawala ang ketong ng ketongin sa Ebanghelyo. Bumalik sa dati ang kanyang balat. Makutis na ang kanyang balat. Wala nang ketong. Makakapiling niya muli ang kanyang mga pamilya at kaibigan. Ang himalang ginawa ni Hesus sa ketongin ay nagdulot ng malaking kagalakan sa kanya. Pinalaya ang ketongin ni Hesus mula sa kanyang ketong, at ito'y nagdulot ng malaking tuwa sa lalaking may ketong noon.
Katulad ng ketongin sa Ebanghelyo, manalig tayo sa habag at malasakit ng ating Panginoon. Ang Diyos ay isang diyos na maawain at mahabagin. Walang makakatumbas sa awa at malasakit ng Diyos sa atin. Humingi tayo sa Diyos ng Kanyang awa at habag. Manalig lamang tayo na tayo'y kahahabagan at kaaawaan ng Diyos. Laging nakahanda ang Diyos na ipadama sa lahat ang Kanyang habag at malasakit. Ang habag at malasakit ng Diyos ay napakalaki at napakadakila. Hindi ito mapapantayan. Magtiwala lang tayo sa awa at habag ng Diyos.
O Diyos, kaawaan at kahabagin Mo kami, lalung-lalo na sa mga matitinding pagsubok sa aming buhay. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento