Miyerkules, Enero 4, 2023

POONG JESUS NAZARENO: ANG KUSANG-LOOB NA NAGPASIYANG IBIGAY ANG BUO NIYANG SARILI BILANG REGALO

6 Enero 2023 
Ika-6 ng Enero sa Panahon ng Pasko ng Pagsilang 
Ikapitong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno 
1 Juan 5, 5-13/Salmo 147/Lucas 3, 23-38 (o kaya: 3, 23. 31-34. 36. 38; o kaya: Marcos 1, 7-11) 

Screenshot: 28 Disyembre 2022 • PABIHIS sa Nuestro Padre Jesus Nazareno (Quiapo Church Facebook and YouTube Live Stream)

Kapag hindi tumapat sa araw ng Linggo ang araw na ito sapagkat tumapat sa araw ng Linggo ang mga araw ng Kapaskuhan at Bagong Taon, ipinagpapatuloy pa rin ng Simbahan ang taimtim na pagsaliksik at pagninilay sa misteryo ng pagkakatawang-tao at pagsilang ng Salita ng Diyos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno sa isang sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Sino nga ba talaga ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong gabi ng unang Pasko? Ano nga ba ang tunay Niyang pagkakilanlan? Ito ang mga tanong na pinagtuunan ng pansin ng Simbahan sa panahong ito ng Pasko ng Pagsilang. 

Bukod sa pagiging araw sa loob ng panahon ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, ang araw ring ito ay ang ikapitong araw ng taimtim na paghahanda para sa nalalapit na Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan ng pagdarasal ng Pagsisiyam o Pagnonobena sa karangalan ng Poong Señor. Marapat lamang na pagnilayan ang pagkakilanlan ng nagkatawang-taong Salita ng Diyos na si Jesus Nazareno at ang dahilan kung bakit Siya isinilang sa mundo noong gabi ng unang Pasko na siya ring dahilan kung bakit Niya ipinasiyang pasanin ang Krus. Ang Sanggol na isinilang sa sabsaban ay ang Nazarenong nagpasan ng Krus upang tayo'y maligtas. Ito ang misteryo ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Maraming tao ang nagsasabing ang Pilipinas raw ang bansang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko sapagkat Setyembre pa lamang ay nagpapatugtog na ng mga awiting Pamasko sa iba't ibang mga pampublikong lugar, katulad na lamang ng mga liwasan at mga mall sa bansa. Sa Kalendaryo naman ng Simbahan, ang panahon ng Kapaskuhan ay nagwawakas sa araw ng Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon na siya ring Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (maliban na lamang kung hindi ito tumapat sa araw ng Linggo). Subalit, mayroong isang natatanging lugar sa Pilipinas na kung saang tila maagang nagtatapos ang pagdiriwang ng Kapaskuhan: Quiapo. Bakit? Sapagkat may ilang nakakapansin na tila tapos na ang Pasko tuwing sasapit ang Bisperas ng Kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Maaari rin nating sabihing tila spoiler ang Quiapo, kung ihahalintulad ito sa mga pelikula o mga seryeng pinapanood sa telebisyon. Isipin lamang ninyo, parang kailan lamang, ang imahen ni Kristo bilang Banal na Sanggol na isinilang sa sabsaban noong gabi ng unang Pasko ay itinampok sa paggunita sa Kanyang Pagsilang pagsapit ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ay ipinagdiriwang. Tapos, mga higit-kumulang ng dalawa't kalahating linggo pagkalipas ng nasabing Dakilang Pista, itinatampok ang imahen o larawan ng ating Panginoon na nagpapasan ng Krus patungong Kalbaryo sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Kung tutuusin, kasisimula pa lamang ng isang panibagong taon sa sekular na kalendaryo, na napapaloob pa rin ng panahon ng Pasko ng Pagsilang sa Kalendaryo ng Simbahan, itinatampok na ang banal na larawan o imahen ng nagpakasakit na Kristo. 

Subalit, isang napakagandang paalala para sa bawat mananampalatayang Katoliko ang nalalapit na pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ipinapaalala ng nalalapit na pagdiriwang ng Kapistahan ng Traslacion ang tunay na dahilan ng Kanyang pagparito sa mundo. Noong gabi ng unang Pasko, sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem, isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno bilang katuparan ng pangako ng Diyos na maghahatid Siya ng kaligtasan sa lahat. Si Jesus Nazareno, ang nagkatawang-taong Salita ng Diyos, ay isinilang noong banal na gabi ng unang Pasko upang ipagkaloob sa atin ang biyaya ng Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay, ang Misteryo Paskwal. Iyan lamang ang dahilan ng Kanyang pagparito sa mundo. Ang paksang ito, ang tunay na dahilan ng Kanyang pagparito, ay tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito. 

Inilarawan ni Apostol San Juan sa kanyang pangaral sa Unang Pagbasa tungkol sa pagkamit ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Bugtong na Anak ng Diyos na si Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, kung paano Niya iniligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagbubo ng Kanyang Dugo, iniligtas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang sangkatauhan (1 Juan 5, 6). Sa Ebanghelyo, itinampok ang bersyon ni San Lucas ng talaan ng angkang kinabilangan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Isang bagay lamang ang nais isalungguhit at ituro ng mga Pagbasa para sa araw na ito. Ipinasiya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na dumating sa mundong ito at pasanin ang Kanyang Krus alang-alang sa atin. Ito ang dahilan kung bakit Siya bumangon nang tatlong ulit matapos ang tatlong ulit na pagkasubasob dahil sa bigat ng Krus sa makipot at masikip na daan patungo sa bundok ng Kalbaryo. Hindi naman mandatoryo para sa Mahal na Poon na gawin iyon. Subalit, ginawa Niya ito alang-alang sa atin dahil ninais at niloob Niyang iligtas tayo. 

Upang tayo ay magkaroon ng kaligtasan at buhay na walang hanggan, kusang-loob na ipinasiya ng ating Mahal na Poong Jesus Nazareno na ibigay sa atin ang Kanyang sarili bilang pinakadakilang regalo. Ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang sarili bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kaya naman, dumating Siya sa mundo bilang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa sabsaban sa gabi ng unang Pasko. Gayon din naman, noong sumapit ang takdang panahon, ang Krus ay Kanyang hinarap, tinanggap, niyakap, at pinasan. Isa lamang ang dahilan ng lahat ng ito: nais Niya tayong iligtas at pagkalooban ng buhay na walang hanggan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento